Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 31

DAHAN-DAHANG iminulat ni Agueda ang kaniyang mga mata ngunit agad rin siyang napapikit nang isang matinding liwanag ang bumungad sa kaniya.


Pinakiramdaman niya ang kaniyang sarili. Malambot ang kaniyang hinihigaan ngunit kakaiba ang amoy ng paligid kaya't nakakasiguro siyang wala siya sa kaniyang silid. Bahagya niyang iginalaw ang kaniyang mga paa ngunit agad siyang napadaing dahil sa kirot mula sa kaniyang sugat. Doon na namubalik sa kaniyang alaala ang lahat. Huli niyang natatandaan ay hinahabol siya ni Santiago at nabaril siya nito.


Mabilis siyang napamulat nang maalala niya si Simeon. Tiyak siyang ito ang huli niyang nakita bago siya nawalan ng ulirat.


Hindi nga siya nagkamali nang bumungad sa kaniya ang mukha ng isang lalaking akala niya'y hindi niya na makikita.


Nakaupo ang binata sa kama at nakatitig lamang ito sa kaniya.


Kumurap si Agueda. Kinukumbinsi niya ang kaniyang sarili kung totoo ba ang kaniyang nakikita. Matagal na niyang pinutol ang ugnayan nilang dalawa ng lalaki kaya't isang malaking kabaliwan ang kanilang muling pagtatagpo.


"Gising ka na pala," rinig niyang sambit ni Simeon.


Natauhan si Agueda. Pinilit niya ang kaniyang sarili na tumayo ngunit hindi pa man siya nakakagalaw ay napangiwi na siya nang maramdaman ang sakit sa kaniyang binti.


"Hindi pa magaling ang iyong sugat. Huwag ka munang gumalaw," puna ng binata.


Lumapit sa kaniya si Simeon. Bahagya pang nagulat si Agueda nang hawakan siya nito sa kaniyang bewang upang tulungan siyang isandal sa ulunan ng kama. Napakapit na lamang siya sa balikat nito nang muling kumirot ang kaniyang sugat. Muli siyang natahimik nang tinitigan siya ng binata. Hindi niya alam kung anong iniisip nito ngunit namumugto ang mga mata ng lalaki na animo'y ilang araw na itong hindi natutulog. Bahagya ring magulo ang buhok nito. Malayo ang itsura nito sa binatang kaniyang nakilala noon.


Tumayo si Simeon at kinuha ang isang trey ng pagkain mula sa lamesa. Ibinababa niya ito sa kama.


"Tiyak akong gutom ka na. Kumain ka muna bago ka magtanong," malamig na utos nito.


Muling tumayo si Simeon at nagtungo sa bintana. Sumandal siya doon at kumuha ng isang libro mula sa lalagyan. Binabasa ng binata ang ikalawang libro ng Noli Me Tangere; ang El Filibusterismo.


Tahimik lamang ito na animo'y walang ibang tao sa kaniyang silid. Nakatuon ang buong atensyon nito sa librong hawak niya. Kumunot ang kaniyang noo nang makita ang nakabalot na braso ng binata. May kaunting dugo pa ang bumakat sa puting gasa nito. Sa kaniyang pagkakatanda, hindi naman niya napuruhan ang binata nang magkasugapa sila. Saan nito nakuha ang kaniyang sugat?


Imbes na magtanong, itinuon na lamang ni Agueda ang kaniyang mga mata sa nakahaing pagkain. Isang tinapay, keso, ubas, asadong karne ng baka, gulay at kanin. Bigla siyang natakam sa kaniyang nakikita. Hindi niya alam kung ilang araw na siyang narito sa silid ng binata ngunit sapat ang nararamdaman niyang gutom upang ipaglagay na ngayon lamang siya nagising mula sa mahabang pagkakahimbing.


Muli niyang tiningnan si Simeon. Nakaharap ito sa kaniya habang nagbabasa. Bigla siyang nahiya kaya't tanging ang isang baso na lamang ng tubig ang kaniyang kinuha.


Samantala, napansin naman ni Simeon ang pinong galaw ng dalaga. Gumalaw siya upang talikuran ito. Humarap siya sa bintana at pinagmasdan ang mga taong dumaraan sa labas. Sandali niyang pinakiramdaman ang kasama niyang dalaga hanggang sa makarinig siya ng tunog ng mga nagbabangaang kubyertos.


Sa gitna ng kaniyang pagbabasa, napangisi na lamang si Simeon nang magsimula nang kumain si Agueda. Kailan pa ito nahiya sa kaniya?


Dumaan ang ilang minutong katahimikan hanggang sa binasag ito ng isang tanong mula sa dalaga.


"Paano mo ako nahanap?" usisa niya.


Isinara ni Simeon ang hawak niyang libro bago harapin ang dalaga. Batid niyang magtatanong at magtatanong ito. Humarap siya rito at una niyang napuna ang trey ng pagkaing katabi nito. Naubos ng dalaga ang lahat ng pagkain maliban na lamang sa ubas. Mukhang hindi ito kumakain ng ganoong prutas.


Sumandal siya sa gilid ng bintana tsaka humalukipkip habang tinititigan si Agueda. Hindi niya alam kung saan magsisimula.


"Muntik na kitang mapatay kung hindi lamang kita nakilala," panimula ni Simeon. "Binabaril kita mula sa parola. Patawad, hindi ko alam na ikaw pala iyon."


Natigilan si Agueda. Bumalik sa kaniyang alaala ang mga pangyayari sa daungan. Hindi sana siya matutunton ng mga guardia sibil kung hindi dahil sa taong umatake sa kaniya mula sa parola.


Kung gayon, si Simeon pala ang taong iyon. Pinag-aralan niya ang katawan ng lalaki at ng taong nakasagupa niya sa daungan. Pamilyar rin sa kaniya ang suot nito. Kung hindi siya nagkakamali, iyon rin ang suot ni Simeon noong unang pagtatagpo nila sa gabing namatay ang dating Gobernador-Heneral Lubaton. Bakit hindi man lang niya nakilala si Simeon?


"Hindi rin kita nakilala at hindi kita makilala sapagkat iba ang katauhan mo tuwing humahawak ka ng baril at iba ang katauhan mo tuwing humaharap ka sa akin. Kung tutuusin, magkalaban tayo. Binabaril mo ako noong mga oras na iyon sapagkat magkalaban tayo. Ngunit, anong ginagawa ko rito sa iyong silid? Bakit mo ako ginamot? Bakit mo ako tinulungan?"


"Binaril kita dahil hindi kita nakilala. Tinulungan kita dahil kilala kita."


Nagsalubong ang kilay ni Agueda. Hindi niya maintindihan ang ibig ipahiwatig ng binata. Isang malaking katanungan ang bumuo sa kaniyang isipan. Isang katanungang iniwasan niya dalawang buwan pa lamang ang nakalilipas.


Sinalubong niya ang mga tingin ni Simeon. Hindi man lamang ito kumurap habang kinakausap siya. Ayaw niya ang mga tinging ibinigay nito sa kaniya. Hindi niya kayang suklian iyon.


"Kailan ka pa nakarating rito sa Cavinti?" pag-iiba ni Agueda ng usapan.


Napansin naman iyon ni Simeon ngunit imbes na komprontahin ang dalaga. Pinili na lamang niyang sagutin ang tanong nito.


"Noong araw ng pag-atake sa daungan, kararating ko lamang noon galing sa Maynila. Wala akong balak na bumalik nang mas maaga ngunit inatasan ako ng aking ama upang magmanman sa daungan habang ginagawa ang paglilipat ng mga kaban ng armas."


"Ang kaban ng mga armas—"


"Nadikwat iyon lahat ng mga rebelde," putol ni Simeon sa kaniya. "Ang mga de-kalibreng armas na galing sa Espanya ay pinalitan ng mga kalibre."


Tumikhim si Agueda.


Si Artemio ang nakaisip ng bagay na iyon. Kung gayon, nagtagumpay nga ang kanilang kilusan. Nakuha nga nila ang kanilang kailangan. Hindi niya maiwasang isipin kung anong naging reaksyon ng Gobernador-Heneral at ni Santiago nang makita iyon.


"Naghihimutok sa galit ang aking ama dahil sa nangyari. Nawalan ng dignidad si Santiago nang maisahan niyo siya. Lalo pang humigpit ang pagbabantay ng mga guardia sibil rito sa bayan. Hindi magtatagal gagalugarin ng mga ito ang Bundok Mirador at iba pang mga karatig gubat nito."


Tumaas ang kilay ng dalaga. "Paano nalaman ng mga guardia sibil na nasa Bundok Mirador ang aming kuta?"


"Ipinaalam ko sa kanila."


Mistulang nabingi si Agueda sa kaniyang narinig.


"Ano!? Ipinahamak mo ang buong kilusan dahil sa ginawa mo!"


"Kung matalino ang inyong pinuno, marahil nahinuha na niyang magsisiyasat ang mga guardia sibil sa bundok kaya't tiyak akong nakalipat na rin kayo ng lugar. Noong araw ng pag-atake, wala akong ibang mapamimilian kaya't kinailangan kong gawin iyon."


Kasama nga sa kanilang mga plano ang paglilipat ng mga gamit mula sa unang kuta patungo sa pangalawa. Batid niyang nagawa na iyon ng kapitan sa mga oras na ito. Ngunit, hindi niya maiwasang mainis sa ginawa ni Simeon. Hindi man nito itinuro ang eksaktong daan ngunit binigyan niya ng paraan ang mga dayuhan upang makalapit sa kanilang unang kuta.


"Nakita mo na ang unang kuta namin noong minsan mong natunton ang maliit na kubong iyon. Inatasan ka ng iyong ama upang pangalagaan rin ang mga armas ngunit nabigo ka. Kaya mo ba sinaktan ang iyong sarili upang hindi ka paghinalaang tinulungan mo ako?"


Umiwas ng tingin ang binata. Hindi niya akalaing mabilis na mapagtagpi-tagpi ni Agueda ang mga pangyayari. Hindi niya sinaktan ang kaniyang sarili para lamang sa dalaga. Ginawa niya iyon upang paniwalaan siya ng kaniyang ama na ginawa niya ang lahat upang protektahan ang mga armas. Kinailangan niyang magsinunggaling upang hindi siya saktan nito. Kilala niya ang kaniyang ama. Alam niya kung paano ito magalit.


"Hindi ko sinaktan ang aking sarili. Nasugatan ako noong engkwentro," pagsisinungaling niya. "Bakit ko naman sasaktan ang aking sarili para sa iyo?"


Nagkibit-balikat lamang si Agueda. Hindi na niya inusisa pa ang binata. Madali itong basahin at tiyak siyang nagsisinunggaling si Simeon sa kaniya upang hindi ito mapahiya. Hindi siya tatanaw ng utang na loob dito dahil hindi naman niya hiningi iyon sa lalaki. Sa ngayon, kailangan niyang magpagaling. Tiyak siyang nag-aalala na ang kaniyang mga kasapi sa kaniya lalo na ang Kapitan.


Umayos siya ng upo upang tingnan ang kaniyang natamong sugat. Hinawi niya ang makapal na kumot sa kaniyang katawan kaya't lumantad sa kaniya ang kaniyang binti.


Nanlaki naman ang mga mata ni Simeon nang makita iyon ngunit agad rin siyang umiwas ng tingin bago pa man niya matitigan ang binti ng dalaga.


Punit ang suot nitong pantalon nang ginamot niya ito. Hindi na niya ito binihisan sapagkat wala siyang lakas ng loob upang gawin iyon. Bahagya na lamang siyang tumalikod habang sinusuri ng dalaga ang kaniyang sugat.


"Ikaw ba ang gumamot sa akin?" rinig niya dito. "May kaalaman ka ba sa panggagamot?"


"Dati akong Koronel ng sandatahan ng Espanya. Bilang isang sundalo, kailangan kong turuan ang aking sarili na gamutin ang aking mga sugat."


Sumulyap si Agueda kay Simeon. Nakatalikod sa kaniya ang binata. Inilibot ni Agueda ang kaniyang mga tingin sa silid ng lalaki. Wala siyang nakikitang kahit ano na siyang magpapatunay sa sinabi nito. Wala siyang nakikitang mga medalya, uniporme, gamit pandigma upang mapatunayan nitong isa nga itong koronel. Magaling itong magtago.


"Mataas pala ang katungkulan mo sa sandatahan ngunit bakit ka umalis?" tanong ni Agueda.


Napalingon si Simeon sa kaniyang gawi dahil sa gulat ngunit agad rin siyang tumalikod nang makitang nakabalandra pa ang binti ng dalaga. Napansin naman iyon ni Agueda kung kaya't muli na niya lamang sinakluban ng kumot ang kaniyang sarili.


"Paano mo nalaman ang tungkol doon?" tanong niya sa dalaga. "Hindi ko naman binanggit sa iyo ang aking pagbibitiw sa puwesto."


"Kumalap ako ng ilang impormasyon tungkol sa iyo kaya ko iyon nalaman. Sabi nila, madali mong mapapatumba ang iyong kalaban kung kikilalanin mo siya."


Umangat ang sulok ng labi ni Simeon.


"Mali yata talagang tawagin kayong mga mangmang."


"Maaari ka nang humarap. Wala ka nang ibang makikita," paalala naman ni Agueda.


Humarap naman si Simeon at nakahinga siya nang maluwag nang makita ang ayos nito.


"Maniwala ka man o hindi, matatalino ang mga Pilipino, pinagkaitan lamang kami ng pagkakataong ipakita iyon," dagdag ng dalaga.


"Alam ko," sagot ni Simeon. "Hindi ba't kaya ka lumalaban upang bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na patunayan ang inyong mga sarili. Upang ipakita sa dayuhan na kaya ninyong pamunuan ang sarili niyong bayan?"


Tumango ang babae.


"Isa nga iyon sa ipinaglalaban namin ngunit kung mayroon akong nais na mangyari, iyon ay tunay na lumaya ang aming bayan. Nais kong itakwil ang mga dayuhan paalis ng bansa. Nais kong ipakita sa kanila na pagmamay-ari namin ang Pilipinas. Nais kong ipamukha sa kanila na hindi kami madaling kalaban. Nais kong matakot sila. Nais kong maranasan rin nila ang pakiramdam ng hindi makatulog dahil sa labis na pag-aalala. Nais kong maranasan nila kung paano mangulila, malungkot, magdalamhati at mabigo."


"Kay tayog ng iyong pangarap, Agueda."


"Batid ko iyon ngunit ramdam kong papalapit na ako sa pangarap na iyon."


"Matutupad ba ang iyong pangarap sa pamamagitan ng iyong pagsapi sa kilusan. Tiyak akong may iba pang paraan upang mangyari iyon. Hindi mo kailangang isugal ang iyong buhay tulad ng ginawa mo sa daungan."


"Hindi mababago ang mundo kung iiyak lamang ako. Hindi magkakaroon ng pagbabago sa aking bayan kung wala akong gagawin."


"Ngunit isa kang babae." Walang pagdadalawang-isip na wika ni Simeon.


Bagama't magaling si Agueda sa pamamaril at pakikipaglaban ngunit lubhang delikado ang pinili nitong landas. Hindi lamang ito ang huling pagkakataong masasaktan si Agueda kung ipagpapatuloy nito ang kaniyang mga ninanais. Maaring masundan pa ang mga ganitong mga pangyayari, hindi sa lahat ng pagkakataon ay naroon siya upang tulungan ito.


"Gaya ng sinabi ko sa iyo noon, hindi hadlang ang aking kasarian upang labanan ko ang opresyon. Noong sumali ako sa kilusan, iniwan ko na ang lahat. Nakahanda na akong mamatay kahit anong oras."


Nagsalubong ang kilay ng lalaki. Hindi iyon maintindihan ni Simeon. Nakikita niya ang labis na determinasyon sa mata nito habang sinasabi iyon. Batid niya ang matinding pagmamahal nito sa bayan ngunit hindi niya akalaing hahantong ito sa pagbubuwis ng buhay. Hindi niya iyon makuha. Bakit si Agueda ang kailangang gumawa ng bagay na iyon?


"Ano bang katungkulan mo sa inyong kilusan? Bakit ganoon na lamang ang iyong malasakit rito?" tanong ni Simeon rito.


"Hindi ko kailangan magkaroon ng katungkulan upang maglasakit. Sumumpa ako sa kilusan na aking paglilingkuran ang bayan sa abot ng aking makakaya. Kalakip na doon ay ang pagbubuwis ng aking buhay upang maprotektahan ang aming pagkakakilanlan sa lahat ngunit—"


"Ngunit?" putol ng binata.


"Nalaman mo ang aking sekreto. Hindi ko ninais ngunit mukhang nakasalalay na sa iyo kung matutupad man ang aking mga pangarap o hindi. Sa lahat ng lugar, dinala mo ako rito sa iyong silid upang gamutin. Isang lugar kung nasaan rin ang aking mga kaaway. Marahil limang pinto lamang ang layo ng Gobernador-Heneral rito sa kwarto mo kaya't hindi ko rin alam kung tinutulungan mo ba ako o inilalagay mo ako sa kapahamakan."


Umiling si Simeon. "Kung mayroon mang lugar na hindi ka nila mahahanap—dito iyon. Sa aking silid, ligtas ka rito Agueda."


"Nais mo bang isipin kong utang na loob ko sa iyo ang aking pagkakaligtas?"


"Hindi iyon ang nais kong isipin mo," tugon ng binata. "Nais kong isipin mong tinulungan kita dahil hindi mo ako kaaway, Agueda. Bagama't anak ako ng Gobernador-Heneral ngunit gaya ng sinabi ko noon, hindi ko laban ang mga laban ng aking ama. Hindi ko kaaway ang kaniyang mga kaaway. Sa pagkakataong ito, nais kong mapatunayang kakampi mo ako."


Ngumisi si Agueda. "Mas matimbang pa rin ang dugo kaysa sa tubig. Ngunit huwag kang mag-alala sapagkat hindi naman kita itinuturing bilang kaaway ngunit hindi rin kita kakampi. Isa ka lamang estrangherong nakilala ko sa gitna ng aking pakikidigma."


"Ngunit ayokong manatiling estranghero lamang sa iyo," dagdag ni Simeon.


"Sa aking pagkakatanda, pang-apat na beses ka nang nagtatapat ng iyong damdamin sa akin."


Natigilan si Simeon.


Nakatitig lamang sa kaniya ang dalaga na pawang binabasa nito ang kaniyang buong pagkatao. Batid niyang hindi magtatagal ay mababatid rin ng babae ang tunay niyang mensahe sa likod ng kaniyang mga kinikilos. Hindi niya ninais ang kaniyang nararamdaman ngayon. Hindi niya ito hiningi. Kung tutuusin, malayo si Agueda sa babaeng nais niyang mahalin. Nais niyang makatagpo ng babaeng mahinhin, hindi makabasag pinggan at malumanay magsalita. Ngunit, kabaliktaran ng lahat ng iyon si Agueda. Sa dalawang buwan nilang hindi pagkikita, lalo lamang niyang napatunayan ang kaniyang pagtingin rito.


"Kailan mo pa nalaman?" kabadong taong ng binata.


"Mula noong gabing sinabi mong dapat kitang katagpuin tuwing Biyernes. Hindi ako pinanganak kahapon upang ipagpalagay na ang singsing lamang ang dahilan kung bakit mo iyon ginagawa. Noong una ay ayaw ko pang maniwala. Kaya ako lumayo sa iyo sapagkat walang patutunguhan ang iyong nararamdaman para sa akin. Wala akong panahon sa mga ganitong bagay. Sa susunod, huwag mo na akong tulungan. Kahit na nakita mo akong sugatan, nahihirapan o nasa bingit ng kamatayan, huwag mo akong lapitan. Ayokong lumalim pa ang ating ugnayan kaysa sa anumang mayroon tayo ngayon."


Tumayo ng maayos si Simeon. Bagama't narinig niya na ang naging sagot ng dalaga sa kaniya ngunit hindi pa rin napapawi ang kaniyang pagtingin rito. Aaminin niyang nasasaktan siya sa mga binigkas nito ngunit hindi siya aatras.


Naglakad siya papalapit sa kama kung nasaan ang dalaga. Bumuntong hininga siya at nagpamulsa sa harapan nito. Sa katunayan ay nahulaan na niya ang gagawin ni Agueda. Batid niyang umiiwas ito sa tuwing ipinakita niya ang kaniyang interes rito.


"Duwag ka, Agueda," Walang pagdadalawang-isip niyang sambit. "Matapang ka nga sa labanan ngunit mahina ang iyong loob na harapin ang iyong nararamdaman. Tunay ngang humahanga ako sa iyo ngunit hindi mo iyon kailangang suklian. Hindi ko hinihingi ang iyong puso sapagkat batid kong walang sinumang maaaring umari nito maliban sa iyong tinubuang bayan. Hindi ko hinihiling na maging akin ka. Ngunit, payagan mo lang sana akong makita ka sa tuwing nanaisin ko."


"Hindi," tanggi ni Agueda. "Walang patutunguhan ang lahat ng ito. Sabihin mo nga, kaya mo bang iharap ako sa iyong ama? Makakaya mo bang piliin ako kaysa sa kaniya? Kaya mo bang sumapi sa kilusang aking kinabibilangan at iwan ang lahat ng kung anumang mayroon ka ngayon?"


Natahimik ang lalaki.


"Hindi 'di ba?" dagdag ng dalaga. "Huwag kang magsalita kung hindi mo kayang gawin. Magkaiba tayo ng panig at mundong ginagalawan. Nasa gitna tayo ng digmaan. Wala tayong panahon sa isang pag-ibig na hindi natin kayang panindigan."


Natuod si Simeon sa kaniyang kinatatayuan. Hindi siya umimik. Wala siyang balak na kontrahin ang sinabi ni Agueda sapagkat tama naman ito.


Ngunit, sa mga oras na iyon, hindi bumaba ang kaniyang pagtingin sa dalaga. Lalo lamang tumindi ang kaniyang paghanga rito.


Sa tanang buhay niya, ngayon lamang siya nakatagpo ng isang babaeng kayang pantayan ang kaniyang galing at tapang.


Hindi siya nagagalit rito.


Hindi niya ito susumbatan.


Hindi niya ito lalayuan o iiwasan man lang.


Nais niyang makita kung hanggang saan siya dadalhin ng kaniyang nararamdaman para sa dalaga.


Kung hindi man ito kayang suklian ni Agueda, magmamahal siya ng mag-isa.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro