Kabanata 30
HATINGGABI na.
Isang malaking sunog ang sumiklab sa gitna ng bundok ng Mirador. Tinatangay ng malakas na hangin ang itim nitong usok patungo sa alapaap. Mabibilis ang kilos ng apat na lalaki habang isa-isang tinatapon sa apoy ang mga bagay na gawa sa kahoy.
Mahirap matunton ang gitna ng gubat kung kaya't dito nila naisipang sunugin ang lahat ng mga bagay na ginamit nila sa kanilang pag-atake sa daungan. Kabilang na dito ang kalesang ginawa nila. Bagama't malaking pera ang kanilang sinasayang ngunit kailangan nila itong gawin sa kapakanan ng kanilang kaligtasan.
Pinapanuod lamang ng kapitan ang nangyayari habang aligagang nagsusunog ng mga putol-putol na piraso ng kahoy sina Buwitre, Alakdan, Kalapati at Tigre.
Ligtas ang lahat ng mga mandirigmang sumama sa kanilang pag-atake. Bagama't may iilan sa kanila ang napuruhan ngunit hindi naman ganoon kalubha ang lagay. Ginagamot na ang mga ito ni Ka Miyong sa kanilang kuta. Hindi na nila hinintay pa ang pagdating ng Jefe sapagkat batid naman ni Artemio na iyon ang kaagad nitong iuutos oras na makarating ito.
"Kapitan," tawag ng isang kararating lamang na binatilyo.
Napalingon si Artemio rito. "Nagawa mo na ba ang ipinag-uutos ko?"
"Opo, Kapitan. Nilinis ko na ang ating unang kuta. Hinalughog ko na ang buong kubo ni Ka Miyong. Wala akong iniwang kahit na ano na maaaring makapagtuturo sa lokasyon ng ating pangalawang kuta."
"Magaling. Nasaan sina Josefa at ang anak nito?"
"Nasa Puhon na po sila kasama rin si Alunsina."
Tumango ang Kapitan. "Ipaalam mo sa lahat na hindi na muna tayo magtutungo ng Salig sapagkat may mga dayuhan nang nakakaalam ng lugar na iyon. Malawak naman ang pangalawa nating kuta, manatili na lamang muna tayo doon hangga't hindi pa ligtas ang paligid."
"Masusunod po, Kapitan."
Akmang aalis na sana ang binatilyo nang muling magsalita si Artemio.
"Ang Jefe?" Nagdadalawang-isip na tanong niya.
Muling humarap sa kaniya si Manuel at yumuko.
"Ipapaumanhin niyo po, Kapitan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabalik ang Jefe. Wala ito sa ating una at pangalawang kuta. Masama po ang aking kutob, hindi kaya't nahuli na siya?"
Umiling ang lalaki. "Hindi mangyayari ang iniisip mo, Manuel. Matalino ang Jefe at kaya niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili. May tiwala ako sa kaniya. Mahaba pa ang gabi kaya't huwag tayong mag-isip ng mga bagay na hindi makakatulong sa atin. Tiyak akong darating ang Jefe bago pa man sumikat ang araw bukas."
"May tiwala naman po ako sa ating Jefe. Ngunit, natatakot at nagtataka lamang po ako, sampung oras na ang lumipas mula noong nakita ko siyang papatakas ng daungan kaya't hindi ko mapigilang mag-isip ng kung anu-ano. Tiyak naman akong nakatakas siya ngunit ano't hindi pa rin siya nakakarating?"
Natahimik ang Kapitan. Batid niya rin iyon. Alam niya kung anong nangyayari.
May kasunduan silang lahat. Pagkatapos ng kanilang misyon ay magtutungo agad sila ng kanilang pangalawang kuta. Hindi si Agueda ang tipo ng taong hindi tumutupad sa kaniyang mga pangako. Masama ang kaniyang kutob ngunit pinigilan niya ang kaniyang sarili na mag-isip. Mas matimbang ang kaniyang tiwala sa Jefe kaysa sa kaniyang mga takot. Bagama't hindi nalalayong mangyari nga ang iniisip ni Manuel ngunit kilala niya si Agueda. Kung sakaling nahuli nga ito, hindi ito magpapahuli ng buhay.
"Wala akong maisip na rason kung bakit hanggang ngayon ay wala pa siya ngunit batid kong may matinding dahilan ang Jefe kaya't hindi pa siya nakakarating," tanging naisagot na lamang ni Artemio.
"Kapitan!"
Naputol ang kanilang pag-uusap nang lumapit si Buwitre.
"Natupok na po ang lahat ng mga gamit."
Sinulyapan ni Artemio ang ginawa nilang sunog. Walang kahit anong natira sa mga gamit na kanilang tinapon. Naging abo na lamang ang mamahaling kalesang kanilang ginamit. Unti-unti na ring namamatay ang apoy dito.
Bumuntong hininga ang Kapitan. "Mainam. Bumalik na tayo sa ating kuta."
"Siya nga pala, Kapitan, ano po ang gagawin natin sa mga kabayo?" tanong ni Kalapati.
Niligon nilang lahat ang labin-dalawang kabayong nakagapos sa mga puno. Tahimik na kumakain ang mga ito ng saganang damo ng gubat.
"Pakawalan niyo na lamang," utos ng kapitan.
Agad na tumalima naman ang mga lalaki at isa-isang pinakawalan sa gubat ang mga kabayong kanilang ginamit. Pagkatapos nilang gawin ang huling hakbang ng kanilang misyon, agad na silang nagtungo ng Puhon kung saan naroon ang kanilang mga kasama sa kilusan.
Tanging ang hawak lamang na sulo nina Alakdan at Buwitre ang tanglaw sa kanilang paglalakbay. Madilim na ang gubat at naghahalo ang mga tunog mula ibat-ibang uri ng hayop na kung tutuusin ay nakakatakot ngunit hindi man lang kakakitaan ng kaba ang mukha nilang lahat. Sanay ang mga ito sa ganapan sa loob ng gubat.
Tahimik lamang ang kapitan habang naglalakad. Bagama't nakatuon ang kaniyang mga mata sa nilalakaran ngunit wala sa daan ang kaniyang isipan—kay Agueda.
Hindi man niya ipinapakita ngunit magulo ang kaniyang isipan. Iniisip niya kung nasaan ngayon ang Jefe. Hindi siya naniniwalang nahuli ito ng mga dayuhan. Nahihinuha niyang may nangyaring masama rito kaya't hindi pa ito nakakabalik.
Natauhan si Artemio nang matanaw niya ang liwanag na nanggagaling sa kanilang pangalawang kuta. Nasa labas si Ka Miyong kasama sina Josefa at Alunsina. Kumaway ang dalagita nang makita sila. Pawang hinihintay nito ang kanilang pagdating.
"Kumusta ang inyong lakad, Kapitan?" tanong ni Miyong nang tuluyan silang makalapit.
"Isinunog na namin ang mga kalesa at mga gamit nito sa loob. Ang mga kabayo ay pinakawalan na rin namin sa gubat. Nilinis na rin ni Manuel ang inyong kubo kaya't walang kahit na anong bagay na ang kahina-hinala doon."
Tumango ang matanda. "Kung gayon, ako'y babalik na sa ating unang kuta."
"Ngunit Ka Miyong," pigil ni Artemio. "Natunton na ng mga dayuhan ang bahay na iyon kaya't mangyayaring sisiyasatin ito kapag nagsimula na ang mga guardia sibil na galugarin ang gubat."
"Tulad nga ng iyong sinabi, naparoon na ang mga guardia sibil ngunit wala silang nakita sa aking kubo. Kung aalis ako at iiwan ang bahay na iyon, maghihinala ang mga dayuhan sa aking biglaang pagkawala."
Natahimik si Artemio. May punto nga ang sinabi nito.
"Magpalipas na lang po muna kayo ng gabi rito. Saka na po kayo lumisan pagsikat ng araw," payo ng binata.
Sumang-ayon naman doon si Miyong.
Pumasok na ang iba nilang kasama upang magpahinga habang naiwan naman ang dalawa sa labas upang pag-usapan ang kanilang katatapos lamang na misyon.
"Wala pa rin ang Jefe," tukoy ng matanda. "Masama ang kutob ko sa nangyayari."
Sinulyapan ni Artemio ang kausap. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala sa dalaga.
Bumuntong hininga siya. Ayaw niyang gatungan ang takot ng matanda. Ayaw niyang ipakita rito ang kaniyang pagkabahala.
"Matagumpay ang ating misyon. Nakuha natin ang mga kaban ng armas ng mga guardia sibil ngunit paano kung ang kapalit nito ay ang pagkakadakip sa ating Jefe?"
Umiling ang binata. "Hindi iyan mangyayari, Ka Miyong. Aaminin kong hindi na rin ako mapalagay sa nangyayari sa Jefe kaya't bababa ako ng gubat ngayon. Uuwi ako ng mansion. Baka sakalaing naroon lamang siya."
Kumunot ang noo nito. "Lubhang mapanganib kung maglalakbay ka ngayon, kapitan. Isa pa, umiiral pa rin ang kurpyo sa bayan. Hihigpit pa ang pagbabantay ng mga guardia sibil lalo dahil sa nangyari kanina. Magpalipas ka rin ng gabi rito at lumisan ka pagsikat ng araw."
"Hindi rin naman ako makakatulog kung gagawin ko iyan. Huwag kayong mag-aalala, Ka Miyong. Kaya ko na ang aking sarili. Maaalam ako sa bundok at sanay na rin akong pumupuslit sa mansion nang walang nakakapansin. Nais kong malaman kung anong nangyari sa Jefe. Kung makikita ko siya, doon lamang ako mapapalagay."
"Katatapos lamang ng misyon ninyo, hindi ka man lang ba magpapahinga kahit sandali lamang?" nag-aalalang tanong ng matanda.
Kita niya sa mga mata ng binata ang labis na pagod ngunit nangingibabaw doon ang pag-aalala nito sa dalaga. Batid niya ang namamagitan sa dalawa. Hindi man magkadugo ngunit magkapatid ang turingan ng mga ito sa isa't isa.
"Saka na po."
Humakbang si Artemio upang abutin ang sulong inilagay ni Buwitre sa gilid ng bahay. Muli niyang sinindihan ang tuktok nito hanggang sa nabuhay ang apoy doon.
"Hindi na po ako tutuloy sa loob. Ipaalam niyo na lamang sa ating mga kasama na bumaba ako ng bundok. Huwag po kayong mag-aalala sapagkat mag-iingat po ako."
Isang tango na lamang ang isinagot ng matanda.
Pinanuod niya ang binata habang naglalakad ito papalayo sa kanilang kuta. Malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan. Hindi siya sigurado ngunit hindi niya nagugustuhan ang mga kilos ng kapitan. Ayaw niyang pangunahan ang mga nangyayari ngunit nababasa niya sa mga mata nito ang katotohang higit pa sa pagiging kapatid ang tingin ni Artemio kay Agueda.
PAPASIKAT na ang araw nang tuluyang makababa si Artemio sa bayan. Kakaunti pa lamang ang mga tao sa daan. Karamihan sa kanila ay mga magsasaka, kargador at tindera sa palengke na maagang nagpupunta upang mag-ayos ng mga paninda.
Ramdam ng binata ang labis na pagod habang naglalakad ngunit ipinagsawalang bahala niya na lamang ito. Wala siyang oras upang magpahinga. Hindi siya magpapahinga hangga't hindi niya nakikitang ligtas si Agueda.
Binilisan ni Artemio ang kaniyang mga lakad nang matanaw niya ang malaking tarangkahan ng kanilang mansion. Pinili niyang dumaan sa likuran at umakyat ng puno upang tawirin ang matayog na bakod. Hindi niya mawari kung bakit kinakailangan niyang gawin iyon. Sa malaking bahay na ito siya nakatira ngunit higit pa sa magnanakaw ang ginagawa niya ngayon. Gayunpaman, hindi siya maaaring mahuli ni Maria o kahit sino man sa kanilang mga katulong sapagkat tiyak siyang isusumbong siya ng mga ito sa kaniyang ama.
Mula sa baba, tinanaw niya ang silid ni Agueda. Nakapinid ang bintana nito ganoon din ang kaniyang silid tulad ng kung paano nila ito iniwan bago sila umatake sa daungan.
Lumapit ang lalaki sa sekretong pinto sa likuran ng kanilang mansion. Hindi man siya sigurado ngunit nagbabakasakali siyang narito lamang si Agueda.
Maingat ang kaniyang mga hakbang nang pumanhik siya sa mahabang hagdan ng bahay patungo sa ikalawang palapag. Nasa kalagitnaan pa lamang siya nang marinig niya ang pagbukas ng pinto mula sa baba kung kaya't halos takbuhin na niya ang hagdan upang hindi siya makita ng taong biglang lumabas.
Nagtago si Artemio sa likuran ng isang malaking haligi ng kahoy. Sumilip siya mula roon at nakita si Maria hawak-hawak ang maliit na gasera. Inihatid niya ng tingin ito nang magtungo ito sa kusina.
Hindi na nag-aksaya ng panahon ang binata. Mabilis siyang nagtungo sa silid ni Agueda. Nasa harapan na siya ng pintuan nang bigla siya mapahinto. Hinanda na niya ang kaniyang sarili sa susunod na makikita.
Pagbukas niya ng pinto, tumabad sa kaniya ang tahimik, madilim at bakanteng silid. Walang anumang gamit doon ang nawawala o nagalaw man lang, senyales na hindi nagtungo rito ang dalaga. Wala rito si Agueda. Bukod sa kanilang kuta at mansion, hindi na niya alam kung saan ito hahanapin.
Akmang lalabas na sana siya nang mahuli ng kaniyang tingin ang isang makintab na bagay sa ibabaw ng lamesa. Nilapitan niya ito. Natagpuan niya ang isang paynetang hugis buwan na may palamuting kulay puting bulaklak sa itaas.
Sumagi sa kaniyang alaala ang araw kung kailan nila ito binili sa palengke. Sariwa pa sa kaniyang isipan ang mga ngiti ni Agueda habang pinagmamasdan ang bagay na ito noon. Binili niya ito para sa dalaga ngunit hindi man lang niya ito nakitang ginamit ng babae. Gayunpaman, kilala niya si Agueda. Batid niyang hindi ito kailanman magsusuot o mag-aayos bilang isang ganap na dalaga sapagkat malaki ang katungkulan nito sa kilusan.
"Señorito Artemio?"
Napalingon ang binata sa taong tumawag sa kaniya. Nakatayo si Maria sa gilid ng hagdan habang gulat na napatingin sa kaniya. Sa kaniyang pagkabigla, naisilid niya ang paynetang hawak sa bulsa ng kaniyang pantalon.
Mabilis siyang lumabas ng silid at isinara ang pinto.
"Kayo po ba iyan, Señorito?" Muli nitong tanong.
Naglakad ang babae papalapit sa kaniya upang ilawan ang mukha nito gamit ang dala niyang gasera.
"Maria, ako ito."
"Señorito Artemio, anu't maaga po kayong nagising?" takang tanong ng dalaga.
"May itatanong lang sana ako kay Agueda ngunit siya'y natutulog pa. Mamaya na lamang."
Humakbang ang lalaki upang lumayo rito. Tinungo niya ang kaniyang silid. Sinundan naman siya ni Maria.
"Señorito, ano po ang nais niyong ihain ko ngayong agahan?"
"Kahit ano na lamang, Maria. Salamat."
Hindi na niya hinintay pang usisain siya ng dalaga. Kaagad niyang binuksan ang pinto ng kaniyang silid at pumasok doon.
Nagkibit-balikat na lamang din ang katulong at muling bumalik sa kusina upang ipagpatuloy ang ginagawa.
Samantala, binuksan ni Artemio ang bintana ng kaniyang silid dahilan upang pumasok ang unang sinag ng araw sa loob. Bumuntong hininga siya. Hindi siya mapakali. Ayaw niyang ipagpalagay na nahuli nga ang Jefe. Malaki ang kaniyang tiwala sa galing nito. Malakas ang kaniyang loob na narito lamang si Agueda sa bayan. Hindi siya titigil hangga't hindi niya ito nahahanap.
Dagling nagbihis si Artemio ng kaniyang damit at piniling suotin ang mamahaling terno at kurbata. Nakapa pa niya ang paynetang nadala niya ngunit imbes na ibalik ito sa silid ng dalaga, pinili niya na lamang dalhin ito at isinilid sa kaniyang suot na bagong pantalon.
Hahanapin niya si Agueda hindi bilang kapitan ng kilusan kundi bilang si Artemio. Magiging madali iyon sa kaniya sapagkat mayroon silang koneksyon sa bayan at kilala rin siya ng mga tao dahil sa kaniyang ama.
Bago lumabas ng silid, dinikwat pa ng lalaki ang isang rebolber sa nakatago sa ilalim ng kaniyang kama at nagdesisyong dalhin ito. Itinago niya itong mabuti sa kaniyang likuran. Hinablot niya rin ang kaniyang kulay itim na sombrero at sinuot ito.
Bumungad sa kaniya ang amoy ng nilulutong daing na isda nang bumaba siya ng hagdan. Hindi na siya magpapaalam pa kay Maria sapagkat batid niyang uusisain lamang siya nito. Dumiretso ang binata sa malaking pintuan ng mansion at maingat na lumabas.
Nagsisimula nang dumami ang tao nang makarating siya sa palengke ngunit kapansin-pansing kakaunti lamang ang mga tao ngayon kumapara sa mga ordinaryong araw rito sa bayan. Marahil karamihan sa mga ito ay natakot pang lumabas sanhi ng kaguluhang naganap kahapon sa daungan.
Maya't mayang nagroronda na rin ang mga guardia sibil dala ang kanilang mga armas. Isa-isa nitong iinspeksyon ang mga taong dumaraan na pawang may taong hinahanap.
Lakas loob namang naglakad si Artemio sa palengke. Batid niyang hindi siya paghihinalaan ng mga tao dahil sa gara ng kaniyang suot at sa yaman at kapangyarihang nakakabit sa kaniyang pangalan.
Binigyan niya ng matipid na ngiti ang isang guardia sibil nang mapadako ang tingin nito sa kaniya. Tulad ng inaasahan, hindi man lang siya nito pinatigil upang usisain. Ipinagpatuloy ng binata ang kaniyang ginagawa. Niisa-isa niya ang bawat tindahan sa palengke ngunit wala siyang napala. Naglalakbay ang kaniyang mga tingin sa mga taong nagdaraan ngunit wala sa kanila ang dalagang hinahanap.
Nakarating si Artemio sa Hora Feliz. Maaga pa kaya't wala pang tao sa loob. Nakabukas ang pintuan nito kung kaya't naaninag niya si Pablo sa loob habang naglilinis.
Pumasok siya upang magbakasakaling napadaan roon si Agueda.
"O, mi amigo, Artemio!" Gulat na sambit ni Pablo nang makita siya. Dagling binitawan nito ang hawak na walis at lumapit sa kaniya. "Kay aga mo yatang pumarito."
Nginitian ni Artemio ang kaibigang insulares. Hindi niya ito sinagot sapagkat abala ang kaniyang mga matang naglalakbay sa loob ng tindahan. Wala siyang makitang kahit sinuman sa loob maliban sa kanilang dalawa. Napansin naman iyon ni Pablo kung kaya't sinundan niya rin ang mga tingin ng kaharap.
"May hinahanap ka ba?" tanong niya.
Natauhan si Artemio. "Wala naman, Pablo. Namamangha lamang ako sapagkat kay lungkot pala ng tindahang ito tuwing umaga."
"Siyang tunay," sang-ayon nito. "Tuwing gabi lamang nabubuhay ang aking tindahan sapagkat sa ganoong oras akong dinadagsa ng mga parokyano. Siya nga pala, anu't narito ka? Sa iyong suot at itsura ngayon, hindi ka mukhang iinom."
"Galing ako sa palengke. Napadaan lamang ako sa iyong tindahan kaya't napagdesisyunan kong pumasok na rin upang batiin ka."
"Mainam sapagkat binabalak ko rin sanang pumunta ng inyong mansion. Handa na ang mga alak na binanggit mo sa akin noong nakaraan. Bibilhin mo pa rin ba ang mga iyon?"
Tumango ang binata. "Kukunin ko pa rin iyon, Pablo. Batid kong wala nang ibang tindahan ang kaya akong bilhan ng mamamahaling alak mula sa ibang bansa. Maari mong ipadala ang mga ito sa Mansion ng mga Ricarte. Aabisuhan ko kaagad ang mga taong nangangasiwa sa aming bahay upang papasukin ka."
"Gagawin ko iyan."
"Siya nga pala, Pablo," dagdag ni Artemio. "Hindi ba nagagawi rito si Piyo? Iyong lalaking kasama ko noong naparito ako?"
Kumunot ang noo ni Pablo. Sandali siyang nag-isip bago muling sumagot.
"Hindi na siya napagawi rito ulit mula nang araw na bumisita kayo rito. Anong mayroon? Nawawala ba si Piyo?" takang tanong nito.
"Hindi naman." Alanganing ngumiti si Artemio. "Kasama ko siya kanina sa palengke ngunit nagkahiwalay kami kaya't akala ko ay narito siya."
"Lo siento, mi amigo. Ngunit, hindi siya nagagawi rito. Bakit hindi mo itanong kay Simeon? Baka magkasama sila ngayon?"
Natigilan si Artemio nang marinig ang pangalang binanggit ni Pablo. Hindi niya nagugustuhan ang mga nangyayari ngayon. Kung nagtungo nga rito si Agueda kasama ang lalaking iyon marahil ay may iba pang namamagitan sa kanila maliban sa pagiging magkaribal. Hindi siya makapaniwalang itinago ito ng Jefe sa kanila.
"Simeon?" pag-uulit niya. "Tinutukoy mo ba ang anak ng Gobernador-Heneral Alonso?"
"Siya nga. Kasama ni Simeon si Piyo noong una siyang mapagawi rito. Sa tingin ko ay malapit sila sa isa't isa. Hindi mo ba kaibigan si Simeon?"
Mahinang tumawa si Artemio. Natatawa siya sa huling sinabi ng kausap.
"Si Simeon? Kaibigan ko siya," pagsisinunggaling niya. "Matalik ko siyang kaibigan."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro