Kabanata 29
MALAKAS ang kabog ng dibdib ni Simeon habang nilulublob ang hawak niyang malinis na tela sa palangganang puno ng mainit na tubig. Nanginginig ang kaniyang mga daliri sa labis na kaba habang pinagmamasdan ang babaeng nag-aagaw buhay sa kaniyang harapan. Sanay siyang nakakakita ng taong sugatan at duguan ngunit hindi niya gusto ang kaniyang nakikita ngayon. Ibang-iba ang itsura ng taong kaniyang kasama sa dalagang kilala niya.
Mabilis niyang dinampot ang kaniyang kagamitang gagamitin upang gamutin ang babae at isa-isa rin itong inilublob sa mainit na tubig upang siguraduhing ito'y malinis. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at tinastas ang suot na pantalon ni Agueda.
Bumungad sa kaniya ang sugat nitong walang tigil sa pagdurugo. Kumapit pa ang malansa nitong likido sa kaniyang kama ngunit hindi na niya iyon pinansin pa. Agad niyang nilinis gamit ang kaniyang hawak na tela ang dugong kumalat sa binti nito at bahagyang diniinan upang sana'y patigilin ito sa pagdurugo ngunit napahinto si Simeon nang marinig ang sunud-sunod na daing ng babae.
Umangat ang kaniyang tingin sa dalaga. Nakasandal si Agueda sa ulunan ng kama at ang mukha nito'y puno na ng pawis habang iniinda ang tinamong sugat. Nakapikit lamang ito at kinakagat ang ibabang labi upang pigilan ang sariling sumigaw. Napansin iyon ni Simeon kung kaya't dumikwat siya ng panyo mula sa kaniyang aparador at binasa ito ng tubig. Lumapit siya kay Agueda at itinapat ang panyo sa bibig nito ngunit umiling ang babae at tumangging subuin ang tela.
"Kagatin mo ito," mahinang utos ni Simeon. "Tatanggalin ko ang balang bumaon sa iyong binti kaya't kakailangan mo ito."
Bahagyang idinilat ni Agueda ang kaniyang mga mata upang tingnan ang lalaking kasama. Mabibigat ang kaniyang mga talukap at unti-unting nanlalabo na ang kaniyang patingin. Wala na siya sa kaniyang sarili kaya't wala siyang tiwala sa kaniyang mga nakikita. Hindi sigurado kung totoo ba ang lalaking kaniyang kaharap o bahagi lamang ito ng kaniyang imahinasyon.
"Agueda, magtiwala ka lamang sa akin." muling kumbinsi ni Simeon.
Wala na siyang lakas pa upang makipagtalo rito kaya't dahan-dahang ibinuka na lamang niya ang kaniyang bibig upang sundin ito. Marahang ipinasok ni Simeon ang basang panyo sa bibig ni Agueda bago bumalik sa kaniyang ginagawa.
Kinuha niya mula sa palanggana ang isang malaking tiyani at ginamit ito upang kulikutin ang sugat ng dalaga.
Rinig na rinig niya ang mga ungol at pagtitiis nito sa sakit nang tuluyan niyang makuha ang balang bumaon sa binti nito. Inihulog ni Simeon ang maliit na piraso ng bakal sa tubig at tumunog pa ito nang tumama sa palanggana. Mabilis niyang nilinis ang sugat nito at binalot ng gasa upang hindi tuluyang magka-inpeksyon.
Ilang taon ring nanilbihan si Simeon sandatahan ng Espanya. Kaakibat na ng kaniyang pagiging sundalo ang mga natatamo niyang sugat sa digmaan. Natuto siyang alagaan ang kaniyang sarili ng hindi umasa sa iba kaya't kahit papaano'y may kaalaman rin siya pangggamot.
Nasa kalagitnaan ng paglilinis ng kaniyang mga kagamitan si Simeon nang makarinig siya ng sunud-sunod na katok sa kaniyang pinto. Mabilis niyang iniligpit ang nagkalat na mga tela sa lapag kasama ang sombrero, riple, bolo at iba pang mga gamit na pagmamay-ari ni Agueda sa ilalim ng kama tsaka ito tinakluban ng kumot.
"Señorito?" Rinig niyang tawag ng isang alipin habang kumakatok.
"Sí! Sandali lamang!" sigaw niya.
Inilublob pa niya ang kaniyang dalawang kamay sa palanggang puno ng tubig na halos nagkukulay pula na dahil sa dugong kumapit sa kaniyang balat. Pinunasan niya ang kaniyang buong mukha na puno ng pawis bago buksan ang pinto.
Sinikap niyang tanging ang mukha lamang niya ang kasya sa awang ng pinto upang hindi makita ng kung sinuman ang kasama niya sa loob.
"Ano iyon?" Kalmadong bungad niya sa babaeng nakatayo sa harapan ng kaniyang silid.
"Señorito Simeon, ayos lang po ba kayo? Nakarinig ako ng ingay mula sa iyong silid."
Tumikhim ang binata. "Ayos lamang ako. Naglilinis ako ng aking mga gamit at hindi sinasadyang natabig ko ang plorera sa aking mesa kaya't nabasag ito. Iyon marahil ang iyong narinig."
Nanlaki ang mga mata ng babae nang marinig iyon.
"Naku, Señorito! Ayos lang po ba kayo? Hindi po ba kayo nasaktan? Ako na lamang po ang maglilinis ng nabasag—"
Akmang hahakbang na sana ang babae papasok ng silid ngunit hindi natinag si Simeon sa kaniyang kinatatayuan at nanatiling nakapinid ang kaniyang sarili sa pinto dahilan upang mapahinto ang alipin.
"Huwag na, Dolores. Kaya ko ang aking sarili. Huwag mo na lamang ako alalahanin," nakangiting wika ng binata kaya't bahagyan natabunan ang pag-aalala nito.
"Nakakatiyak po ba kayo, Señorito?"
"Sí! Siya nga pala, nakita mo ba ang aking ama?"
Umiling ito. "Nagmadaling umalis po ang Gobernador-Heneral nang makarating po rito ang balita tungkol engkwentrong nangyari sa daungan. Kasama po nito ang natitirang pulutong ng guardia sibil kaya't ta-tatlong sundalo na lamang po ang naiwan rito sa mansion upang magbantay."
"Patungo ba sila sa daungan ngayon?"
"Ang aking rinig ay papunta po sila sa garrison kung saan naghihintay ang Ginoong Santiago."
Tumangu-tango si Simeon. "Maraming salamat sa iyong ibinalita, Dolores. Siya nga pala, huwag kang gumawa ng kahit na anong ingay rito sa mansion. Huwag ka na ring kumatok sa aking silid hanggang mamayang gabi sapagkat magpapahinga ako."
Puno man ng pagtataka. Sumang-ayon na lamang si Dolores sa nais nito. Buong akala niya ay susugod rin ang Señorito patungo sa garrison upang sundan ang Gobernador-Heneral Alonso tulad ng lagi nitong ginagawa. Malayo ito sa kaniyang inaasahan.
"Masusunod po, Señorito. Tawagin niyo na lamang po ako kung may kailangan kayo."
Tumango ang binata. Sandali niyang pinanuod ang alipin habang bumababa ito ng hagdan. Saka lamang siya pumasok muli nang hindi na niya ito nakita. Kinandado niya ang ang pinto at inusog ang isang malaking paso ng halaman sa gilid upang ipinid ito sa pintuan.
Isang malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan nang makitang nawalan na ng ulirat ang babaeng kaniyang kasama. Mabibilis ang kaniyang yabag na nilapitan ito at hinaplos ang pulsuhan ni Agueda. Naglaho ang takot sa kaniyang dibdib nang maramdaman niyang may pulso pa ito. Bagama't mahina na ngunit nakakatiyak siyang makakaya ng dalagang lampasan ang kalagayan niya.
Maingat niyang inangat ang ulo ni Agueda upang lagyan ito ng unan at ayusin ang pagkakahiga nito sa kama. Tiyak siyang sa susunod na araw pa ito magigising ngunit kung sakalimang magkaroon na ito ng malay, batid rin niyang hindi ito makakagalaw ng maayos dahil sa sugat nito.
Pinulot ni Simeon ang kaniyang armas at muling sinuot ang kaniyang sombrero. Labag man sa kaniyang loob ngunit kailangan niyang umalis upang magtungo sa garrison. Magtataka ang kaniyang ama at si Santiago kung hindi siya magpapakita roon. Isa pa, alam ng dalawa na nasa lugar siya ng pinangyarihan ng engkwentro kaya't tiyak siyang siya ang uusisain ng Gobernador-Heneral tungkol sa nangyari. Kailangan niyang magpunta ng garrison upang hindi maghinala ang mga ito.
Makailang ulit niyang sinuri ang pintuan bago niya tuluyang makumbinsi ang sarili na ligtas na itong iwanan. Wala pang sapat na lakas si Agueda upang ipagtanggol ang sarili nito kung sakalimang may mangahas na pumasok sa kaniyang silid.
Dala-dala ang kaniyang armas, binuksan ni Simeon ang kaniyang bintana. Sumampa siya rito at tumuntong sa bubungan ng unang palapag. Muli niya itong sinarado bago tumalon pababa ng mansion.
Totoo nga ang sinabi ni Dolores sapagkat wala siyang namataang kahit ni-isang guardia sibil na nagbabantay sa bahaging iyon kaya't walang kahirap-hirap siyang nagtungo sa likuran ng kanilang bahay at inakyat ang pader. Sumampa pa siya sa malaking sanga ng puno ng mangga bago at tinanaw ang kaniyang silid. Napapiling na lamang siya sa kaniyang ginagawa. Hindi niya akalaing ginagamit niya ang rutang binabaybay noon ni Agueda sa tuwing pumupuslit ito sa kaniyang silid. Madali lamang ito kung titingnan ngunit halos mamawis ang kaniyang noo habang umaakyat. Lalo tuloy siyang humanga sa babae.
Tumalon si Simeon mula sa bakod at tahimik na lumapag sa lupa. Iniayos niya ang kaniyang sombrero at ang sukbit na armas bago inumpisahang maglakad.
Kapansin-pansing kakaunti lamang ang tao sa kalsada. Hula niya ay nasa daungan ang mga ito upang makiusisa sa nangyari. Sa kaniyang sapantaha, maraming nalagas sa hanay ng guardia sibil. Ngayon pa lamang ay nakikinita na niya ang galit na mukha ng kaniyang ama. Ayaw na ayaw pa naman nito ang naiisahan siya.
Binilisan ni Simeon ang kaniyang mga lakad hanggang sa naging takbo na ito. Kailangan niyang ipakita ang kaniyang sarili bago pa man magtaka ang kaniyang ama sa kaniyang pagkawala.
Hindi tumigil ang binata sa pagtakbo hanggang sa lumiko siya sa pangatlong kalyeng patungo sa garison ng mga sundalong Espanyol. Malayo pa lamang ay natanaw na niya ang mataas nitong bakod na gawa sa semento. Kapansin-pansin rin ang malaking pulutong ng mga guardia sibil na naghihintay sa labas.
Umagaw rin ng kaniyang atensyon ang tatlong kalesang nakaparada malapit sa tarangkahan nito.
Bumuntong hininga si Simeon. Batid niyang nasa loob na ang Gobernador-Heneral at si Santiago ngunit malakas ang kaniyang kutob na nabigo itong pangalagaan ang mga armas.
Napilitang huminto si Simeon at nagtago sa likod ng kalapit na puno. Matalino ang kaniyang ama kaya't kailangan niyang gumawa ng magandang rason na maaari niyang gamitin upang paniwalaan siya nito sa lahat ng kaniyang sasabihin.
Isang ideya lamang ang pumasok sa kaniyang isipan na bagama't delikado ngunit alam niyang kakagatin ng kaniyang ama, maging ni Santiago.
Walang pagdadalawang isip na inilabas ni Simeon ang dala niyang rebolber at itinutok ito sa kaliwa niyang braso. Tinansiya niya ang angulo nito at siniguradong hindi siya masyadong mapupuruhan. Hindi man lang kumarap ang lalaki nang bigla niyang ipinutok ang hawak niyang baril sa kaniyang sariling braso. Umalingawngaw ang tunog nito dahilan upang umalerto ang mga sundalong malapit sa lugar. Sinapo ni Simeon ang kaniyang sugat nang tumagas ang mainit na pulang likido mula rito.
Lumabas siya sa kaniyang pinagtataguan bago pa man siya matunton ng mga guwardiya. Dahan-dahan siyag naglakad papalapit sa garison hanggang sa may makakita sa kaniya. Agad siyang pinalibutan ng pulutong nang makita ang hawak niyang armas ngunit mabilis ring naibaba ng mga ito ang kanilang mga sandata nang makilala siya.
"Coronel Simeon Alonso!" tawag ng isang sundalo sa kaniya. "Estás bien?"
Lumapit ito sa kaniya at tiningnan ang kaniyang kalagayan. Mataas ang katungkulan ni Simeon sa hukbong sandatahan ng Espanya kaya't kilala siya ng lahat ng mga sundalong nanilbihan sa naturang bansa.
"Estoy bien. No me hagas caso," tugon niya. "Mi padre, El gobernador general, está el aquí?"
"Si, Coronel. Nasa loob ng garison ang Gobernador-Heneral kasama si Santiago."
"Gracias."
Akmang hahakbang na sanang muli si Simeon ngunit pinigilan siya nito sa kaniyang balikat.
"Coronel, primero debes tratar tu herida," tukoy ng guwardiya sa kaniyang sugat.
"Esta herida de bala no acabará con mi vida. Gracias, pero puedo arreglármelas solo."
"Ya veo, coronel. Lo siento."
Nagpatuloy sa paglalakad ang binata. Hindi na niya ininda ang kaniyang sugat na siyang ipinagtataka naman ng guwardiyang nakatingin sa kaniya. Isinawalang bahala na lamang ito ng sundalo at ipinagpatuloy ang kanilang pagroronda sa lugar.
Sinalubong si Simeon ng ilang mga guwardiyang nagbabantay sa loob. Sumaludo pa ang ilan sa mga ito nang makilala siya.
Mistulang isang malaking bahay lamang ang garison na gawa sa bato ang pundasyon at gawa sa pawid ang bubong. Malawak ang lugar na maaring pag-insayohan ng mga sundalo. Kumpara sa garisong nakikita niya sa Espanya, dalawang palapag lamang ang garison rito sa Cavinti bilang ginagawa lamang itong imbakan ng mga armas ng mg guardia sibil, bahay-tuluyan ng kapitan at pahingahan ng mga sundalong sugatan sa labanan.
Pumasok ang binata sa pintuang nakabukas sa unang palapag at hindi na siya nagulat nang tumambad sa kaniya ang walang emosyong mukha ng kaniyang ama.
Nakaupo ang Gobernador-Heneral sa isang malaking upuan habang nakatayo naman si Santiago sa harapan nito. Suot pa nito ang unipormeng karaniwang isusuot lamang ng kaniyang ama sa tuwing may digmaan. Isang kulay pulang pang-itaas na may burda ng watawat ng Espanya sa bandang dibdib at sa baba naman nito ay humilera ang ilan sa mga matataas na parangal na natanggap nito sa ilalim ng kaniyang panunungkulan sa samahan.
Kumikislap rin ang limang bituin at isang koronang gawa sa ginto na nakadikit magkabila nitong balikat--isang palatandaang tanging ang Gobernador-Heneral lamang ang mayroong karapatang gumamit. Sinipat ni Simeon ang ekspresyon ng mukha nito ngunit hindi niya mabasa ang iniisip ng matanda. Bagama't alam niyang galit ito ngayon dahil sa kapalpakang nangyari.
Tahimik lamang ang dalawa ngunit napapansin niyang yumuku-yuko sa hiya si Santiago kaya't mabilis niyang nahuluan nasa gitna ang mga ito ng isang diskusyon. Tinabihan niya ang kapitan kaya't napalingon ito sa kaniya.
Sumagi sa isipan ni Santiago ang kaniyang nasaksihan kanina. Hindi niya inasahang magaling umasinta ang si Simeon. Kung ikukumpara sa kaniyang mga sundalo, mukhang mas maalam ito sa pamamaril. Nasa taas lamang ito ng parola nang nilisan niya ang daungan upang sundan ang nakaputing rebelde. Buong akala nga niya ay nauna na ito sa garison sapagkat hindi na niya ito nakita pa.
"Señorito, ano't ngayon ka lamang nakarating?" takang tanong niya rito.
"Ama, patawad at ngayon lamang ako nakabalik," paliwanag ni Simeon sa Gobernador-Heneral.
Umasim naman ang mukha ni Santiago nang hindi man lang siya binigyan ng pansin ng binatang kaniyang katabi. Bumalik ang kaniyang tingin sa Gobernador-Heneral ngunit mabilis rin siyang napaiwas ng tingin nang magtagpo ang kanilang mga mata.
"Simeon, saan ka nanggaling? Kanina pa natapos ang barilan sa daungan. Ano't ngayon ka lamang nakarating rito sa garison? Batid mo kung anong nangyari?"
Ibinaba ni Simeon ang hawak niyang riple sa kalapit na mesa dahilan upang mapatingin ang matanda sa kaniyang braso. Kumunot ang noo nito.
"Walang laban ang guardia sibil na itinalaga ninyong mangalaga sa mga kaban ng armas sapagkat mistulang mga kuting na nagtago mga ito sa barikada nang magsimulang umatake ang mga rebelde. Tulad ng nais ni Santiago, ayoko sanang makialam sapagkat hindi iyon kabilang sa aking trabaho ngunit kung hindi ko pa iyon ginawa, tiyak akong pinaglalamayan na ang malamig na katawan ngayon ng kapitan Santiago, sampu ng kaniyang pulutong. Masyadong tuso at planado ang ginawang atake ng mga rebelde na siyang hindi natin pinaghandahan kaya't marami ang nalagas sa ating hanay. Umalis ako ng daungan sapagkat sinundan ko ang mga rebeldeng iyon habang papatakas sila ng lugar. Pumasok sila sa isang bundok na malapit rito sa bayan. Nagkaroon kami ng engkwentro, napuruhan ako, kaya't ngayon lamang ako nakabalik." Mahabang salaysay ng binata bago pa man magtanong ang kaniyang ama.
Napatayo ang Gobernador-Heneral sa gulat. "Sinundan mo sila? Saan? Aling bundok ang iyong tinutukoy?"
"Sa bundok Mirador," sagot ni Simeon. "Nakakasiguro akong doon sila pumunta."
"Bundok Mirador?" putol ni Santiago sa usapan ng dalawa. "Maka-ilang ulit na naming sinuyod ang bundok na iyan ngunit wala kaming napala."
"Nangangahulugan lamang iyon na hindi niyo ginagawa nang maayos ang inyong trabaho. Kay liit lamang ng Bundok Mirador ngunit inabot kayo ng dalawang buwan upang siyasatin ito. Sa huli, wala kayong napala," bulyaw ng Gobernador-Heneral.
"Patawad, Gobernador-Heneral. Ngunit, kung isasalaysay ng Señorito Simeon ang lahat ng kaniyang nakita, tiyak akong matutunton natin ang lugar sapagkat kabisado ko ang pasikot-sikot sa mga bundok rito sa bayan."
"Basag na aking tiwala sa iyo, Santiago!" sigaw nito. "Iniatas ko sa iyo ang pangangalaga sa armas sapagkat nakiusap kang bigyan kita ng pagkakataong mapatunayan ang iyong sarili ngunit ano ang iyong ginawa!? Napupurol na ba ang iyong utak sapagkat nauto ka ng mga indiong iyon?"
"Hindi ko lamang inasahang—"
"Hindi mo inasahan ang alin!? Ilang dekada ka na sa iyong posisyon ngunit hindi ka pa rin natututo. Anong iuulat ko ngayon sa Espanya? Ako ang pagbubuntungan ng galit ng Hari sapagkat iniatas ko sa isang matandang walang silbi ang isang mahalagang bagay."
Tahimik na yumuko si Santiago. Nais niya pang magsalita upang sana ay ipagtanggol ang sarili ngunit pinili niyang hinidi na lamang gatungan pa ang galit ng kausap. Mariin niyang naikuyom ang kaniyang mga kamao habang tinatanggap ang pang-iinsulto ng Gobernador-Heneral. Inaamin niyang may pagkukulang siya sa nangyari ngunit walang karapatan ang kung sinuman upang kwestiyunin ang kaniyang panunungkulan sa Espanya. Matagal na niyang napatunayan ang kaniyang katapatan sa naturang bansa noong tinalikuran niya ang kaniyang pagiging Pilipino. Hindi niya nilunok ang kaniyang dignidad at prinsipyo sa buhay upang insultuhin lamang ng isang poncio pilato.
"Isa pa, sa dinami-rami ng mga sundalong kasama ninyo, wala man lang kayong napatumbang kahit isang rebelde!"
"Hindi po totoo iyan," tanggi ni Santiago. "Nabaril ko sa binti ang isa sa kanila habang papatakas ito."
Nagpantig ang tenga ni Simeon. Tingnan niya sa gilid ng kaniyang mga mata ang matanda. Batid niyang ito nga ang bumaril kay Agueda.
"Kung gayon, nasaan? Nasaan ang rebeldeng sinasabi mong napuruhan mo!?"
"Iyan rin ang ipinagtataka ko, Gobernador-Heneral. Tiyak akong hindi na makakalakad ang taong iyon nang mapuruhan ko siya ngunit nang pinuntahan ko ang lugar ng kaniyang pinaghulugan ay wala akong makitang kahit sino doon. Bigla lamang itong nawala kaya't tiyak akong may tumulong sa kaniya."
"Nangangahulugan lamang na mas mabilis pang kumilos ang mga rebeldeng iyon kaysa sa iyo, matanda. Wala man lang kahit sino sa inyo ang nakahuli ng kahit isang miyembro ng kilusang iyon. Mga walang silbi!"
Umalingawngaw ang galit na boses ng Gobernador-Heneral sa apat na sulok ng silid na kinaroroonan nila ngayon. Sumulyap ito sa mga nakabukas na kaban sa gilid nila at pagkuwa'y mariing napapikit na animo'y isang malaking problema ang kaniyang nakikita. Napansin iyon ni Simeon kung kaya't nagtaka siya.
"Anong nangyari sa mga kaban ng armas?" tanong niya.
Hindi sumagot ang kaniyang ama kung kaya't gumalaw ang binata upang lapitan ang mga nakabukas na kaban.
Imbes na mga de-kalibreng armas ang kaniyang nakita, napupuno ang lahat ng kaban ng kalibre, isang mahaba at kulay kayumangging halamang ugat na karaniwang itinatanim sa bundok at bakuran.
Umangat ang sulok ng kaniyang labi. Gusto niyang matawa sa kaniyang nakikita. Mukhang minaliit niya ang kilusang kinabibilangan ni Agueda. Hindi niya akalaing magagawa nitong ipagpalit ang mga kaban ng armas sa loob ng maikling panahon.
"Ang ating mga de-kalibreng armas ay pinalitan ng kalibre!" Puno ng galit na sambit ni Valeriano. "Sin verguenza!"
"Masyado nating minaliit ang kakayahan ng kilusang ito," komento ni Simeon at muling hinarap ang kaniyang ama. "Sana'y noon pa nang magtangka ang mga ito na itakas ang salarin sa pagpatay ng dating Gobernador-Heneral Lubaton ay nagsagawa na kayo ng malawakang paggalugad sa mga kabundukan at ibang tagong lugar na maaaring mapagtataguan ng mga ito. Ngayon na nadikwat nila ang armas na para sana sa ating mga guardia sibil, lalo lamang lumakas ang kaniyang puwersa at tiyak akong hindi mangangahas ang mga ito na muling umatake."
"Iyan ang aking kinatatakutan, Simeon," pag-amin ng Gobernador-Heneral. "Hangga't maari nais kong panatilihing kontrado ko ang buong kapuluan hanggang sa huling araw ng aking pamamahala. Ayokong sumiklap ang isang digmaan sa pagitan natin at ng mga indio. Kailangan natin silang turuan ng leksyon. Kailangan nating ibalik ang mga ito sa dapat nilang kalagyan. Huhulihin natin ang ugat ng kilusang ito bago pa man ito humikayat ng iba pang mga Pilipino."
"Ano ang iyong binabalak, ama?"
"Galugarin natin ang bundok ng Mirador at ibang mga karatig nitong gubat. Puputulin natin ang mga sangga ng kilusan bago pa man ito tuluyang lumaganap. Ngunit, kung iisipin, manghihina ang sangga at mamatay ang puno kung ating pupuntiryahin ang ugat nito."
"Ang pinuno?"
Tumango ang Gobernador-Heneral at nilapitan ang kaniyang anak. Isang mahinang tapik sa balikat ang kaniyang ibinigay rito. Nabuhay ang kaba sa dibdib ng binata sapagkat batid na niya ang pinapahiwatig sa mga galaw nito.
"Huhulihin natin ang pinuno ng kilusan. Nawalan na ako ng tiwala sa guardia sibil kaya't nais ko sanang ikaw Simeon, ang manguna sa pagtutugis sa kanilang pinuno."
Sandaling nabingi si Simeon. Kumurap siya habang tinitingnan nang diretso sa mata ang kaniyang ama. Kinukumbinsi niya ang kaniyang sarili kung totoo ba ang kaniyang mga naririnig. Ibinuwis niya ang kaniyang buhay at nagsinunggaling siya rito upang protektahan si Agueda, isang dalagang kasapi ng kalaban nilang kilusan. Isang malaking kabaliwan para sa kaniya kung siya ang mangunguna upang tugusin ang pinuno nito.
"Ngunit ama, hindi ko balwarte ang lugar na ito," rason niya. "Hindi ko rin sakop ang mga guardia sibil rito. Ano na lang ang kanilang iisipin kung ako ang mamumuno sa kanila upang tuligsain ang isang hindi kilalang kilusan?"
Dumako ang tingin ni Simeon sa katabi niyang matanda. Nakatingin lamang si Santiago sa kanila habang nakikinig sa susunod nitong sasabihin.
"Isa pa, narinig niyo ang sinabi ni Kapitan Santiago. Kabisado niya ang bundok ng Mirador at ang mga karatig gubat nito. Mapapadali ang ating paghahanap kung sa kaniya mo na lamang iaatas ang bagay na ito."
Nagsalubong ang kilay ng Gobernador-Heneral.
Ito ang unang beses na tumanggi ang kaniyang anak sa mga utos niya. Noong inutos niyang patayin ni Simeon ang dating Gobernador-Heneral Lubaton upang masulot niya ang puwesto nito, agad itong tumalima. Hindi niya maintindihan ang pagtanggi nito sa utos niya ngayon.
"Sinira na ni Santiago ang aking tiwala sa sandatahan ng guardia sibil. Ang pangangalaga sa mga armas, isang simpleng bagay lamang iyon ngunit hindi nila nagawa. Ano pang dahilan upang ipagkatiwala ko sa kanila ang paghahanap sa kilusang ito?"
Yumuko si Santiago. Kinagat niya ang kaniyang ibabang labi upang pigilan ang sarili na magsalita. Batid niya kung anong mangyayari kung patuloy niyang ipagtatanggol ang kaniyang sarili. Ayaw niyang mawala ang puwesto at kapangyarihang tinatamasa niya ngayon.
"Hindi ako nakikiusap sa iyo, Simeon," dagdag pa ni Valeriano. "Inuutusan kita bilang Gobernador-Heneral. Ikaw ay dating sundalo ng Espanya. Isang matapat at magiting na sundalo. Bagama't maaga kang umalis sa sandatahan ngunit hihilingin ko ang permiso ng Hari upang ibalik ka sa puwesto mo bilang Coronel. Ang tugisin ang kilusang tumutuligsa sa aking pamamalakad, iyon ang iyong magiging unang misyon."
Naikuyom ni Simeon ang kaniyang mga kamay.
Nais niyang umatras. Buong buhay niya, naglalakad siya sa anino ng kaniyang ama. Bawat utos nito ay sinunod niya. Ngunit sa pagkakataong ito, nais niyang tumanggi.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro