Kabanata 27
LUMIPAS ang dalawang buwan.
Binulabog ang kagubatan ng mga daing ng mga kalalakihan na hirap na hirap sa kanilang pag-iinsayo. Rinig na rinig ang kanilang mga hangos at nag-uunahang yapak sa buong paligid ng kanilang pangalawang kuta.
Ito ang huling araw ng pag-iinsayo ng mga baguhan sa kilusan. Dito masusukat ang galing ng isang mandirigma sa pamamaril, husay, talino at taktika ng grupo. Ang mga taong makakapasa lamang sa mga inihandang pagsubok ang siyang maaaring isalang sa paparating nilang misyon.
Nakatanaw si Agueda mula sa veranda ng bahay habang pinagmamasdan ang malaking pulutong ng mga taong umanib sa kanila nitong mga nagdaang buwan. Sapat na ang kanilang bilang upang labanan ang hanay ng mga guardia sibil rito sa Cavinti. Bagama't kulang sila sa armas ngunit kung magagawan nila iyon ng paraan, batid niyang may laban sila.
Nitong mga nagdaang linggo, iginugol ni Agueda ang kaniyang buong oras sa pamamalakad sa kilusan. Kalakip na rito ang paglalatag ng kanilang mga plano at pangangalap ng mga pondo upang ipagpatuloy ang kanilang mga layunin. Bagama't wala silang napala sa kakaunting taong kanilang nilapitan sapagkat takot ang mga ito na madamay sa gulo, pinilit pa rin ni Agueda na pondohan ang kanilang kilusan mula sa sarili niyang bulsa.
Karamihan sa kaniyang mga kasapi ay biktima ng mga karahasan, krimen at pang-aaping ginawa ng mga dayuhan. Kabilang na rito ang tatlong anak ng mga magsasakang binitay, sina Manuel, Mateo at Jose. Batid niyang wala pa ang mga ito sa wastong gulang upang matutong lumaban ngunit nakikita niya ang labis na determinasyon at tapang sa mga mata ng mga binatilyo, isang tapang na binubuhay ng paghihiganti.
Hindi na rin tumutol pa ang Jefe nang humingi ng permiso si Alunsina sa kaniya upang sumali sa pagsasanay. Marami man ang hindi sang-ayon sapagkat isa itong babae ngunit nais niyang bigyan ng pagkakataon ang dalaga upang patunayan nito ang sarili. Suportado siya sa nais nitong mangyari. Umaasa rin siyang ito ang magiging daan upang dahan-dahang buksan ang mga mata ng lipunan na kaya rin ng mga kababaihan ang lumaban.
Sumilay ang isang ngiti sa kaniyang mga labi nang masilayan ang pawisang mukha ni Alunsina habang habol-hininga itong tumatakbo upang sabayan ang pulutong ng mga mandirigma. Napapanatag ang kaniyang loob sa tuwing nakikita niya ang dalagita. Siguro marahil ay nakikita niya ang kaniyang sarili rito.
Nasa unahan naman ng pulutong ang kapitan na siyang nangunguna sa ginagawang pag-iinsayo. Tulad ng iba, puno na rin ng pawis ang mukha at basang-basa na ang kaniyang damit. Madungis ang itsura ng lahat kaya't nahinuha niyang nanggaling na sa putikan ang mga ito. Papunta na ang mga ito sa sapa na siyang hudyat ng pagtatapos ng kanilang pagsasanay.
Napabuntong hininga si Agueda at tinanaw ang paglubog ng araw sa dakong kanluran. Malayo na ang narating ng kaniyang pangarap bagama't natatakot siya sa maaaring kahihinatnan ng lahat ng ito. Hindi man siya sigurado kung maggagawa nga nilang palayain ang kanilang bayan sa ganitong pamamaraan ngunit nais niya pa ring subukan. Nais niyang ipakita sa mga dayuhan na kaya nilang lumaban, na hindi sila mga alipin lamang.
Sa gitna ng kaniyang pagninilaynilay, naramdaman niya ang presensya ng isang tao sa kaniyang likuran. Lumingon siya rito at nakakita ang nakangiting matanda habang hawak-hawak ang dalawang tasa ng kapeng umuusok pa sa init.
"Nagambala ko ba ang iyong pag-iisip?" Salubong ni Ka Miyong.
"Palalampasin ko ang iyong paggambala sa akin kung iaabot mo ang isa sa mga tasa ng kapeng iyong hawak," biro ng dalaga.
"Mabuti na lamang pala at naisipan kitang dalhan nito."
Umiiling si Miyong habang inaabot sa Jefe ang isang tasa ng kape. Isang ngiti naman ang isinukli ni Agueda nang makita niya ang laman ng tasa. Itim na itim ang kulay nito kaya't nahinuha na niyang mapait ito; isang lasang gustong-gusto niya. Hinipan niya muna ito bago maingat na hinigop. Bahagya pa siyang napangiwi nang gumuhit sa kaniyang dila ang mapait nitong lasa.
Tumabi naman si Miyong sa kaniya at sinaluhan siya upang panuorin ang paglubog ng araw.
"Ano ang iyong masasabi sa ating mga bagong kasapi?" panimula niya.
"Hindi madali ang kanilang pagsasanay kaya't humahanga ako sa tibay ng kanilang loob. Ngayon pa lamang, nararamdaman ko nang magiging malaking tulong sila sa ating kilusan."
"Siyang tunay," sang-ayon ng matanda. "Dumarami nga tayo ngunit kulang naman tayo sa armas at kagamitan. Hindi natin maaaring isalang sa labanan ang ating mga mandirigma gayong wala silang sapat na armas upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili."
Bumuntong hininga si Agueda. "Maliban sa kapitan, wala na tayong ibang taong makakapitan pa upang pagkukunan natin ng armas at gamit pandigma. Ngunit, may isang magandang ideya akong nais imungkahi sa iyo, Ka Miyong."
Napalingon ang matanda dahil sa kaniyang tinuran.
"Anong nais mong imungkahi, Jefe?"
"Tatlong linggo na ang nakakaraan nang palihim kong inutusan si Kuwago upang magmanman sa pantalan dito sa Cavinti."
Nagsalubong ang kilay ng matanda. "Ang Pier de Cavinti? Ang tanyag na daungan ng barko rito sa ating bayan? Anong mayroon doon?"
"Sa susunod na linggo ay darating na ang barko mula sa Espanya lulan ang lahat ng mga bagong armas upang paigtingin ang kapangyarihan ng guardia sibil. Sa pagdaung nito, isa-isang ilalabas ng mga dayuhan ang mga kaban ng armas ngunit bago pa man ito makarating sa garrison, aatake tayo."
Sinulyapan ni Agueda ang kaniyang kausap upang alamin ang reaksyon nito ngunit kumurap lamang si Miyong habang iniintindi ang nais niyang mangyari. Aaminin niyang nabigla siya sa kaniyang narinig.
"Humahanga ako sa talas ng iyong pag-iisip ngunit isang pagnanakaw itong ating gagawin."
"Armas lamang ang ating nanakawin, Ka Miyong. Maliit na halaga lamang iyon kapalit ng kanilang pananakop at pag-angkin. Bilang Jefe ng kilusang ito, wala na tayong ibang maasahan upang sumuporta sa ating mga layunin. Ayokong iasa na lamang sa kapitan ang lahat kaya't kakapit na ako sa patalim. Lubhang mapanganib man itong aking naiisip ngunit magagawa natin ito kung mag-iingat lamang tayo."
Umiiling ang matanda. Hindi niya naibigan ang layunin ng dalaga. Naiintindihan niya kung saan ito nanggagaling ngunit hindi siya sang-ayon sa gagawin nito. Kailanman ay hindi siya tutulad sa gawain ng mga dayuhan.
"Magnanakaw kung tawagin natin ang mga dayuhan ngunit kung tutularan natin ito, anong ipinagkaiba natin sa kanila?"
"Ngunit, isa lamang tayong tao, Ka Miyong. Hindi tayo santo. Kung nais nating mabuhay, kailangan nating maging tuso."
Humugot ng malalim na hininga ang matanda bago muling humigop sa tasa ng kapeng kaniyang hawak. Kapwa silang napalingon sa dakong silangan nang mapagtanto nilang pabalik na ang pulutong ng mga mandirigma mula sa sapa. Naagaw ang kanilang atensyon sa mga maiingay nitong yapak. Nahuli ng mga tingin ni Miyong ang binatang nangunguna sa hanay.
"Alam na ba ito ng kapitan?" tanong niya.
"Nais ko itong buksan mamaya sa ating gagawing pagpupulong," sagot naman ni Agueda.
"Nararapat lamang. Kung sasang-ayon ang kapitan, hindi na rin ako tututol pa."
Ibinaba ng dalaga ang hawak niyang tasa at tiningnan ng diretso ang kaniyang kausap.
"Paumanhin po, Ka Miyong. Ngunit, hinihiling ko sana ay suportado mo ako sa hakbang na aking gagawin."
Sandaling nag-isip ang matanda. Sa kaniyang isip, tinatansiya niya ang lahat ng mga maaaring mangyari sa kanilang kilusan kung hindi sila gagawa ng paraan upang makakuha ng karagdagang armas. Tiyak niyang hihina ang kanilang puwersa at mapanghihinaan ng loob ang iba. Tunay ngang hindi isang malaking biro ang kanilang layunin. Nais man niyang tumulong sa pinansyal ngunit kakarampot lang din ang kaniyang kinikita bilang isang panday.
"Kailanman ay hindi ako nawalan ng tiwala sa iyo, Jefe. Ang iyong talino, tapang at pagmamahal sa bayan ang siyang nakita ko sa iyo kaya't hindi ako nagdalawang-isip na muling bumuo ng kilusan kasama ka sa kabila ng naranasan ko noon. Naniniwala ako sa iyo. Tanggapin mo ang aking pahintulot upang isagawa ang iyong mungkahi. Ngunit, mayroon sana akong nais hilingin. Karamihan sa ating mga kasapi ay baguhan pa, kaya't kailangan natin pag-aralan nang mabuti ang lahat ng ating magiging hakbang. Kaakibat na ng digmaan ang kamatayan ngunit sa pagkakataong ito, ingatan mo sana ang lahat ng iyong magiging kasama sa misyon."
Tumango ang dalaga. "Sasama ako sa gagawing pag-atake kaya't huwag kayong mag-alala. Nabuhay ako nang walang inaasahang kahit sino. Ako nga ang pinuno ngunit wala akong intensyong gawing pananggalang sa bala ang ating mga kasama. Pangako, iingatan ko sila."
Isang tapik sa balikat ang ibinigay ni Miyong sa dalaga. Ilang taon na rin silang magkasama kaya't nakilala na niya ito kahit papaano. Malaki na ang ipinagbago ng babae simula nang buuin nila ang La Independencia Filipinas. Hindi maipagkakailang karapat-dapat siyang tawaging Jefe ng kilusan.
Natapos ang kanilang pag-uusap nang huminto ang pulutong ng mga mandirigma sa silong ng malaking bahay. Sinalubong ni Miyong ng isang malawak na ngiti ang lahat ng mga magigiting na mga Pilipinong matagumpay na nalampasan ang kanilang pagsasanay.
Samantala, isang tango naman ang ibinigay ni Agueda nang magtagpo ang tingin nilang dalawa ni Artemio. Basang-basa ang buong katawan nito mula sa kanilang pagtatampisaw sa sapa kaya't bahagyang naaninag niya ang pag-iigting ng panga nito upang tiisin ang lamig. Pilit namang itinatago ni Agueda ang kaniyang mga ngiti. Malaki ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng sakripisyong ginawa ng kapitan. Sa lahat ng tao, si Agueda ang nakakaalam ng ugali nito. Ayaw na ayaw ng binata ang nadudungisan siya ngunit isinantabi iyon ng kapitan para sa kanilang kilusan.
Bumaba si Agueda kasama ang matanda sa silong upang pormal na batiin ang buong pulutong sa kanilang tagumpay.
"Isang mainit na pagbati sa inyong tagumpay," panimula ng Jefe. "Tulad ng inyong nalalaman, ito na ang huling araw ng inyong pagsasanay. Nasaksihan ko ang inyong pagtitiis nitong nagdaang mga buwan kaya't ikinagagalak kong makita ang dulo ng inyong paghihirap. Sapat na ang inyong mga natutunan upang maging opisyal na kasapi ng kilusang La Independencia Filipinas. Batid niyong kapalit ng inyong pagsapi ay ang inyong mga buhay. Bilang isang mandirigma ng bayan, kapalaran na natin ang mamatay. Kung sinuman ang nagdadalawang-isip sa inyo, magsalita na at ihayag ang iyong sarili."
Binalot ng katahimikan ang buong lugar. Pinagmasdan ng Jefe ang pulutong na nasa kaniyang harapan. Nakahanay ang mga ito at tuwid na tuwid ang mga tayo habang diretso ang mga matang nakatingin sa kaniya. Naghihintay siya ngunit walang sinuman ang lumantad upang umatras, bagay na nagbigay galak sa kaniya.
"Humahanga ako sa inyong katapangan. Magkakaroon tayo ng isang salu-salo mamaya upang ipagdiwang ang inyong tagumpay. Gayunpaman, huwag tayong labis na magsaya. Sa susunod na linggo, magkakaroon tayo ng isang misyon. Nais kong ihanda niyo ang inyong mga sarili sapagkat karamihan sa inyo ay isasama ko sa gagawin nating pag-atake."
Kumunot ang noo ni Artemio nang marinig iyon. Walang nababanggit sa kaniya ang dalaga tungkol sa pag-atakeng sinasabi nito. Napansin naman ni Agueda ang pagsasalubong ng kilay ng kapitan.
"Saka ko na sasabihin ang detalye ukol rito. Sa ngayon, pumasok na kayong lahat sa loob at linisin ang inyong mga sarili," dagdag pa niya.
"Opo, Jefe!" Malakas at sabay-sabay na tugon ng mga mandirigma.
Humakbang ang kapitan upang harapin ang kaniyang pulutong. Isang tango ang kaniyang ibinigay rito, senyales upang pahintulutan na ang lahat na magpahinga. Isa-isang pumasok ang mga ito sa loob ng bahay dala ang kanilang mga riple na gawa sa kahoy na isang ginamit ng mga ito sa pagsasanay. Sinadyang magpaiwan ng kapitan upang usisain ang Jefe sa naging anunsyo nito.
"Ano itong pag-atakeng sinasabi mo?" Naguguluhang tanong ni Artemio.
"Mungkahi ito ng ating Jefe," sabat ni Miyong.
"Ngunit, para saan ang pag-atakeng ito?"
"Kailangan natin itong gawin sapagkat paubos na ang ating mga armas at gamit pandigma. Dumarami na ang ating mga kasapi ngunit hihina ang ating puwersa kung wala tayong sapat na armas upang ipagtanggol ang ating mga sarili," paliwanag ni Agueda.
"Jefe, makakaya ko pang pondohan ang ating kilusan."
"Kapitan, ayokong iasa sa iyo ang lahat. Isa pa, nagsisimula nang magtaka ang iyong ama kung saan napupunta ang iyong salapi kaya't wala tayong mapamimilian kundi gawin ito."
Sandaling nag-isip ang binata. "Ano ang iyong plano?"
"Didikwatin natin ang mga kaban ng armas na paparating rito sa bayan mula sa Espanya."
"Ang mga armas ng mga guardia sibil?"
"Siyang tunay," sagot ni Agueda. "Lulan ito ng isang barkong nagngangalang Victoria na siyang dadaung sa Pier de Cavinti sa susunod na linggo. Inutusan ko na si Kuwago na magmasid sa daungan upang pag-aralan ang buong lugar. Sanay rin si Waldo sa daungan kaya't isasama natin siya. May mga tao tayong malaki ang maitutulong upang mapagtagumpayan ang ating misyon. Sa usaping ito, nais ko sanang hilingin na ikaw ang manguna sa gagawing pag-atake."
"Hindi ka ba sasama?"
Nilingon ni Agueda ang matandang kasama nila. Nagkaroon na sila ng kasunduan ni Ka Miyong. Nakakatiyak naman siyang mababantayan niya ang kaniyang mga kasapi kung magmamatiyag siya mula sa malayo. Siya ang aasinta sa mga paparating na kalaban.
"Sasama ako, Kapitan. Bukod sa nais kong protektahan ka at ang ating mga kasama, nangangati na rin ang aking mga kamay na muling humawak ng baril."
Tumango si Artemio. "Sang-ayon ka ba rito, Ka Miyong?"
Kapwang napatingin sina Agueda at Artemio sa matanda. Napabuntong hininga na lamang si Miyong nang mapansing naghihintay ang dalawa sa kaniyang magiging sagot.
"Wala akong ibang nais kundi ang inyong tagumpay," tugon ng matanda.
Sumilay ang isang maliit na ngiti sa dalawa nang marinig iyon.
SA Maynila.
Humikab ang isang binata habang pinagmamasdan ang masasayang mukhang ng dalawang matandang kasama niya ngayon. Yamot na yamot na si Simeon sa paghihintay na matapos ang usapan ng Gobernador-Heneral Alonzo at Santiago.
Nasa isang tanyag na kainan sila sa Maynila upang kitain ang ilang kinatawan ng Hari mula sa Espanya ngunit natapos na ang kanilang salu-salo at wala pa ring balak na lumisan sa lugar ang dalawa niyang kasama.
Nais na niyang bumalik ng Cavinti sapagkat halos magda-dalawang buwan na rin siyang nanirahan sa Maynila.
Pansamantala niyang inilibot ang kaniyang tingin sa lugar upang aliwin ang sarili. Hindi nakakapagtakang dinarayo ito ng mga mayayamang pamilya ng lungsod sapagkat anumang bagay ang nadadapuan ng kaniyang tingin ay mamahalin at kakaiba. Pagmamay-ari ito ng isang babaeng Pilipino na nakapangasawa ng isang mayamang mestizo. Bagama't binubuhay ang paligid ng isang malumay na musika, hindi pa rin niya maiwasan ang mabagot lalo na't hindi siya sinasali sa usapan ng dalawa niyang kasama.
Dinampot niya ang kaniyang basong puno ng alak at inisang lagok ito. Napansin iyon ni Santiago kaya't napunta sa kaniya ang atensyon nito.
"Hindi mo man sabihin ngunit batid kong nababagot ka na Señorito Simeon," puna ni Santiago.
Napalingon naman sa kaniya ang kaniyang ama at tiningnan siya. Napaayos tuloy ng upo ang lalaki.
"Magaling kang bumabasa ng tao, Santiago," komento naman ng binata. "Nababagot lamang ako sapagkat hindi niyo ako sinasali sa inyong usapan. Anong mahalagang pinagdidiskusyonan ninyo at baka't makatulong ako."
Tumaas ang kilay ng Gobernador-Heneral. "Sa sinabi mong iyan ay napapaisip ako. Darating ang sampung kaban ng mga bagong armas ng mga guardia sibil bukas sa Cavinti. Nais kong ikaw ang mamuno sa paglilipat ng iyon mula sa barko hanggang sa garrison."
Nagpantig ang tenga ni Santiago at makahulugang tingin ang ibinigay sa kaniyang katabi. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang naririnig. Buong akala niya ay plantsado na ang lahat. Siya ang mamumuno sa gagawin bukas sapagkat tungkulin niya iyon bilang pinuno ng Guardia Sibil.
"Ikaw ang tumulong sa akin upang makuha ko ang posisyong ito kaya't naniniwala ako sa iyong kakayahan, hijo," dagdag ng Gobernador-Heneral.
Humigpit ang hawak ni Santiago sa hawak niyang kubyertos habang pinipigilan ang sarili. Napangisi na lamang si Simeon nang mapansin iyon.
"Paumanhin, Ama. Ngunit, sa aking palagay, hindi ako ang nararapat na mamuno sa bagay na iyan. Nandito pa naman si Santiago, ang pinuno ng guardia sibil. Bagama't may katandaan na, hayaan mo siyang patunayan niya ang kaniyang sarili sa inyo," sambit ng binata habang nakatingin kay Santiago.
Batid naman ng matanda ang pa-ilalim na pangungutya sa kaniya ng anak ng Gobernador-Heneral. Matagal na siyang nagtitimpi sa maanghang na bunganga nito. Pinalampas niya lamang ang nangyaring pangingialam ng lalaki noon sa palengke sapagkat ayaw niyang mabahiran ng kahit na anong pagdudada ang Gobernador-Heneral sa kaniya ngunit hindi siya makapaniwalang harap-harap na siya nitong iniinsulto.
Lumingon ang Gobernador-Heneral kay Santiago at ngumiti.
"May tiwala naman ako kay Santiago ngunit nais ko lamang na makasiguro. Hindi pa rin napapanatag ang aking loob dahil sa mga kumakalat na balita sa bayan. May isang grupo ng rebelde ang tumuligsa sa aking pamamalakad sa Cavinti. Bagama't dalawang buwan nang tahimik ngunit nababahala pa rin ako. Minsan nang nakaenkwentro ng mga guardia sibil ang mga armadong grupong iyon ngunit walang kahit na isa sa mga miyembro nito ang nahuhuli magpa-hanggang ngayon."
Natahimik si Simeon. Sumagi sa kaniyang ala-ala ang imahe ng isang babaeng batid niyang kasapi sa kilusang binabanggit ng kaniyang ama. Dalawang buwan na ang nakakalipas mula nang huli niya itong nakita. Wala siyang dapat na ipag-aalala sapagkat kaiba sa lahat ng mga babaeng nakilala niya si Agueda. Kaya nitong ipagtanggol ang kaniyang sarili. Ngunit, inaalala niya ang maaari nitong sapitin sa ngalan ng pagmamahal nito sa bayan.
"Kung muli mang aatake ang mga rebelde, sisiguraduhin kong hindi sila magiging mapaminsala sa atin. Kay liit lamang ng bayan ng Cavinti kaya't hindi magtatagal ay matutunton rin natin ang grupong iyon," sagot naman ni Santiago.
"Kay liit nga ng bayan ng Cavinti ngunit inabot na kayo ng ilang buwan at hindi niyo pa rin nahahanap ang kuta ng ating kalaban. Malaki ang pulutong ng guardia sibil, nagpapalaki lang ba kayo ng tiyan nitong mga nagdaang buwan?"
Tahimik na napalunok ng laway si Santiago. "Hindi iyan totoo, Gobernador-Heneral. Abala rin ang aking pulutong sa pagsasanay. Karamihan rin sa kanila ay mga baguhan pa kaya't kailangan pa nila ng sapat na oras upang matuto."
Lalong umusok ang ilong ng Gobernador-Heneral sa galit.
"Mga baguhan? Hindi ba't karaniwang dumadaan muna ang isang kawal sa isang pag-iinsayo bago siya italaga bilang opisyal na guardia? Ano't bumaliktad ang mundo ngayon?"
"Iyon ay nagkukulang na po ang Espanya sa taong maaari nilang ipadala rito sa Pilipinas upang palakasin ang ating kolonya kaya't ang mga baguhan na hindi pa natatapos sa pagsasanay ay sapilitang itinalaga rito sa ating bayan."
Napapikit sa inis ang Gobernador-Heneral. Hindi niya akalaing ganito pala ang sitwasyon ng kaniyang sandatahan sa Cavinti. Naging kampante siya sapagkat pili lamang ang inuulat sa kaniya ni Santiago.
"Kung ganito man lamang ang sitwasyon ng iyon pulutong, natatakot na akong lumabas ng aking silid sapagkat hindi niyo naman pala ako kayang protektahan."
Yumuko si Santiago at dagliang humingi ng paumanhin.
"Ipagpatawad niyo, Gobernador-Heneral. Hayaan niyong patunayan ko kung gaano kalakas at kagaling ang aking pulutong sa gagawin namin bukas."
Umangat ang sulok ng labi ni Simeon nang magawa pa ng matanda na ibahin ang usapan upang iligtas ang kaniyang sarili mula sa kahihiyan. Unti-unti namang kumalma ang Gobernador-Heneral sa kaniyang narinig.
"Bibigyan kita ng isang pagkakataon ngunit isasama niyo si Simeon bukas sa daungan. Mapapanatag lamang ako kung naroroon siya."
Sumulyap ang matanda sa binata--isang tingin na puno ng pagtataka at pagkasuklam. Napatawa na lamang si Simeon sa kaniyang isip. Sa ilang buwan niyang kasama ang matanda, kabisado na niya ang ugali nito. Ayaw na ayaw ni Santiago ang nalalamangan siya.
"Huwag kang mag-alala, Santiago. Hindi ko nais na pangunahan ka sa iyong mga plano kaya't doon lamang ako pupuwesto sa lugar na hindi mo makikita."
Kumunot ang noo ng matanda. "Anong ibig mong sabihin?"
Nagkibit-balikat si Simeon at pinili na lamang na manahimik. Sa kaniyang sapantaha ay hindi pa alam ng pinuno ng guardia sibil na kabilang siya sa sandatahang lakas noon sa Espanya.
Hindi lamang siya kilala bilang nag-iisang anak ng Gobernador-Heneral Alonso, sa pamamaril at pag-aasinta, doon siya mas kilala.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro