Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 25

TAKIPSILIM na nang magtungo si Manuel sa bundok papunta sa kanilang pangalawang kuta. Mag-isang binabagtas ng binatilyo ang makitid na daan na puno ng mga kumakalat na halaman na siyang karaniwang nakikita lamang sa mga gubat. Hindi niya alintana ang lamig na sumasalubong sa kaniya at ang liwanag na unti-unting nilalamon ng dilim.


Dalawang beses sa isang linggo lamang siyang bumibisita sa kanilang kuta upang iulat sa kilusan ang kaniyang mga nakita at narinig. Sa panaderya siya tumutuloy kaya't humahanap lamang siya ng pagkakataon upang makaalis nang hindi namamalayan ni Lucia. Umaalis siya tuwing hatinggabi kung kailan naiidlip na ang lahat at bumabalik rin pagsapit ng umaga liban na lamang sa araw na ito. Masama ang pakiramdam ng ginang dahil sa kaguluhan kanina kaya't napilitan itong isara nang maaga ang panaderya. Kapansin-pansin ring naging mahinahon ang pakikitungo sa kaniya ng babae. Binigyan pa siya nito ng tirang tinapay na dalawang araw na lang ay aamagin na.


Anu't ano pa man, naninibago siya sa pakikitungo nito sa kaniya. Nagtataka si Manuel kung saan nanggagaling ang kabutihang-loob ng babae.


Sumulyap siya sa hawak niyang isang supot ng tinapay. Tiyak siyang matutuwa si Jose kapag nakita niya ito. Batid niyang ni minsan sa buhay ng kaibigan, hindi pa ito nakakatikim ng tinapay. Lumaki sila sa bundok kaya't kamote at ibang halamang ugat ang karaniwang laman ng kanilang hapag. May dala siyang pasalubong at maaga siyang nakabisita sa kuta, hindi niya alam kung ipagpapasalamat niya ba ang gulong nangyari kanina.


Paminsan-minsan, nagsasalitan sila ni Mateo sa pag-akyat panaog sa bundok. Bilang pag-iingat, hindi sila maaaring magtungo ng magkasama. Nararapat lamang na may maiwan sa palengke at bayan upang maging tenga at mata kapag wala ang isa.


Hawak ang isang maliit na sanga ng kahoy na napulot niya sa kung saan, tumataghoy ang binatilyo na pawang sumasabay sa sipol ng hangin. Sanay na si Manuel sa bundok kaya't bagama't nagdidilim na, hind man lang siya nakakaramdam ng kakaunting takot sa dibdib. Ito marahil ang isa sa mga pribilihiyo ng pagiging anak ng isang magsasaka.


Ganap nang lumabas ang buwan nang mapadaan ang binatilyo sa Salig, ang kanilang unang kuta. Naririnig niya lamang ang usapan tungkol rito ngunit hindi pa siya nakakabisita sa loob.


Mula sa malayo, isang bahay na gawa sa kahoy ang kaniyang namataan. Napapaligiran ito ng mga lampara sa bawat sulok upang magsilbing ilaw sa labas. Nahuli ng kaniyang mga tingin ang isang batang naglalaro ng isang bolang gawa sa dayami at isang babae na sa kaniyang sapantaha ay ina nito. Hindi siya pamilyar kaya't marahil ay bago lang din ang mga ito sa kilusan.


Akmang aalis na sana siya upang ipagpatuloy ang kaniyang paglalakbay nang maramdaman niya ang isang malamig na bakal na dumantay sa kaniyang batok. Natuod si Manuel sa kaniyang kinatatayuan at halos higitin niya ang kaniyang paghinga nang makita sa gumuhit nilang anino ang hawak na bagay ng taong nasa likuran niya. Batid niyang isang baril iyon.


Dahan-dahang itinaas ni Manuel ang dalawa niyang kamay sa ere bilang tanda ng pagsuko.


"Anong ginagawa mo rito sa bundok?" Isang manipis na tinig ang biglang nagsalita. "Espiya ka ba?"


"Hindi," sagot niya. "Huwag kang magkakamaling iputok iyang baril mo. Hayaan mo akong magpaliwanag."


Kinakabahan man ngunit pinilit niyang tatagan ang kaniyang loob.


"Sino ka naman upang utusan ako? Nakamasid ka sa bahay at nakita mo rin ang mukha ng bata at ginang na iyon. Anong pakay mo rito sa bundok ng ganitong oras?"


"Hindi ako kalaban."


"Hindi iyan ang tinatanong ko!"


Mariing napapilit si Manuel nang maramdaman niyang dumiin ang pagkakatutok ng baril sa kaniyang batok.


"Maniwala ka sa akin, napadaan lamang ako. Papunta ako sa Puhon upang mag-ulat sa kilusan."


"Puhon? Ang pangalawang kuta?"


Sa pagkakataong iyon, napalingon si Manuel upang tingnan ang taong nasa kaniyang likuran. Sandali siyang natigilan nang sumalubong sa kaniya ang walang emosyong mukha ng isang dalaga habang hawak ang isang rebolber. Nakapusod ang buhok nito kaya't kitang kita niya ang bawat parte ng mukha ng babae. Hindi siya makapaniwala. Namamangha siya sapagkat ngayon lamang siya nakatagpo ng isang babaeng puno ng lungkot at galit ang mga mata.


Muntik nang matalisod si Manuel nang malakas siyang itulak ng babae papalapit sa kubo habang nakatutok pa rin ang baril nito sa kaniyang likuran. Hindi ito naniwala nang banggitin niya ang tungkol sa kanilang pangalawang kuta at ang pagiging kasapi niya sa kilusan. Hindi niya naman ito masisisi sa kawalan nito ng tiwala sa iba. Batid niyang nag-iingat lamang ang dalaga.


"Maari bang huwag mo akong itulak? Sasama naman ako nang mahinahon," reklamo niya.


"Tumahimik ka riyan."


"Alunsina, sino iyang kasama mo? Anu't may hawak kang baril?" Naguguluhang tanong ni Josefa nang tuluyang makalapit ang dalawa sa kubo. Mabilis naman na nagtago si Benito sa likuran ng kaniyang ina nang makita niya ang estranghero.


Napailing naman si Manuel nang mahuli niya ang masasamang tingin ng bata sa kaniya. Sa kaniyang sapantaha, mas bata ito kumpara sa kaniyang inaaasahan. Hula niya ay nasa walong taong gulang lamang ito.


"Nahuli ko siyang nag-eespiya sa paligid," paliwanag ng dalaga. "May kung ano siyang sinasabi kaya nais ko siyang iharap sa Jefe upang malaman kung nagsisiunggaling ba siya o hindi."


Namilog ang mga mata ni Manuel.


"Narito ang Jefe? Nais ko siyang makausap! Jefe, nandito ako!"


"Manahimik ka!"


Samantala, nasa gitna ng isang pagpupulong sina Agueda, Artemio at Ka Miyong nang makarinig sila ng sigawan sa labas. Agad na dinampot ng dalaga ang kaniyang rebolber na nakapatong sa mesa bago lumabas ng silid-pulungan. Sumunod naman ang dalawang lalaki na hawak rin ang kani-kanilang baril.


Sunud-sunod na napakurap ang Jefe nang bumungad sa kaniya ang isang hindi inaasahang eksena. Nagsalubong ang kaniyang kilay nang makita si Manuel. Nakataas ang dalawag kamay nito sa ere habang hawak ang isang supot ng tinapay at maliit na sanga ng kahoy sa kabilang kamay. Kumunot pa lalo ang kaniyang noo nang makita ang hawak na baril ni Alunsina. Nakatayo naman sa gilid sina Josefa at ang anak nitong si Benito na bakas sa mukha ang matinding takot.


Napabuntong-hininga siya at itinago ang kaniyang baril sa loob ng kaniyang damit. Buong akala niya ay may dayuhang nakapasok sa kanilang kuta.


"Jefe! Kapitan!" tawag ni Manuel.


"Anong kaguluhan ito?" tanong ni Agueda.


"Jefe, nahuli ko ang lalaking ito na nagmamanman sa ating kuta. Sa tingin ko ay isa siyang espiya. Batid niya na rin ang tungkol sa ating pangalawang kuta kaya't alam kong nalaman niya na rin kung nasaan iyon. Kay lakas pa ng loob niyang sabihin na kasapi siya ng ating kilusan upang utuin ako. Ayon sa Artikulo Siyete Kautusan ng La Independecia Filipinas, ang mga espiya, taksil at mga taong-imbi ay papatawan ng parusahang kamatayan."


"Alunsina, huminahon ka. Kilala ko ang binatang ito."


Natigilan ang dalaga nang marinig ang sinabi ng Jefe. Nakita niya ang mapanuyang ngisi sa kaniya ng lalaki nang kampihan siya ng kanilang pinuno. Tinaasan niya ito ng kilay dahil sa inis. Lalong uminit ang kaniyang dugo sa kung paano siya nito tingnan ngayon. Mariin niyang hinawakan ang kaniyang baril na animo'y wala siyang balak na ibaba ito. Hindi niya titigilan ang lalaking ito hangga't hindi siya nakakasigurong hindi ito kalaban.


"Paumanhin, Jefe. Ngunit, nakasisiguro ka ba sa kaniya? Hindi ko siya nakikita sa ating kilusan," usisa ni Alunsina.


"Bago lamang siya sa ating kilusan. Isa siya sa mga anak ng pitong magsasakang pinatawan ng bitay sa plaza. Ang pangalan niya ay Manuel. Totoo ang lahat ng kaniyang sinabi. Ibaba mo iyang hawak mo, hindi mo siya kailangang tutukan ng baril. Binigyan ko siya ng mahalagang misyon. Sa pangalawang kuta sana kami magkikita ngunit mabuti at nakita mo siya sa paligid."


Sandaling nag-isip ang dalaga. Hindi niya akalaing napahiya siya.


Sa huli, ibinaba niya ang kaniyang rebolber. Lumapit naman sa kaniya ang kapitan upang kunin ito mula sa kaniyang mga kamay. Batid niyang nagulat ang mga ito nang makita siyang may hawak na baril. Nais niyang matutong gumamit nito ngunit hindi siya pinapahintulutan ng Jefe. Isa ito sa mga bagay na hindi niya maintindihan, anong kulang sa kaniya upang hindi siya pagkatiwalaan sa ganoong mga bagay. Nakikita niya ang ibang mga kasapi nila sa kilusan na halos ka-gulang niya lamang na humahawak na ng baril at nag-iinsayo. Dahil ba isa siyang babae kaya hindi siya binibigyan ng pagkakataong patunayan ang kaniyang sarili?


"Saan mo nakuha ang baril na ito?" tanong ng kapitan sa kaniya.


Hindi sumagot ang dalaga.


Palihim na kinuha lamang ni Alunsina ang rebolber dala ng kaniyang pagnanais na matuto nito. Mula sa kaban ng mga armas, dumampot siya ng isa at tumakbo papunta sa madilim na bahagi upang doon suriin ang baril. Nagkataon lamang na nakita niya ang lalaking Manuel ang pangalan habang nakamasid sa kanilang kubo.


Napansin niyang binuksan ng kapitan ang silindro ng rebolber. Napaiwas siya ng tingin nang mapahinto ito.


Samantala, kumurap naman si Artemio nang mapagtanto niyang bakante ang lahat ng silindro ng baril. Walang bala ang hawak ang ginamit na baril ni Alunsina ngunit nagawa ng dalaga na bihagin si Manuel na hindi nagpapahalatang dehado rin siya. Malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago niya tiningnan muli ang dalagita.


"Isang pagnanakaw ang iyong ginawa," sambit ni Artemio.


"Hinaram ko lamang ang baril, kapitan," paumanhin niya.


"Wala akong natatandaang nagpaalam ka sa amin, Alunsina."


"Kahit ako'y magpaalam, hindi niyo rin naman ako papayaan."


"Alunsina," putol ni Ka Miyong sa dalaga. "Halika rito't mag-usap tayo. Walang saysay kung pahahabain pa natin ang paksang ito. Batid natin na isa lamang itong hindi pagkakaunawan. Pumasok na tayo sa loob. Ang Jefe at Kapitan na lamang ang bahalang kumausap kay Manuel."


Lumingon si Ka Miyong sa mag-inang tahimik lamang sa isang tabi.


"Pumasok na rin kayo rito sa loob, Josefa. Mukhang inaantok na iyang si Benito."


Tumango ang ginang at tumalima sa utos nito.


Nauna nang pumasok ang Jefe sa loob ng silid-pulungan habang iginiya naman ng kapitan si Manuel papasok ng kanilang kubo. Nagtungo naman si Ka Miyong sa kusina kaya wala ibang mapamimilian si Alunsina kundi ang sundan na lamang ito. Hinanda na niya ang kaniyang sarili sa pangaral na matatangap mula sa matanda.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro