Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 22

NASA loob ng isang malinis na silid sina Agueda at Artemio. Tahimik na nililinisan ng dalaga ang sugat nito habang nakatanaw naman ang binata sa tanawin sa labas. Nakahinga siya nang maluwag nang tuluyang tumigil na ito sa pagdurugo. Hindi alintana ng dalaga ang langsa at lapot ng dugong kumakapit sa kaniyang balat habang ginagamot ang sugat ng lalaki. Sanay si Agueda na makakita ng ganitong klase ng mga sugat dahil na rin sa kursong kinuha niya. Hindi niya akalaing magagamit niya kay Artemio ang lahat ng kaniyang natutunan sa panggagamot. Bagama't tumanggi ito kanina, sa huli, napilit niya rin ang lalaki. Batid niyang masama pa rin ang loob ni Artemio. Nakikita niya at nararamdaman niya sa malamig nitong pakikitungo.


Kulang ang mga kagamitan sa panggagamot na mayroon sa kanilang pangalawang kuta kaya't pagkatapos niyang linisan ang sugat ng lalaki, minabuti na lamang niyang lagyan ito ng benda upang hindi magka-inpeksiyon. Ngayon na nakita niya, kailangan niyang magdala ng gamot at kagamitan para sa paunang luna upang sa gayon ay may magamit rin ang kaniyang mga kasama.


Sandaling sinipat ni Agueda ang kaniyang kasama. Kapwa silang nakaupo sa kama ngunit wala sa apat na sulok ng silid ang atensyon ng binata. Tulala ito habang nakatanaw sa labas. Hindi alam ni Agueda kung may iniisip itong iba o sadyang iniwasan lamang siya ng lalaki. Gusto niya itong kausapin ngunit nag-aalangan siya sa magiging sagot nito.


Tumikhim si Agueda upang agawin ang atensyon nito.


"Mabuti na lamang at hindi malalim ang sugat na natamo mo," panimula niya. "Kakaunti lamang ang gamit rito kaya't pagdating sa bahay ay titingan kong muli ang iyong sugat."


"Hindi ko ikakamatay ang ganito kaliit na sugat," sambit ni Artemio nang hindi siya tinitingnan.


"Batid ko iyon ngunit kung hindi natin ito lulunasan, maaari kang magkalagnat dahil sa inpeksyon. Ayokong magtaka ang iyong ama kung saan mo ito nakuha."


"Kung iyan lamang ang inaalala mo, kaya kong itago ang aking sugat hanggang sa maghilom ito."


"Masama pa rin ba ang iyong loob?"


Natigilan si Artemio nang inilihis ng dalaga ang kanilang usapan. Kumurap siya nang pumasok ang malamig na hangin mula sa labas. Nais niyang tingnan ang dalaga. Nais niyang pagaanin ang loob nito. Nais niyang sabihin rito na humupa na ang kaniyang galit ngunit pinipigilan niya ang kaniyang sarili na gawin iyon.


Gusto niyang palipasin muna ang isang gabi upang matuto si Agueda. Kilala siya nito. Batid ng dalaga na hindi siya nito matitiis. Hangga't maaari, ayaw niya itong kausapin. Kaya sa halip na sumagot, mariin niyang kinagat ang kaniyang ibabang labi upang pigilan ang sarili na magsalita.


"Hindi ko na ipapaliwanag ang aking sarili sapagkat kahit saang angulo tingnan, nagkamali ako. Tatanggapin ko ang iyong galit. Hihintayin ko ang araw na humupa ito hanggang sa ako'y iyo nang kibuin. Ipagtatapat ko na rin ang lahat kay Ka Miyong. Batid kong sasama rin ang kaniyang loob ngunit rerespetuhin ko rin iyon. Nakahanda rin akong tanggapin ang karampatang parusa dahil sa aking ginawa."


"Sa palagay mo ba ay iyon ang nais naming makita sa iyo?"


Nagulat si Agueda nang bigla siyang lingunin ng binata. Halos kalahating metro na lamang ang layo ng kanilang mga mukha kaya't kitang-kita niya ang paraan kung paano siya tingnan nito ngayon. Nagtataka siya sapagkat hindi galit ang nangingibabaw sa mga mata. Malungkot ang binata. Naghahalo ang takot at lungkot sa mga mata nito.


"Alam mo ba kung anong hinihintay kong sabihin mo simula kanina pa lamang? Batid mong nagkasala ka ngunit imbes na humingi ng tawad at pagsisihan ang iyong ginawa, ipinaliwanag mo lamang ang iyong sarili. Isinalaysay mo ang lahat ng nangyari dahil nais mong intindihin kita. Nais mong kunin ang aking simpatya upang maintindihan ko kung bakit ka nagsinunggaling at bakit itinago mo ang lahat sa'min. Nagkasala ka ngunit hindi ka humingi ng tawad—iyon ang ikinagagalit ko, iyon ang ikinatatakot ko."


"Artemio—"


"Huwag mo nang abalahin ang iyong sarili na humingi pa ng tawad ngayon," putol ng binata sa kaniyang sasabihin. "Ayokong gawin mo iyon dahil iyon ang nais ko."


Napatahimik si Agueda. Sa sinabi ni Artemio, nagsisimula na niyang pagdudahan ang kaniyang sarili. Tunay ngang hindi man lang siya nag-abalang humingi ng tawad rito. Wala nga siyang ibang ginawa kundi ang ipaliwanag sa binata kung bakit siya nagkasala. Naiintindihan niya na ngayon kung ano ang dahilan ng ikinagagalit nito—sapagkat tunay siyang makasarili. Matapang nga siya ngunit siya'y isang mapagmataas ring tao. Hindi niya akalaing si Artemio ang magiging dahilan upang mapagtanto niya ito.


Tumayo na si Artemio nang mapansin niyang hindi na kumikibo ang kaniyang katabi. Batid niyang nasaktan ito sa kaniyang sinabi ngunit hindi na niya babawiin ang lahat ng kaniyang tinuran.


"Maraming salamat sa paggamot ng aking sugat. Lalabas na ako upang saluhan ang ating mga kasapi sa ibaba," paaalam niya.


"Abisuhan mo na rin si Manuel. Papuntahin mo siya rito dahil nais ko siyang makausap.


Lumingon si Artemio. Nagsasalubong ang kaniyang kilay dahil sa katigasan ng ulo ng dalaga.


"Hindi ba't sinabi kong hindi mo na siya kailangan pangaralan pa?"


Sinalubong ni Agueda ang masasamang tingin ng lalaki.


"Baka nakakalimutan mong ako pa rin ang Jefe ng kilusang ito. Sundin mo na lamang ang ipinag-uutos ko."


Umiigting ang panga ni Artemio habang pinipigilan ang kaniyang sarili. Napabuntong hininga na lamang siya.


"Masusunod, Jefe," sagot ng binata bago pabagsak na isinara ang pinto.


Pagkalabas ng binata sa silid, inabala na lamang ni Agueda ang kaniyang sarili upang linisin ang kaniyang kamay. May iilang bahid ng dugo ang dumikit sa kaniyang daliri kaya't natagalan siyang tanggalin ito sa pamamagitan lamang ng tubig. Bagama't, aligaga siyang iligpit ang lahat ng kagamitang ginamit niya sa paggamot, malayo ang kaniyang isip roon. Masyado niyang minaliit si Artemio. Buong akala pa naman niya ay palalampasin ng binata ang kaniyang ginawa bilang malapit sila sa isa't isa.


DAPIT-HAPON na nang maagaw ang kaniyang atensyon ng isang mahinang katok mula sa pinto. Itinuon niya ang kaniyang mga mata sa taong pumasok sa silid. Lumitaw ang isang binatilyo dala ang isang plato na puno ng pagkain at isang tasa ng kape na hula niya ay mainit pa nang makita ang manipis na usok na nanggaling rito. Maingat na inilapag ng binatilyo ang mga ito sa ibabaw ng mesa.


Napuna ng lalaki ang pagtataka sa mukha ng Jefe habang pinagmamasdan ang pagkaing dala niya.


"Hindi po ito suhol upang hindi niyo ako pagalitan. Inutusan lamang po ako ng Kapitan na dalhin ito sa aking pag-akyat," paliwanag niya.


"Hindi naman ako nagtanong," sagot ni Agueda.


Napatahimik si Manuel at bahagyang yumuko sa hiya. Nagkaroon tuloy ng pagkakataon ang dalaga upang pag-aralan ang itsura nito. Sa kaniyang tansiya, ga-balikat lamang ito ni Agueda, payat at kulay kayumanggi ang balat. Napansin rin niya ang maruruming kuko nito sa paa at iilang peklat nito sa kamay gawa ng mga naghilom na sugat. Hindi maipagkakailang laki sa bukid ang binatilyo.


Sinulyapan ng babae ang mukha nito. Bakas rito ang kakaibang takot kaya't hindi niya tuloy napigilan ang kaniyang sarili na ngumiti. Nakita iyon ni Manuel kung kaya't mabilis na napalitan ng pagtataka ang kaniyang mga takot.


"Nakapaghapunan ka na ba?" panimula ng Jefe.


"Katatapos ko po lamang kumain," sagot ni Manuel.


Tumango si Agueda. "Bakit hindi mo ako samahan rito? Magandang pagmasdan ang paglubog ng araw kapag may kasama."


Umangat ang tingin ni Manuel at sumalubong sa kaniya ang payapang mukha ng Jefe. Ilang beses siyang kumurap upang kumibinsihin ang kaniyang sarili na totoo ang kaniyang nakikita. Halos hindi niya malunok ang kinakain niya kanina dahil sa labis na pag-aalala. Buong akala niya ay paparusahan siya ng Jefe sa kaniyang ginawa ngunit malayo ito sa kaniyang inaasahan.


Hindi na nagtanong pa si Manuel. Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa kaniyang pinuno. Sabay silang dumungaw sa bintana upang pagmasdan ang tanawin. Gumuhit ang isang ngiti sa kaniyang labi nang masaksihan ang paglubog ng araw. Kitang-kita niya ito mula sa kanilang kinatatayuan. Naghahalo ang kulay kahel at lila sa kalangitan na siyang nagdaragdag sa sayang kaniyang nararamdaman. Iilang mga ibon rin ang kaniyang namataan sa alapaap na nag-uumpisa nang maghanap ng masisilungan sa paparating na gabi. Hindi na matandaan ni Manuel kung kailan niya huling nakita at naramdaman ang ganitong klase ng kapayapaan.


"Ilang taon ka na ba, Manuel?" Basag ng dalaga sa katahimikan.


Sandaling nilingon ng binatilyo ang katabi. Nakatitig ang Jefe sa tanawin habang hinihintay ang kaniyang magiging sagot. Kapansin-pansin rin ang suot nitong sombrero na tinatago ang kalahati nitong noo.


"Dise-sais po."


"Napakabata mo pa," komento ng Jefe. "Ano ang nag-udyok sa iyo upang makisapi sa kilusan?"


Sandaling natahimik ang binatilyo. Biglang bumalik sa kaniyang alala ang masasamang nangyari sa kaniyag pamilya. Pinili niyang muling pagmasdan ang tanawin sa kanilang harapan upang pagaanin ang pakiramdam.


"Isa po ako sa mga anak ng pitong magsasaka na binitay sa plaza."


Sa pagkakataong ito, si Agueda naman ang napalingon sa kaniya. Nagulat siya sa ipinagtapat nito. Sumagi sa kaniyang isipan ang mga pangyayari nitong mga nagdaang araw. Kung tutuusin, halos dalawang linggo pa lamang ang nakalipas mula nang mangyari ang trahedya sa plaza. Bagama't payapa ang mukha ng binatilyong kasama niya ngayon, batid niyang hindi pa rin naghihilom ang sugat nito sa puso.


Bumuntong hininga si Agueda bago muling magsalita. "Naroon ka ba noong mga oras na pinatawan ng parusa ang iyong ama?"


"Opo, nakita ng aking dalawang mata kung paano siya namatay. Hindi ko iyon matatanggap sapagkat alam kong wala siyang kasalanan. Bihira na nga ang aming pamilya kung makakain ng tatlong beses sa isang araw kaya't nakasisiguro akong hindi pagmamay-ari ng aking ama ang baril at balang nakita sa kaniyang mga gamit."


Ramdam ni Agueda ang galit at pagkasuklam sa boses nito.


"Ano ang masasabi mo sa nangyari?" pagpapatuloy niya.


"Ang sabi-sabi ng mga tao ay tinamnam lamang ng bala at baril ang aking ama." Tumigil sa pagsasalita ang lalaki at lumunok. "Ngunit, hindi ko maintindihan. Sa dinami-rami ng pamilya rito sa bayan, bakit ang aking ama pa ang pinili nilang magbayad sa kasalanang hindi niya ginawa."


"Humihingi ako ng tawad sa iyo, Manuel."


"Para saan ho, Jefe."


"Kahit papaano ay may kasalanan ang aming kilusan sa sinapit ng iyong ama at ng iba pang magsasaka. Ang La Independencia Filipinas ang nagligtas kay Waldo noong inakusahan ring siya ang pumatay sa dating Gobernador-Heneral. Pito kaming sumabak sa misyon noong gabing iyon ngunit hindi kami namukhaan ng mga dayuhan kaya't naghanap sila ibang taong masisisi sa nangyari."


"Nakarating na po sa akin ang lahat ng iyan. Isinalaysay na sa'min ni kuya Waldo ang lahat. Maging siya ay humingi rin tawad sa'min. Naiintindihan ko kung bakit hindi niyo nagawang tulungan ang aking ama at ang ibang taong namatay noong gabing iyon. Magiging mahirap para sa kilusan na iligtas ang pitong taong bibitayin at ilikas ang mga pamilya nito."


"Ngunit, sana ay may sumubok rin kami."


"Wala akong sama ng loob sa kilusan. Hindi ko po kayo sinisisi sa nangyari sa aking ama sapagkat kagagawan po ng mga dayuhan ang mapait na sinapit niya."


Matipid na ngumiti ang dalaga. Humahanga siya sa binatilyo sapagkat mas matanda ito sa kaniyag edad kung mag-isip.


"Siya nga pala, paano niyo nalaman ang tungkol sa kilusan?"


"Nilapitan kami ni kuya Waldo noong gabing ipinatapon ang aming pamilya sa Katimogan. Nagdesisyon akong hindi sumama upang bigyang hustisya ang nangyari sa aking ama. Batid kong maisasakatuparan ko lamang iyon kapag sumapi ako sa kilusan. Hindi lamang po ako nag-iisa. Sumama rin sina Jose at Mateo, mga kaibigan ko sila at anak rin ng mga magsasaka."


"Batid niyo namang mapanganib ang landas na iyong napili, hindi ba?"


Ngumiti si Manuel. "Opo, Jefe. Tapos na po kaming umiyak at matakot, marahil ay mga bata lamang po kami sa inyong paningin ngunit higit pa po roon ang kaya naming gawin. Hindi man po akong marunong sa pamamaril ngunit magaling po akong magluto at masipag rin po ako. Kaya ko pong gawin ang lahat ng bagay liban lamang po sa pakikiaglaban. Mahusay rin po sa paggamit ng bolo si Jose dahil lumaki siyang dala-dala ito sa tuwing sila ay nagsasaka ng kaniyang ama. Hindi niyo rin po naitatanong ngunit marunong pong bumasa at sumulat ng Kastila si Mateo."


Namilog ang mga mata ng Jefe. "Siya nga? Paano mo natutunan iyon sa ganoong edad?"


"Tagapagsilbi po ng pamilyang Santiago ang kaniyang ina. Naging kaibigan niya ang isang binibining anak ng pinuno ng guardia sibil. Ang binibini ang nagturo sa kaniya ng lahat ng kaniyang nalalaman."


Tumangu-tango si Agueda. Nagagalak siya sa kaniyang mga narinig. Hindi niya akalaing may ganoong angking kakayahan ang mga bagong kasapi ng kanilang kilusan.


"Handa po kaming gamitin ang lahat ng aming kakayahan at nalalaman para sa ikabubuti ng ating kilusan."


Tinapik ng Jefe ang balikat ng binatilyo. "Sa sinabi mong iyan ay nasasabik tuloy akong makilala ang iyong mga kaibigan. Bakit hindi mo tawagin sina Jose at Mateo. Nais ko rin silang makausap."


"Ngayon din po, Jefe."


Umakmang humakbang si Manuel ngunit napahinto siya nang may maalala siyang bagay.


"Siya nga po pala, Jefe. Hindi niyo po ba ako parurusahan o pangangaralan man lang dahil sa nangyari sa Kapitan?"


Tumaas ang kilay ni Agueda nang banggitin iyon ni Manuel. Wala naman talaga siyang balak na parusahan ang binata. Nais niya lamang itong kausapin upang pagaanin ang loob nito. Batid niya ang pakiramdam ng isang taong nakagawa ng kasalanang hindi niya sinasadaya, nakakabaliw iyon at mabigat sa damdamin. Ayaw niyang maramdaman rin iyon ng binatilyo.


"Lahat tayo nagkakamali, Manuel. Hindi kita kailangang parusahan upang magpatanto mo iyon. Humingi ka ba ng tawad sa Kapitan?"


"Opo, Jefe."


"Kung gayon, sapat na ang iyong ginawa. Sa lahat ng bagay, iyon ang gusto niyang marinig ngayon," bulong niya.


"Ano ho iyon, Jefe?"


"Wala. Huwag mo na lamang intindihin ang aking sinabi. Bumaba ka at tawagin mo ang dalawa mong kaibigan. Ipaabot mo rin ang aking pasasalamat sa Kapitan para sa kape at kamote."


Lumawak ang ngiti ni Manuel. Dali-dali siyang nagtungo ng pinto at maingat na lumabas. Gumaan ang kaniyang pakiramdam pagkatapos ng usapan nilang dalawa ng Jefe. Walang katuturan ang lahat ng kaniyang takot at kaba sapagkat hindi pala kasinglamig ang ugali ng Jefe katulad ng kaniyang mga naririnig.


Kita ang saya sa mukha ng binatilyo nang bumaba siya. Nadatnan niyang nasa kalagitnaan ng pagbibiruan ang kaniyang mga kasama nang umupo siya sa tabi nina Jose at Mateo. Naroon rin sa hapag ang Kapitan at si Waldo na mabilis napansin ang aliwalas sa mukha ng bata.


"Aba't Manuel, sa lahat ng taong napagalitan, ikaw lamang ang kilala kong masaya," biro ni Waldo.


Napatingin tuloy ang lahat ng kanilang kasamahan sa kaniya. Napakamot sa hiya si Manuel. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag rito ang kinahihinatnan ng pag-uusapan nilang dalawa ng Jefe.


"Hindi siya tulad ng inaasahan niyo," tanging sambit niya. "Mabait ang Jefe at ma-prinsipyo siyang tao."


Tahimik lamang na nakikinig sa usapan si Artemio. Nabuhay ang kaniyang kuryusidad nang makita niyang ang ekspresyon ng mukha ni Manuel. Malayo iyon sa kaniyang inaasahan. Akala niya rin ay parurusahan ni Agueda ang bata. Gayunpaman, nakahinga siya nang maluwag sapagkat nagkakaroon ng oras ang Jefe upang kilalanin ang bawat miyembro ng kanilang kilusan.


"Aba! Kung makapagsalita ka, parang kilalang-kilala mo na talaga ang Jefe natin." Muling tukso ni Waldo. "Nagagalak ako dahil nakapag-usap rin kayo."


Tumango si Manuel at binalingan ang kaniyang mga katabi.


"Jose at Mateo, ipinapatawag rin pala kayo ng Jefe, nais niya kayong makausap."


Napatigil sa pagnguya ng kaniyang kinakain si Jose habang namilog naman ang mga ni Mateo nang marinig ang sinabi ng kaibigan. Kapwang nagkatitigan ang dalawang lalaki. Nagtatanong ang kanilang mga mata kung ano ang maaaring dahilan ng biglaang pagpapatawag sa kanila ng Jefe.


"Totoo ba 'yan, Manuel?" pag-aalinlangan ni Jose. "Sa aking pagkakatanda, wala naman kaming ginawang masama upang ipatawag ng Jefe."


"Sandali lamang," singgit rin ni Mateo. "Huwag mong sabihing ipinagtapat mo na ang ating pinagmulan?"


"Hindi tama ang magsinunggaling kaya't isinalaysay ko na ang lahat sa Jefe. Batid na niyang mga anak tayo ng mga magsasakang binitay."


Sunud-sunod na tumango si Jose na mukhang nakukuha na ang mga nangyayari.


"Kung gayon ay pinatawag niya tayo upang pag-usapan ang tungkol roon?"


"Ngunit ano naman ang dahilan upang pag-aksayahan niya tayo ng oras? Tayo'y mga paslit lamang," usual naman ni Mateo.


"Ngunit hindi iyon ang tingin ng Jefe sa atin," pagtatama ni Manuel. "Kaya't huwag na kayong magtanong riyan, sundan niyo na ako sa itaas. Naghihintay na siya."


Pilit na tumayo ang dalawa mula sa kanilang kinauupuan. Mabibigat ang kanilang mga paa na sinundan si Manuel. Hindi pa man sila tuluyang nakaakyat ng hagdan. Patakbong bumalik si Manuel sa hapag at isinilip ang ulo sa hamba ng pinto na siyang ikinagulat naman ng lahat. Hinanap ng kaniyang mga mata ang Kapitan at pagkuwa'y napangiti nang makita niya ito.


"Siya nga pala, Kapitan. Muntik ko nang makaligtaang sabihin ngunit pinapasabi ng Jefe na salamat raw ho sa ipinadala niyong pagkain," nakangiting sambit ni Manuel.


Tumikhim si Artemio nang muntik na siyang masamid sa iniinom niyang mainit na kape. Gusto niyang matawa sa mensaheng ipinaabot ng dalaga sa kaniya. Ngayon lamang siya nakatanggap ng pasasalamat mula kay Agueda kaya't hindi niya mapigilan ang kaniyang sarili na magtaka.


Kung gayon, nagbubunga na ang kaniyang pagtatampo rito.


Nakatuon ang lahat ng mga mata ng tao kay Artemio kaya't isang marahang tango na lamang ang kaniyang isinukli kay Manuel bago ito umalis.


Napailing si Artemio. Hindi na yata niya kakayaning ipagpabukas pa ang kaniyang galit.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro