Kabanata 21
HINUBAD ni Simeon ang suot niyang sombrero pagpasok niya ng Hora Feliz. Kaagad niyang namataan ang kaniyang kaibigang si Pablo na napatigil sa pagsasalin ng alak nang makilala siya. Pagkuwa'y ikinaway niya ang kaniyang kamay habang hawak ang kaniyang sombrero upang batiin ito. Isang ngiti naman ang isinukli ng lalaki at dali-daling naghanda ng isang baso laman ang paboritong alak ni Simeon habang papalapit sa kawnter ang binata.
"Kay aga mo namang bumisita rito sa Hora Feliz," puna ni Pablo nang tuluyan itong makalapit sabay inilagay ang isang maliit na basong puno ng alak sa harapan nito.
Pumwesto naman si Simeon sa upuan at ibinababa ang hawak niyang sombrero sa mesa. Isang buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago inisang lagok ang alakna inihain ng kaibigan. Bahagyang nalukot pa ang mukha ng binata nang malasan ang pait na gumuhit sa kaniyang lalamunan. Gumawa ng ingay ang baso nang malakas niya itong ibinababa sa mesa. Pinahiran pa niya ang natirang alak sa gilid ng kaniyang labi gamit ang manggas ng suot niyang damit.
Humalumbaba naman si Pablo habang pinagmamasdan ang mga kilos ng kaniyang kaibigan. Matagal na niya itong kilala kaya't napakadali na para sa kaniya na basahin ang nararamdaman nito. Sa kaniyang sapantaha, mukhang may dinadalang suliranin ang binata.
"May bumabagabag ba sa iyo?"
Sumulyap sa kaniya si Simeon. "Huwag mo akong intindihin, Pablo. Napadaan lamang ako rito kaya napagpasiyahan kong pumasok na rin."
Tumaas ang sulok ng labi ni Pablo.
"Ngunit hindi ikaw ang klase ng tao na umiinom ng alak dahil napadaan lamang. Kabisado kita, Simeon. Nababasa ko ang iyong mga kilos kaya't batid kong may bumabagabag sa iyo. Dahil ba ito sa bagong batas na ipinatupad ng iyong ama rito sa Cavinti."
Sandaling napatahimik ang kausap. Ilang sandali pa ay narinig niya itong bumuntong hininga.
"Nakarating na rin pala sa iyo."
"Isa akong negosyante kaya't malaking kahihiyan sa'kin ang pagiging ignorante. Narinig ko ang anunsyong ibinigay ni Santiago kani-kanina lamang riyan sa labas. Bagama't hindi ako kasali sa mga taong magbibigay ng buwis, tutol pa rin ako sa batas na iyon."
Inilihis ni Simeon ang kaniyang tingin papalayo sa kaniyang kaibigan. Inabala niya ang kaniyang sarili upang pag-aralan ang bawat sulok ng tindahan. Kakaunti pa lamang ang tao sa loob sapagkat alas tres pa lamang ng hapon.
Tulad ni Pablo, nasaksihan niya rin ang ginawang anunsyo ni Santigao kanina. Maging siya man ay nagulat rin nang marinig ang tungkol sa pagpapatupad ng buwis sa bawat pamilyang naninirahan sa bayan ng Cavinti. Wala siyang kinalaman sa hakbang ng kaniyang ama ngunit bilang anak nito, siya ang nahihiya sa mga ginagawa ng matanda. Tutol siya sa batas ng pagbubuwis sapagkat alam niya ang tunay na dahilan ng pagpapatupad nito. Gagamitin lamang ng kaniyang ama ang malilikom na salapi upang bumili ng karagdagang armas para sa mga guardia sibil, pagpapalakas ng kapangyarihan at pagpapatibay ng kolonya ng Espanya sa Pilipinas.
Noon pa man, napapansin niya na ang ugaling ito ng kaniyang ama ngunit hindi niya akalaing ganito pala ito kaganid sa kapangyarihan at pera.
"Hindi ko rin nais itong mga nangyayari ngunit wala rin akong sapat na tapang at kapangyarihan upang pangunahan ang desisyon ng aking ama," sambit ni Simeon habang pinipilit ang sarili na tingnan nang diretso sa mata ang kausap.
"May katuwiran ka naman. Ngunit bilang anak niya, kahit papaano ay may magagawa ka. Bakit hindi mo subukang ipaintindi sa kaniya ang magiging kahihinatnan ng kaniyang mga desisyon? Ako ang naawa sa mga Pilipino rito."
"Hindi ka isang Pilipino ngunit sa Pilipinas ka ipinanganak kaya't naiintindihan ko ang iyong pagmamalasakit sa mga tao," puna ni Simeon.
Kumurap si Pablo. "Hindi naman sa ganoon. Inaalala ko lamang ang aking negosyo. Hindi mo naitatanong ngunit marami ring mga Pilipino ang bumibisita rito sa Hora Feliz upang uminom. Ngayon na magkakaroon na ng buwis, hula ko ay mababawasan ang aking mga parokyano."
Mahinang napatawa si Simeon. Hindi niya akalaing ibang klaseng awa pala ang tinutukoy ng kaniyang kaibigan. Iniabot niya na lamang ang isang bote ng alak at muling sinalinan ang kaniyang baso.
"Huwag ka nang magbahala riyan. Kung may oras ay dadaan rin ako rito upang kahit papaano'y hindi ka lugi," biro niya.
"Isama mo na rin si Piyo at ang isa niyo pang kaibigang lalaki. Nakalimutan ko silang imbitahin nang magawi sila rito kanina."
Naibaba ni Simeon ang hawak niyang bote dahil sa narinig.
"Si Piyo? Nagpunta siya rito?"
Tumango si Pablo. "Oo, tama ka ng narinig. May isang lalaki siyang kasama na kung titingnan sa kaniyang kasuotan ay masasabi kong galing sa isang mayamang pamilya. Bumili ito ng bago kong alak rito. Nagustuhan niya rin ang lasa ng aking Carpe Diem Vino."
"Nakakasiguro ka ba riyan?"
"Kinikilala ko nang mabuti ang aking mga parokyano kaya't kahit na minsan ko lamang nakita ang iyong kaibigang si Piyo, batid kong siya ang nakita ko kanina."
Kumunot ang noo ni Simeon. Batid niyang hindi sanay na uminom ng alak ang babaeng iyon kaya't marahil ang lalaking kasama nito ang pumasok rito ngunit ang lubhang nakakapagpabagabag sa kaniya ay ang katotohanang may kasama itong ibang lalaki. Tunay ngang kakaunti pa lamang ang kaniyang nalaman tungkol sa bagong kakilala.
"Anong problema? Hindi mo ba kilala ang lalaking kasama niya kanina?"
Sinipat ni Simeon si Pablo. Isang iling ang kaniyang ibinigay rito.
"Hindi," sagot niya. "Hindi ko rin alam na may iba siyang kaibigang lalaki maliban sa'kin."
TAHIMIK na nakaupo si Agueda sa damuhan habang nakasandal naman si Artemio sa isang malaking katawan ng puno ng manga. Mula sa kanilang kinaroronan, tinatanaw ng dalawa ang kabuuan ng bayan ng Cavinti. Nasa mataas na bahagi sila ng bundok kung saan malaya nilang pinagmamasdan ang maliit na bayang kanilang pinagmulan. Kasingliit na lamang ng langgam ang mga tao at ang tanging mataas na gusali ng simbahan na lamang ang kaniyang nakikita nang malinaw.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Agueda habang ninanamnam ang kasalukuyang kapayapaan. Ramdam niya ang bugso ng hanging tumatama sa kaniyang balat at tinatanggay ang ilang hibla ng kaniyang buhok na kumawala sa kaniyang pagkakatali. Bagama't maganda ang tanawin ngunit mabigat ang kaniyang loob habang pinapakiramdam ang kilos ng kaniyang kasama. Batid niyang galit si Artemio sa kaniya. Inasahan niya na iyon ngunit hindi nga lamang siya nakapaghanda.
"Mag-umpisa ka na," utos ng binata sa kaniya.
Nilingon niya ito. Nakatuon ang mga mata ni Artemio sa tanawing nasa kanilang harapan.
"Hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa," pag-aamin ni Agueda.
"Umpisahan mo sa simula. Kailan ka pa nagsimulang magsinunggaling sa'kin?"
Yumuko si Agueda. Ramdam niya ang pinaghalong galit at lungkot sa boses ng binata. Wala nang saysay upang ikubli niya pa ang lahat. Nais niya na sanang itago nang tuluyan ang nangyari noong gabing namatay ang dating Gobernador-Heneral ngunit hindi niya inasahang lalala ang sitwasyon. Wala siyang ibang mapamimilian kundi aminin kay Artemio ang lahat ng kaniyang nakita at ginawa sapagkat karapatan iyon ng lalaki bilang kasapi rin ng kilusang kanilang binuo.
"Hindi ako ang pumaslang sa dating Gobernador-Heneral Lubaton. Ibang tao ang pumatay sa kaniya."
Napalingon si Artemio sa dalaga dahil sa narinig. Kumunot ang kaniyang noo nang sumalubong sa kaniya ang seryoso nitong mukha. Samu't saring katanungan ang naglalaro sa kaniyang isipan patungkol sa katotohanang inamin ni Agueda.
"Ang buong akala namin ay—"
"Hindi ako ang tumatapos ng misyon ko nang gabing iyon sapagkat may iba tao rin palang nais siyang paslangin. Bago ko pa man kalabitin ang aking gatilyo, nakabulagta na si Lubaton at nagkagulo na ang mga tao."
"Nakilala mo ba ang salarin?"
Tumango si Agueda. "Isa siyang lalaki," tugon niya. "Hindi ko na lamang ipinagtapat sa inyo ang nangyari sapagkat naisakatuparan rin naman ang ating misyon kahit hindi ako ang gumawa. Nais kong ibaon na lamang sa limot ang nangyari noong gabing iyon ngunit hindi ko inasahang makikita ko ulit ang lalaking iyon."
"Anong ibig mong sabihin?"
Tinitigang mabuti ni Agueda ang kaniyang kausap. Batid niyang magugulat ito sa susunod niyang sasabihin.
"Ang taong pumatay sa dating Gobernador-Heneral ay si Simeon Alonso. Siya ang kaisa-isang anak ng bagong Gobernador-Heneral ngayon."
Natigilan si Artemio. Pinagtagpi niya ang lahat ng mga nangyari hanggang sa narating niya ang isang ideya.
"Kung gayon, layunin niyang paslangin si Lubaton upang iluklok sa puwesto ang kaniyang ama."
Tumango ang dalaga. "Isa siyang tuso at matalinong lalaki kaya't hindi ko mahulaan ang kaniyang mga susunod na hakbang. Kung nagawa niyang paslangin si Lubaton, nangangahulugan lamang ito na magaling rin siyang sa pamamaril."
"Kailan mo siya huling nakita?"
Kumurap si Agueda. Hindi niya inasahan iyon galing kay Artemio.
"Noong isang gabi."
Malalim na bumuntong hininga si Artemio. "Ibig sabihin ay siya rin ang kinatagpo mo nitong mga nagdaang gabi?"
"Nahuli ko siyang nagmamanman sa labas ng bahay ni Ka Miyong noong isang linggo. Sinundan ko siya upang patayin ngunit hindi ako nagkaroon ng magandang pagkakataon sapagkat nabatid na niya rin na may kinalaman ako sa barilang nangyari sa plaza."
"Paano niya nalaman ang tungkol doon?"
"Iyon rin ang gusto ko pang alamin. Iginigiit niyang hindi siya espiya ng mga dayuhan."
Umismid si Artemio. "At naniwala ka naman sa kaniya?"
"Hindi," sagot nito. "Ngunit aaminin kong ninais ko siyang pagkatiwalaan. Bumalik lamang sa'kin ang katotohanang isa siyang dayuhan nang malaman kong anak siya ng bagong Gobernador-Heneral Alonso. Noong gabing naitalaga si Alonso sa kaniyang puwesto, lumabas ako ng mansion dala ang aking armas. Buo ang aking loob na sumulong sa mansion ng Gobernador-Heneral upang paslangin ang lalaking iyon."
"Sumugod ka roon? Nahihibang ka na ba?" bulyaw ng lalaki.
"Ginawa ko lamang iyon sapagkat marami siyang nalalaman sa ating kilusan. Isa pa, anak siya ng bagong Gobernador-Heneral, kadugo siya ng ating kalaban kaya't batid kong hindi siya mangingiming sabihin sa kaniyang ama ang lahat ng kaniyang nalalaman."
Umigting ang panga ni Artemio nang marinig iyon. Ikinuyom niya ang kaniyang kamao at pilit na iniwawaglit ang galit na kaniyang nararamdaman. Galit siya dahil nagsinunggaling sa kaniya si Agueda ngunit ang lalong nagpapakulo ng kaniyang dugo ngayon ay ang katotohanang sumugod ang babae nang mag-isa sa teritoryo ng kanilang kaaway. Isang malaking katangahan ang ginawa nito.
"Napakamakasarili mo," bulong niya ngunit sapat upang marinig ng kasama. "Bakit itinago mo sa'min ito? Bakit hindi mo ipinaalam sa kilusan o kahit man lang sa'kin?"
Dahan-dahang tumango si Agueda. Tatanggapin niya ang galit nito.
"Hindi ko sinabi sa inyo sapagkat ang akala ko ay kontrolado ko ang sitwasyon. Ayokong idagdag pa aking pagkakamali sa mga suliranin natin sa kilusan."
"Maganda man ang iyong layunin ngunit mali pa rin ang iyong pamamaraan. Naiintindihan kong iniisip mo lamang ang kapakanan ng ating kilusan ngunit bilang lider nito, nanumpa ka ng iyong katapatan na sabihin ang kahit na anumang suliranin na maaring makakaapekto sa ating grupo. Ang iyong pagsisinunggaling ay katumbas ng iyong hindi pagtitiwala sa amin."
"Artemio—"
"Wala ako sa lugar upang kwestunin ang iyong mga desisyon. Hindi ko rin hawak ang iyong isipan. Marahil ay hindi pa sapat ang ating mga pinagsamahan upang pagkatiwalaan mo kami ng buo. Wala akong paki-alam kung anong tingin mo sa ibang tao ngunit ang harap-harapan mong pagsisinungaling ay masakit para sa akin. Hindi lamang ako kasapi ng ating kilusan, Jefe. Ako ang taong kasama mong lumaki. Ako ang taong kaya kang suportahan maging sa iyong mga kahibangan. Tinuri kang anak ng aking ama kaya't mahalaga ka sa akin. Hindi ko ito sinasabi dahil nagagalit ako sa iyo. Sinasabi ko ito sapagkat nag-uumpisa na akong matakot. Huwag mo na ulit subukang ikubli ang isang problema upang masabi lamang ng mga tao na maayos ka."
Umalis sa pagkakasandal sa puno si Artemio at walang pasabing iniwan si Agueda. Nag-umpisa na itong maglakad paalis. Walang ibang nagawa si Agueda kundi ang pagmasdan ang papalayong lalaki. Gusto niyang isigaw ang pangalan nito at lumuhod sa harapan niya upang magmakaawang patawarin siya.
Bago sa kaniya ang nangyayari, hindi kailanman pa nagalit sa kaniya ang kababata. Marahil ay nagtampo na ito sa mga maliliit na bagay ngunit isang mahalagang suliranin ang kanilang kinahaharap ngayon kaya't hindi niya rin ito masisisi kung nagalit ito. Gayunpaman, may isang bagay siyang napagtanto sa araw na ito. Hindi na kailanman siya magsisinunggaling sa binata.
Malayo na si Artemio kaya't tumayo na rin Agueda upang sundan ito. Binalot ng katahimikan ang kanilang paglalakbay, nakatitig lamang ang dalaga sa likuran ng binata. Umaasa siyang lumingon ito sa kaniya upang hintayin siya at sabayan sa paglalakad katulad ng lagi nitong ginagawa ngunit nagpatuloy lamang si Artemio sa paglalakbay na pawang wala siyang kasama. Hinayaan na lamang ito ni Agueda.
Pagkarating nila sa kanilang pangalawang kuta, ang Puhon, kaagad na lumiwalay ng landas si Artemio at nilapitan ang isang grupo ng mga kalalakihan na kasalukuyang nag-iinsayo sa paghawak ng armas.
Bumuntong hininga ang dalaga at pilit na itinuon ang kaniyang atensyon sa ibang bagay. Doon niya napansin ang isang lalaking kumakaway sa kaniya. Mabilis siyang ngumiti nang tuluyan niya itong makilala.
"Mabuti't nakarating rin kayo rito, Jefe," bati ni Waldo.
"Ipagpaumanhin niyo dahil ngayon lamang ako nakadalaw. Kumusta kayo rito?"
"Maayos naman, Jefe. Hindi problema ang tubig sapagkat may balon naman sa likod ng bahay. Isa pa, may maliit na sapa ka ring matatagpuan ilang metro ang layo mula rito."
Tumango si Agueda. "Paano ang inyong makakain?"
"Nangaso sina Kuwago at Buwitre kaninang umaga kaya't aabutin pa ng dalawang lingo ang karne ng baboy ramo na nahuli nila."
"Mainam iyan ngunit huwag ninyong dalasan ang pangangaso. Maaari naman kayong bumaba ng bayan upang bumili ng iyong pangangailangan. May sapat naman tayong salapi para riyan."
"Ipapaalam ko po sa iba," tugon naman ni Waldo.
Pinag-aralan ni Agueda ang buong paligid. Hindi nga siya nagkamali sa pagpili ng panibagong kuta. Nasa gitna ng kakahuyan ang lumang bahay na gawa sa kahoy. Mas malaki ito kumpara sa kaniyang inaasahan. Dalawang palapag at may isang kubo rin itong katabi kung saan maaaring magpahinga ang mga lalaki galing sa pagsasanay. Nagkalat sa paligid ang isang puno na kung tawagin ay kalingag.
Sa kaniyang tansiya, aabutin ng tatlong oras sa paglalakad ang layo mula sa kanilang unang kuta hanggang sa Puhon. Mainam ang lugar na ito upang pagtaguan ng mga armas at mahahalagang gamit.
"Naghanda kami ng makakain. Nais niyo bang pumasok?" alok ni Waldo.
Sumang-ayon si Agueda at sinundan ito sa loob. Bumungad sa kaniya ang nakalawak na espasyo sa salas na laman lamang ang isang mahabang muwebles na upuang gawa sa kawayan. Napuna niya rin ang makintab at malinis na sahig ng bahay. Masyado itong malinis at maganda para isang lumang bahay na halos dalawang dekada nang hindi nagagalaw.
"Naglinis na kami rito kaya kahit papaano ay umaliwalas rin ang itsura ng looban," pagsisimula ni Waldo. "Mula nang mamatay ang aking ama, hindi na ako nagawa rito kaya kakaunti lamang ang kagamitan. May mga naiwan pang mga damit ng mga taong nanirahan rito noong araw, hula ko pagmamay-ari iyon ng mga kasapi sa kilusan ng aking ama. Sinunog na naming ang lahat ng iyon kahapon."
"Tama ang inyong ginawa," segunda ng dalaga. "Hindi ko inasahang malaki at malawak pala ang bahay na ito."
"May tatlong kwarto rito sa ibaba habang apat naman ang sa itaas. Inutusan ko nang ipalinis ang isang kwarto roon upang gawin mong pansamantalang silid kung sakalimang maisipan mong magpalipas ng gabi rito."
Sinipat niya si Waldo. Gusto niyang matawa sa sinabi nito. Hindi niya inasahang magiging ganito ang pagtrato nito sa kaniya. Kilala niya ito bilang isang taong walang inaalala kundi ang sarili lamang. Sa tuwing may transaksyon silang dalawa, wala silang ibang pinag-uusapan kundi ang mga bagay na maaari nila makuha sa isa't isa. Iyon lamang ang natatandaan niyang ugali ng lalaki kaya't naninibago siya ngayon sa kinikilos nito.
"Hindi na sana kayo nag-abala pa. Sanay akong natutulog kahit saan."
Umiling ang binata. "Bukod sa tungkulin mo sa kilusan, nararapat ring alagaan mo ang iyong sarili sapagkat maraming tao ang umaasa sa iyo. Huwag mong tanawing utang na loob itong aking ginagawa. Isa lamang ito sa aking mga tungkulin bilang kasapi ng kilusan."
Matipid na ngumiti si Agueda. "Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ako sa iyo, Waldo."
"O, siya, abalahin mo ang iyong sarili rito sa loob. Magtutungo lamang ako ng kusina upang maghanda ng meryenda."
Pagkatapos umalis ni Waldo, nagtungo naman si Agueda sa ikalawang palapag ng bahay upang tingnan ang itsura nito.
Tulad ng sinabi ng lalaki, nakita niya ang apat na kwarto sa itaas na may tig-isang kama ang laman. Nagawi rin siya sa isang veranda kung saan natatanaw niya ang tanawin sa labas. Maganda ang pagkakagawa at pagkakadisenyo ng bahay kaya't kahit na dalawang dekada na ang nakaraan, matibay pa rin ito tingnan.
Pababa na siya ng hagdan nang makarinig siya ng isang putok ng baril sa labas. Bigla siyang kinabahan kung kaya't mabilis niyang hinugot ang kaniyang dalang rebolber at sumilip sa pintuan.
Hindi mga kalaban ang kaniyang namataan kundi ang kumpulan ng kaniyang ka-miyembro habang inuusisa ang nangyayari. Kumunot ang kaniyang noo nang makitang nakasalampak sa lupa si Artemio, sapo-sapo ang kaniyang nagdudugong braso.
Dali-dali niyang muling itinago ang kaniyang baril at dinaluhan ang binata. Kusang tumabi ang taong nakukumpulan nang makita ang pagdating ng kanilang Jefe.
"Anong nangyari?" tanong niya sa lahat ngunit nakatuon lamang ang kaniyang mga mata sa duguang binata.
Walang awat sa pagdurugo ang sugat nito. Inilabas ni Agueda ang dala niyang panyo at inilapat sa sugat ng binata. Lalo niya pa itong diinan dahilan upang mapadaing sa sakit si Artemio.
"Maaari bang ipaliwanag niyo sa'kin kung paano ito nangyari?" maawtoridad na tanong niya.
Lumabas ang isang lalaki mula sa kumpulan at lumuhod sa harapan nilang dalawa. Kung titingnan, isa lamang itong binatilyo. Hindi niya matandaan ang pangalan nito sapagkat isa ito sa mga bagong miyembro ng kanilanng kilusan.
"Kasalanan ko ang nangyari, Jefe," pag-amin nito. "Hindi ako nag-ingat. Hindi pa ako bihasa sa paggamit ng baril kaya't hindi ko sinasadyang naiputok ito at natamaan ang Kapitan. Nararapat akong parusahan."
Mahinang tumawa si Artemio at inabot ang balikat ng lalaki gamit ang malaya niyang kamay.
"Huwag mo akong alalahanin. Daplis lamang ito. Mukhang kailangan mo pa nga talaga ng insayo sa pamamaril."
Umalpas ang luha sa mata ng binatilyo habang tinitingnan ang Kapitan.
"Patawad po, Kapitan. Patawarin niyo po ako."
Bumuntong hininga si Agueda. Masyadong marami na siyang alalahanin upang pahabain ang ganitong mga eksena.
"Tapos na ang pag-iinsayo sa araw na ito," anunsyo ng Jefe. "Pumasok na kayong lahat sa loob at linisin ang inyong mga sarili. Maghapunan na rin kayo at magpahinga nang maaga."
Tumalima naman kaagad ang lahat. Dumako ang tingin ng dalaga sa nakaluhod na binatilyo.
"Ikaw," tukoy niya rito. "Ano ang iyong ngalan?"
Lumunok ang lalaki bago sumagot. Kita sa kaniyang mukha ang takot sa taong kausap. Naglalaro sa kaniyang isipan ang iba't ibang ideya. Natatakot siyang baka itakwil siya ng Jefe sa kilusan dahil sa kaniyang kapabayaan.
"Ako po si Manuel," sagot nito.
"Manuel, mag-usap tayo mamaya."
Namilog ang kaniyang mga mata dahil sa gulat. "H-ho?"
"Jefe," pigil ni Artemio sa dalaga. "Hindi mo na siya kailangang pangaralan. Ayos lamang ako."
Hindi ito pinansin ni Agueda at tiningnan lamang ng diretso sa mata si Manuel. Blangko ang mukha ni Agueda kaya't hindi mabasa ng binatilyo ang nais nitong ipahiwatig. Kinakabahan siya sa maaari niyang sapitin. Ang rinig niya sa kaniyang mga kasama ay kakaiba mag-isip ang kanilang Jefe.
"Pumasok ka na rin sa loob, Manuel. Sabayan mo sa hapunan ang iyong mga kasama. Tatawagin kita pagkatapos kong gamutin ang sugat ng Kapitan."
"M-masusunod po, Jefe."
Dahan-dahang tumayo ang binatilyo at nagpaalam bago pumasok sa loob. Pagkaalis nito, malalalim na titig ang sumalubong sa kaniya nang muli niyang binalingan ng tingin si Artemio. Bakas sa mukha nito ang pagtataka sa kaniyang ginawa.
"Tinatakot mo siya," puna ni Artemio.
Napatingin si Agueda sa sugat ng lalaki at pagkuwa'y napabuntong hininga.
"Tinakot mo ako."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro