Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 18

SINALUBONG ni Simeon ng isang malawak na ngiti ang taong aligagang kumakatok sa pinto habang tinatawag ang kaniyang pangalan. Bumungad sa kaniya ang pinuno ng guardia sibil kasama ang dalawa pa nitong alagad sa likuran. Dala ng mga ito ang isang Spanish M93 riple na siyang opisyal na armas na ginagamit ng mga guardia sibil. Umangat ang gilid ng labi ng binata nang mapansin ang mga balisang mukha ng mga ito ngunit agad namang naglaho nang mapansin ang kaniyang ayos.


Walang saplot sa itaas si Simeon at isang manipis na pantalon lamang ang suot niya sa baba. Bahagyang magulo pa ang buhok nito na animo'y kababangon lamang sa kama.


Tumayo ang lalaki sa hamba ng pinto at itinukod ang kanyang siko sa gilid nito upang pigilan ang pagpasok ng kaniyang mga panauhin sa gabi.


"Buenas noches, Señorito Simeon," bati ni Santiago. "Paumanhin kung nagambala namin ang iyong mahimbing na pagtulog."


"Ano ang inyong pakay sa akin ngayong dis oras na ng gabi, Santiago? Nakakaabala kayo sa aking ginagawa. Hindi ba maaring ipagpabukas iyan?"


Tumikhim si Santiago nang mahimigan ang galit sa boses ng kausap.


"Ipagpaumanhin niyo sana ang aking kapangahasan, Señorito Simeon. Ngunit, nais lamang naming alamin ang iyong kalagayan sapagkat habang nagroronda ang aking pulutong, isang walang malay na guardia sibil ang kanilang namataan sa madilim na bahagi na malapit rito sa palacio ng Gobernador-Heneral. Inusisa namin ito nang siya'y magising at napag-alaman kong inatake siya ng isang lalaking nakasuot ng purong itim," mahabang paliwanag ni Santiago.


"Isang lalaki?" tanong ng binata.


"Sí, Señorito. Kaya't kung inyong mamarapatin, sana'y pahintulutan mo kaming pumasok sa iyong silid upang magsiyasat."


Gustong matawa ni Simeon sa kaniyang narinig. Hindi niya akalaing marami rin palang tao ang nagoyo ng kaniyang kaibigan. Pagkuwa'y nilawakan ng binata ang nakabukas na pintuan ng silid dahilan upang masilip ng mga lalaki ang looban nito. Tumambad sa kanila ang isang babaeng nakaupo sa dulo ng kama. Nakabalot ang buong katawan nito ng puting kumot, nakatalikod at sinusuklay ang kaniyang mahabang buhok.


Tumikhim nang malakas si Simeon nang mapansin niyang halos hindi na kumukurap ang mga mata ng tatlong lalaki habang pinagmamasdan ang dalaga sa loob. Napaayos naman ng tayo si Santiago at dagling iniwas ang mga mata.


"Sapat na ang inyong nakita. Walang ibang lalaki sa silid na ito maliban sa akin."


Tumangu-tango ang matanda. "Hindi ko akalaing mahilig ka pala sa mga babae. Kabago-bago mo lamang rito ngunit may nabingwit ka na."


"Paminsan-minsan lang," ngiti ng binata. "Ngayon kung inyong mararapatin, nais ko na sanang ipagpatuloy ang kung anumang bagay ang aming ginagawa. Ikakagalak ko kung kayo'y aalis na."


"Sa aking sapantaha ay ngayon mo lamang nakilala ang babaeng iyan, hindi na ako magugulat kung siya'y isang alipin lamang. Bakit hindi ka pumuli ng babaeng kapareho mo ng antas?"


"Kapareho ko ng antas? Sinong binibini naman ang iyong tinutukoy, Santiago?"


Isang makahulugang ngiti ang iginawad ng matanda sa kaniya.


"Ang aking anak. Hinuha ko ay magkasing-edad lamang kayo. Huwag mo sana itong tingnan sa ibang angulo ngunit magkaibigan kami ng Gobernador-Heneral kaya't tiyak kong mapapanatag rin ang kaniyang loob kung magkakamabutihan ang mga anak namin."


Muling sumandal ang lalaki sa hamba ng pinto at umaktong nag-iisip. Kita niya ang ningning sa mga mata ng matandang kaniyang kausap habang hinihintay ang kaniyang magiging sagot. Hindi mahilig si Simeon sa babae. Kailanman ay hindi sumagi sa kaniyang isipan ang magkaroon ng kasintahan sapagkat naniniwala siyang sakit lamang sa ulo ang kaniyang aabutin kung sakali mang pumasok siya sa isang relasyon.


"Hindi na ako makapaghintay na makilala siya," pagsisinungaling niya.


Agad namang lumawak ang mga ngiti ni Santiago.


"Darating rin ang araw na iyon. Sa ngayon ay maglipas ka muna ng bagot sa iba. Muli, humihingi ako ng paumanhin sa aming pangangambala sa iyo, Señorito."


"Naiintindihan ko, Santiago. Batid kong ginagawa niyo lamang nang mabuti ang inyong trabaho. Adiós!"


Sinundan pa ni Simeon ng tingin ang tatlong guardia sibil hanggang sa tuluyan itong makababa ng hagdan saka niya muling isinara ang pinto at siniguradong nakakandado ito. Hinirap niya ang kaniyang kasama ngunit wala na ito sa kama. Natagpuan niya ang dalaga sa gilid ng bintana habang sinisilip ang nangyayari sa labas.


Tumikhim ang binata upang agawin ang atensyon nito.


"Hindi ko akalaing ganoon lamang kadali para kay Santiago na ipagkasundo ang kaniyang anak sa iba. Ano bang akala niya sa mga babae, isang laruan lamang na maaaring ipahiram?" Umiling-iling na wika niya habang nakatitig sa labas.


Pinanuod ng dalaga ang paglisan ng malaking pulutong ng mga guardia sibil kasama si Santiago. Hindi niya inasahang madaling matutunton ng mga ito ang guardia sibil na pinuruhan at itinago niya sa madilim na bahagi. Mukhang hindi nga magandang ideya ang kaniyang ginawa.


"Hindi ko rin akalain na isa ka palang babae, Piyo."


Napalingon si Agueda. Bigla siyang nakaramdam ng pagkaasiwa habang tinitigan siya ni Simeon. Lumayo siya sa bintana upang pulutin ang kaniyang mga gamit sa ilalim ng kama. Muli niyang itinali ang kaniyang buhok at sinuot ang sombrero. Kinuha niya na rin ang kaniyang baril. Pinanunuod lamang siya ni Simeon habang ginagawa iyon.


"Nakatitig ka," puna ng dalaga. "Paano kita mapapahinto?"


"Isa kang babae. Ngayon lamang ako nakakita ng babaeng imbes na pamaypay ay baril ang bitbit. Nakagayak ka pa ng damit panlalaki. Malayo ito sa karaniwan kong nakikita."


"Hindi ko kailangang magpaliwag sa'yo."


"Kailangan mo," pagtatama niya. "Kay lakas ng iyong loob na sumugod rito upang tawagin akong taksil ngunit niloloko mo rin pala ako. Pinaniwala mo akong isa kang lalaki. Nakipagkasundo ka sa'kin nang hindi ipinagtatapat ang iyong tunay na kasarian o pagkatao. Sa ating dalawa, sino sa tingin mo ang sinunggaling?"


Napatigil si Agueda. Batid niyang mali ang kaniyang ginawa ngunit kailangan niyang itago ang kaniyang tunay na pagkatao upang protektahan ang sarili. Nagpanggap rin siyang isang lalaki upang pamunuan nang maayos ang kanilang kilusan. Batid niyang walang sinuman ang rerespeto sa kaniyang mga desisyon oras na malaman ng kaniyang mga kasapi ang tunay niyang kasarian. Tiyak siyang magdadalawang-isip ang mga iyon na pagkatiwalaan siya kung sakaling mabatid ng mga ito na isa lamang siyang hamak na babae.


"Tulad mo, may sapat rin akong dahilan," sagot niya. "Kailangan kong magpanggap upang magampanan ko nang mabuti ang aking misyon sapagkat hindi pa handa ang lipunang ito na makitang lumalaban ang mga babaeng katulad ko. Wala akong mapamimilian kaya't aaminin kong nagsinunggaling ako sa'yo. Ngunit kailanman ay wala akong bagay na sinuway sa ating kasunduan."


"Alam ko," turan ng lalaki. "Hindi mo kakayaning magsumbong sa iba tungkol sa pagkakapatay ko sa dating Gobernador-Heneral sapagkat kaakibat n'yon ay ang tuluyang pagkabunyag ng inyong kilusan. Sa makatuwid, wala ka nang ibang hawak laban sa akin."


Tumaas ang kilay ng dalaga.


"Diyan ka nagkakamali sapagkat sa mga sandaling ito, hawak ko ang buhay mo."


Sa isang kisapmata, biglang inangat ni Agueda ang hawak niyang baril at muling itinutok kay Simeon. Napansin niyang napaatras ang binata sa gulat na siyang ikinangisi naman niya. Hindi niya akalaing takot rin pala itong mamatay. Dahan-dahang itinaas naman ni Simeon ang dalawa niyang kamay sa ere upang ipakita sa babae ang kaniyang pagsuko.


"Hindi mo ako papatayin." Lakas loob na saad ni Simeon.


"Paano ka naman nakakasiguro?"


"Dahil alam kong hindi mo pa gugustuhing mamatay."


Napaisip ang dalaga. Batid niyang hindi pa nakakalayo ang pulutong ng mga guardia sibil ni Santiago. Tiyak siyang kakaripas ng takbo ang mga ito na bumalik ito kung sakali mang magpaputok siya ng baril ngayon. Magiging mahirap para kay Agueda ang tumakas. Ayaw man niyang aminin ngunit may punto si Simeon.


"Kung gayon, hindi muna buhay mo ang kukunin ko."


Kumunot ang noo ni Simeon nang maglakad ang dalaga papalapit sa mesa na nasa tabi ng kaniyang kama. Isang maliit na itim na kahon ang nakapatong doon, sa loob nito ay ang singsing na bigay ng mga magulang niya. Napahawak na lamang ang binata sa kaniyang batok dahil sa labis na panghihinayang nang mapagtantong hindi man lang niya ito naisara nang mabuti kaya't lantad na lantad ang kinang ng gintong singsing na nakapaloob doon. Nagsisisi siya kung bakit hinubad niya pa ito kanina.


"Sandali—" pigil ni Simeon sa kaniya.


Walang pagdadalawang-isip na kinuha ni Agueda ang singsing at itinago ito sa kaniyang bulsa. Batid niyang mahalaga ang bagay na ito sa lalaki. Minsan na nitong naikwento sa kaniyang ang istorya sa likod ng singsing.


"Wala kang gagawing masama laban sa'kin habang hawak ko ang singsing mo. Kung gusto mo pa itong makuha, gagawin mo ang lahat ng gusto ko."


Puno ng pagkayamot ang mukha ni Simeon.


"Ano bang nais mong mangyari?" tanong niya.


"Itago mo ang lahat ng iyong nalalaman tungkol sa aming kilusan at tungkol sa akin. Saka ko lamang ibabalik ang singsing kung tutuparin mo ang aking mga hinihingi."


Napabuntong hininga ang binata. Hindi naman magiging mahirap sa kaniya ang bagay na ipinagagawa ng dalaga sapagkat iyon rin naman talaga ang nais niyang gawin. Wala siyang balak na makisali sa gulong namumuo sa pagitan ng mga dayuhan at indio. Bagama't isang Gobernador-Heneral na ang kaniyang ama, hindi siya interesado na sumunod sa mga yapak nito.


"Sa isang kondisyon."


Tumaas ang kilay ni Agueda. "Anong klaseng kondisyon iyan?"


"Ano ang iyong tunay na ngalan?"


Sandaling nag-isip ang dalaga. Hindi siya sigurado kung ligtas bang aminin rito ang tunay niyang pangalan.


"Agueda," hayag niya.


"Kung gayon, Agueda, makipagkita ka sa'kin tuwing Biyernes ng gabi. Kailangan kong malaman kung nasa maayos pa bang kalagayan ang aking singsing. Baka maiwala mo ito o maisipang isangla sa kakilala mong mag-aalahas."


Umangat ang gilid ng labi ni Agueda. Tumango-tango siya. Tuso at makatuwiran rin ang binatang ito.


"Tuwing Biyernes ng gabi," sang-ayon niya. "Kakatagpuin kita."


Nabulabog ang kanilang pag-uusap ng isang malakas na katok mula sa pinto. Sandaling napalingon rito si Simeon upang tingnan ang taong nasa labas nito. Marahan niyang binuksan ang pinto at pagkuwa'y inilusot ang kaniyang ulo sa maliit na awang nito. Nakahinga siya ng maluwag nang isang tagapagsilbi ang kaniyang nakita. Tinanong lamang nito ang kaniyang kalagayan.


Nang muling mapagawi ang kaniyang tingin sa dalaga ay hindi na niya ito matagpuan kahit saan. Tumakbo siya papalapit sa binata nang makitang nakabukas na ito dahilan upang dahan-dahang mahawi ng hangin ang kurtina dito. Dumungaw ang binata sa labas at agad na namataan ang itim na pigura ng isang tao na umaakyat ng mataas na bakod.


Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Simeon habang pinapanuod ang dalaga na unti-unting naglalaho sa dilim. Hindi man lang niya nabanggit kung saang lugar sila magkikita. Lubhang delikado kung muling pupuslit ang dalaga sa kaniyang silid. Bagama't alam niyang magaling itong makipaglaban, hindi niya mapigilan ang kaniyang sarili na mag-alala.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro