Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 17

MALALIM na ang gabi. Tumayo si Agueda sa kaniyang kama at isinukbit ang kaniyang baril sa likod. Maingat ang kaniyang mga lakad habang hinahanda ang kaniyang sarili sa paglabas. Hatinggabi na ngunit nakagayak ang dalaga ng itim na terno at kurbata, sombrero at itim na telang nakatabing sa kaniyang mukha. Hindi siya makatulog dahil sa samu't saring katanungan na naglalaro sa kaniyang isipan.


Magmula nang mapagtanto niya ang katotohanang anak ng bagong Gobernador-Heneral ang lalaking nakasama niya noong nakaraang gabi ay hindi na siya makapag-isip nang maayos. Masama ang kaniyang loob rito. Sumagi pa sa kaniya ang huling sinabi ng binata. Naiintindihan na niya ngayon kung bakit malakas ang loob nitong pagbantaan siya.


Tahimik ang buong mansion noong lumabas siya sa kaniyang silid. Madilim na ang bawat sulok ng bahay ngunit kahit papaano ay naaninag niya ang mga bagay-bagay. Batid niyang nagpapahinga na si Artemio at ang ilang tagapagsilbi ng masion kaya't maingat ang kaniyang mga hakbang na bumaba ng hagdan. Iniwasan niya ang makagawa ng kahit na anong ingay na maaring makatawag ng pansin. Matagumpay siyang nakababa ng salas at mabilis na tinungo ang pintuan.


Nakahinga ng maluwag ang dalaga nang tuluyan siyang makalabas ng mansion. Hindi na siya nagulat pa nang bumungad sa kaniya ang tahimik na lansangan. Bukod sa malalim na ang gabi, batid niyang may ipinapatupad na kurpyo ang alcalde mayor sa buong bayan. Nag-umpisa na siyang maglakad sa mahabang kalsada. Maya't mayang napapalingon pa si Agueda upang pag-aralan ang paligid. Delikado man ngunit nais niyang magtungo sa bahay ng bagong Gobernador-Heneral. Kukumprontahin niya si Simeon sa ginawa nitong pangloloko sa kaniya. Nangangati ang kaniyang mga daliri na barilin ito.


Simula pa lamang ay isang malaking palaisipan na kay Agueda kung ano ang dahilan ng lalaki sa pagpatay nito sa dating Gobernador-Heneral Lubaton. Buong akala niya ay magiging kakampi niya ang binata ngunit nag-iba ang ihip ng hangin. Napagtanto niya ang tunay na dahilan at balak nito. Batid ni Agueda na pinatay lamang ni Simeon ang dating Gobernador-Heneral sapagkat ang ama pala nito ang susunod sa posisyon. Hindi niya akalaing ganoon kagahaman sa kapangyarihan ang lalaking iyon.


Limang kalye na ang nalampasan ng dalaga nang bigla siyang makarinig ng mga yapak ng taong paparating. Mabilis siyang umalerto at nagtago sa mga nakaparadang kariton sa daan. Isiniksik niya ang kaniyang sarili sa likuran nito habang hinihintay ang mga paparating. Ilang sandali pa, lumabas sa kalye ang isang pulutong ng mga guradia sibil. Napahawak si Agueda sa baril na dala niya habang minamanmanan ang mga kilos ng kalaban. Sumilip siya mula sa kaniyang pinagtataguan, napagtanto niyang nagroronda lamang ang mga ito sa kalsada.


Hindi rin nagtagal ang pangkat sa bahaging iyon at lumipat ng ibang lugar. Tahimik na ang paligid nang muling lumabas ang dalaga sa kaniyang pinagtataguan. Sinuri niya ang buong lugar bago ipinagpatuloy ang paglalakad.


Muli niyang binagtas ang mahabang kalye hanggang sa matanaw niya ang isang malaking bahay na pinaliligiran ng mga guardia sibil sa labas. Mabilis na nagtago ang dalaga sa likod ng malaking puno upang pag-aralan ang loob at labas ng bahay. Malaki ang mansion ng Gobernador-Heneral sa Cavinti, mistula itong isang palasyo sa ganda at disenyo ng bahay. Kailanman ay hindi pa siya nangahas na pasukin ang mansion sapagkat batid niyang guwardiyado ito ng mga dayuhan. Ngunit buo na ang kaniyang desisyon, hindi niya hahayaang lumipas ang gabing ito nang hindi niya napaparusahan ang lalaking iyon.


Dumako ang kaniyang atensyon sa matayog na bakuran ng bahay. Sa kaniyang tansiya, nasa tatlong metro ang taas nito. Hindi ito magiging problema kay Agueda dahil sanay naman siyang umakyat sa mga bakod ngunit inaalala niya ang dami ng bantay sa labas. Mahihirapan siyang lusutan ang mga guardia sibil.


Sa kalagitnaan ng kaniyang pag-iisip, napansin ng dalaga ang isang malaking puno ng mangga sa 'di kalayuan, isang armadong guardia sibil ang nagbabantay sa lilim nito. Napangisi si Agueda. Saktong nakatalikod ito sa kaniyang gawi kaya't hindi na siya nag-aksaya ng panahon na lapitan ito. Kaagad niyang hinambalos ang ulo nito gamit ang hawak niyang rebolber kaya't bumagsak ito sa lupa at nawalan ng malay. Hinila niya ang lalaki sa isang madilim na bahagi at doon iniwan.


Mabilis niyang inakyat ang puno ng mangga at sumampa sa matitibay nitong sanga dahilan upang tuluyan niyang masilayan ang itsura ng buong bahay. Tulad ng inaasahan, marangya ang disensyo nito at puno ng liwanag ang looban. Hinuli ng kaniyang mga tingin ang dalawang taong nakatayo sa balkonahe. Nagsalubong ang kaniyang kilay nang makilala ang mga ito—si Simeon at ang Gobernador-Heneral.


Sa itsura ng mga mukha nito ay halatang isang seryosong bagay ang pinag-uusapan ng dalawa. Hindi na siya magugulat kung ipinagtapat na ng lalaki ang nalalaman nito tungkol sa kanilang kilusan. Nagkamali si Agueda. Isang malaking kahangalan ang kaniyang ginawang pagtitiwala rito. Alam ng binata ang sekreto nilang kilusan. Nanganganib ang kanilang mga buhay ngayon sapagkat anak siya ng Gobernador-Heneral. Batid ni Agueda na hindi mangingimi ang binata na sabihin sa ama nito ang lahat ng kaniyang mga nalalaman. Hangga't kontrolado pa niya ang sitwasyon, ngayon pa lamang ay wawakasan na niya ang buhay ni Simeon.


Pumasok sa loob ang dalawa at kinuha naman iyong pagkakataon ni Agueda upang tuluyang tawirin ang bakod. Maingat siyang lumapag sa lupa at agad na tinungo ang pintuan papasok sa likuran ng mansion. Nakakapagtakang wala siyang nadatnang kahit sino sa kusina, maging ang malawak na salas ng bahay ay walang tao. Nagtago ang dalaga sa likuran ng isang malaking haligi habang pinagmamasdan ang buong buhay. Kita sa disensyo ng mga ilaw at muwebles ng bahay ang rangya ng pamumuhay ng mga dayuhan. Nakasabit sa bawat sulok ng pader ang mga litrato ng Gobernador-Heneral kasama ang pamilya nito. Ilang mga sikat na larawan pa na gawa ng mga kilalang pintor sa Espanya ang kaniyang nakita.


Napahawak nang mahigpit si Agueda sa kaniyang baril nang makarinig siya ng mga yabag ng paa. Sandali siyang sumilip sa kaniyang pinagtataguan at namataan ang isang lalaking naglalakad sa ikalawang palapag ng bahay. Naningkit ang kaniyang mga mata nang pumasok si Simeon sa isang silid. Hindi na nag-atubili pa ang babae at mabilis itong sinundan. Maingat niyang tinungo ang hagdan papunta ng ikalawang palapag.


Samantala sa loob ng silid, isa-isa nang ibinaba ni Simeon ang dala niyang baril. Nais niyang maligo bago matulog kaya't minabuti niyang hubarin na muna ang singsing na suot niya at inilagay ito sa ibabaw ng isang itim na kahon na nasa kaniyang mesa. Papasok na sana ang lalaki sa banyo nang maramdaman niya ang mga yapak ng paa ng isang tao sa labas ng kaniyang silid. Napangisi si Simeon. Hindi niya akalaing magkakaroon siya ng panauhin ngayong dis oras na ng gabi.


Sa kabilang banda, hinanda na ni Agueda ang kaniyang sarili nang makarating siya sa harapan ng pintuan ng silid ng binata. Kargado na ng bala ang dala niyang baril kaya't walang pagdadalawang-isip niyang binuksan ang pinto at mabilis na itinutok ito sa unang taong nakita.


Mula sa kinaroroonan ni Simeon, bagama't nakatabing ang mukha ng taong kaniyang kaharap, batid niyang si Piyo ito. Inasahan na niyang susugurin siya ng kaniyang kaibigan rito pagkatapos ang opisyal na anunsyong kanilang ginawa sa plaza. Hindi niya rin nagustuhan ang kaniyang pagpapakilala sa buong sambayanan ng Cavinti ngunit isang desisyon iyon ng kaniyang ama na hindi niya maaaring suwayin.


"Piyo, napasyal ka," bungad niya.


Sumama ang tingin ng dalaga sa kaniya nang makitang prente lamang itong nakaupo sa kama. Gusto niya itong patayin dahil sa pagsira nito sa kanilang kasunduan. Hindi na sana siya umasang tutupad ito sa kanilang mga pinag-usapan.


"Isang kang taksil!" akusa ni Agueda sa kaniya.


Nagpantig ang tenga ni Simeon. Tumayo siya sa kaniyang kama at lumapit sa pintuan upang sarhan ito. Hindi maaaring matunugan ng kaniyang ama na may iba siyang kasama sa kaniyang silid. Nagtaka naman si Agueda sa kinikilos ng binata. Hindi man lang ito nakaramdam ng kaunting takot sa kaniyang sariling buhay habang tinututukan siya ng baril ng babae.


Sinigurado pa ng lalaki na nakakandado ang pinto bago niya hinarap ang kaniyang panauhin. Napabuntong hininga si Simeon habang pinagmamasdan ang kaniyang kaibigan. Nakatuon sa kaniyang direksyon ang hawak nitong baril at kita niya sa mga mata nito ang labis na pagnanais na patayin siya. Hindi rin naman niya ito masisisi.


"Huminahon ka, Piyo. Ibaba mo ang iyong baril at mag-usap tayo."


Kumunot ang noo ng dalaga. "Hindi na ako magpapalinlang sa iyong mga salita. Anong silbi ng pag-uusap kung wala naman itong katuturan? Nandito ako upang patayin ka."


"Gusto ko lamang ipaalala sa iyo na pinapaligiran ng mga guardia sibil ang buong mansion kaya't oras na iputok mo 'yang baril na hawak mo, hindi ka na makakaalis rito ng buhay."


"Hindi bale na. Masaya akong mamamatay oras na makita kong bumaon ang bala ng aking baril sa iyong ulo. Walang lugar sa akin ang mga taksil na katulad mo."


Kumunot ang noo ni Simeon. "Taksil? Hindi ko maintindihan. Sa anong paraan ako naging taksil sa iyo? Sa aking pagkakatanda, wala akong sinuway sa ating kasunduan."


Lalong ipinagduldulan ni Agueda ang hawak niyang baril papalapit sa binata. Sumidhi ang kaniyang galit nang sinubukan pa nitong magkaila sa kanilang mga tinuran.


"Huwag ka nang magkaila pa! Malinaw na para sa akin ang lahat. Pinatay mo ang dating Gobernador-Heneral sapagkat alam niyo ng iyong ama na siya ang susunod sa posisyon. Nagkataon lamang na pareho tayo ng papataying tao noong gabing iyon. Alam kong isa kang espiya. Pinaikot mo lamang ako. Batid kong sinabi mo na sa iyong ama ang tungkol sa aming kilusan."


"Sandali lamang, Piyo," pagpapakalma rito ni Simeon. "Wala akong kahit na anong binanggit sa aking ama. Tulad ng sinabi ko noon, ako'y isang taong may isang salita. Tumutupad ako sa ating kasunduan. Hindi mo ba talaga ako pinagkakatiwalaan?"


Naningkit ang mga mata ni Agueda. "Sa tingin mo ba ay maniniwala pa ako sa'yo? Anak ka ng Gobernador-Heneral, anak ka ng isang taong kalaban namin. Pumapatay kami ng mga dayuhan upang ipagtanggol ang aming kalayaan at pumapatay rin kayo ng mga Pilipino upang maangkin ang bayang hindi naman sa inyo. Kaya't sabihin mo sa akin ngayon, anong dahilan upang magtiwala pa ako sa'yo?"


Bumuntong hininga ang binata. Nais niyang kausapin nang masinsin ang kaibigan ngunit unti-unti itong kinakain ng kaniyang galit. Kailanman ay hindi niya inisip na pagtaksilan ito. Wala siyang ibang pinagsabihan tungkol sa kanilang kasunduan. Itinago niya rin sa kaniyang ama ang nalaman niya sa binubuong kilusan ng mga tao sa bayan.


"Hindi ka nga nagkamali sa iyong sinabi, Piyo. Pinatay ko ang Gobernador-Heneral noong gabing iyon bilang utos ng aking ama. Ngunit walang ibang taong nakakaalam tungkol sa ating mga pinag-usapan. Batid kong kasapi ka ng isang kilusan ngunit itinago ko ang iyong sekreto. Kung inaakala mong ibinahagi ko na ito sa aking ama, sa tingin mo ba ay mabubuhay ka pa hanggang ngayon? Oras na ipinagtapat ko sa lahat ang aking nalalaman, hindi mangingimi ang aking ama na hanapin ka at ang iyong mga kasama upang tugisin kayong lahat."


Napatamihik ang dalaga. May punto ito.


"Ngunit nagsinunggaling ka sa'kin. Niloko mo ako. Hindi mo ipinagtapat sa akin ang tunay mong pagkatao. Kung alam ko lamang na anak ka ng Gobernador-Heneral, hindi na sana ako nakipagkasundo sa iyo."


"Hindi ka naman nagtanong," kontra sa kaniya ng lalaki. "Sa iyo na mismo nanggaling noon na hindi ka interesado sa aking buhay kaya't hindi ko na binanggit pa ang tungkol doon. Ano't nagagalit ka sa akin ngayon?"


Humugot ng malalim na hininga ang dalaga. Naiinis siya sa daloy ng usapan nila ngayon. Hindi niya ipagkakailang sinabi niya ang bagay na iyon noong huli silang nagkita ngunit kung nabanggit ng lalaki na isa pala siyang anak ng dayuhang may mataas na katungkulan, nagkaroon pa sana siya ng pagkakataong baguhin ang kaniyang sitwasyon.


"Hindi ako naniniwalang kaya mong itago sa iyong ama ang sekreto naming kilusan. Hindi ko mahanapan ng sapat na dahilan kung bakit kailangan mong gawin iyon," tanong ni Agueda.


"May sarili akong rason kung bakit kailangan kong gawin iyon. Patawad ngunit hindi ko maaaring sabihin sa iyo sapagkat parte iyon ng aking pagkatao."


Kumunot ang noo ng dalaga. "Nakatitig ka sa isang kubong nasa bundok, anong mayroon doon na bahagi ng iyong pagkatao?"


Hindi umimik ang lalaki. Nagsimula nang umusbong ang labis na kuryusidad sa loob ni Agueda. Sa gitna ng kanilang pag-uusap nagitla sila nang biglang may kumatok sa pintuan ng silid. Nagkatinginan ang dalawa nang makarinig sila ng ilang yabag ng mga paa sa labas.


"Señorito Simeon!" tawag ng taong nasa labas ng pinto.


Nanlaki ang mga mata ni Simeon nang makilala ang boses na iyon—si Santiago! Hindi niya alam kung anong pakay sa kaniya ng pinuno ng mga guardia sibil ngunit hindi nito maaaring makita ang taong kasama niya ngayon. Nataranta ang binata kaya't walang sabi-sabi niyang hinila sa bewang ang katabi papalapit sa kaniya dahilan upang malaglag ang suot nitong itim na sombrero.


Natigilan si Agueda nang maramdaman niya ang paglaglag ng kaniyang mahabang buhok sa kaniyang balikat. Huli na upang maikubli niya pa ito. Natuod si Simeon nang mapagtantong isang babae ang hawak niya sa kaniyang mga bisig.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro