Kabanata 15
MAKIKITA sa mga mata ng Jefe ang labis na pagkadismaya. Buong araw itong tahimik at mag-isang nagbabasa ng libro sa loob ng silid-pulungan. Naiintindihan ni Artemio ang nararamdaman ng dalaga ngunit hindi siya sanay na makita itong malungkot. Batid niya ang prinsipyo ng babae kaya't alam niyang labag sa loob nito ang ginawang desisyon ni Ka Miyong. Maging siya man, hindi niya rin nagustuhan ang kaniyang narinig mula sa matanda ngunit tama naman ito. Sa digmaan, hindi maiiwasan ang may magsakripisyo.
Tinanaw ni Artemio ang kinaroonan ng dalaga mula sa hamba ng pinto. Hawak niya sa kaniyang kanang kamay ang isang tasa ng tsaa na maya't maya niyang iniinom habang pinagmamasdan ang dalaga mula sa malayo. Hangga't maaari, hindi niya ito nilulubayan ng tingin. Matigas ang ulo ng Jefe kaya't sigurado siyang hindi matatahimik ang loob nito hangga't wala itong ginagawang hakbang upang iligtas ang mga hahatulan mamaya. Bagama't tahimik at walang ekspresyon ang mukha, nagsusumigaw ang labis na galit sa mga mata nito. Ayaw ni Artemio na mapahamak ang dalaga dahil sa galit na iyon.
Samantala, sa labas ng kubo, naroon sina Ka Miyong at Waldo. Nakarating na rin sa kanila ang balita. Sinisisi ni Waldo ang kaniyang sarili. Alam niyang pitong inosenteng buhay ang mawawala ngayong araw kapalit ng kaniyang buhay. Kung hindi lamang siya nangahas na tumakas at iligtas ang sarili sa tulong ng grupong La Inpendencia Filipinas, marahil ay walang ibang pamilya ang madadamay sa galit ng mga dayuhan.
"Ano ang desisyon ng Jefe, Ka Miyong? Wala ba tayong gagawin? Hindi ba natin ililigtas ang mga taong iyon katulad ng ginawa ninyong pagliligtas sa'kin?"
Bumuntong hininga ang matanda. Umupo ito sa bangko, katabi si Waldo.
"Nagdesiyon ang Jefe na huwag na tayong maki-alam."
Umigting ang panga ng lalaki. Hindi siya makapaniwalang mananahimik na lamang sila habang kinikitil ng mga dayuhan ang mga inosente. Naikuyom ni Waldo ang kaniyang kamao.
"Hindi! Kakausapin ko siya! Hindi maaari ito!"
Tumayo ang binata ngunit pinigilan siya ng matanda sa kaniyang braso.
"Huwag ka sanang magtanim ng sama ng loob sa ating Jefe," pakiusap ng matanda. "Tutol rin siya sa ideyang hahayaan na lamang nating mapahamak ang ating mga kababayan. Ako ang nag-udyok sa kaniya upang gumawa ng desisyong iyon sapagkat batid nating hindi titigil ang mga dayuhan hangga't walang sinuman ang napaparusahan sa nangyari sa Gobernador-Heneral at sa kaguluhan sa plaza."
Natigilan si Waldo. Bahagyang kumalma ang kaniyang kalamnam at minabuting umupo ulit sa bangko. Nagtatalo ang kaniyang isip. May punto si Ka Miyong ngunit kahit saang angulo niya tingnan, hindi makatuwiran ang kanilang dahilan.
"Isasagawa mamayang ala sais ng gabi ang paghahatol, ipinag-uutos ko sa'yo na kung maaari ay huwag ka nang pumaroon sa plaza. Baka makilala ka pa ng mga tao."
"Wala rin naman akong planong pumunta. Hindi ko yata masisikmurang makita ang mga huling sandali ng ating mga kababayan. Baka hindi pa ako makapagpigil at mapagmulan ako ng gulo."
Tinapik ni Ka Miyong ang balikat ng lalaki. "Mahusay ang iyong naging desisyon. Manatili ka na lamang rito hangga't hindi kami nakakabalik ng Jefe."
"Anong ibig mong sabihin, Ka Miyong? Magtutungo ba kayo sa plaza mamaya?"
"Malakas ang kutob kong ipapakilala na nila ang bagong Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Nasasabik akong makita ang mukha ng ating bagong kalaban."
Naputol ang usapan ng dalawa nang lumapit sa kanila si Alunsina dala ang isang mangkok ng mainit-init pang lugaw na hinaluan ng pakpak ng manok. Inutusan ito ng matanda na ibigay ang pagkain kay Waldo. Bagama't walang gana, pinilit nila itong kumain.
Nasa kalagitnaan ng pagkain sina Waldo at Alunsina nang magpaalam si Ka Miyong sa dalawa. Nais niyang tingnan ang kalagayan ng kanilang Jefe na kasalukuyang nasa loob pa rin ng silid-pulungan.
Samantala, naiwan ang dalawa sa veranda ng maliit na kubo. Pinagmamasdan ni Waldo ang magandang tanawin ng mayayabong na puno sa kanilang paligid. Malalim siyang napabuntong hininga habang walang ganang hinahalo ang kaniyang pagkain gamit ang hawak niyang maliit na kutsara. Naglalakbay ang kaniyang isipan sa malayo. Ngayon pa lamang ay sinusugid na siya ng kaniyang konsensya sa maaaring dangatin ng pitong mga magsasaka mamaya.
Kumurap siya at napatingin sa kaniyang katabi. Tahimik na kumakain lamang ang isang dalagita na sa kaniyang rinig ay Alunsina ang pangalan.
"Ikaw ba ang nagluto ng lugaw na ito?" panimula niya.
Umangat ang mga tingin ng dalagita sa kaniya. Pawang hindi nito inasahan na kakausapin siya ng binata.
"Hindi," maikling sagot niya.
"Ah," tanging sambit lamang ni Waldo. Wala na siyang maisip pang ibang sasabihin.
Muli niyang hinalo ang pagkaing nasa kaniyang mangkok.
Sinipat naman ni Alunsina ang hawak nitong lalagyan. Halos hindi nababawasan ang pagkain ng binata.
"Wala ka bang ganang kumain sapagkat hindi ako nagluto nito?"
Gulat na napalingong muli si Waldo sa kaniyang katabi. Batid niyang biro lamang ang sinabi nito ngunit hindi niya iyon makita sa mukha ng dalagita. Seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa kaniya. Tumikhim siya upang tanggalin ang asiwang kaniyang nararamdaman.
"H-hindi," tanggi niya. "Nagtatanong lamang ako. M-masarap. Oo, masarap siya."
"Ni halos hindi mo nga ginagalaw iyang lugaw, paano mo nasabing masarap iyan?"
Sa sinabing iyon ni Alunsina, napilitang sumubo ng isang kutsarang puno ng lugaw ang binata. Umakto pa siyang nasasarapan rito upang mapatunayan ang kaniyang sinabi. Walang emosyon siyang tinitigan ni Alunsina.
"Masarap. Masarap nga!" bulalas ni Waldo nang tuluyan niyang mapagtanto ang lasa ng kinakain.
"Kung gayon, kumain ka ng marami."
Bumalik sa kaniyang kinakain si Alunsina kaya't walang ibang nagawa si Waldo kundi gayahin na lamang ang ginagawa nito. Isang mahabang katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa. Tanging tunog ng mga nagbabanggang kubyertos lamang ang bumubuhay sa kanilang paligid.
"Siya nga pala," basag ni Waldo sa katahimikan. "Ilang taon ka na?"
Muli siyang tiningan ni Alunsina. Sa pagkakataong ito, may ilang naiwang butil ng kanin ang dumikit sa gilid ng labi ng dalagita dahilan upang mapangisi si Waldo. Para itong isang bata. Walang pagdadalawang-isip niyang tinawid ang pagitan nilang dalawa at kusang pinahiran ang dumi nito sa mukha gamit ang kaniyang mga hinlalaki. Halos mamilog naman ang mga mata ni Alunsina dahil sa gulat.
"May dumi ka sa mukha," nakangiting sambit ng binata.
Dagling pinahiran naman rin ng dalagita ang kaniyang sarili nang mapagtanto ang sinabi nito. Napayuko na lamang siya sa labis na kahihiyan.
"Siguro ay menor de edad ka pa," puna ni Waldo.
"Hindi!" mabilis niyang sagot. "Ako'y labing walong taon gulang na. Hindi na ako menor de edad."
"Ah, mas bata ka tingnan kumpara sa iyong edad."
Tumaas ang kilay ni Alunsina. "Bakit ikaw? Ilang taong gulang ka na ba?"
"Ako? Dalawang pu't dalawang taong gulang na ako. Mas matanda ako sa iyo ng apat na taon."
"Ah, mas matanda ka tingnan kumpara sa iyong edad."
"Ano!?" bulyaw ng binata nang gayahin nito ang kaniyang tinuran kanina. Hindi makapaniwala niya itong tingnan. Mukhang masyado niya yatang minaliit ang dalagitang ito.
"Para sabihin ko sa iyo, parang magka-edad nga lamang tayo kung babasehan sa wangis ng ating mukha."
"Magka-edad lang tayo? Kung gayon, hindi na kita gagalangin pa. Waldo na lamang ang aking itatawag sa iyo," ngiti nito.
"S-sandali! H-hindi! Teka!"
Hindi na nakakontra pa ang binata nang mabilis siya nitong iniwan at pumasok sa loob ng kubo. Bagsak ang kaniyang mga balikat habang iniisip niya ang huling sinabi nito. Kay lakas ng loob ng dalagitang iyon na utuin siya. Kung susumahin ay parang kapatid na niya ito sa agwat ng kanilang edad, dapat lamang siyang galangin nito. Muli niyang sinilip ang dalagita sa loob. Masyado itong palaban para sa kaniyang edad.
SAMANTALA, nadatnan ni Ka Miyong si Artemio na nakatayo sa hamba ng pinto. Tulala ito habang pinagmamasdan ang dalaga kaya't bahagya itong nagulat nang mapansin ang presenysa niya.
"Kumusta siya?" tanong ng matanda.
Humugot ng malalim na hininga ang binata bago muling itinuon ang kaniyang atensyon kay Agueda.
"Kanina pa siya nakaupo riyan. Mag-iisang oras na siyang nakatitig sa parehong pahina ng librong hawak niya. Sa aking sapantaha ay hindi nagbabasa ang Jefe, nag-iisip ito."
"Marahil ay iniisip niya kung paano tayo matatakasan."
"Batid niyo pong taliwas sa kaniyang prinsipyo ang ginawa niyang desisyon kaya't alam kong gagawa at gagawa siya ng paraan upang baguhin ito."
"Iyon ang hindi ko pahihintulutan. Magpahinga ka na muna, Kapitan. Kanina ka pa nakatayo riyan. Ako na lamang muna ang kakausap sa kaniya."
Tumango si Artemio. Agad naman niyang nilisan ang silid at nagtungo sa labas upang magpahangin. Maingat ang mga yabag na nilapitan naman ng matanda ang dalagang nakapuwesto sa mesa, hawak ang isang libro. Hindi man lang napansin ng Jefe ang kaniyang paglapit kung kaya't sinilip pa ng matanda ang kaniyang ginawa. Napabuntong hininga si Ka Miyong nang makumpirmang wala nga sa sarili ang dalaga. Baliktad ang binasa nitong libro.
"Sasamahan kita mamaya sa plaza," basag ni Ka Miyong sa katahimikan.
Mabilis namang napalingon ang dalaga sa kaniya. Bahagya pa itong nagulat nang mapagtantong nasa tabi na niya ang matanda. Kumurap-kurap si Agueda.
"Anong ibig mong sabihin, Ka Miyong?" tanong niya.
Kinuha ng matanda ang hawak niyang libro at maingat itong inilapag sa mesa.
"Sasamahan kita mamaya sa plaza dahil batid kong pupunta ka."
"Para saan? Upang bantayan ako sa mga nais kong gawin?"
Bumuntong hininga ang matanda nang makita ang nakakuyom na kamao ng kausap. Hinila ni Ka Miyong ang isang bangko sa tabi nito at marahan umupo doon. Napansin naman din ni Agueda ang biglaang pananahimik nito. Bagama't naiintindihan niya ang punto ng matanda ngunit hindi niya pa rin matanggap ang desisyong ginawa nila. Salungat sa kaniyang mga prinsipyo ang nais nilang mangyari. Isa sa mga dahilan ng pagkakatatag ng kanilang kilusan ay ang ipagtanggol ang kapwa Pilipino mula sa pang-aalipusta ng mga banyaga, hindi upang gawin itong panangga sa digmaan.
Napatingin si Agueda rito nang marahang hinaplos ng matanda ang kaniyang nakakuyom na kamay. Dagling kumalma ang dalaga hanggang sa unti-unti na niyang naibukas ang kaniyang mga palad. Kumurap siya nang isang kendi ang inilagay ng matanda sa kaniyang kamay. Gulat na napatingin siya rito kung kaya't napangiti si Ka Miyong.
"Nakakain ka na ba ng pastillas?" tanong nito sa kaniya.
Umiling si Agueda. Hindi siya makapaniwalang may panahon pa ang matanda sa mga ganitong mga bagay. Ang dapat nilang pagtuonan ng atensyon ngayon ay ang kanilang suliranin.
"Bakit hindi mo ito tikman?"
Nagpalipat-lipat ang tingin ng dalaga sa matanda at sa hawak niyang kendi.
"Hindi na ako bata upang bigyan mo ng suhol sa pagsunod sa iyong utos."
"Hindi ito suhol, Jefe. Sabi nila mainam daw kumain ng matatamis kapag ika'y nalulungkot. Binigyan ko rin si Benito ng pastillas noong minsang umiyak siya. Nakakamangha dahil tumigil siya sa pagtangis nang kumain siya nito kaya't bakit hindi mo rin 'yan tikman upang makita natin kung ganoon rin ba ang epekto sa iyo."
Napairap si Agueda. Hindi siya isang bata upang magpauto sa sinasabi nito. Walang mangyayari kung kakain siya nito o hindi. Wala pa rin namang magbabago. Hindi niya pa rin naman magagawang iligtas ang mga taong mahahatulan ng bitay mamaya.
Napansin niyang nakatitig lamang si Ka Miyong sa kaniyang susunod na gagawin. Napabuntong hininga na lamang siya at pagkuwa'y sunuri ang hawak niyang kendi. Kailanman ay hindi pa siya nakatikim ng ganitong klaseng pagkain bagama't madalas niya itong nakikita na binibenta sa bangketa. Dahan-dahan niya itong binalatan hanggang sa bumungad sa kaniya ang hugis parihaba at dilaw na itsura nito. Isinubo ito ng dalaga at marahang nginuya.
Nasaksihan ng matanda ang pagbabago ng mukha ng kaniyang katabi. Hudyat na nagustuhan ng Jefe ang lasa ng kinakain nito. Biglang naglaho ang kunot nito sa noo at napalitan ng banayad na ekspresyon.
"Jefe, batid kong hindi mo maintindihan kung bakit nangyayari ito ngayon at kung bakit kailangan mong gumawa ng isang mabigat na desisyon ngunit hanga ako sa iyo."
Napatigil sa pagnguya ang babae nang buksan ni Ka Miyong ang paksang iyon.
"Salungat man sa iyong prinsipyo at paniniwala ang gagawin natin ngunit hindi ka dapat malungkot sapagkat hindi naman mauuwi sa wala ang pagkamatay ng ating ng mga kababayan, ng ating mga kasama, ng mga pamilya, kaanak o iniibig. Ang kanilang buhay na inialay ay katumbas ng isang hakbang tungo sa tunay na kalayaan ng ating bayan."
Sinalubong ni Agueda ang mga titig ng matanda. Alam niyang nag-aalala ito sa kaniya. Buhat nang binitawan niya ang desisyong hindi na sila makikialam sa hatol na mangyayari ay hindi na siya umimik buong araw. Marahil ay inakala ng matanda na galit siya rito.
"Hindi naman ako nagagalit," pagpapagaan niya ng loob sa matanda. "Nalulungkot ako dahil naiintidihan ko kung bakit kailangan natin iyong gawin. Simula pa lamang, alam kong hindi na natin ito maiiwasan ngunit naiinis ako sa aking sarili dahil hindi man lang ako nag-ingat. Hindi man lang ako gumawa ng paraan upang hindi madamay ang mga inosente sa layuning ipinaglalaban natin."
Inabot ni Ka Miyong ang nakapatong na kamay ng dalaga sa mesa nang mapansin niyang mangiyak-ngiyak na ang katabi. Ito ang unang pagkakataong nakita niyang ganito ang Jefe, kailanman ay hindi ito nagpakita nang kahit na anong klase ng kahinaan, maski ang umiyak.
"H'wag mong kamuhian ang iyong sarili sapagkat wala kang kasalanan sa mga nangyayari. Hindi natin hawak ang utak ng mga dayuhan. Hindi natin kontrolado ang takbo ng kanilang mga isipan. Maging matapang ka, Jefe. Tatagan mo ang iyong loob sapagkat hindi lamang ito ang ating dadanasin. Nasa gitna tayo ng digmaan kaya't huwag mong ipakita sa kalaban ang iyong kahinaan."
Suminghot ang dalaga. "Ano pong ibig mong sabihin, Ka Miyong?"
"Sa tingin mo ba ay basta ko na lamang ginawa ang desisyong iyon nang walang sapat na dahilan? Pinili kong pilitin kang manatili na munang tahimik at huwag maki-alam sapagkat kinikinita kong isang patibong ang gagawing bitay mamaya."
Kumunot ang noo ni Agueda. Nilunok niya ang kending kinakain upang maituon ng buo ang kaniyang atensyon sa susunod na sasabihin ng matanda.
"Kung totoo nga ang iyong sinabi na tinamnam lamang ng bala at baril ang mga magsasakang hinuli, hindi ba't kataka-taka iyon? Hindi ako naniniwalang ginagawa lamang iyon ni Santiago at ng alcalde mayor upang may panagutin sa nangyari sa dating Gobernador-Heneral."
Nanibasib ang loob ng dalaga nang makuha niya ang sinabi nito. Biglang nawala ang kaniyang lungkot nang tuluyan niyang mapagtagpi-tagpi ang pangyayari.
"Kung gayon ay gagawin nilang pain ang pitong magsasaka upang mahuli tayo?"
Tumango si Ka Miyong. "Marahil ay nahinuha na ng pinuno ng guardia sibil na may namumuong kilusan ng mga Pilipino rito sa Cavinti. Ang ginawa nating pagligtas kay Waldo ay isa sa mga basehan nila upang mapatunayan iyon. Kaya't kung papatay sila ng isa pang inosenteng tao, siguro ay sa kanilang sapantaha, lalabas ulit tayo upang iligtas ang mga ito."
"At kung kakagat tayo sa patibong na inihain ng mga dayuhan, malamang ay katapusan na natin. Hindi malayong pinaghahanda na ng mga guardia sibil ang ating pagdating ngayong gabi."
"Kutob ko ay ngayong gabi rin nila ipapakilala ang bagong Gobernador-Heneral."
Napangisi ang dalaga.
"Kung gayon, nararapat lamang pala na magtungo tayo ng plaza upang salubungin siya."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro