Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 12

BILANG Jefe ng kilusang pinaghirapan niyang itatag, tungkulin ni Agueda na protektahan ang mga kasapi nito sa abot ng kaniyang makakaya. Wala siyang tiwala sa estrangeherong iyon ngunit wala siyang mapamimilian kundi ang pagbigyan ang kahilingan nito.


Batid ng dalaga na maaari niyang ikapahamak ang kaniyang desisyon ngunit nais niyang sumugal kung para naman ito sa ikabubuti ng kanilang kilusan. Natatakot siya hindi para sa kaniyang sarili kundi para sa mga kasama. Bagama't may hinala siyang hindi espiya ang dayuhang lalaki, hindi pa rin siya nakasisigurong itatago nito ang kaniyang nalalaman. Kung tutuusin, may sekreto rin siyang hawak laban rito. Kapwa silang may pinanghahawakan sa isa't isa ngunit kapwa rin silang walang balak pagkatiwalaan ang isa't isa.


Noong gabi ring iyon, hindi na tumuloy si Agueda sa pagbisita sa kanilang kampo. Ayaw niyang mag-alala ang kaniyang mga kasama kaya't minabuti niyang itago na lamang muna ang sitwasyon. Isa pa, buong akala ni Ka Miyong na ang Jefe ang pumatay sa Gobernador-Heneral. Tiyak niyang mababahala ang matanda kapag nalaman nitong may dayuhang nakialam sa kaniyang misyon. Hangga't kaya niya, lulutasin niya ang suliranin ng mag-isa.


Umuwi siya bago sumikat ang araw kaya't walang nakapansin ng kaniyang pagkawala. Dapit hapon na nang kumatok si Artemio sa silid ng dalaga upang magpaalam itong umalis. Sasama ang binata sa lakad ng kanilang ama. Niyaya pa siya nito ngunit tumanggi siya at ginawang dahilan ang kaniyang pag-aaral upang hindi na siya kulitin pa. Hindi na rin naman nagtanong ang lalaki at hinayaan lamang si Agueda. Inihatid pa niya ng tingin sina Esteban at Artemio nang umalis ito sakay ang isang karwahe. Tiyak niyang uumagahin ng uwi ang dalawa. Magandang pagkakataon iyon upang makaalis siya.


Naniniwala ang lalaking dayuhang iyon na isa siyang lalaki kaya't aalis siya nang nakabihis panlalaki upang patuloy itong linlangin. Hindi niya maaaring ipakita ang tunay na pagkatao niya rito sapagkat alam niyang bababa ang tingin nito sa kaniya oras na malaman nitong isa siyang babae. Hindi pa tanggap ng lipunang kinabibilangin nila na naglalakas-loob na ring lumaban ang mga kababaihan.


Suot ang isang itim na terno at kurbata, pinagmasdan ni Agueda ang kaniyang sarili sa salamin. Pinili niyang purong itim ang suotin upang hindi siya makatawag ng pansin.


Sinimulan na ng dalaga na itinali ang kaniyang buhok. Sinigurado niyang nakatago ito sa loob ng kaniyang suot na sombrero. Hindi na siya nag-abalang takpan ang kaniyang mukha ng isang tela sapagkat alam niyang makilala pa rin naman siya ng lalaking kaniyang kikitain. Bukod pa roon, masyadong kahina-hinala rin kung magtatakip siya ng mukha.


Kumuha ang dalaga ng isang rebolber na nakatago sa ilalim ng kaniyang mesa. Pinuno niya ng bala ang mga bakante nitong silindro at itinago ang baril sa kaniyang bewang. Naging ugali niya na ang magdala ng baril sa tuwing siya'y may lakad. Hindi niya kontrolado ang mga pangyayari sa labas kaya't makabubuti kung magiging handa siya.


Alas siyete na ng gabi nang muling tinalon ni Agueda ang matayog na bakod ng kanilang mansion. Panatag ang kaniyang mga lakad habang tinatahak ang daan papunta sa plaza. May iilang mga tao ang napapalingon sa kaniyang suot at karamihan doon ay mga kababaihan na hindi matanggal ang titig sa kaniya. Nilalampasan na lamang ng dalaga ang mga babaeng sumusulyap sa kaniya.


Maliwanag ang plaza kaya't mabilis niyang nakita ang lalaking kakatagpuin. Nakatalikod ito sa kaniyang gawi. Suot ng binata ang isang kulay itim na terno at kurbata na halatang yare sa isang mamahaling tela. Isang sombrero rin ang suot nito sa ulo. Umangat ang kaniyang kilay habang pinagmamasdan niya ang likuran ng estranghero. Napapansin niya rin ang malalagkit na tingin ng mga binibini sa paligid. Hindi niya ito masisi sapagkat tunay ngang agaw pansin ang itsura nito kahit sa malayo.


Lumingon-lingon muna si Agueda upang pag-aralan ang paligid. Nakakapagtakang kakaunti lamang ang bilang ng mga guardia sibil na nagbabantay ngayon sa plaza. Hindi na siya nag-atubili at lakas-loob na nilapitan ito. Tahimik niyang tinabihan ang nakatayong binata.


"Mainam ang lokasyon na iyong napili," saad ng dalaga.


Gulat na napalingon ang lalaki sa biglaan niyang pagsulpot.


Bumungad kay Agueda ang maamong mukha ng binata. Napakurap siya. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niya ang buong mukha ng estranghero. Ang malalalim nitong mga mata ay sumasabay sa kislap ng mga liwanag na nakapaligid sa kanila. Bumagay ang maninipis nitong labi sa matangos niyang ilong. Maayos ring nakasuklay ang kaniyang buhok kaya't kitang kita niya ang malinis nitong noo.


Tumikhim si Agueda at bahagyang iniwas ang tingin. Hindi maipagkakakailang may itsura nga ito.


"Isang mapayapang usapan ang nais ko. Hindi ba't magagawa lamang natin iyon kung nasa gitna tayo ng maraming tao?"


Tumangu-tango ang dalaga. "Tama ka naman. Nais ko ring makausap ka nang masinsinan."


Kapwang nakaharap ang dalawa sa maliit na entablado ng plaza kung saan sana gaganapin ang bitay kay Waldo. Tinanggal na ang ginamit nitong tali. Nalinis na rin ang mga kalat at halos hindi na mababakas sa paligid na may barilang nangyari noong nagdaang gabi.


"Hindi ba tayo mapaghihinalaan kung patuloy nating pagmamasdan ang entabladong ito," tanong ng lalaki.


Nagkibit-balikat si Agueda. "Bakit? Papatayin ba ng mga Espanyol ang lahat ng mga taong magagawi ang tingin sa parteng ito?"


Umangat ang sulok ng labi ng binata sa kaniyang narinig. Namamangha siya sa katapangan ng kaniyang kasama ngayon. Minsan lamang siyang makatagpo ng isang taong padalus-dalos kung magsalita ngunit alam ang sinasabi. Kay lakas ng loob nitong pag-usapan ang mga dayuhan gayong nasa pampublikong lugar sila.


"Kung lahat sana ng indio ay katulad mo mag-isip, may posibilidad pa sigurong lumaya ang inyong bayan."


Sinipat ito ni Agueda. "Kung saan-saan na napupunta ang ating usapan, bakit hindi mo na lang ako diretsuhin. Isang sagot lamang ang gusto kong marinig mula sa iyo. Ikaw ba ay isang espiya?"


"Hanggang ngayon ba ay pinagdududahan mo pa rin ako?" usisa sa kaniya ng lalaki. "Uulitin ko, hindi ako kaaway. Hindi ako naparoon sa bundok upang mag-espiya."


"Kung gayon, ano ang ginagawa mo noong gabing iyon?"


"Namasyal lamang ako."


Naningkit ang mga mata ni Agueda. "Hindi magandang palasyalan ang bundok kaya't huwag mo akong niloloko."


Bumuntong hininga ang lalaki. "Huwag mo na lamangn tanungin ang aking dahilan. Masyadong personal iyon para sabihin ko iyon sa iyo. Hindi naman tayo ganoong malapit sa isa't isa upang malaman mo ang tungkol doon."


"Hindi ako interesado sa buhay mo. Oras na malaman kong nagsisinungaling ka, ako mismo ang magsusumbong sa mga dayuhan kung anong ginawa mo sa Gobernador-Heneral."


"Hawak ko rin naman ang iyong sekreto. Kung gagawin mo iyon, hindi rin ako mangingiming sabihin sa kanila na may kinalaman ka sa nangayaring barilan."


Nagkatinginan silang dalawa. Matatapang ang kanilang mga tingin sa isa't isa. Ayaw mang aminin ni Agueda ngunit may punto ang lalaki. Isa lang naman ang alam niyang paraan upang manatiling sekreto ang lihim ng kanilang kilusan. Patayin niya na nga lang kaya ang lalaking ito?


"Bakit hindi na lang natin itago ang sekreto ng isa't isa?"


Natigilan si Agueda sa mungkahi ng binata.


"Hindi ako siguradong mapagkakatiwalaan ka nga," sagot niya rito.


"Hawak mo ang sekreto ko at hawak ko rin ang sekreto mo. Hindi ba't sapat na dahilan na iyon upang pagkatiwalaan natin ang isa't isa?"


Bumuntong hininga si Agueda. Natatakot siyang iyon nga lamang ang mapayapang paraan upang lutasin ang kanilang suliranin. Nais niyang manatiling lihim ang kanilang kilusan mula kanino man. Manganganib ang kaniyang mga kasama at higit na magiging mahirap sa kanila na tuparin ang kanilang mga layunin oras na mabunyag ang kanilang pagkakakilanlan sa lahat. Peligroso man ngunit nais niyang subukang ibigay ang kaniyang salita sa bagong kakilala.


Humarap siya rito at inilahad ang kaniyang kamay.


"Tinataggap ko ang alok mo," matapang na anunsyon ni Agueda.


Napangiti ang lalaki at tinanggap ang kamay nito.


"Hindi ka magsisisi sa ginawa mong desisyon. Asahan mong mananatiling lihim ang lahat ng aking nalalaman."


"Sa isang kondisyon," dagdag ni Agueda.


Bumitaw ang lalaki at muling nagpamulsa. Hindi siya makapaniwalang may lakas ng loob pa talaga itong humingi ng kondisyon mula sa kaniya. Kung tutuusin, siya lamang ang may karapatang hingin ang bagay na iyon. Hindi hamak naman na mas malaki ang mawawala sa taong ito kung sakali man magka-bulilyaso ang lahat. Sa huli, pinili niya itong pakinggan.


"Sabihin mo kung anong kailangan kong gawin."


"Gusto kitang pagkatiwalaan kung kaya't maaari ko bang malaman ang iyong ngalan?"


Sunud-sunod na kumurap ang lalaki. Pagkuwa'y napatawa pa ito nang mahina nang mapagtanto ang kaniyang narinig. Isang simpleng bagay lamang pala ang hinihingi nito.


"Anong nakakatawa sa aking tinuran?" nagtatakang tanong ni Agueda.


Tumikhim ang lalaki. "Iyon lamang ba ang kondisyon mo?"


Nagkibit-balikat ang dalaga.


"Simeon," pakilala nito. "Ang pangalan ko'y Simeon Alonso. At ikaw?"


Bahagyang natigilan si Agueda. Hindi niya maaaring sabihin rito ang totoo niyang pangalan. Hangga't maaari, ayaw niyang ipaalam rito ang tunay niyang kasarian.


"Piyo," pagsisinungaling niya. "Tawagin mo na lamang akong Piyo."


Tumangu-tango si Simeon habang tinitigan siya. Pawang tinatansiya ng lalaki ang katotohanan sa kaniyang sinabi. Nilaban niya ang mga titig nito at ngumiti. Sa huli, nakumbinsi rin ang lalaki.


"Panghahawakan ko ang ating naging kasunduan ngayong gabi. Nawa'y manatili kang tapat sa iyong mga salita, Simeon," tugon ni Agueda.


"Maaasahan mo ako, Piyo."


"Iyon lamang ang nais kong marinig kaya't mauna na ako sa iyo," paalam ng dalaga.


Hindi na ito hinintay ni Agueda na muling magsalita pa. Mabilis niya itong tinalikuran. Nais na niyang makawala sa sitwasyong iyon. Hindi na niya yata makakayanang magpanggap pa sa harapan ng lalaki. Napapansin niya ang mga kakaibang titig nito sa kaniya. Ang mga malalalim nitong mga mata ay pawang pinag-aaralan ang buo niyang pagkatao. Marahil ay nahihimigan na nito na may kakaiba sa kaniya. Ayaw niyang mabuko ngayon pa't nagkaroon na sila ng kasunduan.


Nakakailang hakbang pa lamang si Agueda nang mapatigil siya sa sunod na sinabi ng lalaki.


"Bakit hindi mo ako samahang uminom?"


Napapikit si Agueda sa labis na panghihinayang. Kinagat niya ang sariling labi upang pigilang mapamura. Napabuga siya ng hangin upang pakalmahin ang sarili tsaka walang emosyon niyang muling hinarap ang kausap.


"Hindi ako umiinom."


"Anong klase kang lalaki kung hindi ka umiinom?"


"Sa alak ko lamang ba mapapatunayan ang aking pagkalalaki? Magaling akong humawak ng baril at mahusay ring umasinta. Gawain ba iyon ng mga babae?"


Nagkibit-balikat si Simeon. "Hindi ko naman pinagduduhan ang iyong kasarian. Nais ko lamang selyuhan ang ating kasunduan sa pamamagitan ng pag-inom ng alak? May alam akong mainam na lugar malapit rito."


Napaisip si Agueda. Bagama't nais na niyang umuwi, nakikita niyang isa rin itong maganda pagkakataon upang makilala pa ng lubusan ang lalaki. Nais niyang malaman ang kahinaan nito nang sa gayon ay may magamit siya laban rito kung sakaling piliin nitong saksakin siya sa likod.


Napansin ni Simeon ang pagdadalawang-isip ng kaniyang kaharap.


"Hindi pa naman masyadong malalim ang gabi. Walang mawawala kung tayo'y saglit na magliliwaliw," kumbisi ulit ng dayuhan.


Naunang naglakad ang lalaki at nilampasan si Agueda. Sandaling pinanuod ng dalaga ang papalayong binata. Hindi niya mahulaan kung anong binabalak nito ngunit sa huli, isinuko na lamang niya ang kaniyang mga haka-haka.


Tahimik niyang sinundan ang binata. Nilisan nila ang plaza at tinahak ang isang eskinita kung saan nakahilera ang samu't saring paninda. Puno ng mga tao ang bahaging ito. Ang mga kababaihang nakasuot ng magagarang damit ay aligagang nagtititingin sa bawat madaanan nilang paninda. Napansin rin ni Agueda ang mga magkasintahang masayang nagsusukat ng iba't ibang desinyo ng salakot. Iilang mga bata rin ang kaniyang namataang nakapila sa isang tanyag na tindahan ng tsokolate.


Pansamantalang nawala ang pag-aalinlangan sa loob ng dalaga nang makita ang buong lugar. Hindi niya akalaing ganito pala karikit ang itsura ng pook pamilihan tuwing gabi. Aaminin niyang hindi siya nagagawi rito sapagkat hindi siya pinapayagan ng kaniyang ama na lumabas lalo na sa gabi. Wala namang mahalagang okasyon ngayon sa kanilang bayan ngunit animo'y may fiesta sa bahaging ito. Maliwanag ang paligid at nakasabit ang mga banderitas sa magkabilang gilid ng daan.


Kay saya na sana ng lugar ngunit napansin niyang bantay sarado rin pala ng mga guardia sibil maging ang pook pamilihan. Sa kaniyang bilang, sampung taong di-uniporme ang nakatayo sa magkabilang dulo ng eskineta habang tahimik na minamatyagan ang kilos ng mamimili. Kinapa ni Agueda ang dala niyang rebolber. Hindi naman siguro siya makikilala ng mga ito.


"Masasarap ang alak nila rito."


Napatigil si Agueda nang lingunin siya ng kaniyang kasama. Doon niya lamang napansin na huminto ang lalaki sa harap ng isang maliit na tindahan na pinapaligiran ng iba't ibang kulay ng ilaw ang bukana.


Umangat ang tingin ni Agueda upang tingnan ang isang malaking karatola na nakasabit sa itaas nito. Hora Feliz; nahinuha niya kaagad na isang dayuhan ang may-ari nito dahil sa Espanyol na pangalan ng tindahan.


"Madalas ka ba rito?" biglang niya.


"Hindi," iling ng lalaki. "Ito ang unang beses ko rito."


Naningkit ang mga mata ni Agueda.


"Nagbibiro ka ba? Paano mo nasabing masasarap ang mga alak nila rito kung hindi ka pa pala nakakapasok sa loob?"


"Napapansin ko kasing dinadarayo ito ng mga tao. Gusto kong tikman ang binebenta nilang alak nang may kasama."


Hindi na makapaghintay pa si Simeon at nauna nang pumasok sa loob. Walang nagawa ang babae kundi sundan ito. Nagitla ang dalaga nang bumungad sa kaniya ang kakaibang amoy na bumabalot sa paligid. Nanunuot sa kaniyang ilong ang matapang na amoy ng pinaghalong yosi at alak. Maingay at maraming tao sa loob. Isang babaeng nakasuot ng maikling palda ang kumakanta sa gitna ng entablado habang may iilang mga dayuhang lalaki naman ang nakikisayaw sa tugtugin.


Hinila siya ni Simeon sa kawnter ng mga alak kung saan isang nakangiting lalaki ang mabilis na nagsasalin ng inumin sa nakahilerang mga baso.


"Buenas Noches! Bienvenido a la hora feliz!" bati nito sa kanilang dalawa.


"Pablo, mi amigo!" Nakangiting saad ni Simeon at nakipagkamay sa lalaki.


Naningkit naman ang mga mata ni Agueda. Akala ba niya ay hindi pa nagagawi ang binata sa lugar na ito ngunit bakit mukhang malapit sa isa't isa si Simeon sa lalaking tinawag niyang Pablo?


Pinasadahan niya ng tingin ang dayuhan. Nakasuot ito ng puting pang-itaas na may puntas sa kwelyo. Kita sa itsura nito ang pagiging Espanyol. Sa tingin niya ay nasa tatlumpung taong gulang lamang ito ngunit nakaragdag sa kaniyang edad ang manipis nitong bigote.


"Simeon! Mucho tiempo sin verte, mi ago."


"Sí, ha pasado mucho tiempo."


Tumikhim si Agueda upang agawin ang atensyon ng dalawa. Ayaw niyang manahimik na lamang sa isang tabi at magmukhang mangmang sa harap ng dalawang lalaking dayuhan. Isa pa, aaminin niyang wala siyang naiintindihan sa mga sinabi nito. Bagama't nag-aaral siya sa isang sikat na unibersidad, kailanman hindi siya nagkaroon ng interes na aralin ang wikang banyaga.


"Nais ko lamang ipaalala sa inyong dalawa na tayo'y nasa Pilipinas. Hindi naman siguro kalabisan kung wikang Filipino ang gamitin nating lengguwahe."


Nagkatinginan ang dalawang lalaki. Tumangu-tango si Pablo nang mapagtanto ang kanilang ginawa. Hindi niya napansin na may kasama pa lang isang Pilipino ang kaniyang kaibigan. Samantala, lihim namang napangisi si Simeon. Hindi niya matukoy kung sadyang malalim nga lang talaga ang pagmamahal ni Piyo sa kaniyang bayan o sadyang hindi lamang nito naiintindihan ang kanilang wikang ginagamit.


"May katuwiran ka naman, Piyo. Paumanhin sa aming ginawa. Siya nga pala, nais kong ipakilala sa iyo ang aking pinakamatalik na kaibigan noong ako'y nasa Madrid pa lamang, si Pablo. Pablo, ito naman si Piyo, ang aking bagong kakilala rito sa Cavinti."


"Ikinakagagalak kitang makilala, Piyo."


Nabigla ang dalaga nang marinig ang sinabi ni Pablo. Hindi niya inaasahang marunong talaga itong magsalita ng Tagalog. Bagong bukas pa lamang ang Hora Feliz rito sa kanilang bayan, napakabilis naman yatang matuto ng taong ito?


Bagama't naguguluhan, iniabot niya na lamang ang nakalahad na kamay ng binata at ngumiti.


"Ako'y nagagalak rin."


"Isang insulares si Pablo. Isa siyang Espanyol na ipinanganak rito sa Pilipinas. Namalagi ang kanilang pamilya sa Maynila sa loob ng anim na taon kaya't kahit paano ay nakakaintindi siya ng Tagalog," paliwanag ni Simeon.


Marahan siyang napatango nang tuluyan niyang maintindihan ang sitwasyon. Marami na ngang mga purong Espanyol ang ipinanganak rito sa Pilipinas sa panahon ng kolonyalisasyon ngunit ngayon lamang siya nakatagpo ng isa.


"O, siya sige, anong gusto niyong inumin?" tanong ni Pablo.


"Mahalaga ang gabing ito para sa'ming dalawa ni Piyo kaya't nais naming tikman ang pinakamamahaling alak na nandito sa inyong tindahan."


"Kung gayon, hayaan niyo akong ihanda ko ang aking pinagmamalaking klase ng alak, ang Carpe Diem Vino."


Bumalik ang lalaki sa pagsasalin ng alak. Tahimik lamang itong pinapanuod ni Agueda. Ilang sandali pa, dalawang baso na laman ang kulay gintong likido at bloke ng yelo ang inilapag ni Pablo sa kanilang harapan.


"Nawa'y magustuhan ninyo ang aking alak. Kayong dalawa ang kauna-unahang makakatikim ng alak na ako mismo ang gumawa."


Namilog ang mga mata ni Simeon. "Aba'y hindi ko akalaing gumagawa ka na pala ng alak ngayon. Akala ko ba'y ayaw mong sumunod sa yapak ng iyong ama?"


"Natuto na ako, Simeon. Napagtanto kong mas nakakahumaling pala ang amoy ng mga alak kaysa sa mga babae," biro nito.


Sabay na nagtawanan ang dalawa ngunit napahinto rin nang biglang kumalabog ang pinto ng tindahan. Agad na napasulyap roon ang tatlo at nakitang pumasok ang apat na lalaking nakasuot ng uniporme ng mga guardia sibil.


Kumunot ang noo ni Agueda nang mapansing biglang binatukan ng isang lalaki ang matanda na kasalukuyang naglilinis ng sahig. Umupo ang mga ito sa isang mesa at malakas na isinigaw ang pangalan ng alak na gusto nitong inumin.


Samantala, isang buntong hininga ang pinakawalan ni Pablo nang makita na naman ang grupo ng mga lalaking iyon. Dis oras na ng gabi kaya't akala niya ay hindi na makakapunta ang mga ito upang uminom sa kaniyang tindihan. Sana pala ay maaga siyang nagsara ngayong araw. Napuna naman ni Simeon ang pagkabalisa ng kaniyang kaibigan habang nakatitig sa mga taong kararating lamang.


"Ayos ka lang ba, Pablo?" tanong niya.


"Huwag mo akong alalahanin, Simeon. Ako'y sanay na sa kanilang mga ugali. Buhat na magbukas ang aking tindahan rito sa Cavinti, gabi-gabi na silang pumaparito upang uminom ng alak. Hindi ko man gusto ang mga ugali nila ngunit mabuti na lamang nagbabayad pa rin sila ng tama."


"Sigurado ka ba? Nais mo bang tulungan kita?"


"Huwag na, kaibigan. Maiwan ko na lamang muna kayo."


"Gracias, mi amigo."


Inilapag ni Pablo ang isang bote ng alak sa harapan nilang dalawa bago ito umalis. Sinundan pa nila ito ng tingin habang papalapit ang lalaki sa kinaroroonan ng grupo ng mga guardia sibil.


Tinuon na lamang ni Agueda ang kaniyang atensyon sa mga bagay sa kaniyang harapan. Kinuha niya ang isag baso ng alak at tinitigan ang laman nito. Mamangha siya sapagkat ngayon lamang siya nakakita ng alak sa malapitan. Bagama't lagi niyang napapansin itong tinutungga ni Artemio ngunit kailanman ay hindi siya nagkaroon ng interes na tikman ito. Bagama't hindi niya gusto ang matapang nitong amoy ngunit hindi niya akalaing nakakahalina pala ito tingnan. May kung anong mumunting butil ng tubig sa loob na lumutang paitaas. Mistulang kumikinang rin ang kulay ginto nitong tubig.


"Base sa iyong reaksyon, mukhang hindi ka pa nga talaga nakakatikim ng alak," komento ni Simeon. "Bakit hindi mo pa ito subukan?"


Pinanuod ni Agueda kung paano inumin ng lalaki ang alak sa hawak nitong baso. Nanlaki ang kaniyang mata nang inisang lagok lamang ito ng binata. Bahagyang lumukot ang mukha nito nang maubos ang kaniyang inumin at agad ring nagsalin ng panibago. Napatulala na lamang si Agueda sa inasal nito. Hayok na hayok ang lalaki sa alak kaya't sa palagay niya ay malakas itong uminom.


"Tikman mo na iyang alak mo. Sigurado akong masisiyahan ka sa lasa nito," kumbinsi ulit sa kaniya ng lalaki.


Muling itinuon ni Agueda ang kaniyang atensyon sa hawak niyang baso. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon at dagli itong ininom. Inubos niya ang laman nito at inisang lagok kagaya ng ginawa ng lalaki. Mabilis na rumehistro sa kaniyang lalamunan ang pait at tapang ng alak. Bahagyang napaubo pa siya nang umabot sa kaniyang ilong ang tapang ng amoy nito. Nakaramdam siya ng kakaibang init sa kaniyang lalamunan.


Napatawa naman si Simeon habang pinagmamasdan ang kasama. Alam niyang ganito ang magiging reaksyon nito sapagkat tunay ngang isang matapang na inumin ang ibinigay sa kanila ni Pablo. Hindi niya inasahang malilibang siyang kasama si Piyo. Matapang nga ang lalaki ngunit halatang inosente naman ito sa mga ganitong bagay. Lalo tuloy nagdagdagan ang kaniyang interes na makilala pa ito nang lubusan. Kinuha niya ang hawak na baso ni Piyo at muli itong sinalinan ng alak.


"Ayoko na," tanggi ni Agueda nang makabawi ito sa ininom niya. "Hindi ko gusto ang lasa ng alak na iyan. Nakakatiyak ka bang ito ang pinakamamahalin sa lahat? Para lamang akong uminom ng suka na isang daang libong taon na ang tanda."


Ngumisi si Simeon. "Sa umpisa lamang iyan, Piyo. Makikita mo, hindi magtatagal at gaganahan ka na rin."


Muling tinungga ni Simeon ang kaniyang alak. Sa pagkakataong ito, pinilit niyang itago ang pait na gumuguhit sa kaniyang lalamunan. Napansin naman ni Agueda na hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha ng lalaki sa pangalawang inom nito. Siguro nga ay tama ito sa kaniyang sinabi na sa umpisa lamang ang pait.


Dinampot ni Agueda ang kaniyang baso at muling uminom.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro