Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

EPILOGO

NASA gilid ng isang maliit na sapa si Agueda. Nakaupo siya sa isang malaking bato habang tinatanaw ang maingay na ragasa ng tubig.


Hapon na ngunit mataas pa rin ang sinag ng araw. Hindi niya maintindihan kung bakit laging maganda ang panahon. Laging kulay asul ang langit. Laging umiihip ang simoy ng hangin. Laging sumasayaw ang mga halaman na animo'y masaya ang mga ito. Laging humuhuni ang mga ibon. Ganito ang kaniyang araw-araw mula noong mawalan na siya ng ganang mabuhay. Masaya ang paligid ngunit kabaliktaran noon ang kaniyang puso.


Sa mismong lugar na ito, nakilala niya nang lubusan si Simeon. Ang lalaking dayuhang nangahas na pumasok sa kaniyang magulong mundo. Ang lalaking akala niya'y kaniyang mortal na kaaway ay siya rin lalaking nagbuwis ng kaniyang buhay upang tulungan siyang abutin ang kaniyang pangarap. Marahil hindi man natupad iyon ngunit masaya sapagkat sumubok siya.


Sa ilog na ito, dito niya natutunan ngumiti, sumaya at huminga. Habang nagbabaliktanaw, napagtanto niyang dito rin pala niya naramdaman ang tunay na kalayaan na siyang matagal na niyang inaasam. Dito---kapiling ang isang dayuhan.


Bumuntong hininga si Agueda.


Kinuha niya ang isang piraso ng papel na nakatago sa kaniyang bulsa. Matagal na itong ibinigay ni Benito sa kaniya ngunit ngayon lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na basahin ang una't huling liham na natanggap niya mula kay Simeon.


Binuksan ito ng dalaga. Nalaglag ang isang kwentas kung saan nakasabit ang isang pamilyar na singsing. Pinulot niya ito at napagtantong ito ang pinakaiingatang singsing ni Simeon. Isinuot niya ang kwentas sa kaniyang leeg bago muling tiningnan ang sulat.


Napangiti siya nang bumungad ang malinis na sulat-kamay ni Simeon. Kay ganda ng pakakabaybay nito. Hindi siya makapaniwalang hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang pinapahanga ng lalaki. Bahagya mang nalukot na ang papel ngunit kita pa rin ang mga letra doon.


Nag-umpisang magtubig ang kaniyang mga luha nang simulan niyang basahin ang liham.




Agueda,


Marahil habang binabasa mo ang liham na ito ay namayapa na ako. Huwag kang umiyak. Huwag ka masyadong malungkot sa aking pagkawala—hindi mo kasalanan.

Ang umiibig sa isang babaeng piniling bitbitin ang baril imbes na pamaymay, iyon ang pinakamagandang desisyong nagawa ko sa aking buhay. Kung babalik ako sa panahon, mamahalin pa rin kita gayong batid kong mamamatay ako dahil sa pagmamahal ko sa iyo. Walang magbabago. Ikaw pa rin ang aking pipiliin—palagi.

Magkaiba man ang ating lahi. Hindi man magkatulad ang ating mga pangarap at layunin. Kay layo ng Espanya sa Pilipinas, ngunit dito ko naramdaman ang tunay na ligaya—ang tunay na pamilya. Sa susunod na buhay, titiyakin kong mabubuhay ako hindi bilang dayuhan kundi bilang isang taong malaya mo nang iibigin.

Agueda, tumahan ka na. Magkikita pa naman tayo.

Kapag umulan ng niyebe, kailangan mo na akong bisitahin. Hihintayin kita. Batid kong hindi umuulan ng niyebe sa Pilipinas kaya't dapat kang mabuhay ng ganoon katagal. Bagama't nais na kitang mayakap ngunit huwag kang magmadaling makita ako.

Tanggapin mo ang singsing na ito. Huwag mo itong iwawala o isiping isangla sa kakilala mong mag-aalahas. Hahanapin ko ito sa muli nating pagkikita.

Sa susunod na buhay, kung saan malaya tayong umibig at ibigin, hihintayin kita.


Sa Iyo Magpakailanman,

Simeon Alonso




Tulad ng ilog, binaha ng luha ang mga mata ng dalaga. Nangingibabaw sa lahat ng ingay ang kaniyang mga hikbi.


Paano siya tatahan kung sa bawat salitang nakasulat sa liham ay naririnig niya ang boses ni Simeon? Para na siyang nalulunod sa sakit, sa pagdadalamhati, sa kawalan.


Araw-araw siyang nangungulila rito. Araw-araw niyang ipinagdarasal na panaginip lamang ang lahat—nawa'y hindi ito totoo. Nawa'y buhay pa si Simeon. Ngunit, araw-araw rin siyang ginigising ng katotohanan. Araw-araw itong ipinapaalala sa kaniya na mag-isa na lamang siya.


Sa gitna ng kaniyang mga iyak, hinugot ni Agueda ang dala niyang rebolber.


Hindi niya maipapangakong mabubuhay siya ng matagal. Anong saysay pa ng buhay na ito? Nahihirapan na rin siya. Napapagod na rin siya—naubos na siya.


Walang pagdadalawang-isip na itinutok ng dalaga ang baril sa gilid ng kaniyang noo.


Hindi siya nagpapakamatay. Winawakasan niya lamang ang pait ng buhay.


Humugot siya ng malalim na hininga.


Sa unang pagkakataon, nanabik siya. Nanabik siyang mamatay.


Ilang sandali lamang, umalingawngaw sa buong paligid ang putok ng baril. Natumba ang dalaga sa malamig at matigas na bato. Walang tigil sa pag-alpas ang mainit na dugo mula sa kaniyang ulo.


Napangiti siya habang pinagmamasdan ang ulap sa itaas. Umiihip ng malakas ang hangin dahilan upang magsayawan ang mga dahon ng puno. Maaliwalas ang panahon, maganda ang sikat ng araw at kulay dagat ang ulap. Isang bihirang tanawin ang kaniyang nakikita sa kaniyang huling sandali.


Nakahinga siya nang maluwag. Hindi siya natatakot mamatay 'pagkat batid niyang naghihintay si Simeon sa kaniya.


Nananabik na siyang makita ang lalaki.


Ngumiti si Agueda bago siya tuluyang kinuha ng kamatayan.


Ito ang katapusan ng kaniyang laban.


finale.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro