Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5

Nakakalat sa paanan ng gusali ang mga bubog ng salamin na nanggaling sa bintana ng aming sala. May mga bakas ng dugo sa lupa na tila nagsasabing, "Halika, sundan mo ako."

Binaybay ko ang landas na tinutungo ng mga bakas ng dugo. Sa huli, natagpuan ko si Kuya. Nakaluhod siya sa gitna ng isang children's park, ilang kanto mula sa tinitirhan namin. Nakatalikod siya, humihingal. Nakabaon sa lupa ang dalawang dambuhalang espada na hawak niya sa magkabilang kamay, na parang umaalalay sa kanyang pagkakaluhod.

Wala akong ideya kung saan niya nakuha ang mga sandatang iyon, pero wala na akong oras para pag-isipan pa. Sa gitna ng lahat ng gulong nangyari, ang mahalaga lang ay buhay pa siya.

"Kuya Jin!" tawag ko, sabik na tumakbo ako papalapit sa kanya.

Napalingon siya sa akin, hindi makapaniwala. Dahan-dahan siyang tumayo at humarap. Habang papalapit ako, napansin ko ang mga pasa't dugong bumabalot sa katawan niya. May tumutulong dugo sa ulo niya na nagpapula sa suot niyang damit. Pagod na pagod siya at bugbog sarado.

"Maki, anong ginagawa mo rito?" sigaw niya, galit ang tinig. "Dapat nasa bahay ka lang."

"Kailangan ko makasigurong ligtas ka," sagot ko na hindi nagpapatinag. Alam kong magagalit siya sa akin sa pagsuway ko, pero hindi iyon sapat para pigilan ako.

Huminga siya nang malalim, tumingin sa paligid, at tumitig sa akin. "Hindi pa tayo ligtas. Kailangan mong umalis dito bago sila magpakita uli."

Gusto kong maging mabuting kapatid at sundin siya, pero hindi ko kayang manatili sa dilim habang nag-aalala kung ano na ang nangyayari sa kanya.

"Sino ba 'yung mga 'yon? Sino ang mga kalaban mo kanina? At ano 'tong mga sandata mo?" sunod-sunod kong tanong, nararamdaman kong may halong inis na ang boses ko.

Doon ko lang napansin na ang hawak niya ay pares ng sundang—mga matatalim na katutubong bolo na kilala sa gitnang bahagi ng bansa. Mahilig sina Mama at Papa sa kasaysayan ng sinaunang Pilipinas, at may malaking koleksyon ng mga lumang sandata si Papa noon. Isa sa mga paborito niya ang sundang.

Pero hindi basta-bastang sundang ang hawak ng kapatid ko. Malalaki at mabigat ang talim, tila ginawa para durugin ang kahit anong kalaban. Ang hawakan ay hinubog na parang ulo ng kabayo—isa'y puti, ang isa'y itim—at napakadetalyado ng pagkakagawa.

Habang pinagmamasdan ko ang mga sandata niya, isang matinis na hiyaw mula sa kung saan ang nagpagising sa akin mula sa pagkabighani. Mabilis na tiningnan ni Kuya ang paligid, tapos lumingon siya sa akin, tila sumuko na sa pag-iwas.

"Sige, panalo ka na," sabi niya, titig ang mga mata. "Ang mga kalaban ko kanina ay mula sa Scarlet Clan—mas kilala bilang mga Pulahan. Hindi ko alam kung sino sila o kung anong gusto nila, pero hindi sila titigil hangga't hindi nila ako nahuhuli."

Muli siyang luminga, halatang nakaalerto pa rin. "Masyadong komplikado para ipaliwanag kaya hindi ko agad sinabi sa'yo. At alam kong kapag nalaman mong nasa panganib ang buhay ko, gagawin mo ang lahat para tumulong. Ayokong mapahamak ka dahil sa akin."

"Nasabihan mo na ba ang mga pulis? Baka matulungan ka nila," tanong ko, pilit na inuunawa ang lahat.

Umiling siya nang mahina. "Hindi nila ako matutulungan, Maki. Wala—kahit sino—walang makakatulong sa akin."

Hindi ko pa rin lubos maintindihan ang kabuuan ng sitwasyon niya, pero alam kong nagsasabi siya ng totoo. Alam kong sinubukan na niyang tumakas, pero napaligiran na siya ng bangungot na 'di niya matakasan. Gusto kong sigawing kaya niya akong asahan, na kaya ko siyang iligtas gaya ng paulit-ulit niyang pagligtas sa akin. Pero sa kaibuturan ko, alam kong baka wala lang saysay ang mga salitang 'yon.

Hindi ko alam kung paano siya nasangkot sa lahat ng ito. Mabuting tao si Kuya. Walang bahid ng kasamaan. Pero kahit ganoon, buo na ang pasya ko—hindi ko siya iiwan kahit anong mangyari.

"Hindi ko man lubos maintindihan ang pinagdadaanan mo, Kuya," sabi ko, itinapat ko sa kanya ang baseball bat, "pero hindi kita iiwan. Huwag mo akong utusang tumakbo palayo, kasi hindi ko 'yon gagawin. Anuman ang mangyari, kakampi mo ako. Maasahan mo 'yan."

Ngumiti siya nang bahagya at napailing, parang hindi makapaniwala. Tiningnan niya ang bat na itinapat ko sa kanya. "Marunong ka pa bang lumaban?" tanong niya.

"Syempre naman," sagot ko, ikinandong ang bat sa balikat at nag-thumbs up. "Pero kung ako ang tatanungin mo, parang ikaw yata ang kinakalawang na."

Humalakhak siya nang malakas. "Tingnan natin," sabi niya.

Tapos, sinuri niya ulit ang paligid at tumango sa akin.

"Babalik na sila kahit anong oras," babala niya. "Siguradong may makikita kang kakaiba na 'di mo pa nakikita noon. Pero huwag kang matakot. Magtiwala ka lang sa 'kin at makakaya natin 'to."

Bagamat naguguluhan, tumango ako. Tumalikod siya, at ganoon din ang ginawa ko. Tumayo kami, magkasangga ang likod, habang binabantayan ang paligid para sa anumang banta.

Habang nakatayo kami roon, hindi ko maiwasang balikan sa isip ang mga panahong tinuruan kami ni Papa ng martial arts. Isa siyang Kali master, at simula bata pa lang kami, pinasok na niya kami ni Kuya sa training. Marami akong natutunan, at kahit papaano'y nanalo rin sa ilang competitions. Pero hindi talaga iyon ang hilig ko. Marunong pa rin naman ako ng ilang suntok at sipa, pero matagal na rin mula nang huli akong magsanay.

Si Kuya naman ay iba. Bilang isang natural na henyo, mabilis siyang natuto at nanalo pa ng national championship. Kaya siya kinuha ng Maharlika Academy at binigyan ng full scholarship dahil dito.

Pero sa gulat naming lahat, nag-quit siya ng Kali nung Grade 8.

Nung tinanong ko siya kung bakit, sagot niya'y wala na raw thrill. Hindi ko pinaniwalaan 'yon. Alam ko kung gaano siya kasaya tuwing nagprapractice. Kitang-kita sa mga mata niya. Hindi 'yon ang mukha ng taong basta na lang iiwan ang isang bagay na mahalaga sa kaniya. Sigurado akong may mas malalim pang dahilan, pero hindi ko na siya pinilit. Hinintay kong kusa niyang sabihin ang dahilan.

Sa halip, lumipat siya sa chess. At gaya ng inaasahan, nagtagumpay pa rin siya. Na-maintain niya ang scholarship niya sa Academy kahit iniwan niya ang Kali.

At ngayon, balik sa gitna ng parke kung saan kami naroon. Si Kuya ay may hawak na pares ng sundang. Ako naman, may luma at maalikabok na baseball bat sa mga kamay ko.

Nanigas ako sa takot at pagkagulat habang unti-unting lumalapit ang isang kakaibang grupo ng mga nilalang. Binalaan ako ni Kuya na magiging "kakaiba" ang mga kalaban, pero hindi ganitong klase ng kakaiba ang iniisip ko.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro