
Chapter 6: Bubblegum Saga
HALOS maglupasay sa tuwa si Sef matapos ang interview niya sa Lauchengco Investments and Holdings. Positibo siyang makukuha niyang trabaho bilang clerk sa accounting department ng prestiryosong kumpanya. Bukod sa health insurance, SSS, Pag-ibig, may totong profit sharing at newly-hired bonus ang kumpanya. Tumataginting na sampung libo lang naman ang on-boarding bonus na matatanggap ng bagong empleyado kasama ng first paycheque. Eighteen thousand ang starting salary, may quarterly bonus at kapag umabot ng dalawang taon ang employee, tataas ang sahod.
Legit na legit na alam niyang hindi na scam ang trabaho niya dahil sa laki at taas ba naman ng gusaling pinasok niya kanina ay mapagkakalaman pa bang scammer ang may-ari? Dalawang linggo rin siyang forced diet, tipid kumain at magmeryenda dahil ayaw niyang gastuhin ang natitirang isang libo.
Noong magpasa siya ng resume ay nag-research siya tungkol sa company. Wow na wow ang reaksyon niya nang mabasa ang profile ng CEO na si Destiny Lauchengco, all-in-one ang babae, maganda at mayaman! Sana all! Ang maganda pa nito ay si Miss Lauchengco rin ang may-ari ng international school na pinapasukan ni Gabbie. Biyaya ng magkapal ang babae para sa kanilang mga dukha na ganda lang ang ambag sa lipunan.
Masaya siya dahil makakaambag na ulit siya sa gastusin sa bahay, makakabili na siya ng mga make-ups dahil nagbabalak siyang mag-make-up tutorial sa Tiktok, maraming kumikita sa platform na iyon, at higit sa lahat ay may unli foods na siya!
Dahil napaka-precious ng isang libo niya ay magji-jeep siya pauwi. Thirty minutes lang ang biyahe mula sa BGC kung saan naroon ang Lauchengco Tower hanggang sa bahay nila sa Buendia. Nakangiting sumakay si Sef ng jeep at sa dulo sa may exit siya umupo dahil ayaw niyang maging taga-abot ng bayad. Habang nagpupuno ng pasahero ang tumunog ang cellphone niya. Si Gabbie ang tumatawag.
"Ate?!"
"Ano? Bakit ka ba sumisigaw?" Ni walang hi-hello ang kapatid.
"Nakauwi ka na?" Aligaga ang boses nito.
"Pauwi pa lang. Ano na namang problema mo?
"Nakalimutan kong sabihin na may meeting pala ang mga guardian at parents mamayang three pm! Pwede ka ba?" Nagsimula na ang klase ni Gabbie. Huminga siya ng malalim ang sinapok ang sariling noo. Kahit saang last minute talagang valedictorian itong si Gabbie! Mula assignment hanggang project, kung kailan huli na ay tsaka nagsasabi! Tiningnan niya ang wristwatch, ala-una y media na, aabutin ng isang oras o higit pa ang biyahe niya dahil sa traffic papunta sa Quezon City kung saan naroon ang school.
"Pupunta na ako. May atraso ka sa akin. I-text mo kung saan eksakto ng meeting." Nag-thank you si Gabbie bago ibinaba ang tawag, na-receive naman niya ang details ng meeting. Gutom na rin siya, sana naman ay may pa-foods sa meeting.
Sasakay siya ng jeep at MRT para makarating lang sa school. Pagbaba ng jeep malapit sa MRT station ay may sumalubong sa kanyang limang nanlilimos, madungis ang mga ito at halatang kulang sa paligo for two months. Ang isang babae ay may karga pang sanggol, sa tantiya niya ang isang taon lang ang agwat ng mga bata.
"Palimos!" Nakalahad sa kanya ang mga lata ng hawak nito.
"Sorry wala akong pera ngayon." Nag-side step siya para dumaan pero agad siyang naharangan.
"Bente lang!" sabi pa ng batang may uhog pa sa ilong.
"Wow ha? Kung maka-demand? Pass muna. Kailangan ko nang umalis!" Bago pa siya maka-exit ay may naramdamdan siyag hapdi sa braso. Tiningnan niya iyon at nanlaki ang mga mata dahil may kalmot siya roon! Mabilis siyang nakaiwas nang duraan siya ng pinakamatangkad ng bata.
"Aba! Hoy! Bastos! Nanakit ka! Pagsabihan mo itong mga anak mo!" Sikmat niya sa nanay. Hindi siya patola sa bata pero kaunti na lang ay sasapukin na niya ito. Inambaan niya ito ng suntok nang may narinig silang pumito, isang traffic enforcer na patakbong lumapit sa kanya. Mabilis na nagsipulasan ang mga nanlilimos nang makita ang enforcer.
"Taba taba taba!" sigaw pa ng mga bata, tatawa-tawa naman ang nanay ng mga ito. Kinuha niya ang alcohol sa bag at nilagyan ang sugat niya. Hindi naman malalim pero mahaba iyon. Pagkatapos ng katakot-takot na biyahe ay narating na niya sa wakas ang school, lapot na siya at handa nang kumain ng damo dahil sa gutom. Itinuro sa kanya ng guard ang building kung saan may assembly ng mga magulang. Lechugas itong si Gabbie! Kapag namayat ako konyat sa akin 'yun! De-aircon ang hall na venue ng assembly, para pala iyon sa mga guardian at parents ng mga new enrolees ng senior high. Naaamoy niya ang iba't-ibang klase ng mga pagkain kaya't sinundan niya iyon pagkatapos mag-register. May buffet table ng different kinds of sandwiches, pica-pica, desserts, at drinks! Nagkarambola ang tiyan niya kaya't kumuha na siya ng ham sandwich at kinagatan iyon. She literally moaned when the food touched her tongue. Hindi pipitsuging sandwich ang kinakain. Narinig niya ang mahinang pagtawa ng ilang mga bisita na hindi na niya pinansin.
Habang enjoy siya sa paglamon ay pinagmasdan niya ang mga tao sa loob, halos lahat ay nakasuot ng nanny uniform, ang iba namang mga magulang ay simple lang ang suot, mukhang scholar rin ang mga anak nito. Palong-palo naman ang suot niyang pencil cut skirt na kulay krema, naka-tucked in ang white niyang blouse at nakasampay sa braso niya ang blazer na krema rin ang kulay.
"Ma'am, upo na ho tayo, magsisimula na ang assembly." Lumapit sa kanya ang isang babaeng naka-ID, isa siguro ito sa mga staff.
"Wait, gutom pa ako." Kumuha siya ng paper plate at naglagay ng mga pagkain at dinala sa upuan. May stage sa harap, projector screen na naka-flash ang Welcome to 2022 Parents and Guardian Assembly at may logo ng school sa tabi. Hindi na niya naintindihan ang speech ng kung sino-sino dahil abala ang bibig niya sa pagnguya, wala namang pumipigil sa kanyang kumain kaya go lang.
"Miss," may tumapik sa balikat niya. Nilingon niya ito. Isang babaeng nakasuot ng scrub. "May bubblegum ka sa buhok." Nakangiwing sabi nito. Nanlaki ang mga mata ni Sef at dinama ang dulo ng buhok niya na naka-ponytail. Malagkit iyon! She hurriedly went to the washroom, tumingin sa salamin at nakita ang lecheng bubblegum sa buhok! Maraming buhok ang kumapit roon.
Kaya pala may naramdaman akong humigit ng buhok ko kanina! Bago tumakbo ang mga nanlilimos kanina ay may sumabunot sa kanya ng slight. Hindi naman niya pinansin dahil nagmamadali na siya. Alagang-alaga niya ang buhok, busog sa coconut oil treatment every two weeks, makintab iyon ay malambot at ngayon ay sinalaula! Ayaw niyang magpagupit dahil lalong bibilog ang mukha niya.
"Oh my god..." kumuha siya ng tissue, binasa iyon at dinampi sa malagkit ng buhok. Kalat-kalat pa ang bubblegum! Bumagal ang pagtatanggal niya sa gum nang mapansin niya sa malaking salamin na may nakatalikod sa kanya. Matangkad, broad ang balikat, likod pa lang mukhang pogi na. Pogi? She heard a splashing sound of someone peeing. Nang lumingon ang lalaki ay nagkagulatan pa sila, slow-motion ang pagsasara nito nito ng zipper kaya't nakita niya ng pahapyaw ang red polka dots na boxers nito. Likod lang pala ang pogi rito, hindi rin naman pangit, normalan lang ang hitsura.
Dahan-dahan siyang patagilid na lumakad habang ka-eye-to-eye contact ang lalaki through the mirror. Nunca na lilingunin niya ito! Pesting banyo, napakalaki at napakahaba! Sa pinakadulo pa naman siya nagtatanggal ng bubble gum! Sa tingin niya ay umabot ng tatlong minuto ang awkward na pag-side step niya hanggang sa marating niya ang pinto ng CR. Patakbo siyang bumalik sa hall, ang pesteng malagkit sa buhok niya ay hindi na niya naalis! After a few moments, may isa pang speaker na tumuntong sa stage, nanlaki ang mga mata ni Sef nang magpakilala itong homeroom instructor ng klase ni Gabbie!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro