September 6, 2006
Dear Diary,
Dahil sa nangyari kahapon, may nagbigay sa akin ng MGA suklay kanina. MGA suklay kasi ang dami. Pitong maliliit na suklay, pwedeng ibulsa. Kulay pink, blue, red, green, yellow, white, at orange tapos may glitters. Marami raw para kahit saan ako magpunta, makakapagsuklay ako.
Noong una nainis ako. Hindi ko alam kung bakit 'yon ang una kong reaksyon. Basta ibinalik ko sa kanya tapos sabi ko hindi ko na kakailanganin ng suklay kasi magpapagupit ako nang maiksing-maiksi. Tapos sabi nya sayang daw ang buhok ko. Maganda raw naman, hindi lang masyadong naaalagaan. Seryoso sya nang sabihin nya 'yon, diary. Nahiya ako bigla. Pero hindi ko na makuha 'yong mga suklay kasi baka isipin nyang apektado ako sa sinabi nya.
Kaninang uwian, ibinigay ni Lotlot sa 'kin 'yong mga suklay. Tapos biniro ako na sya na raw ang gugupit sa buhok ko. Sobrang haba na raw, halos matapakan na. OA ni Lotlot. Hanggang bewang pa lang naman halos.
Pero sobrang haba na nga ba? Pabawasan ko na?
Gustong magpalipat ng upuan,
Ylona
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro