October 3, 2005
Dear Diary,
Ganoon pala kapag may nililigawan. Nakakalimot ng kaibigan.
Okay naman kami nina Lotlot. Madalas pa rin kaming magkakasama nina Derrick tuwing hapon. Si Robbie lang 'yong humiwalay kasi may inihahatid sya sa hapon. Hindi na nga nagsisimba, e. Tapos ang nakakainis pa, kapag nagtuturo kami ng catechism tapos sa ibang klase nag-o-observe si Sister, wala syang ginagawa. Nakikipagkwentuhan lang sa mga bata.
Di naman porket nanliligaw, dapat maging iresponsable na, di ba? Si Derrick nga, nanliligaw kay Lotlot pero hindi naman gano'n. Palaging magkasamang mag-review 'yong dalawa. Tapos nagpapataasan ng grades sa quizzes. Magkalaban palagi sa recitation.
Tapos syempre dahil best friend ko si Lotlot at gusto ni Derrick ng approval ko, palagi nila akong kasama at palaging inililibre. Palagi pang ihinahatid. Kahit third wheel ako, minsan pakiramdam ko itinuturing nila akong anak-anakan. Sakto pa namang ako ang pinakamaliit sa aming tatlo.
Noong una, akala ni nanay, sa akin nanliligaw si Derrick kasi palagi kong kasama. Nang ipaliwanag ko ang sitwasyon, si Robbie naman ang tinanong. Nang sabihin kong hindi rin, nadismaya si nanay.
Nang tanungin ko kung bakit sya nadismaya at ipaalala kong sabi nyang bawal pa akong ligawan, ang sagot nya ay, "Pwede ka nang ligawan, basta huwag mong sasagutin."
Naguguluhan kay nanay,
Ylona
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro