June 6, 2003
Dear Diary,
Sorry hindi kita masyadong naa-update, ha. Ang dami kasing nangyari. Ang hirap mag-adjust sa high school life. Noong elementary, may panahon pa kami para maglaro ng sipa-bola, patintero, at habulan doon sa palayan sa likod ng school. Kaso, dahil catholic school ang Monte Carmelo, inaasahan nila kaming magsisimba tuwing hapon.
Pakiramdam ko nga lalampas na ako sa langit sa dami ng ritwal at dasal namin sa araw-araw. Bale, tuwing morning assembly, may pitong dasal yata kaming sinasambit. Tapos may bible reading. Tapos, may konting litaniya ni sister. Alam mo bang kinakain palagi ni Sister Norma 'yong oras namin sa first period? Kaya naiinis si Miss, e. Biruin mong Biyernes pa lang, hina-high blood na si Sister. Marami raw kasing pasaway sa higher years.
Sa bawat klase, magdadasal pa rin kami bago magsimula. Sa tanghali, may Angelus. 'Yong iba kong kaklase, tumatakbo na palabas ng gate para hindi maabutan. Kapag kasi kita mo pa 'yong pintuan ng simbahan, kailangan mo pa ring tumigil para magdasal. E, sobrang init tuwing tanghali. Kaya ako, sa lilong ako ng puno tumitigil para makanlong.
Tapos, may three o'clock prayer pa kami tuwing alas tres ng hapon. Pagkauwian, 'yong mga catechist, required silang magsimba. Tuwing dadaan naman kami sa tapat ng simbahan, na katabi lang ng school, dapat papasok at magdadasal nang saglit. Ako nag-a-antanda na lang para mabilis.
Meron pa! Tuwing Miyerkules, nagnu-nobena kami. Nitong nakaraang Miyerkules lang, pinagalitan ni Sister Macrina 'yong mga nag-lead. Kasi raw sobrang bilis mag-recite ng nobena, akala mo raw hinahabol ng sampung kabayo.
Kanina nga, First Friday mass namin. May pinagalitan si Sister Jane kasi may impit na tumili kanina. Nasa column 1 kami, sa pinakang-gilid. Sa kasunod na column, second year. Tapos third year. Tapos fourth year. Isang second year na babae 'yong tumili. Paano kasi, nagkahawak sila ng kamay ni Robbie nang mag-Ama Namin. Grabe din 'yong lalaking 'yon. Pati higher years, nagkaka-crush.
Matangkad kasi sya saka maputi. Tapos pa-misteryoso. Siguro gano'n talaga kapag hindi masyadong kilala, madaling magustuhan. Kasi tayo 'yong nagbibigay ng katangian nya. Para lang syang lalagyan tapos tayo na 'yong nagpupuno ng ugali niya.
Napakainteresante, di ba, diary?
'Yan din siguro ang dahilan kaya landslide ang pagkapanalo ni Robbie bilang escort ng klase. Secretary nga pala ako kasi maganda raw akong magsulat. Hindi ko alam kung bakit naging basis 'yon para ako ang piliin nilang secretary, e pumapangit din naman ang sulat ko sa blackboard kasi walang guhit. Tapos kung magpasulat si Mrs. Aguila, 5 pages back to back. Wala na yata akong gagawin ngayong gabi kundi magsulat ng lahat ng lectures na hindi ko naisulat sa notebook.
Mabuti na lang, kumpleto ang kopya ni Lotlot.
Pero alam mo ba, diary, may isa pa akong nakita sa isa nyang notebook.
FLAMES ng pangalan nila ni Robbie. ENEMIES 'yong nakuha nya.
Hindi marunong mag-FLAMES,
Ylona
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro