December 22, 2003
Dear Diary,
Kanina, may program kami. Kailangang mag-perform per class. Kaunti lang naman ang klase namin sa school kaya hindi masyadong kumain ng oras. Hindi na kami nag-practice dahil busy naman lahat sa exams. Walang time. Pinakanta na lang namin si Robbie.
Kaya ayun, sa amin 'yong may pinakamalakas na palakpak.
Ang daming pagkain, diary! May spaghetti, fried chicken, puto, brownies, buko salad... tapos may sponge cake pa!
Binigyan din kami ni Misis ng tig-iisang Kitkat. Tapos, niregaluhan ako ni Lotlot ng notebook na may magandang disenyo 'yong pabalat. Mahilig akong mag-ipon ng notebooks, diary. Pero bihira kong sulatan. Pang-quotes lang.
Nga pala, kanina, nang mag-exchange gift, nalaman ko na kung sino 'yong ka-kris kringle ko. Lumapit sya sa 'kin tapos iniabot 'yong regalo. Naka-box kaya ang hula ko, mug o alarm clock. Mabuti na lang talaga at picture frame ang kinuha ko! Dapat pareho kami ng nakuha.
Nang tanungin ko si Robbie kung bakit kuneho 'yong codename nya, ang sabi nya, "Robby Rabbit" daw. Hindi ko naintindihan kaya tinanong ko si Lotlot. Brand pala 'yon ng bag.
Pinilit ako ni Lotlot na makipagpalit ng regalo sa kanya. Mas maganda 'yong regalong natanggap nya kaya pumayag ako.
May bagong set ng gel pen,
Ylona
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro