Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

December 20, 2005 11:07PM

Dear Diary,

Kagaya ng ipinangako ko kay nanay, isinuot ko 'yong bili nyang dress dahil ibinili niya ako ng matinong regalo para kay Jared. Bumili si nanay ng mug na korteng basketball tapos may keychain ng bola sa loob. Sakto raw isangdaan 'yon kasama 'yong wrapper.

Tinukso-tukso ako ni Lotlot kasi bukod sa band uniform at school uniform, once in a blue moon lang akong mag-dress. As in bihirang-bihirang-bihira. Kanina, nagsuot ako ng dress na manipis ang strap. Dahil bawal sa amin ang sleeveless, dinoblehan ko 'yon ng puting kamiseta. Tapos, naka-sandals ako. Tinirintasan din ako ng tita ko.

Nang mag-exhange gift, tinukso na naman ako ng mga kaklase ko kasi 'yong regalong natanggap ko, malaking teddy bear. As in parang kalahati ng katawan ko ang laki. Si Ivan pa ang nakabunot. E, alam nila dating nagtangkang manligaw 'yon.

May regalo rin sina Derrick at si Lotlot sa 'kin. Binigyan ako ni Lotlot ng isang box ng oil pastel tapos kay Derrick naman galing 'yong isang pack ng gel pen. 

Kaninang sayawan, hinila ako no'ng dalawa papunta sa gitna nang upbeat 'yong tugtog. Nakapagsayaw tuloy ako nang wala sa oras. Mas masarap din ang mga handa namin ngayong taon kasi 'yong mama ni Derrick, nag-bake ng dalawang cake. May icing! Tapos, may buko pandan at buko salad din. Saka spaghetti at carbonara.

Bago kami umakyat ng social hall kanina, may papasko pang chocolates si Misis.

Medyo awkward lang kasi isinayaw ako ni Robbie. Hindi naman ako kinausap. Nakatingin lang kami sa gilid namin. Parang tanga, diary. Naiinis ako sa kanya. Dapat kung galit sya, 'wag na lang syang lumapit. Ewan ko ba kung bakit ako isinayaw no'n. Wala na sigurong ibang maisayaw.

Nga pala, pag-uwi ko kanina, tinanong ni nanay kung kanino galing 'yong teddy bear. Sabi ko sa kaklase ko. 

"Nanliligaw?" tanong ni nanay.

Bakit obsessed na obsessed ang nanay ko sa mga manliligaw?! Pero sabi ko sa kanya, "Nagtangka po. Dati. Kaso sabi ninyo, bawal."

Ang sabi ba naman, "Papuntahin mo sa bahay. Kakausapin ko."

Hala???


Sana nagsinungaling na lang,

Ylona 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro