August 12, 2003
Dear Diary,
Nag-BEC kami kanina. Basic Ecclesial Community. Ito 'yong nagsi-share kayo ng mga saloobin ninyo sa harap ng buong klase. Marami sa mga kaklase ko ang nag-share at umiyak. Hindi ko nga alam kung saan nila hinugot 'yong mga luha nila, diary. Dalawang buwan pa lang kaming magkakaklase. Ako nga, hindi ko pa nakakausap lahat ng kaklase ko, e. Pero sila, may nakaaway na tapos ngayon, nakikipagbati.
Halos lahat sa mga kaklase kong babae, umiyak. Gusto ko ring mag-share pero hindi nakakaiyak ang isi-share ko. Pero nag-share pa rin ako, diary.
Umakyat ako sa platform dala 'yong papel na sinulatan ko kanina. Tapos, binasa ko 'yon. Nagpasalamat lang ako sa mga kaklase ko na naging parte ng unang tatlong buwan ko sa high school.
Suminghot ako. Tapos tinakpan ko 'yong mukha ko. Pero hindi talaga ako naiyak, diary.
Walang feelings,
Ylona
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro