
CHAPTER 18
SENKA JONES
Naiinis ako kay Mama at sa kabila ng inis ko, may namumuong awa sa 'king dibdib. Naikwento n'ya noon sa akin ang kan'yang karanasan sa isang lalaking mayaman.
Kaya gano'n na lang kailap si Papa kung pinag-uusapan ang tungkol do'n. Sino ba namang makikinig sa kwento ng pag-ibig at paano nasaktan ang taong mahal mo sa piling ng iba? Kahit ako hindi ko kakayanin iyon.
May kaunting nararamdaman pa si Mama sa lalaking unang minahal n'ya. Kahit sabihin man n'ya sa 'kin na galit s'ya rito, nakikita ko pa rin ang sakit at sabik sa kan'yang mga mata.
Sino ang mas kawawa? Si Mama o Papa? Pareho lang ngunit sa ibang dahilan. Naiinis ako kay Mama pero kailangan kong intindihin ang kan'yang nararamdaman. 'Yon nga lang hindi ko bibitawan si Olli sa gusto n'yang mangyari.
Puno ng galit ang puso ni Mama sa lalaking iyon kaya nasasabi lang n'ya sa akin na pareho-pareho lang ang mga mayayaman.
Batid ni Papa kung gaano kamahal noon ni Mama ang unang pag-ibig nito. 'Yong lalaking hindi nakuntento sa isa, 'yong lalaking naghanap pa ng iba kahit sila pa ni Mama.
Gustuhin man noon ni Mama na tanggapin na may kahati s'ya ngunit hindi n'ya nagawa. Nasa tabi n'ya si Papa sa panahong iyon kaya pinili n'ya ang lalaking mamahalin s'ya ng tunay... Kahit matatagalan 'pang lumipat ang nararamdaman ni Mama kay Papa.
Kaya noon hindi ko talaga sineryoso ang pagmamahal, lalo na no'ng naging kami ni Ryan. Iniisip ko ang mga hinagpis ni Mama tuwing gabi, tinatatak ko sa isip na mga kagaya ni Ryan na lalaki ay dapat magdusa. Hindi dapat babae ang maghabol kundi sila.
Nagbago lang ang prinsipyong sinusunod ko dahil kay Olli. Hindi ko alam kung bakit gano'n lang kadali n'ya natibag ang nakaharang sa pagitan namin. Gayon pa man, hindi na iyon importante.
Ilang minuto akong naghintay kay Olli at Papa sa sala. Napatayo at agad akong lumapit kay Olli nang makitang papalapit ito sa akin.
Niyakap ko s'ya at nakitang tinapik lang ni Papa si Olli bago kami iniwan. Hinayaan n'yang magkaroon kami ng privacy.
Napatingala ako kay Olli, malamlam ang kan'yang mga mata. Lasing ito pero mukhang kaya pa ang sarili.
“Maaga pa lang tapos naglasing kaagad kayo?” sermon ko sa kan'ya nang alalayan ko itong umupo sa sofa, tumabi ako sa kan'ya.
Mga mata n'ya'y namumungay habang hinahaplos ang mukha ko.
“S-Sorry, gusto ko na magustuhan ako ng Papa mo,” malumanay n'yang sambit, sumunsob s'ya sa leeg ko at bahagyang sininghot ako ro'n. “Papakasalan mo ba ako kung hihingiin ko ang kamay mo sa kanila?”
Umatras ako at mahinang tinulak ang kan'yang balikat para makita ang mukha n'ya. Hindi n'ya inalis ang kamay sa 'king beywang.
“Aalis muna tayo rito.” Hinila ko s'ya para tumayo ngunit pinigilan n'ya ako, lumapit s'ya lalo sa 'kin at pinahinga ang kan'yang pisngi sa 'king pisngi.
“Sagutin mo muna ako,” paos n'yang ani.
Napabuga ako ng hininga, hinaplos ko ang kan'yang buhok. “Ang bata pa natin, Olli. Marami 'pang mangyayari sa atin.”
“Papakasalan kita kapag nakapagtapos ka na.” Nilapit n'ya ang kan'yang mukha sa akin. “Ako lang naman mahal mo 'di ba?”
“Oo naman,” agad kong sagot.
Gano'n na lang ang aking pagtataka nang tumitig s'ya ng matagal sa 'king mga mata, tila may naglalarong iba't-ibang emosyon.
~•~•~•~
“May condo ka pala?” Huminto kaming dalawa ni Olli sa harapan ng condo n'yang sinasabi.
Tumango s'ya at namumungay ang mga matang kinapa-kapa ang kan'yang bulsa.
“My key.”
“P'wede naman pass code, oh.” Tinuro ko ang pinipindutang pass code sa gilid ng kan'yang pinto.
“Oo nga pala,” tila ngayon lang n'ya natandaan. “Ikaw na lang maglagay ng password.”
“Ano ba password?”
“SenkaOllivanderforever,” mabilis n'yang sagot na ikinabungisngis ko, sobrang pula na ang kan'yang taenga matapos iyon sabihin sa 'kin.
“Seriously, Olli?” Napailing ako at nilagay na nga ang password.
S'ya mismo pumihit ng pinto at saka ako inalalayang pumasok, dapat nga s'ya 'yong alalayan ko dahil tinamaan na ito ng lasing. Tirik pa ang araw, dapat gabi sila uminom ni Papa.
Wala masyadong gamit sa kan'yang condo. Halos mga libro at computers ang nakikita ko rito. IT student s'ya kaya kailangan n'ya ng gadgets.
“Umupo ka.” Marahan n'ya akong tinulak paupo sa sofa bago s'ya humiga sa 'king kandungan.
“Anong gagawin natin dito, Olli?” Tinapik-tapik ko ang kan'yang tiyan, pilit na ginigising. “Hey.”
Nimulat n'ya ang kan'yang nga mata. “M-Magaling ka na ba?” Hindi n'ya sinagot ang tanong ko.
Umiwas ako ng tingin at inalis ang kamay sa kan'yang tiyan. “Konting kirot na lang,” tugon ko, muntik nang mautal sa klaseng tanong n'ya.
Iba na naman ang pumapasok sa isip ko. Kawawa naman si Olli na 'to, walang kamuwang-muwang ngunit bigla na lang naging wild.
Dahan-dahan s'yang umupo sa tabi ko at inakbayan. “Massage ko ulit?” tanong n'ya.
Nanlaki ang butas ng ilong ko at tinapik ang kan'yang kamay na akmang papasok sa loob ng aking dress.
“H-Hindi na kailangan, Olli. Ano ba?!” tili ko at umalis sa kan'yang tabi, lumipat ako sa kanilang sofa.
Kunot-noo s'yang nakatingin sa akin. “T-Tinutulungan nga kita, eh.” Sumandig ito sa sofa at hindi inalis ang tingin sa akin, tila ako pinakamaganda sa kan'yang paningin.
Hindi ko alam kung nagpapakainosente ba ito o ano. Minsan hirap n'yang basahin.
Umiwas ako ng tingin at binaling na lang sa nakakalat na laptop sa gilid ko.
“Anong mero'n dito?” Akmang kukunin ko ang laptop na nakabukas nang mabilis s'yang lumapit sa akin at inagaw kaagad.
Mukhang nawala ang pagkalasing n'ya at tuluyan nang nagising. Mabilis n'yang kinalikot ang laptop saka pinatay. Nagsalubong ang kilay ko ro'n.
“Ano iyon, Olli?” mariin kong tanong.
Parang aso s'yang lumapit sa 'kin at dinantay ang baba sa 'king kandungan, nakatingala s'ya sa 'kin.
“W-Wala.” Sumubsob s'ya sa 'king kandungan.
Inis na tinulak ko ang kan'yang mukha sa 'kin at nilagay ang aking paa sa inuupuan ko.
“May tinatago ka, eh! Marami ka nang sekreto, Olli, ah. Samantalang alam mo ang lahat tungkol sa akin,” nagtatampo kong bulalas.
Bigla ko na lang naisip ang sinabi ni Mama. Bakit pa kailangan ni Olli na itago ang lahat sa akin? 'Di ba girlfriend n'ya ako? Ibig sabihin no'n dapat wala kaming sekretong tinatago sa isa't-isa.
Hindi pa ba sapat ang isang buwan para sabihin sa 'kin kung anong mero'n sa kan'ya? Kung bakit palagi s'yang naka-mask? Hanggang kailan n'ya itatago sa 'kin ang lahat?
Hindi n'ya ba iniisip na baka magsawa ako sa kahihintay sa kan'yang kasagutan? Lahat ng limitasyon at sa tingin ko... Nauubusan na ako ng pag-asa na malaman ang tungkol sa kan'ya.
Ayaw n'yang sabihin kahit isang buwan na kami. Ano ba talaga ako sa kan'ya? Hindi ba s'ya nagtitiwala sa akin? Hindi ko na alam kung anong dahilan n'ya pero sa sobrang pag-o-overthink ko, iisipin ko na lang talaga na wala ako para sa kan'ya.
Napakurap ako ng dalawang beses nang maramdaman ang init ng yakap ni Olli. Hindi kaagad ako nakayakap pabalik dahil sa malalim kong iniisip.
Mukhang napansin n'ya iyon nang pinaharap n'ya ang mukha ko sa kan'ya na pilit ko namang iniiwasan. Baka kasi mahalata n'yang iniisip ko masyado ang tungkol sa kan'yang tinatago.
“May problema ba tayo, Senka?” malumanay n'yang sambit, pilit na hinahabol ang tingin ko.
Umiling ako. “May stock ka 'bang pagkain?” Iniba ko sa usapan.
Saglit s'yang tumitig ng mariin sa akin. “Tanungin mo ako kung may gusto 'kang malaman sa akin, sasagutin ko.”
“H-H'wag na.” Tatayo na sana ako ngunit pinigilan n'ya ako.
“Darling, please.” Tila nahihirapan s'ya na malaman ang binabagabag sa akin.
Yumuko ako. “Hindi mo naman kaya,” mapait kong sambit, napabuntong hininga ako. “Saka na kung... Kailan mo ako papasukin sa buhay mo.”
Iniwan ko s'yang nakaluhod ro'n at tumungo sa kusina. Alam kong hindi pa s'ya handa, sana nga humaba pa ang pasensya ko dahil sa totoo lang, nauubusan na ako ng katungan at maaaring sundan ko si Mama.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro