Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 12


SENKA JONES


“Samahan mo muna ako, Olli.” Hila-hila ko ang kan'yang manggas.

Inalis n'ya ang kamay ko sa paghila sa kan'ya at pinagsiklop ang aming mga kamay. Hindi ko na naman mapigilan mapangiti.

“Maya-maya aalis din ako,” aniya, s'ya na mismo ang humila sa 'kin bago isinara ang gate.

Saglit kong binitawan ang kan'yang kamay at binuksan ang pinto. Nilingon ko s'ya sa likuran ko.

“Pasok ka,” aya ko rito, nauna na akong nakapasok bago s'ya sumunod.

Nakabukas kaagad ang ilaw sa bahay, sinadya ko talaga para walang taong na magtatangkang pumasok. Iisipin nilang may tao rito kung nakabukas ang ilaw.

Hinawakan ko ang braso ni Olli at marahan na pinaupo sa sofa. Hindi gano'n kalakihan ang bahay namin, sinadya talaga para sa 'kin. Palagi naman kasing wala rito ang mga magulang ko kaya wala ring saysay kung palakihin pa ang bahay.

Umupo ako sa gilid n'ya. “Anong gusto mo, juice or shake?” tanong ko.

Nilibot n'ya ang kan'yang paningin sa kabuohan ng bahay, bumaling s'ya sa 'kin. “Juice na lang,” sagot n'ya, tumagal ang kan'yang titig sa 'kin.

Tipid naman akong ngumiti sa kan'ya. “Sige, rito ka muna, ah?” Tumayo ako at tinapik nang mahina ang kan'yang balikat bago tumungo ng kusina.

Ramdam ko pa ang titig n'ya mula sa 'king likuran ngunit pinagsawalang bahala ko na iyon. Nalaman ko lang naman na matagal na n'ya akong gusto. Normal lang siguro na matulala sa akin 'di ba?

Feeling ko sobrang ganda ko na, at kasalanan iyon ni Olli. Parang bino-boost n'ya ang insecurities sa 'king katawan, pakiramdam ko nagkaroon ako ng confidence sa sarili, kahit man lang sa harapan n'ya.

Dala-dala ko ang malaking tray na nakapatong ang dalawang baso at pitsel na maliit. May super crunch ding nakalagay sa bowl.

Agad akong tinulungan ni Olli sa paglapag ng tray, buti hindi natumba sa dami ng dala ko. S'ya mismo ang umalalay sa 'kin para makaupo sa kan'yang tabi.

“Salamat dito,” sinsero n'yang sambit at hinimas ang buhok kong maalon.

Napansin kong masyado s'yang sanay sa physical action, dito n'ya pinapahiwatig sa 'kin ang kan'yang gustong sabihin at ipaalam ang kan'yang nararamdaman.

Lumapit pa ako sa kan'ya, kulang na lang magpakalong ako. “Ubusin natin, ah? Hindi ka makakauwi kung 'di natin 'to maubos.” Tinaas-baba ko ang kilay sa kan'ya.

Mahina s'yang natawa at tumango. Nagsalo kaming dalawa sa kaunting pagkain, minsan tinatanong ko s'ya at saka naman s'ya masasalita. Napansin ko rin na sa tuwing nagsasalita ako, hindi n'ya nilulubayan ang mga mata sa akin.

“Eleven o'clock na,” nasambit ko. “Baka hanapin ka ng magulang mo, Olli.”

Tinulungan n'ya akong lumipit ng pinagkainan namin bago s'ya tumayo, gano'n din ako at hinarap s'ya.

“Una na ako, ah? Salamat sa dinner snacks,” mahina n'yang ani.

“Hatid kita sa labas,” presenta ko, ako na mismo ang kumapit sa kan'yang braso nang maglakad s'ya.

Wala nang katao-tao sa labas ng gate namin. Anong oras na kasi ngayon. Binitawan ko na ang braso ni Olli at tinignan s'ya na tumungo sa kan'yang motor.

Tahimik ang paligid. Walang ingay na sinuot n'ya ang kan'yang helmet at umangkas sa kan'yang motor. Akala ko aalis na ito, nagtaka naman ako na hanggang ngayon 'di pa rin n'ya pinapaandar ang motor.

“May nakalimutan ka ba, Olli?” Inisip ko naman na baka may bag itong dala, isa rin sa napansin ko sa kan'ya mahilig s'yang magdala ng maliliit ng bag.

Yumuko ito matapos n'ya akong titigan nang matagal. Rinig ko ang pagbuga ng kan'yang hininga bago umalis sa pagkakaangkas, lumapit s'ya sa 'kin.

Inalis n'ya ang helmet n'ya sa ulo, bahagyang nagulo pa ang buhok n'ya. “N-Nasa'n 'yong kiss ko?” titig na titig n'yang tanong sa 'kin, parang pusa na naligaw ang kalagayan n'ya.

Nang napagtanto ang gusto n'yang mangyari ay natawa ako nang napakalakas. Sumalubong ang kilay n'ya, unti-unting nanghina ang pagkapit sa kan'yang helmet.

Kinain ko ang aming distansya at mabilis na humalik sa kan'yang noo. Suot pa rin n'ya ang mask kaya hinalikan ko s'ya labi kahit hindi lumapat ang mga ito.

“Okay na ba?” tanong ko nang humiwalay sa halik.

Hindi s'ya nagsalita at hinapit ang aking beywang para yakapin ako nang mahigpit. Kahit nabigla ay tumugon ako sa kan'yang gusto.

“H-Hindi na ako makahinga, Olli.” Sumobra ba naman ang yakap n'ya sa 'kin.

Kiniskis n'ya ang kan'yang pisngi sa pisngi ko, unti-unting lumuwag ang pagkayakap n'ya sa 'kin.

“Hindi rin ako makahinga, Senka,” bulong n'ya.

“Eh? Hindi naman mahigpit an—”

“Makita lang kita, parang nawalan na ako ng hininga. Paano pa kayang yakap-yakap kita ngayon? Malalagutan na yata ako ng hininga.”

Hinampas ko s'ya sa pakulo n'ya. Kahit kailan talaga.

~•~•~•~

“Hinanap kita kagabi, Sen pero hindi kita nakita. Sa'n ka ba nagpunta?” nag-alalang tanong ni Delmara.

Sinadya n'yang tumungo rito sa bahay ko nang maaga. Six-thirty pa lang ng umaga, may minuto pa akong kumain.

Bumaba ako ng hagdan at sinalubong s'ya sa baba. Inayos ko ang magulo at basa kong buhok na hindi pa nasusuklay.

“Umuwi na kaagad ako kagabi, sabi kasi ni Olli nasa maayos 'kang kalagayan,” dahilan ko rito, mukhang maayos naman ngayon si Delmara.

Kumunot ang kan'yang noo. “Sino si Olli? Ay wait!” Hinila n'ya ako palapit sa kan'ya. “Speaking of my stalker, nakita ko na s'ya kagabi! Nakausap ko pa nga!”

Hindi s'ya gano'n kataranta nang sabihin iyon sa 'kin.

“Oh? Anong mukha n'ya?” tanong ko, sabay kaming umupo sa sofa.

Nasa malayo ang kan'yang tingin na tila nag-iisip. “Moreno s'ya, hindi ko masyado matandaan ang kan'yang mukha, eh.” Napakamot ito sa batok. “Alam mo namang madali lang ako malasing sa isang shot, lasing ako kagabi.”

“May ginawa ba s'yang masama sa 'yo?” histerikal kong tanong na kan'yang ikinailing, nakahinga naman ako ng maluwag.

“S'ya mismo ang naghatid sa 'kin sa bahay. Mukha pa s'yang nahihiya, nanginginig pa ang kamay nang alalayan ako. May takot siguro sa 'kin dahil sinigawan ko s'ya kagabi,” kwento pa n'ya.

Napailing ako at 'di maiwasang matawa. Nag-usap pa kami saglit ni Delmara nang may kumatok sa bahay ko.

Nataranta naman akong tumayo. Si Olli sa labas! Hindi pa ako nakakain at saka hindi ko pa na suklayan ang buhok ko.

“Pasok na tayo sa school? Magsuklay ka muna,” ani Delmara nang tumayo kami pareho. “Sino pala ang kumakatok sa labas? Baka magulang mo.”

“Mamaya na lang sa school ako magpapaliwanag.” Pumadyak-padyak ang paa ko sa sahig at kinagat ang kuko. “Nandito na 'yong boyfriend ko, Del. Ikaw na lang siguro mauna sa eskwelahan, ah?”

Taka at gulat ang nakapaskil sa kan'yang mukha. Magtatanong na sana s'ya nang tumungo ako sa pinto para pagbuksan si Olli.


Nanginginig ang labi kong ngumiti kay Olli. Kumunot ang noo n'ya.

“Good morning,” bati n'ya bago pumasok sa bahay, parang may hinahanap ito sa loob.

Hinarap ko s'ya at bahagyang napakamot sa pisngi nang makita si Delmara na nakaupo pa rin sa sofa ngayon. Naguguluhan man si Delmara at gusto na n'ya akong tanungin ay sinenyasan n'ya lamang akong magkita kami sa school. Tumango naman ako sa kan'ya bago ito umalis sa bahay.

Tinignan ko si Olli na parang nabunutan ng tinik. Tinignan n'ya ako. “P-Pasok na tayo?” Lumapit s'ya sa 'kin.

“Wait.” Hinawakan ko ang basa kong buhok at itinaas ito. “Hindi pa ako nakasuklay, kukunin k—”

“Ako na.” Pinigilan n'ya ako nang akmang aakyat pa ako sa itaas para kunin ang suklay ko. Palagi ko na lang nakakalimutan.

“O-Olli,” tawag ko, nakakahiya nang magpasuklay sa kan'ya.

Wala s'yang paki kahit namumula na ang pisngi ko sa kahihiyan. Magaan lang ang paghagod ng kan'yang kamay sa 'king buhok, tutok na tutok ang kan'yang atensiyon dito.

S'ya na mismo ang kumuha ng bag ko sa sofa. “Tara na.” Kinuha n'ya ang aking kamay at hinila ako palabas ng bahay.

“Sara ko muna.” Gamit ang libreng kamay ko, sinara at ni-lock ko ang pinto ng bahay bago kami tumuloy.

Napabuka ang bibig ko nang makitang ibang motor ang dala n'ya ngayon. Gano'n pa rin kataas tulad no'ng una, wala ba s'yang mababang motor?

Nilapag n'ya ang bag ko sa unahan ng motor. “Buhatin na kita.”

“Wait.” Napapikit ako, umiinit ang pisngi ko nang matandaan na palagi na lang ako nagpapabuhat sa kan'ya.

“Bakit?” takang tanong n'ya nang makitang nag-aalangan ako.

Napahinga ako nang maluwag. “W-Wala ka 'bang mababang motor? Ang taas ba naman kasi,” mahina kong reklamo sa kan'ya.

Hinawakan n'ya ako sa beywang at binuhat ako saka pinaupo sa dulo ng motor. Medyo nangangamba pa rin akong sumakay rito.

Inayos n'ya ang pagkakaupo ko. May kung anong bagay tuloy na kumiliti sa 'king tiyan.

“Gusto mo ba ng maliit? Bibili ako,” mabilis n'yang sabi, tila hindi problema sa kan'ya ang reklamo ko.

Agad akong umiling at napabusangot. “H'wag na, Olli. Iniisip ko lang na baka magsawa ka sa kabubuhat sa 'kin.”

Natigilan s'ya ngunit kalaunan naman ay hinalikan n'ya ang likod ng aking palad na kanina pa pala n'ya hawak-hawak.

“Kahit araw-arawin ko pa ang pagbuhat sa 'yo, hindi ako magsasawa.” Sumingkit ang mga mata n'ya dahil sa pagngiti n'ya.


Gusto ko tuloy malaman kung anong itsura n'ya kung ngumiti man s'ya na walang mask. Maghihintay naman ako sa kan'ya.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro