Chapter Twenty Two
Kinabukasan ay buong araw na nagmukmok sa kanyang kwarto si Carlo. Nagdesisyon siya na magpahinga muna. Ayaw niyang makipag-usap sa mga tao at maging sa pagkain ay wala din siyang gana. Namumugto din ang kanyang mga mata kakaiyak buong magdamag. Nagbilin siya sa kanyang mga magulang maging sa kasambahay na si Tin na huwag muna siyang aabalahin. Wala naman nagawa ang lahat kundi sundin ang kagustuhan ni Carlo.
Labis na pag-aalala ang nararamdaman ngayon ng kanyang mga magulang. Hindi nila maipaliwanag kung bakit kakaiba ang inaasal ng kanilang anak na si Carlo.
"Tin may nasabi ba sa'yo ang anak ko kagabi?" Tanong ni Susan sa kasambahay. Minarapat na niyang kausapin ito dahil alam niyang malapit ang anak niya dito. "Naku ma'am kahit man ako ay naguguluhan sa anak ninyo. Okay naman si Carlo kagabi nung huling magkausap kami pagkatapos ngayon ay nag-iba na agad ang ihip ng hangin at ayaw na niyang lumabas ng kwarto. Kahit po ako ay ayaw din niyang kausapin." Patay malisya na sagot ni Tin. Nagdahilan na lamang ang kasambahay sa totoong dahilan kung bakit talaga nagmumukmok si Carlo sa kanyang kwarto upang maprotektahan ito.
"Ganun ba? Nag-aalala na kasi kami ni Delfin kay Carlo. Hindi naman siya ganito noong nasa Cebu pa kami. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa anak ko, Tin." Ang naiiyak na sabi ni Susan. Agad naman siyang inalo ng kasambahay. "Huwag po kayong mag-alala ma'am kay Carlo. Malalampasan din po niya kung anuman ang kanyang pinagdaraanan sa ngayon. Magtiwala po kayo sa inyong anak at huwag niyo po siyang susukuan." Ang payo ni Tin sa kanyang amo.
"Salamat, Tin. Kapag nagsabi sa'yo ng problema si Carlo pakiusap payuhan mo siyang maigi. Alam kong makikinig ang anak ko sa'yo. Siguro nga dahil sa wala na kaming oras ng kanyang ama para sa kanya kaya siya nagkakaganyan ngayon." Wika ni Susan.
"Sige po ma'am. Makakaasa po kayo sa akin. Ako na po ang bahala kay Carlo." Ang pangako naman ni Tin kay Susan.
Pasado alas kwatro nang hapon ng magising muli si Carlo. Maraming tawag at mensahe siyang natanggap mula sa kanyang mga magulang, sa kanyang nobyo na si Morris, kay Bullet at kay Miguel. Isa-isa niya itong binasa.
Nanay Susan:
Anak, kumusta ka? May problema ka bang iniinda? Nandito lang si nanay na handang makinig sa'yo.
Anak tanghali na. Tara kain tayo.
May gusto ka bang kainin anak? Ipagluluto kita. Nandito lang ako sa baba.
Anak gusto mo bang hatiran kita ng pagkain dyan sa kwarto mo?
Anak please, kausapin mo naman si nanay. Nag-aalala na ko sa'yo. Mahal na mahal ka namin ng tatay mo lagi mo yan pakakatandaan.
Sunod niyang binasa ang mga mensahe ng kanyang ama.
Tatay Delfin:
Anak hindi ka na naman daw kumain ng agahan sabi ng nanay mo. Ano bang nangyayari sa'yo?
Anak kumusta na pakiramdam mo? Hindi mo daw sinasagot ang mga text messages ng nanay mo, maging sa akin din. Please talk to us, anak.
Anak, kumakain na kami ng tanghalian ni Morris. Sabi ng nanay mo hindi ka pa rin lumalabas ng kwarto. Kumain ka na anak, pakiusap.
Anak tinapos ko agad ng maaga ang trabaho ngayon. Pauwi na kami ni Morris ng bahay. Sana naman ay nakakain ka na ngayon. Huwag mong papabayaan ang iyong sarili.
Lagi mong pakakatandaan na mahal na mahal ka namin ng nanay mo. Lahat ay gagawin namin para maging maayos ang buhay mo.
Nangilid ng mga luha ang mga mata ni Carlo habang binabasa ang mga mensahe ng kanyang mga magulang. Alam niyang nahihirapan din ito sa kaniyang sitwasyon ngunit wala pa siyang lakas ng loob para aminin dito ang totoong nangyayari sa kanya.
Sunod niyang binasa ang mensahe ni Miguel.
Miguel:
What happened to you, bunso? Sabi ni Ate Tin ayaw mo daw lumabas ng kwarto. Pumunta ako kanina dyan sa inyo para iabot sana yung pasalubong ko sa'yo kaso hindi naman kita nakita. Anyway, iniabot ko na lang kay Ate Tin yung mga pasalubong ko sa'yo, sana magustuhan mo ito. Pag-usapan na lang natin yan pagbalik ko okay? Gustuhin ko man sana na damayan ka ngayon kaso aalis na din kasi kami nina papa at mama papuntang Japan para magbakasyon. Pasensya ka na bunso, pangako babawi ako sa'yo pagbalik ko. Mag-iingat ka palagi at huwag pababayaan ang sarili.
Sumunod niyang binasa ang mensahe ni Bullet para sa kanya.
Bullet:
I have a little bit of strange feeling right now. Are you okay? Your room feels so lonely and cold and that's odd for me. Text me if you want to go to archer later tonight. Let's talk about it and rest assured that it is purely conversation. Nothing more, nothing less.
Panghuli niyang binasa ay mula sa kanyang nobyo na si Morris.
Hubby:
I'm sorry, wifey. Gusto ko sanang magpaliwanag sa'yo tungkol sa nakita mo kagabi sa pagitan namin ni Zoey. Ang totoo kasi nyan ay wala naman talagang nangyari sa amin. Sa sobrang pagmamadali ko para maabangan kita sa labas ay hindi ko sinasadyang mabangga si Zoey.
Hindi ko naman alam na hawak niya pala yung niluto ni Ma'am Susan na mechado. Tumapon ito sa damit ko kaya nagmantsa. Bumalik ako ng kwarto para magpalit pero sumunod pala si Zoey sa akin at nagmagandang loob na labhan yung damit ko. Sabi niya ituloy ko na lang daw sa pagligo yung gagawin ko dahil masangsang na daw ang amoy ko. Hindi ko naman alam kung bakit nakasuot lang siya ng bra at panty nung paglabas ko ng banyo. Tapos nabigla na lamang ako kasi nandoon ka na sa harap ng pinto at nakatingin sa amin.
Pangako wifey, hindi ko alam na gagawin ni Zoey yun. Nilocked ko naman yung pinto ng banyo kaya hindi siya makakapasok. Maniwala ka sa akin, hindi ko gagawin yung bagay na yun sa'yo.
Mahal na mahal kita alam mo yan, wifey.
Hindi na nagreply pa si Carlo sa lahat ng text messages na kanyang tinanggap. Hinayaan na lamang niya ito. Inilapag niya ang kanyang cellphone sa may drawer at muli siyang bumalik sa pagtulog.
Pasado alas sais ng gabi ng si Carlo ay muling magising. Bumangon na siya sa kanyang kama saka ito nagtungo sa banyo upang mag-ayos ng sarili. Pagtingin niya sa salamin ay nakita niya ang kalunos lunos niyang hitsura. "Nakakaawa kang nilalang, Carlo." Wika niya sa kanyang sarili. Pagkatapos niyang mag-ayos ay lumabas na siya ng kwarto. Laking gulat niya ng makita niya si Morris na nag-aabang pala sa kanya sa labas ng pinto.
"Wifey magpapaliwanag ako." Wika ni Morris sa kanya. Tiningnan lamang siya ni Carlo pagkatapos ay humakbang na ito pababa ng hagdanan. Nakasunod naman sa kanyang likuran itong si Morris. Pagdating ng dining room ay nakita niya sa lamesa na nakaupo ang kanyang mga magulang at ang taong pinakaiiwasan niyang makasama. Biglang nagpuyos sa galit si Carlo.
"Sinong nagsabi sa'yo na dyan ka maupo sa pwesto ko? Anak ka ba?" Wika ni Carlo kay Zoey. Nagulat naman sina Delfin at Susan sa kanilang narinig. Maging sina Tin at Morris ay nabigla din sa kanyang sinabi.
"Sorry, Carlo. Hindi ko sinasadya. Lilipat na lang ako ng upuan." Paghingi ng paumanhin ni Zoey. Hindi pinansin ni Carlo ang babae bagkus ang binalingan nito ay si Morris.
"Morris dalhin mo si Zoey doon sa kwarto mo tutal doon ninyo gustong magkainan. Huwag ninyong babuyin ang lamesang ito." Naiiritang sabi ni Carlo.
"Kalma ka lang, Carlo. Please nandito ang mga magulang mo at nasa harap tayo ng mga pagkain." Ang malumanay na sabi ni Morris.
"Eh ano naman kung nasa harap tayo ng mga pagkain? May magbabago ba sa nangyayari ngayon?" Ang pagalit na tanong ni Carlo sa kanya.
Sa puntong yun ay napatayo na si Susan at lumapit sa kanyang anak upang ito ay sawayin. "Huminahon ka, Carlo. Hindi na namin alam ng tatay mo kung ano ba talaga ang nangyayari sa'yo? Bakit ka ba nagkakaganyan talaga anak?" Nag-aalalang tanong ni Susan.
"Wala talagang makakaintindi sa akin dito sa loob ng bahay na ito. Ni isa wala!" Ang pasigaw na sabi ni Carlo sa kanyang ina. Dito na tumayo sa kinauupuan ang kanyang ama na si Delfin at saka ito lumapit kay Carlo. Nagulat ang lahat ng bigyan nito ang anak ng isang nakabibinging sampal.
"That's enough, Carlo. Masyado ka na namin nabibigyan ng kalayaan ng nanay mo kaya nagiging bastos ka na sa amin." Galit na sabi ni Delfin.
"Delfin! Bakit mo naman sinampal ang anak natin?" Sigaw ni Susan sa kanyang asawa. Nabigla siya sa ginawa nito kay Carlo. Ni minsan kasi ay hindi ito napagbuhatan ng kamay ni Delfin.
Tiningnan naman ni Carlo sa mga mata ang kanyang ama habang hawak ng kanyang kamay ang pisngi kung saan dumapo ang palad nito. "I did everything I could just to be a good son to you and to nanay. Wala akong ibang ginawa kundi sumunod po sa inyo. Matanong ko nga po kayo 'tay, ilang beses ko po ba kayong binastos para maging karapat dapat ang sampal na ibinigay ninyo sa akin ngayon?" Tanong niya sa kanyang ama.
Tila nahimasmasan naman si Delfin sa kanyang nagawang pagsampal sa anak. Agad itong humingi ng paumanhin sa kanya. "C-Carlo anak. I'm sorry. Hindi ko sinasadya na---"
"It's okay, 'tay. Tulad ng inyo pong sinabi, naging bastos po ako sa inyo ni nanay. Kaya dapat lamang po siguro ang sampal na ibinigay ninyo sa akin. I'm sorry kung naging bastos po ako sa inyo. Isang malaking pagkakamali po ang aking inasal ngayon sa inyong lahat. Sige po aakyat na po ako." Wika ni Carlo sa kanila pagkatapos ay nagmamadali na itong bumalik paakyat sa kanyang kwarto.
Naiwan naman nakatulala sa dining room ang lahat. Bumuhos ang mga luha sa mata ni Susan. Kaagad naman inalo ito ng kasambahay na si Tin. "Maupo muna kayo ma'am at bibigyan ko kayo ng tubig na maiinom." Wika ni Tin. "Salamat, Tin." Sagot naman ni Susan sa garalgal nitong boses.
Tila nanghina naman ang mga tuhod ni Delfin at bigla itong napaupo. Mabuti na lamang at nakaalalay si Morris sa kanya sa likuran. "Okay lang po ba kayo, Engineer?" Ang nag-aalalang tanong ni Morris. "O-Okay lang ako salamat. Pero ang anak kong si Carlo..."
Hindi makapaniwala si Delfin sa kanyang nagawa. Binalingan niya ang kanyang asawa na ngayon ay unti-unti ng nagiging kalmado. "Ano ba itong ginawa ko sa anak natin mahal?" Wika niya kay Susan. "Nauunawaan kita mahal. Alam kong bunga lamang ito ng matinding emosyon kaya mo yun nagawa sa anak mo. Ang mabuti pa siguro ay palipasin muna natin itong gabi na ito pagkatapos ay kausapin natin dalawa si Carlo kapag mahinahon na tayong lahat." Ang sabi naman ni Susan sa asawang si Delfin.
Samantala ay muling napahagulgol ng iyak si Carlo pagpasok niya sa kanyang kwarto. Akala niya ay todo na ang sakit na kanyang nararamdaman ngayon ngunit nagkakamali siya. Mas may isasagad pa pala ang sakit na ginawa nina Morris at Zoey. Hindi akalain ni Carlo na magagawa siyang sampalin ng sarili niyang ama sa harap pa ng maraming tao. Ito ang kauna-unahang beses na nasaktan siya ng kanyang ama magmula ng siya ay isinilang kaya iba ang hugot nito para kay Carlo.
Ilang sandali pa ay tumunog ang kanyang cellphone, kinuha niya ito sa may drawer. Agad na lamang niya ito sinagot ng hindi man lang niya tinitingnan kung sino ang tumatawag.
"Hello." Bungad na bati ni Carlo.
"Hey, it's me. Where are you?" Wika ni Bullet sa kabilang linya.
"Nandito ako sa kwarto. Bakit ka ba napatawag?" Napataas naman ng tono ng pagtatanong si Carlo kaya nabigla ang kanyang kausap. "Woah! Chill. There's no harm in my question. I'm just asking where are you now?" Sabi ni Bullet.
"Sorry kung napagtaasan kita ng boses. Hindi ko sinasadya. Wala lang ako sa mood makipag-usap." Ang paliwanag naman ni Carlo sa kanya. Tila nahuhulaan naman ni Bullet kung bakit nagkakaganito ngayon si Carlo. "I guess you'll need to see Archer tonight. I guarantee you there will be no conversation unless you need it. We're just chillin tonight. Deal?" Pangako niya dito.
Matagal na pinag-isipan ni Carlo ang alok sa kanya ni Bullet. Sa huli ay pumayag na din siya sa imbitasyon nito. "Okay, be ready. I'll pick you up at your house in thirty minutes." Sabi ni Bullet pagkatapos ay ibinaba na niya ang tawag. Bumangon muli si Carlo upang pumunta ng banyo para maligo.
Makalipas ang trenta minutos ay nagtext na si Bullet na nasa harap na siya ng bahay. Lumabas na si Carlo para bumaba. Naabutan naman niya sa may sala ang kanyang ina na si Susan.
"Aalis po muna ako 'nay." Paalam ni Carlo sa kanyang ina. Tumayo si Susan upang lapitan ang anak. "Saan ka pupunta anak? Gabi na at saka hindi ka pa kumakain magmula kaninang umaga." Nag-aalalang tanong niya. "Pupunta po kami sa yate ni Sir Bullet. Doon na lang po ako marahil kakain pagdating namin." Sagot naman ni Carlo. Hindi sana papayag si Susan sa pag-alis ni Carlo ngunit nagsalita mula sa likuran ang asawang si Delfin.
"Hayaan mo muna ang anak natin mahal. Kasama naman niya si Bullet." Ang mahinahon wika ng kanyang ama. Wala ng nagawa pa si Susan. "Sige anak. Kung dyan mapapanatag ang loob mo ay papayag na ko na umalis ka. Mag-iingat kayong dalawa sa biyahe." Ang tanging nasabi na lamang ng kanyang ina.
"Salamat po. Sige po mauna na po kami." Wika ni Carlo sa kanyang mga magulang.
Nakasunod ang mag-asawang Delfin at Susan sa likuran ng anak habang naglalakad ito papunta sa may gate. Namataan na ni Carlo ang paglabas ni Bullet mula sa kanyang sasakyan. Ngunit bago pa man siya makalabas ay pinigilan siya ni Morris na humahangos naman papalabas mula sa loob ng bahay.
"Anong kailangan mo?" Malamig na tanong ni Carlo. "Saan ka pupunta at bakit magkasama na naman kayo ng lalaking yan?" Naiinis na tanong ni Morris. Nagtaka naman ang mag-asawang Delfin at Susan sa paraan ng pagtatanong nito sa kanilang anak. Napansin naman ito ni Carlo. "Doon tayo sa labas mag-usap." Wika niya. Sumunod naman si Morris. Paglabas nilang dalawa ay sinabihan ni Carlo si Bullet na kung maaaring maghintay muna sandali. Pumayag naman ito pagkatapos ay binalingan ang kanyang mga magulang upang kausapin sila.
"Saan na naman kayo pupunta, wifey?" Tanong ni Morris ng makalayo na silang dalawa. "Sa malayong lugar. Sa lugar na kung saan hindi ko makikita ang anino ninyo ni Zoey, kahit ngayon gabi lang." Sagot naman ni Carlo.
Huminga naman ng malalim si Morris. "Alam kong galit ka ngayon sa akin pero pakiusap naman wifey, huwag kang sumama sa lalaking yan. Hindi ba't nangako ka sa akin na iiwasan mo na siya? Bakit ngayon parang balewala na ito sa'yo? Wala akong tiwala sa Bullet na yan. Mamaya may iba pa lang plano yan sa'yo." Wika niya.
Isang pagak na tawa ang naging reaksyon ni Carlo sa sinabi ni Morris.
"Una sa lahat, nais kong malaman mo na kaya ako sasama sa kanya upang makasagap ng ibang hangin. Hindi ako pupunta sa yate niya para lang lumandi tulad ng ginawa ninyo ng babae na yan. Pangalawa, hindi ko nakakalimutan ang pangako ko sa'yo. Sadyang nauna ka lang na sumira ng pangako mo sa akin. Huwag mo din iisipin na kaya sasama ako sa kanya ay dahil sa gumaganti lang ako sa'yo, wala sa hinagap ng isip ko yang bagay na yan. At panghuli, huwag kang mag-isip ng masama sa alok niya sa akin dahil makakaasa ka na wala kaming gagawin milagro tulad ng nakita ko. Sa totoo lang, sa inyong dalawa ni Bullet, mas wala akong tiwala sa'yo." Wika ni Carlo tsaka ito tumalikod at humakbang papalayo sa kanya.
Nangilid ng mga luha ang mata ni Morris habang pinagmamasdan niya si Carlo habang ito'y papalayo sa kanyang harapan. Tila nawalan siya ng lakas at napanghinaan ito ng loob para pigilan ang kanyang kasintahan.
"Panghahawakan ko pa rin ang sinabi mo ngayon sa akin, wifey. Kung ang panandalian mong pag-alis ang magiging paraan para maibsan ang sakit na nadarama mo ngayon ay hahayaan kita. Masakit man para sa akin ay kailangan muna kitang ipaubaya sa lalaking yan. Naniniwala pa rin ako na mas mahalaga sa'yo ang ating pagmamahalan sa kahit ano pa man. Maghihintay ako sa iyong pagbabalik, wifey." Puno ng pag-asa na sabi ni Morris habang tinitingnan niya ang papaalis na sasakyan lulan ang kanyang pinakamamahal.
SUSUNDAN...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro