Chapter Twenty
Pagpasok nina Bullet at Carlo sa isa sa mga kwarto ay sumalubong sa kanila ang limang mahahabang lamesa na punong puno ng mga masasarap na pagkain at may kasama pang mainit init na kanin. Nakalatag ang mga ito sa dahon ng saging.
"Dear kain na kayo! Promising ang mga pagkain dito." Wika ni Ferdie na nagsisimula ng kumain kasama ang iba pa. Nandoon din ang mga bata na kanina ay maingay at magulo na nagkukumpulan, ngayon naman ay tahimik at tila di makabasag pinggan silang kumakain.
"Utoy dito na kayo kumain dalawa ng kasama mo." Wika ni Inay Magda sabay turo sa espasyo sa tabi niya. Pinaunlakan naman nila ang matandang babae. Pagkatapos maghugas ng kamay ay pumwesto na sina Carlo at Bullet upang kumain.
"Ganito ba kayo kumain? Lahat nakatayo?" Tanong ni Carlo. "Not usually. Ang tawag sa ganito ay boodle fight. Nakahain ang lahat ng mga pagkain at kanin sa dahon ng saging tapos sabay sabay kayong kakain ng nakatayo. Ginagawa lang nila ito kapag may mga bisita na pumupunta dito sa bahay ampunan o minsan kapag dumadalaw ako dito." Paliwanag ni Bullet.
Nagsimula ng kumain si Carlo. Tunay nga na masasarap at nakakatakam ang lahat ng pagkain na nakahain sa kanyang harapan. Mayroon silang inihanda na inihaw na isda, inihaw na baboy, hotdog, adobong manok at baboy, menudo, kamatis at itlog na maalat. Sinamahan pa nila ito ng mainit na kanin at malamig na malamig na softdrinks.
"Carlo pagkatapos mong kumain dyan ay tikman mo naman ang ginawa kong panghimagas na buko pandan." Sabi ni Inay Magda. "Sige po titikman ko po yan mamaya. Salamat po." Sagot naman ni Carlo.
"Do you like the food?" Tanong ni Bullet sa kanya habang kumakain. "Opo sir, sobrang sarap ng inihanda nilang pagkain lalo na yung adobo at menudo. Gusto ko kasi ng may konting alat at tamis sa kinakain ko." Paliwanag ni Carlo. "That's good to know. Kumain ka ng marami at magpakabusog." Ang nakangiting sabi ni Bullet.
"Alam mo ba Carlo na ito ang unang pagkakataon na nakita ko si utoy na nakangiti ng ganyan." Wika ni Jane na katapat lang nila.
"Paanong hindi ngingiti ay katabi niya ang nagpapasaya sa kanya." Segunda naman ni Inay Magda. Parehong nasamid naman sina Carlo at Bullet sa sinabi ng matanda. Agad silang inabutan ni Jane ng bote ng softdrinks.
"Mukhang malapit kayo sa isa't isa ni utoy ano?" Ang makahulugang tanong ni Jane kay Carlo. Hindi naman siya nakasagot sa tanong nito.
"Naku sinabi mo pa, Jane. Nadala na nga ni utoy yan si Carlo kay Archer." Wika ni Inay Magda. Nagtaka naman si Carlo. "Sino po si Archer?" Tanong niya.
"Hindi mo kilala si Archer? Yun ang pangalan ng yate niya. Hindi ba nagkekwento sa'yo yan si utoy? Alam mo ba na wala pa yan dinadala doon ni isa sa amin o maging sa pamilya niya? Tanging ikaw pa lang at yung babae niya. Sino nga ba ulit yun, utoy?" Tanong ni Inay Magda.
Bigla na lang nagbago ang reaksyon sa mukha ni Bullet ng mabanggit ng matanda ang babae na umiwan sa kanya.
"Let's not talk about her. She's all in the past."
Nakahinga nang maluwag si Carlo ng tumigil na sila sa pagtatanong. Kung hindi pa nagsalita si Bullet ay malamang nagpatuloy pa rin sa pag-uusisa sina Jane at Inay Magda sa kanilang dalawa.
Habang kumakain ay hindi naman maiwasan ni Carlo na sulyapan si Bullet. May parte sa kanyang puso na masaya dahil nakita niyang muli ito, pero meron din naman na parte na malungkot dahil alam niyang hindi sila pwedeng mag-usap at kailangan niya itong iwasan, para sa pangako niya sa nobyong si Morris.
Lubos ang kabusugan na naramdaman ni Carlo pagkatapos niyang kumain. Hindi kasi niya natanggihan ang ibinibigay sa kanya ni Bullet at Inay Magda kaya ganun na lamang ang paglobo ng kanyang tiyan, daig pa nito ang buntis sa laki. Matapos nilang magligpit at maglinis ng mga pinagkainan ay nagpaalam muna siya na maglilibot libot upang matunawan. Sinabihan niya si Ferdie na magpahinga muna sila saglit bago sila umalis pabalik ng Maynila.
Habang siya'y naglalakad sa may pasilyo ay namataan ni Carlo ang isang bata na nakaupo sa may swing. Tahimik ito at tila malungkot base sa reaksyon ng kanyang mukha. Nilapitan niya ito upang kausapin.
"Hello. Kumusta ka?" Bungad na bati ni Carlo. Tiningnan lamang siya ng bata pagkatapos ay yumuko ito. Pakiwari ni Carlo ay kailangan ng karamay ngayon ng bata. Sinubukan niya muli itong kausapin. "Hello. Ako nga pala si Kuya Carlo. Anong pangalan mo?" Tanong niya. Pero hindi pa rin ito nagsalita. Mabuti na lamang at naalala niya na may baon siya sa bag na mga candies at bubble gum. Kinuha niya ito pagkatapos ay iniabot sa bata. "Gusto mo?" Alok ni Carlo.
Inangat ng bata ang kanyang ulo at matagal na tinitigan ang hawak ni Carlo. Tila nag-aalangan ito kung tatanggapin ba niya o hindi ang inaalok nito. "Huwag kang mag-alala. Walang lason yan, tingnan mo kong mabuti." Wika ni Carlo. Nagbukas siya ng isang lollipop pagkatapos ay isinubo niya ito agad sa kanyang bibig upang patunayan sa bata na wala itong lason.
Kalaunan ay nakuha naman ni Carlo ang loob ng bata. Kumuha ito ng lollipop pero nahirapan siyang buksan ito. "Akin na buksan ko para sa'yo." Alok ni Carlo. Iniabot naman ng bata ang lollipop sa kanya. Binuksan niya ito tsaka muling ibinalik sa bata.
"Salamat po." Mahinang usal ng bata. Napangiti naman si Carlo sa pasasalamat ng bata sa kanya. "Wala pong anuman." Sagot naman niya. Habang sinisipsip ng bata ang lollipop ay naalala ni Carlo si Morris. Kinuha niya sa bag ang cellphone at tiningnan kung may mensahe ito. Hindi naman siya nagkamali.
Hubby:
Pampanga? Ang layo pala ng pinuntahan ninyo wifey. Kumain na ba kayo? Text mo ko kapag tapos na kayo dyan.
P.S.
Nagbehave po ako, wifey. I love you, forever.
Napangiti naman si Carlo habang binabasa ang mensahe ni Morris. Agad itong nagreply sa kanya.
Wifey:
Kakatapos lang namin mananghalian hubby. Kayo ni tatay? Kumain na ba kayo? Nagpapahinga lang kami saglit dito pagkatapos ay babalik na kami ng Maynila.
P.S.
Naniniwala na ko sa forever, magmula ng makilala kita. I love you too.
Send.
"Bakit po kayo nakangiti?" Tanong ng bata kay Carlo. Nakatingin pala ito sa kanya habang siya ay nagbabasa ng mensahe sa kanyang cellphone. "Bakit ako nakangiti? Kasi po ako ay masaya." Sagot ni Carlo.
"Bakit po kayo masaya?" Tanong muli ng bata. "Bakit ako masaya? Kasi po nabasa ko ang mensahe ng taong pinakamamahal ko." Sagot muli ni Carlo.
"Sana may magmahal din sa akin tulad ng nararanasan niyo po." Ang malungkot na sabi ng bata. Nagtaka naman si Carlo. "Bakit? Wala bang nagmamahal sa'yo? Si Miss Jane, Si Inay Magda, isama mo pa si Kuya Utoy mo tapos idagdag mo pa ko. Ang dami kayang nagmamahal sa'yo." Wika niya. Tiningnan siyang maigi ng bata.
"Kung marami pong nagmamahal sa akin bakit hindi po ako masaya?" Ang tanong ng bata.
Hindi naman agad nakasagot dito si Carlo. Kahit siya ay hindi niya alam ang kasagutan sa tanong nito. Habang pinagmamasdan ni Carlo ang batang ito ay tila nakikita niya ang kanyang sarili dito. Minsan kasi sa buhay niya ay naranasan din niya ang ganitong uri ng pakiramdam. Lumapit ito sa bata at niyakap niya ito ng mahigpit.
"Hindi ko man masagot ang iyong tanong sana ay mapawi ng yakap kong ito ang nararamdaman mong lungkot kahit kaunti." Wika ni Carlo. Yumakap din ang bata sa kanya ng mahigpit. Naiintindihan na ngayon ni Carlo ang sitwasyon ng bata at kung bakit ito nagiging malungkot. Naghahanap ito ng taong magpupuno sa kanya ng pagmamahal at pag-aaruga dahil kulang siya sa aspetong ito.
"Lahat din kaya ng mga batang nandirito ay katulad ng nararamdaman ng batang ito?" Tanong ni Carlo sa kanyang sarili.
Matagal na niyakap ni Carlo ang bata. Gusto niyang iparamdam dito na hindi siya nag-iisa. Sa pamamagitan ng kanyang yakap ay nais niyang ipabatid dito na mayroon nagmamahal at dadamay sa kanya.
Pagkatapos ng kanilang madamdaming tagpo ay nanumbalik ang sigla ng bata. Inalalayan ni Carlo ito sa pagsi-swing, naglaro sila ng habul-habulan, tumbang preso, taguan at marami pang iba. Ngumingiti na rin ito kumpara kanina noong una niya itong makita.
Hindi nila namalayan na nakalapit na si Bullet sa kanila habang pinagmamasdan silang dalawa na naglalaro. "Mukhang nagkakasiyahan kayo dito. Pwede pa ba kong sumali?" Wika niya.
"Syempre naman po, kuya utoy!" Ang malugod na sagot ng bata. Nagtatakbo ang bata papunta kay Bullet. Sinalubong naman niya ito ng mainit na yakap, pagkatapos ay kinarga niya ito tsaka ipinasan sa kanyang mga balikat.
"Oh ingat ha? Baka ma-out of balance kayo." Nag-aalalang sabi ni Carlo. "Don't worry. I can handle this kid." Nakangiting sabi ni Bullet.
Kita sa mga mata ng bata ang saya na kanyang nararamdaman habang pasan pasan siya ni Bullet sa kanyang balikat. Tuwang tuwa ang bata kapag tumatakbo sila ni Bullet habang nakataas ang kanyang kamay. Pakiwari niya ay siya si superman na lumilipad. Nakangiti naman si Carlo habang pinagmamasdan ang dalawa. Ngayon na lamang din niya ulit kasi nakita si Bullet na ganito kasaya.
"Marahil ay ibig na din ni Sir Bullet ang magkaroon ng sarili niyang anak." Ang wika ni Carlo sa kanyang sarili.
"Para silang mag-ama kung magturingan hindi ba?" Ang masayang sabi ni Inay Magda. Hindi naman napansin ni Carlo ang pagdating ng matandang babae sa kanyang likuran dulot na rin siguro ng pagiging tutok nito sa dalawa habang masayang naglalaro.
"Oo nga po inay. Mabuti na lamang at bumalik na sa pagiging masiyahin ang bata. Malungkot po kasi ito nung naabutan ko siya dito kanina." Ang kwento ni Carlo sa matandang babae.
Napabuntung hininga naman si Inay Magda.
"Bakit po, Inay? May problema po ba? Maupo muna po kayo dito." Nag-aalalang tanong ni Carlo. Kaagad niyang inalalayan si Inay Magda na makaupo sa pinakamalapit na upuan.
Pagkaupo ng matanda ay nagsimula na itong magkwento kay Carlo.
"Ang lahat ng bata dito sa bahay ampunan ay mayroon kanya-kanyang kwento kung paano sila napunta dito at kung ano ang naging buhay nila bago sila napadpad dito. Lahat ng ito ay pawang malulungkot at masalimuot. Hindi naiiba ang sitwasyon ni Ismael. Ang batang pasan pasan ni utoy." Wika ni Inay Magda sabay turo nito sa bata.
"Si Ismael ay nanggaling sa pamilya ng gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Mula pagkasilang sa kanya hanggang sa siya ay tumuntong ng apat na taon ay nakikita niya ang halos araw-araw na paggamit ng kanyang mga magulang ng droga kasama ang iba pa nilang mga kaibigan sa loob mismo ng kanilang pamamahay. Madalas din siyang nakararanas ng pang-aabuso mula sa kanila. Pambubugbog mula sa kanyang ama habang pinapaso naman siya ng sigarilyo ng kanyang ina kapag nakakagawa siya ng pagkakamali. Ang pinakamatindi sa lahat ay yung itinali siya ng kanyang ama pagkatapos ay ipinatiwarik sa may puno dahil lang sa ayaw nitong kumain. Mabuti na lamang at nakita siya ni utoy kung hindi ay malamang patay na ang batang yan ngayon." Paglalahad ng kwento ni Inay Magda.
Napatakip naman ng bibig si Carlo dahil sa pagkagulat. Hindi niya lubos na akalain na mayroon mga magulang na kayang gawin ang ganun katindi at sukdulan pang-aabuso sa kanilang mga anak.
"Hindi ko po alam Inay Magda kung ano ang magiging reaksyon ko ng malaman ko ang tunay na kwento ni Ismael mula sa inyo. Masyado pa siyang bata para makaranas ng ganun uri ng buhay. Lahat ng bata, hindi lamang si Ismael na nandito sa bahay ampunan ay karapat dapat mabuhay ng maayos, payapa, puno ng pagmamahal at pag-aaruga." Wika ni Carlo.
Napangiti naman si Inay Magda. "Alam mo ba, pareho kayo ng sinabi sa akin ni utoy. Ganyan na ganyan din ang linya na kanyang binitawan sa akin. Nakakatuwa talaga kayong dalawa." Wika ng matanda. Hindi naman nakatiis si Carlo kung kaya't sinabi niya dito ang totoong nangyari sa kanila ni Bullet.
"May ipagtatapat po sana ako sa inyo, Inay Magda. Ang totoo po kasi nyan ay mahigit isang linggo na po kaming hindi nag-uusap ni Sir Bullet. Ito po ang unang beses na nagkita kaming muli. Inay, bakla po ako at mayroon na po akong kasintahan. Bilang respeto sa nobyo ko ay nangako po ako na iiwasan ko si Sir Bullet upang hindi na siya magselos at pagmulan pa ito ng muling pagtatalo namin dalawa." Ang pagtatapat ni Carlo.
Nakatunghay naman ang matanda sa dalawang naglalaro. Ilang saglit pa ay binalingan niya si Carlo ng tingin. "Alam ko ang lahat ng sinabi mo." Nabigla naman si Carlo sa sinabi ng matanda. "Ho? Paano niyo po nalaman?" Nagtatakang tanong niya. "Dahil naikekwento ka ni utoy sa akin." Sabi naman ni Inay Magda. Nag-usisang muli si Carlo. "Ano po ang mga naikwento sa inyo ni Bullet?
"Marami siyang naikwento sa akin tungkol sa'yo, hijo. Hindi naman naglilihim sa akin yan si utoy sa kanyang personal na buhay. Alam kong sinampal mo siya dahil nakita mo siya na may kasamang babae habang gumagawa sila ng milagro sa kwarto nito. Yung pagbibigay mo sa kanya ng cookies bilang peace offering sa ginawa mo. Yung pagpunta ninyo sa may bulalohan sa España. Yung pagtambay ninyo sa Roxas Boulevard. Nung inaya ka niya na magpunta sa Intramuros at Fort Santiago. Yung paglilibot ninyo kay Archer at yung ginawa niyang paghalik at pagpisil sa pwet mo ay naikwento niya sa akin. Lahat yun ay alam ko." Ang detalyadong kwento ni Inay Magda sa kanya.
Hindi naman malaman ni Carlo kung paano niya itatago ang kanyang mukha dahil sa matinding kahihiyan. "Naku! Lahat po pala yan ay nasabi na sa inyo ni Sir Bullet. Wala na po akong mukha pang ihaharap sa inyo." Ang nahihiyang sabi ni Carlo.
Natawa naman si Inay Magda sa kanyang reaksyon. "Huwag kang mag-alala hijo at kaming dalawa lang ni utoy ang nakakaalam nito. Sa akin lang naman yan nagsasabi at wala ng iba pa." Wika ng matanda.
Nagtaka naman dito si Carlo. "Inay matanong ko po pala kayo? Paano po kayo nagkakilala ni Sir Bullet at bakit sa inyo lang siya nagsasabi ng kanyang pribadong buhay?" Pag-uusisa niya.
"Noong kinse anyos yan si utoy ay naglayas yan sa kanilang bahay. Nag-away kasi sila ng kanyang ama kaya ayun umalis siya ng hindi nagpapaalam. Sumakay ba naman yan ng bus na hindi man lamang niya inaalam kung saan patutungo ang ruta nito, ganyan kalakas ang loob ng batang yan. Hanggang sa napadpad siya dito sa San Fernando. Nakita ko na lamang siya na palaboy laboy sa may gilid ng simbahan kaya naisip kong dalhin siya dito sa bahay ampunan para pansamantalang kupkupin. Kung hindi ako nagkakamali, mahigit kumulang na dalawang buwan yan dito tumira sa amin bago niya sinabi sa akin na naglayas siya." Kwento ni Inay Magda.
"Ano pong ginawa ninyo nung inamin niya sa inyo na naglayas siya?" Tanong ni Carlo.
"Naku! Nung nalaman ko na naglayas siya eh di binigyan ko nga ng cobra de gulat. Ang sarap sarap pala ng buhay niya sa Maynila dahil mayaman ang kanyang pamilya tapos pupunta siya ng Pampanga para lang magpalaboy laboy. Maswerte nga siya at napunta siya sa marangyang pamilya di tulad ng mga batang kasama niya na kung hindi iniwan, pinabayaan ay binubugbog naman. Kaya ayun bugbog din ang inabot sa akin ng batang yan dati." Ang natatawang kwento ni Inay Magda.
Hindi naman makapaniwala si Carlo sa naging kwento sa kanya ni Inay Magda. Kaya pala hindi siya natiis ni Bullet noong gabi na naglayas siya ng bahay ay dahil minsan sa buhay niya ay nagawa na din niya ang bagay na yun.
"Pero alam mo hijo, magmula noon ay nakita ko ang unti-unting pagbabago ng batang yan. Bumalik man siya sa kanyang tunay na pamilya ay hindi yan nakakalimot na bumisita at magbigay ng tulong sa amin. Kahit nung nag-aaral pa yan ay iniipon niya ang kanyang allowance at nagtatabi ito para lamang makapagpadala dito sa amin. Hanggang sa nagtrabaho na nga siya. Doon nagbago ang bahay ampunan. Inayos niya ito at pinaganda. Kung ano ang nakikita mo ngayon ay bunga ng pagsusumikap ni utoy. Itong lahat ay pangarap niya para sa amin ng mga kapatid niya." Wika ni Inay Magda na nangingilid na ng luha ang kanyang mga mata.
"Masaya po ako Inay Magda para sa inyo at sa mga bata. Hindi nakalimutan ni Sir Bullet na tumanaw ng utang na loob sa taong nagpatuloy at kumupkop sa kanya noong naglayas siya. Naniniwala po ako na mayroon mabuting puso yan si utoy. Hindi nga lang niya pinapahalata sa lahat pero alam ko po ito dahil minsan na din po niya akong natulungan nung mga panahon na kailangan ko ng makakaramay." Sabi naman ni Carlo na ngayon ay nangingilid na din ng mga luha ang kanyang mata.
"What happened to the both of you? Why are you crying?" Nag-aalalang tanong ni Bullet. Napansin na pala nito ang pag-iiyakan ng dalawa kaya lumapit ito sa kanilang pwesto.
"Bakit po sila umiiyak, Kuya Utoy? Malungkot din po ba sila?" Tanong ni Ismael.
Kapwa naman na nagtawanan sina Inay Magda at Carlo.
"Tears of joy ang tawag dito, Ismael. Huwag kang mag-alala. Masaya kaming lahat para sa'yo. Mahal na mahal ka namin." Ang masayang sabi ni Carlo.
SUSUNDAN...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro