Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter Forty Six

Alas kwatro pa lamang ng umaga ay gising na si Carlo. Mulat ang mga mata niya ngunit hindi pa siya bumabangon mula sa kanyang pagkakahiga. Ang mga tingin nito ay waring tumatagos lamang sa kisame ng kwarto habang ang isipan naman niya ay patungo sa kawalan—walang direksyon at palutang-lutang lang.

"Nasaan ka na ba, Mr. Dominguez? Ano kaya ang ginagawa mo sa mga oras na ito?" Ang tanong ni Carlo sa hangin, nagbabakasakali na tangayin ito papunta sa kinaroroonan ngayon nang kanyang nobyo.

Ang totoo nito ay hindi nakatulog nang maayos si Carlo. Labis ang pag-aalala na kanyang nadarama para kay Bullet. Magmula kasi nang umalis ito ay wala pa siyang tawag o mensahe man lang na natatanggap galing dito. Kung anu-ano na tuloy ang mga negatibong pumapasok sa isipan niya na siyang nagpapaalab nang husto ng pangamba at agam-agam sa kanyang puso.

Kinuha niya ang cellphone na nakapatong sa drawer sa may gilid ng kama, nagtipa ito sa keypad ng isang mensahe para kay Bullet.

Mrs. Dominguez:
Good morning, Mr. Dominguez. Sana ay nasa mabuti kang kalagayan kung nasaan ka man ngayon. Huwag kang magpapalipas ng gutom ha? Mag-iingat ka palagi.

P.S.
Bumalik ka na please, sobra na kitang namimiss. Mahal na mahal kita.

Send. Inilapag niyang muli ang cellphone sa may drawer pagkatapos ay nagpasya na siyang bumangon sa kanyang higaan upang maligo. Kailangan na niyang maghanda dahil mahaba-haba pa ang kanyang kakaharapin sa araw na ito.

"Good morning, Sir Carlo. Maupo na po kayo at ipaghahanda ko kayo ng inyong almusal." Ang magalang na pagbati sa kanya ng kasambahay na si Cynthia.

"Carlo na lang po ang itawag niyo sa akin, ate. Masyado po kasing pormal kapag tinatawag niyo akong sir. Tara po, sabayan niyo na rin akong kumain dito." Ang wika nito sa babae pagkaupo niya sa may hapag-kainan.

"S-Sige Carlo. Salamat." Ang nahihiyang sagot ng kasambahay. Kumuha muna ito ng kanilang gagamitin na pinggan at kubyertos sa may kusina pagkatapos ay umupo na ito sa harap niya.

Pasado alas sais na ng umaga nang isa-isang nagsipagdatingan sa bahay nila Carlo sina Tristan, Sylvester at Spencer upang tulungan ang kaibigan sa mga bibitbitin nito. Bukod kasi sa cake ay nagbake din ang kanyang ina ng mga cookies at mga specialty nitong tinapay para sa kanila.

"Aalis na po kami, 'nay." Ang paalam ni Carlo sa kanyang ina.

"Mag-iingat kayo sa inyong biyahe. Pakisabi na lang kay Miguel ang aming taos pusong pagbati ng maligayang kaarawan sa kanya." Ang bilin ni Susan nang ihatid sila nito hanggang sa may gate.

"Sige po, 'nay. Makakarating po ito kay Miguel." Ang pangako naman ni Carlo. Saglit na nagpaalam ang mga kaibigan nito sa kanyang ina pagkatapos ay naglakad na sila patungo sa bahay ng kaibigan.

"Sa tingin ninyo magugustuhan ni Miguel itong munting sorpresa natin sa kanya?" Ang tanong ni Spencer.

"I'm sure he will be happy. As far as I remember, this is the first time that someone throw a surprise party for him." Ang sagot ni Tristan.

Ang napag-usapan lang kasi ng magkakaibigan ay sa beach resort na pagmamay-ari nila gaganapin ang kanyang birthday. Lingid sa kaalaman ni Miguel ay mayroon silang inihandang sorpresa para sa kaarawan nito.

"Tahimik ka ata ngayon. May problema ba?" Ang tinig mula kay Sylvester na pumutol sa pagmumuni-muni ni Carlo. Agad siyang nag-angat ng kanyang ulo at tiningnan ang kaibigan.

"W-Wala naman. Okay lang ako." Ang sagot ni Carlo.

"Huwag mo ng isipin pa yun. Alam naman namin na ginawa mo ang lahat ng makakaya mo para maging masaya ang kaibigan natin. Sadya lang siguro na may mga bagay na hindi natin kontrolado tulad nito." Ang wika ni Sylvester.

Napabuntung hininga na lang si Carlo. "Sana nga ay magustuhan ni Miguel ang inihanda natin ngayon sa kaarawan niya. Ito naman talaga ang hinahangad natin lahat para sa kanya—ang maging maligaya siya." Ang saad niya.

"I'm sure he will loved this, ikaw kaya ang nakaisip nito." Ang sabad naman ni Tristan. Napangiti na lamang si Carlo sa sinabi ng kaibigan. Nakaparada na sa labas ng bahay ang gagamitin nilang sasakyan nang makalapit na sila dito.

"Good morning, Kuya Jon. Gising na po ba ang birthday boy natin?" Ang bungad ni Spencer sa driver na kasalukuyang humihigop ng mainit na kape sa may garahe.

"Uy kayo pala. Magandang umaga din sa inyo. Nasa kwarto pa si Miguel, ang mabuti pa ay puntahan niyo na lang siya doon." Ang sagot ni Jon sa kanila.

"Ikaw na lang ang umakyat sa taas para gisingin si Miguel. Kami na ang bahala na magpasok sa loob ng sasakyan ng mga dala natin." Ang utos ni Sylvester kay Carlo.

Agad naman na tumalima si Carlo, mag-isa siyang pumunta sa taas. Pagsapit niya sa may harap ng kwarto ay marahan muna siyang kumatok. Walang sumagot mula sa loob kaya hinawakan na niya ang seradura ng pinto saka dahan-dahan nitong pinihit papasok.

"M-Miguel?"

Bumungad sa kanya ang mahimbing na natutulog na kaibigan. Lumapit si Carlo sa may kama at maingat na tinapik-tapik nito ang binti ng lalaki.

"M-Miguel gising na. May lakad tayo ngayon hindi ba?" Ang wika ni Carlo.

"Hmmm..." Tanging ungol lang ang narinig niya mula kay Miguel. Hindi sinasadyang mapadako ang tingin ni Carlo sa mukha ng kaibigan, pinakatitigan niya itong mabuti.

"Napakaamo at napaka-inosente ng mukha. Sinong mag-aakala na may pinagdaraanan kang matinding kalungkutan?" Ang mahinang usal ni Carlo. Nag-aalangan man ay hindi niya napigilan na hawakan ang pisngi ng mukha ni Miguel, marahan niya itong hinaplos-haplos.

Batid ni Carlo sa kanyang puso ang hangarin na pawiin ang nararamdaman na kalungkutan ng kaibigan. Siya naman ngayon ang magiging sandalan ni Miguel. Nais niyang masuklian ang lahat ng kabutihan na ginawa nito para sa kanya gaya noong mga panahon na siya ang may pinagdaraanan sa buhay.

Samantala, naalimpungatan naman si Miguel nang may maramdaman siyang kung anong mabigat na nakapatong sa mukha niya. Pagdilat ng mga mata niya ay bumungad ang kaibigan si Carlo habang seryosong nakatitig sa kanya at masuyong hinahaplos-haplos ang pisngi nito.

Tila malalim ang iniisip ni Carlo kung kaya't hindi nito kaagad napansin na siya'y gising na. Imbes na sawayin ang kaibigan ay hinayaan lamang ni Miguel ito sa kanyang ginagawa.

Hindi mawari ni Miguel kung ano itong kakaibang nararamdaman niya habang lihim na pinagmamasdan si Carlo. Ito ang unang pagkakataon na may gumawa nito sa kanya kaya naninibago pa siya. Ngunit sa kabila noon ay nakaramdam siya ng kapanatagan sa kanyang kalooban sa mga sandaling ito.

Hindi niya alam kung bakit pero may kakaibang kaligayahan siyang nadarama—ligaya na kailanman ay hindi niya nakuha sa kanyang mga magulang.

"Good morning." Ang bati ni Miguel sa kaibigan. Kitang-kita niya kung paano nanlaki ang mga mata ni Carlo nang mahuli siya nito sa kanyang ginagawa. Mabilis na tinanggal nito ang kamay niya sa pisngi ng kaibigan.

"K-Kanina ka pa ba g-gising dyan?" Ang nauutal na tanong ni Carlo. Hindi na ito makatingin pa nang diretso sa kanya.

Napangiti si Miguel sa naging reaksyon ni Carlo. "Kagigising ko lang. Kanina ka pa ba nandito?" Ang balik na tanong niya.

"H-Hindi naman masyado. S-Sige hihintayin ka na lang namin sa baba." Tinalikuran na ni Carlo ang lalaki. Akma na siyang lalabas ng kwarto nang biglang hawakan ni Miguel ang kanyang braso pagkatapos ay pinaharap siya nito.

Ganun na lamang ang pagkagitla ni Carlo nang yakapin siya nang mahigpit ni Miguel.

"M-Miguel..."

"Thank you for making me feel very special." Ang wika ni Miguel.

"A-Ano ka ba? W-Wala yun no. Sige na mag-ayos ka na dyan at mahaba-haba pa ang magiging biyahe natin." Ang sabi ni Carlo. Kumalas na mula sa pagkakayakap sa kanya si Miguel saka ito dumiretso sa banyo upang maligo. Pagkaalis nito ay saka pa lamang siya nakahinga nang maluwag.

Malakas ang dagundong ng pagtibok ng kanyang puso. Hindi lubusang mawari ni Carlo kung bakit ganun na lamang katindi ang epekto sa kanya ng yakap ng kaibigan. Minabuti niya na lumabas ng kwarto at doon na lamang sa baba hintayin si Miguel.

Pagbaba ni Carlo ay naabutan niya ang iba pa nilang kaibigan na nakaupo sa may sala.

Una siyang nasulyapan ni Sylvester nang makalapit ito sa kanila. "Kumusta? Nagising mo na ba si Miguel?" Ang bungad na tanong niya.

Tumango si Carlo. "Gising na siya at kasalukuyang naliligo sa banyo. Teka maiwan ko muna kayo sandali dito, pupunta muna ako sa may kusina." Ang paalam niya sa kanila.

Pagdating niya sa may kusina ay agad siyang naghanda ng agahan hindi lang kay Miguel kundi para na rin sa lahat. Wala kasi si Manang Aida kaya pihadong hindi nakakain nang maayos yung dalawa. Nagprito siya ng hotdog, scrambled eggs at longganisa na nakita niya sa refrigerator. Nagsaing na din siya ng bago at yung tirang kanin ay balak niyang gawin sinangag.

"Sabi ko na nga ba at dito nanggagaling yung masarap na naaamoy ko." Ang wika ni Sylvester nang biglang sumulpot ito sa may kusina.

"Ikaw pala. Maupo ka na sa lamesa at matatapos na ko dito. Kumain muna kayo bago tayo umalis." Ang sabi ni Carlo.

"Kayo? Hindi ka ba kakain?" Ang nagtatakang tanong ni Sylvester.

Umiling si Carlo. "Niluto ko talaga ito para sa inyo. Kumain na ko sa bahay kanina kasama si Ate Cynthia kaya huwag mo na kong alalahanin pa." Ang sagot niya.

"Ganun ba? Sige ako na lang ang tatawag sa kanila para makakain na." Ang saad ni Sylvester saka ito tumalikod sa kanya pagkatapos ay naglakad na papalabas ng kusina.

Makalipas ang ilang sandali ay magkakasabay na dumating sina Tristan, Sylvester at Spencer. Nakasunod naman sa kanilang likuran sina Kuya Jon at Miguel.

Hindi maiwasan ni Carlo na hindi matitigan si Miguel. Mas lalo pa kasi itong naging gwapo sa kanyang suot na puting polo at itim na shorts. Ang singkit nitong mga mata na nawawala sa tuwing siya ay nakatawa at ang mapuputing ngipin na sumisilay kapag siya ay nakangiti ang nagiging dahilan ng paghuhurumentado ngayon ng kanyang puso—at hindi niya ito maipaliwanag kung bakit.

"Kung may x-ray vision lang yang mga mata mo gaya ng kay Superman ay malamang nakita mo na ang loob ng katawan ni Miguel." Ang pasimpleng bulong ni Sylvester sa kanya.

Bumalik naman ang atensyon ni Carlo sa kumakausap sa kanya. "S-Sorry, sobrang halata na ba? S-Sige maupo na kayo at kumain na." Ang nahihiyang sabi niya sa kanila.

Napansin naman ni Miguel na nakatayo lang si Carlo habang pinagsisilbihan sila nito. "Bakit hindi ka kumakain?" Ang tanong niya dito.

"Kumain na kasi ako sa bahay kanina kaya busog pa ko." Ang paliwanag ni Carlo.

Hinawakan ni Miguel ang kanyang kamay. "Pwede mo ba kaming sabayan na kumain ulit? Please, bunso?" Ang malambing na pakiusap nito habang nakangiti sa kanya.

Tila may kuryente na dumaloy sa katawan ni Carlo nang hawakan siya ni Miguel. Pasimple niyang tinanggal ang kamay nito. "S-Sige po, Kuya." Ang sambit niya. Umupo siya sa bakanteng upuan katabi ang lalaki.

Nailang naman si Carlo sa ginagawa ni Miguel sa kanya. Siya naman kasi ngayon ang pinagsisilbihan nito. Nilagyan nito ang kanyang plato ng maraming sinangag at ulam.

"Teka ang dami nito. Hindi ko ito lahat makakain." Ang protesta ni Carlo.

"Kailangan mong kumain nang marami, ang laki kasi ng ipinayat mo ngayon." Ang mariing sabi ni Miguel. Hindi naman nakakibo si Carlo sa sinabi ng kaibigan. Malaki nga ang ibinagsak ng kanyang timbang dulot ng sobrang stress noong mga nakalipas na linggo. Hinayaan na lamang niya ito saka siya nagsimulang kumain.

Tinulungan siya ni Miguel sa paghuhugas at paglilinis ng kanilang mga pinagkainan. Pagkatapos mag-agahan ay nagpasya na silang umalis dahil malayo pa ang kanilang magiging biyahe. Pinaandar na ni Jon ang makina ng van. Sa harapan sumakay si Sylvester, sa likuran naman umupo sina Tristan at Spencer. Sa gitna pumwesto si Miguel, napakunot ang noo nito habang tinitingnan niya si Carlo na hanggang ngayon ay nakatayo pa rin sa labas ng sasakyan.

"May problema ba, bunso?" Ang nagtatakang tanong ni Miguel.

"H-Ha? W-Wala naman, Kuya." Ang sagot ni Carlo pagkatapos ay nagmamadali itong pumasok sa loob ng sasakyan saka umupo sa kanyang tabi.

"Okay na ba ang lahat?" Ang tanong ni Jon sa kanila.

"Ready na kami!" Ang masaya at puno ng kasabikan na sagot ng lahat. Agad na pinasibad ni Jon ang sasakyan. Ilang saglit pa ay nasa labas na sila ng subdivision at tinatahak ang maluwang na kalsada.

Habang nasa biyahe ay hindi naman mawari ni Carlo kung saan niya ipapaling ang kanyang katawan, parang sinisilaban ang puwit niya mula sa pagkakaupo. Nakabukas naman ang airconditioner ng van subalit labis ang pagpapawis niya habang katabi nito si Miguel.

"Okay ka lang ba talaga, bunso?" Ang tinig ni Miguel na nag-aalala. Kinuha niya sa bag ang bimpo saka nito pinunasan ang pawisang mukha ni Carlo.

Hinawakan niya ang kamay ni Miguel para pigilan ito. "H-Hindi mo naman ako kailangan pang punasan, kuya. K-Kaya ko na 'to." Ang nauutal na sabi ni Carlo.

"Pero gusto ko itong ginagawa sa'yo." Ang seryosong sagot naman ni Miguel.

Mas lalo pang nailang si Carlo sa paraan ng pagkakatitig sa kanya ng kaibigan, tila ang mga mata nito ay may nais na ipahiwatig. Mabilis na inalis nito ang kamay niya sa pagkakahawak sa kamay ng kaibigan.

Hindi naman natigatig si Miguel sa ginawa ni Carlo bagkus ay ipinagpatuloy pa nito ang pagpupunas ng pawis sa mukha ng kaibigan, hindi niya kinakitaan ito ng anuman pagtutol hanggang sa matapos siya.

Nilukob ng katahimikan ang pagitan nilang dalawa habang sila'y nasa biyahe. Makalipas ang ilang sandali ay dinalaw ng antok si Carlo, unti-unti niyang ipinikit ang kanyang mga mata hanggang sa tuluyan na siyang makatulog.

Sa kabilang banda ay napapangiti naman si Miguel habang sinusulyapan niya si Carlo, nakatulog kasi ito at hindi sinasadyang mapasandal ang ulo sa kanyang balikat. Muli niyang naalala ang kanyang nasaksihan na ginawa ng kaibigan sa kwarto nang siya ay gisingin nito.

Malinaw pa sa alaala ni Miguel kung paano siya pakatitigan nang husto ni Carlo. Ang mainit nitong palad na humaplos sa kanyang pisngi ay waring nananatili pa rin magpahanggang ngayon.

Aminado si Miguel na may idinulot itong saya at sarap sa pakiramdam niya ng mga sandaling iyon subalit palaisipan sa kanya kung ganito din ba ang nararamdaman ni Carlo nang gawin niya ito—maaari kasing bunga lamang ito ng pagkaawa.

Hindi man aminin ng kaibigan ay batid ni Miguel na labis ang naging pag-aalala nito nang malaman niya ang tungkol sa kanila ng kanyang mga magulang, nababasa niya sa mga reaksyon at kinikilos ni Carlo ang biglang pagbabago kung paano siya pakisamahan nito. Ito ang dahilan kung bakit pilit niyang isinasara ang pahina ng kanyang buhay sa ibang tao, ayaw niyang tratuhin siya base lamang sa kanyang nakaraan.

Nagitla siya nang gumalaw si Carlo, ngayon naman ay nakayakap ito sa kanya. Sinubukan ni Miguel na tanggalin ang kamay nito ngunit hindi siya nagtagumpay dahil ibinabalik pa rin nito sa dating posisyon ang kanyang kamay. Sa huli ay hinayaan na lang niya ito at sumabay na din sa pagtulog niya.

"Malapit na tayo sa resort." Ang anunsyo ni Kuya Jon. Pasado alas onse na ng umaga nang sila ay makarating sa Batangas. Isa-isang nagsipag-gising ang lahat nang marinig nila ang tinig ng driver maliban lang kay Carlo na mahimbing pa rin na natutulog sa balikat ng kaibigan.

Maingat na tinapik-tapik ni Miguel ang pisngi nito. "Malapit na tayo, bunso. Gising ka na." Ang wika niya dito.

"Hmmm..." Isang impit na ungol ang lumabas kay Carlo, tila napasarap naman ang kanyang pagtulog kung kaya't nawaglit sa isipan niya kung sino ang katabi nito.

Isinuksok pa niya lalo sa leeg ni Miguel ang kanyang mukha kasabay ng mahigpit nitong pagkakayakap sa katawan ng katabi.

Nakaramdam si Miguel nang biglaang pag-init sa loob ng kanyang katawan, siya naman ngayon ang pinagpapawisan nang husto habang nakadikit sa kanya si Carlo. Ngunit sa kabila nito ay nagawa pa rin niya na magpakahinahon at muling ipinagpatuloy ang paggising dito.

"Bunso gising ka na, please." Ang kalmadong pakiusap ni Miguel sa kanya. Makailang beses din na sinubukan niya itong tapik-tapikin bago tuluyang nagising si Carlo.

Dahan-dahang iminulat ni Carlo ang kanyang mga mata at ganoon na lamang ang pagkagulat nito nang makita niyang nakasubsob ang kanyang mukha sa leeg ng kaibigan. Kaagad siyang lumayo dito at saka umayos ng pagkakaupo.

"S-Sorry, kuya. Hindi ko sinasadyang makatulog sa balikat mo." Ang nahihiyang sabi ni Carlo.

"Okay lang, bunso. Mahimbing na kasi yung tulog mo kanina kaya hindi na kita ginising pa. Siya nga pala, malapit na tayo sa resort kaya mag-ayos ka na. Tingnan mo may laway pa na tumulo sa bibig mo." Ang wika ni Miguel sa kanya.

Naalarma naman si Carlo sa sinabi nito kaya natataranta niyang kinuha ang dalang salamin sa bag upang silipin ang kanyang mukha.

"W-Wala naman ah—" Napakunot noo si Carlo nang mapansin niya si Miguel na nagpipigil ng kanyang tawa, huli na ng mapagtanto niya ang ginawa ng kaibigan.

"Trip mo ba kong asarin ngayon ah kuya?" Ang tanong ni Carlo. Tuluyan nang humagalpak ng tawa ang kanina pang nagpipigil na si Miguel, huminto rin naman ito kaagad nang makita niyang nakasimangot na ang mukha ng kaibigan.

"Sorry na bunso, ang cute mo kasing tingnan kapag napipikon ka." Pilit na pinakalma ni Carlo ang sarili sa harap ni Miguel. Pakiwari niya ay pulang-pula na ang kanyang pisngi sa sobrang hiya na nadarama.

"You're blushing." Ang sambit ni Miguel.

"H-Ha? H-Hindi mainit lang kaya siguro namumula ang mukha ko." Ang pagdadahilan naman ni Carlo.

Napangiti si Miguel sa naging reaksyon ng kaibigan. "Hindi mo na kailangan pang ipagkaila sa akin yan, bunso. Mas lalo ka lang tuloy nagiging cute sa paningin ko."

Naghurumentado bigla ang puso ni Carlo sa sinabi sa kanya ni Miguel. Palihim siyang nananalangin na sana ay makarating na sila agad sa resort upang makasagap ng hangin dahil waring kinakapos siya sa mga sandaling ito katabi ang lalaki.

Biglang sumulpot mula sa likuran nila ang mukha ni Spencer. "Tama na po ang landian ninyong dalawa kasi dumating na tayo sa ating destinasyon." Ang pabirong sabi niya.

Natawa lang si Miguel pagkatapos ay ibinaling na nito ang tingin sa may labas. Labis naman ang pagpapasalamat ni Carlo kay Spencer dahil nailihis nito ang kanilang pag-uusap. Tuluyan na siyang nakahinga nang maluwag pagpasok ng van sa malawak na gate ng beach resort.

"Maligayang pagdating mga anak sa Villa Cabrera." Ang pambungad na bati ni Manang Aida nang makababa na silang lahat sa sasakyan.

"Magandang araw po sa inyo, Manang Aida." Ang magkakasabay nilang bati sa matanda.

"Pihado akong nagugutom na ang lahat kaya halika na at nakahanda na ang mga pagkain sa loob." Ang wika ng matandang babae sabay palihim na kumindat kay Carlo, agad naman nitong naintindihan ang nais na ipahiwatig sa kanya. Sinenyasan niya si Sylvester para kuhanin na ang mga dala nila saka nito niyaya si Miguel para pumasok na ng villa.

"You will loved this place, bunso. We have—" Hindi na natapos ni Miguel ang sasabihin niya dahil tumambad sa kanyang harapan ang mga nagkalat na balloons sa sahig, maging sa kisame ay mayroon din palamuting mga lobo kung saan nakasabit ang mga litrato niya mula pagkabata hanggang sa paglaki niya. Sa harapan ng function area ay nakadikit ang mga letra na gawa sa kulay gintong lobo na nagsasabing 'Happy 16th Birthday, Miguel.'

Napaawang ang kanyang bibig nang isa-isang magsipag-sulputan ang mga tauhan nila sa bahay at sa resort. "Happy birthday, Sir Miguel!" Ang masayang bati ng lahat sa kanya kasabay ng pagkanta nila ng isang happy birthday song. Pagkatapos nito ay lumapit si Sylvester na dala ang cake habang si Tristan naman ang nagsindi sa kandila.

"Close your eyes and make a wish pare." Ang wika ni Tristan. Ipinikit ni Miguel ang kanyang mga mata saka sandaling tumahimik, hindi naman ito nagtagal at nagmulat na rin siya pagkatapos ay hinipan na ang apoy sa kandila.

"Anong hiniling mo, pare?" Ang pag-uusisa sa kanya ni Spencer.

Ngumiti si Miguel sa kanya bago niya ito sinagot. "Secret." Napakamot na lamang tuloy ng ulo si Spencer sa isinagot sa kanya ng kaibigan.

"Maligayang kaarawan sa'yo, hijo. Nagustuhan mo ba ang surprise party na inihanda namin para sa'yo?" Ang tanong ng matandang babae nang makalapit siya sa alaga.

"Sobra ko po itong nagustuhan. Maraming salamat po, Manang Aida." Ang sagot ni Miguel.

"Naku! Huwag ka sa akin magpasalamat hijo, ang mga kaibigan mo talaga ang siyang nakaisip ng lahat ng ito."

Bumaling naman ang tingin ni Miguel sa direksyon nila. "You all did this for me?" Bakas sa tono ng kanyang pananalita na hindi ito makapaniwala.

"Ah...eh...ano, gusto ka namin kasing mapasaya ngayon birthday mo kaya ayun." Kakamot-kamot si Spencer habang nagpapaliwanag sa kanya. Lumapit si Miguel sa kaibigan at binigyan ito ng isang mahigpit na yakap. "Salamat." Ang wika niya.

"Hep! Hep! Ano? Si Spencer lang ba ang makakatanggap ng yakap mula sa'yo? Paano naman kami?" Ang kantyaw ni Tristan sa kanya. Ngingiti-ngiti si Miguel na lumapit upang yakapin din ito pati na si Sylvester.

"Oh baka magkaiyakan pa kayo dyan. Ang mabuti pa ay kumain na muna tayo, mukhang masasarap ang mga inihanda nilang pagkain." Paglilihis ni Carlo ng usapan. Nauna na siyang lumapit sa may lamesa, sinadya nitong putulin ang kanilang usapan upang maiwasan si Miguel. Itinuon na lamang niya ang pansin sa pag-aasikaso sa mga kaibigan. Masaya nilang pinagsalu-saluhan ang masarap na pananghalian.

Matapos kumain ay nagkaayaan ang magkakaibigan na maligo sa dagat. Agad na nagtanggal ng pang-itaas na damit sina Tristan, Sylvester at Spencer saka nag-uunahan na makapagtampisaw sa tubig-alat. Napaawang naman ang bibig ni Carlo nang hubarin ni Miguel ang suot nito. Tumambad sa kanyang mga mata ang maputi at makinis na katawan ng kaibigan, bigla tuloy uminit ang pakiramdam niya sa namamasdan.

"Hindi ka ba maliligo, bunso?" Ang tanong ni Miguel.

Bumalik ang atensyon ni Carlo sa kaibigan. "H-Ha? A-Ano?" Pag-uulit niya.

Napangiti naman si Miguel. "Wala. Sabi ko tara na't maligo na tayo." Ang wika niya sabay hinawakan nito ang kamay ni Carlo. Wala itong nagawa nang hatakin na siya nito papunta sa may tubig.

Masaya silang naglaro at nagbabad sa tubig-alat. Napansin ni Carlo ang madalas na pagdikit sa kanya ni Miguel, kung hindi hahawakan sa kamay ay yayakapin naman siya nito mula sa likuran. Hinayaan niya ang kaibigan sa ginagawa nito sa pag-aakalang dulot lang ito ng labis na saya na kanyang nararamdaman. Pansamantalang nawaglit sa isipan niya ang pag-aalala para sa nobyong si Bullet dahil dito.

Nang mapagod sa kakalangoy ay nagdesisyon sila na umahon na sa dagat upang makapagbanlaw ng kanilang katawan.

"Ang ganda ng resort niyo pare." Puri ni Spencer habang sila'y naglalakad pabalik sa villa.

Napakunot ng noo si Carlo. "Ngayon lang ba kayo nakapunta dito?" Ang nagtatakang tanong niya.

"Oo, ngayon lang. Matagal na nga namin pinipilit yang si Miguel na pumunta dito pero palagi siyang nagdadahilan. Ikaw lang pala ang tanging makakapagpapayag sa kanya." Ang sagot ni Spencer.

"Kundi dahil kay Carlo ay malamang baka hindi magiging ganito katagumpay at kaganda ang surprise party na ihahanda natin para kay Miguel." Ang bulalas ni Tristan.

Napahinto naman sa paglalakad si Miguel nang marinig niya ang sinabi ng kaibigan. "Anong ibig mong sabihin?" Ngunit imbes na si Tristan ang sumagot ay si Sylvester na ang nagsalita para sa kanya.

"Si Carlo ang dahilan kung bakit nandito tayo ngayon. Siya ang nakaisip para maging maganda at masaya ang kaarawan mo ngayon, sumunod lang kami pati na rin sina Manang Aida sa inilatag niyang plano." Ang pag-amin nito sa kaibigan.

Bumaling ang tingin ni Miguel kay Carlo. "T-Totoo ba ang sinabi niya? G-Ginawa mo itong lahat para sa akin?"

Nailang naman si Carlo sa paraan ng pagkakatitig sa kanya ni Miguel kaya hindi niya ito matingnan nang diretso sa kanyang mata. "O-Oo, kuya...totoo yung sinabi ni Sylvester. Pinakiusapan niya ako na kung pwede ay gumawa kami ng surprise party para sa birthday mo. Maswerte ka dahil may mga kaibigan ka na tulad nila na ang tanging hiling ay maging masaya ka sa pinakamahalagang araw ng buhay mo." Ang paglalahad niya.

Balak sana na lapitan ni Miguel si Carlo subalit pinigilan siya nito. "Hep! Hep! Hep! Dapat masaya lang tayo kaya tama na ang pagdadrama na yan. Maliligo na ko at nangangati na itong balat ko, magkita na lang tayo mamaya."

Hindi na hinintay ni Carlo kung ano ang susunod pang sasabihin ni Miguel sa kanya dahil nagmamadali na itong pumasok sa loob ng villa. Tinuro naman ng isa sa mga staff ng resort kung saan ang kanyang magiging kwarto. Pagdating doon ay agad siyang nagsarado ng pinto at dali-daling tinungo ang banyo, isang malalim na buga ng hininga ang pinakawalan nito habang isinasandal niya ang kanyang katawan sa sementadong pader.

Doon pa lamang napagtanto ni Carlo na kanina pa niya pinipigilan ang kanyang paghinga. "Ano ba itong nararamdaman ko? Bakit ganito kalakas ang pagtibok ng puso ko?" Ang tanong niya sa sarili.

Walang kaabog-abog ay biglang sumagi sa isipan niya ang mukha ng nobyo.

"Bullet..."

Agad na pinihit ni Carlo ang shower, hinayaan niyang dumampi sa kanyang katawan ang maligamgam na tubig na lumalabas mula dito. Kalaunan ay binalik niya ito sa malamig na temperatura, nais niyang mahimasmasan buhat sa init na nadama niya kanina.

Hindi mawari ni Carlo kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon ng katawan niya sa tuwing maglalapit sila ni Miguel—may kaba, may tensyon, may init na humahagod sa kanya.

Ngunit kung anuman itong nararamdaman niya ngayon ay isa lamang ang tanging nababatid ni Carlo—mali ito at hindi maaari na basta na lamang papasukin at tanggapin ito ng kanyang puso't isipan.

Hindi pwede.

Kaya hanggat nagsisimula pa lamang lumalim ang kanilang ugnayan ay kinakailangan na niyang iwasan at putulin agad ito.

Para sa ikabubuti ng lahat.

Hindi napigilan ni Carlo ang kanyang antok kaya nakatulog ito habang nagpapatuyo ng buhok matapos maligo. Naalimpungatan lang siya nang may kumatok sa pinto. Pupungas-pungas itong bumangon mula sa pagkakahiga para pagbuksan kung sino ito.

"S-Sino yan—Ayyy!!!" Naisara bigla ni Carlo ang pinto nang makita kung sino ang kumakatok, kinurot pa niya ang pisngi sa pag-aakalang nananaginip pa siya sa mga oras na ito. "Aray! Totoo nga ito." Ang sambit niya. Huminga muna siya nang malalim bago niya ito pinagbuksan.

Bumungad kay Carlo si Miguel na halata sa mukha ang pagkagulat at labis na pagtataka sa kanyang ginawa.

"K-Kuya ikaw pala. A-Anong sadya mo bakit ka naparito?"

"Gusto ko sana magpasalamat sa'yo para sa inihanda mong sorpresa sa kaarawan ko. Kaya ako pumunta dito ay para personal kang kausapin ukol dito pero parang nakakita ka ata ng multo nung buksan mo yung pinto. May problema ba, bunso? May dumi ba sa mukha ko na sadyang nakakatakot?"

"Naku hindi marumi ang mukha mo kuya, walang problema sa'yo. Ang totoo nga ay cute ka ngayon sa porma mo eh." Hindi naiwasan ni Carlo na sulyapan ng tingin ang lalaki. Lumitaw kasi ang angking kagwapuhan ni Miguel sa suot nitong kulay pulang polo shirt at puting shorts.

"Talaga? Baka binobola mo lang ako ah?" Ang wika ni Miguel.

"Totoo yung sinabi ko, bagay sa'yo yung suot mo pero parang may kulang eh. Teka sandali." Sinundan ng tingin ni Miguel si Carlo habang naglalakad ito patungo sa upuan kung saan nakapatong ang kanyang gamit, may kinuha ito sa loob ng bag na isang maliit na kahon pagkatapos ay umupo siya sa may gilid ng kama.

"Halika kuya, pasok ka." Lumapit naman si Miguel saka umupo sa kanyang tabi. Binuksan ni Carlo ang kahon saka kinuha ang laman nito sa loob at isinuot sa leeg ng kaibigan.

"Yan kumpleto na. Perfect! Happy birthday, kuya." Ang bati ni Carlo. Isang kwintas na kanyang ginawa ang regalo niya para kay Miguel, may letrang 'M' sa gitna nito na sumisimbolo sa unang titik ng kanyang pangalan.

"You gave me the happiest and remarkable celebration that I'll cherished in my heart forever. I thought this will be just an ordinary day but you prove me wrong. Thank you."

Nanlaki ang mga mata ni Carlo nang halikan siya ni Miguel sa kanyang pisngi. Saglit lamang ito ngunit wari niya ay magtatagal pa ang epekto nito sa katawan niya.

"Y-You're welcome k-kuya." Ang nauutal na sagot niya.

"You're blushing again." Ang puna ni Miguel.

Napahawak kaagad sa magkabilang pisngi si Carlo. "H-Hindi ah, g-ganito lang talaga ako kapag naiinitan." Ang pagdadahilan niya.

Ipinatong ni Miguel ang kanyang magkabilang kamay sa ibabaw ng mga kamay ni Carlo. "Huwag kang masyadong maging cute sa paningin ko bunso baka hindi ko mapigilan ang aking sarili at may magawa ako sa'yo." Ang babala niya.

"A-Anong g-gagawin mo, kuya?"

Muling nag-hurumentado ang puso ni Carlo nang unti-unting lumalapit ang mukha ng kaibigan sa kanya, kaunti na lang at mahahalikan na siya sa labi nito. Natigil lamang ito nang dumating si Spencer na humahangos papalapit sa kanila.

"Oh pare bakit?" Ang tanong ni Miguel.

"Pucha pare! Sumama kayo sa akin, may ipapakita ako sa inyo. Bilis!" Bakas sa tono ng kaibigan ang sobrang pagkasabik. Nagkatinginan pa sina Miguel at Carlo bago sila nagpasyang sumunod dito.

Dinala sila ni Spencer sa may function area. Nagtaka naman si Miguel dahil lahat ng tao ay nandoon at waring naghihintay sa kanilang pagdating.

"Bakit nandito kayong lahat? May sorpresa ba kayo ulit para sa akin?" Ang biro niya sa kanila.

"Actually, we are the surprise. Happy birthday, son."

SUSUNDAN...







Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro