Chapter Forty Seven
"Actually, we are the surprise. Happy birthday, son."
Hindi nakakilos si Miguel nang marinig niya ang pamilyar na boses mula sa kanyang likuran, tila napipi din ito dahil nakaawang lang ang kanyang bibig subalit walang tinig na lumalabas mula dito.
Sa puntong ito ay lumapit na si Carlo kay Miguel. Kahit siya man ay nagulat sa bilis ng mga pangyayari ngunit mas pinili niya ngayon na maging mahinahon para sa kanyang kaibigan. Inalalayan niya ang kaibigan paharap sa dalawang importanteng tao sa kanyang buhay.
"D-Dad? M-Mom? Y-You're here. Y-You're real..." Ang nauutal na sabi ni Miguel, kita sa reaksyon ng mukha nito ang labis na pangungulila sa kanyang mga magulang.
"Of course we're real, anak. We couldn't afford to miss your special day that's why we're here now." Ang masayang wika ng ina.
Hindi na napigilan ni Miguel ang sarili, dagli itong lumapit sa kanyang mga magulang upang yakapin sila nang mahigpit. "I miss you both." Nagsimula naman mangilid ang luha sa kanyang mga mata, hindi dahil sa kalungkutan kundi sa labis na saya na nadarama niya.
"We miss you too, son. We deeply regret those lost years that we are not present in your life because we choose to concentrate ourselves in business over you. We take you for granted and we're very sorry for that." Ang pahayag ng kanyang ama.
"Ang tanging hangad lang namin ay mabigyan ka ng magandang kinabukasan kaya tinanggap ng ama mo ang posisyon sa ibang bansa. Nang dahil sa desisyon na iyon ay tuluyan na kaming napalayo sa'yo. Basta ka na lang namin iniwan sa pangangalaga ni Aida, ni hindi man lang namin inisip ang mararamdaman mo. Labis kaming nagsisisi sa aming ginawa, sana'y mapatawad mo pa kami, anak." Ang paliwanag naman ng kanyang ina.
Saglit na kumalas mula sa pagkakayakap si Miguel, nagpahid muna siya ng luha pagkatapos ay nag-angat ito ng ulo upang salubungin ang mga tingin ng kanyang mga magulang.
"Hindi niyo po kinakailangan na humingi ng tawad sa akin dahil hindi naman po ako galit sa inyo. Aaminin ko po na nung una ay sumama ang loob ko, hindi ko naiintindihan ang dahilan kung bakit kailangan pa ninyong pumunta sa ibang bansa para doon magtrabaho. Pero ngayon ay nauunawaan ko na po ang lahat kaya wala po kayong dapat na ipangamba pa. Ang totoo po nito ay sobra akong nagpapasalamat sa Diyos dahil binigyan niya ako ng mababait, mapagkalinga at mapagmahal na magulang, kasama sa bahay at mga kaibigan. Wala pong rason para ako'y malungkot at magdamdam." Ang sagot ni Miguel sa kanila.
"Thank you, son. We will make it up to you." Ang pangako sa kanya ng ama.
"Ang tagal kong hinintay ang pagkakataon na makita kayong tatlo na magkakasama. Teka sandali at kukunan ko kayo ng picture." Ang maluha-luhang sabad ni Manang Aida. Kinuha niya ang camera at pinapwesto sila sa harap ng function area. Lahat ng tao na nandoon ay pawang napapasinghot at nagpapahid ng mga luha habang sinasaksihan nila ang masaya at makapagbagbag-damdaming tagpo ng pamilya.
Nakaramdam ng kaunting lungkot sa puso si Carlo habang pinagmamasdan niya si Miguel kasama ang mga magulang nito. Bigla kasing sumagi sa kanyang isipan ang nobyong si Bullet. "Sana nandito ka para nakita mo din kung gaano kasaya ang pinsan mo." Ang mahinang usal niya, bakas sa himig nito ang pagkasabik na makitang muli ang lalaking labis na pinakamamahal.
"What's with the sad face?" Ang tinig galing kay Tristan.
Nilingon ni Carlo ang kaibigan. "H-Ha? Anong sinabi mo?"
Napailing ng ulo si Tristan. "Mukhang malalim ang iniisip mo kanina kaya hindi mo narinig yung tinanong ko sa'yo."
"Sorry. Narinig ko naman pero hindi ko naintindihan. Ano nga ulit yung tanong mo?"
"Tinatanong ko bakit malungkot yung mukha mo? Hindi ba dapat ay masaya tayo ngayon?"
"Masaya naman ako ngayon para kay Miguel. May bigla lang akong naalala pero huwag kang mag-alala dahil mawawala din ito." Ang nakangiting sabi ni Carlo.
"Sure ka? Final answer?" Ang tanong muli ni Tristan.
"Sure na sure."
"Pare picture daw tayo kasama si Miguel." Ang sabad ni Sylvester sa kanilang pag-uusap. Inaya na siya ni Tristan upang pumunta sa harapan, hindi na ito muling nagtanong pa sa kanya na lihim na ipinagpasalamat ni Carlo. Pagkatapos nito ay ipinakilala ni Miguel sa mga magulang ang kanyang mga kaibigan.
"Dad, Mom, remember my friends? Tristan, Sylvester and Spencer."
"Oh yes anak, I know them already. Minsan ko na silang nakita na pumunta sa bahay natin dati. Good to see you again, boys." Ang malugod na pagbati ng ina ni Miguel.
"Well honey except for one. I didn't recognize his face. Maybe you should introduce your friend to us, son?" Ang wika ng ama kay Miguel habang itinuturo nito ang katabi niya.
"Of course I had to save the best for last. I want you to meet my new friend, Carlo." Biglang nagkatinginan ang mag-asawa sa isa't-isa nang marinig ang pangalan nito. Ganun na lamang ang pagkagulat ng lahat nang yakapin siya ng ina ng kaibigan.
"Finally! We meet the person who's responsible behind all of this. Hi, I'm Lindsay Cabrera, mother of Miguel."
Napakunot ng noo naman si Carlo. "H-Hello po ma'am." Bakas sa reaksyon ng mukha nito ang pagtataka. Lumapit naman sa kanya ang asawang lalaki sabay inilahad nito ang kamay dito.
"I know what you're thinking, young man. Travis told us everything about you. I'm Napoleon Cabrera, father of Miguel. Nice to meet you at last."
"Travis?" Tila nawala sa isip ni Carlo kung sino ang nagmamay-ari ng pamilyar na pangalan na binanggit ng ama ng kaibigan.
"Si Sir Bullet yung tinutukoy ni Dad sa'yo." Ang sabad ni Miguel sa kanilang pag-uusap. Binalingan niya ng tingin ang lalaki sa kanyang harapan.
"Nagkausap po kayo? Kumusta na po siya? Nasaan po ba siya ngayon? Hindi naitago ni Carlo ang labis na pagkasabik kay Bullet sa magkakasunod na tanong nito. Napahalakhak naman ang mag-asawa sa naging reaksyon niya.
"Huwag kang masyadong mag-alala kay Travis dahil mabuti naman ang kalagayan niya. Busy lang siya sa kaliwa't kanan mga business meetings kaya siguro hindi pa ito nagkakaroon ng pagkakataon para makausap ka. Sa totoo lang ay nagulat kami ni Leon nang bigla siyang tumawag sa amin kamakailan. Sabi niya ay siya muna ang pansamantalang papalit sa amin sa pag-aasikaso ng mga negosyo dahil kinakailangan daw namin umuwi ng bansa ng mas maaga para sa kaarawan ng aming anak na si Miguel." Ang mahabang salaysay ni Lindsay.
"Is that true, mom? Sinabi talaga yun sa inyo ni Sir Bullet?" Ang tanong ni Miguel sa ina, tulad niya ay naguguluhan na din ito sa mga nangyayari.
"It's true, anak. I know it's hard to believe at first knowing how he repeatedly rejected the position that my brother offered to him countless times before. But I guess time has really changed your cousin a lot-or perhaps someone so special to Travis that makes him changed without noticing it." Ang nakangiting sagot ng inang si Lindsay kay Miguel ngunit ang kanyang mga mata naman ay nakatingin kay Carlo.
"He's in Singapore right now but after two days he will fly to Macau to meet some future investors for our business expansion in the coming years. I'm truly amazed how he tweaked the current proposal into a better and profitable one, right only after he read it. I didn't expect Travis to be so much focused and very keen on observing every details of the expansion plan, his inputs is truly remarkable. I don't know how to put a right word into it but when we saw him at the hotel, he looks very happy and inspired-a genuine one." Dagdag pa ng amang si Napoleon.
Hindi na nakatiis pa si Carlo kung kaya't itinanong na nito kay Ginoong Napoleon ang kanina pang bumabagabag sa kanyang isipan. "Magtatagal po ba si Bullet doon sa Macau?" Seryoso naman siyang tinitigan ng ama ng kanyang kaibigan.
"I'm afraid that he will be staying there until Christmas Day."
Habang masayang pinagsasaluhan ng lahat ang inihandang masarap na hapunan nila Manang Aida ay pasimple naman na umalis si Carlo para pumunta sa may tabing-dagat. Doon ay magkakasunod na nagpakawala ito ng malalalim na paghinga habang sinusulyapan niya ang malawak at madilim na kalangitan.
Hindi lubos na maisip ni Carlo na gagawin ni Bullet na kausapin ang mga magulang ni Miguel para pauwiin ang mga ito sa mismong araw ng kaarawan ng kanilang anak, literal na nasorpresa ang lahat sa naganap na pagtatagpo ng pamilya nito kanina. Ang buong akala niya ay trabaho lang ang tanging pakay ng nobyo sa ibang bansa, yun pala ay may iba pa itong binabalak bukod doon.
Aminado si Carlo na masaya siya sa ginawa ni Bullet para sa pinsan niyang si Miguel. Ngunit sa kabila nito ay may lungkot siyang nadarama sa kanyang puso dahil ang kapalit pala ng lahat ng ito ay ang pansamantalang pagkawalay nila sa isa't-isa. Ngayon pa lang ay labis na ang kanyang pangungulila sa pag-alis nito, paano pa kaya ang ilang araw na hindi niya ito makakapiling?
"Bakit nandito ka sa labas? Hindi mo ba nagustuhan yung pagkain na niluto ni Manang Aida?" Napalingon si Carlo sa kanyang likuran kung saan nanggagaling ang tinig, namataan niya ang ina ni Miguel na naglalakad papalapit sa kanyang pwesto.
"K-Kayo po pala, Mrs. Cabrera. May kailangan po ba kayo sa akin?"
"Masyado ka naman pormal, Tita Lindsay na lang ang itawag mo sa akin. Nakita ko kasi na bigla kang umalis kanina kaya minabuti ko na sundan ka. Siya nga pala, ano ba ang ginagawa mo dito?" Ang tanong ulit nito.
"N-Nagpapahangin lang po ako, tita." Pagdadahilan naman niya. Tumango lang ang ina ni Miguel sa kanya pagkatapos ay hindi na ito muling umimik pa. Saglit na nabalot ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa, ang mga hampas ng alon sa dagat ang tanging umaalingawngaw sa buong paligid.
"Thank you, Carlo." Ang mga salitang kanyang narinig mula kay Tita Lindsay.
Nagtatakang tiningnan niya ito. "Para saan po ang pagpapasalamat ninyo?" Ang tanong niya dito.
"I just want to thank you for doing this to my son, for making him happy on his birthday."
"Naku tita wala po sa akin yun. Hindi po magiging matagumpay ang araw na ito kung wala ang tulong nilang lahat kaya hindi niyo na po ako kailangang pasalamatan pa. Kaibigan ko po si Miguel at natural lang sa magkakaibigan ang magmahalan at magtulungan."
Napangiti si Lindsay sa sinagot sa kanya ni Carlo. "Napakaswerte ng anak ko dahil nabiyayaan siya ng isang mabuting kaibigan na katulad mo. Hindi na ko nagtataka pa kung bakit nakuha mo ang atensyon ni Travis."
"Ako po dapat ang magsabi n'yan, Tita Lindsay. Maswerte po ako dahil nakilala ko silang dalawa, binigyan po nila ng kulay ang buhay ko." Ang wika ni Carlo.
Panandaliang tinanaw ng ina ni Miguel ang payapang dagat, makalipas lang ang ilang saglit ay muli itong nagtanong kay Carlo.
"Alam ko na wala akong karapatan na magtanong sa'yo nito ngunit nais ko lamang malaman kung ano ba ang tunay na namamagitan sa inyo ng pamangkin kong si Travis?"
Hindi agad nakasagot si Carlo sa tanong sa kanya ni Tita Lindsay. Natatakot siya sa magiging reaksyon nito lalo pa't tiyahin ito ng kanyang nobyo. Wala pa kasi ni isa sa pamilya o kamag-anak ni Bullet ang ipinakilala ng lalaki sa kanya. Agad naman itong napansin ng babae kaya hinawakan nito ang kanyang mga kamay.
"It's okay, I understand if you're not ready to answer my question." Ang sabi ni Lindsay.
Napabuntong-hininga si Carlo. "Sorry po tita kung hindi ko agad sinagot ang tanong niyo. Natatakot po kasi ako na kapag sinabi ko na nobyo ko si Bullet ay baka hindi niyo ako matanggap dahil nagmahal ang pamangkin ninyo ng isang bakla."
"Hindi ako ganun kababaw na tao para husgahan kayo ni Travis. Walang sinuman ang maaaring humadlang sa inyong dalawa. Palagi mong tatandaan na hanggat wala kayong natatapakan na damdamin ng ibang tao ay malaya kayong mahalin ang isa't-isa. At huwag kang mag-alala dahil isa ako sa mga taong susuporta para sa inyong kaligayahan." Ang wika ni Lindsay.
Nangilid ang mga luha sa mata ni Carlo sa sinabi ng ina ni Miguel sa kanya. Hindi siya makapaniwala na tatanggapin nito nang buong puso ang relasyon nila ni Bullet.
Isang mahigpit na yakap ang ibinigay ni Carlo kay Lindsay. "Salamat po, maraming salamat po."
"Walang anuman. Matagal na panahon na din yung huling beses na nakita ko si Travis na ganun kasaya. Alam mo ba habang ikinikwento niya sa amin yung plano mo ay hindi mawala-wala ang ngiti sa kanyang mukha. Oo nga pala, hihingi na rin kami ng tawad ng asawa ko sa'yo dahil hindi namin sinasagot yung mga emails mo, sinabihan kasi kami ng magaling kong pamangkin na huwag kang sasagutin para isipin mo daw na hindi kami makakapunta sa kaarawan ni Miguel."
Napakalas sa pagkakayakap si Carlo. "Talaga po? Inutos niya yun sa inyo? Naku makakatikim talaga yun sa akin pagbalik niya ng bansa." Ang naiinis nitong sabi.
Natawa naman si Lindsay sa naging reaksyon ng mukha ni Carlo. "Tama nga ang babala sa amin ni Travis, magagalit ka daw kapag nalaman mo na pinaplaytime ka niya. Hindi lang ang anak ko ang kanyang nasorpresa kundi pati na din kayo."
"Loko yun ah! Nakaisa siya sa akin. Humanda talaga yang si Bullet pagbalik niya, babawi ako doon." Ang sagot ni Carlo at kapwa sabay silang nagtawanang dalawa.
Sakto naman na paparating sa kanila si Miguel at naabutan sila na nagtatawanan. "Mukhang nagkakasiyahan kayong dalawa dito, pwede ba kong sumali mom?" Ang tanong niya sa ina.
"Pwedeng-pwede anak." Ang sagot naman ni Lindsay sa kanya sabay yakap dito nang mahigpit. Masaya naman si Carlo habang pinagmamasdan ang mag-ina. Bakas sa mukha ni Miguel ang labis na kaligayahan dahil sa wakas ay nakapiling na niya ang mga magulang sa kanyang kaarawan.
"Thank you, Mr. Dominguez. Great job!" Ang pabulong na sabi ni Carlo.
Pasado alas onse na ng gabi nang makabalik sa kanyang kwarto si Carlo, napasarap kasi ang naging kwentuhan nila ng ina ni Miguel na si Lindsay kung kaya't hindi niya namalayan ang oras. Katatapos pa lamang nito na maligo nang biglang may kumatok sa may pinto. Pagbukas niya ay tumambad sa kanya si Miguel.
"Ikaw pala, kuya. Anong meron at napadpad ang mga paa mo dito?" Ang pabirong tanong ni Carlo.
"I-I just w-want to check if everything is okay here." Ang nauutal na sagot ni Miguel. Hindi kaagad ito pinaniwalaan ni Carlo kung kaya't muli niya itong tinanong.
"Luma na yang style mo, kuya. Sige na huwag ka nang mahiya, ano nga ang totoong dahilan bakit ka nandito?"
Napakamot naman sa likod ng ulo si Miguel. "S-Sorry. Akala ko kasi uubra pa sa'yo yung mga ganitong galawan. Kaya ako nagpunta dito ay dahil gusto kitang makita saka para na din magpasalamat."
"Ha? Eh wala pang isang oras nung naghiwalay tayo di ba? Namiss mo ko agad? And for the nth time tama na yung kaka-'thank you' mo d'yan kasi hindi lang naman ako ang kumilos para sa surprise birthday party mo. Sa totoo lang ay mas marami pang ginawa sina Manang Aida kaysa sa akin kaya sa tingin ko ay sila ang dapat mong pasalamatan at hindi ako."
"Pero ikaw ang gumawa ng paraan para makasama ko ang mga magulang ko. Hindi aalis ng bansa si Sir Bullet kung hindi dahil sa'yo, ikaw ang dahilan kung bakit napakasaya ko ngayon. Kung sa tingin mo ay maliit lang ang papel na ginampanan mo pwes nagkakamali ka dahil yung ginawa mo ang siyang pinakamahalaga para sa akin." Ang seryosong sabi ni Miguel.
"Ano ka ba kuya maliit lang na bagay yun kumpara sa lahat ng pagtulong mo sa akin. Hindi ba't ang tunay na magkakaibigan ay nagmamahalan at nagdadamayan?"
"You've such a good heart, bunso. No wonder why Sir Bullet fall in love with you." Nanlaki ang mga mata ni Carlo nang biglang humakbang si Miguel papalapit sa kanya at siniil ng isang halik ang kanyang mga labi.
"M-Miguel..."
"And no wonder if I'm starting to feel the same way for you too."
Hanggang sa pagbalik nila ng Maynila ay hindi na mawaglit sa isipan ni Carlo ang naging pag-amin ni Miguel hinggil sa nararamdaman nito para sa kanya. Tinapat naman niya ito kaagad na hanggang magkaibigan lamang sila dahil may nobyo siya at mahal na mahal niya si Bullet. Humingi naman ng paumanhin si Miguel sa kanyang ginawang paghalik pagkatapos ay umalis na ito.
Tila wala naman nangyari sa pagitan nilang dalawa nang magkita sila kinabukasan. Ganun pa din ang pagtrato ni Miguel sa kanya-malambing at maalaga. Ngunit sa kabila noon ay nakaramdam na si Carlo ng kaunting pagkailang sa kaibigan. Bukod sa pinsan niya si Bullet ay ayaw niyang masaktan ito nang dahil lamang sa kanya.
Makalipas ang dalawang araw ay umalis na ang pamilya ni Miguel patungong ibang bansa upang doon salubungin ang pasko at bagong taon.
Bisperas ng Pasko. Dinagsa ng mga orders ang bakeshop ni Susan kung kaya't madaling araw pa lang ay umalis na ito habang si Delfin naman ay pumunta sa construction site upang mag-inspeksyon. Naiwan sina Carlo at ang kasambahay na si Cynthia sa bahay upang maghanda ng mga lulutuin para mamaya.
Malaki ang pasasalamat ni Carlo dahil buong araw ay naging abala siya, kahit papaano ay naibsan ang kanyang pag-aalala kay Bullet. Hindi pa rin kasi ito nagpaparamdam sa kanya, wala siyang natatanggap na mensahe o tawag man lang mula dito buhat ng ito ay umalis. Pilit niyang iniintindi ang nobyo, na baka marami lang itong ginagawa sa kanyang trabaho kung kaya't hindi nito magawang kausapin siya.
Pero sapat na bang dahilan ito para matiis ni Bullet na hindi siya kumustahin man lang?
Habang naghihintay sa pagdating ng kanyang mga magulang ay naisipan ni Carlo na maglakad-lakad sa labas. Saglit na nagpaalam ito sa kasambahay saka ito lumabas ng kanilang bahay. Papalubog na ang araw, nagsisimula nang magningning ang mga palamuting christmas lights at parol sa mga bahay. Malamig ang simoy ng hangin-bagay na bagay sa nararamdaman ng kanyang puso ngayon.
Tahimik ang playground nang siya ay dumating, dulot na rin marahil sa pagiging abala ng karamihan sa paghahanda para sa nalalapit na noche buena. Umupo siya sa isa sa mga bakanteng swing. Isa ang lugar na ito sa mga piping saksi sa mga pangyayari na naganap sa kanyang buhay. Hindi makapaniwala si Carlo na sa loob ng halos walong buwan ay maraming bagay na siyang naranasan.
Dalawang beses na umibig-niloko, sinaktan at umiyak. Nasubok din ang relasyon niya sa kanyang mga magulang. Ngunit sa kabilang banda ay nagkaroon naman siya ng mga bagong kaibigan na buong puso na tinanggap ang kanyang pagkatao.
Marami man ang pagsubok na dumating sa kanyang buhay ay nagpapasalamat pa rin siya dahil marami itong aral na natutunan na maaari niyang magamit mula dito.
"Carlo..."
Tumaas ang mga balahibo niya sa katawan nang marinig ang pamilyar na tinig mula sa kanyang likuran. Hindi siya pwedeng magkamali dahil alam na alam niya kung sino ang nagmamay-ari ng boses na yun.
Binalak ni Carlo na umalis na lamang at takasan ito ngunit sa isang banda ay napagtanto niya na darating at darating talaga ang panahon na kailangan niyang harapin ang taong naging dahilan nang pagkadurog ng kanyang puso-upang wakasan na ang huling pahina ng kanilang istorya.
At ito na marahil ang itinakdang araw para sila ay muling magkaharap na dalawa. Pilit na pinapakalma ni Carlo ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Makailang beses din siyang huminga nang malalim bago niya ito hinarap.
"Anong ginagawa mo dito?" Ang bungad na tanong nito sa kanyang dating nobyo...si Morris.
"G-Gusto kitang makausap, yung tayong dalawa lang." Ang sagot naman nito. Pinasadahan ni Carlo ng tingin mula ulo hanggang paa ang lalaki. Kapansin-pansin ang laki ng ibinagsak ng katawan at pagiging marungis ni Morris ngayon kumpara nang huli niya itong nasilayan, halata dito na napabayaan nito ang kanyang sarili.
"Ano pa ba ang dapat natin pag-usapan? Hindi ba naging maliwanag sa'yo ang mga sinabi ng tatay ko sa inyo?"
"G-Gusto kong humingi ng tawad sa mga ginawa ko sa'yo. Nagkamali ako, Carlo. H-Hindi kita dapat niloko at sinaktan. Hindi ako nabigyan ng pagkakataon para makapagpaliwanag sa'yo kaya nandito ako para kausapin ka."
"Tawad? Seryoso ka ba sa hinihingi mo, Morris? Hindi ganun kadali yun para sa akin kasi niloko mo ko! Hindi ka nakuntento sa akin kaya naghanap ka pa ng dalawa. Alam mo yung pinakamasakit na parte? Sa dinami-dami ng tao sa mundo na papatusin mo bakit si Ate Tin pa na sobra kong pinagkakatiwalaan? Nagkukulang na ba ang mga babae ngayon para mapagparausan mo?" Hindi na napigilan ni Carlo ang pagtakas ng luha sa mga mata niya. Muling bumalik sa kanyang alaala ang masalimuot na tagpo kung saan nasaksihan nito ang ginagawang milagro ng nobyo at dating kasambahay.
Sinubukan ni Morris na siya'y lapitan ngunit pinigilan agad ito ni Carlo. "Huwag mo akong lalapitan! Hindi ko kailangan ng awa at pagdamay mo ngayong oras na ito!" Napataas na ang tono ng kanyang boses sa labis na panggigigil.
Hindi naman nagpatinag si Morris, nagpatuloy ito sa paghakbang papalapit sa kanya hanggang sa mahawakan nito ang kamay niya. "Sige saktan mo ko. Gusto mo kong sampalin? Sipain? Duraan? Suntukin? Sige lang, kung yan ang tanging paraan para maibsan ang sakit at galit na nararamdaman mo para sa akin. Buong puso kong tatanggapin ang parusa na ibibigay mo. Kamuhian mo na ko basta huwag mo lang akong hihiwalayan dahil hindi ko talaga kakayanin. Mahal na mahal pa rin kita, wifey."
Tinabig ni Carlo ang kamay ni Morris. "Huwag mo kong tatawagin wifey dahil tapos na ang relasyon na mayroon tayo noon. Ikaw ang sumira sa pangako at hindi ako kaya huwag mong asahan na may babalikan ka pa." Ang madiing sabi ni Carlo.
Biglang ikinulong ni Morris si Carlo sa kanyang mga bisig. "H-Hindi! Hindi yan totoo. Nasasabi mo lang yan kasi galit ka sa akin ngayon pero alam kong may natitira pa rin pagmamahal para sa akin d'yan sa puso mo, kaya hindi ako papayag na mawala ka sa akin nang tuluyan. Malalampasan natin itong pagsubok na mayroon tayo ngayon ng magkasama basta bigyan mo lang ako ng isa pang pagkakataon para mapatunayan ko sa'yo na karapat-dapat ako na pagkatiwalaan muli." Ang buong pusong pagsusumamo nito.
Pilit na nagpupumiglas si Carlo sa mahigpit na pagkakayakap ng lalaki. "Pakawalan mo ko! Kahit na anong gawin mo hindi na maibabalik pa sa dati ang lahat."
"Hindi kita pakakawalan kahit magsisisigaw ka pa d'yan. Akin ka lang, Carlo. Akin lang..."
"Walang sa'yo, Morris! Hindi ako isang bagay na pagmamay-ari mo. Tapos na tayo kaya palayain mo na ko. Hindi na kita mahal."
Biglang natigilan ang lalaki. Sa isang iglap ay sumeryoso ang mukha ni Morris. "Anong sabi mo?"
"Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Nabingi ka na ata d'yan. Sige uulitin ko para sa'yo. Hindi na kita mahal Morris kaya layuan mo na ko. Ayan maliwanag na ba?" Ang matapang na sagot ni Carlo.
Napabuntung-hininga ang lalaki habang nakayakap pa rin kay Carlo. "May iba na ba?" Ang wika ni Morris sa kanya. Hindi ito kaagad na nakakibo kaya muli niya itong tinanong.
"Kaya ba sinabi mo sa akin na wala na akong babalikan ay dahil mayroon ka ng iba? May bago ka na bang minamahal?"
Itiningala ni Carlo ang kanyang ulo upang tingnan sa mata si Morris. Mababakas dito ang takot at pangamba habang inaabangan nito ang kanyang magiging sagot.
"Oo tama ka, may iba na kong mahal."
Tila pinagsakluban ng langit at lupa si Morris nang marinig niya ang naging pag-amin ni Carlo. Hindi niya inaasahan ang naging sagot nito.
Nakaramdam ng awa si Carlo habang pinagmamasdan si Morris. Hindi niya masisisi ang lalaki kung ganun na lamang ang naging reaksyon nito ngunit sa kabilang banda ay hindi din naman niya gustong ilihim dito ang totoong estado ng kanyang puso. Mahal niya si Bullet at ayaw niyang ipagkait sa nobyo ang karapatan na ipagsigawan sa lahat ang kanilang relasyon gaya ng ginawa nito para sa kanya.
"Ngayon alam mo na ang totoong dahilan baka pwede mo na akong pakawalan." Ang pakiusap ni Carlo. Lumuwag naman ang pagkakayakap ng lalaki kaya nagawa niyang maitulak ito papalayo sa kanya.
"Sino siya? Kilala ko ba?" Ang tanong ni Morris.
Tumango si Carlo. "Si Bullet."
Mariing napapikit si Morris, pilit niyang pinipigilan ang kanyang sarili. "Bakit? Bakit ang bilis mo naman na ipinagpalit ako?"
Isang mapait na halakhak ang isinukli ni Carlo sa kanya. "At ikaw pa ang may gana na magtanong sa akin n'yan? Ikaw na pumatol sa dalawang babae habang tayo pa. Bakit? Ikaw lang ba ang may karapatan na magmahal? Paano naman ako? Ako na niloko mo?"
"Lalaki ako at may pangangailangan din tulad ng iba. Sana naintindihan mo yun, Carlo. Alam kong mali dahil nagpadala ako sa tukso pero sana naman naunawaan mo kung bakit ko yun nagawa. Hindi ibig sabihin na porket may nangyari sa amin nina Zoey at Tin ay hindi na kita mahal."
"Mahal? Yan ba ang kahulugan sa'yo ng pagmamahal? Na okay lang na magparaos sa iba kapag ayaw ng karelasyon mo tapos babalik ka kapag humupa na yung init d'yan sa pesteng katawan mo. Kung yan ang paniniwala mo pwes sa'yo na yang letseng pag-ibig mo! Hindi ko yan kailangan sa buhay ko. At pwede ba, huwag mong isisi sa akin kung bakit nasira tayo, kung naging kuntento ka lang eh di sana maayos pa tayo ngayon. Alam mo wala nang patutunguhan itong pag-uusap natin. Nasabi naman na natin sa isa't-isa ang mga bagay na gusto natin sabihin kaya sa tingin ko ay wala ng dahilan para patagalin pa ito. Sige mauna na kong umalis. Paalam, Morris."
Tinalikuran na ni Carlo ang lalaki saka siya nag-umpisang humakbang papalayo dito. Inakala niya na maayos na ang lahat sa kanila ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay mabilis na nakayakap si Morris sa kanya.
"Please, Carlo. Bumalik ka na sa akin. Gagawin ko ang lahat para mahalin mo ko ulit basta iwanan mo lang ang lalake na yun." Ang pagmamakaawa niya, nagsisimula na rin tumulo ang mga luha sa mata ng lalaki.
"Tama na, Morris. Sinasaktan mo lang ang iyong sarili. Huwag na natin ipilit ang isang bagay na hindi na pwedeng ibalik. Mahal ko si Bullet at wala akong balak na hiwalayan siya tulad ng gusto mo. Hayaan mo na kong umalis." Ang wika ni Carlo.
Lalong nanguyapit ang lalaki sa baywang nito. "Hindi kita pakakawalan. Aagawin kita sa kanya! Kung kinakailangan na itakas kita ay gagawin ko huwag ka lang mapunta sa kanya." Ang banta ni Morris.
"Don't you dare do that or else, I will fucking kill you."
Papalingon pa lang si Morris sa kanyang likuran nang makatanggap siya agad ng isang malakas na suntok dahilan upang siya ay bumagsak sa may damuhan.
Napaawang naman ang bibig ni Carlo nang masilayan niya kung sino ang sumuntok. "B-Bullet?" Mabilis na nakalapit ito sa kanya sabay hinawakan nito ang kanyang baywang.
"Are you okay? Did he hurt you?" Ang nag-aalalang tanong ni Bullet.
"O-Okay lang ako. Hindi naman niya ako sinaktan." Ang sagot ni Carlo.
Napalingon silang dalawa sa papatayong si Morris habang hawak nito ang bibig na dumudugo dulot ng pagkakasuntok ni Bullet.
"I'm warning you, stay away from Carlo or I will bring you to hell myself."
"Hanep ka rin umasta ano? Noon pa man ay nakaabang ka na kay Carlo. Kahit na alam mong kami pa ay itinuloy mo pa rin ang pakikipagmabutihan mo sa kanya. Kung inaakala mo na nagtagumpay ka ngayon pwes nagkakamali ka dahil hindi ko kayo hahayaan na maging masayang dalawa. Ito ang tatandaan mo, sulitin mo na ang mga panahon na kapiling mo siya dahil sa pagbabalik ko ay kukunin ko na ang dapat na para sa akin at wala ka ng magagawa para pigilan ako." Ang huling mga salita na binitawan ni Morris bago siya tumalikod at tuluyang naglakad papalayo sa pwesto nina Bullet at Carlo.
"I will not let that happen." Ang sabi naman ni Bullet habang pinagmamasdan ang papalayong si Morris.
SUSUNDAN...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro