Chapter 4 | Can't Say No To The Offer
Sabado nang araw na iyon at maagang gumising si Via para ipaghanda ng mga babaunin sa field trip ang kambal. Buti na lang at nakahiram siya ng pera sa kaibigang may-ari din ng club na pinagta-trabahuhan niya sa gabi.
At habang nagluluto ay si Alessandro Castillano ang laman ng kaniyang isip. Hindi niya inasahang makikita itong muli sa pub kagabi.
Matapos niyang makipagsagutan sa lasing na customer ay saka lang niya napansin si Alessandro kasama ang suki na nilang si Mikey Conde. Naalala niyang magkaibigan nga pala ang dalawa.
Halos pangapusan siya ng hininga noong mga oras na iyon. She didn't expect to see him almost everywhere and it made her feel so ecstatic. Dahil sa presensya nito kagabi ay kaagad niyang nakalimutan ang inis sa nakasagutang customer. Kung parati ba namang naroon sa Poison Pub si Alessandro ay talagang sisipagin siyang pumasok gabi-gabi.
"Ate, may naghahanap po sa inyo," pukaw ni Blue sa kaniya.
Si Blue ang sumunod sa kaniya at ngayon ay disi-siete na. Sa kanilang magkakapatid, ito ang pinaka-matalino. At bilang panganay na lalaki ay responsable at disiplinado ito.
"May naghahanap? Sa akin?" ulit niya, salubong ang mga kilay.
Tumango si Blue at lumapit. "Ako na ang tatapos d'yan sa ginagawa mo, Ate. Harapin n'yo na po 'yong bisita."
Inabot niya ang sandok sa kapatid at hinubad ang apron upang ibigay rito. Matapos iyon ay kunot-noo siyang humakbang palabas ng kusina upang tingnan kung sino ang dumating na bisita.
Subalit sa paghawi pa lang niya ng kurtinang tumatabing sa pinto ng kusina ay natulala na siya nang makitang ang naroon sa maliit nilang sala ay si Don Armando Castillano. Napa-ngiti ito nang makita siya, saka tumayo mula sa pagkakaupo sa kawayang sofa.
"Good morning, Via."
"M—Magandang umaga din po, Don Armando." Hindi niya alam kung lalapit o mananatili sa kinatatayuan.
Paanong nalaman ni Don Armando ang pangalan at address ko?
"May iniwan kang impormasyon sa ospital noong dinala mo ako roon. I got your address from them," nakangiting sabi ng Don na tila nababasa ang nasa isip niya.
Tango lang ang naisagot niya. Hindi pa rin siya makapaniwalang nasa bahay nila ito.
"Can we talk?"
Muli siyang tumango. "M-Maupo po muna kayo. Gusto po ba ninyo ng kape o juice?" Wala silang juice, pero bahala na.
"H'wag ka nang mag-abala pa, hija." Muli itong naupo.
Sa nanginginig na mga tuhod ay humakbang siya palapit at naupo sa katapat na sofa.
"Nagtungo ako rito upang personal kang pasalamatan sa pagligtas mo sa buhay ko, Via. If you weren't there at that time, I could have died. I owe you my life."
Pilit na ngiti ang kumawala sa mga labi niya. "Naku, Don Armando, wala po iyon. Kahit sino naman po'ng mapadaan doon at makita kayo ay hindi magdadalawang-isip na tumulong."
Pinong ngiti naman ang ini-ganti ng matanda sa kaniya. "Bakit ka nga pala naroon sa sangang daan patungong resort noong araw na iyon?"
"Mag-a-apply po sana ako ng trabaho noon."
"How did it go?"
Napa-ngiwi siya. "Hindi po ako umabot."
"Iyon ba ay dahil hinatid mo ako sa ospital?"
Nakangiwi pa rin siyang tumango.
Masuyong ngumiti ang matanda. "How old are you, anyway?"
"Twenty-three po, Don Armando."
"Did you finish your studies?"
Kaloka! Ano 'to, job interview?
"Hindi ko po naipagpatuloy ang pag-aaral ko. Nasa huling taon na po ako sa kolehiyo nang mamatay ang mga magulang namin sanhi ng aksidente. Napilitan po akong huminto sa pag-aaral matapos ang nangyaring iyon, at para po matustusan ang pangangailangan naming magkakapatid ay nagtrabaho po ako."
"I'm sorry to hear that, Via."
Hindi na siya sumagot pa. Sa mahabang sandali ay nakatitig lang sa kaniya ang Don hanggang sa hindi na niya matiis ang sarili at nagtanong, "B—Bakit po ninyo naitanong?"
"Ang sabi mo ay pupunta ka sana sa resort noong araw na iyon para mag-apply ng trabaho. Wala ka bang trabaho ngayon?"
"Mayroon naman po, Don Armando. Tuwing gabi mula Lunes hanggang Sabado ay nagta-trabaho po ako sa Poison Pub sa bayan na pag-aari ng kaibigan ko. Bartender po ako roon. Naisip ko lang pong mag-apply sa resort pandagdag kita sana. Hindi po kasi sapat ang kinikita ko sa pub para sa mga gastusin naming magkakapatid." Nahihiya man siya ay kailangan niyang magsabi ng totoo.
Muli ay tumango ang matanda. Ang anyo ay naging seryoso. "How do you feel working at the pub?"
Ngumiti siya sa matanda. "Okay lang po. Masaya naman doon kahit may ilang mga pasaway na customers. Ang gusto ko roon ay sa tuwing nagbibigay ng malaking tip ang customer; pandagdag allowance din ng mga bagets."
Saglit na natahimik ang don at muling nag-isip. Ilang sandali pa'y, "Do you want to go back to college?"
Natigilan siya.
Ano raw?
"Like what I have said earlier, utang ko sa iyo ang buhay ko, Via. In return, I wanted to give you something that would help you and your siblings. I'm thinking about giving you a scholarship. Nasabi mong nasa ikatlong taon ka na sa kolehiyo nang huminto ka. Maaari mong ituloy iyon, at kapag nakapagtapos ka na'y makahahanap ka nang mas maayos na trabaho."
Sunud-sunod siyang umiling kasabay ng pagpaypay ng mga palad sa ere. "Hindi naman po ako humihingi ng kapalit sa pagtulong ko sa inyo, Don Armando. Kaya hindi ko po matatanggap ang—"
"Please, Via. Allow me to repay you. You saved my life and I wanted to change yours."
Namangha siya nang mahimigan ang determinasyon sa tinig ng don. Unti-unti niyang ibinaba ang mga kamay at sandaling natahimik. Hindi niya inasahan ang pagdalaw na iyon ni Don Armando Castillano, lalong hindi niya inasahan ang pag-a-alok nito ng tulong.
At ang totoo ay natutuwa siya.
Subalit naroon din ang pag-aalala.
Natutuwa siya dahil pangarap talaga niyang makapagtapos ng pag-aaral para makakuha ng mas maayos ng trabaho. Para sa kanya, wala nang mas mahalaga pa sa edukasyon. Nalungkot siya noong kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral pero hindi niya kayang tiisin at makitang naghihirap ang mga kapatid kaya pinili niyang isakripisyo ang sariling kagustuhan para sa mga ito.
Edukasyon ang susi sa tagumpay; naniniwala siya roon. Kaya tutulungan niya ang mga kapatid sa abot ng kaniyang makakaya, at sisiguraduhing makakapagtapos ang mga ito sa pag-aaral. Kapag natupad niya ang misyon na iyon ay para na rin niyang natupad ang pangarap niya para sa sarili.
Subalit nalulungkot din siya sa alok na iyon ni Don Armandao. Naisip niyang kung mag-aaral siya ay hindi na siya makakapagtrabaho upang suportahan ang mga kapatid. Paano na ang mga ito? Hindi niya kayang talikuran ang responsibilidad niya sa mga ito para sa sariling pangarap.
Isang mahabang buntonghininga ang kumawala sa lalamunan niya. Napayuko siya, at sa tinig na puno ng panghihinayan ay,
"Hindi ko po yata kayang tanggapin ang alok ninyo, Don Armando. Natutuwa po ako sa oportunidad na ibinibigay ninyo sa akin, pero hindi ko po kayang tumigil sa pagta-trabaho dahil sa akin nakasalalay ang pang-araw-araw naming gastusin dito sa bahay. Apat na tao po ang umaasa sa akin ngayon, apat na sikmura ang kailangan kong busugin. Malaking tulong po ang alok ninyong scholarship sa akin, pero..." Muli siyang huminga nang malalim, at sa mahinahong tinig ay ipinaliwanag niya ang nasa isip.
Matapos niyang sabihin sa matanda ang kaniyang saloobin ay ngumiti ito. "No problem, Via. I understand. At salamat sa pagpapaliwanag. Ngayon ay alam ko na kung papaano ako higit na makatutulong sa iyo."
Umangat ang tingin niya rito.
Si Don Armando ay pinong ngumiti. "Babawiin ko ang scholarship na inalok ko sa iyo upang ibigay sa mga kapatid mo. I want four of your siblings to be my scholars. Weekly allowance for each of them is included, of course. How about that?"
Nanlalaki ang mga matang napa-angat siya sa pag-kakaupo; hindi siya makapaniwala sa mga narinig.
Hanggang sa sabihin sa kaniya ni Don Armando na papuntahin sa mansion sina Blue at Grey upang mapag-usapan ang lahat ng detalye sa pag-aaral ng mga ito at plano sa kolehiyo ay hindi pa rin siya naka-apuhap ng sasabihin. Maraming sinabing magagandang mga plano ang don na halos hindi niya mapaniwalaan. Para siyang lumulutang sa alapaap sa labis na saya.
Nagsabi itong uunahin nitong asikasuhin ang para kina Blue at Grey, saka isusunod ang kambal. Nangako rin itong bibigyan siya ng mas maayos na trabaho sa resort na lalo niyang ikina-mangha.
Hanggang sa makaalis ang matanda ay hindi pa rin siya makapaniwala sa swerteng dumating sa kaniya. Ang alok na scholarship ng don para sa mga kapatid niya ay malaking tulong na sa kanila; pakiramdam niya ay natanggalan siya ng tinik sa dibdib. Ang pagbibigay nito ng day job sa kaniya ay bonus na lang. Para siyang nanalo sa lotto sa labis na swerteng dumating noong araw na iyon.
Wala na siyang mahihiling pa.
O... wala nga ba?
*
*
*
Mabilis na lumipas ang mga araw at si Via ay naging masaya sa bagong trabaho sa resort. She was assigned at the frontdesk.
Hotel and Restaurant Management ang pinag-aralan niyang kurso sa kolehiyo at lahat halos ng mga gawain sa hotel ay alam niya, kaya kahit saan siya ibagsak ay alam niyang hindi siya mangangapa.
Ang Resort de Almira ay dinarayo ng mga turistang bumibisita sa La Esperanza at sikat dahil sa white sand beach nito at mga water activities. Maganda ang estruktura ng resort, malaki at mayroong sampung palapag na hotel. Ang pamilya Castillano ay kabilang sa mga mararangyang pamilya sa La Esperanza at ang resort na pagmamay-ari nila ang siyang pinakamalaki at pinakamagandang resort sa bahaging iyon ng rehiyon. She was just so proud and happy to be working there.
Nasa staff room siya isang hapong at kasalukuyang nagpapalit ng uniporme nang makarinig ng tsismis mula sa dalawang kasamahan na nagbibihis din sa mga oras na iyon.
Ayon sa mga ito ay umuwi na naman daw sa La Esperanza si Alessandro mula Maynila. Ang narinig pa niya ay muling na-aksidente ang binata mula sa pagkakarera nito dahilan upang muling umatake ang sakit sa puso ni Don Armando.
Sa ngayon ay maayos na raw ang lagay ng don at ipinasundo nito ang anak mula sa ospital sa Maynila upang doon na sa La Esperanza magpagaling ng mga natamong sugat.
Alam niyang wala siyang karapatang mag-alala pero hindi niya napigilan ang sarili. Hiling niya na sana'y maging mabilis ang pag-galing ni Alessandro at sana'y matagal itong manatili sa La Esperanza para makita niya itong muli.
At mukhang narinig ng langit ang hiling niyang iyon.
Dahil nang sumunod na araw ay bigla siyang ipinatawag ni Don Armando sa mansion.
Bagaman nagtataka ay nagmadali siyang nagpahatid patungo roon sakay ng isa sa mga service vans ng resort.
Aba, tsansa na niyang makitang muli si Alessandro! Wala siyang pakialam kahit hindi siya nito kilala, ang masilayan lang ito ay makapagbubuo na ng araw niya.
Pagdating sa mansion ay kaagad siyang dinala ng katulong patungo sa home office kung saan naroon at naghihintay si Don Armando. Hindi niya gaanong pinansin ang karangyaan sa paligid dahil ang buo niyang pansin ay nasa puno ng hagdan sa itaas; umaasang makikitang nakatayo roon ang taong nais makita.
Subalit hanggang sa marating nila ang home office na nasa east side ng mansion ay hindi niya nasilayan kahit ang anino ni Alessandro.
"Narito na po tayo," pukaw ng katulong sa kaniya.
Ibinalik niya ang tingin sa dalagang kasambahay saka pinasalamatan ito. Nang makaalis ito'y saka siya kumatok sa pinto at hinihintay ang pagsagot ng don mula sa loob.
"Makapapasok ka."
Huminga muna siya nang malalim bago pinihit pabukas ang seradura ng pinto.
Si Don Armando na nakaupo sa likod ng executive table nito at tila hinihintay ang kaniyang pagdating ay malapad na ngumiti.
"Magandang hapon sa iyo, Via." Inituro nito ang upuang nasa harapan ng makintab at malaki nitong mesa. "Please have a sit; marami tayong kailangang pag-uusapan."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro