Chapter 1 - (Via; The Luckiest Dreamer)
"Lilac! Peach! Ano'ng oras na, mahuhuli na kayo sa klase! Kanina pa kayong dalawa r'yan sa kwarto, ah? Kilos-kilos hoy!"
Binulabog ng sigaw na iyon ni Via ang tahimik na bahay ng mga Santimeda nang umagang iyon. Tulad ng madalas na mangyari sa araw-araw, sa tuwing naghahanda na ang magkakapatid sa pagpasok sa eskwela, at sa tuwing kukupad-kupad ang mga ito sa pagkilos, ang sigaw na iyon na iyon ang laging kumakalampag sa paligid.
Pasado alas siete na at kailangan nang umalis ng mga bata. Alas siete y media ang unang klase ng kambal at alas otso naman ang schedule ng job interview na pupuntahan ni Via. Kailangan na nilang magmadali.
"Heto na nga po," ungot ng sampung taong gulang na si Lilac na siyang unang lumabas mula sa kwarto ng mga ito. Dumiretso ito sa mesa at kinuha ang plastic container na may lamang kanin at ulam saka ini-silid sa bag. "Hindi na ako kakain ng almusal, Ate."
"Talagang hindi na dahil wala na kayong oras. Ang kukupad n'yo kasing magkikikilos. Ano na naman ba ang pinagpuyatan ninyo kagabi at ano'ng oras na naman kayong nagising?"
"Si Peach kasi, Ate, ang ingay kagabi," sumbong pa ni Lilac sabay sukbit ng backpack. "Sinabi ko nang tigilan na ang pagbabasa ng komiks, eh. Ayaw paawat."
"Komiks na naman?" Ini-tukod ni Via ang mga kamay sa bewang. "Kung mga aralin ba naman sana ang pinagpuyatan ninyo'y wala kayong sermon mula sa akin. Pero komiks? Aba, ano ang isasagot ninyo sa mga test papers ninyo? Archie and friends?"
"Scooby Doo and friends, Ate," pagtatama ni Lilac na ikina-laki ng mga mata ng ate.
"Aba, sasagot ka pa?"
Bungisngis lang ang ini-sagot ni Lilac.
"Ate, ubos na ang conditioner natin," reklamo naman ni Peach paglabas ng silild. Nagsusuklay ito ng buhok; ang nguso'y nanunulis sa inis.
Dinilatan ni Via ang kapatid at inagaw mula rito ang backpack upang ipasok doon ang lunchbox nito.
Sina Lilac at Peach ay kambal at bunso sa limang magkakapatid. Parehong nasa grade three at kabilang sa highest section. Sa kabila ng pagiging identical twins ng mga ito ay magkaiba ng ugali ng dalawa. Si Lilac ay mas matured at behaved, samantalang si Peach nama'y maingay at makulit. Madaling sabihin na introvert si Lilac at extrovert naman si Pechay—langit at lupa ang pagkakaiba.
"Bilisan na ninyo at ano'ng oras na! Kapag hindi pa tayo nakaalis ngayon ay siguradong wala kang pang-conditioner hanggang pasko!"
Mabilis na sumunod si Lilac, habang si Peach naman ay bantulot na naglakad patungo sa pinto. Halos itulak pa ito ni Via para kaagad na makalabas.
Bago lumabas ng pinto ay dinaanan muna ni Via ang sofa na gawa sa kawayan saka kinuha ang brown envelope na nakapatong doon. Sa loob ay ang lahat ng mga requirements na kailangan niya para sa job interview. Katabi ng envelop ay ang bag kung saan naroon naman ang mumurahing cellphone at pitakang pamasahe lang ang laman. Nang makuha ang lahat ng mga dadalhin ay kaagad na lumabas ng bahay si Via. Ini-sukbit nito ang bag sa balikat at kinipkip sa kilikili ang envelope bago hinarap ang pinto upang i-lock.
"Ate, paaalahanan lang kita na sa makalawa na ang field trip namin at ngayong araw na ang deadline ng bayarin."
Sandaling natigilan si Via nang marinig ang sinabi ni Peach. Pumasok sa alaala nitong binanggit nga iyon ng kambal noong nakaraang linggo pero hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin itong naihahandang pambayad.
Napangiwi ito; bahagyang lumingon upang sulyapan ang kapatid. "Pwede bang sabihin n'yo muna sa teacher ninyo na bigyan pa ako ng palugit hanggang bukas? Maghahanap ako ng mahihiraman ng pera mamaya."
Sandaling nagkatinginan ang kambal, parehong nagkaintindihan, saka muling humarap.
"Okay lang naman na hindi na kami sumama sa field trip, Ate," sabi ni Lilac. "Field trip lang naman iyon, marami pang next time."
Madaling tinapos ni Via ang pag-lock ng pinto saka humarap at umiling. "Hindi. Sasama kayo dahil gagawa ako ng paraan. Hindi ako papayag na hindi ninyo maranasan ang field trip na iyan ngayong taon!"
Natigilan ang dalawa at napatitig sa ate.
Si Via ay hindi napigilang makaramdam ng guilt at lungkot habang nakayuko sa mga kapatid. Noong mga nakaraang taon ay hindi rin nakasama ang kambal sa mga school trips na labis na ikinalungkot ng dalaga, kaya ipinangako nito sa sariling babawi sa taong iyon.
Lumagpas ang tingin ni Via sa likuran ng kambal, doon sa kalsada, nang marinig ang paparating na tricycle. Ayaw nitong makita ng dalawa ang lungkot sa mga mata kaya naisip nitong umiwas at mabilis na humakbang palabas ng kawayang gate. Saktong dumaan ang tricycle, at iyon ay alistong pinara ni Via.
Nang huminto ang trayk ay saka nilingon ng dalaga ang dalawa. "O, ano na? Lumarga na kayo at anong oras na. Bukas ay ibibigay ko sa inyo ang pambayad ninyo sa trip."
Alanganing tumango ang dalawa, humakbang palabas ng gate, saka sumampa sa humintong tricycle.
Hanggang sa mawala sa tingin ni Via ang tricycle ay hindi ito umalis sa kinatatayuan. Hindi nito naiwasang makaramdam ng pag-aalala nang maisip na habang lumalaki ang mga kapatid ay lumalaki at dumarami rin ang mga gastusin nila sa bahay. Pero kahit na nahihirapan na si Via ay alam nitong hindi ito maaaring sumuko. Giving up was never an option, lalo at nangako ito sa mga magulang na itataguyod ang mga kapatid sa abot ng makakaya nito.
Tatlong taon pa lang ang lumipas matapos mamatay ang mga magulang nila sa isang aksidente. Ihahatid sana ng Papang nila ang kanilang Mamang sa bus station gamit ang motorsiklo nang may makasalubong ang mga itong pampasaherong bus na nag-overtake sa unahang sasakyan. Naidala pa sa ospital ang kanilang mga magulang subalit hindi nagtagal ay pareho ring binawian ng buhay.
Dating guro sa elementarya ang kanilang Mamang at patungo sana sa isang seminar sa Maynila noong araw na mangyari ang aksidente. Samantalang ang kanilang Papang ay dating kusinero sa pinakamalaking beach resort sa bayan nila. They were living a normal, but happy life.
Until that fatal accident.
Nakaramdam ng matinding lungkot si Via nang maalala ang nangyari sa mga ito. Nangako ito sa mga magulang bago ang mga ito binawian ng buhay na aalagaan at po-protektahan ang mga kapatid sa abot ng makakaya, at gagawin iyon ng dalaga sa kahit na anong paraang alam nito.
Nagising sa malalim na pag-iisip si Via nang marinig ang ingay ng papalapit na tricycle. Nakita nitong bakante iyon kaya pumara at nagpahatid sa Resort de Almira kung saan ito mag-a-apply ng trabaho. Iyon ang resort kung saan dating nagta-trabaho ang kanilang Papang.
Habang nasa daan ay wala sa sariling nakatingin si Via sa malapad na palayan at maisan.
La Esperanza. Iyon ang pangalan ng kanilang bayan.
Isa ang La Esperanza sa mga mayayamang bayan sa Hilagang Luzon na dinarayo ng mga turista dahil sa mga magagandang beaches at malalawak na farms. Apat na oras ang biyahe mula Manila at kalapit lang ng Bataan. Malinaw pa sa isipan ni Via ang araw na dinala ito ng mga magulang sa lugar na iyon.
Ang totoo ay hindi ito tunay na anak ng mag-asawang Santimeda. Ipinanganak ito sa Maynila at apat na taong gulang nang mamatay ang tunay na ina. Dahil wala itong kinagisnang ama ay naiwan ito sa poder ng malayong kamag-anak ng ina na naging malupit dito. One day, she took her chance and ran away. Tinakasan nito ang matandang tiyahin ng ina dahil nakabasag ito ng baso at akma sana itong papaluin kung hindi kaagad na nakatakbo.
Hindi na ito nakabalik pa matapos ang pagtakas na iyon. Ilang linggo itong naging palabuy-laboy sa kalye, nanlilimos ng barya sa mga simbahan kasama ang ilang mga batang kalye para may pambili ng kaunting pagkain. Deep in Via's heart she wished she'd find someone who would take care of her. At ang hiling na iyon ay nagkatotoo nang makilala ang mag-asawang Santimeda.
Isang araw ay nabundol ng kotse si Via. Ang mag-asawang Santimeda ang unang tumulong at nagdala rito sa ospital. Nang magkamalay ito ay naroon ang mag-asawa at nakabantay. They even offered to send her home, pero nang sabihin ni Via na wala na itong pamilya at bahay na matitirhan ay hindi nagdalawanag isip ang mag-asawang isama ito pauwi sa La Esperanza.
Naging mabait ang mag-asawa kay Via, inalagaan ito at minahal na parang tunay na anak. Ginawang legal ni Janice Santimeda ang pag-ampon sa bata. Makalipas ang isang taon ay nagdalantao ito sa unang pagkakataon at lumabas sa mundo si Blue.
Isang taon matapos maipanganak si Blue ay may inuwing batang lalaki si Benedicto Santimeda na ayon dito ay anak daw ng kumpare nitong namatay at walang mapag-iiwanan ng anak. Likas na mahilig sa bata ang mag-asawa at ikinatuwa ang pagkakaroon ng isa pang anak na lalaki na ka-edad lang din halos ni Blue. They adopted that child and named him Grey. Lumipas pa ang ilang taon at ipinagbuntis naman ni Janice ang kambal.
Ni minsan ay hindi naramdaman ni Via na ampon lang sila ni Grey. Pantay-pantay ang turing sa kanila ng mga magulang at parehong minahal at inalagaan. Malaki ang utang na loob ng dalaga sa kinilalang mga magulang at nangako itong aalagaan din at po-protektahan ang mga kapatid katulad ng kung paano itong inalagaan at niprotektahan nina Janice at Ben Santimeda.
*
*
*
Nagpahid ng luha si Via nang maalala ang mga kinagisnang magulang. Kapag ganoong naaalala niya ang mga ito ay naluluha siya. Tatlong taon na ang nakalipas pero hanggang sa mga panahong iyon ay masakit pa ring isipin na wala na ang dalawang taong naging mabuti sa kaniya.
Marahan siyang napasinghot at sinulyapan ang oras sa relo.
Dalawampung minuto bago mag-alas otso; kailangan niyang makarating sa resort nang maaga para mauna siya sa pila ng mga mag-a-apply. May pang-gabi siyang trabaho pero hindi sapat ang kinikita niya roon upang matustusan ang pangangailangan nilang magkakapatid.
Nasa sangang daan na sila patungo sa resort nang huminto ang tricycle dahil may sasakyang nakahinto at nakaharang sa gitna ng daan. Nilingon niya ang matandang tricycle driver at hinintay na bumaba ito upang kausapin ang sakay ng kotse subalit tila wala itong planong gawin iyon.
Napabuntonghininga siya saka bumaba at nilapitan ang sasakyan. Siya na ang makikiusap sa driver na padaanin sila at huwag haharang-harang sa daan. Mauubos ang oras niya kung si Mamang trayk driver pa ang hihintayin niyang kumilos.
Umikot siya sa driver's side ng kotse, at nang makitang nakabukas nang kalahati ang salaming bintana ay kaagad siyang kumatok. Nang walang tugon na natanggap ay tumingkayad siya at sumilip.
"Excuse me. Baka naman pwedeng gumilid kayo at—" Natigilan siya nang mapagsino ang driver ng kotse.
Don Armando Castillano!
Nakasandal ito sa upuan at sapo ang dibdib. Ang mukha nito'y maputla, ang mga labi ay bahagyang nakangiwi na tila may dinaramdam na sakit sa katawan. Nakita rin niya kung paanong tumaas-baba ang dibdib nito na tila naghahabol ng paghinga.
Bigla siyang natilihan nang may mapagtanto.
"Don Armando!" bulalas niya bago buksan ang pinto ng kotse. Mabilis niyang tinanggal ang pagkakakabit ng seatbelt nito saka hinawakan ang matanda sa magkabilang mga balikat. "Ano po ang nangyayari sa inyo?"
"P-Please bring me... to the... hospital. I... can't... breathe!"
Nataranta siya. Mabilis niyang sinigawan ang matandang tricycle driver at doon ay humingi ng tulong. Mabilis iyong tumalima at pinasibad ang trayk palapit.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro