Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Doll 5

Naitapon ko nang muli ang mga basurang itinaktak ko sa sahig ng kuwarto ko. Siniguro ko ring nakapaglampaso ako nang maayos para hindi sumangsang 'yung mga natitirang dumi. Nang masigurong linis na ang kuwarto ko ay naligo naman ako. Para kasing dumikit 'yung amoy ng basura sa balat ko e. Nakakahiya sa bisita ko.

Speaking of bisita.

Nandito pa rin kami sa loob ng kuwarto ko. Nakaupo kami ni Kian sa magkasalungat na direksiyon sa maliit na mesa na malapit lang sa bintana.

Ilang beses ko nang 'sinubukang magising' sa pagkumbinsi sa sarili kong nananaginip ako. Na baka vivid dream lang ito. Na baka naglu-Lucid dream lang ako. Pero wala eh, nauuwi rin sa kongklusiyon na totoo talaga ito.

Kunwari'y inaabala ko ang sarili ko sa pagtingin sa labas ng bintana pero makailang beses na akong lihim na tumitingin kay Kian.

Paano ko ba mapipigilan ang sarili kong hangaan ang taglay na kagandahan ng kanyang pagkalalaki? Na kung paanong mas pinatitingkad ito ng suot niyang kulay puti mula ulo hanggang paa? Hindi ko rin makontrol na suyurin ng tingin ang kanyang asul na mga mata na lubhang mas maganda kumpara sa larawan lang!

Ang guwapo-guwapo niya. Hindi pa siya ngumingiti niyan ha? Paano pa kaya kung ganoon? Baka mahimatay na ako. Huwag naman sana dahil nakakahiya.

Kumurap-kurap si Kian. Doon ko lang napagtanto na matagal na pala akong nakatitig sa kanya.

Nakakahiya!

Nagkunwa siyang tumikhim. "May dumi ba sa mukha ko, Miss—"

"Sarah. Sarah Harding." Pangalan lang naman ang itinatanong niya pero isinama ko na ang apelyido ko. Para alam na niya kung ano ang ngalan ng mapapangasawa niya in the future. Ha ha!

Wala sa sarili kong iniabot ang kanan kong kamay na wala naman niyang pagtutol na kinuha.

Gusto kong kiligin kaso pinigilan ko. Natatakot akong baka hindi ko na makontrol ang sarili ko sa oras na ginawa ko 'yun.

Pilit kong pinakalma ang sarili ko.

"G-Gusto mo ba ng makakain?" Lihim kong nakagat ang pang-ibabang labi ko. Hindi pa ako nakapaggo-grocery!

Umiling-iling siya. "Uminom na ako ng gatas bago matulog."

Tumango-tango ako. Napahinga ako nang maluwag. Simula ngayon ay hindi na ako magpapaubos ng stocks ng pagkain para sa mga pambihirang pagkakataon na ito. Mahirap na.

"Kian, sa tingin mo paano nangyayari ang lahat ng ito? Na ang Kian Egan doll na kabibili ko lang ay nagiging ikaw mismo. I mean—" Tumigil muna ako sa pagsasalita. Nagpakawala ng malalim na paghinga. "Hindi pa rin ako sure na ikaw 'yan. Baka masamang espiritu ka lang na tinutularan ang mukha ng iniidolo ko para madali mo akong malinlang!" Tinigasan ko ang anyo ko at tinitigan ko siya nang matalim.

Tama. May nabasa akong libro sa library na ang mga demonyo ay puwedeng manloko sa ganitong paraan. They attack their preys using their soft spot.

Dumilim ang mukha ni Kian. Nawala rin naman agad 'yun. Seryoso niya akong tinitigan. Medyo umangat siya sa pagkakaupo at inilapit nang bahagya ang mukha niya sa akin. "Itong guwapong ito, mukha bang masamang espiritu?"

Hindi ko alam kung matatakot ako o kikiligin. Ang sigurado ako ay natataranta na ako. Ilang pulgada lang ang layo namin!

Ipinagkit ni Kian sa kanyang labi ang pinakamatamis na ngiting kaya niyang i-produce!

Tila ba kinuryente ako ng libo-libong boltahe ng kuryente sa pagkakataong iyon. Nanulay ang kilig na dulot ng mga ngiti niyang 'yun sa buong sistema ko.

"Kung ayaw mong maniwala, manood ka ng MTV. May guesting kami bukas. Babatiin kita."

Lalo akong natilihan. Kung paano niya 'yun gagawin ay hindi ko alam.

"Oo na. Kumbinsido na akong hindi ka masamang espiritu."

Dahil isa kang anghel na bumaba sa lupa para pasayahin ako ngayong gabi.

Gusto kong isatinig 'yun pero wala akong lakas ng loob.

Iniiwas ko ang paningin ko sa kaniya habang pinaaampat ang kilig na nadarama ko.

Hindi ko pa siya kayang harapin kasi hindi mawala-wala ang pagngiti ko.

Nang muli kong ibaling ang mukha ko sa inuupuan niya ay wala na siya roon!

Nakaramdam ako ng kaunting pagkataranta. Saan kaya pumunta 'yun?

Hindi naman ako nahirapan dahil nakita kong nasa may study table ko siya.

Ah, nasa study table lang pal— Teka??

Napatayo ako bigla. Nilakihan ko ang hakbang ko makalapit lang agad doon. Hindi niya puwedeng makita ang mga nakadikit doon!

Pero wala na. Huli na.

"Nice." Bahagyang nakayukod ang katawan ni Kian habang nakatayo. Paano ay tinitingnan lang naman niya ang pictures ng Westlife na ginupit-gupit ko mula sa magazines at song hits. Ang may pinakamaraming solo picture ay siya.

Kung kasya lang ako sa loob ng cabinet ay sumuksok na ako roon at ini-lock ang sarili sa kahihiyan. Nabuyangyang sa kanya ang lihim kong paghanga.

"You did this?" pagtukoy ni Kian sa collage ng pictures niya na dinikitan ko ng stickers na heart at butterfly. Sinamahan ko pa 'yun ng sequins para mas makulay.

Alinlangan akong tumango habang nakayupyop ang mga kamay sa tagiliran. Muling napintahan ng ngiti ang mukha niya.

"Thanks. I appreciate it."

Hinayaan ko lang siya na tingnan ang simpleng artwork na ginawa ko para sa kanila. Nang sa tingin ko'y nagsawa siya ay muli siyang bumalik sa inuupuan niya.

"Sarah, you should sleep."

Kumibot-kibot ang labi ko. "H-Hindi pa ako inaantok."

"You should." Tinitigan niya ako. Yung titig na akala mo'y nangunguha ng kaluluwa. "I can sense that you're still a student based on your things here. Alas dos na."

Katahimikan ang namayani sa pagitan namin. Sa totoo lang, hindi ako sanay na mapuyat. Ngayon lang. Kung puwede lang tiisin ang sariling huwag matulog huwag lang siyang maging manika ulit e ginawa ko na sana.

Pero nagsanib-puwersa ang mga mata at katawan ko. Kapwa nagpoprotesta ang mga iyon na para bang nagsasabing matulog na ako.

Humakbang na ako palapit sa kama at umupo sa gilid noon.

"Ikaw? Paano ka? Ang ibig kong sabihin, paano ka babalik sa Ireland?"

Nagkibit-balikat si Kian. "It just happens. Like waking up from a normal dream."

Tumango ako. Humiga na ako sa kama at nagtalukbong ng kumot. Gusto ko pa sanang kausapin si Kian pero parang may sariling buhay ang mga mata ko dahil kusa nang sumara ang mga 'yun.

--

"Kung ikaw ay isang panaginip, ayoko nang magising." Pangiti-ngiti kong inihimig 'yun habang naglilinis ng mga pinagkainan ng customers.

Huling oras na ng shift ko. Pagkatapos nito ay dalawang bahay pa ang pupuntahan ko para mag-tutor.

I would like to believe na panaginip ang mga nangyari kagabi pero 'yung sakit ng katawan ko dahil sa pagkakahulog sa hagdan ay ramdam ko pa rin. Imposible namang sina Jodie at Tiyang ang nagdala sa akin sa kuwarto e wala naman silang pakialam sa akin.

"Sarah," pagtawag sa akin ni Lavinia na noo'y nagpupunas ng mga tuyong baso.

"Oh?"

"Naniniwala ka bang may kakayahang maging tao ng isang manika?" Tumingala ako habang binabalikan ng tanaw ang mga nangyari kagabi.

"Manikang nagiging tao? Hindi 'no." Itinuloy niya ang pagpupunas. "Naku, huwag mong sabihing umaasa kang magkatawang-tao 'yung Kian Egan doll mo ha?"

Ngumiti ako nang tipid habang umiiling. Hindi ako umaasa kasi nangyari na 'yun.

"Walang ganoon. Pero alam mo, magandang konsepto 'yan para sa Wansapanataym. Try mong ipasa," himig-biro ni Lavinia.

Natawa ako sa suhestiyon niya. Pero kung tutuusin e may punto naman talaga siya. It is a perfect concept for a fantasy TV show.

Napatigil ako sa paghuhugas ng pinggan. May muntik na akong malimutan!

Ngayon ang live guesting ng Westlife sa MTV!

Dali-dali akong nagpunas ng tuyong towel sabay pumunta ako sa dining area. Sakto namang MTV ang channel sa TV. Kasalukuyang iniinterbyu ang Westlife.

"Before we let you sing a song, would you like to say hi your fans?"

Naunang kumuha ng mikropono si Shane. "Hi, Gillian!"

Parang nahiya ang binata kaya ipinasa naman niya ang mikropono kay Nicky.

"Hoy, sino si Gillian?" Halos mahilo ako sa pagyugyog na ginagawa ni Hazel sa akin.

"Girlfriend yata ni Shane. Pinsan ni Kian," sagot ko. Alam ko kasi nabasa ko sa impormasyon na nasa song hits. Yung kolumn na pinamagatang Facts about Shane Filan.

Umaktong nasasaktan si Hazel. Nag-walling sa invisible na pader. "Shane, bakit mo nagawa sa akin 'to?"

Napahagikhik lang naman kami ni Lavinia. Napadako ang tingin ko kay Ria na tatahi-tahimik lang. If I know e medyo affected din 'yan. Umamin kasi siya sa akin na naka-crush-an na rin niya si Shane. Ayaw lang niyang sabihin kay Hazel kasi nahihiya pa siya.

At ang panghuli ay si Kian. "To Sarah who owns a Kian Egan doll, this performance is for you."

Kumindat si Kian sa camera at muli, nag-flash sa mga labi niya ang ngiting kayang bumuo ng nagugunaw na mundo ko. Ang ngiting kayang magpaliwanag ng madilim na buhay ko. Ang ngiting nagbibigay-lakas sa lahat ng panghihina ko.

Tumingin siya sa camera na para bang ako mismo ang tinitingnan niya.

"Oh! Sarah daw oh? Kinikilig ako!" Nakatanggap ako ng kabi-kabilang hampas mula sa tatlo.

"Kunwari ikaw 'yung Sarah na tinutukoy niya kahit imposibleng ikaw 'yun," wika ni Ria na noo'y hinihigit ang manggas ng blouse ko na halos mapunit na.

Grabeng kiligin ang mga 'to. Paano pa kaya kapag nalaman nilang totoong ako 'yung Sarah na tinutukoy ni Kian?

Hindi na nawala ang ngiti sa labi ko habang pinanonood ang live performance nila. Lalo iyong lumalaki sa tuwing ipinakikita sa cam si Kian.

Sabik na akong mag-alas dose ng gabi.

Kian, makikita kaya ulit kita?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro