Doll 4
"Jodie! Ano ba? Ibalik mo sa akin 'yung manika ko." Sunod-sunod ngunit mahihinang pagkatok ang ginawa ko sa pinto ng kuwarto niya.
"Wag kang madamot, Sarah. Ibabalik ko rin naman!" hiyaw niya mula sa loob. Pagkasabi niya noon ay nilakasan niya ang volume ng TV sa loob ng kuwarto.
"Jodie, buksan mo ang pinto." Halos tatlumpung minuto na akong nangangatok pero wala pa rin talaga.
Napasabunot ako sa buhok. Alam na alam talaga ng magaling kong pinsan kung paano ako iinisin. At 'yun ay sa pamamagitan ng pagkuha ng gamit ko nang walang paalam.
Nang nakaramdam ako ng pagod ay bumalik muna ako sa kuwarto. Gagawin ko muna 'yung RRL sa thesis ko.
Padaskol kong inilabas ang limang libro na nahiram ko sa sa library kanina at inilatag iyon sa desk.
Nagbukas ako ng isa. Pinilit ko ang sarili kong magbasa.
Pero kahit ilang beses akong magpabalik-balik sa iisang pahina pa lang ay walang na-a-absorb ang utak ko. Pilit nagsusumiksik 'yung alalahanin ko sa doll ko.
Isinara ko na muna 'yung libro. Kinuha ang cassette tape ng Coast to Coast at isinalang iyon sa player.
Mas umayos ang pakiramdam ko ngayon. Parang sandali ay nalimutan ko agad ang stress na idinulot sa akin ng pinsan ko.
Akma akong magsusulat nang may mabibigat na pagkatok sa labas ng pinto ko.
Natalima ako. Baka si Jodie na 'yun.
Baka isosoli na niya 'yung Kian Egan doll ko.
Iniwan ko muna 'yung gawain para pagbuksan ang kumakatok. Lumaylay ang balikat ko. Paano kasi e ang Tiyang pala 'yun.
Puting-puti ang mukha niya habang ang buhok naman nito ay mayroong hindi mabilang na curl rollers.
Nakapamaywang ito habang nakabusangot sa akin.
"Bakit po, Tiyang?"
"Anong bakit? Ang mga basura, hindi mo pa nailalabas!" singhal niya sa akin.
"Itatapon ko po mamaya pagkababa ko, Tiyang. Tatapusin ko lang po ang ginagawa ko."
"Aba, dapat lang! Kapag hindi mo tinapon 'yun, ako ang magtatapon niyan sa kuwarto mo."
Tumalikod na si Tiyang at akmang maglalakad nang lingunin niya akong muli.
"At 'yung mga timba at lampaso, iniwan mo pa sa may hagdan. Alisin mo 'yun doon!"
Kakamot-kamot na lang ako sa ulo habang tumatango. Sa loob-loob ko ay pati ba naman 'yun, iaasa pa sa akin? Gasino nang kusa na sanang itabi niya 'yun hindi 'yung hihintayin pa niyang ako ang magtabi.
Napabuntong-hininga na lang ako.
"Nagrereklamo ka?" Nakaarko ang kanang kilay ni Tiyang nang tanungin niya ako.
"Ah, hindi po Tiyang." Agad ko nang isinara ang pinto at muling bumalik sa desk.
Ilang segundo ko munang tinitigan ang mga librong nakabuyangyang sa lamesa. Kinondisyon ko muna ang sarili ko at nang maramdaman kong handa na akong magbasa ay nagbuklat ako ng libro.
11:45pm na ang oras sa relo. Katatapos ko lang sumulat ng RRL. Nakailang pasada na ako ng pagbabasa at matapos ang ilang rebisyon at pagtatama ng mga kamalian ay nakuntento na rin ako.
Saktong kaliligpit ko lang ay narinig ko ang mga pagkatok sa pinto. Hindi na ako nagdalawang-isip pang pagbuksan ang pinto.
"Oh, manika mo." Nagulat ako nang iabot ni Jodie ang doll ka sa pahagis na paraan.
Mabuti na lang e nasalo ko.
"Bakit naman kailangan pang itapon?" mapakla kong tanong sa kanya.
"Excuse me? Iniabot ko, hindi itinapon," protesta niya.
Inismiran ko na lang siya imbes sumagot sa patutsada niya. Bukod sa wala ako sa mood e wala na akong enerhiya. Inaantok na ako.
Umalis na rin naman na si Jodie.
Kinausap ko ang manika na animo'y may sariling buhay. "Mabuti na lang hindi ka nilamog ng pinsan ko." Masuyo kong hinagkan ang tuktok ng kahon. "Hayaan mo, bibili ako ng cabinet para hindi ka na basta-basta makuha ni Jodie."
Niyakap ko ang kahon. Isasama ko 'to pagbaba bago ako magtapon ng basura.
Nagugutom na rin ako dahil hindi pa ako nakakakain ng hapunan.
Sa pagbaba ko sa hagdan ay may naapakan akong kung ano.
Halos lumabas ang puso ko dahil napasala ang pagyapak ko sa baitang ng hagdan.
Madudulas ako!
Sinubukan kong magbalanse para makatayo ulit ako nang normal pero huli na ang lahat. Tuluyan na akong nalaglag pabulusok sa baba.
Ang huli kong natandaan bago ako panawan ng ulirat ay ang larawan ng Kian Egan doll ko na nabitiwan ko. Nakalapag ito sa sahig ilang metro sa kinasadlakan ko.
Noon di'y tuluyan nang nagdilim ang paningin ko.
Nagising ako sa tindi ng kirot ng balakang ko. Pakiramdam ko parang may nabali sa aking buto. Kung ano 'yun ay hindi ko alam.
Huli kong alaala ay nasa lapag ako.
Pero bakit pagmulat ng mga mata ko ay nasa kuwarto na ako?
Hindi naubos ang katanungan sa utak ko. Isang malaking palaisipan kung paano ako nakabalik dito.
Akma akong tatayo nang dumaing ang tagiliran ko. Wala akong nagawa kundi bumalik sa pagkakahiga.
Ang tangi ko lang nagagawa ay panoorin ang butiki na nasa kisame ng kuwarto ko.
"Gising ka na pala."
Bumahid ang pagtataka sa isip ko. Isang boses ng lalake ang pumailanlang sa kuwarto ko!
"S-Sino ka?"
Pilit hinanap ng mga mata ko ang pinanggagalingan ng tinig. Sa huli ay napadako 'yun sa bahaging kanan sa may unahan ko.
Bumundol ang kaba sa dibdib ko. Kailanman ay hindi ako nagpapasok ng lalaki sa tahanang ito lalong-lalo na sa kuwarto ko!
Unti-unting nagkakaanyo ang silweto ng lalaki habang naglalakad ito palapit sa akin.
"Ako si..."
Hinigit ko ang kumot palapit sa akin para magtago. Hindi ko na maitago ang panginginig ng buo kong katawan.
Ngunit nang maging malinaw sa akin kung sino ngayon ang kaharap ko ay para bang natanggal ang panga ko sa paghihiwalay ng mga labi ko.
Tama ba ang nakikita ko?"
Mabilis kong ikinurap-kurap ang mga mata ko. Ang pagtatago sa kumot ay hindi ko na ginawa. Ang takot na kaninang nararamdaman ko ay napalitan ng pagtataka.
"K-Kian? K-Kian Egan?"
Naudlot ang pagpapakilala ng lalakeng nasa harap ko. Nagliwanag ang mukha niya bilang apirmasyon. Mayamaya pa nga ay marahan itong tumango.
Napahawak ako sa lalamunan habang sunod-sunod na lumunok ng laway.
Kung panaginip ito, ayoko nang magising!
Napaka-vivid kasi. Parang totoo. Totoong-totoo.
Hindi ko namalayang nakaupo na pala siya sa may rattan chair sa tabi ng kama ko.
He's wearing an all-white outfit. Ang buhok niya ay katulad na katulad ng nasa litrato ng Westlife self-titled cassette tape.
Kusa nang kumikiwal-kiwal ang mga lamanloob ko.
"Bakit ka nandito?"
Umiling-iling si Kian. "Dalawang magkasunod na hapon nang nangyayari sa akin 'to. Hindi ako sigurado kung nananaginip ako sa isa pang panaginip o realidad ba ito. Ang alam ko, pangalawang beses na akong nagigising dito mismo sa..." Inilibot nito ang paningin. "..bahay niyo."
"Kanina nga ay nagising ako na nakahiga sa sahig at nakita kong wala kang malay. Binuhat kita papunta sa kuwarto mo."
Inalala ko ang nangyari kanina. Nadulas ako sa hagdan at ang huli kong naalala ay nakatingin ako sa Kian Egan do— Teka?
Naramdaman ko ang pamamawis ng mga kamay ko. Tinitigan ko si Kian pero saglit lang iyon. Hindi ko kayang ipukol ang tingin sa mga asul niyang mga mata. Parang mawawala ako sa katinuan!
May teorya na ako pero kailangan kong kumpirmahin muna ito.
"Kian, pakialalayan naman ako."
"Pero hindi mo pa kaya. Mukhang mataas ang kinalaglagan mo." Kita ko ang sinseridad sa mukha ni Kian.
Parang may nagsabog ng confetti sa paligid nang sabihin iyon ni Kian. He sounds concerned!
Nagpumilit ako. Sa huli ay wala siyang nagawa kundi alalayan ako.
Paika-ika kaming pumunta sa may hagdan. Mula sa taas ay tinalasan ko ang mga mata ko para may hanapin sa baba.
"Ano'ng hinahanap mo?"
Humugot muna ako ng lakas ng loob. Nahihiya akong sagutin siya.
"Ano... 'yung kwan..."
"Yung?"
"Yung Kian Egan doll ko. Nakita mo ba sa baba?"
Amusement ang nasa mga mata ni Kian. Siguro natutuwa siyang nangongolekta ako ng merch ng banda nila.
Inilagay ni Kian ang hinlalaki at hintuturo sa baba. Nag-isip siya nang malalim. Hindi rin nagtagal ay umiling-iling siya.
Napapitik ako sa hangin. "Kung gayon, nagiging tunay na Kian ang Kian doll ko!"
Tiningnan ko si Kian na kaharap ko. Parehong-pareho ang damit niya ng damit ng manika ko.
"Pero paano?" Isinuklay ni Kian ang mga daliri sa buhok.
Napasandal ako sa kanto ng hagdan. "Hindi ko rin alam."
Sa totoo lang, ayoko na munang isipin iyon. Ang gusto kong isipin ay kung paanong kanina ko pa nagagawang makipag-usap nang kaswal kay Kian na para bang matagal ko na siyang kilala!
Gusto kong maglulumpat sa saya!
"Ano bang ingay 'yan?" Boses ni Tiyang 'yun. Sinundan iyon ng pagpihit ng door knob.
"Bumalik ka muna sa kuwarto ko, dali!dali!" utos ko kay Kian.
Saktong iniluwa si Tiyang ng pinto ay nakapasok na si Kian sa kuwarto ko. Saka lang ako nakahinga nang maluwag.
"Ano'ng ginagawa mo sa dis oras ng gabi, ha?"
"Wala po, Tiyang."
"Anong wala? Yung basura ba, itinapon mo?"
Bumilis ang tibok ng puso ko. Yung basura nga pala!
"Sinasabi na nga ba e."
Nanlisik ang mga mata ni Tiyang na noon di'y bumaba agad ng hagdan. Alam ko na ang gagawin niya.
Itatapon ang mga basura sa kuwarto ko!
Nag-panic ako. Hindi puwede iyon. Nasa kuwarto si Kian.
Kailangan kong umisip ng paraan.
Mayamaya pa ay nakaakyat na si Tiyang dala ang dalawang supot ng black bag na puno ng basura.
"Tiyang.. huwag po."
Ngunit matigas ang damdamin ni Tiyang. Seryoso talaga siya.
Pinangunahan ko siya papuntang kuwarto. Sumilip ako sa loob. Nasa may likod lang ng pinto si Kian.
Nakakaramdam na ako ng taranta. Napadako ang tingin ko sa hawak ni Tiyang.
Kinuha ko ang basura at ako na ang nagtaktak sa sahig ng kuwarto ko.
"Ayan, Tiyang. Natapon ko na. Hehehe."
Pagtataka ang nasa mukha ni Tiyang. Alam kong gusto niyang magtanong pero hindi ko na siya hinayaan. Itinulak ko na siya nang marahan palayo sa kuwarto ko.
"Good night po, Tiyang. Pasensya na sa abala."
Hindi nawawala ang pagtataka ni Tiyang sa mukha. Siguro ay nagtataka siya kung bakit boluntaryo kong itinapon 'yung basura sa kuwarto.
Kailangan ko 'yun para hindi niya makita si Kian. Kundi e double trouble ang kalalabasan.
Napahinga ako nang maluwag nang marinig ko ang pag-lock ng pinto ni Tiyang. Saka ko napagdesisyunang bumalik sa kuwarto kong alam ko ay umaalingasaw na.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro