Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Doll 3

Makailang ulit kong ikinurap-kurap ang mga mata ko habang nakatitig sa silweto ng isang lalaki.

Ito ang humahaplos sa buhok ko!

Bagama't hindi ko makita ang mukha nito dahil sa malamlam na liwanag sa basement ay sigurado akong ngayon ko lang nakita ito.

Madilim lang ang anyo nito kaya hindi ko maaninag ang kaniyang ekspresyon sa mukha.

"S-Sino ka?"

Wala akong naapuhap na sagot mula sa lalaki.

Nagsisimula nang umahon ang pangangatog mula sa tuhod ko papunta sa dibdib ko pero hindi ko pinahahalata. Nagtapang-tapangan pa rin ako!

Pasimple kong iginala ang mga mata ko para maghanap ng pandepensa. Napangiti naman ako nang may makita akong lumang dust pan na halos katabi ko lang.

Hindi na ako nagdalawang-isip kaya pinulot ko ito at iniamba sa lalaki na halos limang hakbang lang ang layo sa akin.

"Sino ka?" Sunod-sunod na paglagok ang ginawa ko sa kabila ng panunuyo ng lalamunan ko. "K-Kapag hindi ka sumagot, i-ihahampas ko 'to sa 'yo!"

Sa puntong iyon ay gumalaw ang anino.

"Ahhhhhh!"

Hindi ko alam kung pumunta 'yun papunta sa akin at ayaw ko na ring alamin. Ang tangi kong alam ay natatakot ako. Takot na takot ako!

Dumapa ako sa sofa at isinubsob ang mukha ko sa aking mga braso.

Ipapapatay ba ako nina Tiyang kaya nag-hire sila ng killer para masolo na nila ang bahay?

O talagang multo lang talaga 'yung nakita ko? Multo ng taong dating nagmamay-ari ng tinitirhan namin?

Pero hindi eh. Sina papa at mama ang nagpatayo nito eh.

Ah basta!

Ayoko nang mag-isip pa. Lalo akong natatakot!

"Wag kang lalapit, please? 'Wag kang lalapit!" pakiusap ko. Baka naman kasi maawa kapag nakitang takot na takot ako.

Ilang minuto pa ang pinalipas ko. Nakadapa pa rin ako.

Pero malakas ang pakiramdam kong nag-iisa na lang ako.

Unti-unti kong iniangat ang mukha ko. Nilaksan ko pa ang loob ko upang lingunin ang kinatatayuan kanina ng lalaki.

Ngunit wala na 'yun doon.

Nagpalinga-linga pa ako. Wala na talaga.

Tuluyan na akong tumayo at gamit ang flashlight na dala ay nilibot ko ang buong basement.

Walang bakas ninuman.

Iyon naman ang ikinataka ko.

Kitang-kita ko talaga na may tao. Hindi ako puwedeng magkamali!

Ilang ikot pa ang ginawa ko para kumpirmahing wala talagang tao at sa pang-apat na pagkakataon ay wala pa rin akong nakita. Sa huli ay sumuko na rin ako at napagdesisyunang bumalik na sa sofa.

Nakakailang hakbang na ako nang may natamaan ang paa ko. Tinutukan ko ng flashlight 'yun.

"Yung Kian Egan doll ko!" Nakalapag sa maalikabok na sahig ang Kian Egan doll ko na bahagya pang nakabukas.

"Naku, naku! May pumasok pang alikabok sa loob!"

Umupo na ako sa sofa at kinuha roon ang panyo ko saka mineral bottle na nakapangalahati na.

Binasa ko ang panyo ng tubig at tangkang ipapahid 'yun sa kahon nang maalala kong.... oo, kahon nga pala ito. Baka malukot kapag nadampian ng basa.

Kaya ang ending e ginamit ko na lang ang kabilang dulo ng panyo na hindi ko binasa sa tubig. Ito 'yung ipinampahid ko sa kahon.

Walang kahirap-hirap ko munang inialis ang manika sa loob. Itataktak ko kasi 'yung kahon para mawala 'yung alikabok sa loob.

Mayamaya ay ayos na rin. Nalinis ko na ang kahon saka ibinalik ko na ang manika sa loob noon.

"Ayan. Parang bagong bili ka na ulit!" Umarko ang ngiti sa labi ko.

Pinagsawa ko muna ang mga mata ko sa doll na hawak ko. Nang makuntento ay napagdesisyunan ko nang ibalik ito sa backpack ko.

Akma ko nang ipapasok ito sa bag nang mapatigil ako. Napaisip ako nang malalim.

Bakit nasa lapag 'yung doll? Hindi ko naman naalalang inilabas ko ito sa bag!

Umusbong ang kaba sa dibdib ko sa puntong naririnig ko na ang pagkabog ng dibdib ko.

Hindi kaya?

...

..

Pinasok kami ng magnanakaw?

Hindi kaya may nagkainteres sa Kian Egan doll ko?

Hindi puwede!

Kaya hindi ko na inilagay ang manika sa bag ko. Kinuha kong muli ito. Itatabi ko na lang sa pagtulog ko.

Maghalo man ang balat sa tinalupan, lumuhod man ang mga tala, hinding-hindi ko isusuko ang doll ko.

Buong ingat akong humiga patagilid sa sofa habang nakayakap sa kahon.

-

Nagising ako sa pagkaluskos ng tunog ng kadena na nagmumula sa labas ng pinto.

Napabangon ako sa sofa habang nakatingin lamang doon. Mayamaya ay may puwersang nagtulak mula sa labas. Dumungaw mula roon ang ulo ni Jodie.

"Lumabas ka na raw. May ipapabili si mommy sa 'yo sa palengke." Nakahalukipkip pa siya habang nakataas ang kanang kilay.

"Oo. Susunod na."

Akala ko e lalabas na siya pero hindi siya natinag sa kinatatayuan niya. Hinihintay yata ako.

Sinubukan kong tumayo pero kumirot ang bandang tagiliran ko. Sinundan pa iyon ng panaka-nakang pagsakit ng iba't ibang parte ng katawan ko.

Naalala ko na naman ang ginawa sa akin ni Tiyang.

Kumirot na naman ang dibdib ko. Hindi kasi ako makapaniwalang magagawa niya 'yun sa akin. Dati, pinipingot lang niya ako, kinukurot o hinihila sa buhok pero sumosobra na ngayon.

Inialis ko ang isiping iyon. Pinilit ko na lang makatayo kahit nawawalan ako ng balanse. Kailangan ko na ring kumilos dahil may klase ako ngayong alas nuwebe ng umaga.

Sumulyap ako sa sofa na hinigaan ko at napadako ang tingin ko sa boxed Kian Egan doll na katabi ko pagtulog.

Kusang ngumiti hanggang tainga ang mga labi ko. Itong manika lang ang nagpaganda sa buhay ko sa lahat ng pangit na nangyari mula pa kagabi.

Kinuha ko 'yun at dinala sa 'king mga labi.

"Mabuti na lang hindi nayupi 'yung kahon." Inihele-hele ko ang manika na parang bata.

"Hey. Ano 'yan?"

Napaigtad ako nang mausisa kong nasa likod ko na pala si Jodie.

Hinarap ko siya at itinago ang manika sa likod. "W-Wala."

Iniikot niya ang itim ng kanyang mga mata. "Ano sabi 'yan?"

Sinubukan niyang kuhanin ang hawak ko hanggang sa mahuli niya 'yun.

Ramdam ko ang pamumutla ng mukha ko nang makita ko ang malademonyong pagngisi niya habang hawak-hawak ang manika.

"Ohhh... Westlife." Tumango-tango siya. "Tingnan ko nga."

Wala na akong nagawa nang alisin niya ang manika sa kahong pinaglalagyan nito.

"Y-Yung box, ingatan mo. Huwag m—"

Lumaylay ang balikat at sumambakol ang mukha ko nang may napunit siyang bahagi sa opening noong box.

Napabuntong-hininga ako. Sadya kong ipinarinig 'yun sa magaling kong pinsan para iparating sa kanya ang disappointment sa ginawa niya!

"Oops." Itinakip niya ang kamay sa  bibig niya habang nang-uuyam na tumawa. Sinamaan ko lang siya ng tingin.

"Hmmm... Ang cute ng manika. Hihiramin ko lang 't—"

"Hindi!" Hiniklas ko ang manika mula sa mga kamay niya at muling ibinalik iyon sa kahon. "Mapapalampas ko ang pagkuha mo ng mga damit ko sa drawer ko kahit hindi mo na naisasauli pero itong manikang pinaghirapan kong bilhin, hindi mo 'to mahihiram, Jodie."

Tuluyan ko nang isinilid iyon sa bag na dala ko kagabi. "Bumili ka ng sarili mong manika."

Kahit tumalikod na ako palabas ng pinto ay ramdam ko ang inis sa pinsan kong naiwan sa loob.

-

"Oh, mukhang malalim na naman ang naiisip mo ah?" Si Mylene ang nagsalita, ang tanging ka-close ko sa mga kaklase ko. Siya rin ang partner ko sa thesis. Nasa classroom kami ngayon habang naghihintay ng prof sa first subject.

Hindi ako natinag sa puwesto ko. Hindi ko rin siya sinagot.

"Sarah, ano 'to?" Pagkataranta ang nahimigan ko sa boses niya. Nilingon ko na siya sa pagkakataong ito. Nakatingin siya sa braso kong may malaking pasa.

"Ahh. Wala 'yan. Napatama lang sa kanto."

"Kanto? Eh paano 'to? Saka ito? At ito pa?" Itinuro niya ang iba pang mas maliliit na pasa pati sugat na mayroon ako.

Tinitigan ko lang siya at nang makakuha ako ng lakas ng loob ay sinagot ko na siya. "Wala talaga 'yan. Huwag mo nang pansinin." Muli akong nangalumbaba sa desk ko.

"Alam mo, Sarah matagal na kitang sinasabihan na isuplong 'yang tiyahin mo sa mga parak. Sumusobra na 'yang tiyahin mo e. Naku, kapag hinayaan mo lang nang hinayaan 'yang mga 'yan e baka mapatay ka na sa susunod. Sige ka, ikaw rin."

Hindi man ako sumagot ay tumimo naman ang mga sinabi niya sa isip ko.

"Nandiyan na si prof. Makinig na tayo."

Doon natigil ang pag-uusap naming magkaibigan.

---

Pagkatapos ng tatlong oras na klase namin ay nagyaya muna si Mylene sa bahay nila. Sabi kasi niya e binili ng ate niya 'yung kauna-unahang DVD ng Westlife na kari-release lang ngayong buwan.

Siyempre umoo agad ako. Westlife 'yan e. Hindi ko talaga palalampasin kaya kahit pa gusto ng katawan kong humilata na lang para magpahinga dahil sa pananakit pa rin ng tagiliran ko e tumuloy pa rin ako.

Halos liparin ng mga paa ko ang bahay nina Mylene. Excited akong makita 'yung DVD.

-

"Hello, Ate Sheila Mae!" bungad kong pagbati sa nakatatandang kapatid ni Mylene. Mas matanda lang ito sa amin ng dalawang taon. Nagtatrabaho siya bilang nurse sa United Kingdom. Kauuwi lang sa Pilipinas noong isang linggo para magbakasyon.

"Sarah, kayo pala 'yan. Pasok na." Binalingan nito ang kapatid. "Mylene, pumunta ka nga sa bakery. Bumili ka ng Pop Cola at bente pirasong pinagong. Magmeryenda muna kayo habang pinapakuluan pa itong ginataang munggo."

Pagkaalis ni Mylene ay iginiya ako ni Ate Sheila papasok.

Umupo muna ako sa sala at inilibot ang tingin sa mga naka-display sa furnished wooden cabinet.

Iba't ibang CDs ang naroon. CD nina Britney Spears, Backstreet Boys, Moffats. Mayroon ding Hanson. May cassettes din.

Halatang collector ang ate niya.

Hindi rin sa akin nakaligtas ang ilang cassette tapes ng Westlife na nakasalansan kasama ng tapes ng Michael Learns to Rock.

Sa may baba ay nakalagay doon ang isang parihabang lalagyan — na may nakaimprentang mukha ng Westlife!

Nagsirko ang daloy ng dugo sa may tiyan ko. Kahit picture lang ng Westlife e natitilihan ako!

"Yan 'yung Westlife story DVD na sinasabi ko sa 'yo." Si Mylene ang nagsalita. May hawak siyang Pop Cola at supot ng pinagong sa magkabilang kamay. "Teka."

Ipinatong niya ang dala sa center table at saka bumalik ulit sa puwesto ko. Ini-slide niya ang manipis na glass na humaharang sa koleksiyon ng ate niya at kinuha roon ang DVD.

Isinalang ni Mylene ang DVD sa player at hinayaan lang niyang hawakan ko ang bakanteng lalagyan.

-

Ilang oras din ang iginugol ko kina Mylene. Walang humpay naming pinanood ang laman ng DVD na kung hindi ko lang kailangang umalis e tatapusin talaga namin 'yun.

Kailangan ko pa kasing bumili ng copy paper para sa typewriter. Kailangan ko 'yun dahil magta-type ako mamaya ng RRL sa thesis namin.

Hanggang sa makauwi ako ay 'yung DVD pa rin ang naiisip ko. Gustong-gusto ko rin noon kaso hindi pa ako makakabili. Nangako na lang ako sa sarili ko na pagbubutihin kong mabuti ang pag-aaral ko para maka-graduate agad. At kapag naka-graduate ako, magtatrabaho ako. Kapag kumikita na ako nang maayos ay puwede ko nang mabili ang anumang merch na gustuhin ko tulad ni Ate Sheila.

"Ang guwapo talaga ni Kian." Muli kong binabalik-balikan ang mga eksena kung saan ipinapakita ang lalaking itinitibok ng balun-balunan ko. "Parang lalo akong nafo-fall sa kanya sa tuwing nakikita ko smile niya!"

Sandali kong itinigil ang pagma-mop sa gitna ng hagdan. Isinandig ko muna ang mop sa gilid at umupo ako sa isa sa mga baitang. "Sana ako na lang ang dahilan ng mga ngiti niya."

Iniisip ko pa lang na may ibang nagpapangiti sa kanya ay naninikip na ang dibdib ko!

Hay naku, Sarah. Wala kang karapatang managhili. Wala. None.

Napabusangot ako. Itutuloy ko na sana ang pagma-mop nang may magsalita sa may pinakataas ng hagdan.

"Hoy, Sarah, hihiramin ko lang si Kian ha?"

Naalarma ako sa sinabi niya. Ang manika ko!

"Jodie, ibalik mo sa akin 'yan!"

Nanunuyang umiling lang ang magaling kong pinsan papunta sa kuwarto niya.

Dali-dali ko naman siyang hinabol. Hindi ko napansing nakalimutan ko pala ang mop at timba na may lamang tubig sa gitna ng hagdan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro