Doll 2
"Patingin naman ng doll mo, Sarah!" pakli ni Hazel, ang isa sa mga katrabaho ko.
"Sige. Tingin lang ha? Huwag niyong bubuksan." Buong ingat kong iniabot ang kahon sa kanya. Hindi kasi ganoon katibay ang transparent na cover nito. Sa tingin ko e kaunting likot lang ang gawin mo e parang mayuyupi agad.
Agad pinagkaguluhan nina Lavinia, Hazel at Ria ang manika ko.
Bumaling sa akin si Hazel. "Hindi ka nagsasabi na idolo mo pala ang Westlife. Fan din nila ako!"
Pumalakpak ang tainga ko dahil sa narinig mula sa kanya. Mukhang mas lalo akong mapapalapit sa kanya!
"Talaga? Sino ang paborito mo sa kanila?" Sa pagkakataong 'yun ay nilapitan ko na siya.
"Si Shane!" Ang isa sa mga pangunahing bokalista ng Westlife ang tinutukoy nito. Muling binalingan ni Hazel ang manika. "Sana nga makabili rin ako ng Shane Filan doll. Masyadong mahal kasi e. Buti ka nga, nakabili ka ng sa 'yo."
"Masipag naman kasi 'yan si Sarah. Alam niyo namang kung ano-anong raket ang pinapasok niyan." Si Ria ang nagsalita.
Tipid akong ngumiti.
"Sa sobrang sipag, hindi na nakakasama sa mga gimik natin," saad ni Lavinia na ipinatong ang mga kamay sa kanan kong balikat. "Tara, punta tayo sa tipar mamaya? Maraming boylet doon!"
"Naku, gustuhin ko man e alam niyo namang hindi papayag ang Tiyang." Kinuha ko na ang kahong naglalaman ng manika at inilagay 'yun sa backpack. "Alam niyo namang ang laki ng galit noon sa akin." Isinara ko na ang bag at isinuksok sa nakatalagang locker sa akin.
"Kuuuuh, takot ka pa rin sa Tiya mo? E panigurado namang kaya mo naman nang buhayin ang sarili mo kahit wala ka sa poder nila," buwelta ni Ria.
"Tama!" pagsegunda naman ng dalawa.
"Alam ko." Humugot muna ako ng malalim na paghinga. "Pero alam niyong hindi ako puwedeng umalis sa bahay. Babawiin ko pa 'yun. Sa mga magulang ko 'yun nakapangalan at ako ang legal na tagapagmana noon. Kung aalis ako, parang ibig kong ipakahulugang ipinauubaya ko na ang bahay kina Tiyang at Jodie."
Isinuot ko na ang apron at hair net. "Tara na. Oras na ng trabaho."
Humihimig ako habang sinasabayan ang kantang pinatutugtog sa stereo. Ang Oops... I Did It Again! na bagong kanta ni Britney Spears. Medyo upbeat itong kanta kaya hindi ko mapigilang mapaindak.
Mas lalo na akong ginanahan nang ang sumunod na kanta naman ay ang Uptown Girl na kabilang sa Coast to Coast album ng Westlife.
Nai-imagine ko pa lang ang mukha nila sa music video ay napapangiti na ako. Ang gaguwapo nila roon lalo na siyempre si Kian ko.
Itinuloy ko na ang paglilinis ng lamesa. Mas lalo lang akong nasabik umuwi. Aabangan ko 'yang music video sa MTV para man lang bago ako matulog ay mabuo naman ang araw ko.
Alas siyete na ng gabi. Tapos na ang shift ko. Nagbibihis na ako ng kaswal na damit nang bulabugin ako nina Hazel.
"Sarah, join ka na sa 'min. Minsan lang kami magyaya 'noh?" ani Ria na nakapulupot ang mga kamay sa braso ko.
Napintahan ng pagtataka ang mukha ko. "Saan ba ang punta ninyo?"
Nagtinginan ang tatlo na sabay-sabay ngumiti sa isa't isa. "Sa disco bar!"
Ang tinutukoy ng mga ito ay ang establisyimento sa may kanto.
Binawi ko ang braso ko mula kay Ria. Nagpakailing-iling ako. "Naku, huwag na! Baka may makakita pa sa akin. Wala rin akong dalang maayos na dam—"
Naputol ang sasabihin ko nang marahang ibinato ni Hazel ang isang plastic.
"Ano 'to?" Ibinuyangyang ko ang laman noon at tumambad sa akin ang green leopard print dress, stockings at boots. "Hindi halatang ready kayo 'no?" saad ko habang ini-stretch ang dress para sipatin ang bawat detalye.
"Bihisin mo na 'yan nang maaga tayong makapunta. Para maaga ka ring makauwi nang hindi ka malagot sa mala-godzilla mong Tiyahin," untag ni Lavinia. Matapos ay pinagtulungan na akong itulak ng tatlo papunta sa comfort room.
Hindi na ako tumutol pa. Inisip kong baka makatulong din ito para mawala pansamantala ang mga iniisip ko.
Aagahan ko na lang ang pag-uwi para hindi ako hanapin ni Tiyang.
--
Kanina pa kami sa gitna ng dance floor. Ngayon ay nagsisipagsayawan pa rin kami at sa pagkakataong ito ay sinasaliwan namin ang Waiting for Tonight ni Jennifer Lopez.
"Waiting for tonight, oh
When you would be here in my arms?"
Halos mapatid ang litid namin sa pagkanta. May papikit-pikit pa para damang-dama.
"Waiting for tonight, oh
I've dreamed of this love for so long
Waiting for toni—"
Napamulat ako ng mga mata nang may bumunggo sa balakang ko. Tiningnan ang may gawa.
Mulagat ang mga mata ko nang matanto kung sino ang kaharap ko.
"Jodie—"
May hawak siyang cup na wari ko ay cocktail drink ang laman. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang kasama niyang lalaki na tikwas na ang buhok sa labis na gel na inilagay. Sobrang makalingkis ng kamay nito sa pinsan ko. Wari ko ay ito ang nobyo niya.
"Look who's here." Isang ngiting may halong pang-uuyam ang ipinukol niya sa akin.
Napatigil na rin sa pagsasayaw sina Hazel, Ria at Lavinia nang maramdaman ang komosyong namamagitan sa amin. Nanatili sila sa likod ko bilang suporta. Ang mga tao naman sa paligid namin ay parang walang pakialam dahil tuloy lang ang mga 'yun sa pag-indak.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" Hindi ko iniaalis ang tingin ko sa kanya. Nagtagisan kami ng tinginan na sa huli ay ako ang unang nagbawi ng mga mata.
"I should be the one asking that, cousin." Binigyang-diin niya ang huling salita. Hindi naman lingid sa akin ang pagkadisgusto niya na kami ay magkaugnay bilang magpinsan.
"Mom should know about this." Isang malademonyong ngisi ang sumilay sa labi niya.
Nagtagis lang ang mga bagang ko ngunit hindi ko ipinahalata. Pinipilit ko pa ring maging kalmado.
"Let's go, boo," saad niya sa kasama niya. Binigyan niya ako ng isang makahulugang sulyap bago ako tuluyang talikuran.
"Mukhang magsusumbong ang bruha!" bulalas ni Hazel na noo'y kumuyumos ang mukha sa inis.
Nanlupaypay ang mga balikat ko. "Nawalan na ako ng ganang sumayaw."
Muli kaming bumalik sa lamesang inireserba para sa amin. Doon ay nangalumbaba ako.
Isa-isa kong tiningnan ang mga kasama ko. "Mauuna na ako."
Disappointment ang lumarawan sa kanilang mukha ngunit sa huli ay tumango-tango lang sila.
Isinukbit ko na ang backpack kong dala at palabas na sana ng disco-han nang pumailanlang ang isang tunog na pamilyar na pamilyar sa akin.
Sa puntong iyon ay muli akong napalingon sa lamesang aking iniwanan.
Nagtama ang tingin namin ni Hazel at isang ngiti ang sumilay sa mukha namin.
"I lay my love on you
It's all I wanna do
Every time I breathe I feel brand new
You open up my heart
Show me all your love, and walk right through
As I lay my love on you"
Nag-apir kaming apat pagkatapos naming sumayaw sa tugtog ng "I Lay My Love on You".
Mukhang ayaw pa yata akong pauwiin ng pagkakataon kaya nagdesisyon akong manatili na lang. Inaasahan ko na ring makakarating ito kay Tiyang dahil kay Jodie pero medyo nakampante ako. Nandito rin naman ang anak niya at magkaedad lang kami. Wala naman akong ginagawang anuman na makahihila pababa sa dangal niya.
Iniwasan ko na lang ang uminom ng alcoholic drinks. Okay na ako sa juice.
Napagpasyahan naming enjoy-in na lang ang aming mga sarili kaya sumayaw na lang ulit kami sa dance floor.
'Yun nga lang, sa labis na saya namin e nawala sa isip ko ang pag-check sa oras.
"Hala, alas onse y medya na." Namutla ang mukha ko. Tiyak magagalit na talaga si Tiyang. Ito na kasi ang pinaka-late kong uwi.
---
"Anong oras na?"
Madilim na anyo ni Tiyang Cynthia ang nadatnan ko pagkabukas ko ng pinto.
"Mag-aalas dose po."
"Uwi ba 'yan ng matinong babae?"
Nanatili lang akong nakayuko. Nauunawaan ko kung ano ang pinanggagalingan ng galit ni Tiyang.
"Mabuti at nasabi ni Jodie ang kagagahang pinaggagawa mo kanina. Hindi ka na nakuntento sa pag-inom ng alak e nakipaghalikan ka pa sa lalaki. Hindi kita pinalaking pokpok!"
Nagpantig ang tainga ko. Doon ko iniangat ang tingin ko at napapunta iyon sa may dibisyon ng sala at kusina. Nakita kong nakasilip doon si Jodie. Pinipigilan nito ang matawa.
Nagtagis ang mga bagang ko. Ikinuyom ko pa ang aking mga palad.
Binaligtad niya ako!
"Tiyang. Wala po akong ginagawang masama. Nagkasiyahan lang po kami ng mga katrabaho ko." Sinabi ko iyon sa pinakamahinahong paraan. Kahit naman kasi ganito ang trato sa akin ni Tiyang ay nirerespeto ko pa rin siya bilang tiyahin. Hangga't maaari ay iniiwasan kong siya ay sagut-sagutin nang pabalang. "Si Jodie po ang tanungin niyo kung ano ang ginawa niya kanina sa bar."
Parang may patalim ang pagtinging iniukol sa akin ng aking pinsan. Nagsalubong ang mga kilay nito. "Siya po ang may kalantaring lalake kanina habang umiinom ng alak."
"Aba't gusto mo pang baligtarin ang anak ko?" Nakagat ni Tiyang Cynthia ang pang-ibabang labi. Mabibigat ang yabag na nilapitan niya ako. "Parito ka."
Pinilipit niya ang dahon ng aking kanang tainga dahilan para mapahiyaw ako sa sakit.
Hindi pa siya nakuntento dahil itinulak niya ako kaya napatama sa glass center table ang tagiliran ko!
Kung gaano kalakas ang paghiyaw ko ay hindi ko na masukat. Basta ang alam ko ay sobrang sakit ang nararamdaman ko.
Hindi pa ako natatapos sa pagdaing ay itinayo ako ni Tiyang. Marahas niyang hinawakan ang braso ko at kinaladkad sa bodega sa basement.
"Diyan ka matutulog ngayong gabi bilang parusa! 'Pag hindi ka nagtino, diyan ka na matutulog nang permanente!"
Ibinalagbag ni Tiyang ang pinto. Mayamaya ay narinig ko ang pagkalampag ng kandado. Siguradong ini-lock niya ako.
Namimilipit man sa sakit ay pinilit kong marating ang lumang sofa na nandoon. Mapalad ako dahil hindi pa iyon gaanong inaalikabok.
Inihiga ko ang nananakit kong katawan doon at niyakap ang aking sarili. Doon ay ibinuhos ko ang lahat-lahat ng pagluha ko.
"Mama.. papa! Bakit maaga niyo akong iniwan? Bakit ko nararanasan ang paghihirap na ito?"
Ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko pero hindi ko iyon inalintana. Mas mabuti pa ngang mailabas ko lahat-lahat ng nasa dibdib ko sa pagkakataong ito.
Balde na yata ng luha ang nailalabas ko. 'Yun siguro ang dahilan kaya nauuhaw na ako.
Kinuha ko ang walkman sa backpack na naisama ko pa rin sa bodega. Nang makuha ko ay isinaksak ko roon ang Westlife self-entitled cassette tape.
Mayamaya pa ay napayapa na ang loob ko habang pinakikinggan ang isa sa mga kanta nila. Ang Miss You.
Bagama't nandoon pa rin ang lungkot sa akin ay mas okay na ako kumpara kanina.
Pero sa pagkakataong iyon ay napalitan ang emosyon sa dibdib ko ng pagka-miss sa magulang ko.
Limang taon na. Limang taon na pero miss na miss ko pa rin sila.
"Mama.. papa.."
Natagpuan ko na lang ang sarili kong muling lumuluha.
Miss ko na ang magulang ko. Sana nandito na lang sila.
Habang dinadamdam ko ang bawat liriko ng kanta ay naramdaman kong may humahaplos sa buhok ko.
Noon di'y natauhan ako.
Hindi kaya nagpaparamdam sa akin sina mama at papa?
Umusbod ang kaba sa dibdib ko. Takot ako sa multo!
Tuloy-tuloy pa rin ang paghaplos na lalong nagpanginig sa sistema ko.
Gusto kong humiyaw pero nandoon pa rin ang kuryosidad para kumpirmahin kung multo ba nina mama at papa ang gumagawa noon sa akin.
Bumilang ako ng sampu.
Isa.. dalawa...
Walo... siyam..
Sampu...
Buong tapang kong nilingon ang pinagmumulan ng paghaplos.
At nang bumungad sa akin kung sino iyon ay mas trumiple ang kabang bumundol sa dibdib ko.
Hindi sina mama at papa ang humahaplos sa buhok ko!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro