XXI | Bitten
Jamie's POV
"Sa'n ka pupunta?" usisa ni Arah nang hindi man lang tumitingin sa'kin dahil abala siya sa pagsasagot ng word puzzles na nakalatag sa sahig.
"Mag-go-grocery," sagot ko habang nagsusuot ng jacket.
Nilingon ko si Sebastian na kalalabas lang ng kwarto niya.
"Ready?" tahimik niyang tanong.
Tumango ako.
"Pa'nong grocery, eh, punong-puno pa nga 'yong ref," hirit ni Arah. "Sabihin mo nalang kasi na mag-de-date kayo."
Bago pa man ako makasagot, hinila na ako ni Seb palabas ng apartment.
"It's gonna be a long drive and we don't want to be late, okay?" sabi niya nang bitawan ako. "And we have to be back by dinner."
"Wait lang, sasabihin ko lang na mag-de-date nga tayo—" Pinigilan ako ni Sebastian na bumalik sa apartment.
Nakapameywang akong tumingin sa kanya, pero sinenyasan lang niya akong gumalaw. Napairap ako bago maunang maglakad.
"Sigurado ka na ba sa pupuntahan natin?" tanong ko nang sabayan niya ako.
"I think so," sagot niya, bahagyang nag-aalangan.
"You think so?" inulit ko, dahil hindi ako kumbinsido. "Baka maging biktima tayo ng human trafficking, Seb, ah, ayoko pa naman no'n."
May nakapagsabi kasi kay Sebastian na may tatlong 'witches' na maaaring makatulong sa kanya dahil kaya raw nilang malaman ang nakaraan ng mga tao, at may kakayahan rin silang bumasa ng kapalaran.
"Nga pala, may dala ka bang pera?" tanong ko nang makapasok kami sa elevator.
"Yeah."
"Baka kasi kulamin tayo kung di tayo makabayad," naisip ko.
Dumating kami sa basement at dumiretso sa kanyang kotse.
Inunahan niya ako upang pagbuksan ako ng pinto. "I brought gold just in case they don't take cash or card."
Napabuntong-hininga ako nang makaupo, at gano'n din siya nang makapag-ayos sa kanyang upuan. Matagal-tagal niyang tinitigan ang manibela bago pinaandar ang makina, halatang malalim ang iniisip.
"Si James?" tanong ko pagkalabas namin sa highway.
"I didn't wake him up," aniya. "But I left him a note."
Bigla akong may naalala kaya agad kong hinalungkat ang laman ng bag ko at sa huli'y nakahinga nang maluwag nang mahanap ko ang mga 'to—bawang at asin. Just in case may lahing aswang 'yong mga witches na pupuntahan namin.
Nagdala na rin pala ako ng sibuyas kung sakaling kailanganin—napatigil ako nang matagpuan ang isang sachet ng magic sarap sa loob ng bag.
T*ngina, teka nga, ano ba 'tong pinagdadala ko...
"What's that smell?" pansin ni Sebastian.
"Huh?" Mabilis na umangat ang aking ulo sabay sara ng bag. "Amoy? Saan?"
"Garlic?" aniya.
Agad kong ibinaba ang aking bintana. "Sa aircon mo ata. Patayin mo nalang."
Sinunod niya naman ang sinabi ko at nagbukas din siya ng bintana.
"Malapit na ba tayo?" tanong ko pagkalipas ng ilang minuto.
"Jamie, we're still in the city."
Bumuga ako ng hangin sabay sandal sa pinto. "Paano kung wala tayong makuha sa mga mangkukulam? Maliban sa... kulam?"
"It's better than nothing, right?" biro niya.
Napairap ako. "Bahala ka d'yan. Basta ayokong umuwi nang may malaking bukol sa noo, o sa leeg, o sa kahit anong parte ng katawan ko."
Mahina siyang tumawa. "You'll be fine. You're with me," sabi niya at ilang sandali pa'y bigla siyang pumreno kaya muntik na akong malipad mula sa upuan.
"Sh*t—" Narinig kong bulong niya habang nakayakap ako sa aking sarili.
"Ang galing!" sarkastiko kong puri nang matahan mula sa pagkagulantang. "Ginag*go mo ba ako, Sebastian?!" galit kong tanong. "Put— may nasagasaan ba tayo?!"
Hindi niya ako sinagot kaya dali-dali kong tinanggal yong seatbelt ko.
"Sebastian!" Natataranta akong lumabas mula sa kotse. "Pang-ilang hit and run mo na ba to?!" Sumilip ako sa likod ng kotse at nang walang nakitang katawan, tumakbo ako patungo sa harap kung saan wala ring tao. Walang anumang senyales ng aksidente.
Napasigaw ako sa inis. "Wala naman, eh!" Napapadyak ako. "Ano ba?! Gusto mo bang atakihin ako sa puso?! Huwag mo nga akong mabiro-biro nang ganito kaaga! Kulang na nga ako sa tulog tapos ganito pa—"
Lumabas siya. "Jamie?"
"Ah!" Napasabunot ako. "Nakakairita!"
"Jamie!" sigaw niya. "Stop moving!"
Suminghap ako. "Ang lakas mo pang mang-utos, ha—"
"Kung gusto mo pang mabuhay, huwag kang gumalaw." Dahan-dahan siyang lumapit sa'kin, tila nag-iingat. "Makinig ka sa'kin—"
Suminghap ulit ako, di makapaniwala. "Sa tingin mo matatakot mo na naman ako?!"
"No!" pigil niya nang magtangka akong gumalaw. "No! Please don't! Just... just stay still..."
"Agh! Ano ba—" Napadyak ako, pero agad akong napatigil nang maramdaman ang kakaibang bigat na umaabot sa aking binti. Mabilis kong tinignan ito, at sa laking gulat ko, isang ahas ang nakapulupot dito.
Napalunok ako, nanlalaki ang mga mata.
"S-Sebastian..." mahina kong tawag.
Ba't hindi niya agad sinabi sa'kin kung anong meron?!
"Sebastian!" Hindi ko alam kung pinagpapawisan ba ako o mga luha na 'tong dumadaloy pababa sa pisngi ko. "A-Anong gagawin ko?!"
Mamamatay na ako! Mamamatay na ako!
Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi upang pigilang maiyak.
Hindi ko deserve mamatay nang ganito! Dahil sa kagat ng ahas?! Hindi talaga!
"Sebastian! Tulungan mo nga ako rito!" sigaw ko sa takot, halos naiiyak. "Ano ba!"
"I already told you to stop moving—"
"Huwah!" Tuluyan na akong naluha, sabay tingala sa langit. "Mamamatay na nga ako, sasagot-sagutin mo pa'ko!"
Ayokong mamatay nang ganito!
"T*nginang buhay 'to!" reklamo ko, umiiyak pa rin. "Di pa ako nakaranas ng first kiss!" Binuhos ko ang mga hinanakit ko. "Tapos—tapos—hindi pa ako nakakatanggap ng Nobel Prize in Machinery!"
"Jamie, there's no Nobel Prize in—"
"Huwah!" iyak ko ulit. "Bakit ganito ang buhay ko?!"
"It's gone."
Napatigil ako. "Huh?"
"It slithered away on its own," ani Sebastian, dahilan para mapatingin ako sa binti kong pinalibutan ng pulang marka.
Lumiwanag ang tuwa sa aking mukha, pero sandali lang dahil bigla akong napahakbang paatras, nahihilo. Napakapit ako sa braso ni Sebastian at umaksyong parang nasusuka, ngunit kahit anong pilipit ng sikmura ko, wala akong mailabas.
"S-Seb—" Bumilis ang pag-ikot ng paningin ko. "Hindi ako makahinga—"
"You are, by far..." Dahan-dahan niya akong iniupo. "The dumbest creature I have ever met..."
Huli kong naramdaman ang paglapat ng aking likod sa kalsada.
"Don't move."
At ang paglapat ng kanyang labi sa aking binti.
• • •
Nagising ako dahil may kanina pang sumusundot sa pisngi ko.
"Arah, natutulog pa ako," bulong ko nang hindi binubuksan ang aking mga mata.
Narinig ko ang pagsinghap niya, kaya't napangiti ako.
"Ate naman, eh!" Tinulak niya ako. "Ginulat mo'ko!"
Sa wakas, namulat na rin ako, tumatawa. "Aray ko naman!"
"Ay, hala! Sorry!" nakanguso niyang sabi.
Bumangon ako at pinitik ang kanyang noo. "Huwag ka ngang mang-istorbo ng pasyente! Ang saya pa naman ng panaginip ko—may liwanag akong nakita, tapos lalapit na sana ako—"
Tumalon siya para batukan ako.
"Aray!" reklamo ko hawak-hawak ang aking ulo. "Di ka man lang naawa sa ate mo!"
"Matulog ka na nga lang ulit!" aniya. "Ang ingay-ingay mo, eh!"
Inilibot ko ang aking paningin sa pamilyar na silid ng ospital. "Si Mama ba nasa kabilang kwarto?"
Tumango siya.
"Kumusta na 'yong kalagayan niya?"
Bumuntong-hininga siya. "Wala pa ring pagbabago..." malungkot niyang sagot. "Akala ko nga magkasama na kayo, eh, kasi apat na araw kang walang malay..."
"Apat na araw?!"
Tumango siya. "Mmm."
"Si Sebastian? Asan?" tanong ko.
"Ah..." Lumipat-lipat ang kanyang tingin bago bumalik sa'kin. "Tinutukoy mo ba 'yong lalaking iniwan ka sa gitna ng kalsada para mamatay? Hinahanap siya ng mga pulis ngayon."
"Ano?!" malakas kong sigaw.
Nag-peace sign siya. "Joke."
Samantalang, kumibot-kibot ang isang mata ko.
"Nasa ibang room," sabi ni Arah. "Kung hindi nga dahil sa kanya, baka wala ka na ate, eh. Sinipsip niya kasi 'yong lason mula sa katawan mo."
Napasinghap ako. "Ginawa niya 'yon?!"
"Oo, " sagot niya. "At saka, hanggang ngayon, hindi pa namin alam kung anong klase ng ahas ang kumagat sa'yo."
Inangat ko ang kumot at sinilip ang binti kong nakasuot ng compression socks. Pagkatapos, pagod akong bumagsak sa higaan.
"Ate..." sambit ni Arah.
Kumisap-kisap ako kisame. "Hmm?"
"Di pa rin pala nagigising si Kuya Seb. Nahimatay din kasi siya no'ng ihatid ka niya rito sa ospital—"
Halos tumalon ako mula sa higaan. "Arah!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro