Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

IV | The Accident

Jamie's POV

Muntik ko nang matusok ng toothpick 'yong mata ko dahil sa bigla-biglang pagpasok ng kapatid ko sa kwarto.

"Arah!" Pinihit ko ang aking upuan paharap sa kanya. "Ano ba?!"

Maingay siyang suminghap. "Ma!" matinis niyang sigaw. "Si Ate!"

Pinanlisikan ko siya ng mga mata. "Sige." Dinuro ko ang toothpick sa kanya. "Isumbong mo na naman ako."

"Di pa nga nakauwi, eh," pagbibigay-alam niya. "Pero sabi niya papagalitan ka raw niya pag di ka pa rin nakakain."

Malakas kong ibinato kay Arah 'yong toothpick dahilan para iwan niya ako nang nagtitili. Pagkatapos, muli kong inikot ang aking upuan paharap sa salamin at nakita ang isa pang toothpick na matagumpay kong nailagay sa harapan ng aking mata upang pigilan itong sumara.

Sinubukan ko lang naman tignan kung epektibo 'yong ginawa ni Mr. Bean, eh. Finals namin bukas kaya hindi ako pwedeng makatulog ngayong gabi. Lalo na't wala pa akong nabubuksan sa notes na ipinadala sa'min ni Miss noong nakaraan pang linggo.

Tinanggal ko 'yong toothpick at di naiwasang mapa-"aray".

Kasalanan talaga 'to ng mga kaklase ko na dinamay ako sa paglalaro. Tsk. Inaraw-araw pa talaga 'yong guild wars namin, eh, kahit alam nilang may finals kami.

Pinadausdos ko ang mga gulong ng aking upuan patungo sa tapat ng monitor at kinausap sila sa teamchat.

N0name_Jamie: Out muna ako sa clash na'to.

JasonDeruler: Bakit?

1234mark: Gag*, wag. Wala na kaming tank.

N0name_Jamie: Andyan naman si King.

King_x69x: Hindi nga ako tank main, tanga ka ba.

N0name_Jamie: Bobo ka kasi kahit anong turo ko sa'yo.

EmperorSl4yer: Hanap nalang healer. Wag na mag-away.

N0name_Jamie: Gamitin niyo nalang mukha ni Mark pambara ng attacks.

1234mark: Tarantado.

N0name_Jamie: Study first, guys. Jamie out.

Pagkatapos mag-log out, humilig ako sa sandalan sabay unat ng aking mga daliri. Akala ko wala nang makaka-distract sa'kin mula sa pag-aaral, nang sunod-sunod na tumunog 'yong cellphone ko. Sumilip ako rito at nakitang galing 'yong notifications sa isa sa mga group chats.

Pinigilan ko ang aking sarili na kunin 'yong cellphone ko at buksan ang mga ito.

Baka...

Kumibot-kibot ang aking mata, nangangating basahin 'yong messages.

Baka panibagong tsismis na naman...

Bigla itong nag-ring kaya hinablot ko ito at agad sinagot ang tawag.

"Nag-aaral pa ako, pero ano?"

Gaano ba kagrabe 'yong pinag-uusapan nila at napatawag na talaga?

Sa laking gulat ko, hindi pamilyar ang boses ng babaeng bumati sa'kin mula sa kabilang linya.

"Good evening, kilala niyo po ba si Mrs. Adelphine Reyes?"

Tinignan ko ang screen at nakitang unknown number pala ito.

"Ah, opo," sambit ko. "Bakit po?"

"Kaano-ano po?"

Nanliit ang aking mga mata. "Depende po kung bakit kayo napatawag..."

"Napatawag po ako kasi andito po siya ngayon sa District Hospital-"

"Ha?!" Wala sa sarili akong napasigaw. "Anong nangyari sa kanya?!"

"Mas mabuti po sana kung makapunta kayo rito-"

"Ano nga kasing nangyari?!"

"Naaksidente po 'yong pasyente."

"Ha?!" Mas lalong lumakas 'yong boses ko. "Paanong naaksidente?!"

"Nabundol po-"

"Buhay pa ba mama ko, miss?!"

"Inooperahan pa po ngayon."

"Eh, sinong duling ba 'yong nakabundol?! T*ngina talaga- kapag nalaman kong wala pa sa prisinto 'yang gag*ng 'yan-"

"Diretso nalang po tayo sa front desk pagdating niyo at maraming salamat po sa pagsagot," huling tugon ng babae bago ako binabaan ng tawag.

Mabilis akong tumayo at tinawag 'yong kapatid ko. "Arah!" Nagmamadali akong lumabas ng kwarto at patakbong bumaba ng hagdan.

Sinalubong niya ako sa gitna ng sala.

"Ate-"

Kinuha ko ang kamay niya at hinila siya papalabas ng bahay.

"Ate!"

Pagdating namin sa harap ng motor, kinapa-kapa ko ang mga bulsa ng aking pantalon at mahinang napamura nang malamang hindi ko nadala 'yong susi kaya agad akong tumakbo pabalik ng bahay at tinanggal ito mula sa pagkakabit sa pader. Dinaanan ko rin 'yong helmets namin.

"Ate naman, eh!" ani Arah habang sinusuotan ko siya ng helmet. "Di pa ako tapos kumain!"

"Si Mama," sabi ko sa kanya. "Naaksidente."

Kumurap-kurap siya.

"Kailangan natin siyang puntahan sa ospital." Inalalayan ko si Arah pasakay sa motor. "Kapit nang mahigpit, okay? Di kita pwedeng iwan mag-isa dito, eh."

"Okay..." mahina niyang sagot.

Sinuot ko rin 'yong helmet ko. "Okay." Sumakay ako at iniandar ito.

"Ate, si mama?" Niyakap ako ni Arah mula sa likod. "Okay lang ba?"

Pinatunog ko ang makina ng motor bago patakbuhin ito.

• • •

"Umm...." Konti nalang at mapapadyak na ako sa inis dahil rito sa nurse na nasa front desk. "Accident lang po talaga sinabi sa'kin."

Kanina pa kasi niya hinahanap 'yong pangalan ng pasyente pagkatapos ko pang iniisa-isa sa kanya ang bawat letra.

"Oh, that's why." Mula sa computer screen, inangat ng nurse ang kanyang tingin sa'kin. "Hindi pa siya naka-admit. She's still undergoing an operation right now."

"Saan?" tanong ko.

"The waiting area is just outside the operating room-"

Pinandilatan ko siya. "Saan... nga...?"

"Third floor."

Kinuha ko ang kamay ni Arah at tumungo sa third floor kasama siya. Kinailangan ko pang magtanong-tanong sa ibang staff kung nasaan 'yong waiting area, at nang mapalapit na kami sa labas ng silid kung saan inooperahan si Mama, isang lalaking nakasuot ng puting coat ang lumabas mula rito at sinalubong kami.

"Hi." Nginitian niya ako. "I've been waiting for you."

Bumukas ang aking bibig, hindi para maglabas ng salita, kundi para magpapasok ng hangin sa aking baga, dahil bigla akong nanakawan ng hininga sa sandaling nginitian niya ako.

Kumunot ang kanyang noo. "You're..." Panandalian niyang sinulyapan si Arah na nakatingala rin sa kanya. "You're the patient's-"

"Yes," sagot ko. "I'm your girlfriend."

Nabalot ng pagtataka ang sumunod niyang mahinang tawa. "Right..." Tumingin siya sa clipboard na hawak-hawak niya. "Adelphine Reyes?"

Muli niya akong tinignan, at muli na naman akong nanakawan ng hangin.

'Yong mukha niya, 'yong tangos ng kanyang ilong, lalim ng kulay ng kanyang mga mata, at yong panga niya...

Dumako ang aking tingin sa balikat at mga braso niyang bumabakat kahit maluwag-luwag 'yong coat niya.

Para siyang isa sa mga istatwa sa museums na nabuhay...

"Miss? You're the patient's daughter?"

"Ah!" Pinigilan kong sampalin ang sarili ko dahil kanina pa pala niya ako binibigyan ng nagtatanong na tingin. "Ano- opo!" masigla kong sagot. "Ako po 'yung girlfr-"

Muling nagkasalubong ang kanyang kilay.

"Girl na anak..." sabi ko. "Ng pasyente..."

Huminga ako nang malalim at binigyan ang doktor ng isang pilit na ngiti.

"So, you're her daughter?" tanong niya ulit.

Tumango-tango ako.

"Mmm." Nginitian niya ako.

Ayan na naman. T*ngina.

"And who's this?" Tinignan niya si Arah kaya napatingin din ako sa kapatid kong hindi sumagot at sa halip ay marahang humagikgik.

"Your future sister-in-law," sagot ko sa aking isipan, o nabulalas ko nga ito. Hindi ko alam dahil wala naman akong natamong reaksyon mula sa doktor pagkasabi ko n'on.

"So, doc..." sambit ko. "Ano? Kumusta na po 'yong mama natin?" usisa ko. "Anong sitwasyon niya ngayon?"

"She's going to be fine," aniya.

Paano nga namang hindi? Isang anghel na mismo ang ipinadala para operahan siya, eh.

"Mabuti naman..." puna ko at ngumiti kay Arah. "Rinig mo 'yon? Okay lang daw si Mama."

"Actually..."

Nakangiti pa rin akong nakatuon sa kapatid ko nang muling nagsalita si Doc.

"I was the one who brought her here."

Lumapad ang aking ngiti pagkabalik ng aking atensyon sa doktor.

"Salamat po sa paghatid ni Mama dito sa ospital," sabi ko. "Baka po hindi siya napangalagaan agad kung hindi."

"Uhh- haha, no..." Napakamot siya sa kanyang batok. "Ako..."

"Po?"

"Ako 'yong nakabundol sa kanya."

Tuluyan na nga akong napatigil.

Tama ba 'yong narinig ko?

Humilig nang kaunti patagilid ang aking ulo. "Ano po?"

"I'm really sorry," aniya. "I didn't mean to-"

Malakas kong hinampas sa balikat niya ang helmet na hawak ko. "Walang hiya ka!" Binitawan ko si Arah at nagdagdag ng isa pang kamay para paghahampasin ang salarin ng pagkaaksidente ni Mama. "P*tangina! Ikaw pala!"

Napaatras siya nang sapak-sapakin ko na rin siya. "Ikaw pala 'yong gag*ng duling?! Ikaw pala, huh?! Huh?! HUH!"

"Ate!" Hinatak ni Arah ang damit ko. "Ate! Nasa ospital tayo!"

"Anong pakialam ko?!" Tinulak ko ang doktor. "Pagkatapos niya akong ngiti-ngitian ng gano'n?!"

Nagtaka naman ito habang nakaangat ang mga braso bilang depensa sa mga tama ko. "What-"

"Gag* ka ba?!" sigaw ko. "FYI! Ang pangit mo! Hindi bagay sa'yo maging doktor!"

"You're not letting me explain-"

"Ano pa bang i-eexplain mong hinayupak ka?! Ang kapal ng mukha mo para harapin kami pagkatapos ng ginawa mo-"

"She wasn't on the pedestrian lane!"

"T*nga ka ba?! Number one rule sa pagmamaneho ang i-prioritize ang mga pedestrian kahit wala sa lane! T*ngina mong b*bo ka! Paano mo ba nakuha 'yong lisensya mo?! Ha!"

"She ran to cross the road!" sabi niya. "How would I know she was coming?! She just appeared in front of me!"

"Hindi!" giit ko. "Bulag kang g*go ka, eh! At siguro inaasahan mong makakatakas ka sa kasalanan mo dahil doktor ka!"

"Ate!" Hinatak ni Arah pababa ang kamay ko. "Paano kung kasalanan din talaga ni Mama?"

"Magsasampa pa rin ako ng kaso!" Dinuro-duro ko ang doktor. "Antayin mo ako dito! Magdadala ako ng pulis!"

"I already called them," sabi niya. "They have a copy of the CCTV footage. It wasn't entirely my fault and they suggested I talk to you first to see if we could settle."

Huminto ako sa pananakit sa kanya.

"Ate naman, eh!" reklamo ni Arah. "Baka tayo 'yong masasampahan ng kaso nito!"

"Look, Miss." Inayos ng doktor ang damit niya. "I will pay for your mother's hospital fees, and she can stay here as long as she needs."

"Anong tingin mo sa'kin?" Hindi pa rin nabawasan 'yong galit ko para sa kanya. "Nadadala sa mga ganyan?"

"Ate!" tawag ulit sa'kin ni Arah.

"I understand," mahinahong tugon ng doktor. "I'm deeply sorry for causing you this trouble, so please, feel free to ask me if you need anything else."

"Hindi kita mapapatawad," deklara ko.

Namuo ang isang malungkot na ngiti sa kanyang labi.

"I know," sagot niya, gamit ang mas malumanay na tinig. "I'm still sorry."

"Tsk!" Hinila ko si Arah papaalis sa harapan niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro