Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

IX | Survivor

Jamie's POV

Hindi ba ako nagpagpag?

Isa lang ito sa isang libong katanungan na lumabas sa aking isipan habang umaatras papalayo mula sa multo. Napahinto ako nang magparinig ang magaspang nitong boses. May sinabi siya, mga salitang hindi ko maintindihan kaya napakunot ako ng noo.

"Ha?" tanong ko. Ano raw?

"Hemi... theos..."

Hemitheos?

Umiling-iling pa ako, para ipahiwatig na narinig ko lang ang sinabi niya pero hindi ko pa rin ito maintindihan. Pilit siyang nagsalita, halatang gustong paintindihin ako sa banta niya, at habang nagbibigkas siya ng parang mga sumpa, nanatili akong nakatitig sa kanya pero 'yong atensyon ko ay nasa aming kapaligiran, naghahanap ng mga bagay na pwede kong gamitin panlaban sa kanya.

Umatras ako hanggang sa madama ko ang dulo ng mesa sa aking likod. Ililipat ko na sana ang aking paningin sa direksyon ng mga kutsilyo namin nang magsalita na naman 'yong multo, pero ngayon, naiintindihan ko na siya.

"Hindi ko aakalaing makakakain ako ng isang buo..." Galak na galak na lumiwanag ang kanyang mukha. "At buhay pa..."

Lubos ko itong ipinagtaka. "Teka," sambit ko. "Kailan pa kumakain ng mga tao 'yong multo-" Sandali akong napatigil. "Z-Zombie?!"

Ito na 'yon?! Simula na ng zombie apocalypse?!

Kumapa-kapa ang aking kamay sa mesa sa likod ko, naghahanap ng pwedeng mahawakan at magamit bilang sandata.

Isang baso.

"Putang-" Malakas ko itong hinagis sa zombie. Sa mga sandaling nakatuon ang atensyon niya rito, umikot ako at mabilis na kinuha ang dustpan na nakasandal sa mesa at itinutok ito sa kanya.

Nagawang iwasan ng nilalang 'yong basong ibinato ko, pero hindi niya naiwasang mapatitig sa dustpan na nasa kamay ko, halatang nagtataka kung bakit ito ang napili kong panlaban sa kanya.

Eh, ito lang 'yong pinakamalapit sa'kin, eh! At saka nasa Pilipinas kami! Wala sa Korea o US! Syempre bano 'yong mapupulot kong sandata!

Pabalik-balik ang aking tingin sa dulo ng dustpan at sa kalaban.

Di bale! At least mamamatay akong nanlaban!

Bigla siyang kumaripas ng takbo patungo sa'kin. Napatili ako at ihahampas na sana ang dustpan sa kanya kung hindi niya lang ako naunahan. Sobrang bilis ng paghawak niya, at sobrang lakas din niya kaya madali niyang natanggal ang dustpan mula sa aking mga kamay at itinapon ito sa malayo.

Pumihit ang aking ulo upang iwasan ang mga kuko niyang nagawang gasgasan ang aking pisngi. Kasunod na pumalipot ang isa pa niyang kamay sa leeg ko, at tuluyan na nga akong nanakawan ng hangin nang ihampas niya ako pahilata sa mesa.

Nabulag ako saglit sa biglaang pagkauntog ng aking ulo at namilipit ang aking buong katawan sa sakit. Hinawakan ko ang kamay niyang sumasakal sa'kin. Ibinaon ko rito ang aking mga kuko dahilan para mas lalo pa niyang higpitan ang pag-ipit sa aking mga ugat sa leeg.

Kusang bumukas ang aking bibig upang magpakawala ng nagdurusang ungol at sa likod ng namumuong luha sa aking mga mata, nakita ko kung paano inangat ng nilalang ang kanyang kabilang kamay. Humaba ang mga kuko niyang handang sumaksak sa aking dibdib.

Bumitaw ako sa kanya at muling naghanap ng mahahawakan sa mesa.

Pabagsak ang kanyang palad sa aking dibdib nang salubungin ko ng tinidor ang kanyang pulsuhan. Bumaon ito sa balat niya at idiniin ko pa ito hanggang tumagos. Dahil dito nabitawan niya ako at habang umiiyak siya sa sakit, gumulong ako sa mesa at sa huli'y pataob na nahulog sa sahig.

Damang-dama ang sakit sa buong katawan, naglaan ako ng ilang segundo upang pabalikin ang hangin sa aking baga bago itinukod ang aking mga palad sa sahig.

Nagpakawala ng naiinis na sigaw ang nilalang nang tanggalin 'yong tinidor. Nilingon ko siya at nakitang hawak-hawak na ito ng kabilang kamay niya.

Muli siyang sumigaw sabay taas nito. Isasaksak niya sana ito sa'kin nang mabilis akong gumulong pailalim ng mesa.

Nangangapos ako sa hangin pero sagana naman ako sa mga dahilan kung bakit hindi ako pwedeng mamatay.

Gumapang ako palayo sa kamay ng nilalang na nagtangkang abutin ako.

Una, si Arah.

Lumabas ako mula sa ilalim ng mesa.

Pangalawa, si Mama.

Muntik na akong madulas pagkatapos akong tumayo at tumakbo patungo sa hagdan.

Pangatlo, at ang pinakamahalagang dahilan— ako.

Dali-dali akong umakyat.

Dahil hindi ko pa naranasan magkajowa! Grabeng buhay naman 'to oh!

Dumiretso ako sa kwarto ko at otomatikong lumipat-lipat ang aking mga mata sa mga gamit ko. Pagkatapos mailibot ang aking paningin, tinipon ko sa gitna ng mesa ang tatlong alarm clocks at iilang laruang crossbows.

Kumuha ako ng isang CD, bote ng gatorade, at isang superglue.

Narinig ko ang papalakas na yabag ng mga paa mula sa labas ngunit hindi ako nagpatinag dito. Dinikit ko ang mga crossbows sa ibabaw ng alarm clocks at ginawa kong palaso ang mga lapis. Tinali ko ito sa paraang sa sandaling gagalaw kahit nang kaunti 'yong alarm, matatanggal ang tali at lilipad ang mga lapis sa direksyon kung saan ito nakatuon.

Narinig ko mula sa labas ang isa-isang pagbukas ng mga kwarto.

Anak ng— teka lang! May nag-D-D-I-Y pa dito, eh!

Kasunod kong idinikit ang takip ng gatorade sa gitna ng CD. Sa ibabaw ng mesa, hinatak ko ang tali ng lumulutang pa na balloon.

Buti nalang talaga naisipan kong iuwi 'to mula sa birthday party ng kaklase ko kahapon.

Tinanggal ko ang balloon at mabilis na itinakip ang butas nito sa takip ng gatorade na nakadikit sa CD.

Dahil sa hangin na lumalabas mula sa balloon, umangat ang CD mula sa mesa nang pakawalan ko ito. Parang isang mini hot air balloon lang. Pinalutang ko ito sa gitna ng aking kwarto, saka ako dali-daling nagtago sa ilalim ng higaan ilang segundo bago marahas na bumukas ang pinto.

Sinundan ko ng tingin ang mga paang lumapit sa balloon na mahinang sumisipol.

"What have you turned yourself into, demigod?" Muli kong narinig ang magaspang na boses ng multo- zombie pala.

Napapikit ako nang aksidenteng may nagalaw ang kamay ko habang nasa ilalim ng higaan. Napansin din ata ng nilalang ang mahinang tunog dahil tumigil siya.

Put*ngina...

Mabuti nalang at tumunog na rin 'yong unang alarm. Hindi man tumama ang lapis sa kanya, nagawa naman nitong kunin ang atensyon niya.

Hinawakan ko ang bagay na nasa tabi ko at saka napatigil.

Ito 'yong...

Humigpit ang pagkakahawak ko rito.

'Yong tungkod na iniwan ng tatay kong iniwan din kami.

Tumunog ang pangalawang alarm at maingat kong tinabi ang tungkod na gawa sa pinakintab na kahoy.

Hindi naman matanda 'yong tatay ko. May kapansanan lang kaya hindi siya nakakalakad nang maayos. Tamo, kung sino pa 'yong may pagkukulang sila pa 'yong may kapal ng mukha para mang-iwan. Tsk.

Tumunog na ang panghuling alarm at sumabay dito ang maikling iyak ng nilalang, ibig sabihin, natamaan ito ng compass.

Narinig ko ang matinis na sigaw no'ng zombie at humarap ang mga paa nito sa direksyon ng bintana kung saan patungo ang tunog ng umiimpis na lobo.

"You!" aniya. "No!" Nagmamadali siyang lumapit dito. Nilagpasan niya ang pinagtataguan ko. "No!"

Lumabas ako mula sa ilalim ng higaan at nakita 'yong nilalang na nakahilig palabas ng bintana, sinisilip 'yong CD na nahulog pagkatapos maubusan ng hangin 'yong lobo.

Mabuti nalang at wala 'tong utak kaya ang bobo.

Akala niya talaga nag-anyong CD at balloon ako para makatakas?

Hawak-hawak gamit ang dalawang kamay, malakas kong hinampas ang tungkod sa likod ng nilalang. Balak ko sanang hampasin siya palabas ng bintana, ngunit sa laking gulat ko, biglang nagliwanag 'yong tungkod ni Papa at hinati ang katawan no'ng zombie.

Lumagapak ito sa sahig at habang nangingisay-ngisay, napatakip ako ng bibig, diring-diri sa eksena.

Gumalaw pa nang kaunti 'yong zombie kaya tumakbo ako nang nakataas 'yong tungkod. "Putanginaaa!" At saka ko tinaga-taga 'yong katawan niya. "Hinusgahan mo pa 'yong dust pan ko kanina, ah!" Niwalang-kibo ko ang dugong tumalsik pati sa aking mukha. "Akala mo di ko napansin— pwe!" Napatigil lang ako dahil sa dugong nakapasok sa aking bibig.

"Kadiri!" Binitawan ko 'yong tungkod para sana'y matanggal 'yong dugo sa dila ko, nang biglang sumiklab ang sakit sa paa kong nabagsakan nito dahilan para mapasigaw na naman ako at mapatalon-talon nang nakataas ang isang paa.

Nakatatlong mura pa ako bago ko napansin ang kakaibang sandata na nakalatag sa aking paanan. Ang dating tungkod ni Papa ay nag-anyong isang mahaba at gintong palakol na may dalawang talim sa dulo.

Napatulala ako rito at sa wakas ay natauhan na rin sa lahat ng nangyari simula nang makauwi ako mula sa ospital.

Kung saan-saan dumako ang aking mga mata, hindi alam kung anong susunod na gagawin. Ilang sandali pa'y napahawak ako ng ulo gamit ang dalawang kamay, at nag-aalalang napasambit, "Arah..."

Kailangan kong puntahan si Arah...

Bago pa man ako tuluyang madala ng matinding takot at manigas sa kinatatayuan, pinilit kong igalaw ang katawan ko. Pinulot ko ang gintong sandata bago lumabas ng kwarto at muntik nang mahulog sa hagdan.

"Jamie?"

Isang matangkad na anyo ang sumalubong sa'kin sa kusina, at hindi ako nag-aksaya ng oras—iwiniwasiwas ko agad ang mahabang palakol sa gawi niya habang sumisigaw.

"Jamie!" Tumalon siya paatras, at saka ako napatigil.

Ba't pamilyar 'yong boses niya?

"What happened to you?"

Binaba ko ang aking mga kamay. "Sebastian?"

Bakit siya nandito?! Naging zombie na rin ba siya?!

"Aaaah!" Pinigilan niya ang mga kamay kong nagtangka na namang atakihin siya.

"Bitawan mo 'ko!" Pilit kong hinahatak 'yong sandata mula sa kanya. "Ikaw ba ang nagpadala ng halimaw na 'yon?! Put—" Hindi natuloy ang aking mura dahil mabilis niyang naagaw 'yong sandata.

"Aaaah!" At nang tatakbo na sana ako, isang braso ang biglang humawak sa'kin.

Narinig ko ang pagbitaw niya sa sandata at marahas niya akong hinawakan sa magkabilang balikat. "It's me!" sigaw niya sa akin nang harap-harapan. "Jamie!"

Nandidilat ang mga mata kong napilitang tumitig sa kanya.

"Are you okay?" nag-aalala niyang tanong.

"H-Hindi ka zombie?" Luminaw ang aking paningin nang mamukhaan siya. "Hindi ka evil mad scientist na may kapakana ng zombie apocalypse?"

"What happened here?" usisa niya sa gulong nakapalibot sa'min.

"May..." Anong sasabihin ko sa kanya? "May nakapasok..." Paano ko sasabihin 'yong katotohanan? "May nakapasok na magnanakaw-"

Nabulunan ako sa sarili kong salita. Malay ko ba kung bakit naiiyak ako pagkatapos ko siyang makita.

Lumapit siya sa'kin dahilan para mapaatras ako. Iniiwasan ko lang na tuluyang maluha sa sinapit ko, eh, ang gusto ko lang naman gawin ay umuwi at saka kumain, at paghandaan 'yong exam namin.

"Jamie..." Nakikiusap ang tinig niya. "Your arm is swollen."

Lumuwag ang aking hininga nang sabihin niya 'yon. Kapag kasi nagtanong siya kung okay lang ba ako, siguradong makakatakas ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.

Namuo ang isang nanghihinang ngiti sa aking labi.

"We need to get you to the hospital," aniya.

Tumango ako.

Inabot niya rin sa'kin 'yong tungkod na agad kong tinanggap.

"Can you walk?" tanong niya.

Umawang ang aking bibig hindi para sumagot, kundi para humugot ng hangin. Tumikom ako at saka umiling.

"You need help?"

Tumango ako.

Nakalimutan niya bang tumakbo ako pababa ng hagdan at muntik ko pa nga siyang mapatay?

Tinabihan ako ni Sebastian. Iginiya niya ang braso ko paakbay sa kanya at hinawakan ako sa likod.

"Ah-" Napaurong ako.

"I'm sorry," sabi niya.

Di niya alam pero di naman niya ako nasaktan. Nakiliti lang nang hawakan niya 'yong tagiliran ko. Hahagikgik sana ako, eh, pero buti nalang nagawa kong pigilan.

"Do you really have to bring that?" tanong niya tungkol sa tungkod na bitbit ko pa rin.

"Huwag ka nang mangialam," sagot ko. "Tulungan mo nalang ako."

Nakakapanghina ang nangyari sa'kin, at mas lalong nakakapanghina ang mga bisig na umalalay sa'kin kaya kamuntikan na akong madulas pagkaabot namin sa pintuan. Bigla naman kasing nangatog 'yong mga tuhod ko.

Nalaman kong nawala na 'yong katawan ng nilalang na umatake sa'kin pero naiwan pa rin 'yong masangsang na amoy nito.

"Ba't ka nga pala nandito?" usisa ko.

"May pinakuha 'yong kapatid mo," sabi niya.

"Ano raw?"

"I don't know." Humina ang kanyang boses. "I seemed to have forgotten after I saw the mess inside your house. The moment I did, I wanted to look for you."

"Seb..." sambit ko pagkalabas namin ng bahay. "End of the world na ba? May zombie apocalypse na bang nangyayari?"

"Did you..." Halatang ipinagtaka niya 'yong mga katanungan ko. "You didn't hit your head, did you?"

Isang matamlay na buntonghininga ang isinagot ko.

"I guess I'll have to check you in the emergency room."

"Gusto ko munang makita 'yong kapatid ko," giit ko.

"We need to look for internal bleeding-"

"Si Arah," sabi ko habang nilalasap ang dugo sa aking bibig. "Kailangan ko muna siyang makita."

Napabuga si Sebastian ng hangin. "I'll just ask someone to call her while I treat you in the emergency room."

Wala sa sarili akong tumingala sa kalangitan.

Papa, kahit ito lang ibigay mo na sa'kin since wala ka rin namang gaanong ibinilin sa'min ni Mama. Kung siya magiging jowa ko, mapapatawad na kita ng one-fourth.

Kung patay na si Papa dahil 'yon ang kutob ko dati pa, siguradong narinig niya 'yong dasal ko, pero kung buhay pa pala talaga siya... eh di patayin ko nalang siya para marinig niya.

"Seb, pwede bang ikaw nalang kumuha ng mga gamit namin sa itaas? Nakahanda na sa kwarto ko, nakalimutan ko lang ibaba," tugon ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro