SIMULA
"Hoy, Zariya! Ano na naman bang iniisip mo riyan, ha? Kanina pa ako nagku-kuwento pero wala ka man lang kaimik-imik. Nakikinig ka ba, ha?" Agad akong napalingon sa kaibigan kong si Kaith dahil halos sumigaw na ito sa tabi ko.
Nakalimutan kong may kasama pala ako dahil sa lalim ng iniisip ko.
Kasalukuyan kaming naglalakad patungo sa library habang nagku-kuwento siya tungkol sa lalaking naka-chat niya kagabi. Hindi ko nga narinig lahat, e'. Basta ang alam ko lang, isang Engineering student sa kabilang University ang tinutukoy nito at malamang, may mutual understanding na naman sila ng lalaking 'yon. At ngayon, ichi-chismis na naman niya sa akin ang kaharutan niya.
Sana lang talaga ay 'di na naman ito ma-ghost katulad ng ginawa sa kaniya ng mga nakaharutan niya. Suki pa naman siya pagdating sa ghosting. Ewan ko nga at hindi nadadala ang isang 'to!
Ang hilig niya sa mga lalaking walking red flag. Flagpole ba siya sa past life niya?
"Ha? Ano nga ulit?" pag-uulit ko sa sinabi nito. Hindi ko kasi talaga ito narinig kanina.
Sinamaan niya ako ng tingin nang tanungin ko ito dahil ibig sabihin, tama nga siya dahil 'di talaga ako nakikinig.
"Okay, sorry na. Iniisip ko kasi 'yong napanaginipan ko kagabi," pag-amin ko.
Sumagi na naman sa 'king isipan ang panaginip kong 'yon. Napapadalas ang pagdalaw nila sa panaginip ko. Hindi na ito coincidence lang kasi halos gabi-gabi, sila ang laman ng panaginip ko. Walang araw na hindi nila ako dinalaw. Nakakapagtaka, 'di ba?
Naguguluhan na nga ako, eh. Ano bang ibig-sabihin ng panaginip na 'yon?
Sino ba sila? Sino ba sila sa buhay ko?
Ang limang Prinsipe na 'yon, hindi ko maipaliwanag ngunit tila matagal ko na silang kilala. Hindi ko lang malaman kung papaano at saang lugar kami unang nagkita.
Binilisan ni Kaith ang paglalakad at pumaharap sa 'kin. Natigilan naman ako dahil nasa harapan ko na siya ngayon at nakaharang na sa daanan. Tumambad sa akin ang gulat niyang mukha. "Omg! Don't tell me, napanaginipan mo na naman ang limang Prinsipe?" Napatakip pa ito ng bibig na akala mo naman ay gulat na gulat talaga. Eh, halos araw-araw naman naku-kuwento ko sa kaniya ang tungkol sa panaginip ko.
Tanging pagtango lang ang isinagot ko. Nagsimula na ako ulit maglakad at nilagpasan si Kaith. Sumunod naman siya sa 'kin. Matapos ang ilang hakbang ay nasa tapat na kami ng library. Tiningnan muna namin kung may vacant na upuan pa at dahil 10:00 AM pa lang naman, 'di ganoon karami ang estudyanteng nakatambay ngayon. Pumunta na kami sa maliit na lamesang nasa gilid ng pinto kung sa'n nakapatong ang log book. Nag-sign na kami at saka inilapag ang dala naming bag sa cabinet na naroon sa tabi ng lamesa. Ang tanging kinuha lang namin ay ang cellphone, wallet, isang notebook at ballpen. Nagtungo na kami sa lagayan ng Accounting books. Inisa-isa ko ang mga ito para mahanap ang librong kailangan ko.
"Hindi kaya kapapanood mo ng mga korean drama's or thai drama's kaya mo sila napapanaginipan?" tanong ni Kaith na kasalukuyang nakasandal sa bookshelf. Tila hinuhulaan ang mga posibleng dahilan ng panaginip ko.
"Hindi na ako nanonood ng drama's," mariin kong sagot.
Ang tagal ko nang hininto ang panonood nito dahil sobrang hassle ng schedule namin ngayon. Imbes na ilaan ko sa panonood, nagre-review or advance reading na lamang ang ginagawa ko.
"Edi ano ang ibig sabihin ng panaginip mo? Imposible namang magkatotoo 'yon like, duh? Nasa modern world na kaya tayo! Unless, may time machine ka para bumalik sa sinaunang panahon," wika nito na sinabayan pa ng halakhak.
Kaya ayokong magk'wento minsan sa kaibigan ko dahil hinahaluan niya ng pagkapilosopo. Lumalabas tuloy na posibleng ordinaryong panaginip lamang ang mayroon ako.
Well, hindi ko naman siya masisisi. Mahirap talagang paniwalaan ang mga pangyayaring nasa panaginip ko.
Patuloy siya sa paghalakhak pero pinigilan ko pa rin siya sa pagtawa nang malakas dahil masisita kami, panigurado. Baka nakakalimutan niya, nasa library kami ngayon. Gusto pa yata niyang mapalabas kami nang wala sa oras.
"Eh, kasi naman... Parang imposible naman yatang mangyari 'yang panaginip mo." Sumeryoso siya ng tingin sa akin. "Isipin mo ha, nandito ka sa totoong mundo kaya paanong ikaw at 'yong nasa panaginip mo ay iisa lang? Kung magkatotoo man 'yon, paano ka naman makakapunta sa kabilang mundo?"
"Kaya nga, eh. Imposible talaga," sang-ayon ko.
Itinuon ko na lang ang atensiyon ko sa paghahanap ng kakailanganin ko sa pagre-review hanggang sa dumako ang paningin ko sa kulay puti na libro. Iyon na ang librong hinahanap ko, Intermediate Accounting 3. Ang problema ko, hindi ko ito maabot dahil nasa ika-apat na palapag ng bookshelf. Hindi ko 'to kayang abutin. Lumingon ako para sana magpatulong kay Kaith kaso wala na siya sa tabi ko. Mukhang abala na rin siya sa paghahanap ng Finacial Management book na sinadya niya rin dito sa library.
Lumingon pa ako sa paligid, nagbabakasakaling may mahingan ako ng tulong. Pero wala talaga akong makitang ibang estudyante dahil nasa pinakadulong bahagi ako. Tanging ako lang ang narito ngayon.
"Paano ko 'to makukuha?" bulong ko sa 'king sarili.
Tumingkayad ako pero hindi pa rin ito sapat para maabot ang libro. Ba't kasi kinulang ako sa height? Malaki na ang paghihirap ko dahil sa height ko.
Mahirap maging maliit.
No choice ako. Wala naman sigurong makakakita sa 'kin at isa pa, 'di naman abot ng CCTV dito sa kinaroroonan ko. Tiniyak ko muna na walang makakakita sa 'kin bago ko pinatong ang mga paa ko sa ikalawang palapag ng bookshelf. Sana lang talaga ay hindi ako mahuli dahil patay ako kapag nagkataon.
Ingat na ingat ako dahil medyo madulas lalo pa't naka-stockings ako.
Sa wakas, naabot ko rin! Pero mukhang nakakapit na talaga sa 'kin ang malas dahil 'di ko nabalanse ang pagbaba ng paa ko sa sahig dahilan para madulas ako.
Solid ang pagkakabagsak ko. Ramdam ko ang sakit sa pwetan ko.
"Aray!" Napahiyaw ako nang maramdamang nauntog ang ulo ko sa sahig.
Napapikit ako dahil sa sakit at pagkahilo na inabot ko.
Hindi ko na alam ang sunod na nangyari dahil umikot na ang paligid at nagdilim na rin ang paningin ko.
"Matagal pa kaya siyang magigising? Mukhang himbing na himbing ang pagkakatulog ng binibini."
"Kilala niyo ba siya? Tila ngayon ko lang nakita ang binibining nasa harapan natin."
"Saan mo ba siya natagpuan, Nesh?"
Kahit nakapikit ay rinig ko pa rin ang pag-uusap ng mga taong sa pakiramdam ko ay nasa tabi ko lang. Lahat ng boses na aking narinig ay mula sa magkakaibang lalaki.
"Nakita ko siya sa isang puno na nasa ating hardin. Hindi ko mawari kung ano ang kaniyang ginagawa roon. Nagulat ako nang nahulog ito bigla at nawalan na nang malay matapos bumagsak sa lupa."
Hindi ko pa rin minumulat ang mga mata ko. Ang sakit pa rin kasi ng likod at ulo ko dahil sa inabot ko mula sa pagkakadulas. Ni hindi ko nga magawang igalaw ang mga paa ko. Masama talaga ang pagkakabagsak ko.
"Ang ipinagtataka ko, hindi siya kabilang sa ating mga Kharim kaya paano't nakarating siya sa ating hardin?" Huminto ito saglit bago nagpatuloy. "Hindi naman maaaring isa siya sa mga ipinatawag kong mamamayan natin upang mabigyan ng limang butil ng ginto. Wala siya sa listahan at maayos naman ang pagkakapila ng mga tao kanina," dagdag pa ng lalaki.
Ang g'wapo naman ng boses ng lalaking ito. Parang gusto ko na tuloy imulat ang mga mata ko para makilala ang lalaking nagsalita.
Hindi ko alintana ang usapan nila. Tahimik lamang akong nakikinig.
"Baka isa 'yang espiya!"
Kumunot ang noo ko. Espiya? Nahimasmasan ako at doon ko lang na-realized ang pinag-uusapan nila at ang mga boses ng mga nagsasalita. 'Di pamilyar ang mga boses nila. Hindi ito ang mga kaklase ko!
T-Teka, nasaan ako?
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata.
"Ang g'wapo!" Tukoy ko sa lalaking nakadungaw sa 'kin ngayon na bakas sa mukha ang pag-aalala. "Isa ka bang anghel? Nasa langit na ba ako?" dagdag ko. Hindi ko mapigilang humanga sa hitsura ng lalaking nasa harap ko ngayon.
Mukhang nasa langit na nga yata ako!
"Gising na siya," saad ng lalaking tinutukoy ko na mala-anghel ang mukha.
Siya rin ang lalaking tinutukoy kong ang g'wapo ng boses. Pati pala mukha ay g'wapo rin. Kung pinagpala ka nga naman talaga, oh. Siguro no'ng bumaha ng kag'wapuhan, isa siya sa mga lumangoy. Baka nga nag-dive pa siya, e'.
May dalawa pang lalaki ang nakapalibot sa 'kin samantalang ang isa ay nakasandal malapit sa bintana at ang isa ay naka-upo sa isang upuan na naro'n din sa bintana. Bale, lima silang lahat. Limang lalaki na ngayon ko lang nakita sa tanang buhay ko. Pero base sa mukha at galanteng kasuotan nila, pamilyar na ngayon silang lahat sa 'kin at unti-unti ko na silang nakikilala.
Alam ko na, tama! Sila ang limang Prinsipeng nasa panaginip ko. Paanong nandito silang lahat sa harap ko? Ito ba'y isang panaginip na naman? Nasa loob na naman ba ako ng aking panaginip?
Pero imposible! Kasama ko si Kaith kanina bago ako nadulas. Nasa library lamang ako kanina at hindi ko na alam ang nangyari matapos kong bumagsak.
"Kaith!" sigaw ko para tawagin ang kaibigan ko at alamin kung anong nangyayari.
"Ano ang iyong isinigaw, binibini?" Mas lalong kumunot ang noo ko nang tawagin niya akong binibini. Napakapormal niyang magsalita.
"Marahil ay malala ang inabot niya sa pagkakahulog kaya't naapektuhan din ang kaniyang pag-iisip, Ravi." Napabangon ako ng wala sa oras nang makita kong nakalutang na ngayon ang lalaking nasa tabi lang kanina ng tinawag niyang Ravi. Parang normal lang sa kaniya ang paglutang sa hangin, walang kahirap-hirap na nagagawa niya ang bagay na iyon.
Hindi ko na alam ang nararamdaman at gagawin ko ngayon dahil sa takot.
"Nesh, itigil mo na 'yan dahil mukhang nagulat sa 'yo ang binibini," pag-saway nito.
Hindi lang ako nagulat, natatakot na rin talaga ako.
"Dern, kumuha ka ng maiinom niya para ito'y mahimasmasan."
Tumango naman ang isa pang lalaking nasa gilid ko lang din. Agad siyang tumalima sa inutos sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang humaba ang kamay nito hanggang sa lumabas na sa pinto habang siya ay nanatili pa rin sa tabi ko. Ilang minuto lang ay bumalik na sa dati ang kamay niya na ngayon ay may dala ng isang baso ng tubig.
Paano niya nagawa 'yon? Sino siya? Si lastikman?
Ano bang klaseng nilalang sila?
"Huwag kang magtaka at matakot. May kaniya-kaniya kaming kapangyarihan kaya namin nagagawa ang mga bagay na imposible para sa ordinaryong taong gaya mo," singit ng lalaking nakasandal malapit sa bintana.
Nababasa niya ang nasa isip ko?
"Oo, nababasa ko nga. Sino ka ba talaga? Bakit tila hindi mo kami kilala?"
"Eh, hindi ko naman talaga kayo kilala! Nasaan ba kasi ako?"
Tumayo ang lalaking kanina ay nakaupo lang. Lumapit siya sa 'kin at tinutok ang kaliwang kamay niya na biglang nag-transform. Ang kaninang kamay ay naging espada na ngayon. Rinig ko ang malakas na pintig ng puso ko nang itapat niya sa akin 'yon.
Hindi ako makagalaw kahit nga ang lumunok man lang ay 'di ko magawa dahil ang pinakadulong tulis ng espada niya ay nakatutok sa aking leeg. Isang galaw ko lang, gilit ang leeg ko. Isang pagkakamali lang, mababawian na ako ng buhay.
"Isa ka bang espiya?" seryoso siyang nakatingin sa 'kin.
Ano bang espiya ang pinagsasabi niya? Ano ako, agent? Kasali sa mafia?
Paano ako magiging espiya? Hindi ko nga sila kilala at hindi ko alam kung paano ako nakarating sa lugar na ito. Kung tutuusin, sila dapat ang pagbintangan ko. Kinidnap ba nila ako?
Hindi ako makasagot dahil sa takot. Pinakalma naman siya nu'ng mabait na lalaki. "Tama na, Cozen. Mukhang hindi naman siya isang espiya."
Tinapunan muna ako nito ng masamang tingin bago bumalik sa dati ang kamay niya at naupong muli. Nakahinga ako nang malalim dahil na-extend ang buhay ko. "Narito ka sa Kaharian ng Norland, sa mundo kung saan walang imposible," ani ng lalaki.
Norland? May ganito bang City sa Manila? Bakit 'di familiar sa 'kin?
"Mukhang masama nga ang iyong inabot, binibini. Mas mabuti kung manatili ka muna rito bilang isang kharim ng palasiyo hanggang sa gumaling ka at maging maayos ang iyong pag-iisip."
"K-Kharim?" pang-uulit ko dahil hindi ko naintindihan ang salitang ginamit niya. Ngayon ko lang narinig ang term na iyon.
"Oo, kharim. Ikaw ay magiging isa sa aming mga taga-silbi."
Ako? Magiging taga-silbi ng limang Prinsipeng ito na halos ikamatay ko kanina dahil sa kakaibang kakayahang taglay nila? Hindi ko yata kaya! Ayoko pang mamatay, 'no! Ni 'di ko nga alam kung anong klaseng mundo ang mayroon sila.
Buhay ko ang ibubuwis ko kapag sumang-ayon ako na maging taga-silbi nila.
Ano ba kasing nangyayari? Bakit ako napadpad sa kakaibang mundong ito na sa panaginip ko lamang nakikita noon.
Kung isa na naman itong panaginip, maaari bang gisingin na lang nila ako? Ayokong manatili sa mundong hindi naman para sa akin.
Ibalik niyo ako sa mundo ko!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro