KABANATA 8
"Zariya, tila ba malalim ang iyong iniisip?"
"H-Ha?" Bumalik ang aking ulirat nang magsalita ang taong nasa tapat ko, si Ysabelle.
Kasalukuyan kaming nasa batis ngayon at abala sa paglalaba ng mga damit ng limang Prinsipe at kasama na rin iba pang tela na ginamit sa palasyo. Ito ang itinakdang araw upang maglaba at kami ni Ysabelle ang inatasan para gawin ang trabahong ito.
Ito rin ang unang beses kong makapunta sa batis na ito.
Napakalinis ng batis na ito, hindi gaya sa modernong mundo na nagsisilutangan ang mga basura, na pati ang kulay ng tubig ay aakalain mong kape dahil mala-lupa nitong kulay.
Sa batis ng Kaharian ng Norland, maaari ka pang maligo sa sobrang linis ng tubig. Wala ni isang dumi kang makikita na nakalutang. Nakaka-engan'yong magbabad dahil sa mala-mineral water na tubig nito. Kung hindi ako nagkakamali, nakakonekta rin ang batis na ito sa lawa na naroon sa hardin ng palasyo. Ilang kilometro lang din ang layo nito sa palasyo pero kahit napakalapit lang, may mga kawal pa ring nakasunod sa amin. Akalain mo 'yon, taga-silbi ang role namin dito pero may guard din kami. Hindi nila hinahayaan na walang bantay na kawal ang bawat taga-silbi na lalabas sa palasyo. Lahat ng naninilbihan sa palasyo ay iniingatan nila.
"May bumabagabag ba sa 'yong isip? Kanina ka pa nakatulala r'yan. May problema ba, Zariya?" bakas sa tono nito ang pag-aalala. "Kung papahintulutan mo, maaari ko bang malaman?"
"May gusto sana akong itanong sa 'yo," nahihiya kong saad.
Huminto ito sa pagkuskos ng nilalabhan niyang tela at seryosong tumingin sa 'kin. "Ano naman 'yon?"
Kagabi pa ito gumugulo sa isip ko. Hindi nga ako pinatulog nito kakaisip, e'. Kaya ngayon, mukha akong bangag dahil wala talaga akong sapat na tulog. Kung hindi ko pa ito itatanong kay Ysabelle, baka hindi rin ako makakatulog nang maayos sa susunod pang mga araw dahil sa kakaisip.
Gusto kong masagot ang mga katanungan ko at patunayan ang aking mga hinala.
"Maaari bang makalabas ang mga Prinsipe sa gabi o kahit pa mga madaling araw? I mean, posible silang maglakad-lakad o gumala sa palasyo ng gano'ng oras?" seryoso kong tanong.
Simula nang nangyari kagabi, 'di na naalis sa 'kin ang pagkanais na malaman kung sino ang taong nakita ko. Sino ang taong sinundan ko sa dulong bahagi ng silid naming mga taga-silbi at tumagos paalis sa lagusan na naroon? Bakit may lagusan na nakatago sa aming tahanan?
Totoo kaya ang kutob ko na isa siya sa limang Prinsipe? Malaki ang posibilidad dahil tanging ang mga may dugong bughaw lamang ang nakakagawa ng mga bagay na 'yon.
Hindi ko inalis ang tingin ko kay Ysabelle habang hinihintay ang sagot nito. "Maaari silang mamasyal sa palasyo sa kahit anong oras na nanaisin nila, kahit na ito pa'y madaling-araw na. Ang madalas nilang gawin sa tuwing hindi sila makatulog ay nagpapahangin sila sa hardin."
Napatango naman ako. So, normal lang na gumala sila sa gabi. May chance rin na 'di iisang tao ang nakahalikan ko noong isang gabi at ang taong kakikita ko lang kagabi. P'wedeng dalawang tao sila.
P'wedeng mali lahat ang mga hinala ko.
Bumalik na si Ysabelle sa pagkuskos ng mga tela. Kinuha ko na rin ang pamalo na gagamitin sa pag-alis ng dumi sa damit. Ganito ang turo sa 'kin ni Ysabelle, kailangan ng pamalo para maalis ang dumi at mantsa na hindi maaalis sa simpleng pagkuskos lamang. Hindi pa kasi uso ang brush sa damit sa gan'tong panahon, kaya mano-mano talaga. Mabuti na lang dahil mas sanay ako sa hand wash no'ng nasa modern world pa ako kaya 'di ako nahihirapan ngayon.
Isinantabi ko muna ang mga tanong sa isip ko at nag-focus sa ginagawa. Ipinatong ko sa malaking bato na flat ang damit ng isang Prinsipe at akmang hahampasin na ito ng pamalo nang magsalitang muli si Ysabelle dahilan para mapatigil ako.
"Pero..." pabitin niyang ani.
Napaangat ako ng ulo at tiningnan ito.
"Nakakagala nga sila sa gabi pero... 'di sila maaaring lumabas sa palasyo. Mahigpit na utos 'yon. Walang Prinsipe ang papahintulutan na lumabas sa gano'ng oras. Kahit anong pilit nila na lumabas, hindi sila papakinggan ng mga kawal dahil 'yon ang utos ni Haring Valor. Hindi nila maaaring suwayin."
Tumindig ako nang maayos at binaba muna ang hawak kong pamalo.
"So, hanggang sa loob ng palasyo lang sila p'wedeng gumala o magpahangin?" pang-uulit ko. Gusto ko lang talagang ma-verify kung tama ang pagkakaintindi ko.
P'wede silang magpahangin sa ganoong oras pero hanggang sa loob ng palasyo lamang. Hindi sila maaaring lumabas sa palasyo.
"Oo, Zariya," she paused as she nodded. "May parusang nakapatong sa Prinsipe na susuway sa utos ng Mahal na Hari. Kaya walang Prinsipe ang maglalakas ng loob na gamitin ang kaniyang sariling kakayahan para lang makapuslit palabas ng palasyo."
Walang Prinsipe ang maglalakas ng loob na pumuslit? So, ano 'yong nakita ko kagabi? Kung totoo mang isa nga siyang Prinsipe, ba't niya nakayang suwayin ang kaniyang Amang Hari?
Sigurado akong lagusan ang nakita ko kagabi. Ang lagusan na iyon ay ang magsisilbing daan upang makapunta sa ibang lugar ang isang tao. Ibig sabihin, nakakalabas sa palasyo ang sino mang magtatangkang tumawid sa naturang lagusan.
"Tanging ang mga Prinsipe at ang Hari lang ba ang may mga kakaibang kakayahan sa Kaharian ng Norland?" Hindi na ako nakapag-pigil na magtanong. Gustong-gusto ko na masagot ang mga tanong ko at makasigurado sa mga hinala ko.
"Maraming mga kakaibang nilalang ang naninirahan sa mundo natin ngunit tanging ang mga may dugong bughaw lang ang may angking kakayahan o kapangyarihan. Oo, tanging si Haring Valor at ang kaniyang limang Anak lamang ang biniyayaan na magkaroon ng kakaibang kapangyarihan," mariin niyang sambit. "Ngunit bukod sa kanila, may iba pang dugong bughaw ang namumuhay ngayon..." Huminto siya at tinakpan ang kaniyang bunganga gamit ang dalawang kamay. Tila dismayado siya sa kaniyang sarili dahil sa kaniyang sinabi. Mukhang nadulas siya sa impormasyong sinabi niya sa akin.
"Bakit?" tanong ko dahil naguluhan ako sa inasta niya.
"Pinagbabawal pala sa palasyo ang i-k'wento sa iba ang tungkol sa nag-iisang kaibigan ni Haring Valor," pabulong niya itong sinabi para 'di marinig ng mga kawal na nasa hindi kalayuan mula sa amin.
Si Haring Hellion ba ang tinutukoy niya? Ang Ama ko sa mundong ito? Naaalala ko pa ang balik-tanaw na pinakita sa 'kin ni Tata Lucio, ang kakaibang ibon sa puno at ang dahilan kung ba't ako napadpad dito.
Ang tungkol sa labanan sa pagitan ng dalawang Hari, si Haring Valor at Haring Hellion... ang dahilan ng pagkamatay ng aking Amang Hari.
"Sino pa ang tinutukoy mong may dugong bughaw maliban sa pamilya ni Haring Valor?" Mahina ang pagkakatanong ko pero sapat naman para marinig niya. Tinanong ko siya upang hindi ito makahalata na may alam ako. Kailangan kong magmaang-maangan tungkol kay Haring Hellion. Umakto akong walang alam at lalong walang koneksiyon sa naging matalik na kaibigan ni Haring Valor noon.
"Hindi ko na sila ipapakilala bawat isa ngunit sila ay naninirahan ngayon sa Kaharian ng Lacandia, ang mortal na kaaway ng ating Kaharian."
Tama ako. Si Haring Hellion nga ang tinutukoy niyang nag-iisang kaibigan ni Haring Valor. Ang ipinagtataka ko lang, ba't humantong sa matinding labanan ang dating magkaibigan? Tama ba ang narinig ko sa balik-tanaw? Na sakim si Haring Hellion sa kapangyarihan kaya't nagawang patayin ni Haring Valor ang kaniyang matalik na kaibigan o may mas malalim pa na dahilan?
Iba talaga ang nagagawa ng kasakiman sa isang tao. Itutulak ka nitong gumawa ng bagay na ikakapahamak mo rin lang sa huli dahil ang kasakiman ay masamang gawain. Walang masamang gawain ang nagwawagi sa huli.
Nadagdagan na naman ang mga tanong sa 'king isipan. Una, ang taong 'di ko sinasadyang mahalikan. Pangalawa, ang lalaking nakita ko kagabi. Iisa lamang kaya sila? Isa ba siyang Prinsipe na sumuway sa utos ng kaniyang Amang Hari? Kung oo man, ano ang dahilan niya? Idagdag pa ang k'wento sa likod ng dating matalik na magkaibigan na sina Haring Valor at Haring Hellion.
"Nakaka-stress!" bulalas ko sa kawalan.
Tiningnan ako ni Ysabelle na nagtataka.
"Ha?" ani nito dahil hindi niya ako naintindihan.
"Ah, hehe. Ang sabi ko, ituloy na lang natin itong ginagawa natin," palusot ko.
Naniwala naman siya at napatango na lamang bago siyai bumalik muli sa pagkuskos ng mga tela. Hindi rin masamang gumamit ng English words dahil hindi naman nila naiiintindihan ang mga sinasabi ko.
Marami na rin akong damit na natapos banlawan. Tatlong pirasong damit na lang ang natitira. Tatapusin ko na 'to para matulungan ko naman si Ysabelle sa mga makakapal na tela na kaniyang nilalabhan. Hindi niya kakayanin ang bigat ng mga tela na iyon sa payat na tulad niya. Payat din naman ako pero mas mapapadali kung magtutulungan kami.
Pero ilang saglit lang ay naagaw ang atensiyon namin ang pagdating ni Prinsipe Ravi.
"Ysabelle, Zariya? Narito rin pala kayo," ngiti ang pinambungad ng Prinsipe sa amin.
Ang aliwalas ng mukha nito at matindig ang pagkakatayo. Nakasuot siya ng itim na hanbok at nakasuot din siya ng sumbrero na terno sa kaniyang suot. Prinsipeng-prinsipe ang kaniyang dating. Well, Prinsipe naman talaga siya.
"Magandang umaga, Prinsipe Ravi." Kahit nakaupo ay nagawa pa ring yumuko ni Ysabelle para magbigay galang sa Prinsipeng nasa harapan namin ngayon. Sumunod din ako agad sa pagbibigay respeto sa ikaunang Prinsinpe."Ngayon po ang araw na inatas sa amin ni Kharim Celia upang maglaba," dagdag nito.
"Gano'n ba?" Pinasadahan niya lang ng tingin si Ysabelle at saka sumulyap sa 'kin.
Hindi tuloy ako mapakali nang magtama ang aming mga mata. Ang tanging nagawa ko na lang ay mag-bow ulit. Speechless din kasi ako dahil 'di ko in-expect na pupunta rin siya rito. Wala pa naman akong ayos at ang bangag ko pa.
"Ravi!" Napatingin kaming lahat sa lalaking sumigaw habang papalapit sa amin. "Ito na ang gagamitin natin," wika ni Prinsipe Dern na medyo hinihingal.
May hawak itong dalawang pamingwit. Ibinigay niya ang isa kay Prinsipe Ravi. Mukhang naparito sila para manghuli ng isda.
Nang nagawi ang paningin ni Prinsipe Dern sa direksyon namin ni Ysabelle, lumawak bigla ang ngiti nito. Lumalim pa tuloy ang magkabilaang dimples niya. Tumikhim muna siya saka confident na naglakad-lakad sa harapan namin.
"Ravi." Tawag niya sa nakakatandang kapatid dahilan para maagaw ang atensiyon ni Prinsipe Ravi at maging ako. Nasa umaagos na tubig ang paningin niya ngayon. "Mukhang hindi dalag na isda ang nais kong hulihin dito." Huminto siya sabay tingin sa 'kin. "Mas nais kong hulihin ang magandang dilag na narito."
Alam kong ako ang tinutukoy nito dahil nasa akin lang naman ngayon ang paningin niya. Kumunot na naman ang noo ko dahil sa pinarinig nito. Hindi ba siya nahihiya kay Prinsipe Ravi sa mga pinagsasabi niya ngayon? Kailan niya ba ako titigilan sa kakaharot niya?
Mas nairita pa ako nang humalakhak pa ito nang malakas. Parang timang talaga!
"Sa t'wing bumabanat ako, tanging pagkunot ng noo lang ang reaks'yon ng iyong mukha," ani nito sa 'kin.
Anong i-expect niya? Mangingisay ako sa kilig? Eh, alam ko namang pawang kasinungalingan lang ang mga mabulakbulak niyang mga salita na binabato sa 'kin. Hindi ako marupok kung iyon ang inaakala niya.
Isa pa, nag-eenjoy lang siyang asarin ako dahil ako lang yata ang babaeng 'di kayang mapaibig ng kupal na 'to! Pasensiya na lamang siya dahil hindi niya talaga ako madadali sa mga panghaharot niya.
Hindi ko hahayaang mahulog ako sa taong alam kong hindi ako sasaluhin sa huli.
Natutuwa lamang itong si Prinsipe Dern dahil hindi ako naapektuhan sa mga banat niya. Kung alam ko lang, nacha-challeng lang ito na paibigin ako, iyon lamang iyon.
Well, sorry siya kasi hindi ako marupok.
"Dern, tigil-tigilan mo si Zariya sa mga kaharutan mo," pagsu-suway ni Prinsipe Ravi.
Napangiti ako nang palihim sa tinuran niya. Ang babaw lang no'n pero iba ang impact sa 'kin. Ang kapal at assumera ko siguro kung iisipin kong nagseselos siya?
Sabi ko nga, medyo assuming ako sa part na 'yon.
"Bakit naman, Ravi? Saka ko lang titigilan si Zariya kung mapapa-ibig ko na siya," pangangatwiran pa ni Prinsipe Dern.
Harap-harapan talaga niyang sinabi 'yon sa 'kin. Tama nga si Kharim Celia, ghoster talaga itong si Prinsipe Dern! Igho-ghost lang ako nito kapag nagkagusto ako sa kaniya pabalik, naku! Kaya tama lang ang ginagawa kong pagsusungit at pag-iwas sa kaniya.
"Pero p'wede rin namang tigilan ko siya kung siya ang babaeng iibigin mo," dagdag pa niya. Nakangiti pa rin itong kinakausap ang kaniyang kapatid. Mapang-asar ang ngiting iyon.
Kay Prinsipe Ravi naman ako ngayon naka-focus. Walang mababakas na kahit anong reaksiyon ang mukha niya sa sinabi ni Prinsipe Dern pero inaabangan ko pa rin ang isasagot nito.
"Malay natin. Kung 'yon ang takbo ng tadhana, bakit ako tututol?"
Naglakad na palayo si Prinsipe Ravi. Sumunod na rin sa kaniya si Prinsipe Dern pero lumingon muna ito at kumindat sa 'kin. Hindi ko ito pinansin bagkus mas inalala ko ang sinabi ni Prinsipe Ravi.
Iyon nga ba ang takbo ng aming tadhana? Kahit 'di ko pa nafo-forecast ang future, 'di p'wedeng mangyari 'yon dahil sa inatas na mission sa 'kin. Hindi ako maaaring magkaroon ng pagtingin sa kahit sino sa kanila. Nais ko pang makapabalik sa modernong mundo. Kaya kahit mismong tadhana ay handa kong kalabanin para 'di masira ang lahat ng plano ko.
Pero kaya ko nga bang pigilan kung puso ko na mismo ang tumibok?
"May lihim kang pagtingin kay Prinsipe Ravi, tama ba?"
Napalingon ako kay Ysabelle. Gaya ni Prinsipe Dern, tinapunan niya rin ako ng mapang-asar na ngiti.
"Ha? Ano bang sinasabi mo, Ysabelle? W-Wala, ah!" pag-defend ko.
Hindi niya inaalis ang pagkakatitig sa 'kin. Sinusuri nito ang reaksiyon ko at binabasa ang aking mga mata. Ako na lang tuloy ang umiwas ng tingin. Hindi ko rin naman kasi kayang tumingin sa kaniya habang nagsisinungaling. Ramdam kong hinuhuli at sinusuri talaga ako nito sa mga tingin na ipinupukol niya sa akin.
"Gaya mo ay babae rin ako. Alam ko ang mga tingin na pinupukol mo kay Prinsipe Ravi, Zariya, dahil maging ako ay umiibig din nang palihim sa lalaking alam kong kailan ma'y 'di mapapasa'kin," an'ya sa malungkot na tono.
Napayuko siya at nasilayan ko ang mapait na ngiti sa kaniyang labi. Ramdam ko tuloy ang bigat ng nararamdaman na dinadala niya. Mahirap umibig nang palihim dahil palihim ka ring nasasaktan.
Sino ang tinutukoy niya? Gustuhin ko mang tanungin pero mas nangibabaw ang aking hiya. Wala ako sa posisyon para magtanong sa kaniya ng gano'ng klaseng tanong. Privacy niya na 'yon. Hintayin ko na lamang na siya ang unang mag-open up sa akin kaysa pilitin siyang magk'wento.
Binaling ko na lamang ang atensiyon ko sa dalawang Prinsipe na abala sa pamimingwit sa dulong bahagi ng batis. Batid sa mukha nila na nag-eenjoy sila lalo na si Prinsipe Dern. Nasa personality niya na talaga ang pagiging masiyahin, gaya ni Prinsipe Nesh. Lahat ng kanilang ginagawa, nag-eenjoy sila.
Si Prinsipe Ravi naman ay nakakarami na ng nahuling isda. Nilagay niyang muli sa malaking timba ang mga nabingwit. Ngiti ang nasisilayan sa kaniyang mukha sa tuwing nakakahuli siya. Hindi ko maiwasang mamangha sa kaniya. Walang kaarte-arte sa katawan, napakamature mag-isip at napakabusilak ang pusong tumulong sa iba. Kung ipapalarawan ang isang perfect Prince sa akin, si Prinsipe Ravi ang iha-halimbawa ko.
"Paghanga lang naman ang nararamdam ko sa kaniya," ani ko na hindi pa rin tinatanggal ang paningin kay Prinsipe Ravi. "Hanggang doon lang dahil hindi maaaring lumalim pa ito."
Hindi ko alam kung narinig ba 'yon ni Ysabelle dahil 'di ako nag-abalang lumingon man lang sa gawi nito.
"Mabuti naman, Zariya. Sana ay hindi na lumalim pa ang iyong paghanga kay Prinsipe Ravi lalo pa't may binibini nang iniibig ang Mahal na Prinsipe."
This time, napalingon ako nang wala sa oras. Nakaramdam ako ng konting kirot sa dibdib dahil sa sinabi niya. Hindi gumawi sa isip ko na may nagmamay-ari na pala sa puso ng Prinsipe. May nanalo na pala sa pag-ibig niya.
May iniibig na pala ang ikaunang Prinsipe.
Pinilit kong ngumiti. Iwinaksi ko ang kirot na naramdaman. "Huwag kang mag-alala, hindi na lalalim pa ang paghanga ko sa kaniya... dahil sa una pa lang, hindi na talaga kami p'wede."
Hindi ko maaaring kampihan ang emosiyon ko. Hindi p'wede na ang nararamdaman ko ang magwawagi laban sa misyon na kailangan kong tuparin.
Kung papipiliin ako, pag-ibig o misyon?
Misyon ang aking isasagot.
Hindi ako p'wedeng umibig sa mundong ito, sa mundong hindi naman para sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro