KABANATA 4
"Kompleto na ba ang lahat ng mga sangkap?"
Hindi magkandaugaga si Kharim Celia sa pag-aayos ng mga gulay na nakapatong sa mahabang mesa na gawa sa kahoy, mahahalata mong matibay talaga ito. Inilibot ko ang paningin sa loob ng kusina. Napakalawak nito at halos kompleto ang lahat ng gamit pangluto. Hindi nga lang pamilyar sa 'kin ang ibang gamit dahil mukhang luma na ang mga ito at 'di ko na naabutan sa modernong mundo. Ito yata ang mga gamit nila noong sinaunang panahon. Hawig pa rin naman ito sa ginagamit sa makabagong panahon, mas nag-improve nga lang dahil na rin teknolohiya at creativity ng mga tao.
Bumaling ako kay Kharim Celia na abala pa rin sa paghahanda. May lima pang taga-silbi ang kasama ni Kharim Celia sa pagpre-prepare ng mga kakailanganin sa pagluluto. Mukhang marami-rami ang kanilang lulutuin.
Mula sa pinto, humakbang ako papalapit sa kinaroroonan ni Kharim Celia. Balak ko sanang tumulong sa pagluluto para mapabilis ang trabaho. Wala pa naman akong ginagawa kaya mas maiging tutulong na lang ako.
"Zariya?" gulat niyang banggit sa pangalan ko nang makita ako sa tabi nito. "Anong ginagawa mo rito? Dapat ay natutulog ka pa sa ganitong oras dahil mamaya pa naman ang gising ng mga Prinsipe," dagdag nito.
Ang bilin kasi niya sa 'kin, tanging ang limang Prinsipe lamang ang pagsisilbihan ko. Hindi ko na raw kailangang tumulong pa sa pagluluto o paglilinis. Gugugulin ko ang buong atensiyon at oras ko sa limang Anak na Prinsipe ni Haring Valor. Iyon lang ang magiging trabaho ko rito sa palasiyo.
Ngunit kung hindi ako tutulong ngayon, ano naman ang gagawin ko? Hindi naman na ako makatulog simula kanina nang maramdaman kong bumangon mula sa kaniyang kama si Kharim Celia. Pati ako ay napabangon na rin at sinundan siya rito dahil nawala na ang antok ko.
Wala akong orasan pero sa hula ko, alas-k'watro pa lang ng madaling araw. Napakadilim pa ng buong paligid no'ng kaninang lumabas ako. Maging ang simoy ng hangin ay napakalamig pa. Mabuti na lang at mahaba ang manggas ng damit namin kaya 'di gano'n kalamig.
"Gusto ko po sanang tumulong," ani ko at saka tumingin sa mga gulay na naroon. Inisa-isa ko itong sinuri. Karamihan ay ang mga gulay na nabanggit sa kantang bahay-kubo ang nasa harapan ko ngayon.
Lumapit sa 'kin si Kharim Celia at akmang may ibubulong kaya naman hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ko para hintayin ang ibubulong nito. "Ngunit hindi ka marunong sa gawaing kusina, Prinsesa Amity. Baka makahalata lamang ang ating mga kasamahan."
Hindi ako makaimik sa sinaad nito. Hindi ba marunong magluto si Prinsesa Amity? Kahit simpleng pagkain lang ay 'di siya marunong?
Kung gayon, magkaibang-magkaiba kami.
Ako ang madalas na katulong ni Mama sa pagluluto simula noong maliit pa ako at 'yon ang dahilan kung paano ako natutong magluto. Dahil mag-isang Anak lamang ako, ako ang laging nakatoka sa kusina kaya marunong ako sa gawaing kusina. Maraming pagkain din ang alam kong lutuin.
Hindi na ako magtataka kung bakit hindi alam ni Prinsesa Amity ang gawaing kusina, malamang ay isa siyang Prinsesa. Hindi na niya kailangan pang pagurin ang sarili niya dahil isang tawag niya lang sa taga-silbi, ayos na. Lahat ng gusto niya ay makukuha niya ng gano'n lamang kadali. Walang kahairap-hirap niya itong magagawa. Ang mga taga-silbi niya ang magsisilbing kamay niya sa bawat kilos na nais niyang gawin.
Pero paano ko ba malulusutan 'to kung hindi talaga marunong si Prinsesa Amity magluto? Kailangang mag-ingat ako sa ikikilos ko. Hindi maaaring makahalata sila sa pagkakaiba ng ugali namin ni Prinsesa Amity.
"Ah, ang ibig ko pong sabihin ay gusto ko po sanang matutong magluto," pagdadahilan ko. Aasta na muna akong walang alam at magpapaturo nang sa gano'n, hindi sila magduda kung bakit alam ko nang magluto sa susunod.
Tiningnan lang ako ni Kharim Celia na tila 'di makapaniwala sa sinaad ko. "Sigurado ka ba? Kung gayon, tingnan mo at aralin ang mga gagawin ko."
Sinimulan na niyang hiwain ang ibang gulay. Inutusan na rin niya ang isang taga-silbi na isalang na ang malaking kawali. Pinanood ko siya at nagkunwaring inaaral ang bawat ginagawa niyang panghahalo sa niluluto. Iba't-ibang gulay ang ginisa niya. Hindi ko alam ang tawag sa putaheng ito rito pero base sa nakikita kong mga sangkap, pinakbet ang tawag sa modernong mundo dahil maraming gulay ang sangkap nito.
Matapos niyang mailuto 'yon, nag-suggest ako na ako naman ang susunod na magluto. May nakahanda na sa lamesa na karne ng baboy at dahil walang condiments na nabibili sa kanto, sinabihan ako ni Kharim Celia na magpunta sa hardin para kumuha ng iba pang sangkap na gagamitin ko.
Gasera ang nagsilbing ilaw ko sa paglalakad papuntang hardin. Mag-isa ko lang at panatag ako dahil may mga kawal na gising upang magbantay sa palasyo pero nang makapunta na ako sa mismong hardin, wala ni isang kawal akong nakita. Kahit pa may mga gasera na nakasabit sa bawat puno, 'di ko pa rin mapigilan na makaramdam ng takot pero iwinaksi ko din 'yon para makahanap agad ng soybeans at laurel leaves. Wala naman sigurong multo sa panahong ito.
Pumunta ako sa kanang parte ng hardin. Nandoon kasi ang mga tanim na gulay. Yumuko na ako at nagsimula nang maghanap. Habang naghahanap ng soybeans at laurel leaves, nagtayuan ang balahibo ko nang may narinig akong sumitsit.
"Pst, psst!"
Mas lalo akong natakot. Kung hindi sa ahas, sa multo naman ako takot.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa gasera. Nanatili akong kalmado at nagkunyaring walang narinig pero ang lakas na ng tibok ng puso ko dahil sa kaba at takot lalo na nang maulit ang pagsitsit nito.
"Psst," ani na naman nito.
Nae-engkanto ba ako?
Lumingon ako at itinaas ang hawak na gasera para makita kung may tao sa paligid. "Sino 'yan? May tao ba r'yan?"
Walang sumagot. Kapag ganitong sitwasyon pa naman ay nagpapanic agad ako. Mas nangingibabaw talaga ang takot ko. Kung anu-ano na ang tumatakbo sa isip ko at nagco-conclude na rin ako agad.
"Kalma, Zariya. Baka huni lang 'yon ng mga insekto." Para akong tanga na kinakausap ang sarili para kumalma lang.
Binalik ko ang atensiyon sa paghahanap. Kailangan ko na mahanap ang sangkap na kailangan ko para makabalik na. Parang nagsisisi tuloy akong nag-volunteer pa ako na magluto. Mas'yado naman kasi akong pabibo! Baka kung ano pa ang makita ko ritong maligno o engkanto.
Tama si Kharim Celia, dapat ay itinulog ko na lang at mamaya na magising.
"Psst!" Narinig ko na naman. Ramdam ko na rin na may nakatingin sa 'kin. Gusto ko na lang tumakbo ngayon pero hindi ko magawang maihakbang ang mga paa ko. Tila napak ako sa kinatatayuan ko.
"Ano? Kanina ka pa sumisitsit diyan. Ano ka, 'psst wampipti'? Magpakita ka sa 'kin, akala mo natatakot ako sa 'yo? Well, hindi!" Nanginginig kong bigkas. Napatikhim ako nang mahina. Ano bang sinabi ko? Napakatapang ko naman. Paano kapag magpakita nga? "Pero joke lang pala 'yon. Gusto ko lang naman kumuha ng sangkap na kakailanganin ko sa pagluluto. Hindi ko naman kayo ginugulo o ginagambala, kaya 'wag niyo naman akong takutin, oh. Let's be friends na lang," hirit ko pa.
Matapos kong sambitin ang mga salitang 'yon, nakarinig naman ako ngayon ng malakas na pagtawa ng isang lalaki. Hindi pa nawawala ang takot ko nang may biglang sumulpot sa harap ko.
"Ay, engkanto!" gulat na bulalas ko dahilan para mas lumakas pa ang pagtawa niya. Nakahawak pa siya sa tiyan niya habang tumatawa. Sana hindi niya makalimutang huminga.
Itinapat ko ang gasera sa kaniya at laking gulat ko nang makilala ang lalaking nasa harap ko ngayon.
"Ikaw na naman?" singhal ko sa kaniya. "Papatayin mo ba talaga ako sa gulat?"
"Kasalanan ko bang magugulatin ka?" pagbabalik-tanong niya sa 'kin.
Inirapan ko ito at tinalikuran siya. Nawala ang takot at pangamba ko ngunit napalitan naman ito ng pagkainis. Bumalik ako sa paghahanap ng soybean. Akala ko engkanto na talaga o kaya white lady pero itong kupal lang pala!
Dahil naiinis pa ako sa kaniya hanggang ngayon, 'di ko na siya pinansin. Naka-focus ult ako sa paghahanap ng sangkap.
Ilang minuto na ang lumipas pero hindi ko pa rin makita ang hinahanap ko. Napakalawak naman kasi nitong hardin nila at ang rami pang mga tanim na gulay.
Habang nakayuko at kasalukuyag naghahanap, naramdaman kong tinabihan niya ako at yumuko rin siya at tiningnan ang bawat gulay na hinahawakan ko. Nakaramdam tuloy ako ng pagkailang dahil ilang dangkal na lang ang pagitan ng mga mukha namin.
"Ano bang ginagawa mo rito, Prinsipe Nesh? Bumalik ka na sa loob. Dapat ay natutulog ka pa sa ganitong oras." Tumindig ako nang maayos at naglakad-lakad sa tabing mga gulay para makalayo ngunit sumunod pa rin siya sa akin.
"Sa pagkakaalam ko, ako ang Prinsipe at ako lang din ang may karapatang mang-utos," pangrarason niya.
Hindi ko pa rin siya nililingon. Oo nga pala, taga-silbi ang role ko rito. Ako ang inuutusan at 'di ako p'wedeng mang-utos lalo pa sa Prinsipe na gaya niya.
Ma-attitude ako pero mas ma-attitude pa pala ang isang ito.
"Ano ba ang hinahanap mo?"
Napatingin na ako sa kaniya at seryoso naman siyang nakatingin sa mga gulay na nasa harapan namin.
"Soybean at laurel leaves," wika ko. Balak ko kasing magluto ng adobo, isa sa mga paborito kong pagkain. Hindi ko alam kung alam nila ang pagkain na 'yon.
"S-Soy-bin? L-Law-rel? Nakakapagtaka, ngayon ko lang narinig ang mga gulay na 'yan."
Nakalimutan kong hindi pala sila nakakaintindi ng English dito. Ano bang tagalog nito? Hindi ko rin alam, eh.
"Ah, basta! Sangkap 'yon na kakailanganin ko sa iluluto ko." Nagpatuloy ako sa paghahanap. Kung may sapat lang sana na ilaw, kanina ko pa nahanap ang mga ito.
"Nais mo bang tulungan kita?" Napalingon ako sa kaniya. Nakabungisngis na ito sa 'kin at mayabang akong tinanong. Tila naghihintay na hingan ko siya ng pabor.
"Paano naman, aber?" Tinaasan ko siya ng kilay. Ni 'di nga niya alam ang dalawang sangkap na sinabi ko.
Tanging ngiti lang ang itinugon niya sa 'kin. Ang hilig niya talagang magbungisngis, napakapilyo niyang tingnan.
"Mapapamangha ka sa aking gagawin," ani nito kasabay ang pagbuga ng apoy sa gitna ng hardin.
Imbes mamangha, mas nanaig ang pagkabahala sa 'kin. Hindi ako mapakali sa apoy na ginawa niya. Maaaring lumakas pa lalo ang apoy at may chance na masunog ang lahat ng halaman na narito sa hardin.
"Anong ginawa mo?" Natataranta akong naglakad papunta sa gitna kung nasaan ang apoy.
"Apoy," walang gana niyang bigkas. "Magagamit mo 'yan bilang ilaw sa paghahanap ng sangkap upang sa gano'n ay mapapadali ang iyong paghahanap."
Napatakip na lamang ako ng kamay sa mukha. Mapapadali nga pero mauubos naman agad ang lahat ng mga gulay na narito.
Itinabi ko muna ang hawak kong gasera sa isang malaking bato na malapit sa lawa. Dali-dali akong nagtungo sa lawa na naroon lang malapit sa gitna ng hardin. Gamit ang container na paglalagyan ko sana ng soybeans at laurel, ginamit ko 'yon para ipang-igib at ibuhos sa nagliliyab na apoy. Nakawalong buhos ako hanggang sa tuluyang mapuksa ang apoy. Mabuti na lamang at ordinaryong halaman at bulaklak lang ang nasunog.
Napabuntong-hininga ako at pinunasan ang tagatak na pawis sa 'king noo.
"Mukhang hindi maganda ang tulong na naibigay ko," ngiwi niya sabay kamot sa ulo nito.
Tama nga si Kharim Celia, 'di pa kayang gamitin ni Prinsipe Nesh nang tama ang kakayahan niya kaya humahantong sa kapalpakan. Naiintindihan ko naman ito dahil masiyado pa siyang bata. Kailangan niya pa ng gabay at sapat na training. Normal lang naman dahil sa murang edad niya.
Ang problema ko ngayon, paano ko siya i-a-approach na 'di siya ma-offend? Kahit pa naiinis ako sa kaniya, may awa pa rin naman akong nararamdaman.
"Oh, eto..." Iniabot ko sa kaniya ang gasera. "Hawakan mo na lang 'to at ilawan mo ang mga gulay na hahawakan ko para mapadali ang aking paghahanap."
Napakabossy ko yata sa inasta ko. Okay na rin 'yon para hindi nila ako kawawain kung aasta akong masiyadong mabait.
Sinunod niya naman agad ang sinabi ko. Hinawakan niya ang gasera at tinutok sa mga gulay na nasa harap namin. Ilang saglit lang ay nahanap ko na ang soybean at laurel.
"Okay na 'to," nilagay ko sa hawak kong container ang dalawang sangkap. "May mga ibang condiments naman sa loob na kailangan ko so, let's go."
Humakbang na ako pero siya ay nanatili pa ring nakatayo na bakas sa mukha ang pagkalito.
"Ano ang mga huling salitang iyong ibinigkas?" Kunot-noo niyang tanong sa 'kin.
Napangiwi naman ako nang marealized na gumamit na naman pala ako ng English words na 'di nila maintindihan.
"Uhm... ano kasi 'yon, sariling salita ko lang kaya 'wag mo na lang pansinin kung gumagamit ako ng mga salitang 'di niyo maintindihan," palusot ko.
Alam kong magmumukha akong baliw sa paningin nila pero ito ang mas magandang rason kaysa aminin kong English words 'yon na natutunan ko sa mundo ko na mas lalong magpapagulo sa sitwasyon.
"Halika na," pag-aya ko sa kaniya at saka siya tinalikuran. Nagsimula na akong maglakad papunta sa loob para makatakas sa posibleng itatanong pa niya.
Naramdaman kong kasunod ko siya sa paglalakad pero nang lumiko na ako papunta sa kusina ay hindi na siya nakasunod. Hindi ko alam kung saan na siya nagpunta. Bigla na lang siyang nawala sa likuran ko.
Nag-focus na lang ako sa pagluluto ng adobo. Si Kharim Celia naman ay puro tanong sa akin, kung ano raw bang klaseng pagkain ang niluluto ko. Parang first time pa lang talaga nila matitikman ang adobo.
"Napakasarap!" manghang saad ni Kharim Celia nang tikman niya ang adobong niluto ko. Nakatatlong subo pa ito.
"Sabi naman sa inyo Kharim Celia, masarap talaga ang adobo."
"Hindi ko alam na ganito ka pala kagaling magluto, Prinsesa Amity," mahina niyang wika na tama lang para hindi marinig ng mga iba pang taga-silbi. "Tiyak, mapapaibig mo ang mga Prinsipe sa putaheng iyong niluto," dagdag pa niya.
Napatawa na lamang ako dahil ang unang pumasok sa isipan ko ay parang nilagyan ko ng gayuma ang pagkaing niluto ko para mapaibig ko sila. Eh, simpleng pagkain lang naman 'to sa modernong mundo pero pinagmamalaki namin dahil tunay ngang masarap.
Tumulong na ako sa paglalagay ng mga pagkain sa mahabang mesang naroon. Bakas ang labis na karangyaan dahil gawa sa ginto ang kutsara't tinidor, plato at iba pang gamit pangkain. Napapalibutan rin ang mga pagkain ng ilang vase na may lamang matitingkad na bulaklak at naglalakihang kandila na nagsilbing ilaw, parang nasa romantic date ka lang. Isa pa, napakarami pang pagkaing nakahain. Aakalain mong araw-araw ay may okasyon o 'di kaya'y pasko. Gaganahan ka talagang kumain kung gano'ng view ang makikita mo.
"Magsihanda na kayo, parating na ang Mahal na Hari at ang mga Prinsipe," babala ni Kharim Celia sa lahat.
Nagsimula nang gumilid ang mga taga-silbing gaya ko at nag-form ng dalawang pila, ako rin ay nakipila na. Nasa gitna namin ang mahabang mesa kung saan kakain ang Hari at ang limang Prinsipe. Narinig ko na nga ang mabibigat na hakbang nila indikasyon na pababa na sila mula sa hagdan.
"Haring Valor," bulong ko sa 'king sarili. Nangunguna ang may edad na lalaki na may suot na korona. Hindi na niya maitago ang ilang hibla ng kaniyang puting buhok. Kagalang-galang ang hitsura niya dahil sa kasuotan nito.
Kasunod nito ang limang Prinsipe na diretso lang ang tingin at parang wala lang sa kanila ang presensiya namin. Nakayuko ang mga kapwa ko taga-silbi pero ako ay palihim na tumitingin sa Hari't mga Prinsipe.
Grabe! Sa movies ko lang napapanood noon ang ganitong eksena. Pero ngayon, kasama ko na ang mga taong may dugong bughaw sa mundong ito.
Sa left side naglakad si Haring Valor kasama sila Prinsipe Nesh, Cozen at Arsh samantalang naglakad naman sa tapat namin sila Prinsipe Ravi at ang kupal na si Prinsipe Dern na kumindat pa sa 'kin nang mahuling nakatingin ako sa kanila. Itong kupal talaga na 'to! Yumuko na lang tuloy ako.
Nasa gilid ni Haring Valor si Kharim Celia. Marahil ay siya ang pinakaleader ng mga taga-silbi, mayordoma kung tawagin. Kaya pala madali nilang napabagsak ang Norland dahil nasa matataas na posisyon ang ibang mga traydor sa Kaharian.
Tahimik lang na kumakain ang lahat nang biglang nagsalita si Prinsipe Ravi.
"Kharim Celia?" Dali-dali namang lumapit si kharim Celia sa tabi ni Prinsipe Ravi.
Yumuko muna ito bago nagtanong. "Ano po 'yon, Prinsipe Ravi?"
"Ikaw ba ang nagluto nito?" Pasimple akong sumilip sa mangkok na tinuro niya.
Iyon ang mangkok na pinaglagyan ko ng adobong niluto ko. Bigla tuloy akong nakaramdam ng kaba. Hindi ba siya nasarapan? May problema ba sa niluto ko? May nararamdaman ba siyang kakaiba? Nilagyan ba ni Kharim Celia ng lason ang adobong niluto ko para tapusin na agad ang buhay ng Hari at ang limang Prinsipe?
Hindi ko maiwasang mag-overthink.
"Nais kong makilala ang nagluto ng pagkaing ito." Bakas sa boses nito ang awtoridad. Lalo tuloy akong hindi mapakali sa kinatatayuan ko.
Tumango agad si Kharim Celia at saka ito nagsimulang humakbang papunta sa tapat ko. Balak niya talaga akong ilaglag?
"Si Zariya ang nagluto ng putaheng 'yan, Mahal na Prinsipe."
Iniangat ko na ang aking ulo. Nakatingin silang lahat sa akin maliban sa mga iba pang taga-silbi na nanatili pa ring nakayuko. Nakalingon na rin sa 'kin si Prinsipe Ravi. Nagtama tuloy ang aming paningin na nagbigay init sa 'king pisngi.
"Hindi ko akalain na may angking husay ka sa pagluluto, Zariya." Malumanay ang boses ni Prinsipe Ravi. Nakahinga ako nang maluwag at naalis ang kabang nararamdaman ko kanina. Pupurihin lang pala niya ako. Akala ko kung ano na.
"Mukhang tinamaan ang Anak kong panganay dahil sa iyong iniluto," nakangiting sabat ni Haring Valor. Bakas kay Haring Valor ang kabaitan at pagkapilyo, gaya ni Prinsipe Nesh.
"Ama," suway ni Prinsipe Ravi dahil halatang inaasar siya ng kaniyang Ama. Nahiya tuloy akong tumingin sa kanilang dalawa.
"Gusto ko lang purihin ang isang Haya na tulad niya. Hindi lang siya maganda, magaling din pala siyang magluto dahilan upang mas lalong umibig sa kaniya ang isang binatang katulad ko," gumuhit sa kaniyang labi ang matamis na ngiti.
I can feel a thousands of butterflies in my stomach right now. Ramdam ko rin ang pag-iinit ng pisngi ko.
Tanging tipid na ngiti lang ang sinagot ko. Wala akong masabi, e'. Nakaka-speechless pala kapag nasa harap mo ang isang Hari kasama ang kaniyang Prinsipeng Anak lalo na kung inaasar kayo.
Bago ako tuluyang bumalik sa pagkakayuko, napasadahan ko ng tingin si Prinsipe Arsh. Magkasalubong ang kilay niyang nakatangin sa akin. Ba't ganiyan siya makatingin? Anong problema niya? Hindi ko na lang ito pinansin pa. Baka bad mood lang siya.
Yumuko na lamang ako at inulit sa isipan ang mga salitang binitawan ni Prinsipe Ravi dahilan ng pagngiti ko sa kawalan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro