Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 36

Nasaan ako?

Hindi ako pamilyar kung nasaan ako. Sa ilang buwan ng pananatili sa Kaharian ng Norland, ngayon lang ako nakapunta rito. Sa pagkakaalam ko, walang ganitong lugar sa loob ng palasyo. Wala ako sa palasyo ng Norland ngayon kaya sobra akong nagtataka kung paano ako nakarating rito.

Umikot ako upang tingnan ang buong paligid. Napamangha ako sa aking nakita.

Napakagandang lugar!

Malawak na bukirin na tinaniman ng iba't-ibang uri ng mga bulaklak ang narito. Nasa gitna ako at pinapalibutan ng mga bulaklak na hindi pamilyar sa akin at nais kong malaman kung anong mga klase ng bulaklak ito dahil ang titingkad ng kulay at napakabango pa! Nakakaaliw pagmasdan ang buong paligid lalo na ang mga nagliliparang paru-paro sa ere.

Katulad nito ang dating pinuntahan namin ni Prinsipe Arsh noong kumuha kami ng mga bulaklak para sa kaarawan ni Haring Valor, ang Hardin ng Halimuyak. Ngunit ang pinagkaibahan lang nila, malayong mas malawak ang Hardin ng Halimuyak kaysa sa lugar na ito.

"Anong ginagawa ko rito?" Hindi ko na napigilang kausapin ang aking sarili.

Palaisipan talaga sa akin kung paano ako nakarating dito? Luminga-linga pa ako upang maghanap ng taong p'wedeng makasagot sa mga tanong ko ngunit nabigo lamang ako. Wala akong makita ni isang tao na naririto.

Nasaan ba kasi talaga ako ngayon?

Ang huling naalala ko ay kasama ako ng Hari at Reyna pati na rin ang apat na Prinsipe na lumusob sa Kaharian ng Norland upang bawiin ito mula kay Reyna Emily. Malaki ang posibilidad na mananalo kami dahil magsasanib ang mga kapangyarihan na tinataglay namin. Kaya anong ginagawa ko pa rito?

Kailangan ako sa palasyo ngayon...

Napahinto ako at nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kung ano talaga ang huling nangyari sa akin.

Iniwan ako ni Prinsipe Arsh upang tulungan sila Haring Valor at Reyna Amelia sa loob ng palasyo at dahil sa kuryosidad ko tungkol sa mga binanggit niya na may kinalaman sa totoong misyon ko, nawala ako sa wisyo. Sa pagkakataong 'yon, naramdaman ko na lang na may tumusok sa bandang dibdib ko dahilan para bumagsak ang katawan ko sa lupa. Kinuha ng kalaban na oportunidad iyon upang gawan ako nang masama at ilagay ang buhay ko sa bingit ng kamatayan. Maduga talaga silang maglaro, kailan man ay hindi naging patas.

Napatakip ako ng bibig sa ideyang sumagi sa aking isipan. Tinamaan ako ng palaso at iyon ang rason kung bakit bumagsak ang katawan ko sa lupa. Ibig bang sabihin nu'n ay tuluyan na akong binawian ng buhay?

"Patay na ba ako? Nasa langit na ba ako ngayon? Ito na ba ang paraiso na sinasabi nila?" Napatakip ako sa aking bibig.

Nagsimula na akong mataranta kaya humakbang na ako sa kalagitnaan ng field na tinaniman ng mga bulaklak. Patuloy lang ako sa paglalakad at hindi alintana ang bulaklak na natatanggalan ng petals dahil nasasagi ko sa mabilis kong paglalakad. Wala na akong pakialam. Ang gusto ko lang ay makatakas dito!

Hindi ko alam kung saang direksiyon ako tutungo dahil sa sobrang lawak. Ang importante, makaalis ako rito. Hindi pa ako p'wedeng mamatay! Malapit ko nang matapos ang misyon ko at pakiramdam ko ay magtatagumpay ako kaya hindi maaaring patay na ako.

Kung ito man ang paraiso nila, ayoko pa rin dito. Oo, maganda nga ang lugar na ito ngunit ayoko pang manatili rito, 'no! Hindi pa nga ako nakakabalik sa modernong mundo tapos dito na agad ako dumiretso?

Sayang ang lahat ng sinakripisyo ko para makabalik sa modernong mundo kung mamamatay lang din ako sa mundong ito!

Hindi pa ako p'wedeng mamatay!

Hindi ngayon...

Hindi rito sa mundo nila...

Baka naman, Lord, practice lang ito. Please?

Naiiyak na ako dahil sa takot na totoo ang lahat ng kutob ko.

Gusto ko pang makita sina Mama at Papa, ang mga kaibigan ko sa mundong kinamulatan ko, ang totoong mundo kung saan ako nabibilang. Doon ko gustong mamatay nang sa ganoon, makita ko ang mga mahal ko sa buhay sa huling hininga ko. Gusto ko na sila ang kasama ko.

Huminto ako sa paglalakad dahil nakaramdam ako ng pagkahingal. Tila kanina pa ako lakad nang lakad pero 'di pa rin ako nakakaalis sa gitna ng field na ito. Hindi na ako magtataka, sa lawak ba naman ng lupain na inaapakan ko. Hindi ko nga alam kung nakalahati ko na ba ang tinatakbo ko.

Inilibot kong muli ang paningin ko sa kabuuan ng paligid, hindi naman ganoon kainit kaya 'di ako nasilaw sa sinag ng araw. Tiningnan ko nang maiigi kung saan banda ang dulong bahagi nitong kinaroroonan ko. Kaung kanina, wala akong pakialam sa direksiyon na tinatahak ko, ngayon ay kailangan ko nang alamin dahil nakakapagod nang tumakbo. Kailangan ko nang umalis dito.

Nilakihan ko ang mga mata ko upang kumpirmahin kung totoo nga ang nakikita ko ngayon. Nahanap ko na ang pinakadulo nito kung saan ako lalabas at nabuhayan ako sa isa ko pang nakita. Natanaw ko ang munting bahay-kubo na naroon sa dulong bahagi, nag-iisa lamang ito.

May nakatira rito? Nakakapagtaka naman dahil nakapalawak nitong bukirin ngunit iisang bahay lang ang nakatirik. Sobrang yaman siguro ng taong nakatira roon. Baka pagmamay-ari nito ang ekta-ektaryang lupain na ito.

Nabuhayan ako ng pag-asa na hindi pa ako patay. Baka nasa ibang lugar lamang ako at sana totoo nga.

Ginanahan ako maglakad muli. Kailangan kong makapunta sa dulong bahagi upang makahingi ng tulong sa taong nakatira sa bahay-kubo na 'yon. Baka alam niya ang dahilan kung bakit naririto ako. Baka nga pinatapon lang ako ng mga kalaban dito kaya wala ako sa palasyon ngayon. Hindi na ako nag-isip pa ng mga negative thoughts dahil hindi iyon nakakatulong. Mas maiging buhayin ko ang pag-asa na makaalis dito nang hindi ako panghinaan ng loob.

Ilang minuto rin akong naglakad bago tuluyang makarating sa dulong bahagi. Naglakas loob akong humakbang papunta sa tinutukoy kong bahay-kubo kanina. Maliit lamang ito at sa hula ko, isa o dalawang tao lamang ang nakatira rito. Maliit lamang ngunit hindi maitatangging maganda ang disensyo nito. Pinaliligiran din ito ng mga luntiang halaman, napakapreskong tumambay rito. Ito ang karaniwang bahay na nakatira sa mga probinsiya, napakapayapa ng pamumuhay. Idagdag pa na nasa bukid ang bahay na ito, tahimik lang at malayo sa mapanghusgang mga tao.

Kinakabahan man ay nagawa ko pa ring pum'westo sa tapat ng pinto. Humugot muna ako ng lakas ng loob saka ako kumatok sa pintuan na gawa sa kahoy ng tatlong beses. Makalipas ang ilang minuto, may narinig akong ilang yabag galing sa loob papalapit sa 'kin. Mukhang 'yon na ang taong nakatira rito. Inayos ko ang pagkakatindig, huminga rin ako nang malalim dahil 'di ko mawari kung bakit ako kinakabahan.

Kinakabahan ako sa taong nagmamay-ari ng bahay na ito.

Kasabay nang pagbukas niya sa pintuan, ang siya namang pag-awang ng bibig ko dahil sa hindi inaasahang tao na nasa harapan ko ngayon. Sinuri ko nang mabuti ang bawat parte ng kaniyang mukha, pati na rin ang buo niyang katawan, mula ulo hanggang paa ay 'di ko pinalagpas. Nakasuot ito ng puting bestida na hanggang tuhod at tiningnan ko rin ang suot ko, parehas na parehas sa suot niya. Halos lahat sa kaniya ay kapareho sa 'kin. Tila ako ay nananalamin lamang. Nakikita ko ang sarili sa taong ito.

"I-Ikaw ay ako?" Tinuro ko siya pagkatapos ay itinuro ko rin ang sarili ko.

Kung ibang tao ang makakakita, mapagkakamalan na mayroong salamin na nakaharap sa akin ngayon. Magkamukhang-magkamukha kami! Pati hubog ng katawan ay magkaparehas lamang. Ang naiiba lang ay ang suot niyang korona na wala sa 'kin.

Teka, korona? Pinasadahan ko ng tingin ang suot niyang silver crown, punong-puno ito ng diyamante at kumikinang-kinang pa!

Bumuong muli sa aking isipan ang mga posibleng nangyayari.

Hindi kaya siya si...

Tama ba ang iniisip ko?

Kung ako ay nagulantang sa aking nakikita, siya ay hindi. Parang wala nga lang sa kaniya na makita ako, walang mapipintang reaksiyon sa kaniyang mukha. Tila inasahan na niya ang pagdating ko.

Lumabas siya mula sa pinto at hinayaang nakabukas lang ito. Nilagpasan niya ako at naglakad siya papunta sa mga nakahilerang mga halaman na nasa bakuran. Tinitigan ko siya habang nakatalikod sa akin. Hindi ko tinanggal ang atensiyon ko sa kaniya.

"Oo, Zariya. Ako ay ikaw sa makabagong mundo. Ako si Amity sa mundong ito samantalang ikaw si Zariya sa mundong pinanggalingan mo," ani niya. Hindi pa rin ito humaharap sa akin.

Tama nga ako. Siya si Prinsesa Amity!

Nanatili lang ako sa kinatatayuan ko. "Hindi ako makapaniwala na nasa harapan kita ngayon... Prinsesa Amity."

Naniniwala naman ako sa reincarnation pero iba pa rin talaga kapag ako na mismo ang nakaranas. Nakikita ko ngayon ang katauhan ko sa nakaraan kong buhay. Hindi ko alam kung matatakot ba ako o hindi. Natatakot ako dahil alam kong patay na ito at the same time, natutuwa ako dahil binigyan ako ng chance na makilala siya.

"Lahat naman ng tao ay may posibilidad na magkaroon ng pangalawang buhay. Pangalawang buhay na gagamitin upang maitama ang mga maling nagawa sa nakaraan at ituloy ang k'wentong nasimulan na hindi binigyang wakas," ani nito bago ako tuluyang harapin.

Bakas sa kaniyang tindig na siya ay tunay na Prinsesa at ako talaga ang impostor. Walang-wala ako sa kaniya kung ihahambing kaming dalawa. Hinding-hindi ko siya kayang abutin kailan man. Walang makakagaya sa nag-iisang si Prinsesa Amity.

"Ang tinutukoy mo ba, Prinsesa Amity, ay ang misyon ko rito?" pagkumpirme ko.

"Tama ka, ikaw ang pinili sa pangalawang pagkakataon."

Nakaramdam ako ng pangangalay ng paa dahil kanina pa ako nakatayo. Naghanap ako ng p'wedeng maupuan, may patag na bato akong nakita at doon ako umupo. "Malapit ko nang matapos ang misyon ko," wika ko.

"Alam ko at kaya ka naririto ngayon, bilang na lamang ang araw mong manatili sa mundo namin. Bago matapos ang iyong misyon, hiniling ko na tayo'y pagtagpuin upang ako'y magpasalamat sa 'yo." Humakbang siya papalapit sa akin pero nanatili pa rin siyang nakatayo, kaya naman nakatingala lang ako sa kaniya. "Zariya, salamat dahil naitama mo ang pagkakamali ko."

Kumunot ang noo ko. "Ano bang pagkakamali ang ginawa mo noon, Prinsesa Amity?"

"Mas nangibabaw ang emosyon ko dahilan para maging bulag ako sa katotohanan. Kinain ako ng galit sa pamilyang hindi ko dapat kinalaban, ang pamilya ni Haring Valor." Huminto siya saglit dahil bakas na sa kaniyang boses na naiiyak na ito. "Dahil sa sobrang galit, hindi ko man lang nalaman ang buong katotohanan. Hinayaan kong lasunin ang isip ko at gamitin ako ng taong pinagkatiwalaan ko lahat-lahat, ang sarili kong Inang Reyna, si Reyna Emily. Ang laki ng kasalanan ko sa pamilyang mas may malasakit pa sa akin kumpara sa sariling pamilya ko."

"Ngunit sabi mo nga, hindi mo alam ang katotohanan. Kaya hindi mo rin masisisi ang iyong sarili sa lahat ng nangyari." Sinubukan kong pagaanin ang nararamdaman niya.

"Kung nalaman ko lang nang mas maaga, hindi ko hahayaang mapabagsak ang sarili naming Kaharian. Hindi ko hahayaang magwagi ang masamang binabalak ng aking Ina. Tanging ang kapangyarihan lamang ang nais niya at maging ang sarili niyang Anak ay kaya niyang itakwil, makamit lamang ang kaniyang mga kagustuhan." Nahalata ko ang sama ng loob ni Prinsesa Amity sa bawat katagang binitawan niya. "Ngunit kung gaano ko sinisi ang aking Ina at Ama, doble pa rin ang pagsisi ko sa aking sarili. Hindi ko nakontrol ang galit ko nang hindi ako kayang mahalin ng Prinsipeng inibig ko. 'Yon ang dahilan kung bakit madali lamang akong nabilog ng aking Ina na maghiganti."

Mas naging interesado ako sa huling kin'wento niya. Tama ba ang narinig ko? "Umibig ka sa isang Prinsipe?" pang-uulit ko.

"Si Prinsipe Arsh ang una't huling lalaking inibig ko."

Tahimik lang akong nakikinig.

Hindi ako makapaniwala!

"Ang pag-ibig ko sa kaniya ang naging ugat kung bakit mas naging komplikado ang lahat," dagdag pa nito.

Kinakabahan ako. Alam ko sa sarili ko na gaya niya, umibig rin ako kay Prinsipe Arsh kaya malaki ang posibilidad na magiging komplikado rin ang misyon ko.

"Gaya mo, umiibig din ako kay Prinsipe Arsh," lakas loob kong pag-amin.

"Ngunit magkaiba tayo, Zariya. Ikaw ay minahal niya pabalik, samantalang ako, hindi. Hindi niya sinuklian ang pagmamahal na ibinigay ko. Dahil doon, mas madali akong nilinlang ng sarili kong emosiyon. Upang makaganti sa Prinsipe, ninais kong mapabagsak ang Kaharian nila at 'yon ang malaking pinagsisisihan ko."

Kaya ba sa una pa lang, binilin na sa akin ni Tata Lucio na hindi ako maaaring umibig sa kahit na sino sa mga Prinsipe? Dahil maaaring matulad ako sa kinahantungan ni Prinsesa Amity?

"Kaya masaya ako dahil kahit nahihirapan ka, pinigilan mo pa rin ang nararamdaman mo sa kaniya. Hindi ka nagpakain sa sarili mong emosiyon."

"Pero hindi ko alam, Prinsesa Amity, kung hanggang kailan ako magpipigil. Sa bawat pag-iwas ko sa kaniya, nasasaktan ako. Hindi ko maamin ang nararamdaman ko para sa kaniya."

Marahan itong ngumiti dahilan para pumungay ang kaniyang mga mata. "Kayo ang tamang tao para sa isa't-isa, nasa maling mundo at panahon lamang kayo ngayon. Maghintay lang kayo, papabor din ang tadhana sa inyo."

Nawala ang atensyon ko sa kaniya at napunta sa kalangitan.

Ang bilis naman yata nag-iba ang klima.

Ang kaninang maaliwalas na langit ay napalitan ng maiitim na ulap, tila nagbabadya ng isang malakas na ulan.

"Kailangan mo nang umalis, Zariya."

"H-Ha? Saan ako pupunta?"

"Sa palasyo. Ikaw ay babalik sa palasyo upang magdesisyon kung ikaw ba ay mananatili o babalik sa modernong mundo."

Naguguluhan na ako sa mga sinasabi niya. Magde-desisyon na ako? Bakit?

"Zariya, tapos na ang misyon mo."

Hindi na niya hinintay pa ang sasabihin ko dahil gulantang pa rin ako sa sinabi niya.

Inilahad niya ang kaniyang kamay upang alalayan akong makatayo.

"Ang maipapayo ko lamang, palayain niyo ang isa't-isa ngayon dahil may tamang panahon na nakalaan upang maipagtuloy ang k'wento niyong dalawa."

Kasabay no'n, ang paglaho ko sa harapan niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro