Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 34

"Paano ako haharap kay Ama na dala ang bunso nating kapatid na wala nang buhay?" nanginginig ang boses ng ikaunang Prinsipe.

Nakapalibot kami ngayon kay Prinsipe Ravi na nakaupo habang hawak-hawak si Prinsipe Nesh na pumanaw na. Sa kanilang apat, si Prinsipe Ravi ang labis na naapektuhan. Sinisisi niya ang kaniyang sarili sa pagkamatay ng bunsong Prinsipe. Hindi niya raw ito nailigtas at hinayaang mapahamak. Kanina pang walang tigil sa pag-iyak ang Prinsipe at pilit kinakausap ang malamig na bangkay ng kaniyang kapatid. Hindi niya matanggap na pumanaw na ito.

Matapos ng nangyari kay Prinsipe Nesh, bigla na lang kaming naglaho sa palasyo at napadpad dito sa ilalim ng lupa kung saan nakatirik ang Kaharian ng Norland. Lahat kami ay mapapahamak kung mananatili kami sa palasyo dahil wala na kaming kalaban-laban. Parang tinulungan pa namin ang kalaban na magtagumpay kung ipipilit naming lumaban. Kaya naman mas mabuting lumisan na lang at bumalik kung kailan handa na kaming pabagsakin sila.

Nakakalungkot lang dahil hindi namin nadala ang ibang mga kawal. Sila ay patuloy na nakikipaglaban at hindi takot na ibuwis ang kanilang mga buhay. Sa pagkakataong ito, napatunayan ang kanilang katapatan.

Walang nais na maunang maglakad at ipaalam ang nangyari sa kanilang bunsong kapatid. Imbes na masayang balita ang ibubungad namin sa kanilang mga magulang, isang bangungot ang ihahatid namin ngayon.

"Walang may gusto sa nangyari, Ravi, kaya tama na ang pagsisi mo sa iyong sarili," ani ni Prinsipe Arsh. Patuloy niyang pinapagaan ang loob ng kapatid at ipaalam na walang sino man sa kanila ang may nais sa nangyari.

"Paanong hindi ko sisisihin ang aking sarili? Ako ang nakatatandang kapatid niyo at dapat lang na protektahan ko kayong lahat. Pero ano? Wala akong nagawa para iligtas si Nesh! Maging ang pagprotekta sa ating Kaharian ay 'di ko nagampanan." Mas lalong humagulhol sa iyak ang ika-unang Prinsipe. "Ako ang inaasahan ni Ama na susunod sa kaniyang mga yapak pero sa nangyari ngayon, binigo ko siya. Binigo ko si Ama!"

Ramdam ko ang sakit sa bawat bigkas niya ng mga salita. Wala akong magawa para iwaksi ang sakit na nararamdaman ng apat na Prinsipeng naiwan.

Naiintindihan ko kung saan humuhugot si Prinsipe Ravi ngunit tama rin si Prinsipe Arsh, hindi niya dapat sisihin ang kaniyang sarili dahil maging siya ay walang kaalam-alam sa mga mangyayari pa lang ng mga oras na 'yon. Walang may gusto sa mga nangyari. Ang lahat ay naghahangad na sana ay magtagumpay ang Kaharian ng Norland ngunit sa pagkakataong ito, kami ay nabigo.

Kung tutuusin, lahat sila, lahat ng Prinsipe ay nagpakabayani upang iligtas ang kanilang Kaharian. Lahat sila ay hindi nagkulang sa pagprotekta sa palasyo kahit pa buhay na nila ang maging kapalit ay handa pa rin nilang ibuwis. Ganoon nila kamahal ang nagsilbing tahanan nila simula pagkabata.

"Kung may dapat mang sisihin dito..." Napatingin kaming lahat kay Prinsipe Cozen nang bigla itong magsalita. "Ako 'yon. Ako ang dapat sisihin, Ravi, hindi ikaw."

Nagtatakang tiningnan siya ni Prinsipe Ravi. "Ano ang ibig mong sabihin, Cozen?" Kumunot ang noo nito.

Hindi pa pala nila alam ang ginawa ng kanilang ikalawang kapatid.

Hindi rin tinantanan ng seryosong tingin ni Prinsipe Dern si Prinsipe Cozen. Gaya ni Prinsipe Ravi, isa rin si Prinsipe Dern sa walang kaalam-alam sa pagtra-traydor na ginawa ng kanilang kapatid.

Tanging ako, si Prinsipe Arsh at ang kanilang Inang Reyna ang tanging may alam sa pagtataksil ng ikalawang Prinsipe. Kahit na alam namin, wala kami sa posisyon para ipaalam sa iba. Mas mabuting kay Prinsipe Cozen mismo nila maririnig ang kaniyang ginawa.

Sumulyap ako sa katabi ko. Wala na ang atensiyon ni Prinsipe Arsh kay Prinsipe Cozen. Nakatingin na ito sa ibang direksiyon, tila alam na niya ang nais sabihin ni Prinsipe Cozen. Hinihintay na lang nitong umamin ang kaniyang kapatid sa iba pa nilang kapatid.

Tumingin akong muli kay Prinsipe Cozen na katatapos lang bumuntong hininga upang kumuha ng lakas ng loob. Wala sa mata ni Prinsipe Cozen ang pag-aalinlangan.

"Ako ay nagtaksil sa ating pamilya. Ako ay nakisanib sa Kaharian ng Lacandia. Patawad dahil ako ang lumason kay Am--"

Hindi natuloy ni Prinsipe Cozen ang kaniyang sinasabi dahil agad na lumapit si Prinsipe Dern, galit na galit. Napakabilis ng pangyayari dahil nasuntok na niya si Prinsipe Cozen ngunit hindi na ito nasundan pa dahil umawat na si Prinsipe Arsh, pinakalma niya si Prinsipe Dern. Nais pa nitong suntukin si Prinsipe Cozen kung hindi lang pinigilan ni Prinsipe Arsh.

"Hayop ka, Cozen! May mga inosenteng tao ang nadamay at namatay dahil sa ginawa mo! Pati ang sarili nating Ama, nagawan mo ng kasalanan!" Nanlilisik ang mga mata ng ikaapat na Prinsipe.

Naalala kong muli si Ysabelle. Siya at ang kaniyang pamilya ang naging biktima sa maling ginawa ni Prinsipe Cozen. Kung hindi niya nilason ang kaniyang Ama at inutusan si Ysabelle na ipahatid iyon, sana ay hindi napagbintangan ang kaibigan namin. Sana ay buhay pa siya hanggang ngayon.

Kaya galit na galit ngayon si Prinsipe Dern dahil nawala sa kaniya ang babaeng pinakamamahal niya dahil sa ginawang pagtataksil ni Prinsipe Cozen. Dahil lang sa isang pagkakamali, marami ang nadamay. Maraming mga inosenteng tao ang binawian ng buhay.

Yumuko si Prinsipe Cozen at ipinagpatuloy ang kaniyang sinasabi. "Ako rin ang dahilan kung bakit nabihag ni Reyna Emily sina Prinsesa Amity at Prinsipe Arsh. Maging ang ating Inang Reyna ay ipinagkanulo ko. P-Patawarin niyo ako," nagsusumamo niyang wika. Lumuhod pa ito sa aming harap upang ipakita na nagsisisi talaga siya. Wala siyang mukha na maiharap sa amin.

"Anong ibig mong sabihin? Hindi kita naiintindihan, naguguluhan ako. Sino si Prinsesa Amity? Nabanggit mo rin ang ating Ina. Hindi ba't matagal nang namatay si Ina?" sunod-sunod na tanong ni Prinsipe Ravi.

Binitawan na ni Prinsipe Arsh si Prinsipe Dern nang makasigurong napakalma na niya ito. "Hayaan mong ipaliwanag ko ang lahat, Ravi."

Pumunta sa tapat ni Prinsipe Ravi si Prinsipe Arsh.

Isinalaysay ni Prinsipe Arsh ang lahat-lahat. Sinimulan niya ang pagpapaliwanag tungkol sa naging usapan niya at ng kanilang Amang Hari noong sila ay bata pa lamang, na binigyang permiso ni Haring Valor si Prinsipe Arsh na itago si Reyna Amelia at palabasin na namatay na ito upang mailigtas ang kanilang Ina sa parusang kamatayan. Maging ang tungkol sa lihim na pag-alis ni Prinsipe Arsh tuwing gabi upang puntahan ang kanilang Inang Reyna ay ikinuwento niya rin. Sinabi niyang itinago niya ang kanilang Ina sa bundok ng Puhon at gabi-gabi, dinadalaw niya ito upang hatiran ng pagkain at kwentuhan ang Ina tungkol sa nangyayari sa palasyo at sa kanilang mga kapatid niya.

Sumunod niyang ipinaliwanag ang naging ugat ng pagtataksil ni Prinsipe Cozen, ang pagkabulag niya sa pag-ibig na mayroon siya sa 'kin. Dahil sa labis na pagkahumaling sa akin ng Prinsipe, nagawa niyang lasunin ang kanilang Ama at ipagkanulo ang kanilang Ina maging siya na mismo niyang kapatid. Ngunit bumawi naman ito nang sabihin na siya ay nagsisisi na at tinulungan kaming makatakas sa Kaharian ng Lacandia. Naniniwala na siyang ang kaniyang kapatid ay nagbago na at nagsisisi na ngayon.

At ang panghuli niyang ibinunyag ay ang sekretong itinago ko simula nang tumapak ako sa kanilang Kaharian. Pinaalam ni Prinsipe Arsh na ako ay si Prinsesa Amity, ang nag-iisang Anak nina Reyna Emily at Haring Hellion, ang mortal na kaaway ng kanilang pamilya. Sinabi rin ni Prinsipe Arsh na inutusan ako ni Reyna Emily upang mag-espiya ngunit hindi ko ito sinunod. Imbes na sundin ko ang sarili kong Ina, mas nanaig ang kabutihan sa akin. Ang Kaharian ng Lacandia ang pinagtaksilan ko dahilan para itakwil ako ng aking Inang Reyna. Wala na akong malapitan ngayon kung 'di sila lamang. Sila na lang ang maaaring tumulong sa akin.

"Ako ay tunay na nagsisisi sa aking ginawa. Hindi ko alam, hindi ko talaga alam kung paano nagsimula. Hindi ko maintindihan kung bakit isang araw, mahal ko na ang binibini. Napakabilis ng pag-ibig na nabuo ko para sa kaniya at dahil sa sobrang pagmamahal ko para kay Amity, kaya ako humantong sa ganitong punto ngunit maniwala kayo, pinagsisisihan ko na ang mga nagawa ko. Patawarin niyo akong lahat." Nanatili pa ring nakaluhod si Prinsipe Cozen. "Isa pa, wala ako sa tamang pag-iisip habang ginagawa ang mga 'yon. Hindi ko talaga alam. Ang tanging sigurado ko, ang laki ng kasalanan ko sa pamilya natin. Matatanggap ko kung kasusuklaman niyo ako pero nawa'y pagbigyan niyo pa rin akong makabawi sa inyo. Lubos akong nagsisisi at handa akong itaya ang aking buhay, mabayaran man lang kahit papaano ang mga pagkakamali ko."

Kumunot ang aking noo. Siya ay wala sa tamang pag-iisip habang ginagawa niya ang mga bagay na 'yon? Hindi kaya may ginawa si Reyna Emily upang kontrolin ang pag-iisip ng Prinsipe? Dahil imposibleng makabuo ka ng pagmamahal sa isang tao nang ganoon kabilis.

Naaalala ko ang bilin ni Reyna Emily noong nag-ulat ako sa kaniya. Ibinilin niya sa 'kin na ibigay kay Kharim Celia ang mga halamang gamot na gagamiting gayuma para sa mga Prinsipe upang umibig sa akin. Hindi kaya itinuloy ni Kharim Celia ang inutos ng Reyna? Hindi kaya sinadya ni Kharim Celia na huwag ipaalam sa akin dahil alam niyang kokontrahin ko siya.

"Prinsipe Cozen," sambit ko sa pangalan niya dahilan para lumingon ito sa akin. "May naaalala ka ba na may ipinainom sa 'yo si Kharim Celia?"

Hindi ito agad sumagot. Mukhang inaalala niya kung mayroon nga. "Oo, may isang araw na tinawag niya ako sa kalagitnaan ng pag-eensayo ko upang ibigay ang isang uri ng inumin. Ang sabi niya ay makakatulong 'yon sa 'kin upang hindi agad mapagod sa pag-eensayo." Tama nga ang hinala ko. "Bakit, Amity?" dagdag niya.

"Kung gayon, nasa ilalim ka ng mahika noong mga oras na pinagtataksilan mo ang buong palasyo. Si Kharim Celia ay matapat na taga-silbi ni Reyna Emily, isa siya mga mata ng Lacandia upang malaman kung ano ang nangyayari sa palasyo ng Norland. Ang pinainom niya sa 'yo ay isang uri ng inumin na may halong mahika upang mapaibig ka sa 'kin at kontroling ang iyong pag-iisip."

Hindi ito makapaniwala, maging ako. Planadong-planado na talaga ni Reyna Emily ang lahat.

"Napakatalino ng ating kalaban," wika ni Prinsipe Arsh. "Kung gano'n, kailangan na nating magmadali. Ipaalam natin kay Ama ang tungkol sa lahat-lahat upang makapagplano tayo sa madaling panahon kung paano natin mababawi ang ating Kaharian."

Inalalayan namin si Prinsipe Ravi na makatayo at buhat-buhat si Prinsipe Nesh.

Ayon kay Prinsipe Ravi, dito rin sa ilalim ng lupa niya itinago si Haring Valor. Narito rin si Reyna Amelia, ang kanilang Inang Reyna. Parehas na narito ang kanilang mga magulang!

Nagtungo kami sa silid kung saan namin iniwan si Reyna Amelia. Nagtaka ako dahil mayroong mga ilang kawal ang nasa labas. Hindi na rin madilim ang buong paligid dahil ang bawat sulok ay may nakasabit nang gasera.

"Narito ba sa loob ng silid si Ama?" tanong ni Prinsipe Arsh kay Prinsipe Ravi.

"Oo, b-bakit?"

"Narito rin si Ina sa loob."

Bakas sa mga mata ni Prinsipe Arsh ang pagkabuhay ng pag-asa sa kaniya. May posibilidad na nagkita na nga si Reyna Amelia at Haring Valor.

Si Prinsipe Arsh ang nagbukas ng pinto. Sumunod si Prinsipe Cozen, Prinsipe Dern at ako. Natatakpan namin si Prinsipe Ravi habang buhat-buhat pa rin ang wala ng buhay na si Prinsipe Nesh.

Napahinto si Prinsipe Arsh nang tuluyan na itong nakapasok. Mukhang nasurpresa siya sa kaniyang nadatnan sa loob. Ngunit nagpatuloy pa rin ito sa pagpasok sa loob upang makasunod naman kami.

Maging ako ay nagulat sa aming nadatnan. Nasa tabi ni Haring Valor si Reyna Amelia. Nakahiga sa kama ang Hari samantalang ang Reyna ay nakaupo sa gilid ng kama. Pero tumayo ito agad nang makita kaming pumasok.

"Mga Anak! Mabuti naman at ligtas kayo." Sinalubong niya kami ng mahigpit na yakap. Napatigil ito nang mayakap na niya kaming apat at tila may hinahanap. "P-Pero teka, nasaan ang dalawa niyong kapatid? Nasaan ang aking panganay at bunso?"

Nakangiting nakatingin sa amin si Haring Valor habang naghihintay ng sagot. Wala silang kamalay-malay na may masamang balita kaming baon para sa kanila.

Nasa labas pa rin si Prinsipe Ravi kasama ang wala nang buhay na si Prinsipe Nesh

Pumunta si Prinsipe Arsh at siya na mismo ang nagbukas ng pinto para makapasok si Prinsipe Ravi. Lahat ng atensiyon namin ay nasa kaniya ngayon.

"Ina..."

"Ravi, aking Anak! Si N-Nesh ba ang buhat-buhat mo? Anong nangyari sa kaniya?" Nanginginig ang boses nito.

Bilang isang magulang, kusa mong mararamdaman ang kakaibang pakiramdam kapag may hindi magandang nangyari sa 'yong mga Anak.

Maging si Haring Valor ay napatayo na ngayon. Mabuti na lamang at may isang kawal na umalalay sa kaniya upang makalapit sa amin dahil wala pa itong sapat na lakas.

"Anong nangyari sa bunso niyong kapatid? Ravi, anong nangyari?"

"Ama, patawad." Napaupo si Prinsipe Ravi sa harap ng Hari at Reyna dahil sa labis na panghihina. Hindi pa rin niya binibitawan ang bangkay ni Prinsipe Nesh. "Ama, hindi ko nailigtas si Nesh. Maging ang palasyo ay 'di ko naprotektahan. Ama, naagaw ng Lacandia ang ating Kaharian. P-Patawarin niyo ako, Ama."

Walang salita ang narinig mula sa Hari at Reyna. Tanging ang paghikbi at paghagulhol lang nila sa iyak ang namayani sa buong silid.

"Nesh, bunso ko..."

Hindi ko na napigilan ang mga luha kong kumawala sa aking mga mata.

Ang sakit-sakit ng nakikita ko ngayon!

Lahat kami ay nagdadalamhati sa sinapit ng bunsong Prinsipe.

"B-Bakit? Hindi mo na ako hinintay na makita kitang muli, Anak. May magandang balita pa naman kaming nais na sabihin sa inyo. Kami ng inyong Amang Hari ay nagkausap at nagkaayos na. Magiging kompleto na ulit s-sana tayo pero iniwan mo na kami, Nesh."

Halos hindi na namin mailayo ang bangkay ni Prinsipe Nesh sa Mahal na Reyna dahil sa higpit ng yakap nito. Ngunit hindi kami p'wedeng magtagal dahil naghihintay pa ang Kaharian ng Norland para mailigtas namin.

Inutos ni Haring Valor na gumawa ng pansamantalang libingan ni Prinsipe Nesh sa underground ng palasyo hangga't hindi pa nababawi ang Kaharian ng Norland. Napagdesisyunan nila na ililipat agad ang libingan ni Prinsipe Nesh sa oras din na maagaw namin ang Kaharian dahil doon niya nais na mailibing.

Isa-isa kaming nagpaalam kay Prinsipe Nesh bago ito ilibing.

Hindi naging maayos ang una naming pagtatagpo ni Prinsipe Nesh dahil agad ko siyang sinungitan noon. Pero sa kalaunan, ramdam kong itinuring niya akong isang kaibigan at handang tulungan ako sa abot ng kaniyang makakaya na labis kong pinagsasalamatan.

"Pinapangako namin na hindi masasayang ang sakripisyo mo, Nesh. Babawiin namin ang ating Kaharian," desididong wika ni Prinsipe Arsh.

Mahirap mang iwan ang libingan ni Prinsipe Nesh, mas pinili naming umalis na dahil maghahanda pa kami sa pulong na magaganap mamaya.

Naramdaman kong tinabihan ako ni Prinsipe Arsh sa paglalakad. Hindi ako makatingin sa kaniya, bumilis ang tibok ng puso ko. Sinadya kong bilisan ang paglalakad ko upang hindi niya ako masabayan.

Kasabay ko na ngayon si Prinsipe Dern. Hanggang ngayon, hindi pa rin nila ako iniimikan ni Prinsipe Ravi. Marahil ay hindi pa rin nila matanggap ang tungkol sa katauhan ko. May kasalanan din ako at nauunawan ko kung hindi pa nila ako mapatawad.

Nagkaniya-kaniya ng direksiyon ang tatlong Prinsipe, sina Prinsipe Cozen, Prinsipe Ravi at Prinsipe Dern. Nagpaalam sila na magpapahangin lang muna bago pumasok sa loob ng silid.

Pumayag naman sina Haring Valor at Reyna Amelia na magpahinga muna upang makapag-ipon ng lakas bago sumabak sa mas mapanganib na laban.

Nagpaiwan din muna ako sa labas. Naupo ako sa malaking bato na naroon. Niyakap ko ang tuhod ko at nakapangalumbaba.

Sabi ni Reyna Amelia, nasabi na niya lahat-lahat kay Haring Valor. Kaya pala niyakap ako ng Hari kanina bilang pagtanggap at nagpasalamat dahil ako raw ang nagligtas sa kaniya mula sa pagkakalason.

Ramdam kong malapit nang matapos ang misyon ko at naniniwala akong magtatagumpay kami sa digmaan. Kapag nangyari 'yon, makakabalik na ako sa modernong.

Pero bakit hindi ako masaya sa isiping aalis na ako sa mundong ito?

"Zariya?" Hindi ako makagalaw nang makilala ko ang boses niya.

Pinilit kong lumingon. Tama ako, si Prinsipe Arsh nga.

Agad akong tumayo at 'di mapakali na nagpaalam. "Kailangan ko na pumunta sa loob ng silid."

Hindi ko siya kayang harapin. Kailangan kong dumistansiya sa kaniyang habang papalapit nang papalapit ang pagtatapos ng misyon ko.

Natatakot ako na baka pagdating ng araw ng pag-alis ko, mas nanaisin kong manatili na lamang dito sa mundo nila at makasama siya.

Tinalikuran ko siya. Nagmamadali akong humakbang pero napahinto rin lang ako nang hinigit niya ang kamay ko at pinaharap ako sa kaniya.

Hindi ko magawang tumingin sa kaniyang mukha.

"Iniiwasan mo ba ako?" Tiningnan niya ako sa aking mga mata.

"Hindi, ah! B-Bakit naman kita iiwasan?" Binawi ko ang paningin ko mula sa kaniya.

"Iniiwasan mo nga ako," ani ulit nito. "Bakit mo ako iniiwasan? May nagawa ba ako? Galit ka ba sa 'kin? Zariya naman! Huwag namang ganito. Nahihirapan ako sa pag-iwas mo sa akin."

"Pero Prinsipe Arsh, ito ang nararapat kong gawin." Tiningnan ko na rin siya sa kaniyang mga mata na nagsusumamo.

"Bakit? Anong ibig mong sabihin?"

"Hindi kita maaaring ibigin dahil darating ang araw na aalis din ako, iiwanan kita dahil kailan man, hindi tayo magiging p'wede sa mundong ito."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro