KABANATA 31
"A-Ayos ka lang ba?"
Nilingon ko ang Reyna ng Norland. Ang kaninang galit niyang mukha ay napalitan ng pagkaawa. Ang lumanay na ng kaniyang boses ngayon. Matapos kaming ikulong na dalawa, hindi na niya ako sinigawan. Tahimik lang siyang nakahiga sa sulok at tinitingnan ako. Inalam pa nito kung ayos lang ba ako. Ramdam ko ang pag-aalala niya sa akin.
"Ayos lang po ako." Lumapit ako sa kaniya. Malaya ang aking mga paa na makapaglakad dahil ang kamay ko lang naman ang iginapos ni Reyna Emily, ang nakilala kong Ina sa mundong ito. Kahit papaano, hindi ako nahihirapang kumilos. Ang nakagapos na kamay ko lamang ang problema ko.
Sama ng loob ang naramdaman ko sa ginawa ng aking Inang Reyna sa akin. Hindi man lang niya naisip na maaari akong masaktan. Hindi man lang siya nagbigay ng pakialam sa akin. Hindi siya nag-alinlangang ikulong ako.
Paano niya naatim na gawin ito sa sarili niyang Anak? Bakit ang dali lang para sa kaniya na ikulong ako? Na makitang nasasaktan ako na mismong Anak niya.
Ganoon ba siya kawalang awa? Anong klase siyang Ina?
"Kayo po ba? Ayos lang po ba kayo?" balik tanong ko. Mas nag-aalala ako sa Inang Reyna ng mga Prinsipe kaysa sa sarili ko. Walang-wala itong mga galos na natamo ko kumpara sa mga sugat nito.
Kahit na halata naman na ang sagot dahil sa nakikita kong kalagayan niya, nagawa ko pa rin siyang tanungin. Nakahandusay siya sa malamig na semento dahil ang dalawang kamay niya ay nakagapos rin, maging ang paa niya ay walang awang ikinadena. Ang kaniyang labi ay tuyo na at namumutla na ang balat. Pati ang mata ay nangingitim at lubog na rin.
Kaawa-awa.
Bigla akong nakaramdam ng kirot. Tila may koneksiyon sa amin na parang nararamdaman ko rin ang sakit at hirap na dinadanas niya ngayon o p'wede ring dahil ito sa labis na konsensiya na nararamdaman ko dahil sa mga nangyayari na may kinalaman sa pagsisinungaling ko. Sinisisi ko ang aking sarili kung bakit narito ang Reyna. Ipinagsawalang bahala ko lang ang napansin ko noong gabing iyon na may nakasunod sa amin. Kung nagbigay sana ako ng atensiyon sa kutob ko na may sumusunod sa amin, sana napigilan ko ang nangyari ngayon. Sana ay nagawa ni Prinsipe Arsh na itagong muli ang kanilang Ina sa ibang lugar at sa ganoon, hindi ito nakuha ng mga kalaban.
"Huwag kang mag-alala, ayos lang ako. Ang hindi ko maatim ay ang pagtrato ng iyong Ina sa 'yo na mismong Anak niya. Napakawalang-awa talaga ni Emily. Nagagawa ka niyang saktan kahit pa ang dugo niya ay nananalaytay sa 'yo."
"Hindi ko nga po alam kung paano nagawa ng aking Ina na igapos ako," ani ko.
Hindi ba't walang Ina ang nais makitang nasasaktan ang kaniyang Anak? Kahit sabihin pa na nagkasala ako sa kaniya dahil pinagtaksilan ko sila, magagawa pa rin ako nitong patawarin dahil hindi kailan ma'y matitiis ng Ina ang kaniyang Anak. Ngunit sa ginawa niya sa akin, napatunayan ko na hindi lahat ng Ina ay hindi kayang tiisin ang kaniyang Anak. May iba pa rin na matitigas ang puso at hindi na nakakaramdam ng awa.
Tinitigan ako ng Reyna at bakas sa kaniyang mga mata ang lungkot. "Paano mo nagawang kalabanin ang iyong sariling magulang? Marahil ay iyon ang pinagsamaan ng loob ng iyong Ina kaya ka nito itinatakwil ngayon."
Hindi pa rin ako nagsisisi na ginawa ko ang tama. Wala akong pagsisisihan kahit pa itakwil ako ng mismo kong Ina sa mundong ito. Ang mahalaga ay nasa tama ang pinaninindigan ko.
"Dahil alam kong mali ang ginagawa ng aking Ina. Ang lahat ng mga ginagawa niya ngayon ay ugat ng galit at poot kaya masama ang magiging resulta nito. Siya ay labis na nagpakain sa galit at sa hangarin na madagdagan pa ang kaniyang kapangyarihan. Siya ay sakim sa mga bagay na iyon."
"Patawad," wika nito. "Mali ang pagkakakilala ko sa 'yo. Ibang-iba ka sa iyong mga magulang. Hindi dapat ako magalit sa 'yo dahil sa ginawa ng iyong Amang Hari at isa pa, natutuwa ako dahil mabuti ang iyong kalooban. Nagpapasalamat ako dahil lumaki kang hindi kagaya nila. Hindi mo namana ang masamang pag-uugali na mayroon sa iyong mga magulang."
Hindi lang dahil sa misyon ko kaya ko iniingatan ang Kaharian ng Norland laban sa aming Kaharian. Saksi ako kung gaano kasama si Reyna Emily at dapat lang na hindi siya magwagi sa pagbagsak sa Kaharian ng Norland. Hindi ako papayag na magwagi ang kasamaan laban sa kabutihan.
Marahil ay nabulag lang si Prinsesa Amity noon kaya kahit na mali, sinunod pa rin niya ang masamang gawain ng kaniyang Ina. Magaling maglinlang si Reyna Emily kaya kahit sarili pa nitong Anak ay magagawa niyang linlangin para lang matupad ang nais nito.
"Bitawan niyo nga ako!"
Sabay kaming napalingon ng Reyna sa nagbukas na pinto. Nanlaki ang aking mga mata nang makilala kung sino ang taong kasama ng mga kawal.
Napatayo agad ako.
Iniluwa nito si Prinsipe Arsh at ang tatlo pang kawal na akay-akay siya. Ang dalawang kawal ay nakahawak sa magkabilaang balikat ng Prinsipe habang ang isa naman, nakatutok ang pana sa likuran ni Prinsipe Arsh upang makasiguro na hindi ito makakatakas mula sa mga kamay nilang mga kawal. Isang pana niya lang, magtatamo ng malalim na sugat ang Prinsipe.
Lumapit ako agad kay Prinsipe Arsh pero agad din akong inilayo ng ibang kawal na galing sa labas.
"Prinsipe Arsh!"
Bakit siya narito? Bakit siya nahuli ng mga kawal ng Lacandia? Hindi ito maaari! Maging siya ay bihag na rin ni Reyna Emily. Sino na lang ang matitira sa Kaharian ng Norland kung patuloy na makukuha ni Reyna Emily ang mga Prinsipe? Mahihirapan nang maprotektahan ang Kaharian ng Norland kung nagkataon.
Isa-isa na nilang binabawasan ang magiging kalaban bago pa nila isakatuparan ang digmaan. Matalino si Reyna Emily at madaya itong maglaro. Masiyado siyang mapaglinlang sa mga ikinikilos niya. Talaga nga namang plinano niya nang maigi ang kaniyang mga pag-atake.
"Ina," tawag ng Prinsipe sa kaniyang Inang Reyna pagkatapos ay bumaling ito sa akin. "Z-Zariya?" Bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat. Hindi siya makalapit dahil hawak-hawak pa rin siya ng mga kawal. "Kung narito ka, sino ang kasama ko kanina na pumunta rito?" dagdag na tanong nito na hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig sa akin.
Ano ang sinasabi niya? Hindi ako ang kasama niya.
Matapos ko siyang iwan sa kaniyang silid ay nagdiretso na ako rito. Sa hindi inaasahan, ako ay nahuli at ikinulong. Kaya naman imposible na nakasama ko siya kaninang pumunta rito.
"Akala ko'y ikaw ang pinakamatalino sa limang Prinsipe ngunit tila nagpadala ka masyado sa nararamdaman mo kay Amity na umabot sa puntong hindi mo nakilala ang iyong kaharap, na isa na pala itong kalaban." Smulpot sa likuran ni Prinsipe Arsh si Reyna Emily. Kasunod nito si Prinsipe Cozen.
Napunta sa kanila ang buong atensiyon namin. Nakita na ni Prinsipe Arsh ang kaniyang kapatid. Mahuhuli na ang kaniyang pagtataksil.
"C-Cozen?" Nangungutal na bigkas ni Prinsipe Arsh sa pangalan ng kaniyang kapatid.
Ilang segundo ring namayani ang katahimikan sa amin.
Unti-unting naiintindihan na ni Prinsipe Arsh ang lahat ng nangyayari. Nauunawaan na niya kung bakit naririto ngayon ang pangalawang Prinsipe kasama ni Reyna Emily.
"Nilinlang mo ako!" bulyaw niya sa kaniyang kapatid na Prinsipe.
"Tama ka, Prinsipe Arsh. Nagbalat-kayo ang iyong kapatid bilang si Amity upang maisama ka rito sa aming Kaharian. Hindi ko lubos akalain na hindi siya mahihirapan na linlangin ka. Sobra na yata ang pagkahumaling mo sa Anak ko?" mahinang tumawa si Reyna Emily. "Marahil ay matalino ka sa ibang bagay ngunit hindi sa ngalan ng pag-ibig," dagdag pa nito.
"Isa kang taksil! Paano mo nagawa ito sa ating pamilya?" Puno ng galit ang namayani sa boses ni Prinsipe Arsh. Hindi pa rin kumakawala sa masamang titig ni Prinsipe Arsh si Prinsipe Cozen.
Walang katumbas na sakit ang nararamdaman niya ngayong malaman na ang kapatid niya ay isa ring taksil sa palasyo. Ang dapat na kakampi nila sa laban na ito ay nagawa silang talikuran at ipagkanulo sa kalaban. Hinayaan ni Prinsipe Cozen na masaktan ang mga taong nakasama niya mula pagkabata. Mismong ang mga taong nagbigay sa kaniya ng buhay ay nagawa niyang ipahamak.
Hindi ko matanggap na dahil sa akin, nagawa ni Prinsipe Cozen ang mga bagay na 'yon.
Wala kaming narinig na sagot mula kay Prinsipe Cozen. Hindi niya alintana ang mga masasakit na salitang binibigkas ni Prinsipe Arsh. Ni hindi man lang siya nag-atubiling tapunan ng tingin si Prinsipe Arsh bagkus ay bumaling ito kay Reyna Emily. "Ngayon, maaari mo nang tuparin ang ating kasunduan."
"Huwag kang mag-alala, Prinsipe Cozen. Marunong akong tumupad sa usapan. Maaari mo nang kunin si Prinsesa Amity upang maipakasal ko na kayo ngayong araw din mismo."
Napaawang ako ng bibig. Ito ba ang sinabi sa akin ni Prinsipe Cozen na kapalit ng pagtataksil niya sa Kaharian ng Norland? Ginawa niya lahat 'yon upang maikasal lamang ako sa kaniya?
Malaking kahibangan!
Sa tingin ba niya ay papayag ako?
Anong tingin niya sa akin? Wala akong sariling desisyon?
Hindi ang Ina ko ang magdedesisyon. Ako pa rin ang masusunod lalo pa't kasiyahan ko ang nakataya. Hindi ko hahayaang magpakasal sa taong hindi ko naman mahal.
"Mga kawal, alam niyo na ang gagawin sa hawak niyong Prinsipe. May dapat pa akong gawin, pababagsakin ko na ang Kaharian ng Norland habang wala silang kamalay-malay na nasa atin ang dalawang Prinsipe at ang Reyna ng Norland. Mas madali natin silang matatalo kung nabawasan na ang ating kalaban." Pagkasabi niya ay agad na kami nitong iniwan.
Walang awang tinulak si Prinsipe Arsh sa semento. Agad ding iginapos si Prinsipe Arsh ng tatlong kawal. Katulad ng kaniyang Ina, ikinadena pa nila ang kaniyang mga paa upang makasiguradong hindi ito makagalaw at gumawa ng paraan para makaalis mula sa pagkakatali.
Umalis na ang mga kawal at kaming apat na lang ang natira sa silid.
Humakbang papalapit sa akin si Prinsipe Cozen. Sinundan ito ng tingin ni Prinsipe Arsh, nanlilisik ang kaniyang mga mata niya.
Nasa harap ko na ang Prinsipe. "Tumalikod ka upang matanggal ko ang pagkakagapos sa iyong kamay," utos ni Prinsipe Cozen.
Hindi ako tumalima dahil ayokong sumama sa kaniya.
"Ayoko," pagpupumiglas ko.
"Kailangan kitang mailayo agad rito, Amity, pagkatapos nating maikasal upang hindi ka na madamay pa sa malaking digmaan na magaganap," pangungumbinsi niya sa 'kin.
Hindi pa rin ako nakinig sa kaniya. Naupo ako sa gilid ng pader upang hindi niya maabot ang nakagapos kong kamay.
Mas pipiliin kong madamay at mapahamak na lamang kaysa sumama sa kaniya. Matapos ng mga ginawa niya, sa tingin niya ay susundin ko ang mga nais niya?
Hindi ko siya magawang kausapin. Kahit nga tingnan lang siya ay 'di ko maatim.
"Nahihibang ka na ba talaga, Cozen?" hasik ni Prinsipe Arsh. "Pagpapakasal kay Zariya ang kapalit ng pagtataksil mo sa amin?"
"Wala kang pakialam! Desisyon ko ito kaya ako ang masusunod," mariin rin na sagot ni Prinsipe Cozen.
"Paano si Zariya? Hindi mo ba tinanong sa kaniya kung ano ang desisyon niya? Inalam mo ba kung nais niyang magpakasal sa 'yo?"
Natahimik si Prinsipe Cozen at tumingin sa 'kin. Iniwas kong muli ang paningin ko sa kaniya.
"Magiging ligtas siya sa 'kin." Iyon lang ang naisagot nito.
"Pero kailan ma'y hindi siya magiging masaya sa piling mo," pagtutuloy ni Prinsipe Arsh.
Itinutok ni Prinsipe Cozen ang kamay niya kay Prinsipe Arsh. Humaba ang kamay nito at biglang nag-transform sa pagiging espada. Agad na naman akong napatayo dahil sa sobrang pag-aalala nang makitang ilang inches na lang ay magigilitan na ng leeg si Prinsipe Arsh dahil sa sobrang talim ng espadang nakatutok sa kaniya.
"Prinsipe Arsh!" Hindi ko na napigilang tawagin siya.
Masama ang tingin na ipinukol sa akin ni Prinsipe Cozen. "Siya ba, Prinsesa Amity? Si Arsh ba ang lalaking nagugustuhan mo?"
Hindi ko ito sinagot. Maging ako ay naguguluhan na sa nararamdaman ko para kay Prinsipe Arsh. Hindi lang ito simpleng pagkagusto, mas malalim pa roon. Nang makitang nasa bingit siya ng kamatayan, mas mabilis pa sa takbo ng kabayo ang pintig ng puso ko.
Ayokong may mangyaring masama sa kaniya.
Ayokong mawala siya... sa akin.
"Mga Anak ko, t-tama na."
Napatingin kami sa nanghihinang Reyna ng Norland. Agad ko siyang pinuntahan at inalalayang makaupo nang maayos. Hinawi ko ang buhok niya na tumatakip sa kaniyang mukha.
Hindi ko kayang makita siyang ganito. Tila nauubusan na siya ng lakas at nahihirapan na ring huminga.
Mas lalo itong manghihina dahil sa nasasaksihan niyang pagtatalo ng dalawang Prinsipe.
"Ina, 'wag kang susuko. Maililigtas kita rito, mailalayo kita rito sa Lacandia. Kumapit ka lang, Ina." Basag na ang boses ni Prinsipe Arsh.
Unti-unti namang ibinalik ni Prinsipe Cozen ang kaniyang kamay. Wala nang espada na nakatutok sa leeg ni Prinsipe Arsh.
Tumitig siya sandali sa kaniyang Inang Reyna bago niya ito nilapitan. Lumuhod ito upang makapantay ang kaniyang Ina.
"Ina, p-patawarin mo ako." Tila lumambot ang kaniyang puso.
"Ano ang iyong ibig sabihin, Prinsipe Cozen?" takang tanong ko sa kaniya.
Kanina pa lang ay malakas na ang hinala ko na may kinalaman siya sa pagdakip sa kaniyang Ina. Pero gusto ko pa ring makasigurado at malaman na mali ang hinala ko.
Rinig ko ang paghikbi ng kanilang Inang Reyna. Kahit nakagapos ang kamay, pinilit niyang abutin si Prinsipe Cozen upang mahaplos nito ang kaniyang buhok.
"Ako ang dahilan kung bakit narito si Ina. Sinundan ko kayo ni Arsh no'ng gabing iyon at natuklasan kong buhay pa ang aming Inang Reyna. Hanggang sa napaamin ako ni Reyna Emily at naisuplong ko sa kanila ang tungkol sa pagtago ni Arsh sa aming Ina. Ako ang dahilan kung paanong nadakip si Ina at mapunta sa kamay ni Reyna Emily."
"Labis na ang pagtataksil mo! Maging ang sarili nating Ina ay nagawa mong ipahamak!" galit na galit na bulyaw ni Prinsipe Arsh.
"Nagawa ko lang ito dahil sa sobrang pagmamahal ko kay Prinsesa Amity."
Hindi ko alam pero nakaramdam na naman ako ng konsensiya. Ako ang puno't dulo ng gulong ito. Hinayaan kong umibig si Prinsipe Cozen sa akin at 'di ko man lang napigilan ito. Tama si Tata Lucio, kapag may kahit isang Prinsipe lang ang umibig sa akin, magiging komplikado ang lahat.
Iba ang nagagawa ng pag-ibig sa isang tao.
Magagawa ka niyang maging masama at pinakatanga. Magagawa niyang kontrolin ang kilos mo at lasunin ang isip mo.
"Pero huwag kang mag-alala, Ina, dahil kapag naikasal na kami ni Prinsesa Amity, tutulungan kitang makatakas dito. Kung gusto mo ay dalawa pa kayo ni Arsh ang ililigtas ko."
Umalingawngaw ang nakakalokong halakhak ni Prinsipe Arsh. "Tutulungan mo kami pagkatapos mo kaming ipahamak? Nahihibang ka na talaga, Cozen!"
Hindi na lamang pinansin ni Prinsipe Cozen si Prinsipe Arsh.
Nakayukong tumayo si Prinsipe Cozen. Inilahad ng Prinsipe ang kaniyang palad sa akin. "Prinsesa Amity, halika na. Hinihintay na tayo ng iyong Ina."
Hindi pa rin talaga siya sumusuko sa akin. Pursigido siyang angkinin ako.
Nagpakawala ako nang malalim na hininga. Tumayo ako at malakas ang loob kong hinarap siya.
Dapat kong gawin ito para matigil na siya. Kahit sa paraang masasaktan ito, gagawin ko, matapos lang ang kahibangan na ginagawa niya.
"Prinsipe Cozen, hindi kita papakasalan. Kahit anong gawin mo, kahit sino pa ang pagtaksilan mo at kahit anong paraan pa para maangkin ako, hinding-hindi ako sasama sa 'yo. Hindi ikaw ang lalaking nais kong makasama sa pagtanda. Kaya parang-awa mo na, Prinsipe Cozen, itigil mo na ito dahil kailan ma'y, hindi kita mamahalin higit pa sa isang kaibigan."
Hindi ako naniniwala na natututunan ang pagmamahal. Hindi mo matuturuan ang puso kung para kanino ito titibok. Kusa mo itong mararamdaman.
Mas masarap magmahal kapag hindi pinilit.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro