Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 30

"Anong nangyayari rito?"

Bumaling ang atensiyon ko sa bagong dating na Prinsipe, si Prinsipe Nesh. Nilingon siya saglit ni Prinsipe Arsh at agad ring binawi 'yon dahil seryoso na namang siyang tumingin sa akin. Hindi niya pinakawalan ang kaniyang paningin sa kinaroroonan ko. Sinusubukan nitong basahin ang ginawa ko.

Dumapo ang paningin ni Prinsipe Nesh sa akin at ilang saglit lang ay napunta ito sa aking kamay dahil sa pagkakahawak ko sa kamay ng Hari. Doon niya nasaksihan ang magandang balita na nais ko sanang banggitin kanina ngunit hindi natuloy dahil sa naging reaksiyon ni Prinsipe Arsh.

"Ama?" Dali-daling nilagpasan ni Prinsipe Nesh ang kaniyang kapatid at nagdiretso sa kinaroroonan ko. Inalis ko na rin ang kamay kong nakahawak sa kamay ni Haring Valor at humakbang patalikod upang bigyan ng sapat na espasiyo ang Prinsipe. "Totoo nga! Gising ka na, Ama!" Nagtatatalon ang bunsong Prinsipe sa nasaksihan niya sa kaniyang Ama.

"N-Nesh," sambit ng Hari. "Bunso kong Anak," dagdag pa nito.

Mahigpit na yakap ang isinalubong ni Prinsipe Nesh sa kaniyang Ama. Masaya akong makita sila sa ganoong lagay. Maging ang mga kawal ay sobrang saya sa kanilang nakikita ngayon. Labis na galak ang namayani sa lahat ng tao na nakasaksi na nasa loob ng silid maliban kay Prinsipe Arsh.

Hindi ko maipaliwanag ang reaksiyon ng kaniyang mukha. Walang maipintang emosiyon doon.

Hindi ko namalayang nasa tabi ko na ito. Bakas sa kaniyang mukha na galit ito dahil nakakunot ang kaniyang noo at nagsalubong pa ang kaniyang makapal na kilay. Matalim itong tumitig sa akin.

"Kailangan nating mag-usap, Zariya." Kinabahan ako dahil seryoso talaga siya batay sa tono ng kaniyang boses.

"Arsh, hindi mo ba kukumustahin muna ang ating Ama?" singit ni Prinsipe Nesh. Marahil ay napansin niya rin ang tensiyon na namumuo sa pagitan naming dalawa. Nais niyang iwaksi muna iyon at mag-focus sa magandang balita.

"Masaya at panatag na ako na malamang nagising na ang ating Amang Hari ngunit may mas importante akong dapat tuklasin ngayon." Titig na titig siya sa akin habang binibigkas ang mga salitang 'yon. "Nesh, ikaw na muna ang bahalang bantayan si Ama. Panatalihin mo ang kaniyang kaligtasan. Ipatawag mo na rin si Ravi sa mga kawal upang maibalita sa kaniya ang tungkol sa paggising ni Ama, ganoon din kina Cozen at Dern."

"S-Sige, masusunod" nauutal na wika ni Prinsipe Nesh. Hindi na niya napigilan ang kaniyang kapatid sa nais nitong gawin.

Walang pasabing hinablot ni Prinsipe Arsh ang kamay ko at hinigit ako papalabas sa silid ni Haring Valor. Nagsitinginan na rin ang ibang kawal na nasa labas. Hindi man lang siya nagpaalam sa kaniyang Ama bago kami lumabas.

Bakit ba siya ganito kumilos?

Bakit ba kailangan niya akong kaladkarin ngayon? Sasama naman ako nang maayos, ah!

Kung ang gumugulo sa kaniyang isipan ay ang huling eksena na nakta niya sa pagitan ko at ng kaniyang Ama bago ito gumising, hindi lang siya ang naguguluhan. Mas naguguluhan ako sa nangyari dahil wala akong kaalam-alam kung ano ba ang ginawa ko para gumising nang biglaan ang kanilang Amang Hari.

Maging ako rin naman ay nagtataka sa nangyari. Hindi ko nga alam kung ako ba talaga ang dahilan kung paanong nagising ang Hari. Wala talaga akong kaalam-alam!

Baka naman ay coincidence lamang iyon? Imposible namang kaya kong magpagaling. Wala akong kakaibang kakayahan na gaya nila.

"Prinsipe Arsh, saan ba tayo pupunta?"

"May dapat kang aminin sa akin," ani niya na mas humigpit ang pagkakahawak sa kamay ko. "Zariya, nais kong malaman ang totoo."

Bumaba kami sa ikalawang palapag. Huminto kami sa tapat ng pinto ng ikatlong silid. Binasa ko ang pangalan na nakaukit doon.

Arsh.

Silid ito ni Prinsipe Arsh.

Walang kaeffort-effort na binuksan niya ang pinto dahil kusa na itong nagbukas. Nakilala mismo ng pinto ang nagmamay-ari ng silid na iyon.

Hinatak niya rin ako papunta sa loob. Agad ding nagsara ang pinto pagkapasok namin.

Kasabay nang pagbitaw niya sa kamay ko ang siyang pagharap niya sa akin. Seryoso ang mga tingin na pinukol niya sa akin, ito ay may halong galit at pagkalito. Hindi ko alam kung si Prinsipe Arsh pa ba na nakilala ko ang nasa harap ko ngayon.

"Sino ka ba talaga, Zariya?"

Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Para akong napako at 'di man lang magawang ibuka ang bibig dahil sa sobrang kaba.

"P-Prinsipe Arsh..."

"Huwag ka na magbalak na magsinungaling pa sa akin. Nakita ko ang ginawa mo kanina sa aking Ama. May kakayahan kang pagalingin siya. At walang ordinaryong mamamayan ng Norland ang nagtataglay ng gano'ng uri ng kapangyarihan. Tanging ang pamilya na nanggaling kina Ama at sa kaniyang kaibigan na si Haring Hellion lang ang biniyayaan ng kapangyarihan." Lumapit pa siya lalo sa akin dahilan upang humakbang ako patalikod hanggang sa naramdaman kong nakasandal na ako sa pader at wala na akong maatrasan pa. Sobrang lapit na ng mukha namin sa isa't-isa. Titig na titig pa rin ito sa akin.

"Ayokong pagdudahan ang taong mahal ko pero... nakita ko na mismo, nakita na mismo ng mga mata ko at ayokong magbulag-bulagan pa. Kahit hindi mo sagutin, kahit na magdahilan ka pa, alam ko na ang sagot. Ngayon, ang nais ko lang ay marinig mula sa 'yo, Zariya." Pakiramdam ko ay magkakasakit ako sa puso sa sobrang bilis ng takbo ng puso ko. "Anak ka ba ni Haring Hellion, Zariya? Ikaw ba si Prinsesa Amity?"

Hindi ko mahanap ang mga salita na nais banggitin ng aking bibig. Nangangatog na rin ang tuhod ko. Kung hindi lang ako nakakapit sa pader, mawawalan ako ng balanse.

"H-Hindi ko alam," maikling sagot ko.

Maging ako ay naguguluhan na rin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na may angking kakayahan ako na magpagaling. Hindi ko rin masagot kung Ama ko nga ba talaga si Haring Hellion dahil kapag umamin ako, masisira ang lahat. Malaki ang magiging epekto nito sa misyon ko.

Hindi ako makakibo. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko.

Ayokong magsalita dahil isang maling pahayag ko lang, malaki na ang epekto nito sa lahat.

Imbes na magsinungaling pa, mas pipiliin ko na lang na manahimik. Ayoko na dagdagan ang kasalanan ko. Hirap na hirap na ako dahil sa konsensiyang pasan-pasan ko.

"Wala na yatang mas sasakit pa na malaman na pinagsinungalingan ka ng taong pinagkatiwalaan mo... ng mismong taong mahal mo."

Tinalikuran ako ni Prinsipe Arsh at nagtungo sa kaniyang kama. Naupo siya roon habang ako ay nanatiling nakatayo malapit sa pinto. Nakita kong umigting ang kaniyang panga at ilang saglit lang ay yumuko kasabay nang paggulo sa kulay dagat niyang buhok.

Tila tinutusok ang puso ko sa nakikita ko ngayon.

Nasasaktan ko siya. Ako ang dahilan ng sakit na nararamdaman niya ngayon.

Unti-unti nang nabubunyag ang sekreto ko.

"Kahit hindi mo na sagutin. Alam ko nang ikaw si Prinsesa Amity, ang Anak ng mortal na kaaway ng Kaharian ng Norland. Ikaw ay narito upang maging espiya, hindi ba?" Inangat niya ang kaniyang ulo at tumitig muli sa akin.

"P-Prinsipe Arsh, p-patawad." Hindi na ako makapagdahilan pa. Huling-huli na niya ako. Hindi ko na ito malulusutan pa. Mas magmumukhang sinungaling pa ako kung ipagpapatuloy ko ang pagtatakip sa katotohanan kung gayong alam na niya ang lahat.

"Isa kang taksil! Hindi lang ako ang pinagtaksilan mo, maging ang buong Kaharian. Paano mo naatim na gawin ito sa amin, Zariya? Paano, ha?!"

Naiiyak na ako ngayon. Pinipigilan kong tumulo mula sa aking mata ang namumuong luha dahil mas lalo akong mahihirapang magsalita kung pinairal ko ang paghagulhol sa iyak. Napahawak na rin ako sa pader dahil baka hindi ko mapigilang mapaupo dahil sa panginginig.

"Hindi ko ginusto itong gawin, maniwala ka. Wala akong pagpipilian, Prinsipe Arsh. Sa ayaw at sa gusto ko, kailangan ko itong tapusin. Ang misyon ko ay nakasalalay rito. Ang misyon na kailangan kong gawin."

"Kasama rin ba sa misyon mo na paibigin ako? 'Yong gabi na nagkabanggan tayo, plinano mo rin ba? Nang sa ganoon, madali mo lang akong mapaibig? Puro bang kasinungalingan ang pinakita mong kabutihan sa aming magkakapatid? Sagutin mo ng totoo dahil sawang-sawa na ako sa walang katapusang kasinungalingan mo!"

Hindi ako nakasagot agad. Ramdam ko ang sakit sa tono ng boses niya. "Hindi, Prinsipe Arsh. Kahit pa Anak ako ni Haring Hellion, ang Ama ko na pintay ng Ama niyo, hindi ko pa rin kayo tiningnan bilang mga kaaway. Itinuring ko kayong mga tunay kong kaibigan. Maniwala ka..."

Bakas sa mukha niya na hindi pa rin ito naniniwala.

"Alam kong may nararamdaman ka rin sa 'kin. Totoo ba 'yon o isa rin 'yong palabas?"

Paano niya nalaman? Pinipigilan kong iparamdam ang totoong nararamdaman ko sa kaniya dahil hindi maaari. Makakaapekto ito nang malaki sa misyon ko. Hindi ko p'wedeng iparamdam kung gaano ko rin siya kagusto. Hindi maaaring bigyan ko ang Prinsipe ng pag-asa na may gustuhin ko rin siya.

Hindi ko maaaring suklian ang pag-ibig nito.

Gusto kong umamin tungkol sa tunay kong nararamdaman pero hindi maaari.

"Prinsipe Arsh, hindi kita maaaring mahalin."

"B-Bakit?"

"Dahil hindi tayo p'wede."

Hindi lang ang pagiging Prinsesa ko ang itinatago ko sa kanilang lahat. Mas iniingatan ko ang sekretong misyon na iniatas sa akin. Patawarin nila akong lahat ngunit ibig ko talagang makabalik sa tunay kong mundo at pamilya.

Hindi kami pareho ng mundo. Hindi ako para rito sa mundo nila. Gusto ko nang bumalik sa mundo ko kaya hangga't kaya ko, pipigilan kong hindi na lumalim pa itong nararamdaman ko para sa kaniya.

Kung may isasakripisyo man ako para makabalik sa modernong mundo, iyon ay ang pag-ibig ko sa kaniya.

"Pero maniwala ka, Prinsipe Arsh. Kahit ito lang ang paniwalaan mo sa akin dahil totoo na ang kaligtasan ng Norland ang mahalaga sa akin. Ang kaligtasan ninyong limang Prinsipe at gano'n din kay Haring Valor. Handa kong patunayan sa pamamagitan ng pagtulong sa inyo kung paano malalabanan ang digmaan na inihanda ng Lacandia."

Kumunot lalo ang kaniyang noo. "Sa tingin mo, maniniwala pa ako sa 'yo? Paano mo magagawang pagtaksilan ang sarili niyong Kaharian?"

Hindi niya kasi maintindihan. Sa totoo lang ay ang Lacandia ang pinagtataksilan ko sa una pa lang at hindi ang Norland. Nasa kanila ang katapatan ko bago pa magsimula ang misyon na inatas sa akin ng aking Inang Reyna.

"Dahil ito ang kailangan kong gawin."

Dahil nakasalalay rin sa kaligtasan ng Norland ang pagbalik ko sa mundo ko.

Tumayo si Prinsipe Arsh at bumalik muli sa tapat ko. Ilang segundo rin akong nakipaglaban ng titigan sa kaniya. Sa mga titig na 'yon, inaalam niya kung nagsasabi ba ako nang totoo. Tila hinahanap niya roon ang mga sagot sa pangamba niya dahil kahit kailan, hindi magsisinungaling ang mga mata.

"Maniniwala lang ulit ako sa 'yo kung maibabalik mo sa akin ang aking Inang Reyna." Nangungusap ang mga mata niyang nakatitig sa akin. "Zariya, parang awa mo na, ibalik mo sa amin ang aming Ina."

"B-Bakit? Anong nangyari sa Reyna?"

"Umalis ako kaninang umaga upang dalawin si Ina ngunit wala akong naabutan sa kaniyang silid. Hinanap ko siya sa buong kabundukan ngunit wala pa rin akong nahanap. Malakas ang hinala kong may kumuha sa kaniya at wala nang ibang gagawa nito kung 'di ang Kaharian niyo, ang Kaharian ng Lacandia."

Gulantang pa rin ako sa ibinalita niya.

Napahawak ako sa balikat ni Prinsipe Arsh dahil muntik na itong matumba. Hindi na niya napigilang umiyak. Umiiyak siya sa harap ko dahilan para makaramdam ako ng awa at pangongonsensiya siya.

May mas malaking problema pa pala siya at dumagdag pa ang nalaman niya tungkol sa akin. Hindi na masukat ang sakit na nararamdaman niya ngayon.

"Hindi ko kayang mahiwalay muli sa akin ang aking Ina. Hindi sa pagkakataong ito," ani niya habang humihikbi. Tila kinikirot ang puso ko sa bawat hikbi na naririnig ko mula sa kaniya. "Ibalik mo sa akin ang aking Ina... parang awa mo na, Zariya."

Ano ang gagawin ko ngayon? Tama si Prinsipe Arsh. Tanging ang Lacandia lamang ang posibleng dumakip sa Mahal na Reyna. Pero paano nila nalaman? Wala akong sinabi sa kanila. Hindi na ako nag-uulat sa aking Inang Reyna. Isa pa, hindi ko ipapahamak ang kanilang Ina.

Naalala ko bigla ang hinala kong may nakasunod sa amin ni Prinsipe Arsh no'ng gabing 'yon. Hindi kaya nasundan niya kami hanggang sa Bundok ng Puhon? Hindi kaya nalaman niya ang tungkol sa pagtatago ng Ina ng mga Prinsipe?

May kinalaman kaya siya sa pagkawala ng Mahal na Reyna?

Tama ang hinala ko. Hindi ako maaaring magkamali.

May nakasunod nga sa amin noong gabing iyon!

"Saan ka pupunta?" Nilingon ko si Prinsipe Arsh na nakaupo ngayon sa sahig.

"Ibabalik ko ang iyong Inang Reyna, pangako."

Pinihit ko ang doorknob upang makalabas nang tuluyan. Dali-dali akong bumaba. Nakasalubong ko pa si Kharim Celia sa unang palapag. "Tila nagmamadali ka. Saan ang iyong punta?" tanong niya sa akin.

"May babawiin lang ako, Kharim Celia."

Hindi ko na hinintay pang magsalita pa si Kharim Celia dahil alam kong tatanungin lang ako nito kung ano o sino ang tinutukoy ko. Hindi siya papayag na gumawa ako ng bagay na magsasalungat sa plano ng aking Inang Reyna.

Tumakbo na ako palabas at agad nagdiretso sa hardin. Mabuti na lamang at wala ni isang tao akong nadatnan. Huminto ako sa tapat ng lihim na lagusan. Agad din itong lumitaw nang makilala ako ng malaking batong naroon na tila may sariling buhay upang makakilala ng tao.

Agad akong pumasok sa lagusan at iniluwa ako agad nito sa Kaharian ng Lacandia.

"Anong ginagawa mo rito, Prinsesa Amity?" bungad na tanong sa akin ng isang kawal. Aligaga siya nang makita ako. Tila gusto pa niya akong pigilan at huwag magpatuloy sa nais kong gawin sa loob ng palasyo.

Hindi ko sinagot ang tanong niya bagkus binatuhan ko siya ng isa pang tanong. "Nasaan ang aking Ina?"

Pinandilatan ko siya ng mata nang napansin kong ang tagal niyang sumagot. Talaga nga namang iniiwasan niyang sagutin ang tanong ko. Marahil ay may ibinilin na sa kanila ang aking Inang Reyna.

Hindi niya pa rin ako sinasagot kaya naman wala na akong magawa kung 'di daanin siya sa sindak. Agad naman itong natakot. "N-Nasa loob ng palasyo, Prinsesa."

Tumakbo na agad ako papunta sa loob pero agad din akong napahinto sa pinto nang marinig ko ang ilang yabag papalapit. Nagtago ako sa malalaking halaman na naroon upang 'di nila ako makita.

"Siguraduhin niyong babalikan niyo ang babaeng 'yon upang bantayan. Hindi siya maaaring makabalik sa Norland." Boses 'yon ng aking Inang Reyna kausap ang mga kawal.

"Masusunod, Reyna Emily."

May mahinang halahak akong narinig mula sa pamilyar na tao. "Natutuwa akong nasa atin na ang Reyna ng Norland. Siya ang kahinaan ng limang Prinsipe at dahil doon, madali nating mapapabagsak ang Norland na walang kahirap-hirap." Si Haya Kaira 'yon! Biglang kumulo ang dugo ko dahil sa sinabi niya. Wala talagang puso!

Sumabay na rin sa halakhak ang aking Ina at ilang kawal na kasama nila. Narinig ko ang mabibigat nilang hakbang sa hagdan. Hintayin kong makaakyat sila nang tuluyan sa ikalawang palapag bago pumasok.

Ilang minuto lamang ang lumipas, wala nang ingay akong narinig mula sa kanila.

Nang makasiguro akong nakaakyat na sila, sumilip ako sa loob. Walang kawal ang nakabantay kaya sinamantala kong pumunta agad sa pinanggalingan nila kanina. Kinakabahan man ay nagawa ko pa ring buksan ang nag-iisang silid na naroon. Mukhang dito sila nanggaling at sigurado akong dito nila itinago ang Reyna ng Norland.

Hindi nga ako nagkamali.

Nasa loob nga ang Reyna ng Norland! Nakahandusay siya sa sahig at matamlay na napaangat ng tingin sa akin. Kaawa-awa ang kaniyang lagay.

"Anong ginagawa mo rito? Papahiarapan mo rin ako gaya ng ginawa ng iyong Ina? Wala talagang awa ang inyong pamilya!" usal niya sa akin.

Inilalabas na naman niya ang galit niya pero ipinagsawalang bahala ko muna. Ang dapat gawin ngayon ay mailayo ko siya rito at maibalik sa Kaharian ng Norland.

Akmang pupuntahan ko na siya nang may humawak sa kamay ko.

"Mabuti naman at narito ka na rin, Prinsesa Amity."

Napalingon ako at bumungad sa akin ang aking Inang Reyna katabi si Haya Kaira. Nakangiti silang dalawa sa akin, ngiting nakakaloko.

"Kumagat ka sa aming patibong. Hindi na kami mahihirapan pang pasunurin din dito ang iba pang Prinsipe."

Kung gano'n, alam nilang narito ako sa palasyo kanina pa lang. Sinadya nilang lahat na mangyari ito.

"Plinano niyo ang lahat nang ito?" tanong ko habang hawak ng dalawang kawal ang magkabilaang balikat ko.

"Oo at kasama ka rin sa planong ito."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro