Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 28

"Ina, nagkakamali ka. Hindi siya si Amity," pagtatama ni Prinsipe Arsh sa kaniyang Inang Reyna. Ilang ulit niyang sinasabi sa kaniyang Ina na hindi ako si Prinsesa Amity pero hindi pa rin nakikinig ang Mahal na Reyna.

Pinagdidiinan niya kanina pa sa kaniyang Anak ang totoo kong pangalan. Naging matigas siya at tanging ang kaniyang sinasabi ang pinaniniwalaan niya. Walang kwenta ang pagtatama ni Prinsipe Arsh sa pangalan ko dahil siguradong-sigurado ang kaniyang Ina sa bawat salitang binibigkas kaya mahihirapan din akong makalusot sa Inang Reyna ng Prinsipe.

Kilala niya ako.

Alam naming dalawa na totoo ang kaniyang sinasabi.

Alam niya kung sino ang mga magulang ko.

Hindi na niya hawak ang magkabilaang pisngi ko. Naningkit ang mga mata niya nang pauli-ulit nitong binibigkas ang totoong ngalan ko. Tila kinasusuklaman niya ako sa mga tingin niyang iyon. Punong-puno ng galit.

Sobra akong kinakabahan dahil alam kong kilala niya talaga ako. Idagdag mo pa na galit na galit siya sa akin. Kung nakamamatay lang ang mga tingin, kanina pa ako pinaglalanayan.

Umiling muli ang Reyna. "Hindi ako maaaring magkamali, Arsh. Anak ng mortal na kaaway ng iyong Ama ang binibining kasama mo ngayon. Siya ang Anak ng taong sumira sa akin... ang ugat kung bakit nasira ang ating pamilya." Mas lalo pa ako nitong tiningnan ng masama. "Anong ginagawa mo rito? Ayokong makita ka dahil kapag tinitingnan kita, nakikita ko rin ang mga taong dahilan ng pagkasira namin ni Valor. Dahil sa iyong mga magulang, naririto ako ngayon at naghihirap! Kinakasuklaman ko ang pamilya ninyo!"

Hindi tinanggal ng Mahal na Reyna ang kaniyang paningin sa akin. Bakas sa kaniyang mga mapupungay na mata ang pangingilid ng luha. Ang kaniyang galit ay naging luha. Hindi ko mawari kung bakit may kirot akong naramdaman. May kung ano sa akin na gusto ko siyang yakapin dahil sa sobrang konsensiya. Alam ko kung saan ito humuhugot ng galit. Hindi ko magawang iwasan ang mga tingin niya dahil pakiramdam ko, nararapat lamang iyon sa akin. Hindi ako maaaring magreklamo dahil walang-wala ang masasamang tingin niya sa akin kumpara sa sakit at paghihirap na dinanas niya dahil sa kagagawan ng aking mga magulang.

Gusto kong humingi ng tawad kahit pa hindi ko alam kung ano ang mga nangyari sa nakaraan, ang buong istorya sa pagitan ng pamilya ni Haring Valor at sa pamilya namin. Pero ayokong makumpirme ni Prinsipe Arsh na nagsasabi ng totoo ang kaniyang Ina. Ayokong malaman niya ang tunay kong katauhan sa mundong ito. Kaya naman hindi na ako umimik pa at nagkunwaring naguguluhan sa inaasta ng Mahal na Reyna.

"Ina, marahil ay pagod ka lamang. Halika na't ihahatid na kita sa iyong silid. Kailangan mo nang mapahinga," ani ni Prinsipe Arsh. Pinilit niyang inalis ang kamay ng kaniyang Ina mula sa pagkakahawak sa akin. Inilayo niya ang Reyna at bumaling siya sa akin. "Hintayin mo ako rito, Zariya. Ihahatid ko lamang ang aking Ina nang makapagpahinga na."

Tumango lamang ako.

Bago akayin ni Prinsipe Arsh ang kaniyang Ina, lumingon muna ang Mahal na Reyna sa akin. Walang salita ang lumabas mula sa kaniyang bibig ngunit ang kaniyang mga mata naman ang kumausap sa akin. Ang mga matang 'yon... mata ng poot at galit.

Pinagmasdan ko sila na nakatalikod habang naglalakad palayo sa akin. Tanaw ko ang sinasabi ni Prinsipe Arsh na silid ng Mahal na Reyna. Maliwanag iyon dahil may ilang gasera na nakasabit sa bawat poste ng kaniyang tinutuluyang bahay. Iyon lang ang nag-iisang bahay na narito. Hindi ito kalakihan ngunit sapat na ang espasiyo nu'n para sa isang tao na naninirahan.

Bumalik muli ang paningin ko sa dalawa. Nakaalalay ang isang kamay ni Prinsipe Arsh sa balikat ng kaniyang Ina samantalang ang isa niya pang kamay ay may hawak na gasera na nagsilbing ilaw nila sa madilim na daan. Maingat niyang inaalalayan ang kaniyang Ina. Bakas sa kilos ng Prinsipe na labis niyang inaalagaan ang kanilang Inang Reyna.

Ramdam ko na ang pangangalay ng aking mga paa dahil kanina pa ako nakatayo.

May isa pa namang gasera ang iniwan sa akin ni Prinsipe Arsh. Ito ang gamit ko ngayon upang makahanap ng mauupuan. Hindi naman ako natagalan sa paghahanap dahil may nakita akong 'di kalakihang bato na nasa gilid. Pumunta ako roon at naupo agad. Nanghina ang tuhod ko dahil sa inasta ng Mahal na Reyna. Kinain ako kanina ng matinding kaba.

Ramdam na ramdam ko ang galit niya. Kulang na lang ay patayin ako nito gamit ang masasakit na tingin na ipinupukol niya. Kung kaya niya lang sigurong manakit, kanina pa niya ako pinagsasampal.

Hindi ko siya masisisi.

Malaki talaga ang kasalanan ng aking Amang Hari sa pamilya ni Haring Valor. Siya ang dahilan kung bakit hindi buo ang pamilya nila ngayon. Siya ang naghatid ng mabibigat na problema sa buhay nila. Dahil sa inggit at hindi pagkakaunawaan ng dating magkaibigan, humantong sila sa puntong 'to.

"Paumanhin kung napagkamalan kang ibang tao ni Ina." Napaangat ako ng ulo nang maramdaman kong nasa tapat ko na muli si Prinsipe Arsh. Umupo siya sa tabi ko. Bumuntong hininga muna siya bago nagpatuloy sa sasabihin. "Maging ako ay nabigla sa kaniyang inasta. Mukhang malubha na nga ang kaniyang sakit."

Napalingon ako sa kaniya dahil sa huling sinabi nito.

"S-Sakit? May sakit ang iyong Inang Reyna?" tanong ko.

Nakatingin pa rin kawalan si Prinsipe Arsh. "Simula nang ilayo ko siya sa palasyo, napansin kong nag-iba ang kaniyang pag-uugali. Naging matamlay siya, minsan nahuhuli ko pang palihim na umiiyak at bigla-bigla na lamang siyang sisigaw at galit na galit. Hindi ko siya makausap nang matino at maayos, tanging pagtango at pag-iling lamang ang nakukuha kong sagot. Gayun pa man, masaya pa rin ako dahil nakikilala niya pa rin ako at maging ang apat ko pang mga kapatid. Sa tuwing dinadalaw ko siya, lagi niyang kinakamusta sila Ravi, Cozen, Dern at Nesh... pati si Ama ay 'di niya nakalimutan."

Wala talagang makakatalo sa pagmamahal ng isang Ina sa kaniyang asawa lalong-lalo na sa kaniyang mga Anak. Kahit anong pagsubok ang kaniyang kaharapin, Anak pa rin niya ang panghuhugutan niya ng lakas para magpatuloy at lumaban.

"Kung 'di mo mamasamain, Prinsipe Arsh, maaari ko bang matanong kung bakit narito ang Mahal na Reyna? Bakit hindi niyo siya kasama sa palasyo gayung buhay pa naman pala siya?"

Nang dumating ako sa palasyo, buong akala ko ay patay na ang Reyna ng Kaharian ng Norland. Maging ang lahat ng tao sa Kaharian ay napaniwala na wala na nga ang Mahal na Reyna. Hindi nila alam na nagtatago lang pala ito rito sa bundok ng Puhon.

"Siya ay naparatangang nagtaksil sa aming Amang Hari. Matapos ang limang araw simula nang ipinanganak ng aking Ina si Nesh, ang bunso kong kapatid, nakipagtagpo ang aming Ina kay Haring Hellion at doon nahuli ng aking Ama ang lihim nilang pagtatagpo. Inakala ng aking Ama na siya'y pinagtataksilan ng dalawa ngunit ang totoo, sinadya ni Haring Hellion na magtagpo sila upang makita ni Ama at pag-isipan sila nang masama. Matagal nang may gusto si Haring Hellion sa aming Inang Reyna pero kahit anong gawin niya, hindi nito makuha ang aming Ina. Hanggang sa naisipan nitong buwagin na lamang ang aming pamilya upang makapaghiganti at siya nga'y nagwagi. Kaya galit na galit si Ina kay Haring Hellion."

Nalulungkot ako dahil humantong ang inggit ng aking Ama sa puntong iyon. Pati ang maayos na pagsasama ng mag-asawa ay nagawa niyang sirain. Ang mga walang muwang na mga Prinsipe ay pinagkaitan ng Ina ng ilang taon.

Hindi niya man lang inalala ang pinagsamahan nila ni Haring Valor bago siya tuluyang magpakain sa galit at inggit. Maraming nasira at nadamay dahil sa ikinilos niya. Hindi ko inakala na ganito kasama ang ugali ni Haring Hellion, ang aking Ama.

Mas lalong naapektuhan ang Inang Reyna ng limang Prinsipe. Hindi man lang niya napatunayan ang kaniyang sarili na wala talaga siyang masamang ginawa. Hindi totoo ang akusasyon na mayroong namamagitan sa kanilang dalawa ni Haring Hellion. Hindi niya napatunayan ang katapatan niya kay Haring Valor.

"Pero hindi ko masisisi ang ginawa ng aking Amang Hari na pagparusa sa aking Ina. Siya ay labis na nasaktan dahil sa isiping mismong kaibigan pa niya ang tumuhog sa kaniyang asawa. Siya ay nabulag sa maling paratang."

Hindi ako makapagsalita dahil sa sobrang pagkabigla. Walang salita ang kayang lumabas sa bibig ko. Ayokong umimik dahil wala naman akong sapat na kaalama sa nangyari noon.

Nagpatuloy sa pag-kwento si Prinsipe Arsh. "Pero alam mo ba na sa huli, mas nangibabaw pa rin ang pagmamahal ng aking Ama sa aming mga Anak niya kaysa sa galit niya? Dahil kamatayan ang magiging parusa sa sino mang magtataksil sa Hari ngunit nakiusap ako sa aking Ama na huwag ituloy ang pagbitay sa aming Ina. Nagmakaawa ako sa harap niya habang umiiyak kaming dalawa. Hindi maaaring baguhin ang parusang kamatayan pero gumawa ng paraan ang aking Ama at pinagbigyan niya akong ilayo ko si Ina sa Kaharian. Pinalabas niya lamang sa lahat na namatay na ang aking Ina at nailibing agad. Maging ang mga kapatid ko ay hindi nila alam ang tungkol sa ginawa namin ni Ama."

So, siya pala ang tinutukoy niyang nag-iisang tao na may alam kung nasaan ang Reyna dahil si Prinsipe Arsh lang pala ang nagtago nito. Siya mismo ang tinutukoy nito.

Hindi ko malaman kung bakit sinasabi ni Prinsipe Arsh ang lahat ng ito sa akin? Ganoon ba niya ako lubos na pinagkakatiwalaan? Isang sekreto ang kaniyang ibinubunyag sa akin ngayon.

Nakatitig ako sa kaniya nang saktong lumingon ito sa akin. Nagtama ang aming mga mata. Dahan-dahan niyang kinuha ang aking kamay at hinawakan ito. "Zariya, sinabi ko ang lahat nang ito dahil malaki ang tiwala ko sa 'yo. Alam kong mananatiling lihim ang lahat ng nalaman mo ngayong gabi."

Hindi ako nag-alinlangang sumagot."Makakaasa ka, Prinsipe Arsh. Ito'y mananatiling lihim sa pagitan nating dalawa."

Hindi ako gagawa ng hakbang na maaaring ikapahamak ng buong Norland dahil nakakasalalay rin dito ang misyon ko. Ang priority ko ay ang seguridad ng Kaharian. Kahit pa ang mismong Kaharian ko ay magagawa kong traydor-in, maprotektahan lang ang Kaharian ng Norland. Kung kaya't sana hanggang sa maaari, hindi rin nila pagdudahan ang katapatam ko sa pamilya ni Haring Valor.

Binawi na ng Prinsipe ang kamay niya. Tumayo siya sabay lahad muli ng palad sa harap ko. "Tara na? Bumalik na tayo sa palasyo."

Ngumiti ako at saka pinatong ang kanang kamay ko sa palad niya. Inalalayan niya akong tumayo. Nang makatayo na ako ay 'di pa rin niya inaalis ang pagkakahawak sa kamay ko bagkus ay hinigpitan niya pa ito.

"Akala ko'y magiging maayos ang gabi na ito. Akala ko'y maayos kitang maipapakilala sa unang babaeng aking minahal," bakas sa kaniyang boses ang panghihinayang.

"Ang iyong Inang Reyna ang tinutukoy mong una mong pag-ibig?" Hindi makapaniwalang tanong ko.

Napahalakhak ito nang mahina nang makita ang naging reaksiyon ko. "Oo, ang aking Inang Reyna nga. Sino ba sa tingin mo?"

Umiwas ako ng tingin dahil sa kahihiyan. Napaka-judgemental ko dahil ibang babae ang naisip kong unang babaeng minahal niya maliban pa kay Haya Kaira. Ang akala ko ay may iba pang ex-girlfriend si Prinsipe Arsh.

"W-Wala, ang akala ko ay may una pang babae na dumating sa buhay mo bago si Haya Kaira."

Marahan niyang hinawakan ang mukha ko at pinilit ipaharap sa kaniya. "Ang tunay na lalaki, mas unang minamahal ang kaniyang Ina dahil doon mo mapapatunayan na mamahalin ka rin niya nang tama."

Kusang gumuhit ang ngiti sa labi ko. He's a real man, indeed!

"Ang aking Ina ang aking unang pag-ibig at sisiguraduhin ko namang ikaw ang aking magiging huling pag-ibig, Zariya."

Gustong kumawala ng puso ko dahil sa sobrang lakas ng pintig nito. Ano bang ginagawa niya sa akin ngayon? Hindi ako maaaring makaramdam ng ganito.

Para maiwasan ang nararamdaman ko, minabuti kong yayain na lamang siyang bumalik sa palasyo. Agad din namang lumitaw sa harap namin ang lagusan. Tumawid kami roon at maya-maya pa'y nasa dulong silid na kami ng tahanan ng mga taga-silbi.

Maingat kaming naglakad upang 'di makagawa ng ingay upang walang magising. Malalim pa ang gabi at ang lahat ay mahimbing pang natutulog. Ilang hakbang lang ang nilakad namin ay nasa tapat na kami ng aming silid ni Kharim Celia. Huminto rin muna si Prinsipe Arsh saka binitawan ang aking kamay na kanina pa niya hawak.

"Ako'y matutulog na, Prinsipe Arsh, at ika'y magpahinga na rin."

"Masusunod." Ngumiti ito sa akin. "Masaya akong nakasama kita ngayong gabi," dagdag pa niya.

Sinuklian ko siya ng ngiti. Nag-enjoy rin akong nakasama siya at nakilala ang kaniyang Inang Reyna kahit pa hindi maganda ang naging resulta.

Nagpaalam na si Prinsipe Arsh na aalis na. Nanatili muna akong nasa labas ng aming silid hanggang sa tuluyan na siyang nakalabas.

Tumalikod na ako at humarap sa pinto. Akmang pipihitin ko na ang doorknob nang bigla akong napalingon sa pinakadulong silid, sa hallway kung saan kami nanggaling at kung saan makikita ang lihim na lagusan na ginagamit ni Prinsipe Arsh upang maglakbay patungo sa kaniyang Ina. Matagal akong tumitig doon dahil naramdaman kong may nagmamasid sa akin. Maging kanina bago kami pumasok sa portal, naramdaman ko nang may nakasunod sa amin pero ipinagsawalang bahala ko lang.

Pero ngayon, malakas ang pakiramdam kong totoong may nakasunod nga sa amin kanina pa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro