KABANATA 26
"Hindi maaari... m-mali ang iniisip ko," nanginginig ang kamay kong ibinaba ang basket na hawak ko. Inilislis ko ang laylayan ng suot kong bestida at nagsimulang humakbang patungo sa lihim na lagusan na pinasukan ni Prinsipe Cozen.
Hindi ko na inisip pa ang inutos sa 'kin ni Mang Luisito. Ang mahalaga ngayon, masundan ko si Prinsipe Cozen at masagot ang lahat ng mga tanong ko. Nais kong patunayan na mali ang hinala ko. Importanteng impormasyon ang makukuha ko sa pagsunod sa kaniya.
Mas lumakas ang kutob ko pero ayokong paniwalaan iyon.
Hindi si Prinsipe Cozen ang taong iyon.
Imposible!
Hindi niya kayang pagtaksilan ang Kaharian ng Norland lalo na ang kaniyang Amang Hari. Siya ay isa sa mga Prinsipe at ang tungkulin nito na pagsilbihan nang tapat ang kanilang Kaharian at ingatan ang trono ng kaniyang Ama.
Nang makitang nakain na nang tuluyan si Prinsipe Cozen ng lagusan na iyon, nagmadali na akong lumabas sa pinagtataguan ko.
Iniwan ko ang lagayan ng mga prutas sa gilid ng damuhan. Sinigurado kong walang makakakita nu'n. Bibilisan ko na lamang ang pagpunta sa Lacandia upang makabalik din agad. Hindi ko na sinayang pa ang bawat segundo. Tumakbo na agad ako papunta sa lawa, ang dulong bahagi ng hardin.
Tumapat ako sa malaking bato na naroon at walang anu-anong lumitaw sa harapan ko ang lihim na portal patungo sa Kaharian ng aking Inang Reyna. Tila nakilala na agad ako ng lagusan dahil ilang segundo lang ay nagpakita na ito sa akin. Wala akong kahirap-hirap na palabasin iyon.
Ang sabi sa akin ni Kharim Celia, kusang lilitaw ang portal kapag tumapat ako sa malaking bato na narito sa lawa. Hindi lahat ng taong tatapat sa bato ay makikilala ng portal. Ito ay lihim na lagusan na ginawa ng kalaban, ganoon katalino ang aking Ina. Nagawa niyang makapasok sa teritoryo ng kaniyang kalaban at isakatuparan ang mga bagay na maaaring makatulong sa kaniyang mga plano. Tanging ang mga piling tao lamang ang pinili ng aking Inang Reyna na makaalam at makapasok sa lagusan na ito. Kaya gano'n na lamang ang kaba at takot ko nang makita si Prinsipe Cozen na kainin ng portal.
Iisa lang ang ibig sabihin nito, magkakilala ang aking Inang Reyna at si Prinsipe Cozen. May koneksiyon silang dalawa at kailangan kong alamin kung anong koneksiyon iyon.
Hindi maaaring maging traydor din ang isang Prinsipe. Hindi ako papayag sa kung ano man ang binabalak nila. Kailangan ko itong pigilan. Mas malaki ang posibilidad na magwagi ang aking Ina kung may kasabwat siya na nasa mataas na posisyon at lalo na kung isa pa itong Prinsipe.
Ayoko ng mga iniisip ko ngayon tungkol kay Prinsipe Cozen. Ayoko siyang isipan nang masama, ayokong pagdudahan ang katapatan niya pero hindi ko mapigilan.
Humihiling ako na sana hindi tama ang lahat ng iniisip ko ngayon.
Sana...
"Kailangan kong magmadali," ani ko sa 'king sarili.
Iniangat ko na ang kanang paa ko upang makapunta sa loob ng lagusan. At nang tuluyan ko nang isinunod ang kaliwang paa ko, awtomatikong nasa malawak na quadrangle na ako ng palasyo. Sa isang iglap, nasa Kaharian ng Lacandia na ako.
Nakatayo ako sa gitna at luminga-linga muna sa paligid. Hindi ko pa kabisado ang pasikot-sikot dito dahil ito pa lamang ang pangalawang beses na nakapunta ako rito.
Hindi na nasundan pa ang unang pag-ulat ko sa aking Ina. Nagtataka nga rin ako dahil hindi na ako pinatawag.
"Prinsesa Amity..." Lumingon ako sa nagtawag ng pangalan ko. Isang taga-silbi ang agad na lumapit sa tabi ko. Yumuko muna siya sa harap ko bilang pagbibigay respeto. "Anong ginagawa mo rito, Prinsesa? Walang ibinilin ang Mahal na Reyna na ikaw ay darating." Nagtataka ang kaniyang boses.
"Ah... eh... a-ano kasi..." Nag-isip ako ng magandang ipapalusot. Lumiwanag ang aking mukha nang may lumitaw sa aking isipan na maaaring dahilan kung bakit naririto ako ngayon. "May importante akong ibabalita sa aking Ina. Hindi na ako makapaghintay kaya pumunta na ako nang biglaan."
Mukhang napaniwala ko siya dahil napatango ito. "Kung gayon, hayaan mo akong ihatid kita, Prinsesa Amity, sa iyong Inang Reyna. Kasalukuyan siyang nasa silid kung saan nagaganap ang pagpupulong. May bisita na kadarating lamang at inanyayahan ito ng Reyna na sila'y mag-usap. " Nag-aalangan itong itinuloy ang kaniyang sasabihin. "Ngunit Prinsesa, ibinilin sa amin na huwag silang gambalain kung kaya't hintayin niyo na lamang na sila ay matapos."
Kumunot ang aking noo. Bisita na kadarating lamang? Malakas ang kutob kong si Prinsipe Cozen na ang tinutukoy nito. Siya lang naman ang sinundan ko rito. Sigurado akong ang aking Ina ang pakay nito at kasalukuyan na silang nag-uusap.
Hindi na ako nagtanong kung anong hitsura ng bisita na kausap ngayon ng aking Inang Reyna dahil baka magtaka lang ito. Hindi ko maaaring tanungin ang bagay na iyon kaya ako na lang ang mismong magtutuklas, hintayin ko na lang ang paglabas nila.
Nagpasama na lamang akong makapunta sa silid na tinutukoy niya. Swerte ko dahil nakita ako ng taga-silbi na ito at iginaya niya pa ako sa loob ng palasyo. Hindi na ako maliligaw pa sa loob ng palasyo dahil sa sobrang lawak nito.
Unang punta ko rito, hindi ko napagmasdan nang mabuti ang kabuuan ng palasyo. Kaya sinulit ko na ngayon na libutin ng aking dalawang mata ang bawat sulok ng dinaraanan namin upang mamemorya at sa susunod, kabisado ko na ang bawat sulok. Gaya ng palasyo ng Norland, napakalawak din nito. Pagpasok namin sa malaking pinto, malawak na espasiyo ang tatambad sa amin at sa gitna ay makikita ang malagintong hagdan patungo sa ikalawang palapag. May mga antigong vase ang nakapaligid sa hagdan na naglalaman ng iba't-ibang uri ng bulaklak. Walang duda ang karangyaang natatamasa ng Kahariang ito dahil maging ang sahig ay gawa rin yata sa ginto. Napakakinis at kumikintab pa, parang ang sarap tuloy sirain ang sahig tapos ibenta ko, napangiti ako nang palihim sa isiping 'yon. Kapag titingala naman ako, namamangha ako dahil may nakasabit na chandelier pero apoy ang nagpapailaw roon. Hindi ko alam kung paano nangyari 'yon. Basta para sa akin, nakakatakot at masyadong delikado kapag nabagsakan ka nito, makikita mo agad si San Pedro kahit hindi mo pa oras.
"Nasa ikalawang palapag ang silid ng pagpupulong, Prinsesa. Hindi na kita masasamahan pa dahil ipinagbabawal na umakyat doon sa tuwing may mga bisitang dumarating," wika ng taga-silbi nang huminto kami sa bungad ng hagdan.
Tiningala ko ang ikalawang palapag.
"Ganoon ba?" ani ko. Kung gano'n, aalamin ko pa kung saan ang silid ng pagpupulong sa ikalawang palapag dahil maraming silid ang naroon. "Pero ayos lang. Hintayin ko na lamang si Ina na makalabas sa silid. Sa ikalawang palapag na rin ako maghihintay."
Tanging ngiti lang ang isinumbat sa akin ng taga-silbi. Yumuko ito sa harap ko bago ako tinalikuran pero nakakadalawang hakbang pa lamang siya ay nagsalita ako dahilan para mapahinto siya.
"Maraming salamat nga pala," habol ko sa kaniya. Hindi ko na aalamin ang kaniyang pangalan dahil may hinahabol pa akong oras.
Lumingon ito sa akin na bakas ang pagkagulat sa kaniyang mukha.
"B-Bakit?" tanong ko nang makita ang kaniyang reaksiyon.
May nasabi o nagawa ba akong masama? Bakit parang gulat na gulat yata siya? Nagpasalamat lang naman ako, hindi ko naman siya inaway o ano man.
"Nakakapagtaka lamang, Prinsesa Amity. Hindi mo gawain ang ngumiti at lalong-lalo na ang magpasalamat sa aming mga taga-silbi. Madalas mo kaming sungitan o 'di kaya'y ipahiya. Kaya noong nagpasalamat ka noong unang beses na punta mo rito, pagkagulat talaga ang aming naging reaksiyon. At ngayon, nagpasalamat kang muli sa akin, tila kakaibang hangin ang dumadaloy sa Kaharian ng Norland dahil nagbago ang iyong pag-uugali," pag-amin niya.
Hindi ako agad nakapag-salita. "T-Talaga ba?"
Hindi ko inasahan na gano'n pala ang ugali na mayroon ang totoong Prinsesa Amity. Taliwas sa pag-uugaling mayroon ako. Sa pagsusungit, may pagkakahawig kami sa ugali na iyon pero ang mamahiya ng ibang tao? Hindi ko kailan man ginawa. Ibinaon sa akin ng aking mga magulang na kahit sino ang kaharap ko, panatilihin kong umakto nang maayos at ngumiti. Huwag ring kakalimutang magpasalamat sa mga bawat taong tumulong sa akin.
Itinatak ng aking mga magulang sa aking isipan na kung nais kong itrato ng ibang tao nang maayos, kailangan ko rin silang itrato nang maayos. Itrato ko sila sa kung paanong trato ang nais kong matanggap mula sa kanila.
"Masaya akong unti-unti kang nagbabago, Prinsesa." Ngumiti ito sa akin. "Umakyat ka na sa ikalawang palapag, Prinsesa Amity, dahil mauuna na rin ako."
Yumuko ulit siya sa akin bago tuluyang naglakad palayo. Binalewala ko na lang ang tungkol sa ugali ni Prinsesa Amity. Hindi rin naman ako nangamba na baka makahalata ang taga-silbi sa totoo kong katauhan. Hindi naman 'yon sapat na dahilan para pagdudahan na hindi ang tunay na Prinsesa Amity ang nakakasalamuha nila dahil lang sa pag-iiba ng ugali na mayroon ito noon sa ngayon. Lahat naman tayo ay p'wedeng magbago.
Umakyat na ako sa taas. May ilang kawal akong nadatnan doon na nagbabantay at tanging pagyuko lang ang isinalubong nila sa 'kin. Hinayaan nila ako kung saan ko nais magtungo. Hindi rin nila ako tinanong kung anong ginagawa ko rito.
May nakita akong bakanteng upuan at mesa sa gilid ng hallway. Balak kong umupo na muna at maghintay na lang kung anong silid ang magbubukas. Hindi ko naman kasi alam kung saan banda rito ang silid ng pagpupulong. Isa pa, hindi ko naman maaaring buksan ang silid na iyon dahil baka magkagulo pa. Ibinilin ng Reyna na huwag silang istorbohin. Kahit ako mismong Anak ay 'di ko maaaring suwayin ang utos na iyon ng aking Ina.
Naglakad ako patungo sa upuan na bakante at nang akmang uupo na ako, sakto naman ang pagdating ng isang babaeng sobrang pamilyar sa akin. Nakuha niya agad ang atensiyon ko nu'ng nakaapak na siya sa parehong sahig na inaapakan ko.
Kakaakyat niya lang dito sa ikalawang palapag at nakasunod sa kaniya ang dalawa niyang alalay na tagapamaypay niya. Kahit saan yata ito magpunta, kasama niya pa ring ang dalawang taga-silbi niya. Siguro nga ay buntot na niya ang mga ito.
Kumulo ang dugo ko nang makita ko na naman siya. Lalo na nu'ng lumingon siya sa gawi ko at nagtama ang aming paningin. Tinitigan ako nito saglit bago naglakad palapit sa akin. Matalim ko siyang tinitingnan habang naglalakad.
Kung nakamamatay lang ang matalim na tingin, parehas na kaming pinaglalamayan ngayon dahil walang gustong magpatalo sa masamang tingin.
Anong ginagawa ni Haya Kaira rito?
"Totoo nga," panimula niya nang huminto ito sa harap ko. Hindi niya pinasunod ang kaniyang dalawang alalay. Nanatili naman akong nakatayo at matapang na humarap sa kaniya. "Ikaw nga si Prinsesa Amity na nagtatago sa likod ng katauhan ni Zariya sa Kaharian ng Norland. Ikaw ang mapaglinlang Prinsesa."
Nagulantang ako sa mga sinabi niya. Paano niya nalaman?
Naramdaman ko ang mabilis na tibok ng puso ko dahil sa takot at kaba. Bakit tila alam na lahat ni Haya Kaira ang tungkol sa pagpapanggap kong taga-silbi sa Kaharian ng Norland?
Bakit pa ako nagtanong? Malamang ay alam niya! Narito nga siya mismo sa mortal na kaaway ng Kaharian ng Norland.
Mas lumapit pa siya sa akin at hindi pa nakuntento, naglakad siya paikot sa akin. Tila sinusuri ang buong pagkatao ko. "Ang sabi mo noon sa akin, ang galing kong magbalat-kayo. Hindi mo naman sinabing ikaw rin pala. Hindi ko akalain na kalahi pala kita," mahina itong tumawa, tawa na may halong pang-aasar. "Sa ngayon pa lang, naaawa na ako sa mga Prinsipe. Akalain mo, labis ka nilang pinagtanggol laban sa akin pero hindi ka pa pala nila labis na kilala," dagdag pa nito na lalong nagpakonsensiya sa akin.
"A-Anong ginagawa mo rito?" Sinubukan kong ibahin ang usapan. Hindi na ako makatingin nang diretso sa mga mata niya. Hindi pa rin kasi nawawala sa labi niya ang ngiting nakakaloko.
"Pinatawag ako ng iyong Inang Reyna. May mahalaga raw kaming pag-uusapan," sagot niya.
Mas lalo akong kinutuban. May koneksiyon ba silang dalawa ng aking Ina? Magkasabwat ba sila sa planong pabagsakin ang Kaharian ng Norland?
"Kailan pa kayo nagkakilala ng aking Ina?" interesado kong tanong.
Hindi naman siya nag-alinlangang sumagot. "Hindi pa naman ganoon katagal. Naalala mo ang araw matapos akong pahiyain ni Prinsipe Ravi sa mismong harap niyo ni Prinsipe Arsh? Nalaman ito ng iyong Ina at agad akong inalok na makipagsabwatan upang makaganti kay Prinsipe Ravi at maging kay Prinsipe Arsh."
Hindi ako makapaniwala na madali lang para sa kaniya ang sumanib sa Kaharian ng Lacandia at ipahamak ang dalawang Prinsipe na minahal niya at minsan din siyang inibig.
"Wala man lang bang naiwan kahit kaunti na pagmamahal mo sa mga Prinsipe? Bakit pinili mong ipahamak silang dalawa? Kung tutuusin, hindi lang ang dalawang Prinsipe ang masasangkot dito. Ang buong Kaharian ng Norland ay madadamay!" mariin kong b'welta.
Umiwas siya ng tingin sa akin. "Hindi ko na problema 'yan! Kung hindi ako maikakasal sa kahit sinong Prinsipe, mas mabuting mawala na lang sila nang tuluyan. Ang tanging habol ko lang naman ay ang kapangyarihan. At ngayon, hindi na nila maibibigay 'yon sa akin kaya wala na silang pakinabang."
Mas lumaki ang galit ko sa kaniya dahil sa mga narinig. May puso pa ba siya matapos niyang sambitin ang mga katagang 'yon?
"Bakit, Zariya?" Tinaasan ako nito ng kilay. "Bakit ganiyan ka umasta? Mas nag-aalala ka pa sa mga Prinsipe kaysa sa plano ng iyong Inang Reyna."
"Wala kang alam," matipid na wika ko.
"Dibale, 'wag kang mag-alala dahil 'di tayo magkalaban. Hindi ko ipagsasabi ang lihim mong pag-e-espiya sa palasyo upang sa gayon, magwagi rin ako sa paghihiganti sa kanila."
Inirapan ko lamang siya. Hindi pa rin ako nagtitiwala sa kaniya.
Nawala ang atensiyon ko kay Haya Kaira nang magbukas ang isang silid. Iniluwa ng pinto ang aking Inang Reyna. Nahagip agad ng dalawang mata niya ang kinaroroonan namin ni Haya Kaira at ilang saglit lang, naipinta ang pagkagulat sa kaniyang mukha nang makita ako. Tila hindi niya inaasahan na makikita niya ako ngayon.
"Anong ginagawa mo rito?" Sa akin siya nakatingin kaya ako ang tinutukoy nito.
Inalis niya agad ang paningin niya sa akin. Akmang pipigilan niya ang taong nakasunod sa kaniya ngunit huli na dahil natanaw ko na mula sa likod ng aking Inang Reyna ang taong gusto kong makita kanina pa. Ang lalaking sinundan ko. Si Prinsipe Cozen.
"Z-Zariya?" gulat niyang wika.
Lumapit ako sa kanila. Sumunod naman si Haya Kaira sa akin.
"Tama ba ang hinala ko? Katulad ni Haya Kaira ay sumanib ka na rin sa aking Ina?"
Mariin akong tumitig sa kaniya. Hinihintay ko ang isasagot nito.
Umiwas ng tingin si Prinsipe Cozen. Hindi niya ako kayang tingnan.
"Wala siyang dapat sagutin at ipaliwanag sa 'yo," pag-singit ng aking Ina.
"Pero Ina... nais kong malaman," pakiusap ko.
Hindi nila ako pinakinggan.
"Bumalik ka na sa Norland, Amity."
Inutos din ng aking Inang Reyna na mauna na si Prinsipe Cozen kaya agad na siyang umalis. Sinundan ko ito ng tingin pababa ng ikalawang palapag. Hindi man lang niya sinagot ang tanong ko.
Tiningnan ko lang ang Inang Reyna ko bago tuluyang maglakad paalis. Wala rin naman silang balak na sagutin ang mga tanong ko kaya masmabuting sundan ko na lamang si Prinsipe Cozen at komprontahin ito.
Iniwan ko sa ikalawang palapag si Haya Kaira at ang aking Ina. Ramdam kong magpupulong sila tungkol sa pagbabagsak ng Kaharian ng Norland.
Nagsisimula nang gumawa ng hakbang ang Kaharian ng Lacandia laban sa Kaharian ng Norland. Sinusulit nila ngayon dahil alam nilang hindi pa nagigising si Haring Valor kaya madali lang nila masisira ang Kaharian kung nagkataon.
Mabigat ang loob kong umalis ng Lacandia at pumasok muli sa lagusan papunta sa Norland.
Nang makalabas na ako sa portal na nasa hardin ng palasyo ng Norland, nadatnan ko si Prinsipe Cozen na nakasandal sa isang puno na nasa gilid ng lawa. Tila hinihintay ako nito at alam niyang gusto ko siyang makausap.
Lumingon siya nang maramdaman ang presensiya ko.
Binilisan ko ang paglalakad papunta sa kaniya.
"Z-Zariya, patawarin mo ako."
Lumapit ako sa kaniya at seryosong tumitig sa kaniyang mga mata. "Tapatin mo nga ako, Prinsipe Cozen. Ikaw ba ang lumason kay Haring Valor, sa 'yong mismong Ama?"
Walang alinlangang tumango ito. "Oo, ako nga."
Muntikan na akong napamura. Inaasahan ko na ang sagot niya pero iba pa rin ang sakit na naibigay nito nang marinig ko mismo ang mga salitang iyon sa sariling bibig nito.
"Pero bakit mo nagawa ang bagay na 'yon? B-Bakit?"
"Nagawa ko 'yon dahil... mahal kita, Zariya."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro