Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 25

May isang araw na ang lumipas matapos ang araw na hindi ko kailan man makakalimutan, ang araw kung kailan namatay ang itinuring kong nag-iisang kaibigan sa mundong ito. Iisang kaibigan na nga lang ang mayroon ako, inagaw pa sa akin. Pati naman iyon ay ipagkakait sa pamamalagi ko rito?

Sariwa pa rin ang sakit na ibinigay ng pagsabog na nangyari sa buong Kaharian. Lahat ay nagluksa lalo na ang mga naiwan ng mahal nila sa buhay. Hindi pa rin matanggap sa kung paano tinapos ng taong nasa likod nito ang buhay ng mga inosenteng mamamayan ng Norland. Pati ang ibang nananahimik ay dinadamay ng kalaban. Hindi man lang sila naawa sa mga batang nawalan ng mga magulang, marami ang naulila. Marami ang nagdadalamhati ngayon dahil sa pagsabog na nangyari.

Hindi pa rin ako makapaniwala na wala na si Ysabelle. Ang bilis ng mga pangyayari. Hindi ko inasahan na sa pagbigay namin ng pagkakataon sa kaniya na makita niya ang kaniyang Ina at kapatid, pinagbigyan din namin siyang mawala sa amin nang tuluyan.

Nakokonsensiya ako sa aming ginawa. Kung hindi namin pinaalam sa kaniya ang tungkol sa nangyari sa kaniyang Ina at kapatid, hindi siya mababawian ng buhay. Nasa ilalim pa rin siguro ng palasyo at naghihintay na bumalik ang kaniyang lakas para gamitin sa paglinis sa kaniyang pangalan.

Kung wala sigurong pagsabog na naganap, buhay pa siguro si Ysabelle. Ang buong Kaharian ay nanatiling payapa. Walang mga hikbi at hinagpis ang makikita't maririnig ngayon mula sa mga taong naiwanan. Hindi ko sana nararamdaman ngayon ang sakit nang pagkawala ni Ysabelle. Buhay na buhay pa sana siya ngayon at pilit na maging matatag sa paglinis ng kaniyang pangalan. Siya sana ang magsisilbing lakas namin upang lumaban at pagkalap ng impormasyon na magsisilbing p'ruweba sa kaniyang kainosentehan. Kasama sana namin siya ngayon sa laban na ito. Kasama ko pa rin sana siya hanggang sa matapos ang misyon ko.

Hanggang sana na lang ang lahat ngayon.

"Zariya? Kanina ka pa nakatitig sa kawalan. Lumalamig na ang pagkaing nasa harapan mo." Bumalik lang ang aking ulirat nang sitahin ako ni Kharim Celia.

Bumalik tuloy ang atensiyon ko sa pagkaing nakahain sa harap ko. Kasalukuyan kaming nag-a-agahan kasama ang lahat ng taga-silbi na nakadestino sa kusina. Ang lahat ay tahimik at ang iba naman ay walang ganang kumain gaya ko.

Wala ni isang ingay ang maririnig sa loob. Nawala na ang sigla at saya na sumasalubong sa amin tuwing umaga dahil sa kadaldalan ni Ysabelle. Wala na ang kaibigan kong nagdadala lagi ng tsismis sa amin. Wala na si Ysabelle na lagi akong inaasar, chini-chismisan, at katawanan sa lahat ng kalokohan.

Nakaramdam ako ng pagsikip ng dibdib nang maalala ko ang masayang mukha ni Ysabelle na bumubungad sa akin dito sa kusina. Nakakalungkot isipin na hindi ko na 'yon masisilayan. Hanggang ala-ala na lamang ang lahat ng masasayang nangyari sa amin. At ang mga ala-ala na iyon, babaunin ko hanggang sa mawala na rin ako sa mundong ito o sa modernong mundo kung saan ako galing.

Lahat ay nagluluksa pa rin sa pagkawala ni Ysabelle. Walang sino man ang nagbalak na ungkatin ang tungkol sa pagbintang, pagkakulong, pagtakas at pagkamatay ng kapwa namin taga-silbi bilang respeto sa kaniya. Pero alam ng lahat na pawang kasinungalingan ang lahat ng ibinato na paratang sa kaibigan ko. Kilala ng lahat si Ysabelle na matapat na taga-silbi at ulirang Anak kaya imposibleng siya ang may kagagawan sa pagkalason ni Haring Valor.

Siya ang biktima rito. Si Ysabelle ang dapat hinahanapan ng hustisya. Gayun din si Haring Valor. Parehas silang biktima sa nangyari. Ang dapat na hanapin ngayon ay ang mga taong walang pusong gumawa nitong lahat.

"Dalian mo na riyan, Zariya. Kailangan mo pang hatiran ng almusal si Prinsipe Dern sa kaniyang silid. Hindi maaaring hindi siya kumain ngayon dahil buong araw siyang hindi kumain kahapon. Baka mapa'no ang Prinsipe," ani ni Kharim Celia sa tabi ko. "Nag-aalala na ako sa kaniyang kalusugan. Hindi siya maaaring magkasakit."

Bigla kong naalala si Prinsipe Dern kaya binilisan ko nang kumain. Hindi pa nga pala siya kumakain hanggang ngayon. Kailangan ko siyang kausapin.

Matapos mailibing ni Ysabelle kasabay ng kaniyang Ina at kapatid, nagkulong na si Prinsipe Dern sa kaniyang kwarto. Hindi pa siya lumalabas hanggang ngayon. Ayaw niya ring makiusap sa iba kahit pa sa mga kapatid niya. Ni ayaw nga niyang kumain kahit anong pilit namin sa kaniya. Sa aming lahat, si Prinsipe Dern talaga ang sobrang apektado sa pagkawala ni Ysabelle.

"Ihahanda ko na po ang pagkain ni Prinsipe Dern," wika ko sabay tayo.

Hindi ko na inubos ang pagkain ko. Masarap naman ang inihandang agahan ni Kharim Celia pero hindi umaayon ang panglasa at ang gana kong kumain kaya kahit ilang masasarap na pagkain ang iharap nila sa akin ngayon, hindi ko pa rin iyon uubusin.

Mahirap kumain na may dala-dalang mabigat na pakiramdam.

Iniligpit ko muna ang tira kong pagkain bago nagdiretso sa lagayan ng mga plato at baso. Kumuha ako ng plato, kutsara't tinidor at baso na gagamitin ko sa agahan ni Prinsipe Dern. Ipinatong ko ang mga ito sa parihabang tray at saka naglagay ng tinapay, prutas at gatas. Dahan-dahan ko itong kinuha at pumunta sa harap ni Kharim Celia. "Pupuntahan ko na po sa kaniyang silid si Prinsipe Dern."

Matipid lang itong ngumiti sa akin. "Sige, Zariya. Matapos mong maihatid 'yan ay magpahinga ka na rin muna. Kami na ang bahala rito."

Saksi si Kharim Celia kagabi sa walang tigil na pag-iyak ko. Sa kaniya ko ibinuhos lahat ng sakit na nararamdaman ko sa pagkamatay ni Ysabelle at malaki ang naitulong ng kaniyang pag-comfort dahil nabawasan kahit papaano ang bigat na nararamdaman ko.

Iba ang nagagawa kapag alam mong may tao kang masasandalan sa oras na down na down ka. Maiibsan kahit papaano ang sakit na nararamdaman mo.

Tinalikuran ko na si Kharim Celia at tuluyan na akong lumabas sa kusina dala-dala ang tray na naglalaman ng pagkain. Kailangan kong pilitin si Prinsipe Dern na kumain. Kailangan ako ngayon ng Prinsipe upang patatagin ang loob niya. Kailangan kong manatiling malakas para kay Ysabelle... para linisin ang kaniyang pangalan. Kahit ito man lang ang magawa ko kahit wala na si Ysabelle.

Bago makaakyat sa ikalawang palapag ng palasyo, may dalawang kawal ang nakabantay roon. Hindi basta-basta nakakapunta ang mga taga-silbi roon lalo pa't silid ng limang Prinsipe ang naroon. Pero mas mahigpit pa rin ang pagpasok sa ikatlong palapag dahil nandoon ang silid ni Haring Valor kung saan hanggang ngayon ay wala pa rin siyang malay dahil sa pagkalason. Maraming mga kawal ang naroon. Maging ang Heneral ay sumama sa pagbabantay. Nasa panganib pa rin ang buhay ni Haring Valor.

"Ano ang pakay mo?" seryosong tanong ng isang kawal. Sa boses pa lang nito ay halatang 'di mo ma-u-uto para madaling makaakyat sa taas. Grabe naman talaga kaseryoso ang mga kawal ng Norland. Nakalimutan na rin yatang ngumiti.

Medyo iniangat ko ang hawak kong tray na may lamang pagkain. Tiningnan 'yon ng dalawang kawal na nasa harap ko pero 'di pa rin yata sapat para payagan akong umakyat. Naghihintay pa rin sila ng sapat na dahilan para payagan ako.

Pilit na ngiti ang ipinakita ko sa kanila. "Duda pa rin ba kayo? Hindi naman ako gagawa nang masama. Ihahatid ko lang itong pagkain sa silid ni Prinsipe Dern dahil kahapon pa siyang 'di kumakain."

Nagsisimula na akong mainis sa kanila. Wala pa ring reaksiyon ang mga mukha nila matapos kong sabihin ang pakay ko. Mukha ba akong gagawa nang masama, ha?

Sabagay, hindi ko rin naman sila masisisi dahil nga sa nangyayari ngayon. Nag-iingat lamang sila at ginagawa lamang nila ang trabaho nila, iyon ay ang protektahan ang pamilya ni Haring Valor.

"Bakit kailangan mo pang hatiran ng pagkain si Dern? Hindi ba niya kayang bumaba upang kumuha ng kaniyang makakain?" Halata ang pagkairita sa boses ng lalaking nagsalita. Umangat ang paningin ko sa ika-limang step ng hagdan upang makita ko kung kanino nanggaling ang boses. Nasa likod siya ng dalawang kawal at mukhang pababa siya nang madatnan at marinig niya ang usapan namin ng mga kawal.

Kumunot ang aking noo sa tinuran ni Prinsipe Cozen. Alam naman niyang namatayan ng kaibigan ang kaniyang kapatid at hanggang ngayon ay nagdadalamhati pa rin ito kaya ba't niya pa ako tatanungin kung bakit kailangan kong magdala ng pagkain sa silid ni Prinsipe Dern. Walang balak ang Prinsipe na kumain at lumabas sa kaniyang silid.

"Hindi pa rin kasi bumababa si Prinsipe Dern upang kumain kaya naisipan kong ako na lamang ang maghatid sa kaniyang silid," katwiran ko.

"Ngunit maaari mo namang iutos sa ibang taga-silbi. Bakit kailangang ikaw pa ang maghatid at mag-asikaso sa kaniya?" b'welta niya na lalong nagpataka sa akin.

Bakit ba parang big deal sa kaniya na ako ang maghahatid nitong pagkain? Hindi ba't responsibilidad ko ito dahil ako lang naman ang nag-iisang taga-silbi nilang limang magkakapatid? Ano ba ang nais niya iparating sa akin?

"Cozen," umangat muli ang paningin ko sa mismong ikalawang palapag. Nakadungaw roon si Prinsipe Arsh at tila kanina pa nagmamasid sa amin. "Nararapat lang na si Zariya ang maghatid ng pagkain. Kahit anong pilit natin kay Dern na lumabas ng kaniyang silid at kumain, hindi pa rin ito nakikinig. Si Zariya ay isa rin niyang malapit na kaibigan kaya naman malaki ang posibilidad na sa kaniya siya makinig. Kailangan natin si Zariya upang kumbinsihin ang ating kapatid na 'wag nang magmukmok at ipagpatuloy ang kaniyang buhay."

Dinaplisan lang ni Prinsipe Cozen si Prinsipe Arsh nang matalim na tingin. Hindi na ito nagsalita at bumalik agad ang kaniyang paningin sa akin.

"Mga kawal, inuutusan ko kayong payagan ang taga-silbi na umakyat dito at puntahan si Dern sa kaniyang silid," maawtoridad na utos ni Prinispe Arsh.

Agad namang tumalima ang dalawang kawal. "Masusunod, Prinsipe Arsh."

Umalis silang dalawa sa harap ko at nagpunta sa gilid upang bigyan ako ng espasiyo upang makadaan. Sinimulan ko nang ihakbang ang mga paa ko paakyat ng hagdan. Hindi ako komportableng maglakad dahil hanggang ngayon, nasa ika-limang step pa rin ng hagdan si Prinsipe Cozen at ramdam ko na nakatitig pa rin ito sa akin. Hindi pa rin siya umaalis sa kaniyang kinatatayuan. Mas lalo akong nailang nang tumapat na ako sa kaniyang gilid. Huminto ako saglit. Ang kaninang paningin ko sa dala kong pagkain ay napunta ngayon kay Prinsipe Cozen. Tama ako, hindi pa rin niya inaalis ang paningin niya sa akin.

"M-Magandang umaga nga pala, Prinsipe Cozen," bati ko sa kaniya. Agad kong binawi ang paningin ko mula sa kaniya at dali-daling yumuko at saka nagpatuloy sa pag-akyat.

Ang awkward talaga sa feeling. Bakit gan'to tumitig si Prinsipe Cozen? Bakit may halong pagkaasar at pagkairita ang kaniyang tingin? Hindi ko na lamang ito pinansin. Nakahinga ako nang malalim nang marinig ko ang footsteps ni Prinsipe Cozen. Marahil ay pababa na siya. Hindi na ako nag-atubiling lumingon pa.

Tuluyan na akong naka-akyat sa ikalawang palapag. Lumapit sa akin si Prinsipe Arsh. Hindi ako makatingin nang diretso sa kaniyang mata dahil sa hiyang nararamdaman. Sariwa pa sa akin ang mga naganap noong kaarawan ni Haring Valor. Ang gabing umamin siya sa kaniyang nararamdaman para sa akin. Hindi ko maipaliwanag kung bakit nakaramdam ako ng saya nang malaman na may pagtingin siya sa akin. Alam ko sa sarili ko na 'di gaya ng simpleng crush lang ang mayroon ako para kay Prinsipe Arsh tulad ng naramdaman ko kay Prinsipe Ravi na agad ding naglaho. Mas higit pa roon at natatakot akong lumalim pa ito. Hindi ko maaaring pausbungin ang nararamdaman ko dahil may misyon akong dapat gawin kaya hanggang maaga pa, kailangan ko siyang iwasan.

Narinig ko ang ilang hakbang niya papalapit sa akin hanggang sa naramdaman ko na ang kaniyang presensiya sa aking tapat. Pinasadahan ko lamang siya ng tingin ng ilang saglit at saka agad yumuko. "Magandang umaga, Prinsipe Arsh," bati ko sa kaniya na nasa semento pa rin ang aking tingin.

Hindi ko na siya hinintay na magsalita pa. "Paumanhin ngunit kailangan ko na itong dalhin sa silid ni Prinsipe Dern. Maiwan na muna kita r'yan," aligaga kong sambit.

Naglakad na ako papunta sa harap ng pinto ng kwarto ni Prinsipe Dern na 'di tinapunan ng tingin si Prinsipe Arsh. Mas okay na ako na mismo ang umiwas. Tama si Tata Lucio, kung 'di kayang pigilan ng sino mang Prinsipe ang umibig sa akin, ako na lamang ang komontrol sa lahat. Ako ang dapat umiwas sa pag-ibig na hindi nararapat na umusbong.

Kumatok ako ng tatlong beses sa pinto ngunit hindi pa rin ako pinagbubuksan ng Prinsipe.

"Prinsipe Dern, si Zariya 'to." Baka sakaling pagbuksan na niya ako this time dahil kilala na niya kung sino ang kumakatok pero wala pa rin talaga. Mukhang ayaw niya rin akong kausapin gaya ng mga kapatid niya.

Mawawalan na sana ako ng pag-asang pagbubuksan pa niya ako nang magbukas nang kusa ang pintong nasa harapan ko. Walang Prinsipe Dern ang tumambad sa akin kaya labis akong nagtaka kung paano nangyaring nagbukas nang kusa ang pintuang ito. Saka ko lang na-process ang lahat nang lumingon ako.

Nandoon pa rin si Prinsipe Arsh.

"Nawa'y makumbinsi mo ang aking kapatid." 'Yon lang ang sinabi niya bago niya ako tinalikuran at tuluyang bumaba ng hagdan.

Ginamitan niya ng kapangyarihan upang magbukas nang kusa ang pinto ng silid ni Prinsipe Dern dahilan para makapasok ako. Agad ko ring isinara ang pinto nang nasa loob na ako. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng kwarto ni Prinsipe Dern. Napakalawak! Parang kusina at sala na namin sa modern world ang espasiyo ng kaniyang silid. May sofa sala set kang makikita pagkapasok na pagkapasok mo. May malaki ring blue vase na gawa sa glass ang naroon sa gilid ng sofa na nilagyan ng sunflower. Sa gitnang bahagi naman ay ang napakalaking kama na kasya ang limang katao dahil sa sobrang lawak nito. Sa tapat ng kamang 'yon, nakap'westo ang malaki ring antigong cabinet na lagayan ng damit. May dalawang maliit na cabinet ang nasa magkabilaan nito kung saan nakapatong ang tig-isang gasera.

"Anong ginagawa mo rito?"

Nanumbalik ang aking ulirat. Dumako ang paningin ko sa taong nakatalukbong ng kumot sa kama, si Prinsipe Dern.

Nagpunta muna ako sa tapat ng lamesa upang ipatong ang tray na hawak-hawak ko kanina pa. Nanatili akong nakatayo roon. Hindi naman ako maaaring lumapit sa kaniya na wala siyang permiso.

Yumuko muna ako upang magbigay respeto kahit pa hindi siya nakaharap sa akin. "Hinatiran kita ng pagkain, Prinsipe Dern. Kailangan mong kumain."

"Ayoko," mariin niyang sagot. "Ilabas mo na 'yan."

Sa bawat pagbitaw niya ng mga salita, ramdam ko ang bigat na nararamdaman niya ngayon. Malakas ang kutob kong kagagaling niya lang sa pag-iyak dahil sa paos na boses niya.

Naglabas ako ng malalim na hininga. "Kung nakikita ka man ni Ysabelle ngayon, paniguradong hindi siya matutuwa sa ginagawa mong pagmumukmok, Prinsipe Dern."

"Ano ang dapat kong gawin? Magsaya sa labas dahil nawalan ako ng kaibigan? Magdaos ng piging dahil sa pagkawala ni Ysabelle?" sarkastikong tanong niya na sinabayan pa ng pekeng tawa.

"Hindi," sabi ko. "Hindi 'yon ang nais kong ipahiwatig. Alam natin kung gaano ka kaimportante kay Ysabelle kaya ayaw niyang nagkakaganiyan ka ngayon. Oo, masakit ang lahat ng nangyari. Hindi lang naman ikaw ang nawalan ng kaibigan, Prinsipe Dern. Maging ako ay nawalan din, si Ysabelle lang ang nag-iisang kaibigan na mayroon ako rito kaya walang katumbas na sakit ang naramdaman ko sa pagkawala niya. Pero imbes na magluksa at magmukmok, mas pipiliin ko pang magpatuloy mamuhay dahil alam kong 'yon din ang nais ni Ysabelle. Kung tutuusin, mas kailangan niya ng tulong natin ngayon. Namatay siya na 'di niya nalilinis ang kaniyang pangalan. At bilang kaibigan niya, kailangan natin siyang tulungan na abutin ang hustisya na nararapat sa kaniya."

Hindi ko namalayan na may ilang butil ng luha na palang kumawala sa aking pisngi, agad kong pinunasan 'yon. Hanggang ngayon, masakit pa rin sa akin na maalala ang tungkol sa pagkamatay ni Ysabelle. Pero pinipilit kong maging matatag upang tuklasin kung sino ang may pakana sa lahat ng nangyari sa palasyo kahit pa man may hinala na ako kung sino ang nasa likod nito. Confirmation na lang ang kailangan ko.

Ilang segundo ring namayani ang katahimikan sa buong silid ni Prinsipe Dern. Hanggang sa unti-unting inalis ni Prinsipe Dern ang kumot na nakabalot sa kaniyang buong katawan. Agad bumungad sa akin ang gulo niyang buhok na kulay kahel. Bumaba ang paningin ko sa kaniyang mga mata, namumugto ito. Tila pagod nang umiyak.

"B-Bakit ang aga niya akong iniwan? Bakit n-nawala siya agad sa akin? Bakit, Zariya? Nawala siya na 'di ko man lang nasasabi ang tunay na nararamdaman ko sa kan---" Hindi na niya naituloy ang kaniyang sasabihin dahil humagulhol na ito sa iyak.

Kabaligtaran ng nakilala kong masayahin at pilyong Prinsipe ang Prinsipeng nasa harap ko ngayon. Ibang-iba si Prinsipe Dern ngayon.

Nasasaksihan ko ang panghihina niya. Hindi ko maatim na makita ko siya sa lagay niya ngayon.

Nanghina ang mga tuhod ko nang makita siyang umiiyak sa mismong harap ko. Hindi ko na napigilang lumapit sa kaniya. Kasabay nang aking pag-upo sa malambot niyang kama ang paghagod din sa kaniyang likod para patahanin siya.

"M-Mahal ko si Ysabelle. Mahal na mahal ko siya," humihikbi niyang pag-amin.

Hindi ko alam kung paano siya pakakalmahin. Pinagpatuloy ko lang ang paghagod sa kaniyang likod. Kahit sa ganitong simpleng paraan, mabawasan man lang ang bigat na nararamdaman niya. Kahit sa ganitong paraan, maramdaman niyang hindi siya nag-iisa. May kaibigan pa rin siyang handa siyang damayan.

"Alam ko, Prinsipe Dern," ani ko. "Mahal ka rin ni Ysabelle, sigurado ako roon."

Sa mga kilos na ipinapakita ni Prinsipe Dern kay Ysabelle, alam kong may lihim itong pagtingin sa kaibigan ko. Hindi man niya aminin, pero sa simpleng pag-asar niya kay Ysabelle, naipapakita niya ang tunay na nararamdaman niya rito. Dinadaan lamang ng binata ang kaniyang nararamdaman sa pamamagitan ng pang-aasar sa binibini.

Ganoon din naman si Ysabelle. Noong nabubuhay pa ito, sa tuwing magkasama kaming dalawa, lagi ko siyang nahuhuling nakatingin sa Prinsipe kahit pa nasa malayo ito. Ang mga titig na 'yon, puno ng pagmamahal. Kahit hindi niya sabihin, mararamdaman mo ang pagkagusto niya sa ikaapat na Prinsipe.

Mahal nila ang isa't isa ngunit mas pinili nila itong itago. Parehas silang duwag na aminin sa kanilang sarili ang tunay na nararamdaman. Parehas silang takot sa posibleng resulta ng kaning pag-amin.

Minahal nila ang isa't isa kung kailan hindi pabor ang panahon sa kanilang dalawa.

"Paano ko mapapatunayan at maipapakita ang pagmamahal ko sa kaniya kung wala na siya? Bakit kasi ang duwag-duwag ko?" Sinabunutan niya ang kaniyang sariling buhok. Mas lalo tuloy itong gumulo. "Sinubukan kong maghanap ng ibang mga babae na pagtutuunan ng pansin para maibaon ang nararamdaman ko kay Ysabelle, pero traydor talaga ito..." Itinuro niya ang kaniyang puso. "Si Ysabelle lang ang tanging sinisigaw nito. Kung hindi ko lang inalala ang posisyon na mayroon ako sa Kahariang ito, matagal ko na siyang niligawan."

Ang mga mapaghusgang tao ang ipinupunto niya sa kaniyang sinabi. Pati sa panahong ito, 'di talaga mawawala ang sasabihin ng iba dahil lang sa magkaibang estado nila sa buhay. Mahirap nga ang kalagayan nilang dalawa dahil isang Prinsipe ang lalaking iniibig ni Ysabelle.

Dati, akala ko sa fairy tales lang nangyayari ang isang Prinsipe na mahuhulog sa isang taga-silbi. Ngayon, nasasaksihan ko na mismo na maaaring mangyari talaga 'yon. And Prince Dern and Ysabelle are the best example for me.

"Maipapakita mo pa rin naman ang pagmamahal mo sa kaniya kahit na wala na siya," ani ko nang tumahan na siya sa pag-iyak.

Lumingon ito sa akin. Nangungusap ang kaniyang mala-apoy na mata. "P-Paano?"

"Sabay nating linisin ang kaniyang pangalan. Patunayan natin sa lahat ang kaniyang kainosentahan."

Tumitig ito sa akin ng ilang segundo bago ibinaling sa iba ang kaniyang paningin.

"Tama ka, Zariya. Mas kailangan ako ni Ysabelle ngayon lalo na ang aking Amang Hari. Aalamin ko kung sino ang may kagagawan nito at pagbabayarin ko siya."

Ngiti ang huling ipinakita ko kay Prinsipe Dern bago umalis sa kaniyang silid na dala pa rin ang tray na pinaglagyan ko ng pagkain. Masaya ako dahil sa wakas, nakakain na siya at nakumbinse ko ring 'wag na magmukmok bagkus, maghanap ng impormasyon na makakatulong sa paglinis ng pangalan ni Ysabelle.

Walang ibang tao ang makikita sa ikalawang palapag maliban sa limang kawal na nakabantay sa hagdan patungo naman sa ikatlong palapag kung nasaan ang silid ni Haring Valor. Hindi na ako nagtagal doon. Agad akong bumaba at nagdiretso sa kusina para ilagay sa hugasin ang ginamit ko sa pagkain ni Prinsipe Dern.

"Zariya, maaari ba kitang utusan na kumuha ng ilang prutas sa hardin? Naubos na kasi ang mga prutas at wala na tayong ihahain sa lamesa ngayong tanghalian," pakiusap ni Mang Luisito, ang aming taga-pagluto.

Tumango ako. "Oo naman po," wika ko.

Kumuha ako ng basket na lalagyan ng mga prutas. Mag-isa akong nagtungo sa hardin.

Nagtaka ako dahil wala akong nadatnan na kawal na nakabantay roon sa bungad ng hardin. Dati-rati naman ay may isang kawal akong nakikita rito. Ipinagsawalang bahala ko na lamang 'yon. Baka nag-banyo lang siya kaya 'di ko naabutan.

Nagdiretso ako sa nakahilerang mga prutas. Marami na rin akong nakuhang orange, mansanas, saging at ngayon, balak kong isunod ang ubas. Nasa kanang bahagi ito ng hardin at kasalukuyang akong nasa kaliwang bahagi kaya ilang hakbang din ang nilakad ko. Pero agad akong napahinto nang magawi ang paningin ko sa isang lalaking naglalakad patungo sa lawa.

Ang tinatahak niyang daan... iyon ang daan kung saan ako pumuslit noong nag-ulat ako sa aking Inang Reyna ng Therondia. Naroon ang portal!

Kinabahan ako dahil iyon na ang pinakadulong bahagi ng hardin at wala nang ibang mapupuntahan doon. Dahil sa kuryosidad, binilisan ko ang paglalakad upang masundan siya.

Napaawang ako ng bibig nang makilala ang lalaking 'yon.

Ang dirty white nitong buhok...

"Prinsipe Cozen," bulong ko sa aking sarili.

Nanlaki lalo ang mata ko nang lumitaw sa harap ni Prinsipe Cozen ang maliwanag na ilaw na naghugis bilog.

Ang portal na ginamit ko papunta sa Kaharian ng Lacandia.

Ang lihim na lagusan sa palasyo na ginawa ng aking Inang Reyna!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro