KABANATA 23
Akala ko ay nabulag na ako matapos kaming lumisan sa piitan dahil walang liwanag akong makita. Nilakihan ko pa ang aking mga mata at kinusot ito, baka sakaling may makita na ako ngunit ganoon pa rin. Nanatili akong madilim ang paningin.
Alam kong nasa ibang lugar na kami dahil ramdam kong nakaapak na sa lupa ang dalawang paa ko. Pero ang ipinagtataka ko, bakit wala akong makita? Bakit sobrang dilim ng aking paningin? Mas hugmigpit tuloy ang pagkakahawak ko sa braso ng katabi ko, kay Prinsipe Arsh. Hindi ko maiwasang matakot sa lugar na ito, isang lugar na pinagkaitan ng liwanag.
"Nasa ilalim tayo ng palasyo, tama ba, Arsh?" tinig 'yon ni Prinsipe Dern. Sila lang naman ni Ysabelle ang kasama namin bago lumisan sa piitan. Sabay-sabay kaming tumakas at pumunta sa lugar na ito.
Kahit hindi ko sila makita ni Ysabelle, ramdam kong nasa tabi lang namin silang dalawa. Ramdam ko ang presensiya nila at base na rin kung gaano kalakas ang boses ni Prinsipe Dern, na-determine kong nasa tabi ko nga lang sila.
Tama ba ang narinig ko mula sa ikaapat na Prinsipe?
Nanlaki ang mata ko at napaawang ang aking bibig. Nasa ilalim kami ng palasyo? Ang ibig bang sabihin ay nasa underground kami ngayon? Dito kami dinala ni Prinsipe Arsh upang magtago?
Bakit dito ang pinili niya? Ligtas kaya kami rito?
Hindi ko maiwasang pairalin ang takot dahil sa madilim na paligid.
"Wala na akong ibang maisip kung 'di dito na lamang sa ilalim ng palasyo magtago dahil sigurado akong hinahanap na si Ysabelle ng hukbo sa buong Kaharian. Ito na lamang ang ligtas na lugar para sa kaniya," tugon ng katabi ko. "Walang nakakaalam sa lugar na ito maliban sa ating pamilya kaya hindi makakapunta ang hukbo rito."
Tama si Prinsipe Arsh, siguradong alam na nilang nakatakas si Ysabelle at hinahanap na ito ngayon. Hindi siya agad mahahanap dito dahil 'di nila iisipin na dito magtatago ang isang taga-silbi na si Ysabelle lalo pa't wala siyang kapangyarihan na pumunta rito.
Laking pasasalamat namin dahil naging maayos ang planong pagtakas kay Ysabelle. Nakatakas kami agad bago pa kami mahuli.
Nag-aalala ako para kay Ysabelle. Hindi na siya titigilan ngayon ng mga kawal sa paghahanap. Gagawin nila ang lahat para mahuli siyang muli. Hangga't hindi napapatunayan ang kaniyang pagkainosente at 'di matukoy kung sino ang totoong may sala sa pagkalason ni Haring Valor, si Ysabelle ang mananatiling kriminal sa mata ng lahat. At kung 'di pa namin siya itinakas, malamang ay namaalam na siya ngayon sa mundong 'to na hindi man lang nakamit ang hustisya at walang kamalay-malay ang kaniyang pamilya na siya'y lumisan na. Kaya naman walang bakas ng pagsisisi akong naramdaman nang tulungan namin siya sa pagtakas dahil nasa tama naman kami dahil walang kasalanan si Ysabelle.
Ang kailangan naming gawin ngayon ay hanapin ang taong may sala sa pagkalason ni Haring Valor. At habang hinahanap namin kung sino 'yon, dito na muna magtatago si Ysabelle. Pero paano naman siya mamamalagi nang maayos dito kung gan'to ang paligid? Tila nabulag kami sa sobrang dilim.
Lumuwag ang pagkakahawak ko kay Prinsipe Arsh nang gumalaw ito. Akmang maglalakad sana siya pero napatigil din ito agad nang maramdaman ang kamay ko. Hindi naman halatang natatakot ako dahil dalawang kamay ko lang naman ang nakahawak na sa kaniya. Hindi talaga kasi ako sanay na wala akong nakikitang liwanag. Takot ako sa dilim kaya sa tuwing wala kaming kuryente sa modern world, agad akong pinupuntahan ni Mama sa kwarto ko upang samahan ako.
Nagtaka ako dahil marahang inalis ni Prinsipe Arsh ang pagkakahawak ko sa kaniya. Gusto kong hawakan ulit ang kamay niya pero nahiya na ako. Nakaramdam tuloy ako ng pangamba pero nawala rin agad 'yon nang kinuha niya pabalik ang kamay ko at ipinagtiklop muli ang mga kamay namin.
Inayos lang pala nito ang pagkakahawak sa kamay ko. Akala ko pa naman ay bibitawan na niya ito.
Sa pangatlong pagkakataon, naramdaman ko na naman na ligtas ako sa kamay niya. Ang malapad at malambot nitong palad ang nagbibigay sa 'kin ng assurance na 'wag makaramdam ng anumang takot at kaba dahil sa kaniya, payapa ako.
"Samahan mo akong kunin ang nag-iisang gasera na nakapatong sa malaki batong 'yon." Hindi ko alam kung nasaan ang tinutukoy niyang bato pero agad pa rin akong tumalima sa kaniya. Walang pag-aalangan kong inihinakbang ang paa ko kasabay sa paglalakad ni Prinsipe Arsh.
Hindi naman ako hinayaan ng Prinsipe na walang nakaalalay sa paglalakad.
Nakakamangha dahil kahit sobrang dilim ng paligid, alam pa rin ni Prinsipe Arsh ang daan at pasikot-sikot dito. Panigurado akong hindi lang ito ang unang beses na nakapunta siya rito. Memoryado niya na ang bawat sulok nito.
Maging si Prinsipe Dern ay gano'n din. Umalis na sila sa kinatatayuan nila kanina at inalalayan niya si Ysabelle na makahanap ng maayos na pagpapahingaan. Tila may kakayahan silang makakita kahit sa dilim. Isa siguro iyon sa kapangyarihan na ibinigay ng kanilang Ama. Kung gano'n, tunay ngang mapalad silang lahat na Anak ng Mahal na Hari.
Huminto kami ni Prinsipe Arsh, mukhang nandito na kami sa batong tinutukoy nito. Kailangan ko nang bumitaw mula sa pagkakahawak niya dahil 'di siya makakagalaw nang maayos kung magkahawak-kamay pa rin kami. Kaya naman binawi ko na ang kamay ko at kumapa-kapa ako sa paligid upang makahanap ng bagay na p'wede kong makapitan habang wala pang ilaw.
"Dito ka humawak," ani nito nang abutin niya ang kamay ko at ipin'westo ito malapit sa kaniya. Hindi ko man nakikita, alam kong ang suot niyang damit ang pinahawak nito sa 'kin dahil ramdam ko na ito ay isang uri ng tela. "Upang sa gano'n ay mabawasan ang iyong pangamba dahil ramdam mong nasa tabi mo lang ako," pagpapatuloy niya.
Ang bawat katagang binibitawan niya ay ang siya namang nagpapalambot ng aking puso na pilit kong iniiwasang maramdaman dahil natatakot ako sa maaaring kahantungan. Mula nang makausap ko si Tata Lucio, tumatak na sa 'king isipan ang kabilin-bilinan nito. Kailangan kong pigilan ang aking nararamdaman na p'wedeng umusbong sa kahit na sinong Prinsipe lalo na sa Prinsipeng nasa tabi ko ngayon. Ngunit paano ko pipigilan ito kung mismong ang puso ko na ang trumaydor sa akin?
Hindi madidiktihan kung kailan maaaring tumibok ang puso.
Nakuha na ni Prinsipe Arsh ang sinasabi nitong gasera. Pinahawak niya sa 'kin 'to dahilan para alisin ko na ang pagkakahawak ko sa damit niya. Pero hindi pa rin sapat ang liwanag na nagmumula sa gaserang hawak ko upang lumiwanag ang buong paligid. Tanging sa kinaroroonan lang namin ni Prinsipe Arsh ang abot ng gaserang ito. Hindi ko pa rin tanaw kung nasaan ngayon sina Ysabelle at Prinsipe Dern.
"Zariya, ilawan mo ang bandang likuran mo. Kukunin ko ang ilang kahoy na nar'yan upang makagawa ng apoy na magsisilbi nating ilaw." Sinunod ko ang inutos ni Prinsipe Arsh. Itinutok ko ang gasera sa likuran ko at nandoon nga ang ilang kahoy na nasibak na. Kinuha lahat 'yon ni Prinsipe Arsh at pumunta sa gitna na agad kong sinundan ng ilaw.
Umupo siya matapos ilapag ang mga kahoy. Inayos niya ang ilang bato at sinunod naman ang mga kahoy na kaniyang dala. Paano siya makakagawa ng apoy kung wala siyang posporo o lighter? For sure, 'di pa uso ang mga bagay na 'yon sa taon na 'to.
Habang inaayos ang mga gagamitin niya sa paggawa ng bonfire, 'di ko namalayang nakatitig na pala ako sa kaniya. Kahit umaagos na ang ilang butil ng pawis sa noo nito, 'di ko pa ring maiwasan na mapamangha sa g'wapo niyang mukha. Ang kaniyang makakapal ng kilay, mapupungay na mata, mahahabang niyang mga pilik-mata, matangos na ilong at ang kaniyang manipis na labi na kulay rosas-- ang labing 'yon na dalawang beses ko nang nahalikan... maging ang hugis ng kaniyang panga, napakaperkto lahat! Walang bahid ng pagkakamali ang makikita sa kabuuan ng kaniyang mukha. Ang kaniyang asul na buhok naman ang nagpapa-alala sa 'kin ng kalmadong kalangitan. Gaya rin ng nararamdaman ko sa t'wing tumitingala ako sa langit, tanging kapayapaan at panatag na loob ang namamayani sa 'kin kapag siya ang kasama ko.
"Zariya?" Bumalik lang ang ulirat ko nang magsalitang muli si Prinsipe Arsh. Iniwas ko ang tingin ko sa kaniya dahil sa hiya. Nahuli niya kaya akong nakatitig sa kaniya? Hays, nakakahiya!
"H-Ha?" ani ko. May sinasabi yata siya kanina pero dahil naka-focus ako sa pagkakatitig sa kaniya, 'di ko na narinig. Naging abala ako sa pagtitig sa kaniya.
Ngumisi ito dahilan para kumunot naman ang noo ko. "Kung patuloy mo akong tititigan, iisipin kong may gusto ka na rin sa 'kin."
Tila lahat ng dugo ko ay napunta na ngayon sa 'king pisngi. Ano bang pinagsasabi niya? Tinitingnan ko lang naman ang perpekto niyang mukha. 'Yon lang!
"Sige, ulitin ko na lamang dahil tila abala ka kanina kaya 'di mo na napakinggan. Zariya, maaari bang pakiabot ang dalawang maliit na bato na nakapatong sa malaking bato kung saan ko kinuha ang gasera na hawak mo?" Tinitigan niya ako saglit bago yumuko at 'di pa rin naaalis ang ngiti sa kaniyang labi.
Anong nginingiti-ngiti niya?
Bumalik ang atensiyon niya sa pag-aayos ng mga kahoy. Nang ma-realize ang sinabi niya, agad akong bumalik sa p'westo namin kanina para kunin ang dalawang bato na tinutukoy niya.
Matapos kong makuha ang dalawang maliit na bato, bumalik ako kay Prinsipe Arsh. Hindi ako umimik at nanatili lang na nakatayo sa gilid nito. Nang maramdaman niya ang presens'ya ko, agad siyang tumingala sa 'kin. Doon ko lang inabot ang dalawang bato na 'di pa rin tumitingin sa kaniya. Ewan ko ba, nakaramdam talaga ako ng hiya dahil nahuli niya akong tinititigan ko siya. Baka kung ano na ang iniisip niya. Baka akala niya ay may gusto ako sa kaniya.
Inabot niya ang dalawang bato at rinig na rinig ko ang mahinang pagtawa niya na dahilan kung ba't may gusto kumawala sa kaloob-looban ko. Sobrang tahimik ng paligid, ultimo ang buntong-hininga niya ay maririnig ko.
Ano bang nangyayari sa 'kin? Bakit ganito na lamang ang epekto ni Prinsipe Arsh sa akin?
"Matapos kong makagawa ng apoy, kailangan na nating bumalik sa palasyo upang 'di tayo paghinalaan," ika niya habang pilit na kiniskis ang binigay kong dalawang bato. "Manganganib ang buhay natin kung sakaling malaman nila na tayo ang nagpatakas kay Ysabelle... lalo ka na, Zariya." Tumingala ito upang tingnan ako. Seryosong reaks'yon na ang maipipinta sa kaniyang mukha.
Tama siya, ako talaga ang mas manganganib ang buhay. Wala namang magiging special treatment sa 'kin unlike sa dalawang Prinsipe na kasabwat ko. Hindi sila p'wedeng maparusahan kung magkahulihan man dahil Anak sila ni Haring Valor. Paniguradong ako lang ang mananagot sa ginawa naming ito. Kung paparusahan man sila, tiyak na mas magaan ang hatol sa kanila kaysa sa akin. Hindi nila hahayaang makulong ang dalawang Prinsipe. Baka nga pagtakpan nila ang dalawa at ibuhos sa akin ang lahat ng kasalanan.
Yumuko na lamang ako dahil wala akong maisip na paraan kung sakaling mahuli ako. Magiging komplikado lamang ang lahat para sa akin. Hindi naman ako nakakatiyak kung matutulungan ba ako ni Reyna Emily dahil pati siya ay madadamay kapag nagkataon. Maaaring pumalpak ang plano nito.
And worst, mahihirapan akong gawin ang misyon ko kung mahuli man ako.
Bumalik si Prinsipe Arsh sa pagkiskis sa bato at ilang saglit lang ay may lumabas na apoy mula ro'n. Nakagawa siya ng apoy gamit ang bato. Nasaksihan ko rin sa wakas kung paano ang magpalabas ng apoy gamit lang ang bato. Ito ang sinaunang pamamaraan.
Agad niyang sinilaban ang kahoy at nakalikha ito ng malaking bonfire sa harap namin. Nang masigurong 'di agad mapapawi ang apoy, agad na itong tumayo at pinagpag ang dalawang kamay at saka tumingin sa 'kin.
"Pero 'di ako papayag na hulihin ka nila. Hindi ako papayag na may mangyaring masama sa 'yo hangga't nasa tabi mo ako. Pro-protektahan kita hanggang sa maubos ako," wika niya at walang pasabing hinigit niya ang kamay ko.
Pumunta kami sa kinaroroonan nina Prinsipe Dern at Ysabelle. Tinulungan ni Prinsipe Arsh si Prinsipe Dern sa pag-alalay kay Ysabelle. Hinawakan nila ang magkabilaang balikat ni Ysabelle upang mailipat malapit sa ginawang bonfire ni Prinsipe Arsh.
Malamig ang panahon at kailangan ni Ysabelle magpainit at the same time, magpahinga. Nang maipaupo nila si Ysabelle sa patag na lupa na naroon sa gilid ng bonfire, lumapit na ako sa kanila. Umupo na rin ako para makapantay kay Ysabelle. Tiningnan ko ang kabuuang katawan ng kaibigan ko. Bakas sa kaniya na nanghihina siya. Maputla ang kaniyang balat, tuyo at namamalat ang kaniyang labi at marami siyang galos na tinamo. Nakaramdam ako ng awa sa kaniya.
Walang maayos na pahinga at pagkain sa loob ng piitan. Hindi ko lubos maisip kung ano na lang ang mangyayari kung magtatagal pa sa loob ng piitan ang kaibigan ko kung sakaling hindi natuloy ang pagbitay.
"Kailangan muna nating gamutin ang mga sugat niya bago bumalik ng palasyo," mungkahi ni Prinsipe Arsh habang nanatiling nakatayo sa harap namin.
Agad naman kaming tumango at tumalima ni Prinsipe Dern.
Tama ang ikatlong Prinsipe. Hindin namin p'wedeng hayaang ang mga galos ni Ysabelle. Hindi babalik ang kaniyang lakas kung hindi siya gagamutin. Malalalim na sugat pa naman ang ibang natamo niya sa bandang binti at balikat niya.
May dala si Prinsipe Dern na ilang halamang-gamot at agad ko siyang tinulungan sa paglapat ng mga ito sa katawan ni Ysabelle na may galos. Matapos mailagay lahat ang halamang-gamot, marahang ginising ni Prinsipe Dern ang natutulog na si Ysabelle upang painumin ng tubig. Nakahinga ako nang maluwag dahil unti-unting nawala ang pagkatuyo ng labi nito. Kailangan niyang bumawi sa tubig na nawala sa kaniyang katawan upang hindi lumala ang kaniyang pakiramdam.
Bumalik muli sa pagtulog si Ysabelle. Inalis ko naman ang nakatalukbong sa 'kin na itim na tela na ginamit ko kanina sa pagsunod sa piitan upang 'di makilala kung sakaling may makakita sa 'kin, ginamit ko 'yon bilang kumot ni Ysabelle. Mabuti na lamang at mahaba ito, sapat na para takpan ang paa hanggang leeg ng dalaga.
Tumayo si Prinsipe Dern na agad kong sinundan ng tingin. "Bago tayo bumalik sa palasyo, maaari ko bang malaman kung anong ginagawa mo sa piitan?" tanong ni Prinsipe Dern sa kaniyang kapatid. Bumaling naman ngayon ang atensiyon ko kay Prinsipe Arsh.
Maging ako ay gusto ko ring tanungin si Prinsipe Arsh. Nagulat ako kanina nang lumitaw ito sa tabi ko. Palaisipan sa akin kung anong ginagawa niya roon at paanong naulinigan niya ang aming plano ng kaniyang kapatid.
Hinihintay ko itong sumagot dahil maging ako ay interesado talaga sa tanong ni Prinsipe Dern. Wala namang alam si Prinsipe Arsh sa plano naming pagtakas kay Ysabelle kaya nakakapagtaka naman na nasa piitan din siya at bigla na lang sumulpot.
Bumilis ang tibok ng puso ko nang pinukol ni Prinsipe Arsh ang paningin niya sa 'kin. Seryoso itong nakatitig sa 'kin nang sagutin niya ang tanong ni Prinsipe Dern. "Dahil nandoon si Zariya."
Napalunok ako dahil 'di ko inaasahan ang sagot nito. Ano naman ang kinalaman ko sa pagpunta niya sa piitan? Tumingin din sa 'kin si Prinsipe Dern na tila alam na niya kung anong gustong ipahiwatig ng kaniyang kapatid. Samantalang ako, 'di ko mahanap sa isip ko ang posibleng dahilan ng sagot niya.
"Wala na tayong oras, kailangan na nating magmadali. Kung magtatagal pa tayo, maghihinala na silang lahat."
Tama si Prinsipe Arsh. Kailangan pa naming dumalo sa ritwal na gagawin para sa paggaling ni Haring Valor. Aakto na lamang kaming walang alam sa pagkawala ni Ysabelle.
Inilahad na sa 'kin ni Prinsipe Arsh ang kamay niya dahil nakaupo pa rin ako hanggang ngayon. Inabot ko 'yon at dahan-dahang tumayo. Pagkatayo ko ay ang siya namang pagluhod ni Prinsipe Arsh sa harapan ko. Nagtaka ako kaya napayuko ako para tingnan siya. Marahan niyang pinapagpag ang maduming laylayan ng suot ko. May buhangin kasing dumikit do'n na nakuha ko nang lumuhod at umupo ako sa tabi ni Ysabelle kanina. Napakagat ako sa ibaba kong labi dahil sa awkwardness. At hindi ako makatingin nang diretso kay Prinsipe Arsh nang tumayo na ito.
"S-Salamat," tipid na sambit ko.
Hindi na muling nagsalita pa si Prinsipe Arsh bagkus hinawakan na niya ang kamay ko. Naramdaman ko na lang ang unti-unti naming pagkawala sa ilalim ng palasyo. Mariin na lang akong napapikit.
Mabilis din naman kaming lumitaw sa ibabaw ng lupa. Agad kong iminulat ang aking mga mata at gano'n na lang ang gulat at takot ko sa nakikita ko ngayon. Nasa labas kami ng palasyo ngayon at ganito na lang kasama ang bungad sa amin. Maraming mga tao ang nakabulagta at tila wala nang buhay. Ang iba ay patuloy ang pagtakbo habang humahugulhol sa iyak. Naguguluhan ako tungkol sa nangyayari ngayon. May mga usok akong nakikita ngunit 'di ko alam kung saan ito nagmumula. Ang buong paligid ay nakain na ng dilim at tila may malakas na bagyo ang dumaan dahil ang ilang bahay at puno ay nagsitumba sa daan.
"Anong nangyari?" Bakas sa tono ni Prinsipe Dern ang pag-aalala.
Kahit narinig namin ang tanong niya ay 'di namin kayang sagutin ni Prinsipe Arsh. Parehas lang kaming tatlo na walang alam sa nangyari nang lumisan kami sa palasyo matapos naming itakas si Ysabelle. Ilang saglit lang kami nawala pero gan'to na kalabis ang pinsala na natamo ng bayan ng Norland.
Kumawala ako sa pagkakahawak ni Prinsipe Arsh. Naglakad-lakad ako para tingnan ang mga nakahandusay na mamamayan na halos lahat ay wala nang buhay pero may mangilan-ngilan pa ring buhay pa, nagsusumamo ng tulong dahil sa sugat na natamo. Nagkalat ang dugo sa daanan dahilan para manlambot ang dalawang tuhod ko. Hindi ko kayang ihakbang ito dahil sa mga nakikita ko ngayon. May mga batang umiiyak sa bawat sulok dahil 'di na nila mahanap ang kanilang pamilya. Ang iba naman ay nagsisi-iyakan habang hawak ang wala nang buhay na kamag-anak nila. Tanging iyak lang ang umaalingawngaw sa buong paligid.
Ano ba talaga ang nangyari?
Ilang minuto lamang kaming nawala.
Pinilit kong humakbang nang matanaw ko ang dalawang pamilyar na tao sa 'kin na nakahandusay rin sa daan. Matapang akong lumapit sa tabi nila. Tiningnan ko nang mabuti ang mga mukha nila na kasalukuyang umaagos ang dugo ro'n at napatakip agad ako ng bibig nang makilala ko sila. Napaatras na rin ako dahil 'di ko kayang matitigan sila nang matagal. Halos ma-estatwa ako sa kinaroroonan ko. Hindi na sila humihinga!
Hindi, hindi sila p'wedeng mamatay! Hindi p'wedeng wala nang balikan na pamilya si Ysabelle. Oo, ang dalawang taong nakabulagta sa harap ko ngayon na hindi na humihinga ay ang Ina at nag-iisang kapatid ni Ysabelle. Ayaw mag-sink in sa utak ko ang mga nakikita ko ngayon.
"Kailangan nating pumunta sa palasyo upang malaman kung ano ang nangyari." Hinigit na ako ni Prinsipe Arsh. Nagpaubaya ako na hawak-hawak niya ang kamay ko habang tinatahak ang daan papunta sa palasyo. Pero ang paningin ko ay nanatiling nakatingin sa mga taong duguan at sugatan na aming nalalagpasan.
Pilit kong inaalam ang dahilan ng mga hikbi ng mga nabubuhay pa. Hindi ko alintana ang pakikipagsiksikan namin sa nagtatakbuhan at nagkakagulong mga tao. Naramdaman ko na lang na mas humigpit ang pagkakahawak ni Prinsipe Arsh sa kamay ko para masigurong 'di ako makakabitaw sa kaniya.
Ang bigat sa dibdib na makita sila sa gano'ng kalagayan. Lalo na ang Ina at kapatid ni Ysabelle. Walang kaalam-kaalam si Ysabelle kung anong sinapit ng dalawang importanteng tao sa buhay niya. Paano ko sasabihin sa kaniya ang bagay na ito?
Gulong-gulo na ako ngayon. Bakit nangyayari ang lahat nang ito?
Malapit na kami sa malaking gate ng palasyo nang lumitaw sa isipan ko si Tata Lucio. Tila nakipag-komunikasyon siya sa 'kin gamit ang isip. "Nangyari na ang sinasabi kong kapalit ng balik-tanaw na hiningi mo sa 'kin. Humanda ka dahil magsisimula na ang lahat... Zariya."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro