KABANATA 22
"Tata Lucio, nasaan ka?"
Kanina ko pa iniikot ang puno kung saan siya nakatira pero hanggang ngayon ay 'di pa rin ito nagpapakita sa 'kin. Ni anino nga niya ay 'di ko mahanap. Nilibot ko na ang punong ito pera wala pa rin.
Nasaan na ba siya?
"Anong kailangan mo, Prinsesa Amity?" tanong nito mula sa likuran ko.
Sa wakas!
Agad akong lumingon at tumambad sa 'kin si Tata Lucio, ang natatanging ibon na may alam sa tunay na katauhan ko at ang nilalang na dahilan kung bakit naririto ako ngayon sa Kaharian ng Norland. Nakapatong siya sa isang sanga na 'di kataasan. Nanatili akong nakatayo sa kinaroroonan ko habang nakatingala pa rin kay Tata Lucio. Hindi ko alam kung saan ito nanggaling, bigla na lamang siyang lumitaw sa sanga na iyon.
"May alam ba kayo sa nangyari kay Haring Valor? Kilala niyo po ba kung sino ang totoong lumason sa kaniya? Sabihin niyo sa 'kin na hindi si Ysabelle 'yon. Walang kasalanan ang kaibigan ko, hindi ba?" Punong-puno ng pag-asa ang tono ko.
Si Tata Lucio na lang ang tanging nilalang na naninirahan dito ang malalapitan ko para humingi ng tulong. Hindi ako maaaring makahingi ng tulong sa mga Prinsipe dahil malamang ay nakain na sila ng galit sa nangyari sa kanilang Ama at hahanap talaga sila ng taong sisisihin, si Ysabelle.
Kahit gusto kong pumunta sa aking Inang Reyna upang sa kaniya ko malaman ang totoo ay hindi ko magawa. Mahigpit ngayon ang mga kawal sa mga naninilbihan sa palasyo. Nakamasid sila sa bawat galaw namin dahil sa nangyari sa Mahal na Hari. Ang Heneral ang may utos na bantayan ang iba pang naninilbihan dahil naniniwala siya na malaki ang posibilidad na hindi lang si Ysabelle ang may kagagawan noon. Para sa kaniya, may kasabwat pa ito.
Kaya si Tata Lucio na lang ang tanging pag-asa ko para malaman ang katotohanan dahil may kapangyarihan itong magbalik-tanaw sa nakaraan. Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw, mapapatunayan na walang kasalanan si Ysabelle.
Nasa likuran kami ng puno kaya hindi ako nakikita ng mga ibang mamamayan ng Norland na dumaraan. Hindi ako p'wedeng mahuli ng sino man dahil mahigpit na pinagbabawal ngayon ang paglabas ng mga taga-silbi o kawal sa palasyo.
Hindi rin p'wedeng ipaalam ang tungkol sa pagkalason ni Haring Valor dahil magbibigay ito ng matinding pagkabahala sa mga nasasakupan ng Mahal na Hari. Baka gawin itong oportunidad at kalakasan ng mga nais magpabagsak ang Kaharian ng Norland lalo na ang aking Inang Reyna. Pero kahit 'di ko na iulat sa kaniya ang nangyayari, alam kong bago pa maganap ang piging para sa kaarawan ni Haring Valor ay alam niya na ang maaaring mangyari. Ganoon katalino ang aking Ina.
Malakas talaga ang kutob kong siya ang nasa likod ng mga nangyayari ngayon.
Hinihintay ko ang isasagot ni Tata Lucio. Hindi pa naman ako p'wedeng magtagal. Nagpaalam lang ako na may inutos sa 'kin si Kharim Celia upang makalabas ng palasyo. Binigyan lamang nila ako ng ilang minuto sa labas. Susunduin nila ako kapag lumagpas ako sa binigay nilang minuto.
"Sigurado ka bang wala talaga siyang kasalanan? Bakit ganiyan na lamang katindi ang paniniwala mong inosente si Ysabelle?"
"Dahil kaibigan ko siya," direktang sagot ko.
Siguro ay napakababaw para sa iba ang dahilan ko pero sapat na 'yon sa 'kin para maniwala. Ayokong hatulan agad siya dahil lang sa simpleng pagbibintang nila. Kaibigan ko siya kaya isa dapat ako sa mas nakakakilala sa kaniya at 'yon ang panghahawakan ko para maniwala sa kaniya na hindi siya ang lumason sa Hari. Hindi niya kailan man magagawa iyon.
Lumipat si Tata Lucio sa isa pang mas mababang sanga. Hindi na mangangalay ang leeg ko sa kakatingala dahil kapantay ko na siya ngayon.
"Nababasa ko ang nasa isipan mo ngunit pasensiya ka na, Prinsesa Amity. Hindi kita matutulungan sa nais mo," an'ya.
Kumunot ang aking noo. "B-Bakit po?"
"Hindi ko maaaring ipakita sa 'yo ang balik-tanaw sapagkat ito'y kasali sa misyon mo. May kaukulang parusa kung ika'y pagbibigyan ko."
Nanlumo ako sa aking narinig. Paano ko matutulungan si Ysabelle kung 'di ko makikilala ang tunay na may sala? Paano ako hihingi ng tulong sa mga Prinsipe kung 'di ko mailantad kung sino ang tunay na lumason sa kanilang Ama? Anong gagawin ko ngayon?
"Parang awa niyo na, Tata Lucio. Kailangan kong malaman kung sino ang taong 'yon nang sa gayon, makausap ko ang mga Prinsipe at maniwala sa 'kin. Sa gano'ng paraan, matutulungan nila akong palayain si Ysabelle," pagsusumamo ko.
"Ngunit handa ka bang harapin ang parusang sinasabi ko kung ipapakita ko man ang balik-tanaw?"
Ilang segundo ng katahimikan ang namayani sa pagitan namin. Nag-aalangan ako sa sinasabi nitong parusa. Hindi ko inaasahan na may kalakip itong parusa. Hindi ko alam kung gaano ito kabigat pero mas nanaig pa rin sa 'kin ang pagkagusto kong matulungan si Ysabelle.
Lakas loob kong tiningnan sa mata si Tata Lucio. "Handa ako sa magiging parusa, Tata Lucio. Kung 'yon ang magiging kapalit upang malaman ko ang katotohanan at matulungan si Ysabelle, haharapin ko."
Ang mahalaga ngayon ay matulungan ko ang kaibigan ko.
"Kung gayon, ihanda mo na ang iyong sarili dahil ipapakita ko na sa 'yo ang balik-tanaw."
Pagkatapos niyang sabihin 'yon, pumikit na ako para mapakalma ang aking sarili. Kailangang malinis ang iyong isipan at hindi ka nababalot ng pangamba upang maisakatuparang ang pagbabalik tanaw na gagawin ni Tata Lucio.
May latin words siyang sinabi bago lumitaw ang isang senaryo sa 'king isipan.
Isang lalaki ang bumungad sa balik-tanaw. Isang lalaking may suot ng itim na mask at maging ang suot nitong pantaas at pambaba ay kulay itim din. Hindi man kita ang mukha niya, nakumpirma kong lalaki ito dahil sa hubog ng kaniyang katawan. Makisig at matangkad. Hindi 'yon normal body ng isang babae rito sa mundong 'to.
Sinamantala niya ang kasagsagan ng kasiyahan sa gabi ng piging upang pumuslit sa kusina. Sa oras na 'yon, wala ni isang taga-silbi ang nasa loob ng kusina dahil ang lahat ay nasa venue at taimtim na nagdadasal upang masimulan na ang selebras'yon. Kaya naman malaya itong nakagalaw sa loob ng kusina. Dinampot niya ang isang boteng naroon na nakahilera sa lagayan ng iba't-ibang klase ng alak at pinalit niya ang dala nitong boteng may laman ding likido, parehas na parehas ang kulay ng likidong 'yon sa kinuha niya. Doon pa lang sa ginawa niyang pagpalit sa dalawang bote, masasabi kong siya ang may sala sa pagkalason ni Haring Valor.
Ang boteng ipinalit niya ang ininom ni Haring Valor... ang boteng 'yon ang may lason.
Halos matumba ako nang biglang nabura ang balik-tanaw sa isipan ko. Napahawak ako sa ulo ko at sumandal saglit sa puno. Huminga muna ako nang malalim upang mahimasmasan bago humarap muli kay Tata Lucio.
"Tama ako. Hindi si Ysabelle ang lumason kay Haring Valor," wika ko.
Nakumpirme ko na ngayon ang kainosentahan ni Ysabelle. Walang katotohanan ang lahat ng binibintang sa kaniya. Napatunayan ko sa aking sarili na tamang paniwalaan ko ang kaibigan ko.
Pero kahit na nakita ko ang balik-tanaw, 'di ko pa rin naman nalaman kung sino ang taong 'yon. Mas'yado siyang matalino para balutin ang kaniyang buong katawan upang 'di makilala. Pero 'di ko na alintana 'yon. Ang mahalaga, napatunayan kong inosente ang kaibigan ko at mas lalong nagbigay ito sa kin ng tapang upang tulungan siya.
Mahuhuli ko rin ang totoong may kagagawan ng pagkalason ni Haring Valor. Hindi magtatagal ay malalantad na ang katotohanan. Lubusin niya na ang natitirang araw na hindi siya nahuhuli.
"Ngayong nakumpirme mong wala talagang kasalanan ang iyong kaibigan, anong gagawin mo ngayon?" Nawala ang malalim kong iniisip nang magsalita si Tata Lucio.
"Iisa lang ang balak ko. 'Yon ay ang tulungan siyang makalaya sa lalong madaling panahon."
Nakausap ko ang Ina at nag-iisang kapatid ni Ysabelle, hinahanap nila sa 'kin si Ysabelle at 'di ko maaaring sabihin na siya ay nasa piitan at hinatulan na ng bitay kahit wala pang sapat na ebidensiya.
Ayokong mag-alala sila kay Ysabelle lalo pa't may malubhang karamdaman ang kapatid nito.
Kung tatanungin ko si Ysabelle, parehas lang ng ginawa ko ang nais niya. Ayaw niyang maging dahilan ito sa Ina at kapatid ni Ysabelle na mag-isip ng kung anu-ano dahil sa kalagayan nito.
Sa kalagayan ni Ysabelle, mahihirapan siyang patunayan ang kaniyang pagiging inosente. Sa panahon ngayon, malabong makamit mo ang hustisya lalo pa't nasa laylayan ka ng lipunan. Ngunit bilang kaibigan niya, hindi ko hahayaan na hanggang imposible na lamang 'yon.
Kaya ang tanging paraan na lamang ngayon ay ang patakasin siya at itago sa lugar na walang makakahanap sa kaniya.
"Tata Lucio, hindi na ako magtatagal. Kailangan ko nang bumalik sa palasyo at mag-isip ng paraan kung paano ko matutulungan si Ysabelle."
Tatalikuran ko na sana siya ngunit natigilan ako nang magsalita ito, "Nangyari na ang kinakatakutan ko. Zariya, huwag mong hayaang maulit muli ang nangyari sa nakaraan. Huwag mong hahayaan ang iyong sariling umibig sa sino mang Prinsipe dahil tanging ikaw lang ang may kakayahang kontrolin ang takbo ng inyong tadhana sa pangalawang pagkakataon. Ang pag-ibig sa mundong ito ang magdadala sa 'yo sa kapahamakan. Hindi ito ang tamang mundo at panahon upang umibig ka."
Sa isang iglap, nawala si Tata Lucio sa 'king paningin. Hindi ko na alam kung saan siya nagtungo.
Tumatak sa 'kin ang huling bilin niya. Hindi ako maaaring umibig sa kanila kahit anong mangyari, iyon din ang kabilin-bilinan niya noong unang pagdating ko sa mundong 'to. Bakit pakiramdam ko, iyon ang malaking naging problema kung kaya't madali lang napabagsak ang Kaharian ng Norland noon?
Umibig ba si Prinsesa Amity sa isang Prinsipe ng Norland?
Kung gano'n, pipigilan ko ang emosyon ko kung 'yon ang nararapat na gawin.
Kung gayon, hindi ko hahayaang maulit ulit ito. Hindi na ngayong nasa kalagitnaan na ako ng misyon ko.
Bumili muna ako ng ilang halamang gamot sa isang matandang nagbebenta sa 'di kalayuan ng palasyo. Wala na akong oras para pumunta pa sa kagubatan kaya bumili na lamang ako upang may maipakita ako sa mga kawal na patunay na inutusan nga ako ni Kharim Celia. Kailangan kong mag-ingat sa bawat kilos ko.
Nang ilapag ko sa harap ng kawal ang dala kong mga halamang-gamot, pinapasok nila agad ako. Binilinan pa akong huwag na munang lumabas ng palasyo dahil nga sa kalagayan ng Mahal na Hari. Tumalima na lang ako sa inuutos nila para hindi sila maghinala.
Magtutungo agad ako sa tahanan naming taga-silbi. Wala namang inuutos ang mga Prinsipe sa 'kin kaya balak kong magkulong sa aming silid at mag-isip maghapon kung paano ko maitatakas si Ysabelle sa malinis na paraan. Kailangan ko talagang mag-ingat dahil kapag ako'y nahuli, katapusan ko na. Hindi ko na matatapos ang misyon ko at mas magiging komplikado pa ang sitwasyon.
Ilang hakbang pa lang ang layo ko mula rito sa kintatayuan ko hanggang sa silid naming taga-silbi, tanaw ko na si Prinsipe Dern. Naninigaw ang mala-sunset na kulay ng kaniyang buhok. Nakaupo siya sa bench na nasa harap lang ng tahanan naming taga-silbi. Ang bench na 'yon, doon niya madalas hintayin si Ysabelle t'wing umaga upang samahan siyang mag-ensayo sa pagpana.
Binilisan ko ang paglakad. Huminto ako sa likuran niya at dahan-dahang umikot para tabihan siya sa pagkakaupo. Nakayuko siya at nang namalayang tumabi ako sa kaniya, dahan-dahan niyang iniangat ang kaninang nakayuko niyang ulo.
Tiningnan ako nito nang tumabi ako sa kaniya.
"Ang hina ko para 'di siya ipagtanggol sa harap ng mga taong minamaliit siya," panimula niya.
Bumalik siya sa pagkakayuko. Ako naman ay diretso lang ang tingin at handang makinig sa mga nais pa niyang sabihin. Mabigat din ang nararamdam ni Prinsipe Dern sa mga nangyayari ngayon. Kailangan niya rin ng isang kaibigan na pagsasabihan ng mga hinanakit at sama ng loob.
"Gustong-gusto ko siyang hablutin sa mga kawal na nanghuli sa kaniya at sabihing inosente siya ngunit paano? Paano ko siya matutulungan kung wala akong sapat na kakayahan para gawin 'yon? Paniniwala ko lamang sa kaniya ang pinanghahawakan ko para 'di maniwala sa mga pinaparatang nila," malumanay niyang saad ngunit ramdam ang sakit sa bawat salitang winika niya. "Alam kong wala siyang kinalamanan sa paglason kay Ama. Alam kong hindi niya iyon magagawa. Hindi magagawa ni Ysabelle ang bagay na maaaring makasakit sa akin."
Lumingon ako sa kaniya. "Maging ako ay ganiyan din ang nararamdaman, Prinsipe Dern. Nais ko siyang tulungan ngunit 'di ko alam kung papaano. Ang tanging magagawa ko lang ay paniwalaan siya."
Inosente si Ysabelle at 'di dapat siya ang nasa piitan ngayon. Hindi niya deserve na itrato nang ganito. Sa gaya niyang ulirang Anak, 'di dapat siya inilalayo sa kaniyang pamilya. Hindi dapat siya pinagkakaitan ng karapatang ipagtanggol ang kaniyang sarili. Karapatan niyang linisin ang kaniyang pangalan ngunit ipinagkait iyon sa kaniya. Hindi dapat siya hinahatulan sa kasalanang 'di naman niya ginawa.
"Narito ka lang pala, Mahal na Prinsipe."
Sabay kaming napalingon ni Prinsipe Dern sa isang kawal na kadarating lamang.
Mukhang may ibabalita siya sa Prinsipe.
"Anong sadya mo sa 'kin?" tanong ni Prinsipe Dern.
Nang tumingala ang Prinsipe upang makita ang bagong dating na kawal, napansin ko ang namamaga niyang mga mata. Marahil ay dahil sa pag-iyak. Hindi mababakas sa mukha nito ang sutil at pagkapilyo ng Prinsipeng una kong nakilala sa mundong 'to. Napakatamlay niya ngayon.
"Nais ipaalam ng iyong kapatid na si Prinsipe Ravi ang mangyayaring ritwal para sa paggaling ni Haring Valor mamayang gabi, kabilugan ng buwan. Kaya't magsihanda raw kayong magkakapatid dahil isasabay rin sa ritwal ang pagbitay sa taga-silbing lumason sa inyong Amang Hari upang gawing alay."
Namilog agad ang mga mata ko sabay takip sa 'king bibig matapos marinig ang binalita niya.
Si Ysabelle ang tinutukoy nitong bibitayin mamaya at gagawing alay sa ritwal!
Umalis agad ang kawal na 'yon dahil hindi na niya nahintay pa ang sasabihin ni Prinsipe Dern, mukhang wala na rin namang balak pa ang Prinsipe na magsalita. Blanko lamang ang mukha niya pero ramdam ko ang panghihina niya dahil sa kaniyang narinig mula sa kawal. Napahawak siya kaniyang noo at napaawang ng bibig. Hindi ko alam kung paano ko papagaanin ang loob niya kung ang mismong sarili ko nga ay 'di ko rin kayang i-comfort.
Napatingala ako sa kaniya nang tumayo ito. "Kailangan kong tulungan si Ysabelle. Wala nang ibang paraan, kailangan ko siyang itakas bago sumapit ang kabilugan ng buwan," mariin niyang sambit.
"Tutulungan kita, Prinsipe Dern." Lakas loob na rin akong tumayo.
Tiningnan niya ako na nag-aalangan. "Hindi maaari, Zariya. Ayokong madawit ka sa binabalak ko."
"Ngunit ibig ko ring tulungan si Ysabelle. Hindi ko maatim na walang gawin upang iligtas ang buhay ng kaibigan ko. Kaya hayaan mo akong tulungan ka, Prinsipe Dern. Naniniwala akong mas mapapabilis ang pagtakas niya kung magtutulungan tayo."
Hindi ako nahirapang kumbinsihin si Prinsipe Dern. Nagtungo kaming dalawa sa kagubatan para doon bumuo ng plano. Hindi kami maaaring manataili rito sa palasyo dahil baka may maghinala sa amin at maulinigan ang aming gagawin. Nakaisip ng palusot si Prinsipe Dern upang pagbigyan kaming lumabas kaya naman walang oras na nilaan para bumalik.
"Sapat na ba ito, Prinsipe Dern?" Pinakita ko sa kaniya ang kakapitas kong isang uri ng halaman na ang sabi ni Prinsipe Dern, ito raw ay ginagamit na panghalo sa pagkain at kung sino man ang makakain no'n ay mawawalan ng malay ng isang oras.
Gagamitin namin ito para sa pagkain ng mga kawal na nakabantay sa piitan ni Ysabelle. Hindi ako ang maghahanda ng pagkain ngunit tutulong ako sa gawaing kusina mamaya upang maisakatuparan ko ang balak namin. Palihim kong ilalagay ang maliliit na dahon na ito sa pagkaing ihahanda para sa mga kawal. Dalawa kaming mag-aabang ni Prinsipe Dern pagkatapos maihatid ng inatasang taga-silbi ang pagkain at kapag nawalan na ng malay ang mga kawal, saka kami pupuslit sa piitan upang itakas si Ysabelle.
"Sapat na 'yan," sagot niya. "Halika na, Zariya. Kailangan na nating magmadali dahil malapit na magtakip-silim. Panigurado ay naghahanda na ang lahat sa gagawing ritwal para sa aking Amang Hari," dadag pa nito.
Agad akong tumalima at lumapit sa kaniya. Hinawakan ko ang kanang braso niya upang maglaho at makabalik agad sa palasyo.
Nang makabalik na kami sa palasyo, agad ding nagpaalam si Prinsipe Dern. "Magkita na lamang tayo sa bungad ng piitan. Mag-iingat ka, Zariya."
Tumango ako at nagdiretso sa kusina. Natanaw ko sa quadrangle ang naglalakihang apoy na nakapatong sa vase na gawa sa bato ang nakapalibot ro'n. May malaki ring gong sa gilid nito, isang music instrument na gawa sa metal upang maglabas ng malakas na tunog para magbigay ng indikasyon.
Hindi ako nagtagal sa pagtitig do'n. Tumakbo na ako agad sa kusina. Sinalubong ako ni Kharim Celia sa pinto. "Akala ko ay tulog ka na, Zariya?" bungad nito sa akin.
Ginawa kong palusot ang pagsakit ng ulo ko kanina kaya agad ako nitong pinagpahinga. Iyon lang ang paraan para masamahan ko si Prinsipe Dern sa pagplano.
"Hindi na po masakit ang ulo ko, Kharim Celia," wika ko.
Agad kong inilibot ang paningin ko sa loob ng kusina. Kasalukuyan na silang naghahanda ng makakain. Hinanap ko agad kung sino ang naghahanda ng pagkain para sa mga kawal na nasa piitan. Dali-dali akong lumapit sa taga-silbing naghahanda no'n.
Inayos ko ang aking sarili. Hindi ako p'wedeng paghinalaan sa kilos na gagawin ko. Kumilos akong normal lang. "Tulungan ko na kayo sa paghahanda ng pagkain," ani ko sabay kuha ng mga plato at ilapag sa lamesa.
Mukhang 'di nila alintana ang gagawin ko. Abala ang lahat at ginawa ko 'yong oportunidad para palihim na hilalin ang pagkain ng mga kawal na nasa piitan. Nasa harap ko na ito. Luminga-linga muna ako at sinigurong walang nakatingin at saka ko hinalo sa pagkain ang halaman na pampawala ng malay.
Nakahinga ako nang maluwag nang bago pa bumalik ang taga-silbing maghahatid sa piitan ay nagawa ko na ang binabalak ko.
"Iuuna ko na ito sa mga kawal na nasa piitan," ani niya bago hinawakan ang tray at tuluyang lumabas ng kusina.
Iyon na ang hudyat na simulan ko na ang plano,.
Kailangan kong sundaan ang taga-silbi na 'yon. Panigurado akong nakaabang na rin sa labas ng piitan si Prinsipe Dern.
"A-Aww!" Umakto akong namimilipit ang tiyan.
Napatingin silang lahat sa 'kin lalo na si Kharim Celia. Agad niya akong inalalayan. "Mukhang sumama ang iyong tiyan."
Tumango-tango ako at mas ginalingan ko pa ang pag-arte hanggang sila na mismo ang nagtuak sa 'kin na lumabas muna upang magbanyo. Nang makalabas ako ng pinto, malapad na ngiti ang gumuhit sa aking labi. Hindi ko inexpect na ganito ako kagaling umarte!
Palihim kong sinundan ang taga-silbi. Hindi pa ako nakakarating sa piitan kaya nakafocus talaga ang paningin ko sa taga-silbing sinusundan ko kaya hindi siya maaaring mawala sa paningin ko.
Madilim ang daan na tinatahak namin ngayon. May maliit akong gasera at sapat na 'yon para magsilbing ilaw ko. Nasa likod ng palasyo ang piitan at sobrang nakakatakot talaga rito dahil wala man lang katao-tao na makikita. Napakatahimik ng paligid at animo'y may bigla na lang magpapakitang multo na sasalubong sa 'yo. Nagtaasan tuloy ang balahibo ko. Hindi ngayon ang tamang oras para takutin ang sarili ko.
Tumigil ako sa paglalakad nang may sumitsit sa likuran ko. "Zariya," bulong niya.
Prinsipe Dern?
Tama ako, siya nga! Naaninag ko siya gamit ang gasera na hawak ko. Nasa likod siya ng isang mataas na puno. Hinigit niya ako ro'n upang magtago.
"Malapit na ang piitan dito. Hintayin na lang natin na bumalik ang taga-silbi bago sumugod," bulong niya ulit.
Gaya ng sinabi ni Prinsipe Dern, naghintay kami ng ilang minuto. Hanggang sa may yapak kaming narinig papalapit sa kinaroroonan namin. Mas inilapit ako ni Prinsipe Dern sa dibdib niya upang magkubli sa puno at 'di makita ng taga-silbing dumaan.
Bumalik na ang taga-silbing naghatid ng pagkain kaya naman agad na akong hinila ni Prinsipe Dern papunta sa piitan. Nadatnan naming nakabulagta ang anim na kawal na wala nang malay.
"Zariya, ikaw na muna ang bahalang magbantay rito. Kukunin ko na sa loob si Ysabelle," utos ni Prinsipe Dern.
Hindi na niya ako hinintay na sumagot. Dali-dali siyang pumasok at ako naman ay nagbantay sa labas. Kailangan naming magmadali dahil baka magising agad ang mga kawal na ito o baka may iba pang pumunta rito. Nanginginig ang tuhod ko dahil sa kaba. Hindi ko na alam kung anong gagawin namin pagkatapos naming mailigtas si Ysabelle. Mas lalo akong nataranta nang may natanaw akong anino sa 'di kalayuan. May dala itong malaking gasera kaya napakaliwanag ng paligid.
Nangangatog ang mga tuhod at nanlalamig ang mga kamay kong sumilip sa loob ng piitan. "Prinsipe Dern, bilisan mo dahil may paparating!"
Nang lumingon ako upang tingnan muli ang direksiyon ng taong paparating, muntik na akong sumigaw dahil sa gulat nang may humawak sa kamay ko at agad tinakpan ang bibig ko para 'di makalikha ng ingay.
"Anong ginagawa mo rito?" Sa malamig niyang boses ay nakilala ko agad siya.
Siya dapat ang tinatanong ko. Anong ginagawa ni prinsipe Arsh dito?
Naramdaman ko rin ang isa pang humawak sa kamay ko, si Ysabelle. Nakalabas na sila ngayon mula sa piitan. Hawak-hawak siya ni Prinsipe Dern dahil sa panghihina.
Natuon ang atensiyon naming tatlo kay Prinsipe Arsh na sumulpot na lang basta-basta rito. Hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ko. Pero mas nanaig ang pagkabahala ko sa taong kaninang tinutukoy ko na paparating na may dalang malaking gasera. Iba pang tao 'yon at 'di ko malaman kung sino siya!
"Hindi ko alam ang binabalak niyong ito pero kailangan na nating umalis dito bago pa tayo maabutan ng Heneral," wika niya.
Naramdaman ko na lang ang biglaang pagyakap sa 'kin ni Prinsipe Arsh at sa isang iglap lang, naglaho kaming apat na parang bula at wala akong ideya kung saan kami ngayon patungo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro