Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 20

"Maaari ba kitang isayaw, binibini?"

Hindi ko na hinayaan pa na magtagal si Prinsipe Arsh sa pagkakaluhod sa harap ko dahil sa totoo lang, ako ang nahihiya. Naagaw na rin kasi namin ang atensiyon ng ibang panauhin sa kabilang lamesa. Baka mas lalo pa rumami ang mga maiinis sa akin kapag nagtagal pa sa harap ko ang ikatlong Prinsipe.

Isa pa, sino ang nahihibang na babae na magre-reject sa isang Prinsipe sa gitna ng napakaraming tao? Ang kahihiyan ay mapupunta sa Prinsipe kapag hindi ko tinanggap ang paanyaya nito.

Ipinatong ko ang kamay ko sa palad niya. "O-Oo naman, Prinsipe Arsh."

Napangiti ito nang marinig ang sagot ko. Marahan siyang tumayo mula sa pagkakaluhod at dahan-dahan niya naman akong inalalayang tumayo. Naglakad kaming magkahawak-kamay patungo sa dance floor. Ang mga kaninang nagsasayawan sa gitna ay nagsialisan at hinayaan kami ni Prinsipe Arsh na masolo ang buong espas'yo ng dance floor. Kumbaga, ang spotlight ay nasa amin na ngayon na mas lalong nagbigay sa akin ng sobrang pagkailang.

Gumilid ang lahat at tanging sa amin lang nakatuon ang kanilang atensiyon. Ganito pala ang pakiramdam na kahit ayaw mo, kung isa sa mga Prinsipe ang kasama mo, sa 'yo lamang nila itutuon ang kanilang pansin.

Huminto kami sa gitna. Hindi pa rin binibitawan ni Prinsipe Arsh ang aking kamay hanggang sa pinaharap na niya ako sa kaniya. Naiilang ako sa maraming mata na nakatingin sa amin.

Paano na 'to? Hindi pa naman ako marunong sumayaw.

Wala akong kahilig-hilig sa musika lalo na ang pagsasayaw. Kaya nga noong nag-aaral pa lang ako sa High School, lagi kong iniiwasan ang Physical Education subject. Isa rin iyon sa rason kung bakit ako nag-Accountancy course para mapalayo sa asignaturang iyon pero kahit anong takas ko, hinabol pa rin ako nito. Hanggang mag-second year college ako, kasama ko ang Physical Education subject.

"Prinsipe Arsh, kasi ano... 'di ako marunong sumayaw," pag-amin ko.

Hindi naman ito gumawa ng kahit anong reaksyon sa mukha niya. Tila inaasahan na niya ang sasabihin ko. Halata ba agad na hindi nga ako marunong sumayaw?

Lumapit siya sa bandang tainga ko at may binulong ito. "Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala."

Itinaas niya ang kamay ko papalapit sa mukha niya. Marahan niyang dinampi ang labi niya sa kamay kong hawak niya. Hinalikan niya ang kamay ko sa harap ng maraming tao. Pagkatapos, dahan-dahan siyang yumuko sa harap ko bilang pagbibigay respeto. Ito ang formal way nila para simulan ang pagsasayaw kasama ang kapareho nila.

Nang iniangat na niya ang kaniyang ulo, tumambad muli sa 'kin ang matamis nitong ngiti. Maging ang mala-dagat niyang mata ay nangungusap na simulan na naming sumayaw. Kinuha niya ang isa kong kamay at ipinatong ito sa balikat niya. Samantalang ang isa pang kamay niyang nakahawak kanina pa sa kamay ko ay inayos din niya. Binukas niya ang kamay niya dahilan para ayusin ko rin ang kamay ko. Magkalapat na ngayon ang kamay naming dalawa at dahan-dahan nitong pinagtiklop.

"Ngayon, ipatong mo ang dalawang paa mo sa suot kong sapatos," ani nito na pinanlakihan ko naman ng mata.

Hindi ko agad sinunod ito. Anong gusto niyang mangyari? Kaya ba pinapapatong niya ang mga paa ko sa mga paa niya ay para siya na ang bahala sa bawat steps ng sayaw dahil 'di ko ako marunong sumayaw?

"P-Pero Prinsipe Arsh, tiyak na masasaktan ka at mangangalay," ani ko. Payat naman ako kaya 'di ako gano'n kabigat. Ang iniisip ko lang ay ang sakit na makukuha niya sa 2 inches heels ng sandal ko. Paniguradong hindi lang pangangalay ang makukuha nito, masasaktan at magkakapasa pa ito.

"Sige na, Zariya, ipatong mo na ang iyong mga paa. Hindi rin naman ako papayag na ako'y tanggihan mo."

Ilang segundo rin kaming nanatiling ganoon ang posisyon. Hindi siya humahakbang hangga't hindi ko ipinapatong ang paa ko sa sapatos niya.

Nag-aalangan man ay ipinatong ko na rin ang paa ko sa suot nitong brown boots. Marurumihan ko pa naman ang mamahalin niyang sapatos, linisin ko na lang bukas.

Hindi ko alintana kung anong p'wedeng sabihin ng mga tao sa 'kin dahil sa 'di ako marunong sumayaw. Mas mabuti nang umamin ako agad kaysa magkunwari na alam kong sumayaw. Baka mas lalong ikapahiya ko pa iyon kung sakaling magkamali ako.

Ang buong atens'yon ko ngayon ay na kay Prinsipe Arsh. Tila may mahika ang kaniyang mga mata dahil 'di ko magawang umiwas sa malagkit nitong pagkakatitig sa 'kin. Parehas na may sariling buhay ang aming mga mata at sila lamang ang nag-uusap at nagkakaintindihan.

Ang mga taong nakapalibot sa amin ay unti-unting nawawala. Ang buong paligid ko ay huminto. Tanging si Prinsipe Arsh lang ang nasa paningin ko, kaming dalawa lang. Feeling ko, kaming dalawa lamang ang narito sa great hall ng palasyo. Kami lang, wala nang iba.

At that point, malakas na pintig ng puso ang narinig ko.

Hindi iyon galing sa Prinsipe, kung 'di... sa akin.

Sinimulan na ni Prinsipe Arsh na ihakbang ang kaniyang mga paa. Tugmang-tugma ang bawat step niya sa musikang pinapatugtog ng mga kilalang musikero sa panahong ito. Hindi ko inakala na gan'to siya kagaling sumayaw.

"Kanina ko pa pinagmamasdan ang iyong mukha," ani nito sa tainga ko. Malakas ang musika kaya lumapit siya sa bandang tainga ko para sabihin 'yon habang patuloy kaming sumasayaw. "Hindi ko mapigilang makita ko siya sa 'yo dahil kamukhang-kamukha mo talaga siya," dagdag pa niya.

Gaya ng naging reaks'yon ni Kharim Celia noong sabihin niyang kamukha ko ang aking Inang Reyna kanina ay gano'n din ang reaks'yon ni Prinsipe Arsh ngayon. Inilibot nito ang paningin sa bawat parte ng mukha ko. Kaya pala kanina pa siya titig na titig sa 'kin ay kinikilatis niya ang buong pagmumukha ko.

Ang Inang Reyna ko ba ang tinutukoy nitong kamukha ko? Nakita na kaya niya ang aking Ina? Kinabahan tuloy ako.

"S-Sino?" pasigaw kong tanong para marinig niya.

"Si Haring Hellion. Ang Hari ng Kaharian ng Lacandia."

Umiwas ako ng tingin. Hindi ko alam ang gagawin ko. Kinakabahan ako dahil baka malaman niyang ako nga ang Anak ng mortal na kaaway ng kanilang palasyo. Hindi siya tanga para hindi makahalata lalo pa't napansin na niya ang pagkakahawig namin ng aking Ama.

"Pero p-paano? Hindi ko nga kilala ang Haring tinutukoy mo, Prinsipe Arsh." Nakapagsinungaling ako nang wala sa oras. Masamang gawain pero kinakailangan.

"Patawad. Marahil ay nagkamali lamang ako."

Itinabi nito ang topic na 'yon. 'Di na rin ako nagtangkang magtanong pa dahil baka kung ano pa ang maungkat tungkol sa 'kin. Gusto kong umamin pero huwag muna ngayon.

Patawad Prinsipe Arsh kung sa ngayon, itatanggi ko muna ang katotohanan.

"Prinsipe Arsh?" tawag ko sa kaniya.

"Hmm?"

"Naaral ko na ang bawat hakbang na iyong ginagawa. Hayaan mong sabayan na kita sa pagsayaw ngayon," sambit ko.

Madali lang naman ang steps kaya nakabisado ko agad. Isa pa, nahihiya na ako sa kaniya dahil baka nangangalay na siya sa pagbuhat sa 'kin. Isa siyang Prinsipe at nararapat lang na hindi ito masaktan o mahirapan.

"Sigurado ka ba?" seryoso niyang tanong.

Tumango ako sa kaniya. Bumagal ang paghakbang nito at bakas ang pag-aalinlangan niyang huminto para makaalis ako sa pagpatong sa paa niya.

Nang makalapag na ang mga paa ko sa sahig, inaya ko na siyang ituloy ang pagsasayaw. Sinabayan ko na ang bawat hakbang ng mga paa niya. Hindi naalis ang ngiti sa aming labi habang ine-enjoy ang nakakahalinang musika.

Nang natapos ang tugtog, huminto na rin kami sa pagsayaw. Nagsipalakpakan ang lahat. May iba namang hindi natuwa ngunit hindi ko na lamang sila pinansin. Hindi maiiwasan na may ganoong klase ng tao sa paligid. Ang mahalaga, hindi ito rason upang magpaapekto. Mas lalo lang silang matutuwa at ipagpapatuloy ang ginagawa kung makikita nilang naaapektuhan ka.

Sinulit ko ang oras hanggang sa matapos ang kanta. Isa sa magagandang ala-ala ang gabing ito na babaunin at aalahanin ko hanggang sa makabalik ako sa modernong mundo.

"Malaking karangalan para sa 'kin na maisayaw ang isang binibining katulad mo." Muli, yumuko si Prinsipe Arsh sa harap ko. Kinuha nito ang dalawang kamay ko saka sabay na hinalikan.

"Maraming salamat din, Prinsipe Arsh, dahil pinaranas mo sa 'kin ang ganitong uri ng okas'yon sa palasyo. Hindi ko makakalimutan ang gabing ito."

Magkahawak pa rin ang aming kamay na bumalik sa aming lamesa. Hindi pa rin nawala ang mga tingin ng mga panauhin hanggang sa makaupo na kami nang tuluyan. Pati naman rito ay sinusundan pa rin nila kami ng tingin.

"Naiinggit ako." Kusang tumikwas ang nguso ni Prinsipe Dern. "Gusto rin kitang isayaw, Zariya, pero sakabilang banda, ayoko rin namang lagutan ako ng hininga ni Arsh nang maaga."

Palihim na tinawanan ni Prinsipe Nesh si Prinsipe Dern. "Bakit kasi 'di ka nag-imbita ng isang binibini upang maging kapareho mo sa gabing ito? Napakarami mong mga binibini tapos wala ka man lang dinala ni isa sa kanila." Then, he smirked.

"Paano ba naman, 'yong gusto kong maging kapareho ngayong gabi ay nagtatampo pa rin sa 'kin hanggang ngayon."

Tila kilala ko na ang tinutukoy nito.

Nahagip ng paningin ko ang isang taga-silbi na may dalang pagkain sa kabilang lamesa. Marahan niya itong nilalapag sa hapag-kainan. Tiningnan ko si Prinsipe Dern at maging siya ay nakatingin sa taga-silbing 'yon... kay Ysabelle.

Tama ako. Si Ysabelle ang tinutukoy nitong binibini na gusto niyang maging kapareho ngunit dahil nagtatampo pa rin si Ysabelle kay Prinsipe Dern, 'di pa rin niya ito pinapansin hanggang ngayon. Itong si Prinsipe Dern kasi nasosobrahan ang pagkapilyo kaya madalas na 'di sila nagkakaintindihan ni Ysabelle. Itinaon pa niya na may mahalagang okasyon ang mangyayari. Ayan tuloy, hindi niya maimbitahan si Ysabelle.

"Prinsipe Arsh?" tawag ko sa kaniya. Lumingon ito sa 'kin at hinihintay ang susunod ko pang sasabihin. "Aalis na muna ako. Magbabanyo lang ako saglit."

Tumango lang ito. Dahan-dahan akong tumayo at pinasadahan ng tingin ang mga taong kasalo namin sa lamesa. Wala na rito sina Prinsipe Ravi at Haya Kaira, 'di ko alam kung saan sila nagtungo. Nakapangalumbaba lamang si Prinsipe Dern at si Prinsipe Nesh ay walang tigil sa pagkain. Samantalang si Prinsipe Cozen ay seryosong tumingin sa 'kin nang tumayo ako. Naagaw ko yata ang atensiyon niya. Hindi ko na lang ito pinansin.

Nakisiksik ako sa mga panauhing nakaharang ngayon sa daan patungo sa kusina. Abala sila sa pagk'we-k'wentuhan at sinamantala ko 'yon para makadaan na 'di nila ako nakikilala. Yumuko ako at nagpatuloy sa paglalakad.

Hindi ako sa banyo nagtungo kung 'di sa kusina. Nais kong tulungan si Ysabelle at iba pang taga-silbi para maghain ng mga pagkain. Alam kong pagod na sila kakaasikaso sa mga panauhin. Kahit sa konting oras lang ay makatulong ako. Hindi ko maatim na naghihirap sila habang ako ay nakaupo lamang roon at nag-e-enjoy.

Kung hindi lamang ako inimbitahan ni Prinsipe Arsh, hindi rin naman talaga ako pupunta, eh.

Nang makapasok ako sa kusina, iilan lamang ang natira ro'n. Halos lahat ay nasa labas, nagbibigay ng pagkain. Hindi ko rin naabutan si Ysabelle sa loob. Maging si Kharim Celia ay wala rin.

"Paumanhin sa abala ngunit maaari ko bang malaman kung para kanino ang inumin na ito?" tanong ko sa isang taga-silbing naroon.

Ang tinutukoy ko ay ang isang babasaging baso na may lamang kulay pulang tubig at may na-slice na lemon na nakapatong. Base sa antigong mangkok kung saan nakapatong ang mamahaling baso, 'di ito para sa panauhin lamang. Nasa mataas na posis'yon ang nagmamay-ari nito.

"Para kay Haring Valor 'yan," sagot nito. "Hindi ko nga alam kung sino ang magbibigay niyan sa Mahal na Hari," dagdag pa niya.

Tinalikuran na ako nito at nagmamadaling lumabas ng kusina hawak ang tray na may lamang mga inumin. Marahil ay magdadala na ito ng pagkain sa labas.

Mukhang hinihintay na ni Haring Valor ang inumin niya. Ako na lang kaya ang magbigay nito sa kaniya? Nang may maitulong naman ako. Hindi ko na hihintayin kung sino ang inatas dito. Ang mahalaga, maipunta ko na sa Hari.

Kinuha ko na ang inumin na 'yon. Palabas na sana ako sa pinto nang makasalubong ko si Prinsipe Cozen. Natigilan ako sa paglalakad at tinuon ang paningin ko sa kaniya. Anong ginagawa niya rito? Nakakunot ang noo nitong tiningnan ako matapos niyang daplisan ng tingin ang hawak kong inumin.

Nagsalubong ang kaniyang kilay. Bakas din sa mukha nito ang galit.

Hindi pa ako nakakalabas dahil sa kaniya.

Lumingon muna siya sa paligid bago ako tinanong. "Anong ginagawa mo rito, Zariya?" Natakot ako sa boses nito.

"Gusto ko lang tulungan ang mga taga-silbi."

"Pero hindi maaari!" mariin niyang usal. Inagaw niya mula sa kamay ko ang inumin na para kay Haring Valor. Nilagpasan niya ako para ilapag pabalik sa lamesa ang inumin na 'yon, padabog niya itong ginawa. "Hindi ikaw ang magbibigay nito sa 'king Amang Hari. Hindi p'wedeng ikaw."

Nagtaka ako sa inasta nito. "Bakit 'di p'wedeng ako?"

"Dahil hindi ka isang taga-silbi sa gabing ito. Ikaw ay panauhin kaya 'di ka maaaring tumulong sa mga Kharim," direktang sagot niya. Nawala ang seryosong ekspres'yon sa kaniyang mukha at bumalik ang malumanay niyang boses. "Huwag ka na magpumilit pa, Zariya. Bumalik ka na ro'n. May kukunin lang akong alak na iinumin namin nila Dern at pagkatapos, susunod na rin ako sa ating lamesa."

Hindi na niya hinintay ang sasabihin ko. Agad na niya akong tinalikuran at nagtungo sa malaking aparador na puno ng iba't-ibang uri ng alak. Sinunod ko naman ang sinabi niya. Lumabas na ako sa kusina at naglakad na pabalik sa aming lamesa. Ngunit nang nasa gitna ako ng maraming tao at pilit nakikisiksik, may kung sino ang humigit sa kamay ko. Hinila niya ako at nakipagsiksikan sa kumpulan ng mga bisita habang mahigpit ang pagkakahawak sa kamay ko.

Sino itong walang paalam na hinigit na lang ako basta-basta?

Binabaybay namin ang daan palabas ng hall. Teka, saan kami pupunta? Ang isang kamay ko ay nakahawak sa suot kong dress para alalayan ang aking sarili sa paglalakad nang mabilis. Baka madapa ako kapag sumabit ang laylayan ng suot ko sa sandal ko.

Nang makalagpas na kami sa maraming taong nakaharang sa daan, saka ko lang nakilala kung sino ang humila sa 'kin. Nakilala ko ito dahil sa naiibang kulay ng kaniyang buhok. Siya lang ang may kulay asul na buhok sa buong Kaharian.

Prinsipe Arsh.

Hinayaan ko siya sa patuloy na paghila sa 'kin. Maraming kawal kaming nakasalubong pero wala silang pakialam. Tuluyan na kaming nakalabas. Tumigil kami ni Prinsipe Arsh sa hardin ng palasyo.

"Bakit tayo narito, Prinsipe Arsh?"

"May nais akong ipakita sa 'yo," wika nito.

Huminto kami sa gitnang bahagi kung sa'n napakadilim ng paligid dahil 'di na naabot ng ilaw na nagmumula sa malaking gasera na naroon sa bungad pa ng hardin.

Dahan-dahang binitawan ni Prinsipe Arsh ang aking kamay. "Isang beses sa isang taon lang ito nagaganap kaya 'di ko sasayangin ang pagkakataon na 'di mo makita ito."

Matapos niyang sabihin 'yon, ang siya namang unti-unting paglitaw ng kumikislap na kulay gintong ilaw sa aming harapan. Napatingala ako dahil paparating pa lamang ang iba. Parami sila nang parami hanggang sa punuin na nila ng makikislap nilang liwanag ang madilim na bahagi ng hardin na ito. Napaawang ako ng bibig dahil sa pagkamangha. Libu-libong mga alitaptap ang nagsisiliparan sa ere ngayon.

Napakaganda at nakakaakit, sobra!

"Ang gaganda nila," bulalas ko. Inilahad ko ang palad ko upang dumapo ang isang alitaptap.

"Gaya ng alitaptap, nais kong hilingin sa 'yo, Zariya, na nawa'y patuloy kang magningning sa kabila ng dilim na mararanasan mo sa mundong 'to." Napaangat ako ng tingin kay Prinsipe Arsh

Lumambot ang puso ko sa mga katagang binitawan niya.

Sana nga ay manatili ang aking liwanag sa pagdating ng panahon na magiging komplikado ang sitwas'yon ko rito at kung sakaling mailugmok ako sa dilim at walang sino man ang p'wede kong hingan ng tulong dahil sarili ko lang ang maaari kong lapitan sa mundo nila, mundong 'di para sa 'kin.

Abala kami ni Prinsipe Arsh sa pagmamasid sa mga alitaptap na kanina pa nililibot ang kabuuan ng hardin nang may maulinigan kaming sunod-sunod na yapak papalapit. Tumanaw kami sa bungad ng hardin at nakita namin mula ro'n ang ilang postura ng mga taong naglalakad papunta sa kinaroroonan namin.

Sinu-sino sila?

Ilang minuto lang ay tumigil sila sa harap namin. May hawak silang gasera kaya lumiwanag na ang paligid. Ang mga alitaptap ay lumipad na palayo dahil sa mga kawal na nagsidatingan kasama sina Prinsipe Ravi at Haya Kaira.

"Hulihin niyo ang hampaslupa na 'yan!" Dinuro ako ni Haya Kaira.

Tumalima ang dalawang kawal sa inutos sa kanila pero 'di nila ako nahawakan dahil naunahan sila ni Prinsipe Arsh na hawakan ako at pinunta niya ako agad sa kaniyang likuran.

"At anong dahilan upang dakpin niyo si Zariya?" singhal ni Prinsipe Arsh na ngayon ay nakaharang sa pagitan namin nila Haya Kaira. Animo'y pino-protektahan ako at 'di papayag na makuha ako ng mga kawal.

"Huwag mo nang ipagtanggol ang taga-silbi na 'yan, Prinsipe Arsh! Dahil siya lang naman ang magnanakaw sa palasyo na ito," bulyaw ni Haya Kaira.

Naningkit ang mga mata ko dahil sa galit. Anong magnanakaw ang sinasabi niya?

"May sapat ka bang ebidens'ya upang suportahan ang mga paratang mo?" Sumeryoso ang tono ni Prinsipe Arsh.

Kinuha ni Haya Kaira ang dalang tela ng isang kawal. Binuksan niya ito sa harap namin. Ang laman ng tela na 'yon ay limpak-limpak na mga alahas. Napakaraming ginto at pilak na kwintas, porselas, singsing at maging mga hikaw na kumikinang kinang pa.

"Ito ang mga alahas na nawawala sa 'kin at natagpuan ang mga ito sa ilalim ng kama ni Zariya. Ngayon Prinsipe Arsh, sabihin mong 'di magnanakaw ang babaeng nasa likuran mo ngayon at pilit mong pino-protektahan."

Dahil sa inis at galit, sumingit ako sa usapan. "Wala akong alam sa binibintang mo, Haya Kaira! Kailan ma'y 'di ako nagnakaw sa palasyo."

"Kung gayon, pa'ano mo ipapaliwanag ang mga alahas ko na nasa ilalim mismo ng higaan mo?" Tinaasan niya ako ng kilay. "Tama na ang pagsisinungaling, Zariya. Huling-huli ka na."

Hindi ko alam kung paano napunta 'yon sa kama ko. Wala akong ideya. Hindi ko alam!

"Hindi sapat ang ebidens'ya na 'yan para sabihin mong si Zariya nga ang nagnakaw. Maaaring ang totoong magnanakaw sa palasyo ang naglagay sa silid nina Zariya upang siraan siya," mariing b'welta ni Prinsipe Arsh. Hindi siya nagpatinag na ipagtanggol ako.

Nameke ng tawa si Haya Kaira.

"Bakit ba hirap kang maniwala, Prinsipe Arsh?" Huminto ito sa pagsasalita at tila may inalala bago bumaling sa amin. "Gusto mo pa ba ng ibang ebidens'ya? Sige, pagbibigyan kita, Prinsipe Arsh. Sa pagkakataong ito, kasusuklaman mo ang babaeng 'yan!"

May kinuha si Haya Kaira mula sa maliit na pitaka niya. Pinatong niya ito sa kaniyang palad at sabay inilahad sa harap ni Prinsipe Arsh.

Isa 'yong bracelet, pamilyar na bracelet.

Hindi p'wede... Bakit nasa kaniya na ang bracelet ni Prinsipe Arsh na 'di sinasadyang nakuha ko noong gabing nagkabanggan kami at tinago ko sa punda ng unan ko?

"Saan mo nakuha 'yan?" interesadong tanong ni Prinsipe Arsh.

"Sa punda ng unan ni Zariya. Siguro naman ay maniniwala ka na sa 'kin na isa siyang magnanakaw! Pati ang iyong gamit ay hindi nakaligtas sa makati niyang kamay."

Kinuha ni Prinsipe Arsh ang pagmamay-ari niyang bracelet bago lumingon sa 'kin. "Totoo ba, Zariya? Nasa 'yo ang bagay na ito?"

Tumango ako. Hindi ako p'wedeng magsinungaling dahil ako naman talaga ang nagtago no'n pero nagkakamali sila ng iniisip. Hindi ko 'yon ninakaw kay Prinsipe Arsh.

"Salamat, Haya Kaira. Salamat dahil pinaalam mo sa 'kin ang tungkol sa bagay na 'to."

Nakangiti na ngayon si Haya Kaira. Tila napaniwala niya ang lahat.

"Dahil sa ginawa mong ito, mas pinatunayan mo lang na hindi talaga magnanakaw si Zariya." Nabigla ako sa 'king narinig mula kay Prinsipe Arsh. "Dahil ang bagay na ito ay hindi ninakaw sa 'kin. 'Di sinasadyang nawala ito noong gabing nakabangga ko ang babaeng tinutukoy ko na pilit kong hinanap. Sa pagkakaalam ko, nawala sa 'king kamay ang gamit na ito nang biglang higitin ng binibining 'yon... kaya siya ang nakakuha nito. Dahil sa gamit kong ito, makikilala ko kung sino talaga ang totoong binibining nakabanggaan ko at 'di na nawala sa isipan ko mula no'ng araw na 'yon. At hindi ikaw 'yon, Haya Kaira." Lumingon muli sa 'kin si Prinsipe Arsh. Ang lakas ng tibok ng puso ko ngayon. "Si Zariya ang babaeng 'yon... Si Zariya ang binibining iniibig ko."

Nag-alangan akong tumitig sa kumikislap na mata ni Prinsipe Arsh.

Namumula na ang buong mukha ni Haya Kaira ngayon. Halos umusok na ang ilong nito sa sobrang galit. May sasabihin pa sana siya ngunit 'di ito natuloy nang may isang kawal ang dumating. Napahawak siya sa kaniyang tuhod dahil sa pagod at hinihingal na humarap sa amin.

Kanina pa raw niya hinahanap ang dalawang Prinsipe dahil may masamang nangyari sa loob. Ang lahat ng tao ay nagkakagulo.

Ang kaniyang binalita ay mas masahol pa sa ginawang pagbibintang sa 'kin ni Haya Kaira.

Napukaw ang atensiyon namin sa topic na 'yon at natuon ito sa masamang ulat ng kadarating lang na kawal.

"P-Prinsipe Ravi at Prinsipe Arsh, a-ang inyong Amang Hari... nalason!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro