Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 17

Handa na akong pumunta sa loob ng palasyo nang may kumatok ng tatlong beses sa pinto. Nagulat ako nang pagbukas ko ng pinto ay may dalawang taga-silbi ang bumungad sa labas ng aming kwarto ni Kharim Celia. Ngayon lang ulit nangyari ang ganitong may bumungad sa labas ng silid namin na hindi ko kakilala. Kaya naman hindi ko matukoy agad kung ano dahilan kung bakit sila naparito.

"May kailangan ba kayo? Kung si Kharim Celia ang hinahanap niyo, kanina pa siyang nagtungo sa kusina," ani ko.

Madalas kasi na sa aming silid nila hinahanap si Kharim Celia ng ganitong oras. Baka akala nila ay narito pa siya pero maaga siyang umalis ngayon dahil marami raw siyang aasikasuhin ngayon lalo pa't nalalapit na ang malaking piging na gagawin para sa 58th birthday ni Haring Valor. Sa makalawang araw na ito gaganapin. Kaya naman, inutusan niya akong kumuha ng iba't-ibang uri ng bulaklak na gagawing dekoras'yon at ilalagay din sa naglalakihang mga antigong vase. Lahat ng taga-silbi ay abala na sa paghahanda para sa okasiyon na mangyayari.

"Hindi si Kharim Celia ang ipinunta namin dito, Haya Zariya." Mahinhing pagkakasaad ng isa sa dalawang taga-silbi na nasa harap ko ngayon. Mas bata ang dalawang ito kumpara sa akin. Hindi ko alam kung anong pangalan nila dahil ngayon ko lang sila nakita. Marahil ay sa ibang parte ng palasyo sila nakadestino. Halata sa kanilang mukha na mas bata sila sa akin ng mga dalawang taon.

Hindi na ako nagdalawang-isip na lumabas. Papunta na rin naman ako sa kusina ng palasyo.

Tiniyak ko munang sinara ko nang mabuti ang pinto bago bumaling sa kanila. "Kung gayon, ano ang inyong kailangansa akin?"

"Kukunin namin ang susi rito sa inyong silid ni Kharim Celia. Inatasan kami ni Haring Valor na kolektahin ang lahat ng susi sa silid ng mga taga-silbi at maging ang silid ng mga kawal," wika ng isa sa kanila.

"Ito ay mahigpit na ipinag-uutos," dagdag pa ng isa.

Nahagip ng paningin ko ang hawak nilang basket na naglalaman ng mga susi. Mukhang marami na ang nakolekta nila dahil 'di ko na mabilang kung ilang susi ang naroon. Sapat na rason na 'yon para kumbinsihin ako na inutusan nga sila ni Haring Valor pero 'di ko pa rin maiwasan na magtaka.

Anong dahilan kung bakit kailangang kolektahin ang mga susi ng aming silid?

"Bago ko ibigay ito, p'wede ko bang malaman ang dahilan ng pagkokolekta niyo ng mga susi?" Bakas sa aking tono ang kuryosidad.

Wala akong maisip na dahilan kung bakit nga ba kokolektahin ang mga susi. Hindi naman nila ito ginagawa noon.

"Paumanhin, Haya Zariya, ngunit wala kami sa tamang posisyon para ipaalam sa 'yo ang dahilan. Sana ay maintindihan mo," wika ng isa sa kanila.

Agad akong tumango at ngumiti. "Naiintindihan ko."

Utos iyon ng Hari at malamang ay hindi maaaring ipaalam sa iba ang dahilan ng Mahal na Hari.

Dahil lang naman sa curiosity kaya ako napatanong pero naiintindihan ko naman kung bawal sabihin, nagbabakasali lamang ako. Lalo na't si Haring Valor ang nag-utos. Siguro nga ay confidential ang dahilan ng pangongolekta ng mga susi.

Hindi na ako nangulit pa at binigay agad ang susi ng aming silid sa kanila. Wala rin naman ako ibang pagpipilian. Sa ayaw o gusto ko, kailangan kong sundin ang utos. Susi ng aming silid lamang naman ang gusto nila kaya ibinigay ko na ito na walang pag-aalinlangan.

Kailangan ko na rin kasing umalis dahil may pupuntahan pa ako. Hahanapin ko pa si Ysabelle upang magpasama. Maraming bulaklak ang kailangan kong makuha at 'di ko kakayanin ng mag-isa lamang. Kailangan ko ng tulong ni Ysabelle sa pagbubuhat.

Lumabas na ako sa silid naming mga taga-silbi dala-dala ang basket na gawa sa abaka nang madatnan ko si Prinsipe Arsh sa gilid ng malaking pinto. Nakasandal siya sa pader at ang dalawang kamay nito ay nakapamulsa. Hindi na ako nag-atubuling tanungin kung ano ang ginagawa niya rito dahil nakapikit ito. Baka nagpapahangin lamang siya at ayaw magpagambala.

Kahit nakapikit, napakagwapo pa rin niya. Malamang, maging sa pagtulog niya ay 'di mo maiwasang titigan siya dahil sa angking kagwapuhan. Ang inosente ng kaniyang mukha at animo'y hindi ito nagsusungit tuwing siya ay gising.

Hindi ko alam pero mas naa-attract ako sa pagiging seryoso ng kaniyang mukha. Kahit pa limitado lang itong ngumiti at magsalita, hindi maitatangging kaya pa rin nitong umagaw ng atensiyon ng ibang tao.

Masungit man siyang tingnan pero mas lalo itong gumagwapo sa gano'ng hitsura.

Akmang tatalikuran ko na sana siya nang mahinang tumikhim ito na ikinabigla ko. Naramdaman ba niya ang presens'ya ko? Kung oo man, kailangan ko na talagang magmadali bago pa nito imulat ang kaniyang mga mata.

Nagsimula na akong maglakad palayo pero nakakadalawang hakbang pa lang ako ay nagsalita na ito. "Saan ka pupunta?"

Gising siya? Dahan-dahan akong lumingon sa kaniya. Nakamulat na ang kaniyang mga mata pero nanatili pa rin itong nakasandal sa pader habang nakapamulsa at seryosong nakatingin sa 'kin.

"P-Prinsipe Arsh," wika ko at saka yumuko bilang pagbibigay respeto sa kaniya bago itinuloy ang aking sasabihin. "Papunta ako ngayon sa kusina para tingnan si Ysabelle kung naroon ba siya."

Hindi na ito sumagot pa. Hindi ko tuloy alam kung pwede na ba akong umalis o hindi. Hindi naman maaaring umalis na lang ako bigla na wala siyang pahintulot.

Wala pa ring emosyon ang kaniyang mukha at nanatili lang ang kaniyang paningin sa 'kin. Hindi ko kayang makipagtitigan sa kaniya kaya umiwas ako ng tingin. Nag-isip ako ng p'wedeng itanong para mabasag ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. "Ikaw, Prinsipe Arsh? Bakit narito ka?"

"Narito ako dahil dito ako nakatira," diretsong wika niya.

Pagkunot ng noo ang naging reaks'yon ko sa pilosopong sagot nito. Alam kong dito siya sa palasyo nakatira pero ang tinutukoy ko ay kung bakit narito siya mismo sa harap ng silid ng mga taga-silbi.

Hindi ko inakala na may pagkapilosopo pala itong si Prinsipe Arsh. Wala sa mukha niya ang pagiging pilosopong tao. Hindi gaya kina Prinsipe Dern at Prinsipe Nesh na bakas sa mukha ang pagiging loko-loko at pilosopo.

Kakaiba mamilosopo si Prinsipe Arsh. Pilosopong seryoso!

Hindi ko man lang makitang ngumiti ito.

Umalis si Prinsipe Arsh sa pagkakasandal sa pader. Umayos siya ng tayo at inalis na ang kaniyang dalawang kamay mula sa bulsa ng suot niyang hanbok. "Abala si Ysabelle sa paglalagay ng mga tela sa gagamiting lamesa para sa piging. Siya rin ay inatasang maghanda ng mga gagamitin sa pagluluto sa darating na piging."

Bakas sa mukha ko ang panghihinayang. Hindi ako masasamahan ni Ysabelle. Kung gano'n, wala talaga akong choice kung 'di mag-isa ko na lang. Kakayanin ko na lang o 'di kaya'y magpapatulong na lamang ako sa sino mang kawal na makita ko mamaya sa hardin.

"Ano ba ang iyong kailangan kay Ysabelle?" tanong nito nang hindi na ako umimik.

Lume-level up na talaga ang pag-interact niya sa akin. Kung dati, isang tanong at isang sagot siya, ngayon ay sumasagot na ito na lagpas sa isang sentence at nagtatanong na rin siya pabalik. Umi-improve na ang kaniyang communication skills.

"Magpapasama po sana ako sa kaniya sa pagkuha ng mga bulaklak pero dibale na lang, kaya ko namang mag-isa. Diyan lang naman ako sa hardin kukuha at naiiintindihan ko na hindi ako masasamahan ni Ysabelle."

Napatango na lamang si Prinsipe Arsh. Mukhang wala na siyang sasabihin kaya balak ko na magpaalam. Kailangan ko na umalis dahil tumatakbo ang oras at marami pa akong p'wedeng itulong dito sa palasyo pagkatapos makakuha ng mga bulaklak.

"Paumanhin, Prinsipe Arsh, pero kailangan ko nang uma--"

"Hindi pa ba sila tapos sa pangongolekta ng mga susi?" Napatigil ako sa pagpapaalam kay Prinsipe Arsh dahil sa biglaang pagdating ni Haya Kaira.

Nasa likod na naman ni Haya Kaira ang dalawa niyang alalay at tila pinapakalma ang amo nila. Sa tono pa lang ng boses ni Haya Kaira ay halatang galit ito. Mas lalo pang nagsalubong ang dalawa niyang kilay nang dumapo ang paningin niya sa 'kin at nilipat ito sa katabi kong si Prinsipe Arsh. Ito na naman, lalagyan na naman niya ng malisya ang pag-uusap namin ng Prinsipe.

Hindi nawala ang pagsasalubong ng kilay niya. Ano bang nangyari at ganito siya kabadtrip?

"Haya Kaira, ayan na ang dalawang taga-silbi na inutusan mo para mangolekta ng mga susi." Napatingin si Haya Kaira sa tinuro ng kaniyang alalay. Maging ako ay napatingin na rin sa kanilang dalawa na kalalabas lang sa silid naming mga taga-silbi. Sila 'yong mga taga-silbi na nangolekta ng susi sa 'kin kanina.

Ano naman ang koneksyon ni Haya Kaira sa dalawang taga-silbi na 'yon?

"Nakolekta niyo ba lahat?" tanong ni Haya Kaira.

Sabay na sumagot ang dalawa, "Opo, binibini."

Nakahinga nang malalim si Haya Kaira. Kumalma ito kahit papaano.

"Mabuti naman dahil hindi na ako makapaghintay na malaman..." Huminto ito at naningkit ang tingin nitong tumingin sa 'kin na ipinagtaka ko bago niya itinuloy ang kaniyang sasabihin. "Kung sino ang nagnakaw sa mga alahas ko."

Unti-unti kong napagtanto ang nangyayari ngayon. Nanakawan si Haya Kaira? So, may kinalaman sa nangyari kay Haya Kaira ang utos ni Haring Valor na kolektahin ang lahat ng susi?

Pero bakit?

Ano namang mayroon sa mga susi ng silid ng mga taga-silbi at mga kawal?

Hindi kaya para...

Nanlaki ang mga mata ko dahil may chance na tama ang naisip ko. Maaaring kaya kinolekta ang lahat ng mga susi upang suriin nila ang bawat silid kung naroon ang nasabing mga alahas ni Haya Kaira na nawala at sa gano'ng paraan, matutukoy nila kung sino ang nagnakaw. Nakaramdam na ako ng takot at kaba. Hindi dahil sa ako ang kumuha ng gamit ni Haya Kaira, kung 'di dahil nasa silid namin ni Kharim Celia ang isang bagay na pagmamay-ari ni Prinsipe Arsh, ang bracelet na nakaukit ang kaniyang pangalan. Malaki ang posibilidad na makikita nila ito at baka kung ano ang isipin nila dahil nasa akin ang bracelet ni Prinsipe Arsh na 'di ko sinasadyang makuha noong nakabangga ko siya.

Posibleng nakita nila iyon sa paghahalungkat sa aming silid!

"Bakit tila takot na takot ka, Zariya?" Bumalik ang aking ulirat dahil sa pagpuna ni Haya Kaira.

Nawala ako sa wisyo kanina dahil sa bracelet ni Prinsipe Arsh na itinigo sa punda ng unan ko.

Sinubukan kong pakalmahin ang aking sarili pero kinain na talaga ako ng kaba. Hingin ko kaya 'yong susi at bumalik sa aming silid para makuha ko ang bracelet ni Prinsipe Arsh? Hindi nila maaaring malaman na nasa akin ang bracelet na iyon. Maaaring mapagbintangan pa ako at masisi sa mga walang katotohanan na paratang.

"Zariya," banggit ni Prinsipe Arsh sa pangalan ko. Wala ako sa wisyo na napatingin sa kaniya.

Nangangatog na ang tuhod ko sa sobrang kaba. Pakiramdam ko ay namumutla na rin ako. Pinasadahan ng tingin ni Prinsipe Arsh ang nanginginig kong kamay. Hindi pa rin ako kumikibo hanggang sa hinawakan na niya ang kamay ko. Ramdam kong kinulong nito ang kamay ko sa palad niya. Unti-unting nawala ang panginginig nito. Napakalma niya ang nanginginig kong kamay sa simpleng paghawak niya rito.

Napunta ang atens'yon nilang lahat sa magkahawak-kamay namin ni Prinsipe Arsh. Maging ako ay napatingin doon.

"Nawa'y mahanap mo agad kung sino man ang nanguha ng iyong mga alahas, Haya Kaira. Pero pasensya na dahil kailangan na naming magtungo ni Zariya sa aming pupuntahan. Mauuna na kami," pagpapa-alam ni prinsipe Arsh.

Hindi na hinintay ni Prinsipe Arsh ang sasabihin ni Haya Kaira. Agad na ako nitong hinila palayo habang 'di pa rin binibitawan ang aking kamay. Dahil sa ginawa niya, nakatakas ako sa tanong ni Haya Kaira. Muntikan na niya akong mahuli. Laking pasasalamat ko talaga kay Prinsipe Arsh. Pero hindi pa rin nawawala ang kaba ko. Idaan ko na lang sa dasal na sana 'di makita ng sino man ang bracelet ni Prinsipe Arsh na tinago ko sa punda ng unan ko.

Hinayaan ko si Prinsipe Arsh na hawak pa rin ang kamay ko habang kami ay naglalakad hanggang sa nalagpasan na namin ang hardin.

Kumunot ang noo ko at sinundan ng tingin ang hardin na puno ng mga bulaklak sa gitnang bahagi.

"Teka lang, Prinsipe Arsh... Nalagpasan na natin ang hardin." Hindi ako nito pinansin. "May pupuntahan ba talaga tayo? Paumanhin pero mas kailangan kong manguha ng mga bulaklak dahil kung hindi ko 'yon ginawa, malilintikan ako kay Kharim Celia."

Nilingon lang ako nito na wala pa ring emosyon ang kaniyang mukha. Hanggang kailan ba siyang ganiyan? Hindi ko tuloy malaman kung galit ba siya o ano.

Kailangan kong unahin ang utos ni Kharim Celia. Hindi ko maaaring suwayin iyon. Mahalagang bagay iyon na gagamitin sa kaarawan ng Mahal na Hari.

"May alam akong mas magandang pagkuhanan ng mga bulaklak. Doon tayo tutungo," an'ya.

Patuloy pa rin kami sa paglalakad.

Ibig bang sabihin, sasamahan niya ako?

"Oo, sasamahan kita."

Nanlaki ang mga mata ko dahil 'di ako makapaniwala. Nababasa niya ang nasa isip ko?

"Oo, nababasa ko nga," sagot nito ulit.

Napaawang ang bibig ko. Nababasa nga niya! Ginagamit niya ngayon ang kaniyang kapangyarihan. "Eh, ang daya mo naman! Bakit mo binabasa ang nasa isipan ko?"

Hindi na ako nito pinansin pa. Tuluyan na kaming lumabas ng palasyo. Hindi naman na kami kinuwestiyon ng mga kawal sa paglabas. Makita pa lang nilang paparating na si Prinsipe Arsh, bubuksan na nila agad ang malaking gate. Wala siyang kahirap-hirap na maglabas-pasok sa palasyo.

Nakailang hakbang pa lang kami matapos makalabas ay huminto ito bigla kaya napahinto rin ako. Nagtataka akong napatingin sa kaniya.

Bakit kami huminto? Dito ko ba makikita ang sinasabi niyang pagkukuhanan namin ng bulaklak? Pero wala naman akong makita nang libutin ko ang paligid.

"Matatagalan tayo kung lalakarin natin." Hindi man lang ako nito tiningnan. Diretso lang ang tingin nito sa daanan.

"Eh, paano tayo makakarating doon kung 'di tayo maglalakad?" tanong ko sa kaniya.

Alangan namang sumakay kami? Iginala ko ang aking paningin sa labas ng palasyo. Hindi pa naman uso sa panahong ito ang mga sasakyan tulad ng tricycle o kahit jeep man lang. Tanging kalesa lamang ang mayroon sila bilang transportasyon. So, paano kami makakarating sa lugar na tinutukoy niya na 'di naglalakad?

Binalik ko ang paningin ko sa kaniya at ang lakas ng pintig ng puso ko nang mahuli ko itong nakatingin na sa 'kin ngayon.

"Ako na ang bahala. Ang tanging gagawin mo lang ay 'wag bumitaw. Hawakan mo lang ang aking kamay... at sisiguraduhin kong ligtas ka."

Naramdaman ko ang paghigpit ng pagkakahawak ni Prinsipe Arsh sa kamay ko. Ramdam na ramdam ko ang malambot niyang palad. Paano ako makakabitaw mula sa pagkakahwak niya, eh, kulang na lang angkinin niya ang buong kamay ko.

Wala akong kaalam-alam sa gagawin nito. Basta nagtiwala na lamang ako sa kaniya. Hindi kami ganoon ka-close pero ramdam kong totoo ang mga sinabi niya. Ilang saglit lang ay unti-unting kaming nawala sa kinaroroonan namin. Tanging usok lang ang indikasyon na naiwan bago kami naglaho. Gaya ba ito ng teleportation na napapanood ko sa movies? Hindi ko in-expect na mararanasan ko ang ganitong kakaibang kakayahan!

Hindi ko alam kung paanong nangyari 'yon pero isa lang ang sigurado ko. Hindi ko kailangang matakot dahil alam kong ligtas ako kapag si Prinsipe Arsh ang kasama ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro