KABANATA 12
Wala namang nagawa si Prinsipe Nesh nang sabihin kong siya na ang maghatid sa 'kin. Nagmaktol pa ito dahil labag sa loob niya. Hinihintay niya siguro kung sino sa tatlo niyang kapatid ang pipiliin kong maghatid sa 'kin. Nag-e-enjoy pa talaga siyang manood habang namumuo ang tens'yon sa pagitan ng mga kapatid niya. Kung alam ko lang ang daan pabalik sa palasyo, 'di na ako mag-aatubiling bumalik mag-isa.
Hinigit ko na ang kamay ni Prinsipe Nesh at iniwan ang tatlong Prinsipe.
"Bakit ako ang pinili mo? Hindi naman ako nag-aya na ihatid ka pabalik," usisa ni Prinsipe Nesh habang sabay kaming naglalakad.
Naabutan na kami ng dilim. Tinatahak na namin ang daan pabalik sa palasyo at ang dalang gasera ni Prinsipe Nesh ang nagsilbi naming ilaw. Kinuha niya ito sa kuwadra ng mga kabayo.
"Bakit naman hindi ikaw?" pamimilosopo kong tanong pabalik sa kaniya.
Huminto ito sa paglalakad kaya nagtaka ako at napahinto rin. "Huwag mong sabihing may paghanga ka sa 'kin?"
Napataas ako ng kanang kilay. Seryoso ba siya sa tanong niya?!
"Akala ko ay kay Ravi ka lang may lihim na pagtingin?" dagdag pa nito.
"Gaya ni Prinsipe Dern ay makapal ka rin pala," bulong ko.
"May sinasabi ka?"
"Wala, ah! Saka wala akong paghanga sa 'yo o kahit na sino sa iyong mga kapatid," mariin kong wika.
Kung may paghanga man akong naramdaman kay Prinsipe Ravi, 'yon ay katiting lamang. Humahanga lang ako dahil sa angking kagwapuhan at busilak ng puso niya, 'yon lang at wala na. Hindi ako p'wedeng magkagusto sa kaniya dahil unang-una pa lang, bawal na. Isa pa, ikakasal na siya. Nakita ko rin kung gaano niya kamahal si Haya Kaira. Masaya ako para sa kanilang dalawa.
Matapos kaming makabalik ni Prinsipe Nesh sa palasyo, tumulong agad ako sa paghahanda ng hapunan. Hindi naman na ako tinanong pa ni Kharim Celia at Ysabelle tungkol sa pangangabayo namin nila Prinsipe Ravi at Prinsipe Nesh. Pagkatapos ng gawain sa kusina, agad na akong dumiretso sa aming silid ni Kharim Celia. Kumuha ako ng towel at damit pang-tulog at saka dumiretso sa lawa para maligo. Ang kati kasi ng katawan ko dahil sa ipo-ipo na nangyari kanina sa gitna ng kagubatan. Natuyuan din ako ng pawis kaya kailangan ko talagang maligo ulit.
Umapak na ako sa lawa at ramdam ko ang lamig ng tubig. Sanay naman na ako maligo na ganito kalamig. Nakasuot lamang ako ng manipis na sando dress na ginagamit kong panloob sa t'wing magsusuot ako ng hanbok. Malakas ang loob kong maligo sa ganitong kasuotan dahil gabi na at wala nang mga nagagawi rito sa hardin sa ganitong oras.
Hanggang baywang ko lang ang tubig sa lawa kaya kailangan ko pang umupo para mabasa ang buo kong katawan. Nang umahon na ako at akmang kukunin ang sabon na nakapatong sa malaking bato na naroon sa 'king tabi, may naulinigan akong kaluskos mula sa nakahilerang halaman at ilang puno sa gilid ng lawa. Nakaramdam ako ng takot dahil baka may kung anong hayop ang naroon. Pero mas naging alerto ako dahil posibleng isa rin itong tao.
"May tao ba r'yan?" paninigurado ko.
Gustuhin ko mang abutin ang gasera na nasa gilid din ng lawa ay mas pinili kong magtago na lang sa malaking bato. Baka kasi kung kunin ko 'yon ay biglang sumulpot sa harap ko ang ano o sino mang nagkaluskos.
Nakasilip lang ako ngayon sa likod ng malaking bato. May naaninag akong isang anino ng lalaki. Bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kaba. Hindi niya ako p'wedeng makita na ganito ang suot. Kapag umahon ako, hahapit sa katawan ko ang suot kong manipis na sando dress. Nakakailang kapag gano'n!
"Sino ka?" Malamig ang boses ng lalaki. Narinig niya yata ako kanina.
Nakatayo na siya ngayon sa gilid ng lawa kung saan ko rin nilagay ang damit at gasera kong dala. Hindi ko makita ang mukha niya dahil ang dala niyang gasera ay iginala niya sa paligid at mukhang hinahanap ako. Hanggang sa tumapat sa direks'yon ko ang ilaw. Nanliit ang mata ko dahil nakakasilaw.
"Zariya?" Banggit niya sa pangalan ko.
Dahan-dahan akong lumabas mula sa malaking bato pero nanatili akong nakaupo para tago ang katawan ko sa tubig at tanging ulo ko lang ang makikita niya.
Pamilyar ang boses nito pero 'di ko pa rin matukoy kung sino siya. Hindi pa rin niya inaalis gasera na nakatutok sa direks'yon ko.
"Bakit mag-isa ka lang?" seryoso niyang tanong sa 'kin.
Nagmala-singkit pa rin ang mata ko dahil nakakasilaw talaga at napansin niya yata 'yon kaya dali-dali niyang iniba ang p'westo ng gasera. Yumuko siya at akmang ilalapag ang gaserang hawak. Dahil do'n, nalaman ko na kung sino siya nang mailawan ang mukha niya.
Si Prinsipe Arsh. Anong ginagawa niya rito?
"Nahihiya ako magpasama kay Ysabelle kaya mag-isa ko lang ngayon." Ayoko naman siyang istorbohin para lang magpasama. "Isa pa, wala namang mga nagagawi rito sa gan'tong oras," pangagatwiran ko.
"Hindi mo ba alam na may mga kawal pa ring nag-iikot dito? Paano kung may biglang pumunta rito at makita ka sa ganiyang lagay?" Tila isang striktong Ama na nanenermon sa kaniyang Anak ang tono nito. Ngayon ko lang siya narinig na magsalita na lagpas isang sentence. Sanay akong napakatipid niyang magsalita at madalas ay 'di pa magsalita.
"P-Pero wala namang nagawing iba rito."
"Kung wala, anong tawag mo sa 'kin?" Kahit 'di ko siya nakikita ay alam kong nakunot ang noo nito ngayon.
Natahimik ako dahil may point siya. Siya nga ay nagawi rito ngayon at nakaramdam ako ng takot at pagka-ilang kanina. What more pa kaya kapag ibang tao na?
"Ano ba kasing ginagawa mo rito?" singhal ko sa kaniya.
"Balak kong maligo," direkta niyang sagot.
Hala, teka lang! Hindi pa ako tapos maligo. Huwag niyang sabihing sasabayan niya ako sa pagligo?
"Pero 'di ba, may sariling paliguan kayong mga Prinsipe?"
Bakit pa siya pupunta rito? Eh, may private room na nga sila kung sa'n sila maliligo at magpapalit.
"Ayoko ro'n, mas malamig ang tubig kumpara rito. Maligo ka na nang ako naman ang sumunod."
Naupo siya tuyong bato na nasa gilid ng lawa. Nasa tabi nito ang mga gamit ko. Hindi ba siya aalis? Maliligo ako habang nandito siya?
"Hindi ka aalis?" nahihiya kong tanong.
"Nandito na rin naman ako, babantayan na kita. 'Wag kang mag-alala dahil 'di kita bobosohan. Wala rin naman akong makikita." I heard him chuckled.
Napaawang ako ng bibig dahil sa huling sinabi niya. Itong lalaking 'to, may pagka-pasmado ang bibig!
Nakatalikod siya mula sa akin na nakaupo. I grab that as opportunity para magsabon at magbanlaw na. Habang naliligo, naalala ko na naman ang dalawang tao na nakita ko kanina sa kagubatan. Malakas ang hinala ko na si Prinsipe Arsh 'yong lalaki. Kung itanong ko kaya sa kaniya ngayon? Pero baka ano pa ang isipin niya at sabihing pinaghihinalaan ko siya kaya mas mabuting 'wag na lang. Binilisan ko na lamang maligo para matapos agad.
Sa pag-ahon ko, humapit sa katawan ko ang suot kong manipis na sando dress na above the knee lang dahil basang basa ako. Sinuklay ko ang buhok ko gamit ang aking kamay at marahang piniga ito habang papalapit sa kinaroroonan ni Prinsipe Arsh.
Ayokong makita niya akong gano'n pero nasa tabi kasi niya ang gamit ko kaya no choice ako. Nakatalikod naman siya kaya 'di ako nag-alinlangang abutin ang towel ko. Nang matapos ko ibalot ang towel sa katawan ko, kinuha ko na rin ang gasera at sinuot ang tsinelas ko.
"Mauna na ako Prinsipe Arsh," ani ko nang nasa harap na niya ako. Mukha akong lumpia dahil sa towel na nakabalot sa 'kin.
Wala naman siyang imik. Yumuko na ako at tuluyang tinalikuran siya.
Habang naglalakad pabalik sa aming silid, narealized ko na tama si Prinsipe Arsh. Dapat ay may kasama pa rin ako sa t'wing maliligo sa gabi. Lalo pa't 'di ko pa gano'n lubos kakilala ang mga taong narito sa palasyo. Mas okay na ang nag-iingat upang makasigurong walang mangyayaring masama sa akin at buhay pa akong mauwi sa modern world.
Nadatnan ko si Kharim Celia na mahimbing nang natutulog. Hinintay ko lang saglit na matuyo ang buhok ko bago matulog. Nakatulog din ako agad dahil sa sobrang pagod.
"Zariya, gising!" Napamulat ako ng mata nang may maramdamang may tumatapik sa balikat ko.
Bumungad sa harap ko ang mukha ni Ysabelle.
"B-Bakit?" Kinusot-kusot ko ang mata ko at bumaling sa bintana na nasa tapat ng mesa na nasa tabi ng kama ko. Tirik na ang araw ngayon. Sa pagkakatanda ko, day off ko ngayon kaya 'di ako ginising nang maaga ni Kharim Celia.
"Alam kong wala kang trabaho ngayon pero kasi... hinahanap ka ni Haya Kaira."
Kumunot ang noo ko at tiningnan siya na nagtataka. Haya Kaira? Ang fiancee ni Prinsipe Ravi, tama?
"Ako sana ang magsisilbi sa kaniya ngayon pero ikaw naman ang kaniyang hinahanap. Ikaw raw ang nais niyang magsilbi sa kaniya," dagdag nito na lalong nagpataka sa 'kin.
Kahit 'di pa ako nakakapaghilamos ay 'di na ako nahiya kay Ysabelle na magtanong pa ulit. "Bakit daw ako?"
"Maging ako ay nagtataka rin. Hindi ko nga rin alam kung paano ka niya nakilala dahil bago ka pa lang naman. At 'di ba, hindi ka nagpakita sa kaniya noong huling araw na bumisita siya rito?"
Tumango ako. Nasa kusina lang ako maghapon matapos akong iwan ni Prinsipe Arsh noon. Nakakapagtaka naman na kilala niya ako.
"Oh siya, 'wag na muna nating isipin 'yan. Sa ngayon, bumangon ka na r'yan at dumiretso ka na sa silid ni Haya Kaira."
Naligo na ako at nagpalit. Sa labas na lamang daw ako hintayin ni Ysabelle. Bago tuluyang lumabas, kumain muna ako ng mga tatlong tinapay na nakahain sa mesa namin ni Kharim Celia. Iniwan niya siguro ito para sa almusal ko. Nakikita ko tuloy si Mama sa kaniya. Lagi rin siyang nag-iiwan ng pagkain sa mesa sa t'wing wala akong pasok bago siya pumasok sa trabaho.
I missed my Mom.
"Saan ang silid niya?" tanong ko kay Ysabelle nang nasa tapat na kami ng malaking hagdan. Sa ikalawang palapag ng palasyo ang kwarto ng mga Prinsipe at sa ikatlong palapag naman ang kwarto ni Haring Valor.
"Nasa ikalawang palapag ang silid ni Haya Kaira. Tabi nito ang silid ni Prinsipe Ravi."
Akala ko ay iisa lang ang kwarto nilang dalawa. May sariling kwarto rin pala si Haya Kaira sa palasyo. Halatang alagang-alaga siya rito. Sabagay, kung nagkaton ay siya ang magiging Reyna kung sakaling si Prinsipe Ravi ang napili ni Haring Valor na papalit sa kaniyaang trono.
Umakyat na ako at tinungo ko ang silid na sinabi ni Ysabelle. May pitong pinto ang naroon at sa bawat pinto ay may nakaukit na pangalan ng bawat Prinsipe kaya 'di ako nahirapan na makita ang silid ni Prinsipe Ravi. Itong tabing silid ni Prinsipe Ravi na siyang silid ni Haya Kaira ngayon ay walang nakaukit na pangalan. May isa pang silid na wala ring pangalan at katabi naman no'n ay ang silid ni Prinsipe Arsh. So, parang may dalawang guestroom dito.
Kumatok ako ng tatlong beses bago nagbukas ang pinto. Tumambad sa 'kin ang napakagandang mukha ng isang babae. Maamong mukha, maputi, makinis, singkit, matangos na ilong at mapupulang labi. Expected ko nang maganda talaga si Haya Kaira pero may mas ikakaganda pa pala siya kapag malapitan. Kaya pala nagustuhan siya ng dalawang magkapatid.
"Pumasok ka," walang emos'yon niyang saad.
Pumasok naman ako at dahan-dahang isinara ang pinto.
"Linisin mo ang lahat ng kalat na narito," masungit niyang utos.
Physical appearance niya lang ang expected ko at 'di ko napaghandaan ang ugali niya. Bakas sa boses nito ang pagkasungit.
Tinaasan niya ako ng kilay nang nanatili pa rin akong nakatayo sa harap niya. Agad naman akong yumuko at tumalima sa kaniyang utos. "Masusunod, Haya Kaira."
Iginala ko ang paningin sa mga kalat na nasa sahig. Mga damit na mukhang gamit na, napakaraming papel na tila tinangay ng malakas na hangin at ilang unan na nahulog ang naroon. Dinaanan ba ng bagyo ang kwarto niya? Bakit ganito kagulo? Saka kailan pa siya narito?
Imbes na manita pa ako sa sobrang kalat, binilisan ko na lang ang pagliligpit.
"Hindi ka pa ba tapos d'yan? Napakakupad mong gumalaw," pasigaw niyang wika. Nasa terrace siya at kasalukuyang nakaupo.
Ang kupad ko raw? Eh, magtwe-twenty minutes pa lang kaya at hello? Sobrang kalat kaya ng kwarto niya! Tamad ako sa modern world at once a week lang ako maglinis ng kwarto ko pero 'di naman ganito kakalat. Samantalang siya, kagabi lang bumalik dito sa palasyo tapos gan'to na kadumi.
"Tapos na po, Haya Kaira." Ipinatong ko ang huling nahulog na unan sa kama nito.
Nanatili siyang nakatalikod sa 'kin at nakaupo sa terrace.
"Ngayon ay bigyan mo ako ng kapeng maiinom," an'ya.
Kaya naman binilisan ko na bumaba dahil baka masabihan na namang akong makupad. Agad akong nagtungo sa kusina. Wala roon si Kharim Celia at maging si Ysabelle. Nasaan kaya sila? Mas gugustuhin ko pang magsilbi sa limang Prinsipe dahil 'di mabigat ang trabaho at walang mas'yadong inuutos 'di gaya nitong si Haya Kaira. Napakasungit pa man din! May dalaw kaya siya ngayon?
Nagtimpla na ako ng kape niya. Tinikman ko muna ito para masigurong tama lang ang lasa ng pagkakatimpla ko. Ang galing ko talaga mag-tant'ya. Hindi ito mapait at hindi rin matamis, sakto lang!
Kumuha muna ako ng platito kung sa'n ko pinatong ang baso. Dahan-dahan akong nagtungo sa hagdan.
"Para kanino 'yan?" Napahinto ako nang may nagsalita mula sa likuran ko. Lumingon ako at nakita ko si Prinsipe Ravi na naghihintay ng sagot.
Yumuko muna ako sa kaniya bago siya sagutin. "Para ito kay Haya Kaira, Prinsipe Ravi."
"Si Haya Kaira ang nagpatimpla niyan? Sigurado ka ba?" nagtataka niyang tanong. "Kape talaga?"
Tumango ako bilang tugon. Siya lang naman ang tao sa silid niya kaya imposible namang hindi kaniya ito. Unless, ipapainom niya sa 'kin.
Iniwan ko si Prinsipe Ravi na nagtataka pa rin. Ano bang mayroon sa kape? Ba't parang 'di siya naniniwala na girlfriend niya ang nagpapatimpla nito?
Kumatok muna ako sa silid bago tuluyang pinihit ang pinto. Inilapag ko ang dala kong kape sa mesa na nasa terrace. Kinuha 'yon ni Haya Kaira at ininom. Ilang saglit lang ay binuga niya ang ininom niya na ikinagulat ko.
"Ano ba naman 'tong tinimpla mo! Napakapait! Hindi ka ba marunong magtimpla ng kape, ha? Ang simpleng utos na nga lang!" bulyaw niya sa 'kin.
Nabigla ako dahil sa lakas ng sigaw niya.
"Pero Haya Kaira, tama lang po ang pagkakatimpla ko r'yan," giit ko. Siniguro ko na balanse lang ang pait at tamis nito.
"Sasagot ka pa talaga? Sinabi ko na nga na mapait 'yan! Ayoko na n'yan, kuhanan mo ako ng bagong maiinom! Bigyan mo ako ng gatas."
Agad akong tumalima sa utos niya. Takot ko lang na bulyawan niya ako ulit. Kulang na lang ay umusok ang ilong niya.
Kumuha ako ng panibagong baso at sinalinan ito ng gatas. Hindi ko na ito kailangang timplahin dahil sariwang gatas ito mula sa baka na nakalagay sa bottle. Agad din akong umakyat sa silid ng dragon, este ni Haya Kaira.
"Ito na po," ani ko sabay lapag sa mesa.
Akmang iinumin niya na ang gatas nang may kumatok sa pinto. Napahinto si Haya Kaira at pinatong muli sa platito ang baso.
"Sino 'yan?" tanong niya.
"Ako 'to, mahal ko." Mahinahon ang tinig ng lalaking nasa labas ng pinto.
Si Prinsipe Ravi.
Tiningnan muna ako ni Haya Kaira. Kinuha niya ulit ang baso at wala sabing binuhos ito sa suot niya. Napatakip ako ng bibig dahil nabasa ang suot niya!
"Zariya!" Tila gulat na sigaw niya. "Tingnan mo ang iyong ginawa!"
Kumunot ang noo ko. Anong sinasabi niya?
Sabay kaming napatingin ni Haya Kaira sa bagong pasok na si Prinsipe Ravi.
"Anong nangyayari?"
Tumayo si Haya Kaira at lumapit kay Prinsipe Ravi. Ipinakita nito ang parte ng suot niyang nabasa ng gatas.
"Itong si Zariya, 'di sinasadyang matapunan ako ng gatas. Ayan tuloy, nabasa ako." Bakas sa tono nito na nagpapa-awa.
Anong trip niya? Alam naming dalawa na sinadya niyang ibuhos ang gatas sa damit niya.
Susumbat sana ako pero pinandilatan niya ako ng mata habang ang tingin ni Prinsipe Ravi ay nasa baso ng gatas na nakalagay sa mesa.
"Pero 'wag kang mag-alala, Zariya. Hindi naman ako galit sa 'yo. Magpapalit na lamang ako ng damit." Ang boses nitong mala-dragon kanina ay biglang naiba. Napakabait at lambing ng boses niya ngayon.
Sinasapian ba siya?
Nagkukunyari ba siyang mabait sa harap ni Prinsipe Ravi? Naramdaman ko ang pagkulo ng dugo ko sa kaniya.
Sa likod ng mala-anghel mong mukha ay may nakakubli pa lang mala-demonyo mong ugali!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro